Umasa kay Jehova, at Magpakalakas-Loob
“Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.”—AWIT 27:14.
1. Gaano kahalaga ang pag-asa, at paano ginagamit sa Kasulatan ang pananalitang ito?
ANG tunay na pag-asa ay gaya ng isang maliwanag na ilaw. Tinutulungan tayo nitong makita hindi lamang ang kasalukuyang mga pagsubok kundi gayundin ang hinaharap. Tinutulungan din tayo nitong harapin ang kinabukasan nang may lakas ng loob at kagalakan. Si Jehova lamang ang makapagbibigay sa atin ng isang tiyak na pag-asa, na siyang ginagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita. (2 Timoteo 3:16) Sa katunayan, ang mga salitang “pag-asa,” “aasa,” “umasa,” “umaasa,” at “inaasahan” ay lumilitaw nang napakaraming ulit sa Bibliya at tumutukoy sa may-pananabik at tiyak na pag-asam sa isang bagay na mabuti at sa bagay na inaasahan.a Ang gayong pag-asa ay hindi lamang basta pangarap, na maaaring walang saligan o posibilidad na matupad.
2. Paano nakaapekto sa buhay ni Jesus ang pag-asa?
2 Nang mapaharap siya sa mga pagsubok at mahihirap na kalagayan, tiningnan ni Jesus hindi lamang ang kasalukuyan kundi tumingin din siya sa hinaharap at umasa kay Jehova. “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” (Hebreo 12:2) Dahil nakatingin siyang mabuti sa pagkakataon na ipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova at pabanalin ang pangalan Niya, hindi kailanman lumihis si Jesus sa kaniyang landasin ng pagkamasunurin sa Diyos, anuman ang maging kapalit nito sa kaniya.
3. Paano nakaaapekto sa buhay ng mga lingkod ng Diyos ang pag-asa?
3 Binanggit ni Haring David ang kaugnayan ng pag-asa at lakas ng loob, na sinasabi: “Umasa ka kay Jehova; magpakalakas-loob ka at magpakatibay ang iyong puso. Oo, umasa ka kay Jehova.” (Awit 27:14) Kung nais nating maging matibay ang ating puso, hindi natin dapat kailanman hayaang lumabo ang ating pag-asa kundi sa halip ay panatilihin natin itong malinaw sa ating isipan at pahalagahan ito. Ang paggawa nito ay makatutulong sa atin na tularan si Jesus sa pagpapakita ng lakas ng loob at sigasig habang nakikibahagi tayo sa gawaing iniatas niya sa kaniyang mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Sa katunayan, ang pag-asa ay binanggit kasama ng pananampalataya at pag-ibig bilang napakahalaga at namamalaging katangian na makikita sa buhay ng mga lingkod ng Diyos.—1 Corinto 13:13.
‘Nananagana ba Kayo sa Pag-asa’?
4. Ano ang may-pananabik na hinihintay ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamang “ibang mga tupa”?
4 Napakagandang kinabukasan ang naghihintay sa bayan ng Diyos. May-pananabik na hinihintay ng mga pinahirang Kristiyano na maglingkod kasama ni Kristo sa langit, samantalang ang “ibang mga tupa” naman ay umaasang “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng [makalupang] mga anak ng Diyos.” (Juan 10:16; Roma 8:19-21; Filipos 3:20) Kabilang sa “maluwalhating kalayaan” na iyon ang pagpapalaya mula sa kasalanan at sa kakila-kilabot na mga resulta nito. Tunay nga, ang pinakamainam na regalo lamang ang ibibigay ni Jehova—ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo”—sa kaniyang tapat na mga lingkod.—Santiago 1:17; Isaias 25:8.
5. Paano tayo ‘nananagana sa pag-asa’?
5 Gaano kalaki ang dapat na gampanang papel ng pag-asang Kristiyano sa ating buhay? Sa Roma 15:13, mababasa natin: “Puspusin nawa kayo ng Diyos na nagbibigay ng pag-asa ng buong kagalakan at kapayapaan dahil sa inyong paniniwala, upang managana kayo sa pag-asa sa kapangyarihan ng banal na espiritu.” Oo, ang pag-asa ay maihahalintulad, hindi sa isang kandila sa dilim, kundi sa maningning na mga sinag ng araw sa umaga, na nagbibigay ng kapayapaan, kaligayahan, layunin, at lakas ng loob sa buhay ng isa. Pansinin na tayo ay ‘nananagana sa pag-asa’ kapag naniniwala tayo sa nasusulat na Salita ng Diyos at tumatanggap ng kaniyang banal na espiritu. Sinasabi ng Roma 15:4: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” Kaya tanungin ang iyong sarili: ‘Pinananatili ko bang maliwanag ang aking pag-asa sa pamamagitan ng pagiging mabuting estudyante ng Bibliya, anupat binabasa ito araw-araw? Madalas ba akong nananalangin ukol sa espiritu ng Diyos?’—Lucas 11:13.
6. Upang mapanatiling maliwanag ang ating pag-asa, dapat tayong magbantay laban sa ano?
6 Si Jesus, na ating Huwaran, ay lubhang napalakas ng Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang sa kaniya, maiiwasan nating “manghimagod at manghina sa [ating] mga kaluluwa.” (Hebreo 12:3) Makatuwiran lamang na isipin na kung ang ating bigay-Diyos na pag-asa ay lumabo sa ating puso’t isipan o nabaling sa iba ang ating pansin—marahil sa materyal na mga bagay o sa sekular na mga tunguhin—hindi magtatagal at aantukin tayo sa espirituwal, na aakay sa kalaunan sa pagkawala ng lakas at tibay ng loob na mamuhay ayon sa moral na mga simulain. Kung may ganiyan tayong saloobin, maaari pa nga tayong makaranas ng “pagkawasak may kinalaman sa [ating] pananampalataya.” (1 Timoteo 1:19) Sa kabilang panig naman, pinatitibay ng tunay na pag-asa ang ating pananampalataya.
Pag-asa—Napakahalaga sa Pananampalataya
7. Sa anong paraan napakahalaga ng pag-asa sa pananampalataya?
7 “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita,” ang sabi ng Bibliya. (Hebreo 11:1) Kung gayon, ang pag-asa ay hindi basta maliit na bahagi lamang ng pananampalataya; ito ay napakahalagang bahagi ng pananampalataya. Isaalang-alang si Abraham. Sa pangmalas ng tao, siya at ang kaniyang asawa, si Sara, ay lampas na sa edad para magkaanak nang mangako si Jehova sa kanila ng isang tagapagmana. (Genesis 17:15-17) Paano tumugon si Abraham? “Bagaman wala nang pag-asa, gayunma’y salig sa pag-asa ay nagkaroon siya ng pananampalataya, upang siya ang maging ama ng maraming bansa.” (Roma 4:18) Oo, ang bigay-Diyos na pag-asa ni Abraham ang nagpatibay sa kaniyang pananampalataya na magkakaroon siya ng supling. Bilang resulta, dahil sa kaniyang pananampalataya, naging mas maliwanag at matibay ang kaniyang pag-asa. Aba, nagkalakas-loob pa nga sina Abraham at Sara na iwan ang kanilang tahanan at mga kamag-anak at manirahan na lamang sa mga tolda sa isang banyagang lupain!
8. Paano pinatitibay ng tapat na pagbabata ang pag-asa?
8 Pinanatiling maliwanag ni Abraham ang kaniyang pag-asa sa pamamagitan ng lubusang pagsunod kay Jehova, kahit na may panahong mahirap itong gawin. (Genesis 22:2, 12) Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng ating pagkamasunurin at pagbabata sa paglilingkod kay Jehova, makatitiyak tayo sa ating gantimpala. “Ang pagbabata,” ang isinulat ni Pablo, ay nagdudulot ng “sinang-ayunang kalagayan,” at ito naman ang nagdudulot ng pag-asa, “at ang pag-asa ay hindi umaakay sa kabiguan.” (Roma 5:4, 5) Kaya naman, sumulat din si Pablo: “Nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding kasipagan upang magkaroon ng lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas.” (Hebreo 6:11) Ang gayong positibong pangmalas, salig sa matalik na pakikipag-ugnayan kay Jehova, ay makatutulong sa atin na harapin nang may lakas ng loob at kagalakan ang anumang mahirap na kalagayan.
‘Magsaya sa Pag-asa’
9. Ang regular na paggawa sa anong bagay ang makatutulong sa atin na ‘magsaya sa pag-asa’?
9 Ang ating bigay-Diyos na pag-asa ay hinding-hindi mapapantayan ng anumang bagay na maiaalok ng sanlibutan. Sinasabi ng Awit 37:34: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.” Oo, taglay natin ang lahat ng dahilan upang ‘magsaya sa pag-asa.’ (Roma 12:12) Ngunit para magawa ito, dapat nating laging isaisip ang ating pag-asa. Palagi mo bang minumuni-muni ang iyong bigay-Diyos na pag-asa? Nakikita mo ba ang iyong sarili sa Paraiso, na masigla dahil sa mabuting kalusugan, di-nababalisa, napaliligiran ng mga taong iniibig mo, at nakikibahagi sa talagang makabuluhang gawain? Binubulay-bulay mo ba ang mga larawan ng Paraiso na nasa ating mga publikasyon? Ang gayong regular na pagmumuni-muni ay maihahalintulad sa paglilinis ng bintana kung saan matatanaw mo ang isang napakagandang tanawin. Kung hindi natin nililinis ang salamin ng bintana, hindi magtatagal at hindi na natin makikita nang malinaw ang magandang tanawin dahil sa dumi at alikabok. Baka maagaw na ng ibang bagay ang ating pansin. Huwag na huwag nawa nating pahihintulutang mangyari iyan!
10. Bakit makabubuti sa ating kaugnayan kay Jehova ang pag-asam natin sa gantimpala?
10 Sabihin pa, ang pangunahing dahilan natin sa paglilingkod kay Jehova ay ang ating pag-ibig sa kaniya. (Marcos 12:30) Gayunman, dapat na may pananabik nating asamin ang gantimpala. Sa katunayan, inaasahan ni Jehova na gagawin natin ito! Sinasabi ng Hebreo 11:6: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” Bakit nais ni Jehova na ituring natin siya bilang Tagapagbigay-Gantimpala? Dahil sa paggawa nito, ipinakikita natin na kilalang-kilala natin ang ating makalangit na Ama. Siya ay bukas-palad, at mahal niya ang kaniyang mga anak. Isipin na lamang kung gaano tayo kalungkot at kung gaano tayo kadaling masiraan ng loob kung wala tayong “kinabukasan at pag-asa.”—Jeremias 29:11.
11. Paano nakatulong kay Moises ang kaniyang bigay-Diyos na pag-asa upang makagawa ng matalinong mga pasiya?
11 Ang isang namumukod-tanging halimbawa ng isa na nanatiling nakapokus sa kaniyang bigay-Diyos na pag-asa ay si Moises. Bilang “anak ng anak na babae ni Paraon,” si Moises ay may kapangyarihan at mataas na posisyon, at maaari niyang gamitin ang kayamanan ng Ehipto. Itataguyod ba niya ang mga bagay na ito, o maglilingkod siya kay Jehova? Lakas-loob na pinili ni Moises ang huling nabanggit. Bakit? Dahil “tumingin siyang mabuti sa gantimpalang kabayaran.” (Hebreo 11:24-26) Oo, tiyak na hindi ipinagwalang-bahala ni Moises ang pag-asa na inilagay ni Jehova sa harap niya.
12. Bakit maihahalintulad sa helmet ang pag-asang Kristiyano?
12 Inihambing ni apostol Pablo ang pag-asa sa isang helmet. Ipinagsasanggalang ng ating makasagisag na helmet ang ating mga kakayahang pangkaisipan, na nakatutulong sa atin na gumawa ng matalinong mga pasiya, magtakda ng maiinam na priyoridad, at manatiling tapat. (1 Tesalonica 5:8) Lagi mo bang suot ang iyong makasagisag na helmet? Kung oo, tulad nina Moises at Pablo, ilalagak mo ang iyong pag-asa, “hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.” Totoo, ang pagtangging makiayon sa kalakaran ng nakararami sa pamamagitan ng pagtalikod sa makasariling mga tunguhin ay nangangailangan ng lakas ng loob, pero sulit na sulit ang pagsisikap na ito! Tutal, bakit mo tatanggapin ang isang bagay na mas mababa ang halaga kung ihahambing sa “tunay na buhay,” na naghihintay sa mga umaasa at umiibig kay Jehova?—1 Timoteo 6:17, 19.
“Hindi Kita sa Anumang Paraan Iiwan”
13. Anong katiyakan ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod?
13 Dapat pag-isipang mabuti ng mga taong umaasa sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ang kahila-hilakbot na kahihinatnang naghihintay sa kanila habang nararanasan ng sanlibutan ang tumitinding “mga hapdi ng kabagabagan.” (Mateo 24:8) Ngunit ang mga umaasa kay Jehova ay hindi nakadarama ng gayong pangamba. Patuloy silang “tatahan . . . nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Dahil hindi sila umaasa sa kasalukuyang sistema, may kagalakan nilang sinusunod ang payo ni Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’”—Hebreo 13:5.
14. Bakit hindi kailangang labis na mabahala ang mga Kristiyano sa kanilang materyal na mga pangangailangan?
14 “Hindi . . . sa anumang paraan,” “ni sa anumang paraan”—idiniriin ng mga pananalitang ito ang katiyakan na pangangalagaan tayo ng Diyos. Tiniyak din ni Jesus sa atin ang maibiging pagmamalasakit ng Diyos, na sinasabi: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito [ang materyal na mga pangangailangan sa buhay] ay idaragdag sa inyo. Kaya, huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:33, 34) Alam ni Jehova na isang hamon para sa atin na maging masigasig para sa kaniyang Kaharian at kasabay nito ay pasanin ang buong pananagutan na maglaan para sa ating pisikal na mga pangangailangan. Kaya lubusan tayong magtiwala sa kaniyang kakayahan at hangaring maglaan ng ating mga pangangailangan.—Mateo 6:25-32; 11:28-30.
15. Paano pinananatili ng mga Kristiyano ang ‘simpleng mata’?
15 Ipinakikita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova kapag pinananatili nating ‘simple ang ating mata.’ (Mateo 6:22, 23) Ang isang simpleng mata ay taimtim, dalisay ang motibo, at malaya sa kasakiman at makasariling ambisyon. Ang pagkakaroon ng simpleng mata ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaaba-abang buhay o ng pagpapabaya sa ating Kristiyanong pananagutan na sapatan ang ating pisikal na mga pangangailangan. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagpapakita ng “katinuan ng pag-iisip,” habang inuuna natin ang paglilingkod kay Jehova.—2 Timoteo 1:7.
16. Bakit kailangan ang pananampalataya at lakas ng loob upang mapanatili ang simpleng mata?
16 Kailangan ang pananampalataya at lakas ng loob sa pagpapanatili ng simpleng mata. Halimbawa, kung pipilitin ka ng iyong amo na regular kang magtrabaho sa oras na nakaiskedyul para sa Kristiyanong mga pagpupulong, lakas-loob ka bang manghahawakan sa iyong espirituwal na mga priyoridad? Kung may pag-aalinlangan ang isang tao na tutuparin ni Jehova ang Kaniyang pangako na pangangalagaan Niya ang Kaniyang mga lingkod, ang kailangan lamang gawin ni Satanas ay patindihin ang panggigipit at tuluyan nang titigil sa pagdalo sa mga pagpupulong ang gayong indibiduwal. Oo, ang kawalan ng pananampalataya sa ating bahagi ay magbibigay ng pagkakataon kay Satanas para kontrolin tayo at siya na, at hindi na si Jehova, ang magtatakda ng ating mga priyoridad. Napakalaki ngang trahedya nito!—2 Corinto 13:5.
“Umasa Ka kay Jehova”
17. Paano pinagpapala maging sa ngayon ang mga nagtitiwala kay Jehova?
17 Paulit-ulit na ipinakikita ng Kasulatan na yaong mga umaasa at nagtitiwala kay Jehova ay hindi kailanman nabibigo. (Kawikaan 3:5, 6; Jeremias 17:7) Totoo, kung minsan ay baka kailangan nilang makontento sa mas kaunting materyal na bagay, ngunit itinuturing nila itong maliit na sakripisyo lamang kung ihahambing sa mga pagpapalang naghihintay sa kanila. Sa gayon ay ipinakikita nilang ‘umaasa sila kay Jehova’ at nagtitiwala silang sa kalaunan ay ibibigay niya sa mga tapat sa kaniya ang lahat ng matuwid na hangarin ng kanilang puso. (Awit 37:4, 34) Kaya naman, sila ay tunay na maligaya maging sa ngayon. “Ang pag-asam ng mga matuwid ay isang kasayahan, ngunit ang pag-asa ng mga balakyot ay maglalaho.”—Kawikaan 10:28.
18, 19. (a) Anong maibiging katiyakan ang ibinibigay sa atin ni Jehova? (b) Paano natin pinananatili si Jehova sa ating “kanan”?
18 Kapag naglalakad ang isang maliit na bata habang nakahawak sa kamay ng kaniyang ama, nadarama niyang ligtas at tiwasay siya. Totoo rin iyan sa atin habang lumalakad tayo kasama ng ating makalangit na Ama. “Huwag kang matakot,” ang sabi ni Jehova sa Israel, “sapagkat ako ay sumasaiyo. . . . Talagang tutulungan kita. . . . Sapagkat ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”—Isaias 41:10, 13.
19 Isa ngang magiliw na larawan ang ipinakikita nito—hawak ni Jehova ang kamay ng isa! “Lagi kong inilalagay si Jehova sa harap ko,” ang isinulat ni David. “Sa dahilang siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” (Awit 16:8) Paano natin mapananatili si Jehova sa ating “kanan”? Ginagawa natin ito sa di-kukulangin sa dalawang paraan. Una, hinahayaan nating akayin tayo ng kaniyang Salita sa bawat aspekto ng buhay; at ikalawa, itinutuon natin ang ating pansin sa maluwalhating gantimpala na inilagay ni Jehova sa harap natin. Ang salmistang si Asap ay umawit: “Ako ay palagi mong kasama; tinanganan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo, at pagkatapos ay dadalhin mo ako sa kaluwalhatian.” (Awit 73:23, 24) Taglay ang gayong katiyakan, talagang mahaharap natin ang kinabukasan nang may pagtitiwala.
“Ang Inyong Katubusan ay Nalalapit Na”
20, 21. Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga umaasa kay Jehova?
20 Sa bawat araw na lumilipas, nagiging lalong apurahan na panatilihin natin si Jehova sa ating kanan. Di-magtatagal, pasimula sa pagpuksa sa huwad na relihiyon, mararanasan ng sanlibutan ni Satanas ang isang kapighatian na hindi pa nito nararanasan kailanman. (Mateo 24:21) Malilipos ng takot ang walang-pananampalatayang sangkatauhan. Subalit sa magulong panahong iyon, magsasaya ang malalakas-ang-loob na mga lingkod ni Jehova dahil sa kanilang pag-asa! “Habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito,” ang sabi ni Jesus, “tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—Lucas 21:28.
21 Kung gayon ay magsaya tayo sa ating bigay-Diyos na pag-asa at huwag tayong palinlang o magpatukso sa tusong mga panggambala ni Satanas. Kasabay nito, magsikap tayo nang husto upang malinang ang pananampalataya, pag-ibig, at makadiyos na takot. Sa paggawa nito, magkakaroon tayo ng lakas ng loob na sundin si Jehova sa ilalim ng anumang mga kalagayan at salansangin ang Diyablo. (Santiago 4:7, 8) Oo, “magpakalakas-loob kayo, at magpakatibay nawa ang inyong puso, lahat kayong naghihintay kay Jehova.”—Awit 31:24.
[Talababa]
a Bagaman ang salitang “pag-asa” sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay madalas na kumakapit sa makalangit na gantimpala ng mga pinahirang Kristiyano, sa artikulong ito, ang pag-asa sa pangkalahatang diwa nito ang tinatalakay.
Masasagot Mo Ba?
• Sa anong paraan nakatulong ang pag-asa ni Jesus sa pagkakaroon niya ng lakas ng loob?
• Paano nauugnay ang pananampalataya sa pag-asa?
• Paano makatutulong sa isang Kristiyano ang pag-asang may kalakip na pananampalataya upang magkaroon siya ng lakas ng loob na magtakda ng maiinam na priyoridad sa buhay?
• Bakit makaaasa sa hinaharap nang may pagtitiwala ang mga ‘umaasa kay Jehova’?
[Larawan sa pahina 28]
Bata ka man o matanda, nakikita mo ba ang iyong sarili sa Paraiso?