Ang Diyos ay Nagmamalasakit sa Iyo
SI Mary, isang Kristiyanong babae na nasa gulang na mga 40, ay nagdusa nang labis sa kaniyang buhay. Ang pangangalunya ng kaniyang asawa ay humantong sa diborsiyo mahigit sampung taon na ang nakararaan. Mula noon, nakipagpunyagi na si Mary upang gampanan ang kaniyang papel bilang isang nagsosolong magulang sa kaniyang apat na anak. Ngunit nag-iisa pa rin siya, at kung minsan ay waring di na niya matiis ang kalungkutan. Naitatanong ni Mary, ‘Nangangahulugan kaya ito na ang Diyos ay hindi nagmamalasakit sa akin o sa aking mga anak na walang ama?’
Naranasan mo man o hindi ang katulad na kahirapan, tiyak na nauunawaan mo ang nadarama ni Mary. Lahat tayo ay nakaranas ng mahihirap na kalagayan, at maaaring naitanong natin kung talagang kailan at papaano kikilos si Jehova alang-alang sa atin. Ang ilan sa mga karanasang ito ay tuwirang resulta ng ating pagsunod sa mga batas ng Diyos. (Mateo 10:16-18; Gawa 5:29) Ang iba ay bunga ng ating pagiging mga taong di-sakdal na nabubuhay sa isang sanlibutan na pinamamahalaan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Sumulat si apostol Pablo: “Ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktan.”—Roma 8:22.
Gayunman, ang bagay na ikaw ay nakaharap sa isang mahigpit na pagsubok ay hindi nangangahulugan na pinabayaan ka na ni Jehova o na siya ay hindi interesado sa iyong kapakanan. Papaano mo matitiyak ito? Ano ang nagpapakita na ang Diyos ay nagmamalasakit sa iyo?
Isang Sinaunang Halimbawa
Naglalaan ang Bibliya ng malinaw na katunayan ng pagmamalasakit ni Jehova sa mga tao bilang mga indibiduwal. Isaalang-alang si David. Personal na interesado si Jehova sa kabataang pastol na ito, anupat nahiwatigan na siya ay “isang taong kaayaaya sa kaniyang puso.” (1 Samuel 13:14) Pagkaraan, nang si David ay mamahala bilang hari, nangako si Jehova sa kaniya: “Ako’y mapatutunayang sumasaiyo saan ka man pumaroon.”—2 Samuel 7:9.
Nangangahulugan ba ito na si David ay namuhay na may “galíng,” anupat malaya buhat sa anumang suliranin? Hindi, napaharap si David sa matitinding pagsubok kapuwa bago at sa panahon ng kaniyang paghahari. Maraming taon bago naging hari, siya ay walang-lubay na tinugis ng mapanganib na si Haring Saul. Sa panahong ito ng kaniyang buhay, sumulat si David: “Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon . . . sa mga anak nga ng mga tao, na ang mga ngipin ay mga sibat at palaso.”—Awit 57:4.
Gayunpaman, sa buong panahong ito ng kagipitan ay kumbinsido si David sa personal na pagmamalasakit ni Jehova. “Ikaw mismo ang nag-ulat ng aking pagiging pugante,” ipinahayag niya sa isang panalangin kay Jehova. Oo, kay David ay para bang dokumentado ni Jehova ang buong pangyayari. Pagkatapos ay sinabi pa ni David: “Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelyang balat. Hindi ba ang mga ito ay nasa iyong aklat?”a (Awit 56:8) Sa pamamagitan ng ilustrasyong ito, si David ay nagpahayag ng pagtitiwala na batid ni Jehova hindi lamang kung ano ang sitwasyon kundi gayundin ang epekto nito sa emosyon.
Sa pagtatapos ng kaniyang buhay, maisusulat nga ni David buhat sa personal na karanasan: “Sa pamamagitan ni Jehova ay naihahanda ang mismong mga hakbang ng matipunong lalaki, at nalulugod Siya sa kaniyang daan. Bagaman siya ay mahulog, hindi siya ibabagsak, sapagkat si Jehova ay umaalalay sa kaniyang kamay.” (Awit 37:23, 24) Ikaw man ay makapagtitiwala na kahit na ang iyong mga pagsubok ay namamalagi at nagpapatuloy, napapansin at pinahahalagahan ni Jehova ang iyong pagbabata. Sumulat si Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.
Isa pa, si Jehova ay maaaring kumilos alang-alang sa iyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng lakas upang mabata ang anumang hadlang na nasa iyong landas. “Marami ang kalamidad ng isa na matuwid,” ang isinulat ni David, “ngunit inililigtas siya ni Jehova mula sa lahat ng iyon.” (Awit 34:19) Sa katunayan, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga mata ni Jehova “ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang doon sa ang puso ay sakdal sa harap niya.”—2 Cronica 16:9.
Inilapit Ka ni Jehova
Karagdagang katunayan ng personal na malasakit ni Jehova ay masusumpungan sa mga salita ni Jesus. “Walang taong makalalapit sa akin,” sabi niya, “malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” (Juan 6:44) Oo, tinutulungan ni Jehova ang mga tao na samantalahin ang mga kapakinabangan ng hain ni Kristo. Papaano? Pangunahin na, iyon ay sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ng Kaharian. Totoo, ang gawaing ito’y nagsisilbing “patotoo sa lahat ng mga bansa,” gayunma’y nakaaabot ito sa mga tao sa indibiduwal na paraan. Ang bagay na ikaw ay nakikinig at tumutugon sa mensahe ng mabuting balita ay katunayan ng personal na malasakit ni Jehova sa iyo.—Mateo 24:14.
Sa pamamagitan ng banal na espiritu, inilalapit ni Jehova ang mga tao sa kaniyang Anak at sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan. Ito’y magpapangyari sa isa na maunawaan at maikapit ang espirituwal na katotohanan sa kabila ng likas na mga kahinaan at di-kasakdalan. Totoo naman, hindi maaaring maunawaan ng isa ang mga layunin ng Diyos kung walang tulong ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 2:11, 12) Gaya ng isinulat ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao.” (2 Tesalonica 3:2) Inilalaan ni Jehova ang kaniyang espiritu tangi lamang doon sa mga nagpapakitang handa silang lumapit sa kaniya.
Inilalapit ni Jehova ang mga tao dahil minamahal niya sila bilang mga indibiduwal at ibig niyang maligtas sila. Isa ngang matibay na ebidensiya ng personal na malasakit ni Jehova! Sinabi ni Jesus: “Hindi kanasa-nasang bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” (Mateo 18:14) Oo, sa mata ng Diyos bawat tao ay mahalaga bilang isang natatanging indibiduwal. Kaya nga maisusulat ni Pablo: “Ibibigay niya sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.” (Roma 2:6) At ganito ang sabi ni apostol Pedro: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao [ang indibiduwal na persona] na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Ang mga Himala ni Jesus
Ang personal na interes ng Diyos sa mga tao ay nakaaantig-damdaming ipinamalas sa mga himala na ginawa ng kaniyang Anak, si Jesus. Ang mga pagpapagaling na ito ay may kalakip na matinding damdamin. (Marcos 1:40, 41) Yamang si Jesus ay “hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama,” ang kaniyang pagkamadamayin ay naglalarawan ng isang nakaaantig-damdaming malasakit ni Jehova para sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod.—Juan 5:19.
Isaalang-alang ang ulat ng isang himala na ginawa ni Jesus, na nasa Marcos 7:31-37. Dito ay pinagaling ni Jesus ang isang taong bingi at may kapansanan sa pagsasalita. “Inilayo niya [ang lalaki] nang sarilinan mula sa pulutong,” ang paglalahad ng Bibliya. Pagkatapos, “pagtingin sa langit ay nagbuntong-hininga siya nang malalim at nagsabi sa kaniya: ‘Effatha,’ alalaong baga, ‘Mabuksan ka.’ ”
Bakit inilayo ni Jesus ang lalaki mula sa pulutong? Buweno, malamang na ang isang taong bingi na hindi gaanong makapagsalita ay maaaring maging kimi sa harap ng mga nagmamasid. Maaaring napansin ni Jesus ang pagkabalisa ng lalaking ito, at iyan ang dahilan kung kaya minabuti niyang pagalingin siya nang sarilinan. “Ang buong pangyayari,” sabi ng isang iskolar sa Bibliya, “ay malinaw na nagpapakita sa atin na hindi itinuring ni Jesus ang lalaki bilang isang pasyente lamang; itinuring niya siya bilang isang indibiduwal. Ang lalaki ay may pantanging pangangailangan at pantanging suliranin, at sa pamamagitan ng malumanay na konsiderasyon ay pinakitunguhan siya ni Jesus sa paraan na maiingatan ang kaniyang damdamin at sa paraan na mauunawaan niya.”
Ipinakikita ng salaysay na ito na si Jesus ay personal na nagmamalasakit sa mga tao. Makatitiyak ka na gayundin ang interes niya sa iyo. Totoo, ang kaniyang sakripisyong kamatayan ay isang kapahayagan ng pag-ibig sa buong sanlibutan ng sangkatauhan na maaaring tubusin. Gayunman, personal na makikinabang ka sa gawang iyan, gaya ni Pablo, na sumulat: Ang “Anak ng Diyos . . . [ay] umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Galacia 2:20) At yamang sinabi ni Jesus na ‘siya na nakakita sa kaniya ay nakakita rin sa Ama,’ makatitiyak din tayo na gayundin ang interes ni Jehova sa bawat isa sa kaniyang mga lingkod.—Juan 14:9.
Si Jehova ay Nagiging Tagapagbigay-Gantimpala
Ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos ay nagsasangkot ng pagkilala sa bawat pitak ng kaniyang personalidad ayon sa pagkakasiwalat sa Bibliya. Ang mismong pangalang Jehova ay nangangahulugang “Siya na Nagpapangyaring Maging,” anupat nagpapahiwatig na si Jehova ay maaaring maging anuman na minabuti niya upang isakatuparan ang kaniyang kalooban. Sa buong kasaysayan, gumanap siya ng iba’t ibang papel, kasali na ang pagiging Maylalang, Ama, Soberanong Panginoon, Pastol, Jehova ng mga hukbo, Dumirinig ng panalangin, Hukom, Dakilang Instruktor, at Tagabiling-muli.b
Upang maunawaan ang buong kahulugan ng pangalan ng Diyos, dapat din nating makilala si Jehova bilang isang Tagapagbigay-gantimpala. Sumulat si Pablo: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang mainam, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Nangako si Jehova ng buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa para sa mga nagpapasiyang paglingkuran siya nang buong-puso. Hindi pag-iimbot na umasa sa katuparan ng dakilang pangakong iyan, ni kapangahasan man na gunigunihin ng isa ang pamumuhay roon. Si Moises ay ‘tuminging mabuti sa gantimpalang kabayaran.” (Hebreo 11:26) Si Pablo rin naman ay lubhang nanabik sa katuparan ng pangako ng Diyos para sa tapat na mga pinahirang Kristiyano. Sumulat siya: “Ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 3:14.
Maaari mo ring asam-asamin ang gantimpala na ipinangangako ni Jehova sa mga nagbabata. Ang pag-asam sa gantimpalang iyan ay isang mahalagang bahagi ng iyong kaalaman sa Diyos at sa iyong pagbabata sa paglilingkuran sa kaniya. Kaya bulay-bulayin mo sa araw-araw ang mga pagpapala na inihanda ni Jehova para sa iyo. Si Mary, na nabanggit sa simula, ay pantanging nagsikap na gawin ito. “Sa unang pagkakataon sa aking buhay,” sabi niya, “kamakailan ay tinanggap ko na ang haing pantubos ni Jesus ay kumakapit sa akin. Nagsimula kong madama na si Jehova ay nagmamalasakit sa akin bilang isang persona. Mahigit nang 20 taon na ako’y isang Kristiyano, ngunit kamakailan lamang na talagang pinaniwalaan ko ito.”
Sa pamamagitan ng pag-aaral at taos-pusong pagbubulay-bulay sa Bibliya, natutuhan ni Mary, kasama ng milyun-milyong iba pa, na si Jehova ay nagmamalasakit sa kaniyang bayan hindi lamang bilang isang grupo kundi gayundin bilang mga indibiduwal. Gayon na lamang ang paniniwala rito ni apostol Pedro anupat isinulat niya: ‘Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa [Diyos], sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Pedro 5:7) Oo, ang Diyos ay nagmamalasakit sa iyo!
[Mga talababa]
a Ang isang botelyang balat ay isang lalagyang yari sa balat ng hayop na ginagamit upang maglaman ng mga bagay gaya ng tubig, langis, gatas, alak, mantikilya, at keso. Ang mga sinaunang botelya ay lubhang nagkakaiba-iba sa sukat at hugis, ang ilan sa mga ito ay mga balat na bag at ang iba naman ay mga lalagyang may makipot na leeg na may tapón.
b Tingnan ang Hukom 11:27; Awit 23:1; 65:2; 73:28; 89:26; Isaias 8:13; 30:20; 40:28; 41:14; tingnan din ang New World Translation of the Holy Scriptures—With References, Appendix 1J, pahina 1568, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 6]
Ang Pagkabuhay-Muli—Patotoo na Nagmamalasakit ang Diyos
ANG mapaniniwalaang patotoo ng interes ng Diyos sa bawat tao ay masusumpungan sa Bibliya sa Juan 5:28, 29: “Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.”
Kapansin-pansin, ang Griegong salita na mne·meiʹon (alaalang libingan) ay ginamit dito sa halip na taʹphos (libingan). Ang salitang taʹphos ay nagpapahiwatig lamang ng kaisipan tungkol sa paglilibing. Subalit ang mne·meiʹon ay nagpapahiwatig na ang rekord ng taong namatay ay natatandaan.
Kung isasaalang-alang ito, isip-isipin lamang kung ano ang kailangang gawin ng Diyos na Jehova tungkol sa pagkabuhay-muli. Upang ibalik ang buhay ng isa, kailangang alam niya ang lahat tungkol sa taong iyon—kasali na ang kaniyang minanang ugali at buong memorya. Saka pa lamang maibabalik sa tao ang kaniyang dating pagkakakilanlan.
Sabihin pa, imposible ito sa pangmalas ng tao, ngunit “ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:27) Matitiyak pa nga niya kung ano ang nasa puso ng isang tao. Kahit na marami nang siglo buhat nang mamatay ang isang tao, ang alaala ng Diyos tungkol sa kaniya ay walang-pagbabago; hindi iyon napaparam. (Job 14:13-15) Kaya naman, nang binabanggit sina Abraham, Isaac, at Jacob, masasabi nga ni Jesus kahit mga siglo na ang nakalilipas pagkamatay nila na si Jehova “ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.”—Lucas 20:38.
Sa gayon, bilyun-bilyon na namatay ay nasa alaala ng Diyos na Jehova nang buong detalye. Kamangha-mangha ngang patotoo na ang Diyos ay nagmamalasakit sa mga tao sa indibiduwal na paraan!
[Larawan sa pahina 7]
Si Jesus ay nagpakita ng personal na interes sa mga pinagaling niya