HEBREO, LIHAM SA MGA
Isang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinakikita ng katibayan na isinulat ito ng apostol na si Pablo para sa mga Kristiyanong Hebreo sa Judea noong mga 61 C.E. Lubhang napapanahon ang liham na ito para sa mga Kristiyanong Hebreong iyon. Mga 28 taon na noon ang nakalilipas mula nang mamatay at buhaying-muli si Jesu-Kristo. Noong maagang bahagi ng yugtong iyon, lubhang pinag-usig ng mga Judiong lider ng relihiyon ang mga Judiong Kristiyanong ito sa Jerusalem at Judea, na nagbunga ng kamatayan ng ilang Kristiyano at ng pangangalat ng karamihan sa kanila mula sa Jerusalem. (Gaw 8:1) Ang mga nangalat ay nagpatuloy sa pagpapalaganap ng mabuting balita saanman sila pumaroon. (Gaw 8:4) Nanatili naman sa Jerusalem ang mga apostol at pinatibay nila ang kongregasyong naiwan doon, at umunlad ito, kahit sa ilalim ng matinding pagsalansang. (Gaw 8:14) Pagkatapos, ang kongregasyon ay pansamantalang nagtamasa ng isang yugto ng kapayapaan. (Gaw 9:31) Nang maglaon, ipinapatay ni Herodes Agripa I ang apostol na si Santiago, na kapatid ni Juan, at pinagmalupitan niya ang iba pang kabilang sa kongregasyon. (Gaw 12:1-5) Pagkaraan ng ilang panahon, bumangon ang isang materyal na kakapusan sa gitna ng mga Kristiyano sa Judea, na nagbigay naman ng pagkakataon sa mga nasa Acaya at Macedonia (noong mga 55 C.E.) na ipakita ang kanilang pag-ibig at pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapadala ng tulong. (1Co 16:1-3; 2Co 9:1-5) Kaya maraming paghihirap na naranasan ang kongregasyon sa Jerusalem.
Layunin ng Liham. Ang mga miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem ay halos puro mga Judio at mga proselitang nakumberte sa relihiyong Judio. Ang marami sa mga ito ay nakaalam ng katotohanan pagkaraan ng panahon ng napakatinding pag-uusig. Noong panahong isulat ang liham sa mga Hebreo, maituturing na mapayapa ang kalagayan ng kongregasyon, sapagkat sinabi ni Pablo sa kanila: “Hindi pa kayo kailanman nakipaglaban hanggang sa dugo.” (Heb 12:4) Gayunpaman, ang paghupa ng tahasang pisikal na pag-uusig na humahantong sa kamatayan ay hindi nangahulugang tumigil na ang mahigpit na pagsalansang ng mga Judiong lider ng relihiyon. Ang mas bagong mga miyembro ng kongregasyon ay kailangang humarap sa pagsalansang gaya rin ng iba. At ang ilan ay kulang sa pagkamaygulang, anupat hindi pa sumusulong tungo sa pagkamaygulang na dapat sana’y nagawa na nila dahilan sa panahon. (5:12) Dahil sa pagsalansang mula sa mga Judio na kinakaharap nila sa araw-araw, nalalagay sa pagsubok ang kanilang pananampalataya. Kailangan nilang linangin ang pagbabata.—12:1, 2.
Papaubos na ang panahon para sa Jerusalem. Hindi alam ng apostol na si Pablo ni ng mga kabilang sa kongregasyon sa Jerusalem kung kailan darating ang inihulang pagkatiwangwang, ngunit alam iyon ng Diyos. (Luc 21:20-24; Dan 9:24, 27) Hinihiling ng situwasyon na ang mga Kristiyano roon ay maging mapagbantay at manampalataya upang makatakas sila mula sa lunsod kapag nakita nilang napalilibutan na ng nagkakampong mga hukbo ang Jerusalem. Kailangang patibayin ng lahat ng kabilang sa kongregasyon ang kanilang sarili para sa mahahalagang pangyayaring ito. Ayon sa tradisyon, mga limang taon lamang pagkasulat ng liham na ito, sinalakay ng mga hukbo ni Cestio Gallo ang lunsod at pagkatapos ay umurong sila. Pagkaraan ng apat na taon, ang Jerusalem at ang templo nito ay winasak ng mga Romano sa ilalim ni Heneral Tito. Ngunit bago maganap ang alinman sa mga pangyayaring ito, naglaan si Jehova ng kinasihang payo na kailangan ng kaniyang mga lingkod.
Pagsalansang ng mga Judio. Sa pamamagitan ng mga kasinungalingang propaganda, ginawa ng mga Judiong lider ng relihiyon ang lahat ng magagawa nila upang magsulsol ng poot laban sa mga tagasunod ni Kristo. Ang determinasyon nilang labanan ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng lahat ng posibleng sandata ay makikita sa kanilang mga pagkilos, gaya ng nakaulat sa Gawa 22:22; 23:12-15, 23, 24; 24:1-4; 25:1-3. Sila at ang kanilang mga tagasuporta ay patuloy na nanligalig sa mga Kristiyano, at maliwanag na gumamit sila ng mga argumento upang sirain ang pagkamatapat ng mga ito kay Kristo. Sinalakay nila ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng pangangatuwiran na maaaring sa pangmalas ng isang Judio ay mapuwersa at mahirap sagutin.
Noong panahong iyon, maraming aspekto ng Judaismo ang nauugnay sa pisikal na mga bagay at sa panlabas na kaanyuan. Maaaring sabihin ng mga Judio na ang mga ito ay patunay na nakahihigit ang Judaismo at isang kamangmangan ang Kristiyanismo. Sinabi pa nga nila kay Jesus na ang ama ng kanilang bansa ay si Abraham, kung kanino ibinigay ang mga pangako. (Ju 8:33, 39) Si Moises, na sa kaniya’y “bibig sa bibig” na nagsalita ang Diyos, ang siyang dakilang lingkod at propeta ng Diyos. (Bil 12:7, 8) Buhat pa sa pasimula, taglay na ng mga Judio ang Kautusan at ang mga salita ng mga propeta. Kaya baka naitanong nila, ‘Hindi ba’t pinatutunayan ng gayong pagkasinauna na ang Judaismo ang tunay na relihiyon?’ Nang pasinayaan ang tipang Kautusan, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga anghel; sa katunayan, mga anghel ang naghatid ng Kautusan sa pamamagitan ng kamay ng tagapamagitang si Moises. (Gaw 7:53; Gal 3:19) Noong pagkakataong iyon, itinanghal ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa kakila-kilabot na paraan nang yanigin niya ang Bundok Sinai; kalakip sa maluwalhating tanawing ito ang malakas na tunog ng tambuli, usok, kulog, at kidlat.—Exo 19:16-19; 20:18; Heb 12:18-21.
Bukod sa lahat ng sinaunang mga bagay na ito, naroo’t nakatayo ang maringal na templo na may pagkasaserdote na itinatag ni Jehova. Mga saserdote ang nanunungkulan sa templo at nag-aasikaso ng maraming hain araw-araw. Kasama sa mga bagay na ito ang mamahaling mga kasuutan ng saserdote at ang karilagan ng mga paglilingkod na isinasagawa sa templo. Baka ikinatuwiran ng mga Judio, ‘Hindi ba iniutos ni Jehova na dalhin sa santuwaryo ang mga hain para sa kasalanan, at hindi ba ang mataas na saserdote, ang inapo ng sariling kapatid ni Moises na si Aaron, ay pumapasok sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala na may dalang hain para sa mga kasalanan ng buong bansa? Sa pagkakataong iyon, hindi ba siya lumalapit bilang kinatawan sa mismong presensiya ng Diyos?’ (Lev 16) ‘Karagdagan pa, hindi ba’t pag-aari ng mga Judio ang kaharian, na may isa (ang Mesiyas, na darating sa kalaunan, gaya ng sabi nila) na uupo sa trono sa Jerusalem upang mamahala?’
Kung isinulat ang liham sa mga Hebreo upang tulungan ang mga Kristiyano na masagot ang mga pagtutol na aktuwal na ibinabangon ng mga Judio, malamang na ang mga kaaway na iyon ng Kristiyanismo ay nangatuwiran nang ganito: ‘Ano ang maipakikita ng bagong “erehiya” na ito bilang katibayan na ito’y tunay at nagtataglay ng pabor ng Diyos? Nasaan ang kanilang templo, at nasaan ang kanilang mga saserdote? Sa katunayan, nasaan ang kanilang lider? Mayroon ba siyang anumang importansiya sa gitna ng mga lider ng bansa noong siya’y nabubuhay—ang Jesus na ito, isang taga-Galilea, isang anak ng karpintero, na walang rabinikong edukasyon? At hindi ba namatay siya sa kahiya-hiyang paraan? Nasaan ang kaniyang kaharian? At sino ang kaniyang mga apostol at mga tagasunod? Hamak na mga mangingisda at mga maniningil ng buwis. Karagdagan pa, sino ang karamihan sa mga naaakit sa Kristiyanismo? Ang mga taong dukha at maralita dito sa lupa at, mas masahol pa, pati ang di-tuling mga Gentil, na hindi binhi ni Abraham, ay tinatanggap. Bakit nga ba pagtitiwalaan ninuman ang Jesus na ito, na pinatay bilang isang mamumusong at sedisyonista? Bakit nga ba pakikinggan ang kaniyang mga alagad, na mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan?’—Gaw 4:13.
Kahigitan ng sistemang Kristiyano. Maaaring naging pabaya ang ilang Kristiyanong kulang sa pagkamaygulang hinggil sa kanilang kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo. (Heb 2:1-4) O maaaring naimpluwensiyahan sila ng di-sumasampalatayang mga Judio na nakapalibot sa kanila. Sa pagtulong sa kanila taglay ang napakahusay na argumento, gamit ang Hebreong Kasulatan, na inaangkin ng mga Judio na pinananaligan nila, ipinakita ng apostol sa di-matututulang paraan ang kahigitan ng Kristiyanong sistema ng mga bagay at ng pagkasaserdote at pagkahari ni Jesu-Kristo. Mula sa Kasulatan, ipinaliwanag niya na si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos, mas dakila kaysa sa mga anghel (1:4-6), kaysa kay Abraham (7:1-7), kaysa kay Moises (3:1-6), at kaysa sa mga propeta (1:1, 2). Sa katunayan, si Kristo ang inatasang tagapagmana ng lahat ng bagay, pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan at inatasang mangasiwa sa mga gawa ng mga kamay ni Jehova.—1:2; 2:7-9.
Kung tungkol sa pagkasaserdote ni Kristo, ito ay lubhang nakahihigit kaysa sa Aaronikong pagkasaserdote ng tribo ni Levi. Nakasalig ito, hindi sa pagmamana mula sa makasalanang laman, kundi sa ipinanatang sumpa ng Diyos. (Heb 6:13-20; 7:5-17, 20-28) Ngunit bakit siya nagbata ng gayong mga paghihirap at dumanas ng isang masakit na kamatayan? Inihula na kailangan itong mangyari upang maligtas ang sangkatauhan at upang maging kuwalipikado siya bilang Mataas na Saserdote at bilang isa na sa kaniya ay ipasasakop ng Diyos ang lahat ng bagay. (2:8-10; 9:27, 28; ihambing ang Isa 53:12.) Kinailangan niyang maging dugo at laman at mamatay upang mapalaya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay nasa pagkaalipin. Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapapawi niya ang Diyablo, isang bagay na hindi kayang gawin ng sinumang taong saserdote. (Heb 2:14-16) Palibhasa’y nagdusa siya nang gayon, siya’y isang Mataas na Saserdote na may kakayahang makiramay sa ating mga kahinaan at tumulong sa atin, yamang sinubok siya sa lahat ng bagay.—2:17, 18; 4:15.
Bukod diyan, ikinatuwiran ng apostol na ang Mataas na Saserdote na ito ay “pumasok sa langit” at humarap sa mismong presensiya ng Diyos, hindi basta sa isang makalupang tolda o gusali na lumalarawan lamang sa makalangit na mga bagay. (Heb 4:14; 8:1; 9:9, 10, 24) Kinailangan niyang humarap nang minsan lamang, hindi paulit-ulit, taglay ang kaniyang sakdal at walang-kasalanang hain. (7:26-28; 9:25-28) Wala siyang mga kahalili, di-gaya ng mga Aaronikong saserdote, kundi nabubuhay siya magpakailanman upang iligtas nang lubusan yaong mga pinaglilingkuran niya. (7:15-17, 23-25) Si Kristo ang Tagapamagitan ng mas mabuting tipan na inihula sa pamamagitan ni Jeremias, na sa ilalim nito ay talagang mapatatawad ang mga kasalanan at malilinis ang mga budhi, mga bagay na hindi kailanman magagawa ng Kautusan. Ang Sampung Salita, ang mga saligang kautusan ng tipang Kautusan, ay isinulat sa bato; ang kautusan naman ng bagong tipan, sa mga puso. Sa pamamagitan ng makahulang salitang ito ni Jehova na binigkas ni Jeremias, ang tipang Kautusan ay ginawang lipas na, anupat maglalaho sa kalaunan.—8:6-13; Jer 31:31-34; Deu 4:13; 10:4.
Totoo, gaya ng pagpapatuloy ng manunulat ng Hebreo, isang kasindak-sindak na pagtatanghal ng kapangyarihan ang namalas sa Sinai, na nagpapakita ng pagsang-ayon ng Diyos sa tipang Kautusan. Ngunit mas mariing nagpatotoo ang Diyos noong pasinayaan ang bagong tipan sa pamamagitan ng mga tanda, mga palatandaan, at makapangyarihang mga gawa, lakip ang mga pamamahagi ng banal na espiritu sa lahat ng miyembro ng kongregasyon na nagkakatipon. (Heb 2:2-4; ihambing ang Gaw 2:1-4.) At kung tungkol sa Pagkahari ni Kristo, ang kaniyang trono ay nasa langit mismo, lubhang mas mataas kaysa sa trono ng mga hari sa linya ni David na umupo sa trono sa makalupang Jerusalem. (Heb 1:9) Ang Diyos ang pundasyon ng trono ni Kristo, at ang kaniyang Kaharian ay hindi mayayanig, di-gaya ng nangyari sa kaharian sa Jerusalem noong 607 B.C.E. (1:8; 12:28) Karagdagan pa, tinipon ng Diyos ang kaniyang bayan sa harap ng isang bagay na lalong higit na kasindak-sindak kaysa sa makahimalang tanawin sa Bundok Sinai. Pinangyari niyang makalapit ang mga pinahirang Kristiyano sa makalangit na Bundok Sion, at yayanigin pa niya hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.—12:18-27.
Ang liham sa mga Hebreo ay napakahalaga sa mga Kristiyano. Kung wala ito, ang marami sa mga katunayan may kinalaman kay Kristo, na patiunang inilarawan ng Kautusan, ay hindi malilinawan. Halimbawa, matagal nang alam ng mga Judio mula sa Hebreong Kasulatan na kapag ang kanilang mataas na saserdote ay pumapasok sa Kabanal-banalang silid ng santuwaryo para sa kanila, kinakatawanan niya sila sa harap ni Jehova. Ngunit hindi nila kailanman naunawaan ang katunayang inilalarawan nito: Balang-araw, ang tunay na Mataas na Saserdote ay aktuwal na haharap sa langit sa mismong presensiya ni Jehova! At habang binabasa natin ang Hebreong Kasulatan, paano natin matatanto ang napakalaking kahalagahan ng ulat tungkol sa pagtatagpo nina Abraham at Melquisedec, o paano natin mauunawaan nang napakalinaw kung ano ang inilalarawan ng haring-saserdoteng ito? Sabihin pa, dalawang halimbawa lamang ito ng maraming katunayan na magiging malinaw kapag binasa natin ang liham.
Ang pananampalatayang nililinang ng liham na ito ay tumutulong sa mga Kristiyano na manghawakan sa kanilang pag-asa sa pamamagitan ng “malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Heb 11:1) Sa panahon kung kailan maraming tao ang nananalig sa mga bagay na sinauna, sa materyal na kayamanan at kapangyarihan ng mga organisasyon, sa karilagan ng mga ritwal at mga seremonya, at umaasa sa karunungan ng sanlibutang ito sa halip na sa Diyos, buong-husay na tinutulungan ng kinasihang liham sa mga Hebreo ang tao ng Diyos na maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2Ti 3:16, 17.
Manunulat, Panahon at Lugar ng Pagsulat. Kinikilala ng karamihan na ang apostol na si Pablo ang sumulat ng liham sa mga Hebreo. Tinanggap ito ng sinaunang mga manunulat bilang isang liham ni Pablo. Sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) (mula noong mga 200 C.E.), kabilang ang Hebreo sa siyam na liham ni Pablo, at nakatala ang Hebreo kasama ng “labing-apat na liham ni Pablo na apostol” sa “The Canon of Athanasius,” na mula noong ikaapat na siglo C.E.
Hindi binanggit ng manunulat ng Hebreo ang kaniyang pangalan. Bagaman ang lahat ng iba pang mga liham ni Pablo ay kababasahan ng kaniyang pangalan, maliwanag na ang kawalang ito ng pagkakakilanlan ng sumulat ay hindi nag-aalis ng posibilidad na si Pablo ang manunulat. Mariing ipinahihiwatig ng panloob na katibayan sa liham na si Pablo ang manunulat nito at na isinulat ito sa Italya, malamang na sa Roma. (Heb 13:24) Unang nabilanggo si Pablo sa Roma, maliwanag na noong mga taóng 59 hanggang 61 C.E. Kasama ni Pablo sa Roma si Timoteo, na binabanggit sa mga liham ng apostol sa mga taga-Filipos, mga taga-Colosas, at kay Filemon, na isinulat mula sa Roma noong panahon ng pagkakabilanggong iyon. (Fil 1:1; 2:19; Col 1:1, 2; Flm 1) Ang kalagayang ito ay katugma ng pananalita sa Hebreo 13:23 tungkol sa paglaya ni Timoteo mula sa bilangguan at sa pagnanais ng manunulat na dumalaw sa Jerusalem sa lalong madaling panahon.
Ang panahon ng pagsulat ay bago ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., sapagkat nakatayo pa noon ang templo sa Jerusalem, at may isinasagawa pa roon na mga paglilingkod, gaya ng makikita mula sa argumento ng liham. At batay sa pananalita ni Pablo tungkol sa pagpapalaya kay Timoteo, makatuwirang sabihin na ang panahon ng pagsulat ay mga siyam na taon ang kaagahan, samakatuwid nga, noong 61 C.E., kung kailan ipinapalagay na si Pablo mismo ay pinalaya mula sa kaniyang unang pagkakabilanggo.—Heb 13:23.
[Kahon sa pahina 942]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG HEBREO
Isang mapuwersang akda na nagpatibay sa mga Kristiyanong Hebreo at nagsangkap sa kanila upang makatulong sila sa kanilang taimtim na mga kababayan noong huling mga taon ng Judiong sistema
Maliwanag na isinulat ng apostol na si Pablo wala pang isang dekada bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E.
Nakatataas na posisyon ng Anak ng Diyos (1:1–3:6)
Siya ang natatanging Anak, inatasang tagapagmana, eksaktong larawan ng kaniya mismong Ama, anupat sa pamamagitan niya ay pinananatili rin ang lahat ng bagay na ginawa
Kung ihahambing sa Anak, ang mga anghel ay mga lingkod lamang. Siya ang kaisa-isang tinatawag ng Ama na “aking anak,” ang Panganay na sa kaniya’y nangangayupapa maging ang mga anghel; tungkol sa kaniya, at hindi tungkol sa mga anghel, masasabing ang kaniyang maharlikang pamamahala ay nakasalig sa Diyos bilang kaniyang trono, mas permanente ang kaniyang pag-iral kaysa sa langit at lupa na ginawa sa pamamagitan niya, at ang kaniyang posisyon ay sa kanan ng Ama
Kung ang Kautusang inihatid sa pamamagitan ng mga anghel ay hindi maaaring waling-halaga nang walang kaparusahan, yaong sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng Anak, na mas mataas kaysa sa mga anghel, ay dapat bigyan ng higit kaysa sa karaniwang pansin
Bagaman naging mas mababa kaysa sa mga anghel bilang tao, si Jesu-Kristo nang maglaon ay itinaas nang mas mataas kaysa sa kanila at pinagkalooban ng pamumuno sa darating na tinatahanang lupa
Si Moises ay isang tagapaglingkod sa sambahayan ng Diyos, ngunit si Jesu-Kristo ang nangangasiwa sa buong sambahayan
Posible pang makapasok sa kapahingahan ng Diyos (3:7–4:13)
Dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya, ang mga Israelitang umalis sa Ehipto ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Diyos
Ang mga Kristiyano ay maaaring pumasok sa kapahingahan ng Diyos kung iiwasan nila na maging masuwaying gaya ng Israel at sisikapin nila na manatiling tapat
Ang buháy na salita na nangangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos ay mas matalas kaysa sa tabak, yamang napaghihiwalay nito (sa pamamagitan ng pagtugon dito ng isa) kung sino siya sa panlabas bilang isang kaluluwa at kung sino siya talaga ayon sa kaniyang espiritu
Kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo at ng bagong tipan (4:14–10:31)
Dahil sinubok siya sa lahat ng bagay at gayunma’y nanatiling walang kasalanan, magagawa ni Jesu-Kristo, bilang mataas na saserdote, na makiramay sa mga taong makasalanan at makitungo sa kanila nang may pagkahabag
Siya ay saserdote sa pamamagitan ng pag-aatas ng Diyos ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec, na may pagkasaserdoteng mas dakila kaysa sa Levitikong pagkasaserdote
Di-tulad ng mga saserdoteng Levita sa pamilya ni Aaron, si Jesu-Kristo ay nagtataglay ng isang buhay na di-masisira at sa gayo’y hindi nangangailangan ng mga kahalili na magpapatuloy ng kaniyang gawaing pagliligtas; wala siyang kasalanan kung kaya hindi niya kailangang maghandog ng mga hain para sa kaniyang sarili; ang inihandog niya ay ang kaniyang sariling katawan, hindi mga hayop, at pumasok siya, hindi sa isang makalupang santuwaryo, kundi sa langit mismo taglay ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo, sa gayon ay nabigyang-bisa ang bagong tipan
Ang bagong tipan, na si Jesus ang Tagapamagitan, ay nakahihigit sa tipang Kautusan sapagkat ang mga kautusan ng Diyos ay nasa mga puso niyaong mga kabilang sa bagong tipan at nagtatamasa sila ng tunay na kapatawaran ng mga kasalanan
Ang pagpapahalaga sa mga kapakinabangang ito ay mag-uudyok sa mga Kristiyano na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng pag-asa at regular na magtipon
Kailangan ang pananampalataya upang mapaluguran ang Diyos (10:32–12:29)
Hindi nalulugod si Jehova sa mga umuurong mula sa kaniya dahil sa kawalang-pananampalataya sa halip na magbata upang tanggapin yaong ipinangako niya
Ang ulirang pananampalataya niyaong mga nanatiling tapat mula kay Abel patuloy ay nagsisilbing pampatibay-loob na magbata sa takbuhang Kristiyano, samantalang maingat na pinag-iisipan si Jesu-Kristo at ang kaniyang walang-kapintasang landasin sa ilalim ng pagdurusa
Ang pagdurusang ipinahihintulot ng Diyos na sumapit sa tapat na mga Kristiyano ay maaaring ituring na isang anyo ng disiplina mula sa kaniya, na nilayong magluwal ng mapayapang bunga ng katuwiran
Mga payo na itaguyod ang isang tapat na landasin (13:1-25)
Magpakita ng pag-ibig na pangkapatid, maging mapagpatuloy, alalahanin ang mga mananampalataya na nagdurusa, panatilihing marangal ang pag-aasawa, at maging kontento sa mga bagay sa kasalukuyan, anupat nagtitiwala sa tulong ni Jehova
Tularan ang pananampalataya niyaong mga nangunguna, at iwasang magpatangay sa ibang mga turo
Maging handang magdala ng kadustaan gaya ng ginawa ni Kristo; laging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri sa pamamagitan niya
Maging masunurin sa mga nangunguna