ALTAR
Karaniwan na, isang mataas na kayarian o lugar kung saan naghahandog ng mga hain o nagsusunog ng insenso bilang pagsamba sa tunay na Diyos o sa ibang bathala. Ang salitang Hebreo na miz·beʹach (altar) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na za·vachʹ (magpatay; maghain) at sa gayon ay karaniwan nang tumutukoy sa isang lugar kung saan pinapatay o inihahain ang handog. (Gen 8:20; Deu 12:21; 16:2) Sa katulad na paraan, ang Griegong thy·si·a·steʹri·on (altar) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na thyʹo, na nangangahulugan ding “magpatay; maghain.” (Mat 22:4; Mar 14:12) Ang salitang Griego na bo·mosʹ ay tumutukoy sa altar ng isang huwad na diyos.—Gaw 17:23.
Ang unang pagbanggit sa isang altar ay noong pagkatapos ng Baha nang ‘si Noe ay magsimulang magtayo ng isang altar para kay Jehova’ at maghandog doon ng mga handog na sinusunog. (Gen 8:20) Bago ang Baha, ang tanging paghahandog na binanggit ay yaong ginawa nina Cain at Abel, at bagaman malamang na gumamit sila ng mga altar, hindi ito sinasabi sa ulat.—Gen 4:3, 4.
Nagtayo si Abraham ng isang altar sa Sikem (Gen 12:7), gayundin sa isang lugar sa pagitan ng Bethel at Ai (Gen 12:8; 13:3), sa Hebron (Gen 13:18), at lumilitaw na maging sa Bundok Moria, kung saan siya naghain ng isang barakong tupa na ibinigay sa kaniya ng Diyos bilang kahalili ni Isaac. (Gen 22:9-13) Tanging sa huling kasong ito espesipikong binanggit na naghandog si Abraham ng hain sa mga altar na iyon. Gayunman, ang saligang kahulugan ng salitang Hebreo ay nagpapahiwatig na malamang na may inihandog siya sa bawat kaso. Nang maglaon, si Isaac ay nagtayo ng isang altar sa Beer-sheba (Gen 26:23, 25), at si Jacob ay nagtayo ng mga altar sa Sikem at sa Bethel. (Gen 33:18, 20; 35:1, 3, 7) Ang mga altar na ito na ginawa ng mga patriyarka ay walang alinlangang katulad niyaong tinukoy ng Diyos nang maglaon sa tipang Kautusan, anupat maaaring mga bunton ng lupa o mga platapormang gawa sa di-tabas na mga bato.—Exo 20:24, 25.
Pagkatapos ng tagumpay ng Israel laban sa Amalek, nagtayo si Moises ng isang altar at pinanganlan niya itong Jehova-nisi (Si Jehova ang Aking Posteng Pananda). (Exo 17:15, 16) Noong ipakipagtipan ni Jehova ang tipang Kautusan sa Israel, isang altar ang itinayo ni Moises sa paanan ng Bundok Sinai at naghandog sila roon ng mga hain. Ang dugo ng mga hain ay iwinisik sa altar, sa aklat, at sa bayan, sa gayon ay binigyang-bisa ang tipan.—Exo 24:4-8; Heb 9:17-20.
Mga Altar ng Tabernakulo. Nang itayo ang tabernakulo, dalawang altar ang ginawa ayon sa parisang ibinigay ng Diyos. Ang altar ng handog na sinusunog (tinatawag ding “ang tansong altar” [Exo 39:39]) ay gawa sa kahoy ng akasya at parang hungkag na kahon, anupat lumilitaw na wala itong takip sa ibabaw at sa ilalim. Ito ay may sukat na 2.2 m (7.3 piye) kuwadrado at taas na 1.3 m (4.4 piye), at may “mga sungay” na nakausli mula sa apat na panulukan nito sa pinakaibabaw. Ang buong labas nito ay kinalupkupan ng tanso. Isang parilya, o kayariang tila lambat, na yari sa tanso ang inilagay sa bandang ibaba ng gilid ng altar “sa pinakaloob,” “sa bandang gitna.” Apat na argolya ang inilagay sa apat na sulok nito malapit sa parilya, at lumilitaw na sa mga argolya ring ito isinusuksok ang dalawang pingga na gawa sa kahoy ng akasya at kinalupkupan ng tanso bilang pambuhat ng altar. Maaaring nangangahulugan ito na binutasan ang dalawang tagiliran ng altar upang maipasok ang lapád na parilya, anupat ang mga argolya ay nakausli sa magkabilang tagiliran. Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar hinggil dito, at ipinapalagay ng marami na malamang na dalawang set ng mga argolya ang ginamit, anupat ang ikalawang set, na pinagsusuksukan ng mga pambuhat na pingga, ay nakakabit sa labas ng altar. May ginawa ring mga kagamitang tanso gaya ng mga lata at mga pala para sa mga abo, mga mangkok na sahuran ng dugo ng mga hayop, mga tinidor na pangkuha ng karne, at mga lalagyan ng apoy.—Exo 27:1-8; 38:1-7, 30; Bil 4:14.
Ang tansong altar na ito para sa mga handog na sinusunog ay inilagay sa harap ng pasukan ng tabernakulo. (Exo 40:6, 29) Bagaman mababa lamang ito at hindi nangangailangan ng tuntungan, maaaring tinaasan ang lupa sa palibot nito o may inilagay na rampa sa isang panig nito upang maging maalwan ang pag-aasikaso sa mga haing inilalagay sa loob nito. (Ihambing ang Lev 9:22, na nagsasabing “bumaba” si Aaron mula sa paghahandog.) Yamang ang hayop ay inihahain “sa panig ng altar sa dakong hilaga” (Lev 1:11), ang “dakong para sa abo ng taba” na inaalis mula sa altar ay nasa gawing S (Lev 1:16), at ang hugasan na yari sa tanso ay nasa dakong K (Exo 30:18), makatuwiran lamang na sa dakong T ilalagay ang gayong tuntungan.
Altar ng insenso. Ang altar ng insenso (tinatawag ding “ang altar na ginto” [Exo 39:38]) ay gawa rin sa kahoy ng akasya, at ang pinakaibabaw at mga tagiliran nito ay kinalupkupan ng ginto. Isang sinepang ginto ang nakapalibot sa pinakaibabaw nito. Ang altar ay may sukat na 44.5 sentimetro (17.5 pulgada) kuwadrado at taas na 89 na sentimetro (2.9 piye), at mayroon ding “mga sungay” na nakausli mula sa apat na panulukan nito sa pinakaibabaw. Iginawa ito ng dalawang argolyang ginto upang doon isuksok ang mga pambuhat na pingga na yari sa akasya na kinalupkupan ng ginto, at ang mga argolyang ito ay nasa ibaba ng sinepang ginto sa magkabilang tagiliran ng altar. (Exo 30:1-5; 37:25-28) Isang espesyal na insenso ang sinusunog sa altar na ito makalawang ulit bawat araw, sa umaga at sa gabi. (Exo 30:7-9, 34-38) Binanggit sa ibang mga talata ang paggamit ng insensaryo, o lalagyan ng apoy, para sa pagsusunog ng insenso, at maliwanag na ginamit din iyon may kaugnayan sa altar ng insenso. (Lev 16:12, 13; Heb 9:4; Apo 8:5; ihambing ang 2Cr 26:16, 19.) Ang altar ng insenso ay nasa loob ng tabernakulo sa harap mismo ng kurtina ng Kabanal-banalan, kung kaya tinutukoy ito bilang nasa “harap ng kaban ng patotoo.”—Exo 30:1, 6; 40:5, 26, 27.
Pagpapabanal at paggamit sa mga altar ng tabernakulo. Noong ganapin ang mga seremonya ng pagtatalaga, ang dalawang altar ay pinahiran at pinabanal. (Exo 40:9, 10) Nang panahong iyon, gaya rin noong sumunod na mga paghahain ng ilang partikular na handog ukol sa kasalanan, nilagyan ng dugo ng hayop na inihain ang mga sungay ng altar ng handog na sinusunog, at ang natira ay ibinuhos naman sa paanan ng altar. (Exo 29:12; Lev 8:15; 9:8, 9) Sa pagtatapos ng seremonya ng pagtatalaga, si Aaron at ang kaniyang mga anak at ang kanilang mga kasuutan ay winisikan ng langis na pamahid at ng dugo mula sa altar upang pabanalin sila. (Lev 8:30) Lahat-lahat, pitong araw ang kinailangan upang pabanalin ang altar ng handog na sinusunog. (Exo 29:37) Sa ibang mga handog na sinusunog, mga haing pansalu-salo, at mga handog ukol sa pagkakasala, ang dugo ay iwiniwisik sa palibot ng altar, samantalang ang dugo naman ng mga ibong inihahain ay iwiniwisik o pinatutulong mabuti sa tagiliran ng altar. (Lev 1:5-17; 3:2-5; 5:7-9; 7:2) Ang mga handog na mga butil ay pinauusok sa ibabaw ng altar bilang “nakagiginhawang amoy” para kay Jehova. (Lev 2:2-12) Ang mga natira sa handog na mga butil ay kinakain ng mataas na saserdote at ng kaniyang mga anak malapit sa altar. (Lev 10:12) Taun-taon sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang altar ay nililinis at pinababanal ng mataas na saserdote sa pamamagitan ng paglalagay ng dugo ng inihaing mga hayop sa mga sungay ng altar at sa pamamagitan ng pagwiwisik niyaon nang pitong ulit sa ibabaw ng altar.—Lev 16:18, 19.
Sa lahat ng haing hayop na inihahandog, may mga bahagi ng hayop na pinauusok sa ibabaw ng altar, kung kaya pinananatiling may apoy ang altar at hindi iyon kailanman hinahayaang mamatay. (Lev 6:9-13) Dito kinukuha ang apoy para sa pagsusunog ng insenso. (Bil 16:46) Tanging si Aaron at ang kaniyang mga inapo na walang mga kapintasan ang pinahihintulutang maglingkod sa altar. (Lev 21:21-23) Ang ibang mga Levita ay mga katulong lamang. Ang sinumang taong lalapit doon na hindi mula sa binhi ni Aaron ay papatayin. (Bil 16:40; 18:1-7) Pinuksa si Kora at ang kaniyang kapulungan dahil hindi nila kinilala ang gayong pag-aatas mula sa Diyos. Pagkatapos, ang mga tansong lalagyan ng apoy na kanilang dinala ay ginawang maninipis na laminang metal at ikinalupkop sa altar bilang isang tanda na hindi dapat lumapit dito ang sinumang hindi mula sa supling ni Aaron.—Bil 16:1-11, 16-18, 36-40.
Minsan sa isang taon, ang ginintuang altar ng insenso ay ipinagbabayad-sala rin sa pamamagitan ng paglalagay ng haing dugo sa mga sungay nito. Ganito rin ang ginagawa sa altar kapag naghahandog ng mga handog ukol sa kasalanan para sa mga saserdote.—Exo 30:10; Lev 4:7.
Ang altar ng insenso at ang altar ng mga handog na sinusunog ay tinatakpan kapag inililipat ng mga anak ni Kohat ang mga ito. Ang pantakip sa una ay asul na tela at balat ng poka at ang pantakip naman sa ikalawa ay telang lana na mamula-mulang purpura at balat ng poka.—Bil 4:11-14; tingnan ang TABERNAKULO.
Mga Altar ng Templo. Bago ang pag-aalay ng templo ni Solomon, ang altar na tanso na ginawa sa ilang ang ginamit ng Israel sa paghahandog ng mga hain sa mataas na dako sa Gibeon. (1Ha 3:4; 1Cr 16:39, 40; 21:29, 30; 2Cr 1:3-6) Ang altar na tanso na ginawa nang maglaon para sa templo ay 16 na ulit na mas malaki kaysa sa altar na ginawa para sa tabernakulo, anupat may sukat na mga 8.9 m (29.2 piye) kuwadrado at taas na mga 4.5 m (14.6 piye). (2Cr 4:1) Dahil sa taas nito, kinailangan ang isang tuntungan para rito. Ipinagbawal ng kautusan ng Diyos ang paggamit ng mga baytang patungo sa altar upang huwag malantad doon ang kahubaran ng isa. (Exo 20:26) Naniniwala ang ilan na dahil sa mga karsonsilyong lino na isinusuot ni Aaron at ng kaniyang mga anak, hindi na kinailangang sundin ang utos na ito at sa gayo’y maaari nang gumamit ng mga baytang. (Exo 28:42, 43) Gayunman, malamang na isang paakyat na rampa ang ginamit upang marating ang pinakaitaas ng altar ng handog na sinusunog. Binanggit ni Josephus (The Jewish War, V, 225 [v, 6]) na may ginamit na gayong tuntungan para sa altar ng templo na itinayo ni Herodes nang maglaon. Kung ang puwesto ng altar ng templo ay itinulad sa puwesto ng altar ng tabernakulo, malamang na ang rampa ay nasa T na panig ng altar. Kaya naman ang “binubong dagat,” kung saan naghuhugas ang mga saserdote, ay nasa kumbinyenteng lokasyon yamang nasa gawing timog din ito. (2Cr 4:2-5, 9, 10) Sa iba pang mga aspekto, lumilitaw na ang altar na itinayo para sa templo ay itinulad sa altar ng tabernakulo, at walang ibinigay na detalyadong paglalarawan nito.
Matatagpuan ang altar ng templo sa dakong pinagtayuan ni David ng kaniyang pansamantalang altar sa Bundok Moria. (2Sa 24:21, 25; 1Cr 21:26; 2Cr 8:12; 15:8) Ayon sa sali’t saling sabi, dito rin tinangkang ihandog ni Abraham si Isaac. (Gen 22:2) Ang dugo ng mga haing hayop ay ibinubuhos sa paanan ng altar, at malamang na may isang padaluyan doon kung saan umaagos ang dugo papalabas ng lugar ng templo. Sinasabi na ang templo ni Herodes ay may gayong padaluyan na nakakonekta sa TK sungay ng altar; at sa batong kinatatayuan ng lugar ng templo ay may natagpuang isang lagusan na patungo sa ilalim ng lupa at palabas sa Libis ng Kidron.
Ang altar ng insenso para sa templo ay gawa sa tablang sedro, ngunit waring iyon lamang ang kaibahan nito sa altar ng insenso ng tabernakulo. Kinalupkupan din ito ng ginto.—1Ha 6:20, 22; 7:48; 1Cr 28:18; 2Cr 4:19.
Nang pasinayaan ang templo, nanalangin si Solomon sa harapan ng altar ng handog na sinusunog, at sa pagtatapos niyaon ay bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok ang mga haing nasa altar. (2Cr 6:12, 13; 7:1-3) Bagaman ang altar na tansong ito ay may sukat na mahigit 79 na metro kuwadrado (850 piye kuwadrado), napakaliit nito para sa napakaraming hain na inihandog noon, kung kaya isang bahagi ng looban ang pinabanal para sa mga haing iyon.—1Ha 8:62-64.
Noong huling bahagi ng paghahari ni Solomon, at noong mga paghahari nina Rehoboam at Abiam, napabayaan ang altar ng mga handog na sinusunog anupat minabuti ni Haring Asa na ayusin ito. (2Cr 15:8) Kinapitan ng ketong si Haring Uzias dahil tinangka niyang magsunog ng insenso sa ibabaw ng ginintuang altar ng insenso. (2Cr 26:16-19) Inilipat naman ni Haring Ahaz sa isang tabi ang tansong altar ng handog na sinusunog at inilagay niya sa dating kinalalagyan nito ang isang paganong altar. (2Ha 16:14) Gayunman, ipinalinis at pinabanal ng kaniyang anak na si Hezekias ang altar na tanso at ang mga kagamitan nito at iniutos niya na muling gamitin ang mga ito.—2Cr 29:18-24, 27; tingnan ang TEMPLO.
Mga Altar Pagkaraan ng Pagkatapon. Sa ilalim ng pangangasiwa ni Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Jesua, ang unang bagay na itinayo sa Jerusalem ng nagsibalik na mga tapon ay ang altar para sa mga handog na sinusunog. (Ezr 3:2-6) Sa kalaunan, gumawa rin sila ng isang bagong altar ng insenso.
Tinangay ng Siryanong hari na si Antiochus Epiphanes ang ginintuang altar ng insenso, at pagkaraan ng dalawang taon (168 B.C.E.), nagtayo siya ng isang altar sa ibabaw ng malaking altar ni Jehova at naghandog siya roon ng isang hain para kay Zeus. (1 Macabeo 1:20-64) Nang maglaon, nagtayo si Judas Maccabaeus ng isang bagong altar na yari sa di-tabas na mga bato at muli rin niyang itinayo ang altar ng insenso.—1 Macabeo 4:44-49.
Ang altar ng mga handog na sinusunog na nasa templo ni Herodes ay gawa sa di-tabas na mga bato at, ayon kay Josephus (The Jewish War, V, 225 [v, 6]), ito ay 50 siko kuwadrado at 15 siko ang taas, bagaman ayon sa Judiong Mishnah (Middot 3:1) ay mas maliliit ang sukat nito. Kung gayon, ito ang altar na tinukoy ni Jesus noong kaniyang panahon. (Mat 5:23, 24; 23:18-20) Hindi inilarawan ang altar ng insenso ng templong iyon, ngunit ipinakikita sa Lucas 1:11 na isang anghel ang nakatayo sa gawing kanan niyaon nang magpakita ito sa ama ni Juan na si Zacarias.
Ang Altar ng Templo sa Pangitain ni Ezekiel. Sa templong nakita ni Ezekiel sa pangitain, ang altar para sa mga handog na sinusunog ay nasa harap din ng templo (Eze 40:47), ngunit iba ang disenyo nito sa naunang mga altar. Ang altar ay binubuo ng ilang seksiyong magkakapatong na papaliit habang tumataas. Ang mga sukat nito ay ayon sa mahabang siko (51.8 sentimetro; 20.4 pulgada). Ang paanan ng altar ay may kapal na isang siko at mayroon itong “labi” na isang dangkal ang taas (marahil ay 26 na sentimetro; 10 pulgada) na nagsisilbing panggilid sa palibot ng ibabaw nito, anupat iyon ay tila isang alulod o padaluyan, marahil ay panahod sa dugong ibinubuhos. (Eze 43:13, 14) Isa pang seksiyon ang nakapatong sa paanan ng altar, ngunit nakapasok ito nang isang siko mula sa gilid ng paanan, at may taas ito na dalawang siko (mga 104 na sentimetro; 41 pulgada). Ang ikatlong seksiyon ay nakapasok din nang isang siko mula sa gilid ng kinapapatungan nito at may taas na apat na siko (mga 207 sentimetro; 82 pulgada). Mayroon din itong nakapalibot na panggilid na may taas na kalahating siko (mga 26 na sentimetro; 10 pulgada), marahil ay nagsisilbing ikalawang padaluyan o isang pangharang. Ang huling seksiyon na nakapatong ay ang apuyan ng altar na apat na siko pa ang taas at nakapasok din ng isang siko mula sa gilid ng seksiyong kinapapatungan nito; apat na “sungay” ang nakausli mula sa apuyang ito. Isang hagdan sa S panig ang nagsilbing akyatan patungo sa apuyan ng altar. (Eze 43:14-17) Gaya sa altar na itinayo sa ilang, pitong araw ang gugugulin upang maipagbayad-sala at maitalaga ang altar na ito. (Eze 43:19-26) Isasagawa sa unang araw ng Nisan ang taunang pagbabayad-sala para sa altar at sa iba pang bahagi ng santuwaryo. (Eze 45:18, 19) Ang ilog ng tubig na nakapagpapagaling na nakita ni Ezekiel ay umaagos mula sa templo patungo sa silangan at dumaraan sa dakong T ng altar.—Eze 47:1.
Hindi tuwirang binabanggit sa pangitain ang altar ng insenso. Gayunman, ang paglalarawan sa “altar na kahoy” sa Ezekiel 41:22, partikular na ang pagtukoy rito bilang “ang mesa na nasa harap ni Jehova,” ay nagpapahiwatig na katumbas ito ng altar ng insenso at hindi ng mesa ng tinapay na pantanghal. (Ihambing ang Exo 30:6, 8; 40:5; Apo 8:3.) Ang altar na ito ay may taas na tatlong siko (mga 155 sentimetro; 61 pulgada) at maliwanag na may sukat na dalawang siko (mga 104 na sentimetro; 41 pulgada) kuwadrado.
Iba Pang mga Altar. Yamang ang populasyong nabuhay pagkaraan ng Baha ay hindi nagpatuloy sa pagsunod kay Noe sa dalisay na pagsamba, maraming altar ang ginawa noon ng mga tao para sa huwad na pagsamba, at ipinakikita ng mga paghuhukay sa Canaan, sa Mesopotamia, at sa iba pang mga lugar na nagkaroon ng gayong mga altar mula pa noong sinaunang mga panahon. Sa bigong pagsisikap ni Balaam na sumpain ang Israel, sunud-sunod niyang ipinatayo ang tigpipitong altar sa tatlong iba’t ibang lugar.—Bil 22:40, 41; 23:4, 14, 29, 30.
Inutusan ang mga Israelita na gibain ang lahat ng paganong altar at wasakin ang mga sagradong haligi at poste na karaniwang itinatayo sa tabi ng mga ito. (Exo 34:13; Deu 7:5, 6; 12:1-3) Hinding-hindi nila dapat kopyahin ang mga ito ni dapat man nilang paraanin sa apoy ang kanilang mga anak bilang handog gaya ng ginagawa ng mga Canaanita. (Deu 12:30, 31; 16:21) Sa halip na gumawa ng maraming altar, ang mga Israelita ay dapat magkaroon lamang ng iisang altar para sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos, at ilalagay ito sa dakong pipiliin ni Jehova. (Deu 12:2-6, 13, 14, 27; ihambing ito sa Babilonya, kung saan may 180 altar para lamang sa diyosang si Ishtar.) Noong una ay tinagubilinan silang gumawa ng isang altar na yari sa di-tabas na mga bato pagkatawid nila sa Ilog Jordan (Deu 27:4-8), at itinayo naman ito ni Josue sa Bundok Ebal. (Jos 8:30-32) Pagkatapos hati-hatiin ang nalupig na lupain, ang mga tribo nina Ruben at Gad at ang kalahati ng tribo ni Manases ay nagtayo ng isang malaking altar sa tabi ng Jordan, na pansamantalang lumigalig sa iba pang mga tribo hanggang noong matiyak nila na ang altar ay hindi isang tanda ng apostasya kundi isang pinakaalaala lamang ng katapatan kay Jehova bilang ang tunay na Diyos.—Jos 22:10-34.
May iba pang mga altar na itinayo, ngunit lumilitaw na itinayo ang mga iyon para sa partikular na mga okasyon at hindi para gamitin nang patuluyan. Karaniwan na, ang mga iyon ay itinatayo may kaugnayan sa mga pagpapakita ng mga anghel o dahil sa tagubilin ng anghel. Ganito ang kaso ng altar sa Bokim at ng mga altar nina Gideon at Manoa. (Huk 2:1-5; 6:24-32; 13:15-23) Noong pinag-iisipan ng mga taong-bayan kung paano mapipigilan ang pagkalipol ng tribo ni Benjamin, nagtayo sila ng altar sa Bethel. Hindi binabanggit ng ulat kung ito ay may pagsang-ayon ng Diyos o isang kaso lamang ng ‘paggawa nila ng kung ano ang tama sa kanilang sariling paningin.’ (Huk 21:4, 25) Bilang kinatawan ng Diyos, si Samuel ay naghandog ng hain sa Mizpa at nagtayo rin ng isang altar sa Rama. (1Sa 7:5, 9, 10, 17) Maaaring ito’y dahil wala nang katibayan ng presensiya ni Jehova sa tabernakulo sa Shilo matapos alisin doon ang Kaban.—1Sa 4:4, 11; 6:19-21; 7:1, 2; ihambing ang Aw 78:59-64.
Paggamit ng pansamantalang mga altar. May ilang pagkakataon na nagtayo ang mga tao ng pansamantalang mga altar. Halimbawa, si Saul ay naghandog ng hain sa Gilgal at nagtayo ng isang altar sa Aijalon. (1Sa 13:7-12; 14:33-35) Sa Gilgal, hinatulan siya dahil hindi niya hinintay na si Samuel ang maghain, ngunit hindi binanggit sa mga ulat kung angkop ang mga lokasyong iyon para sa paghahain.
Tinagubilinan ni David si Jonatan na sabihin kay Saul na wala si David sa mesa ng hari noong araw ng bagong buwan [new moon] dahil dumalo ito sa isang taunang pampamilyang paghahain sa Betlehem. Gayunman, yamang isa lamang itong panlilinlang, hindi masasabi nang tiyakan kung talagang nagkaroon ng gayong pagdiriwang. (1Sa 20:6, 28, 29) Noong naghahari na si David, nagtayo siya ng isang altar sa giikan ni Arauna (Ornan) sa utos ni Jehova. (2Sa 24:18-25; 1Cr 21:18-26; 22:1) Maliwanag na ang pananalita sa 1 Hari 9:25 may kinalaman sa ‘paghahandog ni Solomon ng mga hain sa altar’ ay nangangahulugang isinagawa iyon sa pamamagitan ng awtorisadong mga saserdote.—Ihambing ang 2Cr 8:12-15.
Nang maitayo na ang templo sa Jerusalem, lumilitaw na ang altar ay naroon na sa ‘dakong pinili ni Jehova na inyong Diyos kung saan kayo dapat pumaroon.’ (Deu 12:5) Maliban sa altar na ginamit ni Elias sa Bundok Carmel para sa pagsubok sa pamamagitan ng apoy laban sa mga saserdote ni Baal (1Ha 18:26-35), ang lahat ng iba pang altar na itinayo noon ay resulta ng apostasya. Si Solomon mismo ang unang nagkasala ng gayong pag-aapostata dahil sa impluwensiya ng kaniyang mga asawang banyaga. (1Ha 11:3-8) Sinikap ni Jeroboam, hari ng bagong-tatag na hilagang kaharian, na hadlangan ang kaniyang mga sakop sa pagpunta sa templo sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga altar sa Bethel at Dan. (1Ha 12:28-33) Nang magkagayon, isang propeta ang humula na sa paghahari ni Haring Josias ng Juda, ang mga saserdoteng nanunungkulan sa altar sa Bethel ay papatayin at mga buto ng mga taong patay ang susunugin sa altar. Nabaak ang altar bilang tanda na matutupad ang hula, at nang maglaon ay lubusang natupad iyon.—1Ha 13:1-5; 2Ha 23:15-20; ihambing ang Am 3:14.
Noong panahon ng pamamahala ni Haring Ahab sa Israel, dumami ang mga paganong altar. (1Ha 16:31-33) Noong panahon naman ni Haring Ahaz ng Juda, nagkaroon ng mga altar “sa bawat panulukan sa Jerusalem” at ng maraming “matataas na dako.” (2Cr 28:24, 25) Hinigitan pa ito ni Manases nang magtayo siya ng mga altar sa loob ng bahay ni Jehova at ng mga altar para sambahin ang “hukbo ng langit” sa looban mismo ng templo.—2Ha 21:3-5.
Bagaman sa pana-panahon ay ginigiba ng tapat na mga hari ang idolatrosong mga altar na ito (2Ha 11:18; 23:12, 20; 2Cr 14:3; 30:14; 31:1; 34:4-7), bago bumagsak ang Jerusalem ay nasabi pa rin ni Jeremias: “Ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga lunsod, O Juda; at naglagay kayo ng mga altar na kasindami ng mga lansangan sa Jerusalem para sa kahiya-hiyang bagay, mga altar na paghahandugan ng haing usok para kay Baal.”—Jer 11:13.
Noong panahon ng pagkatapon at noong kapanahunang apostoliko. Ayon sa Elephantine Papyri, noong panahon ng pagkatapon, ang mga Judiong lumikas patungo sa Elephantine sa Mataas na Ehipto ay nagtayo ng isang templo at isang altar; at pagkaraan ng ilang siglo, gayundin ang ginawa ng mga Judiong nakatira malapit sa Leontopolis. (Jewish Antiquities, XIII, 62-68 [iii, 1]; The Jewish War, VII, 420-432 [x, 2, 3]) Ang huling nabanggit na templo at altar ay itinayo ng saserdoteng si Onias sa pagtatangkang tuparin ang Isaias 19:19, 20.
Noong pasimula ng Karaniwang Panahon, nang magsalita ang apostol na si Pablo sa mga taga-Atenas, itinawag-pansin niya ang isang altar na doon ay nakasulat ang mga salitang “Sa Isang Di-kilalang Diyos.” (Gaw 17:23) May sapat na impormasyon sa kasaysayan na sumusuporta rito. Si Apolonio ng Tyana, na dumalaw sa Atenas mga ilang panahon pagkaraang dumalaw si Pablo, ay iniulat na nagsabi: “Isang napakalaking katunayan ng karunungan at katinuan ng pag-iisip na magsalita ng mabuti tungkol sa lahat ng mga diyos, lalo na sa Atenas, kung saan itinatayo ang mga altar bilang parangal maging sa mga di-kilalang diyos.” (Philostratus, The Life of Apollonius of Tyana, VI, III) Iniulat ng heograpong si Pausanias noong ikalawang siglo C.E. na sa daan mula sa daungan ng Phaleron Bay hanggang sa lunsod ng Atenas ay nakakita siya ng “mga altar ng mga diyos na tinatawag na Di-kilala, at ng mga bayani.” May binanggit din siyang “isang altar ng mga Di-kilalang Diyos” sa Olympia. (Description of Greece, Attica, I, 4; Elis I, XIV, 8) Noong 1909, isang altar na katulad nito ang natuklasan sa Pergamo sa bakuran ng templo ni Demeter.
Ang Isinasagisag ng mga Altar. Sa Hebreo kabanata 8 at 9, malinaw na ipinakikita ng apostol na si Pablo na ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa paglilingkod sa tabernakulo at sa templo ay makasagisag. (Heb 8:5; 9:23) Nililiwanag ng impormasyon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan kung ano ang isinasagisag ng dalawang altar. Ang altar ng mga handog na sinusunog ay kumakatawan sa “kalooban” ng Diyos, samakatuwid nga, sa pagnanais niya na tanggapin ang sakdal na hain ng kaniyang bugtong na Anak bilang tao. (Heb 10:5-10) Idiniriin ng lokasyon nito sa harap ng pasukan ng santuwaryo na kailangang manampalataya ang isa sa haing pantubos na iyon upang tanggapin siya ng Diyos. (Ju 3:16-18) Ang mahigpit na tagubilin na iisang altar na pinaghahainan ang gagamitin ay kasuwato naman ng sinabi ni Kristo: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Kaayon din ito ng maraming teksto na nagsasabing ang pagkakaisa ay dapat makita sa pananampalatayang Kristiyano.—Ju 14:6; Mat 7:13, 14; 1Co 1:10-13; Efe 4:3-6; pansinin din ang inihula ni Isaias sa Isa 56:7; 60:7, na ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay paroroon sa altar ng Diyos.
Bagaman may ilang indibiduwal na tumakas patungo sa altar, anupat tumangan sa mga sungay nito sa pag-asang magsisilbi itong proteksiyon sa kanila, itinakda ng kautusan ng Diyos na kung sinadya ng isa na paslangin ang kaniyang kapuwa, kukunin siya “kahit na mula sa aking altar upang mamatay.” (Exo 21:14; ihambing ang 1Ha 1:50-53; 2:28-34.) Umawit ang salmista: “Huhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala, at lalakad ako sa palibot ng iyong altar, O Jehova.”—Aw 26:6.
Bagaman ang Hebreo 13:10 ay ginagamit ng mga nag-aangking Kristiyano bilang saligan sa paggawa ng literal na mga altar, ipinakikita ng konteksto na ang “altar” na binanggit ni Pablo ay hindi literal kundi makasagisag. (Heb 13:10-16) May kinalaman sa unang mga Kristiyano, ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong (1882, Tomo I, p. 183) ay nagsabi: “Nang dustain ang sinaunang mga apolohista dahil sila’y walang mga templo, walang mga altar, walang mga dambana, ganito lamang ang isinagot nila, ‘Mga dambana at mga altar ay wala kami.’” Bilang komento sa Hebreo 13:10, ang Word Studies in the New Testament ni M. R. Vincent (1957, Tomo IV, p. 567) ay nagsabi: “Isang pagkakamali na hanapin sa kaayusang Kristiyano ang ilang espesipikong bagay na katumbas ng altar—ang krus man, o ang mesang eukaristiko, o si Kristo mismo. Sa halip, ang mga konsepto ng paglapit sa Diyos,—hain, pagbabayad-sala, pagpapaumanhin at pagtanggap, kaligtasan,—ay sama-samang isinasagisag ng altar at kinakatawanan nito sa pangkalahatan, kung paanong sa Judiong altar nagsanib-sanib ang lahat ng ideyang ito.” Mariing hinatulan ng mga propetang Hebreo ang pagpaparami ng mga altar. (Isa 17:7, 8) Sinabi ni Oseas na ang Efraim ay “nagparami ng mga altar upang magkasala” (Os 8:11; 10:1, 2, 8; 12:11); binanggit ni Jeremias na ang kasalanan ng Juda ay nakalilok “sa mga sungay ng kanilang mga altar” (Jer 17:1, 2); at inihula ni Ezekiel na ang mga huwad na mananamba ay papatayin “sa buong palibot ng kanilang mga altar” (Eze 6:4-6, 13).
Ang mga kapahayagan ng paghatol ng Diyos sa mga hula ay iniuugnay rin sa tunay na altar. (Isa 6:5-12; Eze 9:2; Am 9:1) Mula “sa ilalim ng altar,” ang mga kaluluwa niyaong mga pinatay dahil sa pagpapatotoo para sa Diyos ay makasagisag na sumisigaw: “Hanggang kailan, Soberanong Panginoon na banal at totoo, na magpipigil ka sa paghatol at sa paghihiganti para sa aming dugo sa mga tumatahan sa ibabaw ng lupa?”—Apo 6:9, 10; ihambing ang 8:5; 11:1; 16:7.
Sa Apocalipsis 8:3, 4, ang ginintuang altar ng insenso ay tuwirang iniuugnay sa mga panalangin ng matuwid. Kaugalian noon ng mga Judio na manalangin kapag “oras ng paghahandog ng insenso.” (Luc 1:9, 10; ihambing ang Aw 141:2.) Ang nag-iisang altar para sa paghahandog ng insenso ay katumbas din ng iisang paraan ng paglapit sa Diyos na isinasaad sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Ju 10:9; 14:6; 16:23; Efe 2:18-22; tingnan ang HANDOG, MGA.