MAGING MALAPÍT SA DIYOS
‘Ang Tagapagbigay-Gantimpala sa mga May-Pananabik na Humahanap sa Kaniya’
Pinahahalagahan ba ni Jehova ang ginagawa ng kaniyang mga mananamba upang mapalugdan siya? Baka ang sagot ng ilan ay hindi, anupat sinasabing hindi interesado sa atin ang Diyos. Isang malaking kasinungalingan iyan tungkol sa Diyos. Pero itinutuwid ito ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Tinitiyak nito sa atin na pinahahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap ng kaniyang tapat na mga mananamba. Pansinin ang pananalita ni apostol Pablo sa Hebreo 11:6.
Paano natin mapalulugdan si Jehova? “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos,” ang isinulat ni Pablo. Pansinin na hindi sinasabi ni Pablo na mahirap palugdan ang Diyos kung walang pananampalataya. Sa halip, sinasabi ng apostol na imposibleng gawin iyon. Napakahalaga ng pananampalataya para mapalugdan ang Diyos.
Anong uri ng pananampalataya ang nakalulugod kay Jehova? Ang pananampalataya sa Diyos ay nagsasangkot ng dalawang bagay. Una, “dapat [tayong] maniwala na siya nga ay umiiral.” Ganito ang sabi ng ibang salin, “maniwala na siya ay totoo.” Paano nga natin mapalulugdan ang Diyos kung pinag-aalinlanganan natin ang kaniyang pag-iral? Pero higit pa ang nasasangkot sa tunay na pananampalataya dahil kahit ang mga demonyo ay naniniwalang umiiral si Jehova. (Santiago 2:19) Kung tunay ang ating pananampalatayang umiiral ang Diyos, dapat itong magpakilos sa atin na mamuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya.—Santiago 2:20, 26.
Ikalawa, “dapat [tayong] maniwala” na ang Diyos ang “tagapagbigay-gantimpala.” Ang isang tao na may tunay na pananampalataya ay lubusang kumbinsido na hindi sa walang-kabuluhan ang mga pagsisikap niya na mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos. (1 Corinto 15:58) Paano nga natin mapalulugdan si Jehova kung pinag-aalinlanganan natin ang kaniyang kakayahan at pagnanais na gantimpalaan tayo? (Santiago 1:17; 1 Pedro 5:7) Ang isang tao na nagsasabing walang malasakit, hindi nagpapahalaga, at maramot ang Diyos ay hindi talaga nakakikilala sa Diyos ng Bibliya.
Sino ang ginagantimpalaan ni Jehova? Ang “may-pananabik na humahanap sa kaniya,” ang sabi ni Pablo. Ang isang reperensiyang akda para sa mga tagapagsalin ng Bibliya ay nagsabi na ang salitang Griego na isinaling “may-pananabik na humahanap” ay hindi nangangahulugang “lumabas para maghanap,” kundi ng paglapit sa Diyos ‘sa pagsamba.’ Ipinaliliwanag ng isa pang reperensiya na ang pandiwang Griego na ito ay nasa anyong nagpapahiwatig ng marubdob at puspusang pagsisikap. Oo, ginagantimpalaan ni Jehova yaong ang pananampalataya ay nagpapakilos sa kanila na sambahin siya nang buong puso at may sigasig.—Mateo 22:37.
Paano nga natin mapalulugdan si Jehova kung pinag-aalinlanganan natin ang kaniyang kakayahan at pagnanais na gantimpalaan tayo?
Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba? Nangako siya ng walang katumbas na gantimpala sa hinaharap na nagpapakita ng kaniyang pagkabukas-palad at pag-ibig—buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 21:3, 4) Ngayon pa lang, nararanasan na ng mga masikap na humahanap kay Jehova ang saganang pagpapala. Sa tulong ng kaniyang banal na espiritu at karunungan sa kaniyang Salita, mayroon silang makabuluhan at kasiya-siyang buhay.—Awit 144:15; Mateo 5:3.
Talagang si Jehova ay isang mapagpahalagang Diyos. Pinahahalagahan niya ang paglilingkod ng kaniyang tapat na mga mananamba. Hindi ka ba nauudyukan nito na maging malapít sa kaniya? Kung gayon, bakit hindi ka mag-aral nang higit pa tungkol sa kung paano magkakaroon at magpapakita ng uri ng pananampalataya na saganang pagpapalain ni Jehova?
Pagbabasa ng Bibliya para sa Nobyembre