Purihin ng Kongregasyon si Jehova
“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita ng awit.”—HEBREO 2:12.
1, 2. Bakit lubhang kapaki-pakinabang ang kongregasyon, at ano ang pangunahing papel nito?
SA BUONG kasaysayan, ang mga tao ay nakasusumpong ng mga kaibigan at nakadarama ng katiwasayan sa loob ng pamilya. Pero binabanggit ng Bibliya ang isa pang grupo na kinabibilangan ng maraming indibiduwal sa buong lupa sa ngayon, kung saan nakasusumpong sila ng mabubuting kaibigan at nakadarama ng katiwasayan. Iyon ay ang kongregasyong Kristiyano. Bahagi ka man o hindi ng isang pamilyang nagtutulungan at malapít sa isa’t isa, maaari at dapat mong pahalagahan ang inilaan ng Diyos sa pamamagitan ng kongregasyon. Sabihin pa, kung nakikisama ka na sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, malamang na masasabi mong talagang nararanasan mo ang maibiging pagsasamahan at katiwasayan dito.
2 Ang kongregasyon ay hindi lamang isang asosasyon sa komunidad o isang samahan kung saan nagsasama-sama ang mga taong may parehong pinagmulan o interes sa isang isport o libangan. Sa halip, ang kongregasyon ay itinatag pangunahin na para purihin ang Diyos na Jehova. Noon pa ma’y ito na ang papel ng kongregasyon, gaya ng idiniriin ng aklat ng Mga Awit. Ganito ang mababasa natin sa Awit 35:18: “Dadakilain kita sa malaking kongregasyon; sa gitna ng maraming tao ay pupurihin kita.” Sa katulad na paraan, pinasisigla tayo ng Awit 107:31, 32: “O magpasalamat nawa ang mga tao kay Jehova dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan at dahil sa kaniyang mga kamangha-manghang gawa sa mga anak ng mga tao. At dakilain nila siya sa kongregasyon ng bayan.”
3. Ayon kay Pablo, ano ang papel ng kongregasyon?
3 Itinampok ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang isa pang mahalagang papel ng kongregasyon nang tukuyin niya ang “sambahayan ng Diyos, na siyang kongregasyon ng Diyos na buháy, isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:15) Anong kongregasyon ang tinutukoy ni Pablo? Sa anu-anong paraan ginamit ng Bibliya ang salitang “kongregasyon”? At ano ang dapat na maging epekto nito sa ating buhay at sa ating mga inaasahan sa hinaharap? Upang masagot ito, dapat muna nating suriin ang iba’t ibang gamit ng terminong “kongregasyon” sa Salita ng Diyos.
4. Kanino pinakamadalas ikapit ng Hebreong Kasulatan ang salitang “kongregasyon”?
4 Ang Hebreong salita na madalas isaling “kongregasyon” ay mula sa salitang nangangahulugang “tawagin para magsama-sama” o “magtipon.” (Deuteronomio 4:10; 9:10) Ginamit ng salmista ang terminong “kongregasyon” nang tukuyin niya ang mga anghel sa langit, at maaari itong gamitin upang ilarawan ang isang grupo ng masasamang tao. (Awit 26:5; 89:5-7) Subalit pinakamadalas na ikapit ng Hebreong Kasulatan ang salitang ito sa mga Israelita. Ipinahiwatig ng Diyos na si Jacob ay “magiging isang kongregasyon ng mga bayan,” at gayon nga ang nangyari. (Genesis 28:3; 35:11; 48:4) Tinawag, o pinili, ang mga Israelita upang maging “kongregasyon ni Jehova,” ang “kongregasyon ng tunay na Diyos.”—Bilang 20:4; Nehemias 13:1; Josue 8:35; 1 Samuel 17:47; Mikas 2:5.
5. Anong Griegong salita ang karaniwan nang isinasaling “kongregasyon,” at sa ano ito maaaring ikapit?
5 Ang katumbas nitong Griegong salita ay ek·kle·siʹa, mula sa dalawang Griegong salita na nangangahulugang “lumabas” at “tawagin.” Maaari itong ikapit sa isang sekular na grupo, gaya ng “kapulungan” na sinulsulan ni Demetrio laban kay Pablo sa Efeso. (Gawa 19:32, 39, 41) Pero karaniwan nang ginagamit ito ng Bibliya upang tukuyin ang kongregasyong Kristiyano. Isinasalin ito ng ibang mga salin ng Bibliya bilang “simbahan,” pero iniuulat ng The Imperial Bible-Dictionary na “hindi [ito] kailanman . . . tumukoy sa aktuwal na gusali kung saan nagpupulong ang mga Kristiyano para sa pangmadlang pagsamba.” Subalit kapansin-pansin na mababasa natin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ginamit ang salitang “kongregasyon” sa di-kukulangin sa apat na iba’t ibang paraan.
Ang Pinahirang Kongregasyon ng Diyos
6. Ano ang ginawa ni David at ni Jesus sa gitna ng kongregasyon?
6 Sa pagkakapit kay Jesus sa mga salita ni David na masusumpungan sa Awit 22:22, sumulat si apostol Pablo: “‘Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kongregasyon ay pupurihin kita ng awit.’ Dahil dito ay kinailangan [ni Jesus na] maging tulad ng kaniyang ‘mga kapatid’ sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos.” (Hebreo 2:12, 17) Pinuri ni David ang Diyos sa gitna ng kongregasyon ng sinaunang Israel. (Awit 40:9) Subalit ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niyang pinuri ni Jesus ang Diyos “sa gitna ng kongregasyon”? Anong kongregasyon iyon?
7. Sa ano pangunahin nang tumutukoy ang salitang “kongregasyon” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
7 Mahalaga ang sinasabi sa Hebreo 2:12, 17. Ipinakikita nito na si Kristo ay miyembro ng isang kongregasyon kung saan ipinahayag niya ang pangalan ng Diyos sa kaniyang mga kapatid. Sino ang mga kapatid na ito? Sila ang bumubuo sa bahagi ng “binhi ni Abraham,” ang pinahiran-ng-espiritu na mga kapatid ni Kristo, “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.” (Hebreo 2:16–3:1; Mateo 25:40) Oo, ang salitang “kongregasyon” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay pangunahin nang tumutukoy sa kalipunan ng pinahiran-ng-espiritu na mga kapatid ni Kristo. Ang 144,000 pinahiran na ito ang bumubuo sa “kongregasyon ng panganay na nakatala sa langit.”—Hebreo 12:23.
8. Ano ang sinabi ni Jesus na patiunang nagpapahiwatig sa pagtatatag ng kongregasyong Kristiyano?
8 Ipinahiwatig ni Jesus na itatatag ang ‘kongregasyong’ Kristiyanong ito. Mga isang taon bago siya mamatay, sinabi niya sa isang apostol: “Ikaw ay si Pedro, at sa batong-limpak na ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon, at ang mga pintuang-daan ng Hades ay hindi makapananaig dito.” (Mateo 16:18) Wastong naunawaan nina Pedro at Pablo na si Jesus mismo ang inihulang batong-limpak. Sumulat si Pedro na ang “mga batong buháy” na itinatayo bilang isang espirituwal na bahay sa ibabaw ng batong-limpak, si Kristo, ay “isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag . . . nang malawakan ang mga kagalingan” ng Isa na tumawag sa kanila.—1 Pedro 2:4-9; Awit 118:22; Isaias 8:14; 1 Corinto 10:1-4.
9. Kailan naitatag ang kongregasyon ng Diyos?
9 Kailan naitatag ang kongregasyong Kristiyano, ang “bayang ukol sa pantanging pag-aari”? Ito ay noong Pentecostes 33 C.E. nang ibuhos ng Diyos ang banal na espiritu sa mga alagad na nagtitipon noon sa Jerusalem. Pagkaraan, nang araw ding iyon, nagbigay si Pedro ng napakagandang pahayag sa isang grupo ng mga Judio at proselita. Marami ang labis na nasaktan sa pagkamatay ni Jesus; nagsisi sila at nabautismuhan. Ayon sa kasaysayan, tatlong libo ang nagsisi at nagpabautismo, at sa gayo’y naging bahagi ng bago at lumalaking kongregasyon ng Diyos. (Gawa 2:1-4, 14, 37-47) Lumaki ito dahil parami nang paraming Judio at proselita ang tumanggap sa katotohanan na ang bansang Israel ay hindi na itinuturing na kongregasyon ng Diyos. Sa halip, ang mga pinahirang Kristiyano na bumubuo sa espirituwal na “Israel ng Diyos” ang naging tunay na kongregasyon ng Diyos.—Galacia 6:16; Gawa 20:28.
10. Ano ang kaugnayan ni Jesus sa kongregasyon ng Diyos?
10 Sa Bibliya, madalas na binabanggit nang magkabukod si Jesus at ang mga pinahiran, gaya ng pariralang “may kaugnayan kay Kristo at sa kongregasyon.” Si Jesus ang Ulo ng kongregasyong ito ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Isinulat ni Pablo na “ginawa [ng Diyos si Jesus bilang] ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon, na siyang katawan niya.” (Efeso 1:22, 23; 5:23, 32; Colosas 1:18, 24) Sa ngayon, iilan na lamang ang nalabi ng pinahirang mga miyembro ng kongregasyong ito sa lupa. Subalit makatitiyak tayo na iniibig sila ng kanilang Ulo, si Jesu-Kristo. Inilarawan sa Efeso 5:25 ang kaniyang nadarama hinggil sa kanila: “Inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” Iniibig niya sila dahil abala silang naghahandog sa Diyos ng “hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan,” na siya ring ginawa ni Jesus noong naririto pa siya sa lupa.—Hebreo 13:15.
“Kongregasyon”—Sa Ibang Diwa
11. Ano ang ikalawang diwa ng salitang “kongregasyon” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan?
11 Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang “kongregasyon” sa mas limitado o espesipikong diwa, at hindi para tukuyin ang buong grupo ng 144,000 pinahiran na bumubuo sa “kongregasyon ng Diyos.” Halimbawa, sumulat si Pablo sa isang grupo ng mga Kristiyano: “Iwasan ninyo ang maging mga sanhi ng ikatitisod sa mga Judio at gayundin sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos.” (1 Corinto 10:32) Maliwanag na kung gumawa nang di-wasto ang isang Kristiyano na nasa sinaunang Corinto, maaari itong maging sanhi ng ikatitisod ng ilan. Pero posible ba itong makatisod sa lahat ng Griego, Judio, o pinahiran mula noon hanggang ngayon? Tiyak na hindi. Kaya ipinahihiwatig sa talatang ito na ang “kongregasyon ng Diyos” ay tumutukoy sa mga Kristiyanong nabubuhay sa isang partikular na yugto ng panahon. Alinsunod dito, maaaring sabihin ng isa ang hinggil sa pagpatnubay, pagtulong, o pagpapala ng Diyos sa kongregasyon, na tumutukoy sa lahat ng Kristiyano sa isang espesipikong yugto ng panahon, saanman sila naroroon. O maaari nating banggitin ang tungkol sa kaligayahan at kapayapaang namamayani sa kongregasyon ng Diyos sa ngayon, samakatuwid nga, sa buong kapatirang Kristiyano.
12. Ano ang ikatlong diwa ng salitang “kongregasyon” sa Bibliya?
12 Ang salitang “kongregasyon” sa Bibliya ay tumutukoy rin sa lahat ng Kristiyano sa isang lugar. Mababasa natin: “Ang kongregasyon sa buong Judea at Galilea at Samaria ay nagkaroon ng isang yugto ng kapayapaan.” (Gawa 9:31) Hindi lamang iisa ang grupo ng mga Kristiyano sa malaking lugar na iyon, pero lahat ng grupong ito sa Judea, Galilea, at Samaria ay tinukoy bilang “ang kongregasyon.” Dahil sa bilang ng nabautismuhan noong Pentecostes 33 C.E. at di-nagtagal pagkatapos nito, malamang na mahigit sa isang grupo ang regular na nagtitipon sa lugar ng Jerusalem. (Gawa 2:41, 46, 47; 4:4; 6:1, 7) Si Herodes Agripa I ang namahala sa Judea hanggang sa mamatay siya noong 44 C.E., at malinaw mula sa 1 Tesalonica 2:14 na noong mga 50 C.E., marami nang kongregasyon sa Judea. Kaya kapag nabasa natin na ‘pinagmamalupitan ni Herodes ang ilan sa mga kabilang sa kongregasyon,’ maaaring tumukoy ang salitang “kongregasyon” sa mga grupong nagtitipon sa Jerusalem.—Gawa 12:1.
13. Ano ang ikaapat at pinakakaraniwang gamit ng Bibliya sa salitang “kongregasyon”?
13 Ang salitang “kongregasyon” ay tumutukoy rin sa mga Kristiyanong bumubuo sa isang lokal na kongregasyon, gaya ng nasa isang bahay. Ito ang ikaapat at pinakakaraniwang gamit ng salitang ito sa Bibliya. Binanggit ni Pablo ang “mga kongregasyon sa Galacia.” Hindi lamang iisa ang kongregasyon sa malaking probinsiyang iyon ng Roma. Dalawang beses na ginamit ni Pablo ang pananalitang “mga kongregasyon” sa Galacia, na nasa pangmaramihang anyo, upang ipahiwatig na kasama rito ang mga kongregasyon sa Antioquia, Derbe, Listra, at Iconio. Ang mga kuwalipikadong matatandang lalaki, o mga tagapangasiwa, ay inaatasan sa lokal na mga kongregasyong ito. (1 Corinto 16:1; Galacia 1:2; Gawa 14:19-23) Ayon sa Kasulatan, ang lahat ng kongregasyong ito ay “mga kongregasyon ng Diyos.”—1 Corinto 11:16; 2 Tesalonica 1:4.
14. Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng salitang “kongregasyon” sa ilang teksto?
14 Sa ilang pagkakataon, malamang na maliit lamang ang mga grupo ng mga Kristiyanong nagpupulong, kung kaya kasya sila sa isang pribadong bahay. Gayunpaman, ikinapit din ang salitang “kongregasyon” sa gayong mga grupo. Ang alam nating mga halimbawa ng gayong mga grupo ay ang mga kongregasyon sa bahay nina Aquila at Prisca, bahay ni Nimfa, at bahay ni Filemon. (Roma 16:3-5; Colosas 4:15; Filemon 2) Tiyak na nakapagpapatibay ito sa maliliit na kongregasyon sa ngayon na maaaring regular na nagtitipon sa isang pribadong bahay. Kinilala ni Jehova ang gayong maliliit na kongregasyon noong unang siglo, at tiyak na gayundin sa ngayon, anupat pinagpapala sila sa pamamagitan ng kaniyang espiritu.
Pinupuri ng mga Kongregasyon si Jehova
15. Paano kumilos ang banal na espiritu sa ilang kongregasyon noon?
15 Binanggit natin kanina na bilang katuparan ng Awit 22:22, pinuri ni Jesus ang Diyos sa gitna ng kongregasyon. (Hebreo 2:12) Gayon din naman ang dapat gawin ng kaniyang tapat na mga tagasunod. Noong unang siglo, nang pahiran ng banal na espiritu ang mga tunay na Kristiyano upang maging mga anak ng Diyos at sa gayo’y maging mga kapatid ni Kristo, ang ilan sa kanila ay tumanggap ng karagdagan at natatanging pagkilos ng espiritu. Nakagawa sila ng mga himala dahil sa kaloob ng espiritu. Kabilang dito ang natatanging pagsasalita ng karunungan o kaalaman, ang kapangyarihang magpagaling o manghula, o makapagsalita pa nga ng ibang wika.—1 Corinto 12:4-11.
16. Ano ang isang layunin ng kaloob ng espiritu na sanhi ng mga himala?
16 Hinggil sa pagsasalita sa isang wika, sinabi ni Pablo: “Aawit ako ng papuri na may kaloob ng espiritu, ngunit aawit din ako ng papuri sa aking pag-iisip.” (1 Corinto 14:15) Nakita niyang mahalaga na maunawaan ng iba ang kaniyang mga salita upang matuto sila mula rito. Tunguhin ni Pablo na purihin si Jehova sa kongregasyon. Hinimok niya ang iba na may kaloob ng espiritu: “Nasain ninyong managana sa mga ito ukol sa ikatitibay ng kongregasyon,” samakatuwid nga, sa kanilang kongregasyon kung saan ipinakikita nila ang kanilang kaloob. (1 Corinto 14:4, 5, 12, 23) Malinaw na nagmamalasakit si Pablo sa lokal na mga kongregasyon, at batid niya na sa bawat kongregasyon, may pagkakataon ang mga Kristiyano na purihin ang Diyos.
17. Sa ano tayo makatitiyak hinggil sa lokal na mga kongregasyon sa ngayon?
17 Patuloy na ginagamit at sinusuportahan ni Jehova ang kaniyang kongregasyon. Pinagpapala niya ang kalipunan ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa sa ngayon. Pinatutunayan ito ng saganang espirituwal na pagkaing tinatanggap ng bayan ng Diyos. (Lucas 12:42) Pinagpapala niya ang pandaigdig na kapatiran sa kabuuan. At pinagpapala niya ang lokal na mga kongregasyon, kung saan pinupuri natin ang ating Maylalang sa pamamagitan ng ating paggawi at mga komentong nakapagpapatibay sa pananampalataya ng iba. Doon ay tinuturuan at sinasanay tayo upang mapuri natin ang Diyos sa ibang pagkakataon, kapag hindi tayo kasama ng ating kongregasyon.
18, 19. Ano ang nais gawin ng taimtim na mga Kristiyano saanmang kongregasyon sila kaugnay?
18 Alalahanin natin na hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa lokal na kongregasyon sa Filipos, sa Macedonia: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na [kayo ay] mapuspos ng matuwid na bunga, na sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.” Kasama rito ang pakikipag-usap nila sa iba, sa mga hindi bahagi ng kongregasyon, hinggil sa kanilang pananampalataya kay Jesus at sa kanilang napakagandang pag-asa. (Filipos 1:9-11; 3:8-11) Kaya naman, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Sa pamamagitan [ni Jesus] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
19 Nalulugod ka bang purihin ang Diyos “sa gitna ng kongregasyon,” gaya ni Jesus, at gamitin ang iyong mga labi sa pagpuri kay Jehova sa mga hindi pa nakakakilala at pumupuri sa kaniya? (Hebreo 2:12; Roma 15:9-11) Sa isang antas, ang ating sagot sa tanong na iyan ay maaaring depende sa ating nadarama sa papel ng ating lokal na kongregasyon sa layunin ng Diyos. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano pinapatnubayan at ginagamit ni Jehova ang kongregasyong kinauugnayan natin at kung ano ang dapat na maging papel nito sa ating buhay sa ngayon.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano umiral ang “kongregasyon ng Diyos” na binubuo ng mga pinahirang Kristiyano?
• Sa anong tatlong iba pang paraan ginamit ang salitang “kongregasyon” sa Bibliya?
• Ano ang nais gawin nina David at Jesus, at ng unang-siglong mga Kristiyano sa gitna ng kongregasyon, at ano ang dapat na maging epekto nito sa atin?
[Larawan sa pahina 21]
Si Jesus ang pundasyon ng anong kongregasyon?
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga lokal na grupo ng mga Kristiyano noon ay nagtitipun-tipon bilang “mga kongregasyon ng Diyos”
[Larawan sa pahina 24]
Gaya ng mga Kristiyano sa Benin, maaari nating purihin si Jehova sa gitna ng kongregasyon