Ibinilang na Karapat-dapat Akayin sa mga Bukal ng mga Tubig ng Buhay
“Ang Kordero . . . ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.”—APOC. 7:17.
1. Ano ang tawag ng Salita ng Diyos sa mga pinahirang Kristiyano, at anong pananagutan ang ibinigay ni Jesus sa kanila?
ANG mga pinahirang Kristiyano na nangangasiwa sa mga pag-aari ni Kristo sa lupa ay tinatawag ng Salita ng Diyos na “tapat at maingat na alipin.” Nang siyasatin ni Kristo ang “alipin” noong 1918, ang mga pinahirang iyon sa lupa ay nasumpungan niyang tapat na naglalaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” Kaya naman nalugod si Jesus, ang Panginoon, na atasan sila “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Basahin ang Mateo 24:45-47.) Sa ganitong paraan, naglilingkod ang mga pinahiran sa iba pang mananamba ni Jehova sa lupa bago nila tanggapin ang kanilang makalangit na mana.
2. Anu-ano ang kasama sa mga pag-aari ni Jesus?
2 May karapatan ang panginoon sa kaniyang mga pag-aari, o ari-arian, at maaari niyang gamitin ang mga ito sa paraang nais niya. Kasama sa mga pag-aari ni Jesu-Kristo, ang Haring iniluklok ni Jehova, ang lahat ng bagay dito sa lupa na may kinalaman sa kapakanan ng Kaharian. Kabilang dito ang “malaking pulutong” na nakita ni apostol Juan sa pangitain. Ganito ang paglalarawan ni Juan sa malaking pulutong: “Narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay.”—Apoc. 7:9.
3, 4. Bakit masasabing napakalaki ng pribilehiyo ng malaking pulutong?
3 Kabilang ang mga miyembro ng malaking pulutong sa tinutukoy ni Jesus na kaniyang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Umaasa silang mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa. Nagtitiwala sila na ‘aakayin sila ni Jesus sa mga bukal ng mga tubig ng buhay’ at “papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Dahil dito, “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” (Apoc. 7:14, 17) Nananampalataya sila sa hain ni Jesus, kaya naman sa paningin ng Diyos, nadaramtan sila ng “mahahabang damit na puti.” Gaya ni Abraham, ipinahayag din silang matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos.
4 Karagdagan pa, yamang itinuturing na matuwid ng Diyos ang parami nang paraming miyembro ng malaking pulutong, makaaasa sila na maingatang-buháy kapag winasak ang sistemang ito ng mga bagay sa malaking kapighatian. (Sant. 2:23-26) Maaari silang mapalapít kay Jehova, at bilang isang grupo, mayroon silang kapana-panabik na pag-asang makaligtas sa Armagedon. (Sant. 4:8; Apoc. 7:15) Sa halip na ihiwalay ang kanilang sarili, handa silang maglingkod sa ilalim ng pangunguna ng makalangit na Hari at ng kaniyang mga pinahirang kapatid dito sa lupa.
5. Paano sinusuportahan ng malaking pulutong ang mga pinahirang kapatid ni Kristo?
5 Ang mga pinahirang Kristiyano ay sinalansang at patuloy na sasalansangin ng sanlibutan ni Satanas. Gayunpaman, makaaasa sila sa suporta ng kasama nilang malaking pulutong. Bagaman kaunti na ngayon ang bilang ng mga pinahirang Kristiyano, daan-daang libo naman ang nadaragdag sa malaking pulutong taun-taon. Hindi personal na mapangangasiwaan ng mga pinahiran ang bawat isa sa mga 100,000 kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig. Kaya ang isang suporta na natatanggap ng mga pinahiran mula sa ibang mga tupa ay ang paglilingkod ng kuwalipikadong mga lalaki mula sa malaking pulutong bilang matatanda sa kongregasyon. Tumutulong sila sa pangangalaga sa milyun-milyong Kristiyano na ipinagkatiwala ngayon sa “tapat at maingat na alipin.”
6. Paano inihula ang pagsuporta sa mga pinahirang Kristiyano ng kasama nilang ibang mga tupa?
6 Inihula ng propetang si Isaias ang kusang-loob na pagsuporta sa mga pinahirang Kristiyano ng kasama nilang ibang mga tupa. Isinulat niya: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ang mga di-binabayarang trabahador ng Ehipto at ang mga mangangalakal ng Etiopia at ang mga Sabeano, matatangkad na lalaki, ay paririyan nga sa iyo, at sila ay magiging iyo. Sa likuran mo ay lalakad sila.’” (Isa. 45:14) Sa makasagisag na paraan, ang mga Kristiyano sa ngayon na may makalupang pag-asa ay lumalakad sa likuran, o sumusunod sa pangunguna, ng pinahirang uring alipin at ng Lupong Tagapamahala nito. Bilang “mga di-binabayarang trabahador,” kusang-loob at buong-pusong ginagamit ng ibang mga tupa ang kanilang lakas at mga tinatangkilik upang suportahan ang pambuong-daigdig na pangangaral na iniatas ni Kristo sa kaniyang mga pinahirang tagasunod sa lupa.—Gawa 1:8; Apoc. 12:17.
7. Para sa anong pribilehiyo sinasanay ang malaking pulutong?
7 Habang sinusuportahan ang kanilang mga pinahirang kapatid, ang mga miyembro ng malaking pulutong ay sinasanay para maging pundasyon ng bagong lipunan ng tao na iiral pagkatapos ng Armagedon. Ang pundasyong iyon ay dapat na matibay at matatag. Kailangang maging handa at may kakayahang sumunod sa pangunguna ng Panginoon ang mga miyembro nito. Binibigyan ng pagkakataon ang bawat Kristiyano na patunayang maaari siyang atasan ng Hari, si Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pananampalataya at katapatan ngayon, ipinamamalas niyang handa siyang sumunod kapag binigyan siya ng Hari ng mga tagubilin sa bagong sanlibutan.
Pinatutunayan ng Malaking Pulutong ang Kanilang Pananampalataya
8, 9. Paano pinatutunayan ng malaking pulutong ang kanilang pananampalataya?
8 Pinatutunayan ng ibang mga tupa na kasama ng kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa iba’t ibang paraan. Una, sinusuportahan nila ang mga pinahiran sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ikalawa, kusang-loob silang nagpapasakop sa pangunguna ng Lupong Tagapamahala.—Heb. 13:17; basahin ang Zacarias 8:23.
9 Ikatlo, sinusuportahan ng malaking pulutong ang kanilang mga pinahirang kapatid sa pamamagitan ng pagkakapit ng matuwid na mga simulain ni Jehova. Sinisikap nilang linangin ang “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Gal. 5:22, 23) Sa ngayon, marami ang hindi nagpapakita ng ganitong mga katangian sa kanilang buhay kundi nahihirati sa “mga gawa ng laman.” Gayunman, determinado ang mga miyembro ng malaking pulutong na umiwas sa “pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.”—Gal. 5:19-21.
10. Ano ang determinadong gawin ng mga miyembro ng malaking pulutong?
10 Yamang tayo ay di-sakdal, isang hamon para sa atin na magluwal ng mga bunga ng espiritu, umiwas sa mga gawa ng laman, at labanan ang panggigipit ng sanlibutan ni Satanas. Gayunpaman, hindi natin hahayaang humina ang ating pananampalataya o magmaliw ang ating pag-ibig kay Jehova dahil sa pagkasira ng loob bunga ng ating mga kahinaan, paminsan-minsang pagkukulang, o pagkakasakit. Alam natin na tutuparin ni Jehova ang kaniyang pangako—ililigtas niya ang malaking pulutong mula sa malaking kapighatian.
11. Anong mga taktika ang ginagamit ni Satanas upang pahinain ang pananampalataya ng mga Kristiyano?
11 Gayunpaman, patuloy tayong nagbabantay dahil batid natin na ang Diyablo ang talagang kaaway natin, at hindi siya basta-basta sumusuko. (Basahin ang 1 Pedro 5:8.) Ginagamit niya ang mga apostata at ang iba pa upang papaniwalain tayo na ang sinusunod nating mga turo ay kasinungalingan. Pero kadalasang bigo ang taktikang iyon. Sa katulad na paraan, bagaman hadlang kung minsan sa ating pangangaral ang pag-uusig, madalas na mas napatitibay pa nga nito ang pananampalataya ng mga dumaranas nito. Kaya naman, mas malimit gamitin ni Satanas ang pamamaraang inaakala niyang mas madaling magpapahina sa ating pananampalataya. Sinasamantala niya ang pagkasira ng loob. Binabalaan ang mga Kristiyano noong unang siglo may kinalaman sa panganib na ito: “Maingat nga ninyong pag-isipan ang isa [si Kristo] na nagbata ng gayong pasalungat na pananalita ng mga makasalanan laban sa kanilang sariling mga kapakanan.” Bakit? “Upang hindi kayo manghimagod at manghina sa inyong mga kaluluwa.”—Heb. 12:3.
12. Paano pinalalakas ng payo ng Bibliya ang mga dumaranas ng pagkasira ng loob?
12 Nadama mo na ba na tila hindi mo na kaya? May mga pagkakataon bang nadarama mo na parang lagi ka na lamang bigo? Kung gayon ang nararamdaman mo, huwag hayaang gamitin ito ni Satanas upang hadlangan ka sa paglilingkod kay Jehova. Ang masusing pag-aaral ng Bibliya, marubdob na pananalangin, at regular na pagdalo sa pulong at pakikisama sa mga kapananampalataya ay magpapalakas at tutulong sa iyo upang hindi ka ‘manghina sa iyong kaluluwa.’ Ipinangako ni Jehova na tutulungan niyang magpanibagong-lakas ang mga naglilingkod sa kaniya at maaasahan ang kaniyang pangako. (Basahin ang Isaias 40:30, 31.) Ituon ang pansin sa gawaing pang-Kaharian. Iwasan ang mga panggambalang umuubos ng panahon, at maging abala sa pagtulong sa iba. Sa gayon, mapalalakas ka na magbata sa kabila ng pagkasira ng loob.—Gal. 6:1, 2.
Mula sa Kapighatian Tungo sa Bagong Sanlibutan
13. Anong atas ang naghihintay sa mga makaliligtas sa Armagedon?
13 Pagkatapos ng Armagedon, tuturuan hinggil sa mga daan ni Jehova ang napakaraming di-matuwid na binuhay-muli. (Gawa 24:15) Kailangan nilang malaman ang tungkol sa haing pantubos ni Jesus; karagdagan pa, dapat silang maturuan na manampalataya sa haing ito upang makamit ang mga pakinabang nito. Kailangan nilang iwan ang pinanghahawakang huwad na relihiyosong mga turo at ang kanilang dating landasin ng pamumuhay. Dapat silang matutong magbihis ng bagong personalidad na pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (Efe. 4:22-24; Col. 3:9, 10) Kaya maraming gagawin ang ibang mga tupa na makaliligtas sa Armagedon sa panahong iyon. Ano ngang laking kagalakan na mapaglingkuran si Jehova sa gayong paraan nang walang panggigipit at panggambala ng kasalukuyang masamang sanlibutan!
14, 15. Anu-anong bagay ang maaaring pag-usapan ng mga makaliligtas sa malaking kapighatian at ng mga matuwid na bubuhaying-muli?
14 Ang tapat na mga lingkod ni Jehova na namatay bago ang ministeryo ni Jesus sa lupa ay marami ring matututuhan kapag binuhay silang muli sa panahong iyon. Makikilala nila kung sino ang ipinangakong Mesiyas na kanilang pinakahihintay noon ngunit hindi nila nakita. Bago sila namatay, naipakita na nila ang kanilang pagnanais na maturuan ni Jehova. Isip-isipin ang kagalakan at pribilehiyong tulungan sila—gaya ng pagpapaliwanag kay Daniel ng katuparan ng mga hulang isinulat niya ngunit hindi naman niya naunawaan!—Dan. 12:8, 9.
15 Siyempre pa, bagaman marami tayong ituturo sa mga binuhay-muli, marami rin naman tayong itatanong sa kanila. Maikukuwento nila sa atin ang mga pangyayari sa Bibliya na hindi detalyadong inilahad. Talagang kapana-panabik malaman ang mga detalye tungkol kay Jesus mula sa kaniyang pinsang si Juan Bautista! Tiyak na ang mga bagay na maririnig natin mula sa gayong tapat na mga saksi ay magbibigay sa atin ng kaunawaan sa Salita ng Diyos na higit pa kaysa sa taglay natin ngayon. Ang namatay na mga tapat na lingkod ni Jehova—pati na ang mga kabilang sa malaking pulutong na namatay sa panahon ng kawakasan—ay magkakamit ng “mas mabuting pagkabuhay-muli.” Naglingkod sila noon kay Jehova sa isang sanlibutang pinamumunuan ni Satanas. Ano ngang laking kagalakan nila na maipagpatuloy ang kanilang paglilingkod sa di-hamak na mas magandang kalagayan sa bagong sanlibutan!—Heb. 11:35; 1 Juan 5:19.
16. Ayon sa hula, ano ang magaganap sa Araw ng Paghuhukom?
16 Sa Araw ng Paghuhukom, may bubuksang mga balumbon. Ang mga ito, pati na ang Bibliya, ay magiging batayan sa paghatol sa lahat ng nabubuhay kung karapat-dapat sila sa buhay na walang hanggan. (Basahin ang Apocalipsis 20:12, 13.) Sa pagtatapos ng Araw ng Paghuhukom, ang bawat isa ay nabigyan na ng sapat na pagkakataong patunayan kung saang panig siya sa isyu ng pansansinukob na soberanya. Itataguyod kaya niya ang kaayusan ng Kaharian at magpapaakay sa Kordero sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay”? O tatanggi siyang magpasakop sa Kaharian ng Diyos? (Apoc. 7:17; Isa. 65:20) Sa panahong iyon, personal nang nakapagpasiya ang lahat ng nasa lupa nang hindi nahahadlangan ng minanang kasalanan o ng masamang kapaligiran. Walang makakakuwestiyon kung ang pangwakas na hatol ni Jehova ay nararapat. Tanging ang masasama ang mapupuksa magpakailanman.—Apoc. 20:14, 15.
17, 18. Ano ang pinananabikan ng mga pinahirang Kristiyano at ng ibang mga tupa sa Araw ng Paghuhukom?
17 Ang mga pinahirang Kristiyano ngayon na ibinilang na karapat-dapat tumanggap ng Kaharian ay nananabik na mamahala sa Araw ng Paghuhukom. Ano ngang laking karangalan nito para sa kanila! Ito ang nag-uudyok sa kanila na sundin ang payo na ibinigay ni Pedro sa kanilang unang siglong mga kapatid: “Gawin ang inyong buong makakaya upang tiyakin para sa inyong sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo; sapagkat kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito ay hindi kayo sa anumang paraan mabibigo kailanman. Sa katunayan, gayon saganang ilalaan sa inyo ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”—2 Ped. 1:10, 11.
18 Nakikigalak ang ibang mga tupa sa kanilang mga pinahirang kapatid. Determinado silang suportahan ang mga ito. Bilang mga kaibigan ng Diyos ngayon, nauudyukan silang gawin ang kanilang buong makakaya sa paglilingkod sa Diyos. Sa Araw ng Paghuhukom, malulugod sila na buong-pusong suportahan ang kaayusan ng Diyos habang inaakay sila ni Jesus sa mga bukal ng mga tubig ng buhay. Pagkatapos ng lahat ng ito—sa wakas—ibibilang silang karapat-dapat na maging mga lingkod ni Jehova sa lupa magpakailanman!—Roma 8:20, 21; Apoc. 21:1-7.
Natatandaan Mo Ba?
• Anu-ano ang kasama sa mga pag-aari ni Jesus?
• Paano sinusuportahan ng malaking pulutong ang kanilang mga pinahirang kapatid?
• Ano ang mga pribilehiyo at pag-asa ng malaking pulutong?
• Ano ang pananaw mo sa Araw ng Paghuhukom?
[Larawan sa pahina 25]
Nilabhan ng malaking pulutong ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero
[Larawan sa pahina 27]
Ano ang gusto mong ikuwento sa iyo ng mga tapat na binuhay-muli?