PANANAMPALATAYA
Ang salitang “pananampalataya” ay isinalin mula sa Griegong piʹstis, na pangunahing nagtatawid ng diwa ng kumpiyansa, tiwala, matatag na paniniwala. Depende sa konteksto, ang salitang Griego ay maaari ring mangahulugang “katapatan” [faithfulness] o “pagkamatapat” [fidelity].—1Te 3:7; Tit 2:10.
Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Heb 11:1) Ang “mapananaligang paghihintay” ay salin ng salitang Griego na hy·poʹsta·sis. Ang terminong ito ay pangkaraniwang makikita sa mga sinaunang dokumentong papiro na pangnegosyo. Itinatawid nito ang ideya ng isang bagay na gumagarantiya ng pagmamay-ari sa hinaharap. Dahil dito, iminumungkahi nina Moulton at Milligan ang ganitong salin: “Ang pananampalataya ay ang titulo sa mga bagay na inaasahan.” (Vocabulary of the Greek Testament, 1963, p. 660) Ang salitang Griego na eʹleg·khos, isinalin bilang “malinaw na pagtatanghal,” ay nagtatawid ng ideya ng paglalabas ng katibayan na nagtatanghal ng isang bagay, partikular na ng isang bagay na salungat sa kung ano ang nakikita lamang. Dahil sa katibayang iyon, ang dating hindi nauunawaan ay nagiging malinaw at ang bagay na ayon sa nakikita lamang ay napabubulaanan. “Ang malinaw na pagtatanghal,” o katibayan para manalig, ay lubhang sigurado o nakakukumbinsi anupat sinasabing iyon ang pananampalataya.
Samakatuwid, pananampalataya ang saligan ng pag-asa at ang katibayan upang manalig sa di-nakikitang mga katunayan. Ang buong kalipunan ng mga katotohanang inihatid ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kinasihang mga tagasunod ang bumubuo sa tunay na ‘pananampalatayang’ Kristiyano. (Ju 18:37; Gal 1:7-9; Gaw 6:7; 1Ti 5:8) Ang pananampalatayang Kristiyano ay nakasalig sa kumpletong Salita ng Diyos, lakip ang Hebreong Kasulatan, na malimit tukuyin ni Jesus at ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang suporta sa kanilang mga sinasabi.
Ang pananampalataya ay salig sa matibay na ebidensiya. Ang nakikitang mga gawang paglalang ay nagpapatotoo sa pag-iral ng isang di-nakikitang Maylalang. (Ro 1:20) Ang aktuwal na mga pangyayaring naganap noong panahon ng ministeryo at buhay sa lupa ni Jesu-Kristo ay nagpakilala sa kaniya bilang ang Anak ng Diyos. (Mat 27:54; tingnan ang JESU-KRISTO.) Ang rekord ng paglalaan ng Diyos para sa kaniyang makalupang mga nilalang ay nagsisilbing isang makatuwirang saligan upang maniwala na tiyak na paglalaanan niya ang kaniyang mga lingkod. Ang kaniyang rekord naman bilang Tagapagbigay at Tagapagsauli ng buhay ay nagbibigay ng sapat na katibayan sa kredibilidad ng pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Mat 6:26, 30, 33; Gaw 17:31; 1Co 15:3-8, 20, 21) Karagdagan pa, ang pagkamaaasahan ng Salita ng Diyos at ang eksaktong katuparan ng mga hula nito ay nagkikintal ng pagtitiwala sa katuparan ng lahat ng Kaniyang mga pangako. (Jos 23:14) Sa gayon, gaya ng ipinakikita sa maraming paraang nabanggit, “ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.”—Ro 10:17; ihambing ang Ju 4:7-30, 39-42; Gaw 14:8-10.
Kaya naman ang pananampalataya ay hindi kapareho ng pagiging mapaniwalain. Kadalasan, ang taong nanunuya sa pananampalataya ay may pananampalataya sa kaniyang subok at pinagkakatiwalaang mga kaibigan. Ang siyentipiko ay may pananampalataya sa mga simulain ng kaniyang partikular na sangay ng siyensiya. Ibinabatay niya ang mga bagong eksperimento sa mga tuklas noong nakaraan at naghahanap siya ng bagong mga tuklas batay sa mga bagay na napatunayan nang totoo. Gayundin naman, inihahanda ng magsasaka ang kaniyang lupa at naghahasik siya ng binhi, anupat umaasa, gaya rin noong nagdaang mga taon, na ang binhi ay sisibol at na tutubo ang mga halaman habang ang mga ito’y tumatanggap ng kinakailangang halumigmig at sikat ng araw. Kung gayon, ang pananampalataya sa katatagan ng mga batas sa kalikasan na umuugit sa uniberso ay aktuwal na nagsisilbing pundasyon para sa mga plano at gawain ng tao. Ang katatagang iyan ay tinutukoy ng pantas na manunulat ng Eclesiastes: “Ang araw rin ay sumisikat, at ang araw ay lumulubog, at dumarating itong humihingal sa dakong sinisikatan nito. Ang hangin ay yumayaon patungo sa timog, at umiikot ito patungo sa hilaga. Ligid ito nang ligid sa patuloy na pag-ikot, at sa mismong mga pag-ikot nito ay bumabalik ang hangin. Ang lahat ng agusang-taglamig ay humuhugos sa dagat, gayunma’y hindi napupuno ang dagat. Sa dakong hinuhugusan ng mga agusang-taglamig, doon bumabalik ang mga iyon upang humugos.”—Ec 1:5-7.
Sa Hebreong Kasulatan, ang salitang ʼa·manʹ at ang iba pang mga salitang may malapit na kaugnayan dito ay naghahatid ng diwa ng pagiging mapagkakatiwalaan, katapatan [faithfulness], pagkapirmi, katatagan, pagiging matibay na itinatag, namamalagi. (Exo 17:12; Deu 28:59; 1Sa 2:35; 2Sa 7:16; Aw 37:3) Isang kaugnay na pangngalan (ʼemethʹ) ang kadalasa’y nagpapahiwatig ng “katotohanan,” gayundin ng “katapatan” o “pagiging mapagkakatiwalaan.” (2Cr 15:3, tlb sa Rbi8; 2Sa 15:20; ihambing ang Ne 7:2, tlb sa Rbi8.) Ang pamilyar na terminong “Amen” (sa Heb., ʼa·menʹ) ay sa ʼa·manʹ din nagmula.—Tingnan ang AMEN.
Mga Sinaunang Halimbawa ng Pananampalataya. Bawat isa sa ‘napakalaking ulap ng mga saksi’ na binanggit ni Pablo (Heb 12:1) ay nagkaroon ng makatuwirang saligan para sa pananampalataya. Halimbawa, tiyak na alam ni Abel ang pangako ng Diyos hinggil sa isang “binhi” na susugat sa ulo ng “serpiyente.” At nakakita siya ng aktuwal na mga ebidensiya na natupad ang sentensiyang ipinataw ni Jehova sa kaniyang mga magulang sa Eden. Sa labas ng Eden, si Adan at ang kaniyang pamilya ay kumain ng tinapay sa pawis ng kanilang mukha dahil isinumpa ang lupa at, samakatuwid, namunga ng mga tinik at mga dawag. Malamang ay napagmasdan ni Abel na ang paghahangad ni Eva ay ukol sa kaniyang asawa at na pinamunuan ni Adan ang kaniyang asawa. Walang alinlangan na nagkomento ang kaniyang ina tungkol sa kirot ng pagdadalang-tao nito. Gayundin, ang pasukan sa hardin ng Eden ay binabantayan ng mga kerubin at ng nagliliyab na talim ng tabak. (Gen 3:14-19, 24) Ang lahat ng ito’y nagsilbing isang “malinaw na pagtatanghal,” anupat nagbigay-katiyakan kay Abel na darating ang katubusan sa pamamagitan ng ‘binhing ipinangako.’ Kaya naman udyok ng pananampalataya, siya’y “naghandog sa Diyos ng hain,” isang hain na napatunayang lalong higit ang halaga kaysa sa hain ni Cain.—Heb 11:1, 4.
Nagkaroon si Abraham ng matatag na saligan upang manampalataya sa pagkabuhay-muli sapagkat naranasan nila ni Sara ang makahimalang pagsasauli ng kanilang kakayahan sa pag-aanak, na sa isang diwa ay maihahalintulad sa isang pagkabuhay-muli, anupat pinahintulutan nitong magpatuloy ang linya ng pamilya ni Abraham sa pamamagitan ni Sara. Ipinanganak si Isaac dahil sa himalang ito. Nang sabihan si Abraham na ihandog si Isaac, nagkaroon siya ng pananampalataya na bubuhaying-muli ng Diyos ang kaniyang anak. Isinalig niya ang pananampalatayang iyon sa pangako ng Diyos: “Ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac.”—Gen 21:12; Heb 11:11, 12, 17-19.
Yaong mga pumaroon o dinala kay Jesus upang mapagaling ay mayroon ding katibayan para sa tunay na pananalig. Bagaman hindi nila personal na nasaksihan ang makapangyarihang mga gawa ni Jesus, sa paanuman ay nabalitaan nila ang mga iyon. Pagkatapos, salig sa kanilang nakita o narinig, nahinuha nila na mapagagaling din sila ni Jesus. Karagdagan pa, may kabatiran sila sa Salita ng Diyos at sa gayo’y pamilyar sila sa mga himalang isinagawa ng mga propeta noong sinaunang mga panahon. Nang mapakinggan nila si Jesus, inisip ng ilan na siya nga “Ang Propeta,” at sinabi naman ng iba na siya “ang Kristo.” Dahil dito, angkop lamang na sabihin ni Jesus sa ilan sa mga napagaling niya, “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Kung hindi nanampalataya kay Jesus ang mga taong iyon, hindi sana sila lumapit sa kaniya at, kung gayon, hindi sana sila napagaling.—Ju 7:40, 41; Mat 9:22; Luc 17:19.
Sa katulad na paraan, ang malaking pananampalataya ng opisyal ng hukbo, na namanhik kay Jesus alang-alang sa kaniyang alilang lalaki, ay batay sa ebidensiya, anupat salig dito ay naipasiya niya na ang basta ‘pagsasabi ni Jesus ng salita’ ay makapagpapagaling na sa kaniyang alilang lalaki. (Mat 8:5-10, 13) Gayunman, mapapansin natin na pinagaling ni Jesus ang lahat niyaong mga pumaroon sa kaniya, anupat hindi siya humiling ng pananampalatayang higit o kaunti depende sa kanilang sakit, ni nagdahilan man siya na hindi niya mapagaling ang iba dahil hindi matibay ang pananampalataya ng mga ito. Isinagawa ni Jesus ang mga pagpapagaling na ito bilang isang patotoo, upang magkaroon ng pananampalataya ang mga tao. Sa kaniyang sariling teritoryo, kung saan marami ang hindi nananampalataya, ipinasiya niyang huwag magsagawa ng maraming makapangyarihang gawa, hindi dahil sa hindi niya kaya, kundi dahil tumangging makinig ang mga tao at hindi sila karapat-dapat.—Mat 13:58.
Pananampalatayang Kristiyano. Upang ang isa ay tanggapin ng Diyos, kailangan niyang manampalataya kay Jesu-Kristo, at dahil dito ay nagkakaroon siya ng matuwid na katayuan sa Diyos. (Gal 2:16) Yaong mga hindi nagpapakita ng gayong pananampalataya ay itinatakwil ni Jehova.—Ju 3:36; ihambing ang Heb 11:6.
Ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao yamang ito’y isang bunga ng espiritu ng Diyos. (2Te 3:2; Gal 5:22) At ang pananampalataya ng isang Kristiyano ay hindi nakapirme kundi ito’y lumalaki. (2Te 1:3) Kaya naman angkop na angkop ang kahilingan ng mga alagad ni Jesus, “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya,” at binigyan naman niya sila ng pundasyon para sa higit na pananampalataya. Pinaglaanan niya sila ng higit na katibayan at pagkaunawa na mapagbabatayan nila ng kanilang pananampalataya.—Luc 17:5.
Sa katunayan, ang buong landasin ng buhay ng isang Kristiyano ay inuugitan ng pananampalataya, anupat dahil dito ay nadaraig niya ang gabundok na mga hadlang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos. (2Co 5:7; Mat 21:21, 22) Karagdagan pa, dapat ay may mga gawang nagpapamalas ng pananampalataya, ngunit hindi kahilingan ang mga gawa ng Kautusang Mosaiko. (San 2:21-26; Ro 3:20) Ang mga pagsubok ay nakapagpapatibay ng pananampalataya. Ang pananampalataya ay nagsisilbing isang pananggalang na kalasag sa espirituwal na pakikipagdigma ng Kristiyano, anupat tumutulong ito sa kaniya na madaig ang Diyablo at ang sanlibutan.—1Pe 1:6, 7; Efe 6:16; 1Pe 5:9; 1Ju 5:4.
Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang pananampalataya, yamang ang kawalan ng pananampalataya ay ‘ang kasalanan na napakadaling nakasasalabid sa isa.’ Upang mapanatiling matatag ang pananampalataya, kailangang puspusang makipaglaban ukol dito, anupat sinasalansang ang mga taong maaaring magbulusok sa isa tungo sa imoralidad, nilalabanan ang mga gawa ng laman, iniiwasan ang silo ng materyalismo, tinatanggihan ang sumisira-ng-pananampalatayang mga pilosopiya at mga tradisyon ng mga tao, at, higit sa lahat, tinitingnang “mabuti [ang] Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.”—Heb 12:1, 2; Jud 3, 4; Gal 5:19-21; 1Ti 6:9, 10; Col 2:8.