Enoc—Walang Takot sa Kabila ng Lahat
PARA sa isang mabuting tao, iyon na ang pinakamasamang panahon. Ang lupa ay tigmak ng pagkadi-maka-Diyos. Patuloy na sumasama ang moralidad ng sangkatauhan. Sa katunayan, malapit nang sabihin noon: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay sagana sa lupa at ang bawat pagkiling ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.”—Genesis 6:5.
Si Enoc, ang ikapito sa linya ng angkan mula kay Adan, ay may lakas ng loob na maging iba. Nanindigan siya sa katuwiran anuman ang mangyari. Nakayayamot sa mga di-maka-Diyos na makasalanan ang mensahe ni Enoc anupat binalak siyang patayin, at tanging si Jehova ang makatutulong sa kaniya.—Judas 14, 15.
Si Enoc at ang Pansansinukob na Usapin
Bago pa isilang si Enoc, matagal nang ibinangon ang usapin tungkol sa pansansinukob na soberanya. May karapatan bang mamahala ang Diyos? Lumilitaw na ang tugon ni Satanas ay wala. Iginiit niya na mapapabuti ang matatalinong nilalang kung hindi sila magpapailalim sa patnubay ng Diyos. Tinangka ni Satanas na patunayan ang kaniyang pag-aangkin laban sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng tusong pagmamaniobra sa mga tao upang pumanig sa kaniya. Si Adan, ang kaniyang asawang si Eva, at ang kanilang panganay na anak na si Cain, ay kilalang panig kay Satanas dahil sa pagpili sa sariling pamamahala sa halip na sa pamamahala ng Diyos. Ginawa ng unang mag-asawa ang gayon sa pamamagitan ng pagkain ng prutas na ipinagbawal ng Diyos, at gayundin ang ginawa ni Cain sa pamamagitan ng sadyang pagpatay sa kaniyang matuwid na kapatid, si Abel.—Genesis 3:4-6; 4:8.
Buong-tapang na nanindigan si Abel sa panig ni Jehova. Yamang ang integridad ni Abel ay nagtaguyod ng dalisay na pagsamba, walang-alinlangan na natuwa si Satanas na makitang nagbulalas si Cain ng nakamamatay na galit sa kaniya. Sapol noon, ginagamit na ni Satanas ang “takot sa kamatayan” bilang panakot na sandata. Nais niyang maghasik ng takot sa puso ng sinumang nakahilig sa pagsamba sa tunay na Diyos.—Hebreo 2:14, 15; Juan 8:44; 1 Juan 3:12.
Nang isilang si Enoc, malamang na waring tinatangkilik ang pangmalas ni Satanas na hindi itataguyod ng mga tao ang soberanya ni Jehova. Patay na si Abel, at hindi tinutularan ang kaniyang tapat na halimbawa. Gayunman, pinatunayan ni Enoc na naiiba siya. May matatag siyang saligan sa pananampalataya, sapagkat alam na alam niya ang mga pangyayari na naganap sa hardin ng Eden.a Tiyak na pinahahalagahan niya ang hula ni Jehova na nagsasabing isang ipinangakong Binhi ang tatapos kay Satanas at sa kaniyang mga pakana!—Genesis 3:15.
Palibhasa’y laging nasa isip ang pag-asang ito, si Enoc ay hindi natakot ng makasaysayang pagpaslang kay Abel bunga ng sulsol ng Diyablo. Sa halip, nanatili siya sa paglakad kasama ni Jehova, anupat habang-buhay na nagtaguyod ng landasin ng katuwiran. Si Enoc ay nanatiling hiwalay sa sanlibutan, anupat tinanggihan ang mapagsariling espiritu nito.—Genesis 5:23, 24.
Isa pa, buong-tapang na nagsalita si Enoc at tiniyak na hindi magtatagumpay ang balakyot na mga gawa ng Diyablo. Sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos, si Enoc ay humula may kinalaman sa mga balakyot: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang banal na mga laksa, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang humatol sa lahat ng di-maka-Diyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-maka-Diyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-maka-Diyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-maka-Diyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”—Judas 14, 15.
Dahil sa walang-takot na paghahayag ni Enoc, nang sumulat sa mga Hebreong Kristiyano, ibinilang siya ni apostol Pablo sa malaking “ulap ng mga saksi” na nagpamalas ng napakainam na halimbawa ng pananampalatayang may lakip na gawa.b (Hebreo 11:5; 12:1) Bilang isang taong may pananampalataya, si Enoc ay nagtiyaga sa landasin ng katapatan nang mahigit sa 300 taon. (Genesis 5:22) Tiyak na galit na galit ang mga kaaway ng Diyos sa langit at sa lupa dahil sa katapatan ni Enoc! Ang nakasasakit na hula ni Enoc ay pumukaw ng poot ni Satanas, subalit nagdulot naman ito ng proteksiyon ni Jehova.
Kinuha ng Diyos si Enoc—Paano?
Hindi pinahintulutan ni Jehova si Satanas o ang kaniyang makalupang mga lingkod na patayin si Enoc. Sa halip, sinasabi ng kinasihang ulat: “Kinuha siya ng Diyos.” (Genesis 5:24) Ganito ang paglalarawan ni apostol Pablo sa mga bagay-bagay: “Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan, at hindi siya masumpungan saanman sapagkat inilipat siya ng Diyos; sapagkat bago pa ang pagkakalipat sa kaniya ay nagkaroon siya ng patotoo na napalugdan niya nang mainam ang Diyos.”—Hebreo 11:5.
Paano “inilipat [si Enoc] upang hindi makakita ng kamatayan”? O gaya sa salin ni R. A. Knox, paano “kinuha [si Enoc] nang hindi dumanas ng kamatayan”? Mapayapang tinapos ng Diyos ang buhay ni Enoc, anupat hindi ipinaranas sa kaniya ang hapdi ng kamatayan na bunga ng sakit o ng karahasan sa kamay ng kaniyang mga kaaway. Oo, pinaikli ni Jehova ang buhay ni Enoc sa gulang na 365—talagang bata pa kung ihahambing sa kaniyang mga kapanahon.
Paano nagkaroon ng “patotoo [si Enoc] na napalugdan niya nang mainam ang Diyos”? Anong katibayan mayroon siya? Malamang, pinangyari ng Diyos na mawalan ng diwa si Enoc, kung paanong si apostol Pablo ay “inagaw,” o inilipat, anupat maliwanag na tumanggap ng pangitain tungkol sa panghinaharap na espirituwal na paraiso ng Kristiyanong kongregasyon. (2 Corinto 12:3, 4) Marahil ang patotoo, o katibayan, na nakalulugod si Enoc sa Diyos ay may kaugnayan sa isang pangitain tungkol sa makalupang Paraiso sa hinaharap na doon ang lahat niyaong nabubuhay ay magtataguyod ng soberanya ng Diyos. Marahil samantalang may gayong napakasayang pangitain si Enoc ay saka pinangyari ng Diyos na mamatay siya nang walang kahirap-hirap upang matulog hanggang sa araw ng kaniyang pagkabuhay-muli. Lumilitaw na, gaya sa kaso ni Moises, inilibing ni Jehova ang katawan ni Enoc, sapagkat “hindi siya masumpungan saanman.”—Hebreo 11:5; Deuteronomio 34:5, 6; Judas 9.
Ang Katuparan ng Hula
Sa ngayon, ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ang diwa ng hula ni Enoc. Buhat sa Kasulatan, ipinakikita nila kung paano ito matutupad kapag pinuksa ng Diyos ang mga di-maka-Diyos sa malapit na hinaharap. (2 Tesalonica 1:6-10) Ang kanilang mensahe ay nagiging dahilan ng pagkasuklam sa kanila, sapagkat ibang-iba ito sa mga pangmalas at tunguhin ng sanlibutan. Hindi sila nagtataka sa pagsalansang na nararanasan nila, sapagkat binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.”—Mateo 10:22; Juan 17:14.
Subalit gaya ni Enoc, tinitiyak sa mga Kristiyano sa kasalukuyang panahon ang kaligtasan buhat sa kanilang mga kaaway sa dakong huli. Sumulat si apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok, ngunit magtaan ng mga taong di-matuwid para sa araw ng paghuhukom upang putulin.” (2 Pedro 2:9) Maaaring ipasiya ng Diyos na wastong lunasan ang isang suliranin o mahirap na situwasyon. Maaaring magwakas ang pag-uusig. Gayunman, sakaling hindi, alam niya kung paano ‘gagawa ng daang malalabasan’ upang mabata nang matagumpay ng kaniyang bayan ang kanilang pagsubok. Nagbibigay pa nga si Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan” kung kinakailangan.—1 Corinto 10:13; 2 Corinto 4:7.
Bilang ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya,” pagpapalain din ni Jehova ng buhay na walang-hanggan ang kaniyang tapat na mga lingkod. (Hebreo 11:6) Para sa higit na nakararami sa kanila, mangangahulugan ito ng buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso. Kaya tulad ni Enoc, walang-takot nawa nating ihayag ang mensahe ng Diyos. Taglay ang pananampalataya, gawin natin ito sa kabila ng lahat.
[Mga talababa]
a Si Adan ay 622 taóng gulang nang isilang si Enoc. Nabuhay pa si Enoc ng mga 57 taon pagkamatay ni Adan. Kaya naman, nagpang-abot silang buháy nang mahabang panahon.
b Ang salin na “mga saksi” sa Hebreo 12:1 ay galing sa Griegong salita na marʹtys. Ayon sa Wuest’s Word Studies From the Greek New Testament, ang salitang ito ay nangangahulugang “isa na nagpapatotoo, o makapagpapatotoo, sa kaniyang nakita o narinig o nalaman sa paano mang paraan.” Sinabi naman ng Christian Words, ni Nigel Turner, na ang salita ay nangangahulugang isa na nagsasalita “mula sa personal na karanasan . . . , at sa matibay na pananalig sa mga katotohanan at pangmalas.”
[Kahon sa pahina 30]
Nilapastangan Ang Pangalan Ng Diyos
Mga apat na siglo bago kay Enoc, ipinanganak ang apo ni Adan na si Enosh. “Nang panahong iyon isang pagpapasimula ang ginawa sa pagtawag sa pangalan ni Jehova,” sabi ng Genesis 4:26. Naniniwala ang ilang iskolar sa wikang Hebreo na ang talatang ito ay dapat basahin na “nagsimula ang may-paglapastangang” pagtawag sa pangalan ng Diyos o, “nang magkagayo’y nagsimula ang paglapastangan.” Tungkol sa yugtong iyon sa kasaysayan, ganito ang sabi ng Jerusalem Targum: “Iyon ang salinlahi na noon ay nagsimula silang magkasala, at gawing idolo ang kanilang sarili, at bansagan ang kanilang mga idolo ng pangalan ng Salita ng Panginoon.”
Naganap sa panahon ni Enosh ang malawakang maling paggamit sa pangalan ni Jehova. Posible na ang banal na pangalan ay ikinapit ng mga tao sa kanilang sarili o sa ilang tao na sa pamamagitan ng mga ito ay ipinalalagay nilang nalalapitan sa pagsamba ang Diyos na Jehova. O maaaring ikinapit nila ang banal na pangalan sa mga idolo. Sa paano man, nagawa ni Satanas na Diyablo na masalabid nang husto ang lahi ng tao sa silo ng idolatriya. Nang isilang si Enoc, bihira na ang tunay na pagsamba. Sinumang gaya ni Enoc, na namuhay ayon sa katotohanan at nangaral nito, ay kinayayamutan at kung gayo’y siyang tudlaan ng pag-uusig.—Ihambing ang Mateo 5:11, 12.
[Kahon sa pahina 31]
Nagtungo Ba Si Enoc Sa Langit?
“Sa pananampalataya si Enoc ay inilipat upang hindi makakita ng kamatayan.” Sa kanilang pagkasalin sa bahaging ito ng Hebreo 11:5, ipinakikita ng ilang salin ng Bibliya na si Enoc ay hindi talaga namatay. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng A New Translation of the Bible ni James Moffatt: “Sa pananampalataya si Enoc ay dinala sa langit anupat hindi siya namatay kailanman.”
Gayunman, mga 3,000 taon pagkaraan ng panahon ni Enoc, sinabi ni Jesu-Kristo: “Walang tao na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.” (Juan 3:13) Ang The New English Bible ay kababasahan ng ganito: “Walang sinuman na umakyat sa langit maliban sa isa na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.” Nang sabihin ito ni Jesus, siya man ay hindi pa umakyat sa langit.—Ihambing ang Lucas 7:28.
Sinabi ni apostol Pablo na si Enoc at ang iba pang bumubuo sa malaking ulap ng mga saksi noong bago ang panahong Kristiyano ay ‘namatay lahat’ at ‘hindi nakamtan ang katuparan ng mga pangako.’ (Hebreo 11:13, 39) Bakit? Sapagkat lahat ng tao, kasali na si Enoc, ay nagmana ng kasalanan buhat kay Adan. (Awit 51:5; Roma 5:12) Ang tanging paraan ng kaligtasan ay sa pamamagitan ng haing pantubos ni Kristo Jesus. (Gawa 4:12; 1 Juan 2:1, 2) Hindi pa naibabayad ang pantubos na iyan noong panahon ni Enoc. Kaya naman, si Enoc ay hindi nagtungo sa langit, subalit siya’y natutulog sa kamatayan anupat naghihintay ng pagkabuhay-muli sa lupa.—Juan 5:28, 29.
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Kopya mula sa Illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach der deutschen Uebersetzung D. Martin Luther’s