Pagtatalastasan sa Loob ng Pamilya at sa Kongregasyon
“Ang inyong pananalita nawa’y maging laging magiliw, timplado ng asin.”—COLOSAS 4:6.
1. Ano ang sinabi ni Adan nang si Eva’y ipakilala ng Diyos sa kaniya?
“WALANG tao na isang isla . . . Bawat tao ay isang bahagi ng kontinente.” Ganiyan ang isinulat ng isang mapagmasid na taong edukado mga ilang siglo na ngayon ang lumipas. Sa pagsasabi niyan, siya’y nakikiisa lamang sa sinabi ng Maylikha tungkol kay Adan: “Hindi mabuti na ang lalaki ay patuloy na mag-isa.” Si Adan ay pinagkalooban ng kakayahang magsalita at mangusap, sapagkat kaniyang binigyan ng pangalan ang lahat ng hayop. Subalit si Adan ay walang kasamang ibang nilikhang tao na maaari niyang makausap. Hindi nga kataka-taka na nang ipakilala ng Diyos sa kaniya ang magandang si Eva bilang kaniyang asawa, siya’y bumulalas: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman”! Sa ganoon, sa pasimula pa lamang ng unang pamilya ng tao, nagsimula si Adan na makipagtalastasan sa isang kapuwa niya tao.—Genesis 2:18, 23.
2. Anong dalawang pinsala ang maaaring maging resulta ng di-kontroladong panonood ng telebisyon?
2 Ang pamilya ay isang mainam na dako para sa pakikipagtalastasan. Oo, ang mismong tagumpay ng buhay pampamilya ay depende rito. Subalit, ang pakikipagtalastasan ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap. Sa ngayon, isa sa pinakamalaking magnanakaw ng panahon ay ang telebisyon. Ito’y maaaring maging isang nakapipinsalang kagamitan ayon sa dalawang paraan man lamang. Sa isang panig, ito ay maaaring maging totoong kaakit-akit na anupa’t ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring maging sugapa na rito, na ang resulta’y ang hindi na pag-uusap. Sa kabilang banda naman, ang telebisyon ay maaaring magsilbing isang paraan ng pagtakas sa anumang mga di-pagkakaunawaan o nasaktang damdamin. Sa halip na mag-usap-usap upang malutas ang mga problema, ang ibang mga mag-asawa ay gugustuhin pa na huwag makipag-usap sa isa’t isa at manonood na lamang ng telebisyon. Kaya ang TV ay maaaring isang dahilan na humahadlang sa pag-uusap, na sinasabing ito ang pangunahing sumisira sa pagsasama ng mag-asawa. Ang mga taong nahihirapan na ilagay sa pangalawang dako ang panonood ng telebisyon ay makabubuting pag-isipan na tuluyang ihinto na ang panonood niyaon.—Mateo 5:29; 18:9.
3. Papaanong ang iba ay nakinabang sa pagbabawas ng panonood ng TV?
3 Sa katunayan, nakatanggap ng masisiglang pag-uulat na bumabanggit ng mga pagpapalang resulta nang ang panonood ng TV ay bawasan o tuluyang alisin. Isang pamilya ang sumulat: “Kami’y higit na nag-uusap-usap sa isa’t isa . . . , gumagawa ng higit na pagsasaliksik sa Bibliya . . . Kami’y magkakasamang naglalaro . . . Lahat ng pitak ng aming paglilingkod sa larangan ay sumulong.” Isa namang pamilya ang nagsabi pagkatapos na mawala na sa kanila ang kanilang TV: “Kami’y hindi lamang nakapagtitipid ng salapi [sila’y suskritor ng cable TV] kundi naging lalong malapít kami sa isa’t isa bilang isang pamilya at nasumpungan namin ang maraming ibang mahuhusay na mga bagay na paggugulan ng aming panahon. Kailanman ay hindi kami nababagot.”
Pagtitinginan, Pag-uusap, at Pakikinig
4. Papaano makapagpapakita ang mag-asawa ng pagpapahalaga sa isa’t isa?
4 May iba’t ibang anyo ng pakikipagtalastasan na makikita sa loob ng pamilya. Ang iba ay walang salita. Pagka dalawang tao ang basta nagtitinginan sa isa’t isa, ito ay isang anyo ng pakikipagtalastasan. Ang pagiging magkasama ay nagpapakilala na ang dalawa’y interesado sa isa’t isa. Ang mga mag-asawa ay hindi dapat magkalayo sa loob ng mahabang yugto ng panahon maliban sa kung may di-maiiwasang dahilan. Ang mag-asawa ay maaaring magpaligaya sa isa’t isa sa pamamagitan ng kasiyahan sa matalik na pagsasamahan nila bilang mag-asawa. Sa pamamagitan ng mapagmahal ngunit magalang na paraan ng pakikitungo nila sa isa’t isa, maging sa publiko man o sa pribado, sa pagpapakita ng nararapat na marangal na pananamit at pag-uugali, sila’y tahimik na makapagpapatalastas ng matinding pagpapahalaga sa isa’t isa. Ang pantas na si Haring Solomon ay nagpahayag nito sa mga pananalitang ito: “Pagpalain nawa ang iyong bukal, at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.”—Kawikaan 5:18.
5, 6. Bakit ang mga lalaki ay dapat palaisip tungkol sa kahalagahan ng pakikipagtalastasan sa kani-kanilang asawa?
5 Ang pakikipagtalastasan ay nangangailangan din ng pakikipag-usap, diyalogo—pakikipag-usap sa isa’t isa, hindi yaong pag-uusap na ang isa’y hindi interesado sa tugon ng kausap. Samantalang ang ibang mga babae ay mas magaling kaysa mga lalaki sa pagpapahayag ng kanilang damdamin, iyan ay hindi isang dahilan upang ang mga asawang lalaki ay manahimik na lamang. Dapat isipin ng mga asawang lalaking Kristiyano na ang kakulangan ng pakikipagtalastasan ay isang pangunahing suliranin ng maraming mag-asawa, kung kaya’t sila’y dapat magsumikap na panatiliing bukás ang mga linya ng pakikipagtalastasan. Oo, ito ay gagawin nila kung sila, kasama na ang kani-kanilang asawang babae, ay makikinig sa mainam na payo na ibinibigay ni apostol Pablo sa Efeso 5:25-33. Upang ang lalaki ay umibig sa kaniyang asawa na gaya ng kaniyang sariling katawan, siya’y kailangang palaisip sa ikapapanuto at ikaliligaya nito, hindi lamang ang kaniyang sariling kabutihan at kaligayahan ang iisipin. Upang makamtan iyan, kailangan ang pakikipagtalastasan.
6 Ang isang lalaki ay hindi dapat magsaloob na dapat magsapantaha o manghula ang kaniyang asawa na kaniyang pinahahalagahan ito. Ito’y kailangang bigyan ng kasiguruhan na siya’y minamahal. Maipakikita ito ng lalaki sa maraming paraan—sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagmamahal at ng sorpresang mga regalo, gayundin sa lubusang pagbibigay-alam sa kaniya ng tungkol sa mga bagay na maaaring makaapekto sa kaniya. Nariyan din ang hamon ng pagpapahayag ng pagpapahalaga sa mga pagsisikap ng asawang babae, maaaring ito’y sa kaniyang personal na paggayak, sa kaniyang pagpapagal alang-alang sa pamilya, o sa kaniyang buong-pusong pagsuporta sa espirituwal na mga gawain. Karagdagan pa, upang ang isang lalaki’y makasunod sa payo ni apostol Pedro sa 1 Pedro 3:7, na ‘makipamahay sa kaniyang asawa ayon sa kaalaman,’ siya’y kailangang magkaroon ng empatiya, na ipinakikita sa pamamagitan ng pakikipagtalastasan sa kaniya sa lahat ng bagay na nauukol sa kanilang dalawa, na iginagalang siya bilang ang marupok na sisidlan.—Kawikaan 31:28, 29.
7. Ang isang asawang babae ay may anong obligasyon na makipagtalastasan sa kaniyang asawa?
7 Gayundin, upang ang isang asawang babae ay makasunod sa payo tungkol sa pagpapasakop na tinutukoy sa Efeso 5:22-24, siya’y kailangang maging palaisip sa pagpapanatiling bukás sa mga linya ng pakikipagtalastasan sa kaniyang asawa. Kailangang pag-ukulan niya ito ng “taimtim na paggalang,” kapuwa sa kaniyang pagsasalita at sa kaniyang paggawi. Siya’y hindi dapat kumilos nang makasarili o na ipagwawalang-bahala ang mga kagustuhan nito. (Efeso 5:33) Sa tuwina kailangan ang kompedensiyal na pag-uusap nilang mag-asawa.—Ihambing ang Kawikaan 15:22.
8. Upang mapanatiling bukás ang linya ng pakikipagtalastasan, ano ang kailangang handang gawin ng mga asawang babae?
8 Isa pa, ang isang asawang babae ay dapat mag-ingat laban sa walang-imik na pagdurusa na isang pagpapakita ng pagkaawa sa sarili. Kung may di-pagkakaunawaan, alamin niya ang tamang panahon upang maiharap ang suliranin. Oo, matuto ng aral buhat kay Reyna Esther. Siya’y nagkaroon ng suliranin na nakataya ang buhay at kamatayan na kailangang itawag-pansin sa kaniyang asawa. Ang kaniyang pagkilos agad na taglay ang karunungan at pamamaraan ay nagdulot ng kaligtasan sa mga Judio. Tayo’y may obligasyon sa ating asawa at sa ating sarili na makipagtalastasan kung tayo ay nasaktan o sinasaktan. Ang pamamaraan at ang pagpapatawa na isinasaalang-alang ang ating kaugnayan sa Diyos ay makapagpapadali sa pakikipagtalastasan.—Esther 4:15–5:8.
9. Sa pakikipagtalastasan, ano ang papel na ginagampanan ng pakikinig?
9 Ang pag-uusap upang mapanatiling bukás ang linya ng pakikipagtalastasan ay nagpapahiwatig ng obligasyon ng bawat isa na makinig sa sasabihin ng kabilang panig—at sikaping maunawaan ang ipinahihiwatig. Kailangan diyan ang pakikinig sa nagsasalita. Hindi lamang kailangan na maunawaan ng isa ang ipinahahayag na kaisipan kundi kailangan ding bigyang-pansin ang tunay na damdamin na nasa likod ng sinasabi, ang paraan ng pagsasabi ng isang bagay. Malimit na ang isang asawang lalaki ay may pagkukulang sa bagay na ito. Ang mga asawang babae ay marahil may suliranin sapagkat ang mga asawang lalaki ay hindi nakikinig. At ang mga asawang babae naman ay kailangang makinig nang maingat upang kanilang maiwasan ang padalus-dalos na panghihinuha ng mga bagay-bagay. “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.”—Kawikaan 1:5.
Pakikipagtalastasan sa Pagitan ng mga Magulang at mga Anak
10. Upang magawa nang buong husay ang pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak, ano ang kailangang handang gawin ng mga magulang?
10 Nariyan din ang situwasyon na kung saan ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay nahihirapan na makipagtalastasan sa isa’t isa. Upang ‘sanayin ang isang bata sa daan na dapat niyang lakaran’ kailangan ang pagtatatag ng linya ng pakikipagtalastasan. Ang paggawa ng gayon ay tutulong upang matiyak na “kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Para sa mga magulang na may mga anak na nahihila ng sanlibutan ito kung minsan ay dahilan sa communication gap o kakulangan ng pakikipagtalastasan sa panahon ng pagdadalaga o pagbibinata ng kanilang mga anak. Ang obligasyon ng mga magulang na patuluyang makipagtalastasan sa kanilang mga anak ay itinatampok sa Deuteronomio 6:6, 7: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito ay sasaiyong puso; at ikikintal mo sa isipan ng iyong anak at sasalitain mo ang mga ito pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at pagka ikaw ay lumalakad sa lansangan at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” Oo, ang mga magulang ay kailangang gumugol ng panahon kasama ang kanilang mga anak! Sila’y kailangang handang magsakripisyo alang-alang sa kanilang mga anak.
11. Ano ang ilang mga bagay na dapat ipatalastas ng mga magulang sa kanilang mga anak?
11 Mga magulang, ipatalastas sa inyong mga anak na sila’y iniibig ni Jehova at kayo rin naman ay umiibig sa kanila. (Kawikaan 4:1-4) Hayaan ninyong makita nila na kayo’y handang isakripisyo ang mga kaginhawahan at mga kasayahan alang-alang sa kanilang mental, emosyonal, pisikal, at espirituwal na paglaki. Mahalaga sa bagay na ito ang empatiya, samakatuwid, ang kakayahan ng mga magulang na malasin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paningin ng kanilang mga anak. Sa pagpapakita ng walang imbot na pag-ibig, kayong mga magulang ay makapagtatayo ng isang matibay na buklod ng pakikipagkaisa sa inyong mga anak at sila’y mahihimok ninyo na ang kanilang mga suliranin ay sa inyo ipagtapat imbes na sa kanilang mga kasamahan.—Colosas 3:14.
12. Bakit ang mga kabataan ay dapat na malayang makipagtalastasan sa kanilang mga magulang?
12 Sa kabilang banda, kayong mga kabataan ay obligado na makipagtalastasan sa inyong mga magulang. Ang pagpapahalaga sa kanilang nagawa para sa inyo ay tutulong sa inyo na magkaroon ng kompiyansa sa kanila. Kailangan ninyo ang tulong at suporta nila at ito’y magiging madali para sa kanila kung kayo’y makikipagtalastasan sa kanila. Bakit ang inyong mga kaedad ang pagkukunan ninyo ng mahalagang payo? Ang mga kasamahan ninyong ito ay malamang na walang gaanong nagawa para sa inyo kung ihahambing sa inyong mga magulang. Ang kanilang karanasan sa buhay ay katulad lamang ng sa inyo, at kung sila’y hindi bahagi ng kongregasyon, sila ay hindi talagang interesado sa inyong walang-hanggang kapakanan.
Pakikipagtalastasan sa Loob ng Kongregasyon
13, 14. Anong mga simulain sa Bibliya ang nagpapayo ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga Kristiyano?
13 Ang isa pang hamon ay ang pagpapanatiling bukás ng mga linya ng pakikipagtalastasan sa inyong mga kapatid sa kongregasyon. Tayo’y mariing pinapayuhan na huwag pabayaan ‘ang ating pagtitipong sama-sama.’ Para ba sa anong layunin nagtitipun-tipon tayo? “Upang mag-udyukan sa pag-iibigan at mabubuting gawa.” Ito’y nangangailangan ng pakikipagtalastasan. (Hebreo 10:24, 25) Kung sakaling ikaw at ang sinuman ay nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, iyan ay hindi dahilan kailanman upang huwag dumalo sa mga pulong. Ang mga linya ng pakikipagtalastasan ay panatiliing bukás sa pamamagitan ng pagsunod sa simulain ng payo na ibinigay sa atin ni Jesus na nasusulat sa Mateo 18:15-17. Kausapin mo ang isa na inaakala mong sanhi ng iyong pagkabalisa.
14 Kung ikaw at isa sa iyong mga kapatid ay may di-pagkakaunawaan, sundin ang payo ng Kasulatan na nasa Colosas 3:13: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kaninuman. Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo.” Iyan ay nagpapahiwatig ng pakikipagtalastasan imbes na tumangging makipag-usap sa kaninuman. At sakaling mapansin mo na may sinuman na tila malamig ang kalooban sa iyo, sundin ang payo na nasa Mateo 5:23, 24. Makipag-usap ka, at sikapin na makipagpayapaan sa iyong kapatid. Ito’y nangangailangan ng pag-ibig at pagpapakumbaba sa ganang iyo, ngunit ikaw ay obligado sa iyong sarili at sa iyong kapatid na sundin ang payo ni Jesus.
Payo at Pampatibay-Loob
15. Bakit ang mga Kristiyano ay dapat magpayo pagka sila’y nasa kalagayan na gawin iyon?
15 Ang obligasyon na makipagtalastasan ay kasangkot din sa pagsunod na ipinayo ni Pablo sa Galacia 6:1: “Mga kapatid, kahit na nagkasala ang isang tao bago niya namalayan iyon, kayong may espirituwal na mga kuwalipikasyon sikapin ninyong muling maituwid nang may kahinahunan ang gayong tao, samantalang minamataan din naman ninyo ang inyong sarili, baka kayo man ay matukso rin.” Kung sakaling itawag-pansin sa atin ninuman ang isang pagkakamali sa ating pananalita o paggawi ang pagpapakumbaba ang mag-uudyok sa atin na tanggapin iyon. Sa katunayan, lahat tayo ay dapat magkaroon ng saloobin na gaya ng sa salmistang si David nang siya’y sumulat: “Kung sugatan man ako ng matuwid, iyon ay magiging kagandahang-loob pa nga; at kung sawayin niya ako, iyon ay magiging parang langis sa ulo na hindi tatanggihan ng aking ulo.” (Awit 141:5) Ang matatanda lalo na ang dapat na maging litaw na mga halimbawa ng pagpapakumbaba, na hindi iginigiit ang isang personal na pangmalas kundi handa na magbago, na isinasaisip na ‘ang mga sugat na buhat sa isang mapagmahal na kaibigan ay tapat.’—Kawikaan 27:6.
16. Anong uri ng pakikipagtalastasan ang dapat na tanggapin ng may kabataang mga tagapagpahayag?
16 Landas ng karunungan at pagpapakumbaba na ang mga kabataan ay humingi ng payo at ng patnubay sa may-gulang na mga Kristiyano, na malamang na may maibibigay na kapaki-pakinabang sa kanila. Maging mga elder man ay makikinabang sa ganitong paraan. Halimbawa, isang elder ang nagsabi sa isang nagpahayag na ang mga pagpapalang binanggit sa Apocalipsis 7:16, 17, tungkol sa hindi na pagdaranas ng gutom at uhaw, ay mga bagay na maaasahan ng mga ibang tupa sa bagong sanlibutan. Gayunman, binanggit na ang tekstong ito ay kumakapit lalung-lalo na sa kasalukuyang panahon. (Tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, pahina 126-8.) Naisip ng isang elder na isa sa mga tagapakinig na dapat niyang banggitin sa nagpahayag ang bagay na iyon, ngunit bago siya nagkaroon ng pagkakataon na gawin iyon, ang tagapagpahayag mismo ang tumelepono at humingi ng mungkahi sa higit pang pagpapahusay sa kaniyang pahayag. Oo, gawin nating madali ang mga bagay-bagay para doon sa nagnanais tumulong sa atin sa pamamagitan ng pagpapatalastas ng ating paghahangad ng payo. Huwag tayong maging maramdamin o masyadong sensitibo.
17. Papaanong ang pakikipagtalastasan ay nagsisilbing tagapagpatibay sa ating mga kapatid?
17 Si Haring Solomon ay nagsalita ng isang simulain na mainam na maikakapit sa ating tinatalakay. Sinabi niya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, pagka kaya mong gawin ito.” (Kawikaan 3:27) Utang natin sa ating mga kapatid na sila’y ibigin. Sinabi ni Pablo: “Huwag kayong magkautang ng ano pa man sa kaninuman, maliban na sa mag-ibigan kayo; sapagkat ang umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na ng kautusan.” (Roma 13:8) Kaya maging bukás-palad kayo sa inyong mga salitang pampatibay-loob. Isa bang kabataang ministeryal na lingkod ang nagbibigay ng kaniyang unang pahayag pangmadla? Papurihan ninyo siya. Ang isa bang sister ay puspusang nagsumikap o gumanap nang buong husay sa pagtatanghal ng kaniyang bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Sabihin mo sa kaniya na nasiyahan ka sa kaniyang pagtatanghal. Sa pangkalahatan, ang ating mga kapatid ay nagsusumikap na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila at sila’y mapatitibay-loob ng isang maibiging pagpapahayag ng pagpapahalaga.
18. Pagka ang isa’y nakikitaan ng labis na pagtitiwala sa sarili, isang kabaitan na gawin ang ano?
18 Sa kabaligtaran nito, baka malaki ang kakayahan ng isang kabataang tagapagpahayag, subalit dahilan sa pagiging nasa kabataan pa nga, baka kakikitaan siya ng higit na pagtitiwala sa sarili kaysa nararapat sa pagkakataong iyon. Anong uri ng pakikipagtalastasan ang nararapat dito? Hindi ba isang kabaitan kung isang may-gulang na elder ang magbigay sa kaniya ng komendasyon para sa maiinam na punto sa kaniyang presentasyon ngunit, kasabay nito, malumanay na magmungkahi ng mga paraan na sa tulong niyaon ay kaniyang mapasusulong sa hinaharap ang pagpapakumbaba? Ang ganiyang pakikipagtalastasan ay magpapakita ng pag-ibig-kapatid at matutulungan ang mga nakababata na iwaksi ang masasamang saloobin sa simula pa lamang, bago magkaugat nang malalim.
19. Bakit ang matatanda at ang mga ulo ng pamilya ay dapat na marunong makipagtalastasan?
19 Ang matatanda ay nakikipagtalastasan sa isa’t isa at sa kongregasyon tungkol sa mga bagay na kapaki-pakinabang—mangyari pa, iiwasan nila ang pagsisiwalat ng mga bagay na kompedensiyal, tulad niyaong may kaugnayan sa mga suliranin na dumaraan sa paglilitis. Gayunman, ang pagiging labis na malihim ay nagbubunga ng pagkawala ng tiwala at panghihina ng loob at makapipinsala sa masiglang kapaligiran sa isang kongregasyon—o sa isang pamilya. Halimbawa, lahat ay natutuwa na makarinig ng isang pag-uulat na nagpapatibay. Gaya ni apostol Pablo na sabik makapaghatid ng espirituwal na mga kaloob, ang matatanda rin naman ay dapat na nasasabik maghatid sa iba ng nagpapatibay na impormasyon.—Kawikaan 15:30; 25:25; Roma 1:11, 12.
20. Anong larangan ng pakikipagtalastasan ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Oo, ang pakikipagtalastasan ay mahalaga kapuwa sa kongregasyong Kristiyano at sa pamilyang Kristiyano. Bukod dito, ito ay hindi maaaring alisin sa isa pang larangan. Saan? Sa ministeryong Kristiyano. Sa susunod na artikulo, ating isasaalang-alang ang mga paraan upang mapasulong ang ating mga katangiang makipagtalastasan sa napakahalagang gawaing ito.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano mapagtatagumpayan ang isang malimit na hadlang sa pakikipagtalastasan ng pamilya?
◻ Papaano mapagtatagumpayan ng mga mag-asawa ang hamon ng pakikipagtalastasan?
◻ Papaanong ang mga magulang at mga anak ay makaiiwas sa generation gap?
◻ Papaanong ang pakikipagtalastasan sa mga kongregasyon at sa mga pami-pamilya ay makapagpapatibay?
[Larawan sa pahina 23]
Ang mabuting pakikipagtalastasan ay nagpapaunlad ng kapakanan at kaligayahan ng pamilya