Kung Bakit Hindi Lamang mga Himala ang Pinagmumulan ng Pananampalataya
DAPAT paniwalaan yaon lamang nakikita. Ganiyan ang pangmalas ng marami. Sinasabi ng ilan na maniniwala sila sa Diyos kung isisiwalat niya ang kaniyang sarili sa isang makahimalang paraan. Marahil ay gayon nga, ngunit aakay ba sa tunay na pananampalataya ang gayong paniniwala?
Isaalang-alang ang mga Israelitang sina Kora, Datan, at Abiram. Ipinakikita ng Bibliya na sila’y mga saksing nakakita sa kagila-gilalas na mga himalang ito buhat sa Diyos: ang sampung salot sa Ehipto, ang pagtakas ng bansang Israel sa pamamagitan ng Dagat na Pula, at ang pagkalipol ng Ehipsiyong Faraon at ng kaniyang puwersang militar. (Exodo 7:19–11:10; 12:29-32; Awit 136:15) Narinig din nina Kora, Datan, at Abiram na nagsalita si Jehova mula sa langit sa Bundok Sinai. (Deuteronomio 4:11, 12) Subalit hindi pa natatagalan pagkatapos maganap ang mga himalang ito, ang tatlong lalaking ito ay nagpasimuno ng isang rebelyon laban kay Jehova at sa kaniyang hinirang na mga lingkod.—Bilang 16:1-35; Awit 106:16-18.
Pagkaraan ng mga 40 taon, nasaksihan din ng isang propetang nagngangalang Balaam ang isang himala. Hindi siya napigil na pumanig sa mga kaaway ng Diyos, ang mga Moabita, kahit na may namagitang anghel. Sa kabila ng himalang iyon, si Balaam ay nagpatuloy at nanindigan laban sa Diyos na Jehova at sa Kaniyang bayan. (Bilang 22:1-35; 2 Pedro 2:15, 16) Subalit walang-kabuluhan ang kawalang-pananampalataya ni Balaam kung ihahambing sa ipinamalas ni Judas Iscariote. Sa kabila ng pagiging malapit na kasamahan ni Jesus at pagiging isang saksing nakakita ng pambihirang pagtatanghal ng mga himala, ipinagkanulo ni Judas si Kristo kapalit ng tatlumpung pirasong pilak.—Mateo 26:14-16, 47-50; 27:3-5.
Batid din ng mga Judiong lider ng relihiyon ang tungkol sa maraming himala ni Jesus. Pagkatapos niyang buhaying-muli si Lazaro, inamin pa man din nila: “Ang taong ito ay nagsasagawa ng maraming himala.” Ngunit lumambot ba ang kanilang puso at nanampalataya ba sila nang makita ang ngayo’y buháy nang si Lazaro? Sa katunayan, hindi. Sa halip, nagpakana silang patayin kapuwa sina Jesus at Lazaro!—Juan 11:47-53; 12:10.
Kahit na noong tuwirang mamagitan ang Diyos ay hindi nanampalataya ang balakyot na mga taong iyon. Minsan samantalang si Jesus ay nasa mga looban ng templo, nanalangin siya nang malakas: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Tumugon si Jehova sa pamamagitan ng isang tinig mula sa langit: “Aking kapuwa niluwalhati ito at luluwalhatiin ko itong muli.” Subalit hindi nagbunga ng pananampalataya sa puso niyaong mga naroroon ang makahimalang pangyayaring ito. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Bagaman nakapagsagawa na siya ng napakaraming tanda sa harap nila, ay hindi sila naglalagak ng pananampalataya sa kaniya.”—Juan 12:28-30, 37; ihambing ang Efeso 3:17.
Kung Bakit Hindi Pinagmulan ng Pananampalataya ang mga Himala
Paano umiral ang gayong kawalang-pananampalataya sa kabila ng mga himala? Waring lalo nang nakapagtataka ang pagtanggi kay Jesus ng mga Judiong lider ng relihiyon kung isasaalang-alang mo na noon mismong pasimulan niya ang kaniyang ministeryo, “inaasahan” na ng mga Judio sa pangkalahatan “ang Kristo,” o ang Mesiyas. (Lucas 3:15) Gayunman, ang suliranin ay tungkol sa kung ano ang mga inaasahang iyon. Sinipi ng leksikograpong si W. E. Vine ang sinabi ng isang kilalang iskolar sa Bibliya na ang mga Judio ay labis na nagtuon ng pansin sa ideya ng isang Mesiyas na magbibigay sa kanila ng “makalupang tagumpay” at “materyal na kadakilaan.” Dahil dito, hindi sila handa para sa isang mapagpakumbaba, di-makapulitikang Jesus ng Nazaret, na nagpakita sa kanila bilang ang tunay na Mesiyas noong 29 C.E. Nangamba rin ang mga lider ng relihiyon na sisirain ng mga turo ni Jesus ang umiiral na kalagayan sa komunidad at isasapanganib ang kanilang mga prominenteng posisyon. (Juan 11:48) Ang kanilang patiunang mga ideya at kaimbutan ang siyang bumulag sa kanila may kinalaman sa tunay na kahulugan ng mga himala ni Jesus.
Nang dakong huli ay tinanggihan ng mga Judiong lider ng relihiyon at ng iba pa ang makahimalang katunayan na taglay ng mga tagasunod ni Jesus ang pabor ng Diyos. Halimbawa, nang pagalingin ng kaniyang mga apostol ang isang lalaking pilay mula pa nang isilang, nagtanong ang galit na mga miyembro ng mataas na hukuman ng mga Judio: “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat, ang totoo, isang kapansin-pansing tanda ang naganap sa pamamagitan nila, isa na hayag sa lahat ng mga nananahanan sa Jerusalem; at hindi natin maikakaila ito. Gayunpaman, upang huwag na itong lumaganap pa nang malawakan sa mga tao, sabihin natin sa kanila nang may pagbabanta na huwag nang magsalita pa salig sa pangalang ito sa kaninumang tao.” (Gawa 3:1-8; 4:13-17) Maliwanag, hindi pinagmulan o nagbunga ng pananampalataya sa puso ng mga taong iyon ang kahanga-hangang himalang ito.
Ang ambisyon, pagmamapuri, at kasakiman ang mga dahilan na siyang nagpakilos sa marami upang magmatigas sa kanilang puso. Lumilitaw na ganito ang naging kalagayan nina Kora, Datan, at Abiram, na nabanggit sa pasimula. Ang iba ay nahadlangan ng paninibugho, takot, at marami pang ibang nakasasakit na saloobin. Naaalaala rin natin ang masuwaying mga anghel, ang mga demonyo, na dating may pribilehiyo na makita ang mismong mukha ng Diyos. (Mateo 18:10) Hindi nila pinag-aalinlanganan ang pag-iral ng Diyos. Sa katunayan, “ang mga demonyo ay naniniwala at nangangatog.” (Santiago 2:19) Gayunman, sila’y walang pananampalataya sa Diyos.
Ang Kahulugan ng Tunay na Pananampalataya
Ang pananampalataya ay higit pa sa basta paniniwala lamang. Ito ay nakahihigit din sa isang panandaliang bugso ng damdamin bilang tugon sa isang himala. Ganito ang sabi ng Hebreo 11:1: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Ang isang taong may pananampalataya ay kumbinsido sa kaniyang puso na lahat ng pangako ng Diyos na Jehova ay para na ring natupad. Bukod dito, gayon na lamang katibay ang di-matatanggihang patotoo ng di-nakikitang katunayan anupat ang pananampalataya mismo ay sinasabing katumbas ng patotoong iyon. Oo, ang pananampalataya ay nakasalig sa patotoo. At noong nakaraan, ang mga himala ay gumanap ng isang papel sa paglago ng pananampalataya o sa pagkakaroon nito. Ang mga tanda na ginawa ni Jesus ang siyang nakakumbinsi sa iba na siya ang ipinangakong Mesiyas. (Mateo 8:16, 17; Hebreo 2:2-4) Gayundin naman, ang mga kaloob ng banal na espiritu, o aktibong puwersa, ng Diyos tulad ng makahimalang pagpapagaling at pagsasalita ng mga wika ay nagpatunay na hindi na taglay ng mga Judio ang pabor ni Jehova kundi ang pagsang-ayon niya ay ibinigay na ngayon sa Kristiyanong kongregasyon, na itinatag ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—1 Corinto 12:7-11.
Kabilang sa mga makahimalang kaloob ng espiritu ay ang kakayahang humula. Nang masaksihan ng mga di-nananampalataya ang himalang ito, napakilos ang ilan na sambahin si Jehova, anupat nagpahayag: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Corinto 14:22-25) Gayunman, hindi nilayon ng Diyos na Jehova na maging permanenteng bahagi ng Kristiyanong pagsamba ang mga himala. Kaya naman, sumulat si apostol Pablo: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay titigil.” (1 Corinto 13:8) Napatunayang tumigil ang mga kaloob na ito nang mamatay ang mga apostol at yaong mga tumanggap ng gayong mga kaloob sa pamamagitan nila.
Kung gayo’y mawawalan na ba ang mga tao ng saligan sa pananampalataya? Hindi, sapagkat sinabi ni Pablo: “Hindi iniwang walang patotoo [ng Diyos] ang kaniyang sarili sa bagay na gumawa siya ng mabuti, na nagbibigay sa inyo ng mga ulan mula sa langit at mabubungang kapanahunan, na lubusang pinupunô ang inyong mga puso ng pagkain at pagkagalak.” (Gawa 14:17) Sa katunayan, sa tapat-pusong mga tao na handang buksan ang kanilang isip at puso sa patotoo na nakapalibot sa atin, ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos na Jehova] ay malinaw na nakikita mula sa paglalang sa sanlibutan patuloy, sapagkat napag-uunawa ang mga iyon sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat sila [yaong tumatanggi sa Diyos] ay di-mapagpapaumanhinan.”—Roma 1:20.
Higit pa sa paniniwala sa pag-iral ng Diyos ang kailangan. Nagpayo si Pablo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Magagawa ito sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng mga Kasulatan sa tulong ng mga publikasyong Kristiyano, tulad ng magasing ito. Hindi mahina o mababaw ang pananampalataya salig sa tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Yaong mga nakaunawa ng kalooban ng Diyos at gumagawa nito nang may pananampalataya ay nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos.—Roma 12:1.
Pinaniwalaan Bagaman Di-Nakita
Nahirapan si apostol Tomas na manampalataya sa pagkabuhay-muli ni Jesus. “Malibang makita ko sa kaniyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay talagang hindi ako maniniwala,” sabi ni Tomas. Nang si Jesus ay magkatawang-tao nang dakong huli taglay ang mga sugat bunga ng pagkakapako niya, positibong tumugon si Tomas sa himalang ito. Subalit sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga hindi nakakakita at gayunma’y naniniwala.”—Juan 20:25-29.
Sa ngayon, milyun-milyong Saksi ni Jehova ang ‘lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.’ (2 Corinto 5:7) Bagaman hindi nila nakita ang mga himalang nakaulat sa Bibliya, matibay ang paniniwala nilang naganap ang mga ito. Ang mga Saksi ay sumasampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita. Sa tulong ng kaniyang espiritu, nauunawaan nila ang mga turo ng Bibliya at ang pangunahing tema nito—ang pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian. (Mateo 6:9, 10; 2 Timoteo 3:16, 17) Dulot ang malaking kapakinabangan sa kanilang sarili, ikinakapit ng tunay na mga Kristiyanong ito sa buhay ang matalinong payo ng Bibliya. (Awit 119:105; Isaias 48:17, 18) Tinatanggap nila ang di-matatanggihang katunayan na ipinakikilala ng mga hula sa Bibliya ang ating panahon bilang ang “mga huling araw,” at nananampalataya sila na malapit na ang bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-14; 2 Pedro 3:13) Isang kagalakan para sa kanila na ibahagi sa iba ang kaalaman ng Diyos. (Kawikaan 2:1-5) Batid nila na tanging sa pag-aaral ng Kasulatan lamang tunay na masusumpungan ang Diyos niyaong mga humahanap sa kaniya.—Gawa 17:26, 27.
Natatandaan mo ba si Albert, na nabanggit sa naunang artikulo? Mga ilang araw pagkaraang di-masagot ang kaniyang panalangin ukol sa isang himala, dinalaw siya ng isa sa mga Saksi ni Jehova, isang matanda nang babae na nag-iwan sa kaniya ng ilang salig-Bibliyang babasahin. Pagkaraan nito ay tumanggap si Albert ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Habang lalo niyang natututuhan ang mensahe ng Bibliya, ang kaniyang kabiguan ay nahalinhan ng pananabik. Natanto na lang niya na nasumpungan na pala niya ang Diyos.
Ganito ang payo ng Kasulatan: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit.” (Isaias 55:6) Magagawa mo ito, hindi sa pamamagitan ng paghihintay sa isang modernong-panahong himala mula sa Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagkakamit ng tumpak na kaalaman sa kaniyang Salita. Kailangang-kailangan ito, sapagkat hindi lamang mga himala ang pinagmumulan ng pananampalataya.
[Larawan sa pahina 5]
Kahit na ang makahimalang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay hindi nagpakilos sa mga kaaway ni Jesus na manampalataya
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang pananampalataya ay kailangang salig sa tumpak na kaalaman sa Bibliya