Ang Pinakamahalagang Tanong
“SA BUONG kasaysayan ng pag-iral ng tao, mayroon pa kayang mas mahalagang tanong kaysa sa tanong na ‘May Diyos ba?’” ang sabi ng dalubhasa sa henetika na si Francis S. Collins. May punto naman siya. Kung walang Diyos, hanggang dito na lang ang buhay natin, at walang awtoridad na nakahihigit sa tao na magtatakda ng tama at mali.
Pinag-aalinlanganan ng ilan ang pag-iral ng Diyos dahil maraming siyentipiko ang hindi naniniwala na may Diyos. Pero posible rin na maling-mali ang pananaw ng marami, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.
Nakalulungkot, maraming relihiyon ang nagtuturo ng mga bagay na salungat sa malaon-nang-tinatanggap na kaalaman sa siyensiya kung kaya lalong nalilito ang mga tao. Halimbawa, itinuturo ng ilan na diumano’y nilalang ng Diyos ang daigdig sa loob ng anim na araw na may 24 na oras bawat isa ilang libong taon na ang nakararaan, isang pananaw na salungat sa Bibliya.
Dahil sa nagkakasalungatang mga teoriya at pilosopiya, marami ang huminto na sa pag-alam ng katotohanan tungkol sa pag-iral ng Diyos. Pero may mas makabuluhan pa kayang gawin—at mas kapaki-pakinabang—kaysa sa paghahanap ng mapananaligang sagot sa gayong napakahalagang tanong? Siyempre pa, wala pang sinuman sa atin ang nakakita sa Diyos, at wala rin tayo nang umiral ang uniberso at ang buhay. Kaya naniniwala man tayo sa Diyos o hindi, kailangan natin ng pananampalataya. Pero anong uri ng pananampalataya?
Ang Tunay na Pananampalataya ay Nakasalig sa Matibay na Ebidensiya
Sa buhay ng tao, may mahalagang papel na ginagampanan ang pananampalataya, o ang paniniwala sa isang bagay. Tumatanggap tayo ng trabaho dahil umaasa tayong susuwelduhan tayo. Nagtatanim tayo dahil nakatitiyak tayong tutubo ang mga binhi. Nagtitiwala tayo sa ating mga kaibigan. At naniniwala tayo na may mga batas na kumokontrol sa uniberso. Ang mga ito ay pananampalatayang salig sa kaalaman, dahil mayroon tayong ebidensiya. Sa gayunding paraan, ang pananampalatayang may Diyos ay nakasalig sa ebidensiya.
Sa Hebreo 11:1, sinasabi ng Bibliya: “Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Ayon sa isa pang bersiyon: “Ang pananampalataya ay . . . nagbibigay sa atin ng katiyakan hinggil sa mga bagay na hindi natin nakikita.” (The New English Bible) Ipaghalimbawang naglalakad ka sa tabing-dagat nang biglang lumindol. Pagkatapos, nakita mong umurong ang tubig sa dagat. Alam mo na nagbababala ito ng tsunami. Sa halimbawang ito, ang lindol at ang pag-urong ng tubig ay “malinaw na pagtatanghal” ng isang bagay na totoo pero hindi pa nakikita, ang paparating na malalaking alon. Ang iyong pananampalatayang salig sa kaalaman ang magpapakilos sa iyo na lumikas sa mas mataas at ligtas na lugar.
Ang pananampalataya sa Diyos ay dapat na salig din sa kaalaman, anupat naniniwala ka dahil may malinaw na ebidensiya. Sa gayon, ang Diyos ay magiging ‘di-nakikitang katotohanan’ para sa iyo. Dapat ka bang maging siyentipiko para masuri at mapagtimbang-timbang ang gayong ebidensiya? Inamin ng tumanggap ng Nobel prize na si Vladimir Prelog na kahit “ang mga nagwagi ng Nobel Prize ay hindi nakahihigit sa kaalaman tungkol sa Diyos, relihiyon, at kabilang-buhay kumpara sa ibang tao.”
Kung ikaw ay taimtim at interesado sa katotohanan, tiyak na nanaisin mong suriin ang ebidensiya nang may bukás na isip at hahayaan mong akayin ka nito sa tamang konklusyon. Ano nga ba ang ebidensiya na puwedeng suriin?
[Larawan sa pahina 3]
Ang isang magsasaka ay nananampalataya, o nagtitiwala, na tutubo at lálakí ang mga binhi