Nagwagi ba ang Kasamaan?
SA BUONG kasaysayan, walang-katapusan ang pagbuo ng mga haka-haka ng mga manunulat at mga pilosopo hinggil sa ideya ng pansansinukob na tunggalian ng mga puwersa ng mabuti at masama. Gayunman, may isang aklat na nagtataglay ng tumpak na kasaysayan ng labanan sa pagitan ng Diyos at ng Diyablo. Ang aklat na iyan ay ang Bibliya. Isinisiwalat nito ang mga usaping nasasangkot sa alitang ito at inilalaan nito ang mga paraan upang matiyak kung sino talaga ang nagwagi.
Hindi nagtagal pagkatapos lalangin ang unang lalaki at babae, hinamon ng isang di-nakikitang espiritung nilalang, si Satanas na Diyablo, ang pamamahala ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng tusong pagpapahiwatig na may mabubuting bagay na ipinagkakait ang Diyos mula sa kaniyang mga nilalang at mas mapapabuti ang mga tao kung nakahiwalay sila sa kaniya.—Genesis 3:1-5; Apocalipsis 12:9.
Nang maglaon, noong panahon ng patriyarkang si Job, nagbangon ng isa pang usapin si Satanas. Dahil sa pagnanais na sirain ang integridad ni Job sa Diyos, sinabi ni Satanas: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 2:4) Kaylawak ng saklaw ng pag-aangking iyon! Sa paggamit ng panlahatang pananalita na “isang tao” sa halip na gamitin ang pangalan ni Job, naghasik ng pag-aalinlangan si Satanas sa katapatan ng bawat tao. Sa diwa, parang ganito ang sinabi niya: ‘Gagawin ng tao ang lahat ng bagay para mailigtas ang kaniyang buhay. Bigyan lang ako ng pagkakataon, at kaya kong italikod ang sinuman sa Diyos.’
Matitiyak kung sino ang nagwagi sa labanan ng Diyos at ng Diyablo sa pamamagitan ng pagsagot sa dalawang katanungan: Matagumpay bang mapamamahalaan ng tao ang kaniyang sarili? Maitatalikod ba ng Diyablo ang lahat ng tao mula sa tunay na Diyos?
Matagumpay Bang Mapamamahalaan ng mga Tao ang Kanilang Sarili?
Sa loob ng libu-libong taon, sinubukan ng mga tao ang iba’t ibang uri ng pamamahala. Sa paglipas ng panahon, sinubukan ang iba’t ibang uri ng gobyerno, gaya ng monarkiya, aristokrasya, demokrasya, awtokrasya, Pasismo, at Komunismo. Hindi ba’t ang mismong patuloy na pangangailangang mag-eksperimento sa iba’t ibang uri ng gobyerno ay nagpapahiwatig na walang sapat na kakayahan ang iba’t ibang paraan ng pamamahalang ito?
“Hindi akalain ng mga Romano na sila’y nasasangkot sa isang napakalawak na pag-eeksperimento sa paraan ng pangangasiwa,” ang sulat ni H. G. Wells sa A History of the World, na inilathala noong 1922. Ganito pa ang sinabi niya: “Palagi itong nagbabago, hindi ito kailanman naging matatag. Sa isang panig, ang pag-eeksperimento ay nabigo. Sa ibang panig naman, laging hindi tapos ang pag-eeksperimento, at hanggang sa ngayon ay nilulutas pa rin ng Europa at Amerika ang masalimuot na mga problema sa paraan ng pamamalakad sa mga estado ng buong daigdig na unang napaharap sa mga Romano.”
Nagpatuloy ang pag-eeksperimento sa gobyerno sa buong ika-20 siglo. Mas tinanggap nang higit kailanman ang demokratikong pamamahala sa siglong iyon. Sa teoriya, may pakikibahagi raw ang lahat sa demokrasya. Subalit ipinakita ba ng demokrasya na kaya ng tao na mamahala nang matagumpay na wala ang Diyos? Para kay Jawaharlal Nehru, dating punong ministro ng India, ang demokrasya ay mabuti subalit idinagdag niya: “Sinabi ko ito dahil mas malala ang ibang sistema.” Sinabi ng dating presidente ng Pransiya na si Valéry Giscard d’Estaing: “Nasasaksihan natin ang krisis sa demokrasyang may inihahalal na mga kinatawan ng mamamayan.”
Maging noong ikalimang siglo B.C.E., napansin na ng Griegong pilosopo na si Plato ang kahinaan ng demokratikong paraan ng pamamahala. Ayon sa aklat na A History of Political Theory, binatikos niya “ang kawalang-alam at kawalang-kakayahan ng mga pulitiko, na siyang natatanging kabiguan ng mga demokratikong gobyerno.” Maraming pulitiko sa ngayon ang nalulungkot dahil mahirap makahanap ng may-kakayahang tao na kuwalipikadong maglingkod sa pamahalaan. Ang mga tao ay “nayayamot sa mga lider na waring mahina sa panahong pagkalalaki ng mga problemang nakaharap sa kanila,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Ganito pa ang sabi nito: “Naiinis sila sa kanilang mga lider na hindi makapagdesisyon at tiwali yamang ang hinahanap ng mga tao ay patnubay.”
Isaalang-alang ngayon ang pamamahala ni Haring Solomon ng sinaunang Israel. Binigyan ng Diyos na Jehova si Solomon ng namumukod-tanging karunungan. (1 Hari 4:29-34) Ano ang kinahinatnan ng bansang Israel noong 40 taóng pamamahala ni Solomon? “Ang Juda at ang Israel ay marami,” ang sabi ng Bibliya, “tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa dami, kumakain at umiinom at nagsasaya.” Sinasabi rin ng ulat: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:20, 25) Dahil sa may isang matalinong hari na namumuno sa kanila bilang nakikitang kinatawan ng di-nakikitang Kataas-taasang Tagapamahala, ang Diyos na Jehova, tinamasa ng bansa ang walang-kaparis na katatagan, kasaganaan, at kagalakan.
Kaylaking pagkakaiba ng pamamahala ng tao at ng Diyos! May sinuman ba talagang makapagsasabi na nagwagi si Satanas sa usapin hinggil sa pamamahala? Wala, yamang tumpak na ipinahayag ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Maitatalikod Kaya ni Satanas ang Lahat ng Tao Mula sa Diyos?
Nagtagumpay ba si Satanas sa kaniyang pag-aangkin na maitatalikod niya ang lahat ng tao mula sa Diyos? Sa kabanata 11 ng aklat ng Mga Hebreo sa Bibliya, binanggit ni apostol Pablo ang mga pangalan ng maraming tapat na lalaki at babae noong bago ang panahong Kristiyano. Pagkatapos ay sinabi niya: “Kukulangin ako ng panahon kung ilalahad ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepte, David at gayundin ang kay Samuel at sa iba pang mga propeta.” (Hebreo 11:32) Tinukoy ni Pablo ang tapat na mga lingkod na ito ng Diyos bilang isang ‘malaking ulap ng mga saksi.’ (Hebreo 12:1) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “ulap” ay nangangahulugan, hindi ng ulap na nakahiwalay at kitang-kita ang anyo na may tiyak na laki at hugis, kundi isang napakalaki at walang-hugis na kaulapan. Angkop naman ito dahil napakarami ang naging tapat na mga lingkod ng Diyos noon anupat sila’y nagmistulang napakalaking kaulapan. Oo, sa paglipas ng mga siglo, ginamit ng di-mabilang na pulutong ng mga tao ang kanilang kalayaang magpasiya at pinili nilang ipakita ang kanilang katapatan sa Diyos na Jehova.—Josue 24:15.
Kumusta naman sa panahon natin? Dumami nang mahigit sa anim na milyon ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa kabila ng kahila-hilakbot na pag-uusig at pagsalansang na kanilang naranasan noong ika-20 siglo. May karagdagang siyam na milyon o mahigit pa ang nakikisama sa kanila, at marami sa mga ito ang gumagawa ng tiyak na pagkilos upang magkaroon ng malapít at personal na kaugnayan sa Diyos.
Ang pinakamagandang sagot sa pag-aangkin ni Satanas na kaya niyang italikod ang mga tao mula kay Jehova ay nanggaling sa sariling Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Maging ang napakatinding kirot sa pahirapang tulos ay hindi nakasira sa kaniyang katapatan. Samantalang nag-aagaw-buhay si Jesus, humiyaw siya: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.”—Lucas 23:46.
Ginagamit ni Satanas ang lahat ng nasa kapangyarihan niya—mula sa mga tukso hanggang sa tahasang pag-uusig—upang masupil niya ang mga tao. Sa paggamit sa ‘pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata at pagpaparangya ng kabuhayan ng isa’ upang tuksuhin ang mga tao, sinisikap niyang panatilihin silang malayo o akitin silang lumayo kay Jehova. (1 Juan 2:16) ‘Binulag din ni Satanas ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo ay hindi makatagos.’ (2 Corinto 4:4) At hindi nag-aatubili si Satanas na gamitin ang mga pagbabanta at kasangkapanin ang pagkatakot sa tao upang maisagawa ang kaniyang layunin.—Gawa 5:40.
Gayunman, ang mga nasa panig ng Diyos ay hindi nadaraig ng Diyablo. Nakilala nila ang Diyos na Jehova at ‘iniibig nila siya nang kanilang buong puso at nang kanilang buong kaluluwa at nang kanilang buong pag-iisip.’ (Mateo 22:37) Oo, ang hindi natitinag na katapatan ni Jesu-Kristo at ng di-mabilang na mga tao ay nagpapatunay sa napakalaking pagkatalo ni Satanas na Diyablo.
Ano ang Maaasahan sa Hinaharap?
Magpapatuloy ba nang walang hanggan ang pag-eeksperimento ng tao sa gobyerno? Inihula ni propeta Daniel: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Daniel 2:44) Ang Kaharian na itinatag ng Diyos ng langit ay isang makalangit na gobyerno sa mga kamay ni Jesu-Kristo. Ito rin ang Kaharian na itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 6:9, 10) Lilipulin ng Kahariang iyan ang lahat ng gobyerno ng tao sa dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” at maaapektuhan nito ang buong lupa.—Apocalipsis 16:14, 16.
Ano naman ang mangyayari kay Satanas? Inilalarawan ng Bibliya ang pangyayaring ito sa hinaharap: “Sinunggaban [ng anghel ni Jehova] ang dragon, ang orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos siya sa loob ng isang libong taon. At inihagis niya siya sa kalaliman at isinara iyon at tinatakan iyon sa ibabaw niya, upang hindi na niya mailigaw pa ang mga bansa hanggang sa matapos ang isang libong taon.” (Apocalipsis 20:1-3) Magsisimula lamang ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo matapos ihagis si Satanas sa kalaliman na doo’y wala siyang magagawa.
Tunay na magiging isang kalugud-lugod na lugar ang lupa kapag nangyari na iyon! Maglalaho na ang kabalakyutan at ang mga gumagawa nito. Ang Bibliya ay nangangako: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11) Hindi na manganganib ang kanilang kapayapaan mula sa anumang magsasapanganib nito—tao man o hayop. (Isaias 11:6-9) Maging ang milyun-milyon, na pumanig sa Diyablo noon dahil sa kawalang-alam at kawalan ng pagkakataon na makilala si Jehova, ay bubuhaying-muli at tuturuan tungkol sa Diyos.—Gawa 24:15.
Sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari, magiging paraiso ang kalagayan ng lupa, at magiging sakdal ang mga taong maninirahan dito. Pagkatapos, si Satanas ay pakakawalan “nang kaunting panahon,” upang mapuksa lamang magpakailanman kasama ng lahat ng sumasalansang sa pamamahala ng Diyos.—Apocalipsis 20:3, 7-10.
Kanino Ka Papanig?
Ang ika-20 siglo ang panahon na nagpasapit si Satanas ng malaking kapinsalaan sa lupa. Subalit sa halip na ipahiwatig nito na siya ay nagwagi, ang mga kalagayan sa lupa ay nagpapakita ng tanda na tayo ay nasa mga huling araw na ng balakyot na sanlibutang ito. (Mateo 24:3-14; Apocalipsis 6:1-8) Hindi ang malalang kabalakyutan sa lupa ni ang pangmalas man ng karamihan ang salik sa pagtiyak kung sino ang nagwagi. Ang mga salik na tumitiyak ay kung kaninong pamamahala ang pinakamabuti at kung may naglilingkod sa Diyos dahil sa pag-ibig. Salig sa dalawang salik na ito, si Jehova ang nagwagi.
Kung napatunayan na ng ipinahintulot na panahon na mali si Satanas, bakit hinahayaan pa ng Diyos na magpatuloy ang kabalakyutan? Nagpapakita ng pagtitiis si Jehova “sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Ang kalooban ng Diyos “ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Nawa’y gamitin mo ang natitirang panahon upang pag-aralan ang Bibliya at ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos at sa isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka upang iyong matamo ang kaalamang iyan para makasama ka rin sa milyun-milyong matatag na naninindigan sa matagumpay na panig.
[Mga larawan sa pahina 5]
Sa pananatiling tapat, lalo pang pinatutunayan ng mga Saksi ni Jehova ang pagkatalo ni Satanas
[Larawan sa pahina 7]
Marami ang matapat sa panig ni Jehova