“Hayaang Ganapin ng Pagbabata ang Gawa Nito”
“Hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.”—SANT. 1:4.
1, 2. (a) Ano ang matututuhan natin sa pagbabata ni Gideon at ng kaniyang 300 kasama? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ayon sa Lucas 21:19, bakit napakahalaga ng pagbabata?
NAKAPAPAGOD ang labanan. Magdamag na hinabol ng mga kawal na Israelita sa pangunguna ni Hukom Gideon ang kanilang mga kaaway—ang hukbong Midianita at ang mga kaalyado nito—hanggang sa layong mga 32 kilometro! Isinalaysay ng Bibliya ang sumunod na nangyari: “Dumating si Gideon sa Jordan, at tumawid siya roon, siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya, [na] mga pagod na.” Pero hindi pa tapos ang pakikipaglaban ni Gideon at ng kaniyang mga kasama, dahil mga 15,000 pa ang natitirang kawal ng kaaway. Matapos magdusa sa paniniil ng mga Midianita sa loob ng maraming taon, alam ng mga Israelita na hindi iyon ang panahon para sumuko. Kaya para malipol ang kaaway, ‘ipinagpatuloy pa nila ang pagtugis’ at natalo nila ang Midian.—Huk. 7:22; 8:4, 10, 28.
2 Tayo rin ay patuloy na nakikipaglaban. Kabilang sa mga kaaway natin si Satanas, ang kaniyang sanlibutan, at ang sarili nating di-kasakdalan. Ang ilan sa atin ay maraming taon nang nakikipaglaban, at sa tulong ni Jehova, nagtatagumpay tayo. Pero baka may pagkakataong napapagod na tayo sa pakikipaglaban sa ating mga kaaway at sa paghihintay sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Oo, hindi pa tayo lubusang nagtatagumpay. Nagbabala si Jesus na tayong nabubuhay sa mga huling araw ay makararanas ng matinding pagsubok at malupit na pagtrato, pero sinabi rin niya na nakadepende ang tagumpay natin sa ating pagbabata. (Basahin ang Lucas 21:19.) Ano ang pagbabata? Ano ang makatutulong sa atin na magbata? Ano ang matututuhan natin mula sa mga nakapagbata? At paano natin ‘hahayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito’?—Sant. 1:4.
ANO ANG PAGBABATA?
3. Ano ang pagbabata?
3 Sa Bibliya, ang pagbabata ay hindi lang basta pagtitiis sa mga pagsubok o paghihirap. Sangkot sa pagbabata ang ating isip at puso, o ang paraan ng pagharap natin sa mga paghihirap. Ang isang taong nagbabata ay nagpapakita ng lakas ng loob, katatagan, at pagtitiis. Ang pagbabata, ayon sa isang reperensiya, ay ang “kakayahang tiisin ang mga bagay-bagay, na may nag-aalab na pag-asa sa halip na basta pagtanggap lamang dito dahil wala nang magagawa pa . . . Ito ang katangian na tumutulong sa isang tao na manatiling matatag sa kabila ng mga problema. Kayang baligtarin ng katangiang ito maging ang pinakamahihirap na pagsubok para maging kaluwalhatian dahil nakikini-kinita nito ang tunguhin sa kabila ng hirap.”
4. Bakit masasabi na ang pagbabata ay udyok ng pag-ibig?
4 Ang pagbabata ng isang Kristiyano ay udyok ng pag-ibig. (Basahin ang 1 Corinto 13:4, 7.) Nauudyukan tayo ng pag-ibig kay Jehova na batahin ang anumang bagay na naaayon sa kaniyang kalooban. (Luc. 22:41, 42) Natutulungan tayo ng pag-ibig sa ating mga kapatid na batahin ang kanilang di-kasakdalan. (1 Ped. 4:8) Dahil sa pag-ibig sa ating asawa, nagagawa nating mabata ang “kapighatian” na nararanasan maging ng masasayang mag-asawa at mapatibay ang bigkis ng pag-aasawa.—1 Cor. 7:28.
ANO ANG MAKATUTULONG SA IYO NA MAGBATA?
5. Bakit si Jehova ang higit na makatutulong sa atin na makapagbata?
5 Humingi ng lakas kay Jehova. Si Jehova ang “Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan.” (Roma 15:5) Siya lang ang lubusang nakauunawa, hindi lang sa ating mga problema, kundi kung paano nakaaapekto sa atin ang ating kapaligiran, emosyon, at maging ang ating henetikong kayarian. Kaya higit kaninuman, siya ang makatutulong sa atin na makapagbata. “Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa,” ang sabi ng Bibliya. “Ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.” (Awit 145:19) Pero paano sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin ukol sa lakas para makapagbata?
6. Gaya ng ipinangako sa Bibliya, paano maaaring gumawa si Jehova ng “daang malalabasan” para mabata natin ang mga pagsubok?
6 Basahin ang 1 Corinto 10:13. Kapag humingi tayo ng tulong kay Jehova para maharap ang mga pagsubok, ‘gagawa siya ng daang malalabasan.’ Minamaniobra ba ni Jehova ang mga bagay-bagay para mawala ang mga pagsubok? Marahil. Pero kadalasan, gumagawa siya ng daang malalabasan, o paraan, “upang mabata [natin] iyon.” Oo, pinalalakas tayo ni Jehova para tayo ay “makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.” (Col. 1:11) At dahil alam na alam niya ang ating pisikal, mental, at emosyonal na limitasyon, hindi hahayaan ni Jehova na ang sitwasyon ay umabot sa puntong hindi na natin kayang manatiling tapat.
7. Ilarawan kung bakit kailangan natin ang espirituwal na pagkain para makapagbata.
7 Patibayin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng espirituwal na pagkain. Sa Mount Everest, ang pinakamataas na bundok sa daigdig, ang isang umaakyat ay nakagagamit ng mga 6,000 kalori sa isang araw, di-hamak na mas mataas kaysa sa karaniwang kailangan ng isang tao. Para makatagal at makarating hanggang sa kanilang destinasyon, ang mga umaakyat ay dapat kumonsumo ng pinakamaraming kalori hangga’t maaari. Sa katulad na paraan, para makapagbata sa landasing Kristiyano at maabot ang ating tunguhin, dapat na regular tayong kumain ng pinakamaraming espirituwal na pagkain hangga’t maaari. Kailangan natin ng disiplina sa sarili para makapaglaan ng panahon sa pagbabasa, pag-aaral, at mga Kristiyanong pagpupulong. Ang mga gawaing ito ay nagpapatibay ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng “pagkaing nananatili para sa buhay na walang hanggan.”—Juan 6:27.
8, 9. (a) Ayon sa Job 2:4, 5, ano ang nasasangkot kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok? (b) Kapag napapaharap sa mga pagsubok, anong di-nakikitang eksena ang puwede mong gunigunihin?
8 Alalahanin ang isyu ng katapatan. Kapag napaharap sa pagsubok ang isang lingkod ng Diyos, higit pa sa kaniyang pagdurusa ang nasasangkot. Ipinakikita ng paraan ng pagharap natin sa mga pagsubok kung talagang kinikilala natin si Jehova bilang Soberano ng Uniberso. Si Satanas, isang kaaway ng soberanya ni Jehova, ay tumuya kay Jehova: “Ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo [si Job] hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” (Job 2:4, 5) Ayon kay Satanas, walang naglilingkod kay Jehova udyok ng pag-ibig. Nagbago ba ang bintang ni Satanas sa paglipas ng panahon? Hindi! Pagkalipas ng daan-daang taon, nang palayasin siya sa langit, tinawag pa rin si Satanas na “tagapag-akusa sa ating mga kapatid . . . , na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” (Apoc. 12:10) Hindi nakalimutan ni Satanas ang isyu ng katapatan. Gustong-gusto niya tayong makitang sumuko sa mga pagsubok at talikuran ang soberanya ng Diyos.
9 Kaya kapag napapaharap sa mahirap na sitwasyon, gunigunihin ang di-nakikitang eksenang ito. Nasa isang panig si Satanas at ang kaniyang mga demonyo at pinanonood ang iyong mga paghihirap at pinararatangan kang bibitiw at susuko. Nasa kabilang panig naman si Jehova, ang kaniyang naghaharing Anak, ang binuhay-muling mga pinahiran, at ang libo-libong anghel. Pinasisigla ka nila at tuwang-tuwa silang makita na nakapagbabata ka araw-araw at sumusuporta sa soberanya ni Jehova. Isipin mong hinihiling sa iyo ni Jehova: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”—Kaw. 27:11.
10. Paano mo matutularan si Jesus sa pagpopokus sa mga gantimpala ng pagbabata?
10 Magpokus sa mga gantimpala ng pagbabata. Ipagpalagay nang nasa isang mahabang paglalakbay ka. Pagkatapos, huminto ka sa gitna ng isang mahabang tunel. Madilim kahit saan ka tumingin. Pero tiwala ka na kung magpapatuloy ka hanggang sa dulo ng tunel, makikita mo uli ang liwanag. Sa katulad na paraan, baka kung minsan ay nadarama mo na napakarami mong problema. Kahit si Jesus ay nakadama rin ng ganiyan. Naging puntirya siya ng “pasalungat na pananalita ng mga makasalanan,” panghihiya, at maging ng masakit na kamatayan sa “pahirapang tulos”—ang pinakamadilim na yugto ng buhay niya sa lupa! Pero “dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya,” nabata ni Jesus ang lahat ng iyon. (Heb. 12:2, 3) Nagpokus siya sa mga gantimpala ng kaniyang pagbabata, lalo na sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos at sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova. Pansamantala lang ang madilim na yugto ng mga pagsubok kay Jesus kumpara sa walang-hanggang ningning ng kaniyang makalangit na gantimpala. Sa ngayon, baka masakit at nakapanlulumo ang mga pagsubok na nararanasan mo. Pero tandaan na pansamantala lang ang iyong mga kapighatian sa daang patungo sa buhay na walang hanggan.
“YAONG MGA NAKAPAGBATA”
11. Bakit dapat nating isaalang-alang ang karanasan ng “mga nakapagbata”?
11 Hindi tayo mag-isang nagbabata. Para pasiglahin ang mga Kristiyano na magbata sa mga paghihirap na kagagawan ni Satanas, sumulat si apostol Pedro: “Manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Ped. 5:9) Ang mga karanasan ng “mga nakapagbata” ay nagtuturo sa atin kung paano mananatiling matatag, tumitiyak sa atin na makapagtatagumpay tayo, at nagpapaalaala sa atin na gagantimpalaan ang ating tapat na landasin. (Sant. 5:11) Talakayin natin ang ilan sa mga ito.[1]
12. Ano ang matututuhan natin sa mga kerubin na inilagay sa Eden?
12 Ang mga kerubin. May matututuhan tayo sa pagbabata ng ilang espiritung nilalang na binigyan ng isang mahirap na atas. “Inilagay [ng Diyos na Jehova] sa silangan ng hardin ng Eden ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak na patuloy na umiikot upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay.”[2] (Gen. 3:24) Tiyak na hindi nilalang ang mga kerubing iyon para sa gayong atas! Hindi naman kasi bahagi ng layunin ni Jehova sa sangkatauhan ang kasalanan at rebelyon. Pero wala tayong mababasa na ang mga kerubing iyon—mga espiritung nilalang na may matataas na ranggo—ay nagreklamo na hindi bagay sa kanila ang atas na ito. Hindi sila nabagot at sumuko. Sa halip, masunurin silang nanatili sa kanilang atas at nagbata hanggang sa matapos ito—marahil noong panahon ng Baha, pagkaraan ng mahigit 1,600 taon!
13. Paano nakapagbata si Job ng mga pagsubok?
13 Ang patriyarkang si Job. Kung ikaw ay nasaktan nang husto dahil sa di-magagandang pananalita ng isang kaibigan o kapamilya, may malubhang sakit, o namatayan ng mahal sa buhay, makaaaliw sa iyo ang halimbawa ni Job. (Job 1:18, 19; 2:7, 9; 19:1-3) Kahit hindi niya alam ang pinagmulan ng kaniyang mga problema, hindi sumuko si Job. Bakit? Dahil “natatakot [siya] sa Diyos.” (Job 1:1) Determinado si Job na paluguran si Jehova sa kaayaaya at di-kaayaayang mga kalagayan. Sa tulong ng Diyos, binulay-bulay ni Job ang kamangha-manghang mga bagay na ginawa ni Jehova sa pamamagitan ng Kaniyang banal na espiritu. Lalong tumibay ang pagtitiwala ni Job na wawakasan ni Jehova ang mga pagsubok niya sa tamang panahon. (Job 42:1, 2) At iyan mismo ang nangyari. “Binaligtad ni Jehova ang bihag na kalagayan ni Job [at] pinasimulang ibigay ni Jehova ang lahat ng naging pag-aari ni Job, sa dobleng dami.” At nagkaroon si Job ng mahaba at kasiya-siyang buhay.—Job 42:10, 17.
14. Ayon sa 2 Corinto 1:6, paano nakatulong sa iba ang pagbabata ni Pablo?
14 Ang apostol na si Pablo. Ikaw ba ay matinding sinasalansang, pinag-uusig pa nga, ng mga kaaway ng tunay na pagsamba? Isa ka bang elder sa kongregasyon o tagapangasiwa ng sirkito na nabibigatan sa dami ng responsibilidad? Bulay-bulayin ang halimbawa ni Pablo. Napaharap siya sa iba’t ibang marahas na pang-uusig at araw-araw siyang napabibigatan ng pagkabalisa para sa mga kongregasyon. (2 Cor. 11:23-29) Pero hindi siya sumuko, at napatibay ang iba sa halimbawa niya. (Basahin ang 2 Corinto 1:6.) Kapag nagbabata ka ng mga paghihirap, tandaan na ang halimbawa mo ay malamang na makapagpatibay rin sa iba na magbata.
MAGAGANAP KAYA NG “PAGBABATA ANG GAWA NITO” SA IYO?
15, 16. (a) Anong “gawa” ang dapat ganapin ng pagbabata? (b) Magbigay ng mga halimbawa kung paano natin ‘hahayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito.’
15 Sa patnubay ng banal na espiritu, isinulat ni Santiago: “Hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito.” Anong “gawa”? Tinutulungan tayo ng pagbabata na “maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Sant. 1:4) Kadalasan nang pinalilitaw ng mga pagsubok ang kahinaan natin, mga aspekto ng ating personalidad na kailangang pasulungin. Pero kung babatahin natin ang gayong mga pagsubok, ang ating Kristiyanong personalidad ay magiging mas ganap, o malusog. Halimbawa, maaaring maging mas matiisin tayo, mapagpahalaga, at maawain.
16 Dahil may mahalagang bahagi ang pagbabata sa paghubog ng ating personalidad bilang Kristiyano, huwag ikompromiso ang mga simulain sa Bibliya para lang matapos ang mga pagsubok na dumarating sa iyo. Halimbawa, paano kung nakikipaglaban ka sa maruruming kaisipan? Sa halip na magpadala sa tukso, manalangin para maitakwil mo ang gayong mga pagnanasa. Sa gayon ay napasusulong mo ang pagpipigil sa sarili. Inuusig ka ba ng di-sumasampalatayang kapamilya? Imbes na magpadala sa panggigipit, maging determinadong manindigan sa iyong buong-pusong pagsamba. Bilang resulta, napatitibay mo ang iyong pagtitiwala kay Jehova. Tandaan: Para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat tayong magbata.—Roma 5:3-5; Sant. 1:12.
17, 18. (a) Ilarawan ang kahalagahan ng pagbabata hanggang sa wakas. (b) Habang papalapít tayo sa wakas, sa ano tayo makapagtitiwala?
17 Dapat tayong magbata, hindi lang sa loob ng ilang panahon, kundi hanggang sa wakas. Bilang paglalarawan: Gunigunihin ang isang tumaob na barko. Para makaligtas, dapat lumangoy ang mga pasahero patungo sa pampang. Ang lumalangoy na sumuko mga ilang metro na lang mula sa pampang ay walang ipinagkaiba sa isa na mas maagang sumuko. Sa katulad na paraan, determinado tayong magbata hanggang sa makarating tayo sa bagong sanlibutan. Nakadepende ang buhay natin sa ating pagbabata. Taglay natin ang saloobin ni apostol Pablo, na dalawang beses na nagsabi: “Hindi kami nanghihimagod.”—2 Cor. 4:1, 16.
18 Lubusan tayong makapagtitiwala na tutulungan tayo ni Jehova na magbata hanggang sa wakas. Nadarama natin ang pagtitiwala ni Pablo na mababasa sa Roma 8:37-39: “Lubusan tayong nagtatagumpay sa pamamagitan niya na umibig sa atin. Sapagkat kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” Totoo, may mga pagkakataong napapagod tayo. Ngunit magbata sana tayo hanggang sa wakas, para masabi rin sa atin ang sinabi tungkol kay Gideon at sa kaniyang mga kasama: “Ipinagpapatuloy pa [nila] ang pagtugis.”—Huk. 8:4.
^ [1] (parapo 11) Mapasisigla ka rin ng mga karanasan kung paano nagbata ang bayan ng Diyos sa modernong panahon. Halimbawa, iniuulat ng mga Taunang Aklat ng 1992, 1999, at 2008 ang nakapagpapatibay na mga karanasan ng ating mga kapatid sa Ethiopia, Malawi, at Russia.
^ [2] (parapo 12) Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilang kerubin ang inatasan doon.