Aklat ng Bibliya Bilang 7—Mga Hukom
Manunulat: Si Samuel
Saan Isinulat: Sa Israel
Natapos Isulat: c. 1100 B.C.E.
Panahong Saklaw: c. 1450-c. 1120 B.C.E.
1. Sa anong mga paraan kapansin-pansin ang panahon ng mga hukom?
ANG kabanatang ito sa kasaysayan ng Israel ay puspos ng aksiyon, ng paghahalili ng nagpapahamak na pagkahawa sa demonismo at ng maawaing pagliligtas ni Jehova sa nagsisisi niyang bayan sa tulong ng inatasan niyang mga hukom. Nagpapatibay-pananampalataya ang makapangyarihang mga gawa nina Othniel, Ehud, Shamgar, at ng iba pang hukom. Sinasabi sa Mga Hebreo: “Kakapusin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepte, . . . na sa pananampalataya ay nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, . . . mula sa kahinaan ay naging makapangyarihan, naging magiting sa pakikibaka, pumuksa sa mga kaaway.” (Heb. 11:32-34) Kabilang sa 12 tapat na hukom ay sina Tola, Jair, Ibzan, Elon, at Abdon. (Si Samuel ay hindi ibinibilang na hukom.) Ipinaglaban sila ni Jehova at nilukuban sila ng espiritu sa kanilang mga gawa ng kagitingan. Lahat ng papuri at karangalan ay iniukol nila sa Diyos.
2. Papaano naaangkop ang Hebreong pangalan ng aklat ng Mga Hukom?
2 Sa Septuagint ang aklat ay tinatawag na Kri·taiʹ, at sa Bibliyang Hebreo, ay Sho·phetimʹ, o “Mga Hukom.” Ang Sho·phetimʹ ay mula sa pandiwang sha·phatʹ, ibig sabihi’y “maghukom, magbangong-puri, magparusa, mamahala,” na angkop na larawan ng tungkulin ng mga hirang ng “Diyos na Hukom ng lahat.” (Heb. 12:23) Inatasan sila sa partikular na mga okasyon upang iligtas ang bayan sa mga kaaway.
3. Kailan isinulat ang Mga Hukom?
3 Kailan isinulat ang Mga Hukom? Dalawang pangungusap sa aklat ang sumasagot. Ang una ay ito: “Ang mga Jebuseo ay nagsisitahan . . . sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.” (Huk. 1:21) Yamang “ang moog ng Sion” ay nabihag ni Haring David mula sa mga Jebuseo noong ikawalong taon ng kaniyang paghahari, o 1070 B.C.E., malamang na ang Mga Hukom ay nasulat bago nito. (2 Sam. 5:4-7) Ang ikalawang pangungusap ay apat na beses lumilitaw: “Nang panahong yaon ay walang hari sa Israel.” (Huk. 17:6; 18:1; 19:1; 21:25) Kaya ang aklat ay isinulat noong mayroon nang “hari sa Israel,” alalaong baga, matapos na si Saul ay maging unang hari noong 1117 B.C.E. Kaya ang petsa ay dapat na nasa pagitan ng 1117 at 1070 B.C.E.
4. Sino ang sumulat ng Mga Hukom?
4 Sino ang sumulat? Tiyak, siya’y tapat na lingkod ni Jehova. Si Samuel ang namukod-tangi bilang pangunahing tagapagtaguyod ng pagsamba ni Jehova noong panahong maghalili ang mga hari at ang mga hukom, at siya rin ang una sa hanay ng tapat na mga propeta. Kaya, makatuwiran na si Samuel ang sumulat ng kasaysayan ng mga hukom.
5. Papaano tatantiyahin ang panahong saklaw ng Mga Hukom?
5 Gaano kahaba ang panahong saklaw ng Hukom? Matatantiya ito mula sa 1 Hari 6:1, na nagsasabing itinayo ni Solomon ang bahay ni Jehova sa ikaapat na taon ng kaniyang paghahari, na siya ring “ikaapat na raan at walumpung taon mula nang lumabas ang Israel sa lupain ng Ehipto.” (Ang ordinal na bilang na “ikaapat na raan at walumpu[ng]” ay katumbas ng 479 buong taon.) Ang tiyak na mga yugto na kalakip sa 479 taon ay ang 40 taon sa ilalim ni Moises sa ilang (Deut. 8:2), ang 40 taon ng paghahari ni Saul (Gawa 13:21), ang 40 taon ng paghahari ni David (2 Sam. 5:4, 5), at ang unang 3 buong taon ng paghahari ni Solomon. Kung babawasin ang kabuuang 123 taon mula sa 479 taon ng 1 Hari 6:1, may natitirang 356 taon mula nang pumasok ang Israel sa Canaan at ng pasimula ng paghahari ni Saul.a Ang mga kaganapang nakaulat sa Mga Hukom, na sumasaklaw sa pagkamatay ni Josue hanggang sa panahon ni Samuel, ay mga 330 taon sa loob ng yugtong ito na 356 na taon.
6. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Hukom?
6 Walang alinlangan sa pagiging-totoo ng Mga Hukom. Dati nang kinikilala ng mga Judio ang pagiging-bahagi nito sa kanon ng Bibliya. Ang mga sumulat ng Kasulatang Hebreo at ng Griyego Kristiyano ay kapuwa sumipi sa Mga Hukom, gaya sa Awit 83:9-18; Isaias 9:4; 10:26; at Hebreo 11:32-34. Sa pagiging-prangko, hindi nito pinagtakpan ang mga pagkukulang at pagtalikod ng Israel, at kasabay nito’y itinatanghal ang walang-hanggang kagandahang-loob ni Jehova. Si Jehova, at hindi ang sinomang taong hukom, ang tumatanggap ng karangalan bilang Tagapagligtas sa Israel.
7. (a) Papaano inaalalayan ng arkeolohiya ang ulat ng Mga Hukom? (b) Bakit matuwid ang utos ni Jehova na lipulin ang mga mananamba ni Baal?
7 Umaalalay din ang arkeolohiya sa pagiging tunay ng Mga Hukom. Higit na kapansin-pansin ang tungkol sa pagsamba ng mga Cananeo kay Baal. Bukod sa pagtukoy ng Bibliya, kakaunti ang nabatid tungkol sa Baalismo hanggang sa mahukay ang sinaunang lungsod ng Ugarit (ang makabagong Ras Shamra sa baybayin ng Sirya sa kabila ng hilaga-silangang dulo ng Cyprus), noong 1929. Doon, natuklasan na ang relihiyon ni Baal ay nagtampok ng materyalismo, nasyonalismo, at pagsamba sa sekso. Bawat lungsod Cananeo ay may sariling santwaryo ni Baal at mga dambana na tinawag na matataas na dako. Sa loob nito, malamang na may mga imahen ni Baal, at malapit sa mga altar sa labas ay may mga haliging bato—marahil ay mga phallikong sagisag ni Baal. Ang mga dambana ay tigmak sa dugo ng mga taong inihain. Nang ang Israel ay mahawa sa Baalismo, inihandog din nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae. (Jer. 32:35) Isang sagradong tulos ang kumatawan sa ina ni Baal, si Asera. Ang diyosa ng pagpapakarami, si Astoret, asawa ni Baal, ay sinamba sa malalaswang rituwal sa sekso, at ang mga lalaki at babae ay naging “naaalay” na mga patutot sa templo. Kaya hindi kataka-takang iutos ni Jehova ang paglipol sa Baalismo at sa makahayop na mga tagasunod nito. “Ang iyong mga mata ay huwag mahahabag sa kanila; at huwag kang maglilingkod sa kanilang mga diyos.”—Deut. 7:16.b
NILALAMAN NG MGA HUKOM
8. Sa anong mga seksiyon makatuwirang nahahati ang Mga Hukom?
8 Ang aklat ay makatuwirang nahahati sa tatlong seksiyon. Ang unang dalawang kabanata ay naglalarawan ng mga kalagayan sa Israel nang panahong yaon. Inilalarawan ng Kabanata 3 hanggang 16 ang mga pagliligtas ng 12 hukom. Pagkatapos ay inilalarawan ng Kabanata 17 hanggang 21 ang ilang panloob na alitan sa Israel.
9. Anong kapaligiran ang inilalaan ng dalawang pambungad na kabanata ng Mga Hukom?
9 Mga kalagayan sa Israel noong panahon ng mga hukom (1:1–2:23). Nakakalat na ang mga tribo ng Israel sa kanilang atas na lupain. Subalit, imbes na lubusang itaboy ang mga Cananeo, marami ay kanilang inalipin at hinayaang manirahan sa gitna nila. Kaya sinabi ng anghel ni Jehova, “Sila’y magiging patibong sa inyo, at ang kanilang mga diyos ay magsisilbing silo sa inyo.” (2:3) Kaya, nang bumangon ang bagong lahi na hindi nakakilala kay Jehova o sa mga gawa niya, ang bayan ay tumalikod sa kaniya upang maglingkod sa mga Baal at iba pang diyos. Sapagkat ang kamay ni Jehova ay naging laban sa kanila sa ikasasamâ nila, sila’y “nagipit na mainam.” Dahil sa katigasan-ng-ulo at pagtangging makinig sa mga hukom, ni isa sa mga nalabing bansa ay hindi itinaboy ni Jehova upang subukin ang Israel. Ang kapaligirang ito ay tutulong sa pag-unawa ng kasunod na mga pangyayari.—2:15.
10. Sa kaninong kapangyarihan naghukom si Othoniel, at ano ang resulta?
10 Si Hukom Othoniel (3:1-11). Namimighati dahil sa pagkabihag ng mga Cananeo, ang Israel ay humingi ng tulong kay Jehova. Una Niyang ibinangon si Othoniel bilang hukom. Si Othoniel ba ay humatol ayon sa kapangyarihan at karunungan ng tao? Hindi, sapagkat ating mababasa: “Ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya” upang lupigin ang mga kaaway ng Israel. “Kaya ang lupain ay hindi niligalig nang apatnapung taon.”—3:10, 11.
11. Papaano ginamit ni Jehova si Ehud sa pagliligtas sa Israel?
11 Si Hukom Ehud (3:12-30). Nang ang Israel ay masakop nang 18 taon ni Haring Eglon ng Moab, muling dininig ni Jehova ang kanilang pagtawag, at ibinangon niya si Hukom Ehud. Nang palihim siyang makipagtagpo sa hari, inilabas ng kaliweteng si Ehud ang kaniyang tabak sa ilalim ng kaniyang balabal at ibinaon ito sa matabang tiyan ni Eglon na siyang ikinamatay nito. Agad nagkaisa ang Israel sa panig ni Ehud laban sa Moab, at ang lupain ay muling nagtamasa ng bigay-Diyos na kapahingahan, sa loob ng 80 taon.
12. Ano ang nagpapakita na ang tagumpay ni Samgar ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos?
12 Si Hukom Samgar (3:31). Iniligtas ni Samgar ang Israel nang puksain niya ang 600 Filisteo. Na si Jehova ang nagkaloob ng tagumpay ay makikita sa kaniyang sandata—isang panundot ng baka.
13. Anong madulang mga pangyayari ang nagtapos sa awit ng tagumpay nina Barak at Debora?
13 Si Hukom Barak (4:1–5:31). Ang Israel ay sinakop ni haring Jabin ng Canaan at ng pinunò ng hukbo na si Sisera, na naghambog dahil sa kaniyang 900 karo na may talim na bakal. Nang dumaing uli ang bayan kay Jehova, ibinangon Niya si Hukom Barak, na inalalayan ng propetisang si Debora. Upang hindi makapaghambog si Barak, ipinabatid ni Debora na ang digmaan ay papatnubayan ni Jehova, at humula siya: “Si Sisera ay ipagbibili ni Jehova sa kamay ng isang babae.” (4:9) Tinipon ni Barak ang mga lalaki ng Neptali at Zabulon sa Bundok Tabor. Lumusong ang kaniyang hukbo na 10,000 upang lumaban. Nagtagumpay ang matibay na pananampalataya. ‘Nilito ni Jehova si Sisera at ang lahat ng kaniyang karong pandigma at ang buong kampamento,’ at nilunod sila sa baha sa libis ng Kison. “Walang nalabi ni isa man sa kanila.” (4:15, 16) Ang pagpuksa ay tinapos ni Jael, asawa ni Heber na Keneo, nang ang ulo ni Sisera ay pakuan niya ng isang tulos ng tolda, nang ito ay magkubli sa kaniyang tolda. “Gayon pinasuko ng Diyos si Jabin.” (4:23) Sina Debora at Barak ay umawit sa kagalakan, at itinanghal ang walang-pagkalupig na kapangyarihan ni Jehova, na nag-utos sa mga bituin sa langit na makipaglaban kay Sisera. Oo, panahon yaon upang “purihin si Jehova”! (5:2) Sumunod ang apatnapung taon ng kapayapaan.
14, 15. Anong tanda ng pagtangkilik ni Jehova ang tinanggap ni Gideon, at papaanong ang pangwakas na pagkatalo ng mga Midianita ay lalo pang nagdiin sa pagtangkilik na ito?
14 Si Hukom Gideon (6:1–9:57). Muling nagpakasamâ ang Israel, at ang lupain ay winasak ng mga Midianita. Sa pamamagitan ng anghel ay inatasan ni Jehova si Gideon bilang hukom, at nagbigay-katiyakan si Jehova sa mga salitang, “Ako ay sasa-iyo.” (6:16) Ang unang magiting na hakbang ni Gideon ay ang pagwasak sa dambana ni Baal sa sarili niyang lungsod. Tumawid sa Jezreel ang pinagsamang mga hukbo ng kaaway, at ‘ang espiritu ni Jehova ay suma-kay Gideon’ nang tawagin niya ang Israel sa pagdidigma. (6:34) Sa pamamagitan ng paghahantad ng balat na lana sa hamog sa giikan, si Gideon ay tumanggap ng dalawang tanda na ang Diyos ay sumasa-kaniya.
15 Sinabi ni Jehova kay Gideon na ang hukbo niya na 32,000 ay napakalaki at baka maghambog ang tao sa tagumpay. Pinauwi ang mga matakutin, kaya natira ang 10,000. (Huk. 7:3; Deut. 20:8) Matapos ang pagsubok sa pag-inom ng tubig, lahat ay pinaalis maliban sa 300 alerto at mapagbantay. Kinagabihan ay naniktik si Gideon sa kampo ng Midian at lumakas ang loob niya nang marinig ang isang lalaki na nagbigay-kahulugan sa isang panaginip bilang tanda na “ito’y walang iba kundi ang tabak ni Gideon . . . Ang Midian at ang buong hukbo nito ay ibinigay ng tunay na Diyos sa kaniyang kamay.” (Huk. 7:14) Sinamba ni Gideon ang Diyos at pinagtatlong pangkat ang mga kawal sa palibot ng kampo ng Midian. Ang katahimikan ng gabi ay biglang binasag ng paghihip ng mga pakakak, pagbasag ng malalaking banga ng tubig, pagsisindi ng mga sulo, at pagsigaw ng 300 ni Gideon ng “ang tabak ni Jehova at ni Gideon!” (7:20) Nagkagulo ang kaaway. Sila’y naglabanan sa isa’t-isa at nagpanakbuhan. Tinugis sila ng Israel, at pinagpapatay sila at ang kanilang mga prinsipe. Hiniling ng bayan kay Gideon na magpunò sa kanila, subalit tumanggi siya, at nagsabi, “Si Jehova ang magpupunò sa inyo.” (8:23) Gayunman, gumawa siya ng isang epod mula sa samsam sa digmaan, at nang maglaon ay sinamba ito at naging silo kay Gideon at sa kaniyang sambahayan. Ang lupain ay nagpahinga nang 40 taon noong maging hukom si Gideon.
16. Anong kapahamakan ang sumapit sa mang-aagaw ng kapangyarihan na si Abimelech?
16 Si Abimelech, anak ni Gideon sa kerida, ay nang-agaw ng kapangyarihan pagkamatay niya, at pinatay ang 70 kapatid nito sa ama. Si Jotham, bunsong anak ni Gideon, ang tanging nakaligtas, at mula sa Bundok Gerizim ay ipinahayag niya ang kamatayan ni Abimelech. Sa talinghaga ng mga punongkahoy, itinulad niya ang “paghahari” ni Abimelech sa isang hamak na dawag. Si Abimelech ay nasangkot sa alitan sa Sechem at dumanas ng kahiya-hiyang kamatayan nang hagisan siya ng isang babae ng batong gilingan mula sa tore ng Thebes na ikinadurog ng kaniyang bungo.—Huk. 9:53; 2 Sam. 11:21.
17. Ano ang sinasabi ng ulat hinggil kina Hukom Tola at Jair?
17 Sina Hukom Tola at Jair (10:1-5). Sila ang sumunod na naghatid ng kaligtasan sa bisa ng kapangyarihan ni Jehova, na naging hukom nang 23 at 22 taon ayon sa pagkasunud-sunod.
18. (a) Anong kaligtasan ang idinulot ni Jefte? (b) Anong panata ang buong-katapatang tinupad ni Jefte? Papaano?
18 Si Hukom Jefte (10:6–12:7). Sa paulit-ulit na idolatriya ng Israel, ang galit ni Jehova ay muling nagsiklab laban sa bansa. Ang bayan ay pinighati ng mga Amonita at Filisteo. Tinawag si Jefte mula sa pagkakatapon upang pangunahan ang Israel sa digmaan. Ngunit sino talaga ang hukom sa alitang ito? Si Jefte mismo ang sumasagot: “Hayaang si Jehova na Hukom ang humatol sa pagitan ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Amon.” (11:27) Nang ang espiritu ni Jehova ay suma-kaniya, nanata siya na sa kaniyang mapayapang pagbabalik mula sa Amon, ay iaalay niya kay Jehova ang unang sasalubong sa kaniya. Tinalo ni Jefte ang Amon matapos ang malaking pagpapatayan. Nang pauwi na sa Mizpa, sarili niyang anak na babae ang sumalubong sa kaniya na nagagalak sa tagumpay ni Jehova. Tinupad ni Jefte ang kaniyang panata—hindi ayon sa paganong paghahandog ng tao sa mga rituwal ni Baal, kundi sa pagtatalaga ng nag-iisa niyang anak sa bukod-tanging paglilingkod sa bahay ni Jehova sa ikararangal Niya.
19. Anong mga pangyayari ang umakay sa pagsubok na “Shiboleth”?
19 Nagprotesta ang mga lalaki sa Ephraim sapagkat hindi sila tinawag upang makilahok sa pakikibaka laban sa Amon at pinagbantaan nila si Jefte, na napilitang lumaban sa kanila. Lahat-lahat, 42,000 Ephraimita ang napatay, marami sa kanila ay sa mga tawiran ng Jordan, nang sila ay ipagkanulo ng hindi tumpak na pagbigkas sa salitang-hudyat na “Shiboleth.” Si Jefte ay naging hukom sa Israel sa loob ng anim na taon.—12:6.
20. Sinong tatlong hukom ang kasunod na binabanggit?
20 Sina Hukom Ibzan, Elon, at Abdon (12:8-15) Bagaman kakaunti ang sinasabi tungkol sa kanila, ang kanilang paghuhukom ay iniuulat na pito, sampu, at walong taon ayon sa pagkasunud-sunod.
21, 22. (a) Anong makapangyarihang mga gawa ang ginawa ni Samson, at sa kaninong lakas? (b) Papaano nadaig ng mga Filisteo si Samson? (c) Anong mga pangyayari ang nagwakas sa pinakadakilang gawa ni Samson, at sino ang nakaalaala sa kaniya sa sandaling ito?
21 Si Hukom Samson (13:1–16:31). Ang Israel ay nabihag uli ng mga Filisteo. Ibinangon ni Jehova si Samson bilang hukom. Mula sa pagsilang ay itinalaga na siya ng kaniyang mga magulang bilang Nazareo, kaya hindi dapat makatikim ng labaha ang kaniyang buhok. Pinagpala siya habang lumalaki, at ‘di-nagtagal siya ay pinakilos ng espiritu ni Jehova.’ (13:25) Wala sa matipunong katawan ang lihim ng lakas niya, kundi sa kapangyarihan ni Jehova. Nang ‘sumakaniya ang espiritu ni Jehova,’ napatay niya ang isang leon sa pamamagitan lamang ng kamay at pinagbayad niya ang panlilinlang ng mga Filisteo at pinuksa ang 30 sa kanila. (14:6, 19) Nang may-katusuhang kumilos ang mga Filisteo sa pag-iisang dibdib ni Samson sa isang babaeng Filisteo, kumuha siya ng 300 zorra, pinagkabit-kabit ang mga buntot nito, nilagyan ng sulo ang mga buntot at pinayaon ang mga ito upang sunugin ang mga trigo, ubasan, at punong olibo ng mga Filisteo. Saka pinagpapatay niya ang mga Filisteo, “hanggang magkapatong-patong sila.” (15:8) Hinimok ng mga Filisteo ang mga Israelita, mga taga-Juda, na gapusin si Samson at dalhin sa kanila, subalit muli ‘ang espiritu ni Jehova ay sumakaniya,’ at ang mga gapos ay waring natunaw sa kaniyang mga kamay. Hinampas ni Samson ang isang libong Filisteo—“isang bunton, dalawang bunton!” (15:14-16) Ang kaniyang sandata? Isang panga ng asno. Dinulutan ni Jehova ng ginhawa ang kaniyang pagód na lingkod nang makahimala niyang pabukalin ang tubig sa larangan ng digmaan.
22 Magdamag na nanuluyan si Samson sa bahay ng isang patutot sa Gaza, at doo’y lihim siyang pinaligiran ng mga Filisteo. Ngunit muling sumakaniya ang espiritu ni Jehova nang bumangon siya sa hatinggabi, binunot niya ang mga pintuang-bayan at ang mga haligi, at pinasan ito hanggang sa tuktok ng bundok sa tapat ng Hebron. Pagkatapos ay napaibig siya sa taksil na si Delaila. Pumayag na kasangkapanin ng mga Filisteo, kinulit niya si Samson na ibunyag na ang panata bilang Nazareo, na isinasagisag ng mahabang buhok, ang talagang pinagmumulan ng pambihirang lakas ni Samson. Habang natutulog, ipinagupit ng babae ang buhok niya. Nang siya’y magising ay hindi na siya makalaban, sapagkat “humiwalay na si Jehova sa kaniya.” (16:20) Sinunggaban siya ng mga Filisteo, dinukit ang kaniyang mga mata, at ginawa siyang alipin sa piitan. Nang dumating ang kapistahan ng diyos nilang si Dagon, si Samson ay inilabas ng mga Filisteo upang gawing aliwan. Hindi nahalata na ang buhok niya ay mayabong na naman, pinayagan nila siyang tumayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi ng bahay ng pagsamba ni Dagon. Nanawagan si Samson kay Jehova: “Panginoong Jehova, pakisuyo, alalahanin mo ako, at pakisuyo, palakasin mo ako, minsan na lamang.” Inalala nga siya ni Jehova. Hinawakan ni Samson ang mga haligi at ‘inubos niya ang kaniyang lakas’—ang lakas ni Jehova—‘at gumuho ang buong gusali, anupat ang napatay niya sa kaniyang sariling kamatayan ay higit pa sa napatay niya sa kaniyang buhay.’—16:28-30.
23. Anong mga pangyayari ang isinasalaysay ng kabanata 17 hanggang 21, at kailan naganap ang mga ito?
23 Sumasapit tayo sa kabanata 17 hanggang 21, na naglalarawan sa panloob na alitan na sumalot sa Israel sa panahong ito. Naganap ito maaga pa sa panahon ng mga hukom, pagkat ang pagbanggit kina Jonathan at Phinehas, mga apo nina Moises at Aaron, ay nagpapahiwatig na ang mga ito ay buháy pa.
24. Papaano nagtayo ng sariling relihiyon ang ilang Danita?
24 Si Michas at ang mga Danita (17:1–18:31). Si Michas, taga-Ephraim, ay nagtayo ng sariling hiwalay na relihiyon, isang idolatrosong “bahay ng mga diyos,” na may inukit na larawan at saserdoteng Levita. (17:5) Napadaan ang mga lalaki ng Dan habang hinahanap ang kanilang mana sa hilaga. Inagaw nila ang relihiyosong kagamitan at saserdote ni Michas, at nagpatuloy sila pahilaga upang puksain ang walang kamalay-malay na lungsod ng Laish. Doon ay itinayo nila ang sarili nilang lungsod ng Dan at ang inukit na larawan ni Michas. Kaya, itinaguyod nila ang sariling relihiyon bagaman ang bahay ng tunay na pagsamba ni Jehova ay nasa Silo.
25. Sa Gabaa, papaano humantong sa kasukdulan ang panloob na alitan ng Israel?
25 Pagkakasala ng Benjamin sa Gabaa (19:1–21:25). Ang susunod na pangyayari ay nag-udyok kay Oseas na magsabi sa dakong huli: “Mula noong mga kaarawan ng Gabaa ay nagkasala ka, O Israel.” (Ose. 10:9) Habang pauwi kasama ang kerida, isang Levitang taga-Ephraim ang magdamag na nakituloy sa isang matanda sa Gabaa ng Benjamin. Ang bahay ay pinaligiran ng masasamang lalaki na gustong sumiping sa Levita. Pumayag sila na sipingan na lamang ang kaniyang kerida at magdamag nila itong hinalay. Kinabukasan ay natagpuan itong patay sa may pintuan. Iniuwi ng Levita ang bangkay, hinati sa 12 piraso, at ipinamahagi sa buong Israel. Nalagay sa pagsubok ang 12 tribo. Parurusahan ba ang Gabaa upang mapawi ang kahalayan sa Israel? Kinunsinte ng Benjamin ang kaimbian. Nagtipon ang ibang tribo sa harap ni Jehova sa Mizpah at nagpasiyang salakayin ang Benjamin sa Gabaa. Pagkatapos ng dalawang madugong pagkabigo, ang ibang tribo ay nagtagumpay sa pagtambang at halos malipol ang tribo ng Benjamin, 600 lalaki lamang ang nakatakas sa batuhan ng Rimmon. Nanghinayang ang Israel sa pagkahiwalay ng isang tribo. Mula sa mga anak na babae ng Jabesh-galaad at Silo ay inihanap nila ng asawa ang nalalabing mga Benjaminita. Dito nagtatapos ang ulat ng alitan at intriga sa Israel. Gaya ng pag-ulit ng pansarang mga pananalita ng Mga Hukom, “Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng bawat isa ang matuwid sa sarili niyang mata.”—Huk. 21:25.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
26. Anong maririing babala sa Mga Hukom ang kumakapit din sa ngayon?
26 Sa halip na isang ulat lamang ng alitan at pagbububo ng dugo, si Jehova ay itinatanghal ng Mga Hukom bilang dakilang Tagapagligtas ng kaniyang bayan. Ipinakikita nito kung papaano niya ipinapahayag ang walang-kaparis na awa at pagpapahinuhod kapag sila’y may-pagsisising dumulog sa kaniya. Kapaki-pakinabang ang Mga Hukom dahil sa tuwirang pagtataguyod sa pagsamba kay Jehova at sa maririing babala laban sa demonismo, paglalahok ng pananampalataya, at mahalay na pagsasamahan. Ang matulis na paghatol ni Jehova sa pagsamba kay Baal ay dapat mag-udyok sa atin na umiwas sa modernong mga katumbas na materyalismo, nasyonalismo, at imoralidad.—2:11-18.
27. Papaano tayo makikinabang ngayon sa mabubuting halimbawa ng mga hukom?
27 Ang walang-takot at magiting na pananampalataya ng mga hukom ay pupukaw sa atin ng gayunding pananampalataya. Hindi kataka-taka na sila ay buong-init na pinapupurihan sa Hebreo 11:32-34! Sila’y mga mandirigmang tagapagbanal ng pangalan ni Jehova, subalit hindi sa sarili nilang lakas. Batid nila ang bukal ng kanilang lakas, ang espiritu ni Jehova, at may-pagpapakumbaba nilang kinilala ito. Kaya, tayo ngayon ay maaari ding gumamit ng “tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos, at magtiwala na tayo’y palalakasin ni Jehova gaya nina Barak, Gideon, Jefte, Samson, at ng iba pa. Oo, sa pananagumpay sa malalaking hadlang, sa tulong ng espiritu ni Jehova, lalakas tayo sa espirituwal na gaya ni Samson na naging malakas sa pisikal kung mananalangin lamang tayo kay Jehova at mananalig sa kaniya.—Efe. 6:17, 18; Huk. 16:28.
28. Papaano tinutukoy ng Mga Hukom ang pagbanal sa pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng Binhi ng Kaharian?
28 Si propeta Isaias ay makalawang tumukoy sa Mga Hukom upang ipakita na walang pagsalang dudurugin ni Jehova ang pamatok na inilagay ng mga kaaway sa Kaniyang bayan, gaya ng ginawa niya sa Midian. (Isa. 9:4; 10:26) Nagpapaalaala rin ito ng awit nina Debora at Barak, na nagtapos sa isang marubdob na panalangin: “Nawa’y malipol nang gayon ang lahat ng iyong kaaway, O Jehova, at nawa ang mga mangingibig mo ay maging gaya ng araw na nagniningning sa kapangyarihan.” (Huk. 5:31) Sino ang mga mangingibig na ito? Upang ipakita na sila’y mga tagapagmana ng Kaharian, si Jesu-Kristo ay gumamit ng nakakahawig na pangungusap sa Mateo 13:43: “Sa panahong yaon ang mga matuwid ay magliliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” Kaya, tinutukoy ng Mga Hukom ang paghawak ng kapangyarihan ng matuwid na Hukom at Binhi ng Kaharian, si Jesus. Sa pamamagitan niya ay pararangalan at babanalin ni Jehova ang Kaniyang pangalan, kasuwato ng panalangin ng mang-aawit patungkol sa mga kaaway ng Diyos: “Gawin mo sa kanila ang gaya ng sa Midian, gaya kay Sisera, gaya kay Jabin sa libis ng Kison . . . upang malaman ng lahat na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:9, 18; Huk. 5:20, 21.
[Mga talababa]
a Karamihan ng makabagong salin ay nagpapatotoo na ang “humigit-kumulang apat na raan at limampung taon” sa Gawa 13:20 ay hindi katumbas ng yugto ng mga hukom kundi nauuna rito; wari’y sumasaklaw ito mula sa pagsilang ni Isaac noong 1918 B.C.E. hanggang sa paghahati ng Lupang Pangako noong 1467 B.C.E. (Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 462) Ang pagkasunud-sunod ng pagbanggit sa mga hukom sa Hebreo 11:32 ay naiiba kaysa roon sa aklat ng Mga Hukom, subalit hindi ito nangangahulugan na ang mga kaganapan sa Mga Hukom ay hindi ayon sa panahon, sapagkat tiyak na si Samuel ay hindi kasunod ni David.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 228-9, 948.