Aklat ng Bibliya Bilang 14—2 Cronica
Manunulat: Si Ezra
Saan Isinulat: Sa Jerusalem (?)
Natapos Isulat: c. 460 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1037-537 B.C.E.
1. Kailan natapos ni Ezra ang Mga Cronica, at sa anong layunin?
YAMANG sa pasimula ang Una at Ikalawang Cronica ay malamang na iisang aklat, kumakapit sa dalawa ang mga pangangatuwirang iniharap sa nakaraang kabanata hinggil sa kapaligiran, manunulat, panahon ng pagsulat, pagiging-kanonikal, at pagiging-totoo ng mga aklat. Ayon dito, natapos ni Ezra ang Ikalawang Cronica noong mga 460 B.C.E., malamang na sa Jerusalem. Layunin ni Ezra na ingatan ang mga ulat ng kasaysayan na nanganganib mawala. Ang banal na espiritu, sampu ng kakayahang pumili at magsuri ng detalye, ay tumulong kay Ezra sa paggawa ng wasto at permanenteng ulat. Iningatan niya ang sa palagay niya’y makasaysayang katotohanan. Napapanahon ang gawain ni Ezra, sapagkat noo’y tinitipon na ang buong kalipunan ng banal na mga kasulatang Hebreo na napasulat sa paglipas ng mga dantaon.
2. Bakit hindi dapat mag-alinlangan sa kawastuan ng Mga Cronica?
2 Noong panahon ni Ezra nakinabang nang malaki ang mga Judio sa kinasihang salaysay niya. Isinulat ito upang sila’y matuto at makapagtiis. Mula sa pag-aliw ng Kasulatan ay magtatamo sila ng pag-asa. Ang Mga Cronica ay tinanggap nila bilang bahagi ng kanon ng Bibliya. Ito’y mapagkakatiwalaan. Maihahambing nila ito sa ibang kinasihang kasulatan at sa mga sekular na kasaysayan na binanggit ni Ezra. At bagaman naglaho ang di-kinasihang sekular na mga kasaysayan, maingat nilang napanatili ang Mga Cronica. Inilakip ito ng mga tagapagsalin ng Septuagint sa Bibliyang Hebreo.
3. Papaano ipinahihiwatig ng ibang kasulatan na ang Mga Cronica ay totoo?
3 Tinanggap ito ni Jesu-Kristo at ng mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego bilang totoo at kinasihan. Tiyak na nasa isip ni Jesus ang mga pangyayaring nakaulat sa 2 Cronica 24:21 nang tinutuligsa ang Jerusalem bilang taga-patay at taga-bato ng mga propeta at lingkod ni Jehova. (Mat. 23:35; 5:12; 2 Cron. 36:16) Nang tukuyin ni Santiago si Abraham bilang “kaibigan ni Jehova,” marahil ay nasa isip niya ang mga salita ni Ezra sa 2 Cronica 20:7. (Sant. 2:23) Nasa aklat din ang mga hula na natupad nang walang mintis.—2 Cron. 20:17, 24; 21:14-19; 34:23-28; 36:17-20.
4. Anong mga tuklas sa arkeolohiya ang nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Ikalawang Cronica?
4 Umaalalay din ang arkeolohiya sa pagiging-tunay ng Ikalawang Cronica. Sa pagdudukal sa dako ng sinaunang Babilonya ay natuklasan ang mga sulatang putik mula sa panahon ni Nabukodonosor, at ang isa ay bumabanggit kay “Yaukin, hari ng lupain ng Yahud,” o “si Joachin, hari ng lupain ng Juda.”a Angkop-na-angkop ito sa ulat ng Bibliya sa pagkakabihag kay Joachin sa Babilonya noong ikapitong taon ng paghahari ni Nabukodonosor.
5. Anong yugto ng panahon ang sinasaklaw ng Ikalawang Cronica, at bakit itinatampok ang kasaysayan ng Juda sa halip niyaong sa sampung-tribong kaharian?
5 Tinatalunton ng Ikalawang Cronica ang mga kaganapan sa Juda mula sa paghahari ni Solomon, noong 1037 B.C.E., hanggang sa ipag-utos ni Ciro na itayong muli ang bahay ni Jehova sa Jerusalem noong 537 B.C.E. Sa 500-taóng ito ng kasaysayan, ang sampung tribong kaharian ay tinutukoy lamang kapag ito ay kaugnay ng kasaysayan ng Juda, at ang pagkawasak ng kaharian sa hilaga noong 740 B.C.E. ay hindi man lamang binabanggit. Bakit? Sapagkat ang saserdoteng si Ezra ay interesado lamang sa pagsamba kay Jehova sa wastong dako, ang bahay Niya sa Jerusalem, at sa kaharian sa hanay ni David na nakipagtipan kay Jehova. Kaya, itinutuon ni Ezra ang pansin sa kaharian sa timog bilang pagdiriin sa tunay na pagsamba at bilang paghihintay sa pinunong manggagaling sa Juda.—Gen. 49:10.
6. Papaano nagpapatibay at nagpapasigla ang Ikalawang Cronica?
6 Nakapagpapatibay ang pangmalas ni Ezra. Sa 36 na kabanata ng Ikalawang Cronica, ang unang 9 ay iniuukol sa paghahari ni Solomon, at 6 dito ay lubos na tumatalakay sa paghahanda at pag-aalay ng bahay ni Jehova. Hindi binabanggit ang pagtalikod ni Solomon. Sa nalalabing 27 kabanata, 14 ang tumatalakay sa limang hari na sumunod sa halimbawa ng bukod-tanging pagsamba ni David kay Jehova: sina Asa, Josaphat, Jotham, Ezekias, at Josias. Maging sa ibang 13 kabanata, maingat na itinatampok ni Ezra ang mabubuting katangian ng masasamang hari. Lagi niyang idinidiin ang pagsasauli at pag-iingat ng tunay na pagsamba. Talagang nakapagpapasigla!
NILALAMAN NG IKALAWANG CRONICA
7. Papaano ginawa ni Jehova si Solomon na “lubhang dakila”?
7 Ang kaluwalhatian ng paghahari ni Solomon (1:1–9:31). Sa pagbubukas ng aklat ay naging makapangyarihan ang paghahari ni Solomon na anak ni David. Si Jehova ay suma-kaniya at “pinadakila siyang lubha.” Nang si Solomon ay naghahandog sa Gabaon, nagpakita si Jehova sa kaniya isang gabi, at nagsabi: “Humingi ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?” Humingi si Solomon ng kaalaman at karunungan upang wasto niyang mapagharian ang bayan. Dahil sa walang-imbot na kahilingang ito, nangako ang Diyos kay Solomon hindi lamang ng karunungan at kaalaman kundi pati na ng kayamanan at mga ari-arian at karangalan “na hindi pa nakamit ng sinomang hari na nauna sa iyo, ni magkakaroon man pagkatapos mo.” Napakalaki ng kayamanang umagos sa lungsod kaya hindi nagtagal at “ang pilak at ginto sa Jerusalem ay naging parang bato na lamang.”—1:1, 7,12, 15.
8. Papaano nagpatuloy ang gawain sa templo, at ano ang ilang detalye ng pagtatayo nito?
8 Kumuha si Solomon ng mga manggagawa, at tumulong si Haring Hiram ng Tiro nang ito ay magpadala ng mga troso at ng bihasang obrero. Nagsimula ang pagtatayo “sa ikaapat na taon ng paghahari [ni Solomon],” at natapos ito makalipas ang pito at kalahating taon, noong 1027 B.C.E. (3:2) Sa harapan ng templo ay may isang malaking portiko na may taas na 120 siko (53.4 m). Dalawang malalaking haliging tanso ang nasa harapan ng portiko, ang isa’y pinangalanang Jachin, o “Itatag Nawa [ni Jehova],” at ang isa’y Boaz, na ang ibig sabihin marahil ay “Sa Kalakasan”. (3:17) Ang bahay mismo ay di-gaanong kalakihan, 60 siko (26.7 m) ang haba, 30 siko (13.4 m) ang taas, at 20 siko (8.9 m) ang lapad, subalit ang mga dingding at kisame ay nababalutan ng ginto; ang pinakaloob na silid, ang Kabanal-banalan, ay maluhong napapalamutian ng ginto. May dalawang gintong kerubin sa magkabila ng silid na ang mga pakpak ay umaabot at nagsasalubong sa gitna.
9. Ilarawan ang mga kagayakan at kasangkapan sa looban at sa templo.
9 Sa looban ay may isang malaking dambanang tanso na 20 siko (9 m) parisukat at 10 siko (4.5 m) ang taas. Isa pang kapansin-pansin sa looban ay ang dagat-dagatan na nakapatong sa likod ng 12 tansong torong nakaharap na papalabas, tatlo sa bawat direksiyon. Ang dagat-dagatan ay naglalaman ng “tatlong libong bath” [66,000 L] ng tubig, na ginagamit ng mga saserdote sa paghuhugas. (4:5) Nasa looban din ang sampung maliliit na tansong sisidlan na nakapatong sa mga pinalamutiang tansong karo, at dito binabanlawan ang mga kagamitan na kaugnay ng mga handog na susunugin. Sinasalinan ito mula sa dagat-dagatan at pinagugulong kung saan kailangan. Bukod dito, may sampung gintong ilawan at iba pang kasangkapan sa pagsamba sa templo, ang iba’y yari sa ginto at ang ila’y tanso.b
10. Ano ang nangyari nang ang Kaban ay ipasok sa Kabanal-banalan?
10 Sa wakas, pagkaraan ng pito at kalahating taon, ang bahay ni Jehova ay natapos. (1 Hari 6:1, 38) Sa araw ng pasinaya ang simbolo ng pagkanaroroon ni Jehova ay ipapasok sa pinakaloob na silid ng napakagandang gusaling ito. Ipinasok ng mga saserdote “ang kaban ng tipan ni Jehova sa pinakaloob na silid ng bahay, ang Kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.” Ano ang nangyari? Habang ang mga manunugtog at mang-aawit na Levita ay pumupuri at nagpapasalamat kay Jehova sa nagkakaisang awit, ang bahay ay napuno ng ulap, at ang mga saserdote ay hindi makapangasiwa sapagkat ang bahay ng tunay na Diyos ay napuno “ng kaluwalhatian ni Jehova.” (2 Cron. 5:7, 13, 14) Gayon ipinamalas ni Jehova ang pagsang-ayon at pagkanaroroon niya sa templo.
11. Anong panalangin ang inihandog ni Solomon, at ano ang hiniling niya?
11 Isang tansong entablado na may taas na tatlong siko (1.3 m) ang itinayo at inilagay sa looban malapit sa malaking dambanang tanso. Dito ay matatanaw si Solomon ng malaking pulutong na nagtipon sa pag-aalay ng templo. Pagkatapos ng makahimalang pagtatanghal ng pagkanaroroon ni Jehova na isinagisag ng ulap ng kaluwalhatian, si Solomon ay lumuhod sa harap ng madla at naghandog ng makabagbag-damdaming panalangin ng pasalamat at papuri, kalakip ang sunud-sunod na mapagpakumbabang kahilingan ukol sa pagpapatawad at pagpapala. Bilang pagwawakas, ay nagsumamo siya: “Ngayon, O Diyos ko, pakisuyong imulat ang iyong mga mata at buksan ang iyong pakinig sa dalangin na patungkol sa dakong ito. O Diyos na Jehova, huwag mong pihitin ang mukha ng iyong pinahiran. O alalahanin mo nawa ang kagandahang-loob kay David na iyong lingkod.”—6:40, 42.
12. Papaano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Solomon, at papaano masayang nagwakas ang 15-araw na pagdiriwang?
12 Dininig ba ni Jehova ang dalangin ni Solomon? Pagkatapos-na-pagkatapos ng panalangin, bumaba ang apoy mula sa langit at sinupok ang mga handog na susunugin at ang mga hain, at ang bahay ay napunô ng “kaluwalhatian ni Jehova.” Kaya ang buong bayan ay nagpatirapa at nagpasalamat kay Jehova, “sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kagandahang-loob niya ay magpakailanman.” (7:1, 3) Isang malaking hain ang inihandog kay Jehova. Ang isang-linggong kapistahan ng pag-aalay ay sinundan ng isang-linggong Kapistahan ng Pag-aani at ng isang sabbath ng pamamahinga. Pagkaraan ng 15 araw ng maligaya, nagpapasigla-sa-espiritung pagdiriwang, umuwi ang mga tao na nagagalak at may masayang puso. (7:10) Si Jehova rin ay nasiyahan. Inulit niya kay Solomon ang tipan ng Kaharian, at kasabay nito ay nagbabala sa mapapait na bunga ng pagsuway.
13. (a) Anong gawain ang sumunod sa pagtatayo ng templo? (b) Ano ang sinabi ng reyna ng Sheba nang makita ang kaharian ni Solomon?
13 Itinuloy ni Solomon ang pagtatayo sa buong kaharian, hindi lamang ng sariling palasyo kundi pati na ng nakukutaang mga lungsod, mga lungsod-imbakan, mga lungsod ng mga karo, at mga lungsod para sa mga mangangabayo, at balang maibigan niya. Yao’y panahon ng maluwalhating kasaganaan at kapayapaan sapagkat ang hari at ang bayan ay palaisip sa pagsamba kay Jehova. Maging ang reyna ng Sheba, sa layong 1,900 kilometro, ay nakabalita sa kasaganaan at karunungan ni Solomon kaya gumawa siya ng mahaba at nakakapagod na paglalakbay upang masaksihan ito. Bigo ba siya? Aniya: “Hindi ako naniwala sa kanilang mga salita hanggang sa ako’y dumating at makita ng aking sariling mata; at, narito, hindi naisaysay sa akin ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan. Nahigitan mo ang balita na aking narinig. Maliligaya ang iyong tauhan, at maliligaya ang mga lingkod mong ito.” (9:6, 7) Walang nakahigit kay Solomon sa yaman at dunong. Naghari siya nang 40 taon sa Jerusalem.
14. Bakit maagang nahubaran ang Israel ng kaluwalhatian nito?
14 Ang paghahari nina Roboam at Abias (10:1–13:22). Dahil sa marahas at mapang-aping pamamahala ni Roboam na anak ni Solomon ang sampung tribo sa hilaga sa ilalim ni Jeroboam ay naghimagsik noong 997 B.C.E. Ngunit ang mga saserdote at Levita ng dalawang kaharian ay pumanig kay Roboam at inuna ang katapatan sa tipan ng Kaharian imbes na ang nasyonalismo. Di-nagtagal, tinalikdan ni Roboam ang batas ni Jehova, at sumalakay si Haring Sishak ng Ehipto, pinasok ang Jerusalem at ninakaw ang mga kayamanan ng bahay ni Jehova. Nakalulungkot na bagaman 30 taon pa lamang naitatayo ay nahubaran na agad ng kaluwalhatian ang napakarilag na mga gusaling ito! Ang dahilan: Sila ay “nagtaksil kay Jehova.” Kung hindi nagpakumbaba si Roboam, ganap sanang winasak ni Jehova ang bansa.—12:2.
15. Anong mga digmaan ang sumunod pagkamatay ni Roboam, at bakit naging mas malakas ang Juda laban sa Israel?
15 Nang mamatay si Roboam ay naging hari ang isa sa 28 niyang anak, si Abias. Naging madugo ang tatlong taóng paghahari ni Abias dahil sa pakikidigma sa Israel sa hilaga. Nalamangan ang Juda ng dalawa sa isa, 400,000 kawal laban sa 800,000 ni Jeroboam. Sa kasunod na mainitang labanan, mahigit na kalahati ng mga mandirigma ng Israel ay namatay at nalipol ang kalahating milyong mananamba sa guya. Nakabawi ang Juda sapagkat nagtiwala sila “kay Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.”—13:18.
16. Papaano sinagot ni Jehova ang apurahang panalangin ni Asa?
16 Ang maytakot-sa-Diyos na si Haring Asa (14:1–16:14). Si Abias ay hinalinhan ng anak niyang si Asa. Si Asa ay bayani ng tunay na pagsamba. Inalis niya ang pagsamba sa imahen. Ngunit isang milyong Etiope ang nagbabanta sa Juda. Nanalangin si Asa: “Tulungan mo kami, O Jehovang aming Diyos, sapagkat sa iyo kami nagtitiwala at sa iyong pangalan ay lumalapit kami laban sa karamihang ito.” Tumugon si Jehova at binigyan sila ng ganap na tagumpay.—14:11.
17. Papaano pinasigla si Asa na ituwid ang pagsamba sa Juda, ngunit sa ano siya sinaway?
17 Kinasihan si Azarias upang sabihin kay Asa: “Si Jehova ay sasa-iyo habang ikaw ay sumasa-kaniya; at kung siya’y hahanapin mo, ay masusumpungan mo siya.” (15:2) Lubhang napasigla, itinuwid ni Asa ang pagsamba sa Juda, at nangako ang bayan na papatayin ang sinomang hindi maghahanap kay Jehova. Ngunit nang si Baasa, hari ng Israel, ay magtayo ng mga harang upang hadlangan ang pagpasok nila sa Juda, si Asa ay nagkasala nang mabigat nang bayaran niya si Ben-hadad, hari ng Sirya, upang lumaban sa Israel sa halip na humingi ng tulong kay Jehova. Kaya sinaway siya ni Jehova. Sa kabila nito, ang puso ni Asa ay naging “ganap sa buong buhay niya.” (15:17) Namatay siya sa ika-41 taon ng kaniyang paghahari.
18. (a) Papaano ipinagtanggol ni Josaphat ang tunay na pagsamba, at ano ang resulta? (b) Papaano muntik nang umakay sa kapahamakan ang kaniyang pakikipag-kamag-anak?
18 Ang matuwid na paghahari ni Josaphat (17:1–20:37). Itinuloy ni Josaphat na anak ni Asa ang paglaban sa idolatriya at sinimulan ang isang pantanging kampanya ng pagtuturo nang magsugo siya ng mga guro sa buong Juda upang turuan ang bayan sa Kautusan ni Jehova. Sumunod ang panahon ng kasaganaan at kapayapaan, at si Josaphat ay patuloy na “umunlad at naging lalong dakila.” (17:12) Subalit siya ay nakipagkamag-anak sa balakyot na si Haring Ahab ng Israel at tinulungan niya ito laban sa lumalakas na kapangyarihan ng Sirya salungat sa payo ni propeta Micheas, at bahagya na siyang nakaligtas nang mapatay si Ahab sa digmaan sa Ramoth-galaad. Si Josaphat ay sinaway ni propeta Jehu dahil sa pakikipamatok sa balakyot na si Ahab. Pagkatapos ay nag-atas si Josaphat ng mga hukom sa buong lupain at tinuruan sila na tuparin ang kanilang atas nang may takot sa Diyos.
19. Sa kasukdulan ng paghahari ni Josaphat, papaano napatunayan na ang pakikidigma ay sa Diyos?
19 Kasukdulan na ng paghahari ni Josaphat. Ang pinagsamang puwersa ng Moab, Amon, at ng Seir ay handa na laban sa Juda taglay ang higit na lakas. Namumutakti sila sa ilang ng En-gedi. Ang bansa ay giniyagis ng takot. Si Josaphat at ang buong Juda, “ang mga bata, ang kanilang asawa at mga anak,” ay humarap kay Jehova at nanalangin. Kinasihan ni Jehova si Jahaziel na Levita na sabihin sa nagkakatipong karamihan: “Makinig kayo, buong Juda at kayong mga taga-Jerusalem at ikaw Haring Josaphat! Ganito ang sabi ni Jehova sa inyo, ‘Huwag kayong matakot o masindak sa malaking pulutong na ito; sapagkat ang pakikidigma ay hindi inyo, kundi sa Diyos. Bukas ay lumusong kayo laban sa kanila. . . . sapagkat si Jehova ay sasa-inyo.’ ” Kinaumagahan, maagang bumangon ang Juda at nagmartsa sa pangunguna ng mga mang-aawit na Levita. Pinasigla sila ni Josaphat: “Sumampalataya kay Jehova . . . Sumampalataya sa mga propeta at tayo’y magwawagi.” Ang mga mang-aawit ay buong-kagalakang pumuri kay Jehova, “sapagkat walang-hanggan ang kagandahang-loob niya.” (20:13, 15-17, 20, 21) Ipinamalas ni Jehova ang kagandahang-loob niya sa kagila-gilalas na paraan, tinambangan ang sumasalakay na mga hukbo hanggang sa sila’y magpatayan sa isa’t-isa. Nang dumating sila sa bantayan sa ilang, pawang bangkay ang nakita ng masasayang Judeano. Tunay na ang digmaan ay sa Diyos! Si Josaphat ay nagtapat kay Jehova sa 25 taon ng kaniyang paghahari.
20. Anong mga sakuna ang naganap nang maghari si Joram?
20 Ang masamang paghahari nina Joram, Ochozias, at Athalia (21:1–23:21). Masama ang pasimula ni Joram na anak ni Josaphat pagkat pinatay niya ang kaniyang mga kapatid. Ngunit iniligtas siya ni Jehova dahil sa tipan kay David. Naghimagsik ang Edom. Lumiham si Elias at nagbabala kay Joram na ang sambahayan niya ay sasalutin ni Jehova at siya ay dadanas ng kakila-kilabot na kamatayan. (21:12-15) Tapat sa hula, sumalakay ang mga Filisteo at Arabo at nilooban ang Jerusalem, at pagkaraan ng walong taóng paghahari namatay si Joram sa karima-rimarim na sakit sa bituka.
21. Anong kasamaan ang ibinunga ng pangingibabaw ni Athalia sa Juda, ngunit papaano nagtagumpay si Joiada sa pagsasauli ng trono ni David?
21 Si Ochozias (Joachaz), natitirang anak ni Joram, ay humalili sa kaniya subalit pinangibabawan siya ng ina niyang si Athalia, anak nina Ahab at Jezebel. Naputol ang paghahari niya makaraan ang isang taon nang linisin ni Jehu ang bahay ni Ahab. Kaya pinuksa ni Athalia ang kaniyang mga apo at inagaw ang trono. Ngunit nakaligtas ang isang anak ni Ochozias. Siya ang isang-taóng gulang na si Joas, na ipinuslit ng tiya niyang si Josabeth. Sa ikaanim na taon ng paghahari ni Athalia, ang batang si Joas ay buong-katapangang inilabas ng asawa ni Josabeth, ang mataas na saserdoteng si Joiada, at itinalagang hari, bilang “anak ni David.” Pagdating sa templo, pinagpupunit ni Athalia ang kaniyang damit at sumigaw, “Kataksilan! Kataksilan!” Ngunit walang nangyari. Siya’y ipinatapon ni Joiada sa labas ng templo at pinatay.—23:3, 13-15.
22. Papaano naging masama ang sa pasimula’y mabuting paghahari ni Joas?
22 Ang paghahari nina Joas, Amasias, at Uzzias ay mabuti sa pasimula ngunit nang maglao’y sumamâ (24:1–26:23). Naghari si Joas nang 40 taon at gumawa siya nang mabuti dahil sa impluwensiya ni Joiada. Ipinaayos pa niya ang bahay ni Jehova. Ngunit nang mamatay si Joiada, si Joas ay naimpluwensiyahan ng mga prinsipe ng Juda na tumalikod kay Jehova at maglingkod sa mga asera at idolo. Nang si Zacarias na anak ni Joiada ay pakilusin ng espiritu ng Diyos upang sawayin ang hari, ipinapatay ni Joas ang propeta sa pamamagitan ng pagbato. Di-nagtagal, sumalakay ang isang maliit na hukbo ng mga taga-Sirya, at hindi ito napaurong ng mas malaking hukbo ng Juda sapagkat “iniwan nila si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno.” (24:24) Pinatay si Joas ng sarili niyang mga alipin.
23. Anong halimbawa ng kataksilan ang sinunod ni Amazias?
23 Hinalinhan ni Amasias ang ama niyang si Joas. Mabuti ang simula ng kaniyang 29 na taóng paghahari ngunit nang maglao’y itinakwil siya ni Jehova dahil sa pagtatayo at pagsamba sa mga idolo ng Edom. Nagbabala ang propeta ni Jehova: “Ipinasiya ng Diyos ang iyong kapahamakan.” (25:16) Ngunit naghambog si Amasias at hinamon ang Israel sa hilaga. Tapat sa salita ng Diyos, tumanggap siya ng kahiya-hiyang pagkatalo sa kamay ng Israel. Pagkaraan nito, bumangon ang sabwatan at siya ay pinatay.
24. Papaano naging kahinaan ang kalakasan ni Uzzias, at ano ang resulta?
24 Si Uzzias na anak ni Amasias ay sumunod sa hakbang ng kaniyang ama. Mabuti ang kalakhang bahagi ng 52 taon niyang paghahari at nakilala siya bilang dalubhasa sa digmaan, tagapagtayo ng mga moog, at “mahilig sa agrikultura.” (26:10) Sinangkapan niya ng makinarya ang hukbo. Ngunit ang lakas niya ay naging kaniyang kahinaan. Nagmataas siya at may-kapangahasang nag-alay ng insenso sa templo gaya ng saserdote. Sinalot siya ni Jehova ng ketong. Kaya namuhay siya nang bukod, malayo sa bahay ni Jehova at ng hari, kung saan ang anak niyang si Jotham ang nagharing kahalili niya.
25. Bakit nagtagumpay si Jotham?
25 Si Jotham ay naglingkod kay Jehova (27:1-9). Di-gaya ng kaniyang ama, si Jotham ay hindi “nangahas pumasok sa templo ni Jehova.” Sa halip, ‘gumawa siya nang matuwid sa mata ni Jehova.’ (27:2) Sa kaniyang 16 na taóng paghahari, marami siyang itinayo at matagumpay niyang nasugpo ang paghihimagsik ng mga Amonita.
26. Sa anong walang-katulad na kasamaan napalulong si Achaz?
26 Ang balakyot na si Haring Achaz (28:1-27). Sa 21 haring Judeano, ang anak ni Jotham na si Achaz ay isa sa pinakabalakyot. Sukdulan niyang inihain ang sariling mga anak bilang handog na susunugin sa paganong mga diyos. Kaya pinabayaan siya ni Jehova sa sunud-sunod na mga hukbo ng Sirya, Israel, Edom, at Filistia. Ipinahamak ni Jehova ang Juda sapagkat si Achaz ‘ay nagpabaya sa Juda, at labis na nagtaksil kay Jehova.’ (28:19) Mas malalâ pa, naghandog siya sa mga diyos ng Sirya sapagkat nadaig siya ng Sirya sa digmaan. Ipinasara niya ang bahay ni Jehova at pinalitan ang pagsamba kay Jehova ng pagsamba sa mga paganong diyos. Di-nagtagal at nagwakas ang paghahari ni Achaz pagkaraan ng 16 na taon.
27. Papaano nagpakita si Ezekias ng sigasig ukol sa pagsamba ni Jehova?
27 Ang tapat na si Haring Ezekias (29:1–32:33). Si Ezekias na anak ni Achaz ay naghari ng 29 na taon sa Jerusalem. Ang una niyang ginawa ay buksan at kumpunihin ang mga pintuan ng bahay ni Jehova. Saka tinipon niya ang mga saserdote at Levita at iniutos sa kanila na linisin ang templo at pakabanalin ito sa paglilingkod kay Jehova. Sinabi niya na makikipagtipan siya kay Jehova upang umurong ang galit Niya. Nagpatuloy ang maringal na pagsamba kay Jehova.
28. Anong malaking kapistahan ang idinaos ni Ezekias sa Jerusalem, at papaano ipinahayag ng bayan ang kanilang kagalakan?
28 Itinakda ang isang malaking Paskuwa, ngunit yamang walang panahon upang maihanda ito sa unang buwan, ito ay ipinagdiwang sa ikalawang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezekias, batay sa isang probisyon ng Batas. (2 Cron. 30:2, 3; Bil. 9:10, 11) Inanyayahan ng hari ang buong Juda at pati na ang Israel, at bagaman ang paanyaya ay hinamak ng ilang taga-Ephraim, Manasses, at Zabulon, ang iba’y nagpakumbaba at nagtungo sa Jerusalem kasama ng buong Juda. Pagkaraan ng Paskuwa ay idinaos ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Lebadura. Napakasaya ang pitong araw na pista! Talagang napatibay sila kaya ito ay ipinagpatuloy nila nang pitong araw pa. Nagkaroon ng “malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula noong panahon ni Solomon na anak ni David na hari sa Israel ay wala pang gaya nito sa Jerusalem.” (2 Cron. 30:26) Isinunod ng bayang napasigla-sa-espiritu ang matagumpay na paglilinis ng Juda at Israel mula sa idolatriya, samantalang si Ezekias ay muling gumawa ng materyal na pag-aabuloy para sa mga Levita at sa templo.
29. Papaano ginantimpalaan ni Jehova ang walang-pasubaling pagtitiwala sa Kaniya ni Ezekias?
29 Sumalakay sa Juda si Senacherib ng Asirya at nagbanta sa Jerusalem. Naglakas-loob si Ezekias, kinumpuni ang mga tanggulan ng lungsod, at hinarap ang panunuya ng kaaway. Nanalangin siya bilang pagtitiwala kay Jehova. Sinagot ito ni Jehova sa madulang paraan. Siya ay “nagsugo ng isang anghel upang puksain ang bawat matapang, makapangyarihang lalaki, pinunò, at pangulo sa kampo ng Asirya.” (32:21) Umuwi si Senacherib na hiyang-hiya. Ang mga diyos niya ay hindi nakatulong, pagkat pinatay siya ng sarili niyang mga anak sa harap ng dambana. (2 Hari 19:7) Makahimalang pinahaba ni Jehova ang buhay ni Ezekias, nagtamo siya ng kayamanan at kaluwalhatian, at ang buong Juda ay nagparangal sa kaniya nang siya ay mamatay.
30. (a) Sa anong kabalakyutan nanumbalik si Manasses, ngunit ano ang nangyari nang siya’y magsisi? (b) Ano ang naganap sa maikling paghahari ni Amon?
30 Ang balakyot na paghahari nina Manasses at Amon (33:1-25). Si Manasses na anak ni Ezekias ay gumaya sa landas ng lolo niyang si Achaz at pinawi ang lahat ng mabuting nagawa ni Ezekias. Itinayo niya ang matataas na dako, ang mga asera, at inihain ang mga anak niya sa diyus-diyosan. Sa wakas, dinala ni Jehova ang hari ng Asirya laban sa Juda, at si Manasses ay binihag sa Babilonya. Doo’y nagsisi siya sa kaniyang kasamaan. Nang maawa si Jehova at ibalik siya bilang hari, sinikap niyang bunutin ang pagsamba sa demonyo at isauli ang tunay na relihiyon. Nang mamatay siya pagkaraang maghari ng 55 taon, humalili sa trono ang anak niyang si Amon at muli nitong itinaguyod ang huwad na pagsamba. Pagkaraan ng dalawang taon, pinatay siya ng sarili niyang mga alipin.
31. Ano ang naging tampok sa magiting na paghahari ni Josias?
31 Ang magiting na paghahari ni Josias (34:1–35:27). Ang batang si Josias, anak ni Amon, ay buong-giting na nagsauli ng tunay na pagsamba. Giniba niya ang mga dambana ni Baal at ang mga larawang inanyuan, kinumpuni ang bahay ni Jehova, at nasumpungan ang “aklat ng kautusan ni Jehova na isinulat ni Moises,” malamang na ito ang orihinal na kopya. (34:14) Gayunman, sinabihan si Josias na dahil sa kataksilang nagawa, ang lupain ay mapapahamak, ngunit hindi sa panahon niya. Sa ika-18 taon ng kaniyang paghahari, nagsaayos siya ng bukod-tanging pagdiriwang ng Paskuwa. Pagkaraang maghari ng 31 taon, namatay si Josias nang hadlangan niya ang mga hukbo ng Ehipto sa pagdaraan sa lupain tungo sa Ephrates.
32. Papaano inakay ang Juda ng huling apat na hari nito tungo sa pangwakas na kapahamakan?
32 Sina Joas, Joiakim, Joiachin, Zedekias, at ang pagkagiba ng Jerusalem (36:1-23). Ang kabalakyutan ng huling apat na hari ng Juda ay umakay sa pangwakas na kapahamakan ng bansa. Si Joas na anak ni Josias ay naghari lamang nang tatlong buwan at siya ay inalis ni Paraon Neco ng Ehipto. Hinalinhan siya ng kapatid niyang si Eliakim na ang pangalan ay pinalitan ng Joiakim, at ang Juda ay sinakop ng bagong kapangyarihang pandaigdig, ang Babilonya. (2 Hari 24:1) Nang maghimagsik si Joiakim, pumunta si Nabukodonosor sa Jerusalem noong 618 B.C.E., subalit namatay si Joiakim nang taon ding yaon, pagkatapos maghari ng 11 taon. Humalili ang kaniyang 18-anyos na anak na si Joiachin. Wala pang tatlong buwan, sumuko siya kay Nabukodonosor at dinalang bihag sa Babilonya. Iniluklok ni Nabukodonosor ang ikatlong anak ni Josias, si Zedekias na tiyo ni Joiachin. Sumamâ ang 11-taóng paghahari ni Zedekias at hindi siya “nagpakumbaba kay Jeremias na propeta gaya nang utos ni Jehova.” (2 Cron. 36:12) Sa malawakang pagtataksil, ang bahay ni Jehova ay dinumhan kapuwa ng saserdote at mamamayan.
33. (a) Papaano nagsimula ang 70-taóng pagkatiwangwang, “ayon sa salita ni Jehova”? (b) Anong makasaysayang utos ang iniuulat sa huling dalawang talata ng Ikalawang Cronica?
33 Sa wakas, naghimagsik si Zedekias laban sa Babilonya, at hindi na nagpakita ng habag si Nabukodonosor. Galít na si Jehova, at wala nang paggaling. Bumagsak ang Jerusalem, nilooban at sinunog ang templo at ang mga nakaligtas sa 18-buwang pagkubkob ay dinalang bihag sa Babilonya. Naging ilang ang Juda. Kaya noong 607 B.C.E., nagsimula ang pagkatiwangwang “ayon sa salita ni Jehova sa bibig ni Jeremias . . . upang matupad ang pitumpung taon.” (36:21) Lumundag ang manunulat nang halos 70 taon at sa huling dalawang talata 36:22, 23 ay iniuulat ang makasaysayang utos ni Ciro noong 537 B.C.E. Palalayain ang mga bihag na Judio! Muling babangon ang Jerusalem!
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
34. Ano ang idiniriin ng pagpili ni Ezra ng materyales, at papaano nakinabang dito ang bansa?
34 Idinaragdag ng Ikalawang Cronica ang makapangyarihang patotoo nito sa makasaysayang yugto ng 1037-537 B.C.E. Isa pa, naglalaan ito ng mahalagang impormasyon na wala sa ibang kanonikal na salaysay, halimbawa, ang 2 Cronica mga kabanata 19, 20, at 2Cron 29 hanggang 31. Sa pagpili ni Ezra ng materyales ay naidiriin ang saligan at permanenteng mga elemento ng kasaysayan ng bansa, gaya ng pagkasaserdote at ng paglilingkod nito, ang templo, at ang tipan ng Kaharian. Kapaki-pakinabang ito upang magkaisa ang bansa sa pag-asa sa Mesiyas at sa kaniyang Kaharian.
35. Anong mahahalagang punto ang pinatutunayan sa pangwakas na mga talata ng Ikalawang Cronica?
35 Ang huling mga talata ng Ikalawang Cronica (36:17-23) ay may tiyak na ebidensiya ng katuparan ng Jeremias 25:12 at, bukod dito, ay nagpapakita na ang kabuuang 70 taon ay dapat bilangin mula sa ganap na pagkatiwangwang ng lupain hanggang sa pagsasauli ng pagsamba ni Jehova sa Jerusalem noong 537 B.C.E. Kaya nagsimula ito noong 607 B.C.E.c—Jer. 29:10; 2 Hari 25:1-26; Ezra 3:1-6.
36. (a) Anong mabisang payo ang nilalaman ng Ikalawang Cronica? (b) Papaano nito pinatatatag ang pag-asa sa Kaharian?
36 Ang Ikalawang Cronica ay may mabisang payo para sa mga nasa Kristiyanong pananampalataya. Maraming hari sa Juda ang nagsimula nang mabuti subalit nang maglao’y nahulog sa kasamaan. Buong-diin nitong inilalarawan na ang tagumpay ay nasasalig sa katapatan sa Diyos! Kaya ito’y nagsisilbing babala na iwasang mapabilang sa “uri na nagsisibalik sa kapahamakan, kundi sa uri na may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.” (Heb. 10:39) Si Ezekias ay nagpalalo nang siya ay gumaling sa sakit, at napigilan lamang ang galit ni Jehova nang siya’y magpakumbaba. Itinatanghal ng Ikalawang Cronica ang kamangha-manghang mga katangian ni Jehova at dinadakila ang kaniyang pangalan at soberanya. Ang buong ulat ay inihaharap sa tema ng bukod-tanging pagsamba. Idiniriin din ang maharlikang hanay ng Juda at pinatatatag ang pag-asang makita ang pagtatanghal ng dalisay na pagsamba sa walang-hanggang Kaharian ni Jesu-Kristo, ang tapat na “anak ni David.”—Mat. 1:1; Gawa 15:16, 17.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 147.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 750-1; Tomo 2, pahina 1076-8.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 463; Tomo 2, pahina 326.