KABANATA 11
Gawing Marangal ang Iyong Pag-aasawa
“Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan.”—KAWIKAAN 5:18.
1, 2. Anong tanong ang ating isasaalang-alang, at bakit?
MAY asawa ka na ba? Kung oo, maligaya ka ba o problemado sa iyong pag-aasawa? Tumatabang na ba ang inyong pagsasama? Pinagtitiisan na lamang ba ninyo ang isa’t isa? Kung gayon, malamang na nalulungkot kang lumamig na ang dati ninyong pagmamahalan. Bilang isang Kristiyano na umiibig sa Diyos, tiyak na gusto mong magbigay ng kaluwalhatian kay Jehova ang iyong pag-aasawa. Kaya maaaring nababahala ka at nalulumbay sa iyong kalagayan. Gayunpaman, pakisuyo, huwag mong isipin na wala nang pag-asa ang iyong pag-aasawa.
2 Maraming Kristiyanong mag-asawa ang dati’y nagkaproblema sa kanilang pagsasama. Nagsasama nga sila pero hindi naman nagmamahalan. Subalit nakasumpong sila ng paraan upang mapatibay ang kanilang ugnayan. Sa ngayon, maligaya na sila sa kanilang pagsasama. Maaari ka ring magkaroon ng higit na kasiyahan sa iyong pag-aasawa. Paano?
PAGIGING MALAPÍT SA DIYOS AT SA IYONG ASAWA
3, 4. Bakit magiging mas malapít sa isa’t isa ang mag-asawa kung magsisikap silang maging mas malapít sa Diyos? Ilarawan.
3 Ikaw at ang iyong asawa ay magiging malapít sa isa’t isa kung magsisikap kayong maging malapít sa Diyos. Bakit? Isaalang-alang ang ilustrasyong ito: Gunigunihing aakyat ng bundok ang isang lalaki at isang babae. Silang dalawa ay nasa magkabilang panig ng bundok. Hangga’t sila’y nasa paanan ng bundok, malayo ang distansiya nila sa isa’t isa. Pero habang umaakyat at papalapit sila sa taluktok, lumiliit ang distansiya sa pagitan nila. Nakikita mo ba ang nakapagpapatibay na aral sa ilustrasyong ito?
4 Ang iyong pagsisikap na lubusang maglingkod kay Jehova ay maihahambing sa pagsisikap na ginagawa para maakyat ang isang bundok. Dahil mahal mo si Jehova, nagsisikap ka nang husto na umakyat, wika nga. Gayunman, kung naging malayo ang loob ninyong mag-asawa sa isa’t isa, masasabi na para kayong umaakyat sa magkabilang panig ng bundok. Subalit ano ang mangyayari kung magpapatuloy kayo sa pag-akyat? Siyempre, sa una, maaaring malayo kayo sa isa’t isa. Pero kung lalo kayong magsisikap na maging mas malapít sa Diyos—sa pag-akyat sa bundok, wika nga—magiging mas malapít kayo sa isa’t isa. Oo, kung nais mong maging malapít sa iyong asawa, dapat kang maging malapít sa Diyos. Pero paano mo ito magagawa?
Kapag ikinapit ang kaalamang masusumpungan sa Bibliya, makatutulong ito upang mapatibay ang iyong pag-aasawa
5. (a) Ano ang isang paraan upang ikaw ay maging malapít kay Jehova at sa iyong asawa? (b) Ano ang tingin ni Jehova sa pag-aasawa?
5 Ang isang mahalagang paraan para maging malapít kayo sa Diyos ay sa pamamagitan ng pakikinig sa payo ng Salita ng Diyos hinggil sa pag-aasawa. (Awit 25:4; Isaias 48:17, 18) Kung gayon, isaalang-alang ang isang espesipikong payo na binanggit ni apostol Pablo. Sinabi niya: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat.” (Hebreo 13:4) Ano ang kahulugan nito? Kapag sinasabing “marangal” ang isang bagay, ito ay napakahalaga. At iyan mismo ang tingin ni Jehova sa pag-aasawa—isang bagay na napakahalaga.
TAOS-PUSONG PAG-IBIG KAY JEHOVA ANG MAGPAPAKILOS SA IYO
6. Ano ang ipinapakita ng konteksto ng sinabi ni Pablo hinggil sa pag-aasawa, at bakit mahalaga na tandaan ito?
6 Sabihin pa, bilang mga lingkod ng Diyos, alam na ninyong mag-asawa na mahalaga at sagrado ang pag-aasawa. Si Jehova mismo ang nagtatag ng kaayusang ito. (Mateo 19:4-6) Pero kung sa kasalukuyan ay may mga problema sa inyong pagsasama, baka hindi sapat ang basta malaman ninyong marangal ang pag-aasawa upang mapakilos kayong dalawa na ibigin at igalang ang isa’t isa. Kung gayon, ano ang magpapakilos sa inyo na gawin ito? Kung susuriin nating mabuti ang konteksto ng Hebreo 13:4, ang sinabi ni Pablo hinggil sa pag-aasawa ay sa katunayan, bahagi ng mga payo niya sa mga Hebreo. (Hebreo 13:1-5) Kaya si Pablo ay hindi basta nagkomento na marangal ang pag-aasawa; nagpayo siya na dapat nating gawing marangal ang pag-aasawa. Kung tatandaan mo ang puntong ito, maaari itong makatulong sa iyo na muling pahalagahan ang iyong asawa. Bakit natin nasabi ito?
7. (a) Anong mga utos sa Bibliya ang sinusunod natin, at bakit? (b) Ano ang mabubuting resultang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos?
7 Isaalang-alang sandali ang iyong pananaw hinggil sa ibang mga utos sa Bibliya, gaya ng atas na gumawa ng mga alagad at ng tagubilin na magtipon para sa pagsamba. (Mateo 28:19; Hebreo 10:24, 25) Oo, maaaring hindi madali kung minsan na sundin ang mga utos na ito. Baka negatibo ang tugon ng mga taong pinangangaralan mo, o maaaring pagod na pagod ka na dahil sa iyong hanapbuhay anupat isang hamon ang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gayunpaman, patuloy mo pa ring ipinangangaral ang mensahe tungkol sa Kaharian, at patuloy ka pa ring dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Walang sinuman ang makapipigil sa iyo na gawin ito—kahit pa si Satanas! Bakit? Dahil ang taos-puso mong pag-ibig kay Jehova ang nagpapakilos sa iyo na sundin ang kaniyang mga utos. (1 Juan 5:3) Ano naman ang mabubuting resulta nito? Ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagdalo sa mga pulong ay nagbibigay sa iyo ng kapayapaan ng isip at tunay na kagalakan dahil alam mong ginagawa mo ang kalooban ng Diyos. At ito ang nagpapalakas sa iyo. (Nehemias 8:10) Anong aral ang matututuhan natin dito?
8, 9. (a) Ano ang maaaring magpakilos sa atin na sundin ang payo na gawing marangal ang pag-aasawa, at bakit? (b) Anong dalawang punto ang tatalakayin natin ngayon?
8 Kung paanong ang masidhing pag-ibig sa Diyos ay nagpapakilos sa iyo na sundin ang utos na mangaral at makipagtipon kasama ng mga kapananampalataya sa kabila ng mga balakid, ang iyong pag-ibig kay Jehova ay maaari ding magpakilos sa iyo na sundin ang payo sa Kasulatan na gawing marangal ang iyong pag-aasawa, kahit na waring mahirap itong gawin. (Hebreo 13:4; Awit 18:29; Eclesiastes 5:4) Bukod diyan, kung paanong ang iyong pagsisikap na makibahagi sa pangangaral at dumalo sa mga pulong ay nagdudulot ng maraming pagpapala mula sa Diyos, tiyak na pahahalagahan at pagpapalain din naman ni Jehova ang iyong mga pagsisikap na gawing marangal ang iyong pag-aasawa.—1 Tesalonica 1:3; Hebreo 6:10.
9 Kung gayon, ano ang maaari mong gawin para maging marangal ang iyong pag-aasawa? Kailangan mong iwasan ang paggawing makasisira sa iyong pag-aasawa. Bukod diyan, kailangan mo ring gawin ang mga hakbang na magpapatibay sa inyong buklod bilang mag-asawa.
IWASAN ANG PANANALITA AT PAGGAWING HINDI NAGPAPARANGAL SA PAG-AASAWA
10, 11. (a) Anong paggawi ang hindi nagpaparangal sa pag-aasawa? (b) Ano ang makabubuting itanong natin sa ating asawa?
10 Ganito ang sinabi noon ng isang Kristiyanong asawang babae: “Nananalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang makapagbata.” Mabata ang ano? Ipinaliwanag niya: “Binubulyawan ako ng asawa ko. Wala nga akong mga pasâ, pero sinusugatan niya ang puso ko sa pamamagitan ng kaniyang masasakit na salita, gaya ng ‘Pabigat ka sa buhay ko!’ at ‘Wala kang kuwenta!’” Binanggit ng asawang babaing ito ang isang mabigat na problema ng mga mag-asawa—ang paggamit ng mapang-abusong pananalita.
11 Nakalulungkot nga kapag ang mga Kristiyanong mag-asawa ay nagbabatuhan ng masasakit na salita sa isa’t isa, anupat nagdudulot ng mga sugat sa damdamin na hindi madaling gumaling! Maliwanag, kapag gumagamit ng masasakit na salita ang mag-asawa, hindi nagiging marangal ang kanilang pag-aasawa. Kumusta ang iyong pag-aasawa? Bakit hindi mapagpakumbabang itanong sa iyong asawa, “Nasasaktan ka ba sa mga sinasabi ko sa iyo?” Kung malaman mong madalas mo palang nasasaktan ang iyong kabiyak, dapat na handa kang magbago.—Galacia 5:15; Efeso 4:31.
12. Paano maaaring mawalan ng saysay sa paningin ng Diyos ang pagsamba ng isa?
12 Dapat na malinaw sa iyo na may epekto sa iyong kaugnayan kay Jehova ang paggamit mo sa iyong dila kapag nakikipag-usap ka sa iyong asawa. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.” (Santiago 1:26) May malaking kaugnayan sa iyong pagsamba ang iyong pananalita. Wala tayong mababasa sa Bibliya na hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa ng isang indibiduwal sa kaniyang tahanan hangga’t sinasabi niyang naglilingkod siya sa Diyos. Pakisuyo, huwag mong dayain ang iyong sarili. Seryosong bagay ito. (1 Pedro 3:7) Baka may mga kakayahan ka at masigasig sa paglilingkod, pero kung sadya mong sinasaktan ang iyong asawa sa pamamagitan ng malulupit na salita, hindi mo pinararangalan ang kaayusan ng pag-aasawa at maaaring mawalan ng saysay sa paningin ng Diyos ang iyong pagsamba.
13. Paano maaaring masaktan ng isang may asawa ang damdamin ng kaniyang kabiyak?
13 Dapat ding iwasan ng mga may asawa ang paggawing maaaring makasakit sa kanilang kabiyak nang di-sinasadya. Isaalang-alang ang dalawang halimbawa: Malimit tawagan ng isang nagsosolong ina ang isang may-asawang Kristiyanong lalaki sa kongregasyon upang humingi ng payo, at matagal silang mag-usap; isang binatang Kristiyanong lalaki at isang may-asawang Kristiyanong babae ang magkasamang naglilingkod sa larangan nang maraming oras linggu-linggo. Baka mabuti naman ang intensiyon ng mga may-asawang nabanggit sa mga halimbawang ito; pero ano kaya ang epekto ng kanilang paggawi sa kani-kanilang mga asawa? Ganito ang sinabi ng isang asawang babae na ang kabiyak ay nasangkot sa gayong situwasyon: “Nasasaktan ako kapag nakikita ko ang aking asawa na nagbibigay ng napakaraming panahon at atensiyon sa ibang kapatid na babae sa kongregasyon. Parang nawawalan ako ng halaga.”
14. (a) Anong obligasyon ng mga may asawa ang itinatampok sa Genesis 2:24? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
14 Mauunawaan kung bakit nasasaktan ang asawang babaing ito at ang iba pa na may mga kabiyak na nasa gayong situwasyon. Winawalang-bahala ng kanilang kabiyak ang pangunahing tagubilin ng Diyos para sa mga mag-asawa: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa.” (Genesis 2:24) Sa orihinal na tekstong Hebreo, ang mga pananalitang isinaling “pipisan siya sa kaniyang asawa” ay maaari ding magpahiwatig na ang asawang lalaki ay dapat manatili o palaging kasama ng kaniyang kabiyak. Sabihin pa, iginagalang pa rin naman ng mga may asawa ang kanilang mga magulang; pero sa kaayusan ng Diyos, ang dapat maging pangunahin sa kanila ay ang pangangailangan ng kanilang kabiyak. Gayundin, mahal na mahal ng mga Kristiyano ang kanilang mga kapananampalataya; pero priyoridad nila ang kani-kanilang asawa. Kaya kapag gumugugol ng labis na panahon o nagiging masyadong palagay ang loob ng isang may-asawang Kristiyano sa isang kapananampalataya, lalo na sa isang di-kasekso, nagdudulot siya ng kaigtingan sa pagsasama nilang mag-asawa. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit may problema sa inyong pagsasama? Tanungin ang sarili, ‘Ibinibigay ko ba sa aking asawa ang panahon, atensiyon, at pagmamahal na nararapat sa kaniya?’
15. Ayon sa Mateo 5:28, bakit dapat iwasan ng mga may-asawang Kristiyano na mag-ukol ng labis na atensiyon sa isang di-kasekso?
15 Bukod diyan, inilalagay ng mga may-asawang Kristiyano ang kanilang sarili sa panganib kapag nag-uukol sila ng labis na atensiyon sa isang di-kasekso na hindi nila asawa. Nakalulungkot, nahulog ang loob ng ilang may-asawang Kristiyano sa mga taong masyado nilang nakapalagayan ng loob. (Mateo 5:28) Dahil dito, nakagagawa sila ng mga bagay na hindi nagpaparangal sa pag-aasawa, o kung minsan ay mas malala pa. Isaalang-alang ang sinabi ni apostol Pablo hinggil sa bagay na ito.
“MAGING WALANG DUNGIS ANG HIGAANG PANGMAG-ASAWA”
16. Ayon kay Pablo, ano ang dapat maging kalagayan ng “higaang pangmag-asawa”?
16 Pagkatapos na pagkatapos ibigay ni Pablo ang payong gawing marangal ang pag-aasawa, idinagdag niya ang babala: “Maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya.” (Hebreo 13:4) Dito, ipinahihiwatig naman ni Pablo na dapat maging walang dungis ang “higaang pangmag-asawa.” Ginamit ni Pablo ang terminong “higaang pangmag-asawa” upang tukuyin ang pagtatalik. Ang gayong pagtatalik ay nananatiling “walang dungis,” o malinis sa moral, kung mag-asawa lamang ang gumagawa nito. Kaya sinusunod ng mga Kristiyano ang kinasihang mga salita: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan.”—Kawikaan 5:18.
17. (a) Bakit hindi dapat magpaimpluwensiya ang mga Kristiyano sa pananaw ng sanlibutan hinggil sa pangangalunya? (b) Paano natin matutularan ang halimbawang ipinakita ni Job?
17 Tahasang winawalang-galang ng mga nakikipagtalik sa hindi nila asawa ang mga utos ng Diyos hinggil sa moral. Totoo, marami sa ngayon ang nagsasabing normal lamang ang mangalunya. Pero anuman ang pananaw ng tao hinggil sa pangangalunya, hindi ito dapat makaimpluwensiya sa pag-iisip ng mga Kristiyano. Batid nila na sa dakong huli, hindi tao, kundi ‘Diyos ang siyang hahatol sa mga mapakiapid at mga mangangalunya.’ (Hebreo 10:31; 12:29) Kaya sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang pananaw ni Jehova pagdating sa bagay na ito. (Roma 12:9) Tandaan ang sinabi ng patriyarkang si Job: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata.” (Job 31:1) Oo, upang maiwasan kahit ang unang hakbang na maaaring umakay sa pangangalunya, kinokontrol ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang mga mata at hindi tumitingin nang may pagnanasa sa isang di-kasekso na hindi nila asawa.—Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Ang Pananaw ng Bibliya sa Diborsiyo at Paghihiwalay.”
18. (a) Gaano kalubha ang pangangalunya sa paningin ni Jehova? (b) Ano ang pagkakatulad ng pangangalunya at ng idolatriya?
18 Gaano ba kalubha ang pangangalunya sa paningin ni Jehova? Makatutulong sa atin ang Kautusang Mosaiko upang maunawaan natin kung ano ang tingin ni Jehova rito. Sa Israel, ang pangangalunya at idolatriya ay kabilang sa mga kasalanang pinarurusahan ng kamatayan. (Levitico 20:2, 10) Nakikita mo ba ang pagkakatulad ng dalawang ito? Buweno, kapag sumamba sa idolo ang isang Israelita, sinisira niya ang kaniyang pakikipagtipan kay Jehova. Sa katulad na paraan, kapag nangalunya ang isang Israelita, sinisira niya ang kaniyang pakikipagtipan sa kaniyang asawa. Parehong nagtaksil ang sumamba sa idolo at ang nangalunya. (Exodo 19:5, 6; Deuteronomio 5:9; Malakias 2:14.) Kaya pareho silang kasuklam-suklam kay Jehova, ang tapat at mapagkakatiwalaang Diyos.—Awit 33:4.
19. Ano ang maaaring magpakilos sa atin na maging lalong determinado na hindi mangalunya, at bakit?
19 Sabihin pa, wala naman sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano. Pero kung tatandaan ng mga Kristiyano na ang pangangalunya ay isang malubhang kasalanan sa sinaunang Israel, lalo silang magiging determinado na iwasan ito. Bakit? Isaalang-alang ang paghahambing na ito: Papasok ka ba sa isang simbahan, luluhod sa harap ng isang imahen, at mananalangin dito? ‘Hinding-hindi!’ ang tiyak na isasagot mo. Pero matutukso ka bang gawin ito kapag binigyan ka ng malaking pera? ‘Malayong mangyari!’ ang siguradong itutugon mo. Oo, ang mismong kaisipan na pagtaksilan si Jehova sa pamamagitan ng pagsamba sa idolo ay kasuklam-suklam sa isang tunay na Kristiyano. Sa katulad na paraan, dapat na masuklam ang mga Kristiyano kahit sa mismong ideya na pagtaksilan ang kanilang Diyos, si Jehova, at ang kanilang asawa sa pamamagitan ng pangangalunya—anuman ang pakinabang o kasiyahan na maidudulot ng kasalanang ito. (Awit 51:1, 4; Colosas 3:5) Hindi natin kailanman gustong gumawa ng isang bagay na magpapasaya kay Satanas. Ayaw nating magdulot ng upasala kay Jehova ni hamakin man ang pagiging sagrado ng kaayusan ng pag-aasawa.
KUNG PAANO MAPAPATIBAY ANG BUKLOD NG INYONG PAG-AASAWA
20. Ano ang nangyayari sa ilang pag-aasawa? Ilarawan.
20 Bukod sa pag-iwas sa paggawing hindi nagpaparangal sa pag-aasawa, anong mga hakbang ang maaari mong gawin upang maibalik ang iyong paggalang sa iyong asawa? Upang malaman natin ang sagot, ihambing natin ang kaayusan ng pag-aasawa sa isang bahay. Pagkatapos ay ihambing sa mga dekorasyong nagpapaganda sa isang bahay ang magagandang salita, nakapagpapasayang mga gawa, at iba pang nakalulugod na mga bagay na ginagawa ng mga may asawa sa kanilang kabiyak. Kung malapít kayo sa isa’t isa, ang inyong pag-aasawa ay gaya ng isang bahay na napapalamutian ng mga dekorasyong nagbibigay ng buhay at sigla. Subalit kapag naglaho ang inyong pagmamahalan, nawawala ang sigla sa inyong pagsasama kung paanong nawawalan ng buhay ang isang bahay na unti-unting nawawalan ng dekorasyon. Dahil gusto mong sundin ang utos ng Diyos na gawing marangal ang pag-aasawa, gusto mong mapabuti ang inyong situwasyon. Tutal, sulit na ayusin o ibalik sa dating kalagayan ang isang bagay na mahalaga at marangal. Paano mo magagawa ito? Ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa karunungan ay mapatitibay ang sambahayan, at sa kaunawaan ay matatatag ito nang matibay. At sa kaalaman ay mapupuno ang mga loobang silid ng lahat ng mamahalin at kaiga-igayang mga bagay na may halaga.” (Kawikaan 24:3, 4) Pansinin kung paano maikakapit sa pag-aasawa ang mga salitang ito.
21. Paano natin maaaring unti-unting mapapatibay ang ating pag-aasawa? (Tingnan din ang kahong “Paano Ko Mapapaganda ang Aming Pagsasama?”)
21 Kasama sa ‘mamahaling mga bagay’ na nagpapaligaya sa sambahayan ay ang pagkakaroon ng mga katangiang gaya ng tunay na pag-ibig, pagkatakot sa Diyos, at matatag na pananampalataya. (Kawikaan 15:16, 17; 1 Pedro 1:7) Dahil dito, nagiging matatag ang pag-aasawa. Pero napansin mo ba kung paano napupuno ng mamahaling bagay ang mga silid ayon sa kawikaan na sinipi sa itaas? ‘Sa pamamagitan ng kaalaman.’ Oo, kung ikakapit ng mga tao ang kaalaman sa Bibliya, may kakayahan ito na baguhin ang kanilang pag-iisip at mapapakilos sila nito na muling paningasin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (Roma 12:2; Filipos 1:9) Kaya kapag ikaw at ang iyong asawa ay mahinahong nag-uusap upang talakayin ang isang teksto sa Bibliya, gaya ng pang-araw-araw na teksto, o isang salig-Bibliyang artikulo tungkol sa pag-aasawa na mababasa sa Ang Bantayan o Gumising!, parang sinusuri ninyo ang isang dekorasyon na makapagpapaganda sa inyong bahay. Kapag napakilos kayo ng pag-ibig kay Jehova na ikapit sa inyong pag-aasawa ang payo na inyong sinuri, dinadala ninyo ang dekorasyong iyon, wika nga, sa “mga loobang silid.” Bilang resulta, maaaring bumalik ang dating sigla ng inyong pagsasama.
22. Anong kasiyahan ang maaari nating maranasan kung magsisikap tayo na gawin ang ating bahagi upang mapatibay ang ating pag-aasawa?
22 Siyempre pa, baka kailangan ng panahon at pagsisikap para isa-isang maibalik ang mga dekorasyong iyon. Pero kung magsisikap ka na gawin ang iyong bahagi, lubos kang masisiyahan dahil batid mong nasusunod mo ang utos ng Bibliya: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10; Awit 147:11) Higit sa lahat, kung patuloy kang magsisikap na gawing marangal ang iyong pag-aasawa, mananatili ka sa pag-ibig ng Diyos.