Mag-isip Nang May Katinuan—Kumilos Nang May Katalinuhan
GUNIGUNIHIN ang eksenang ito: Ipinaliliwanag ni Jesu-Kristo na siya’y lubhang pahihirapan at pagkatapos ay papatayin ng relihiyosong mga kaaway sa Jerusalem. Hindi ito mapaniwalaan ng kaniyang matalik na kaibigang si apostol Pedro. Sa katunayan, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinaway ito. Ang kataimtiman at tunay na pagmamalasakit ni Pedro ay hindi mapag-aalinlanganan. Subalit paano minalas ni Jesus ang pag-iisip ni Pedro? “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” ang sabi ni Jesus. “Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mateo 16:21-23.
Kaylaking pagkagitla ni Pedro sa pangyayaring ito! Sa halip na makatulong at makasuporta, siya ay naging “isang katitisuran” ng kaniyang minamahal na Panginoon sa pagkakataong ito. Paano ito nangyari? Si Pedro ay maaaring naging biktima ng karaniwang pagkakamali ng pag-iisip ng tao—ang paniniwala lamang sa nais niyang paniwalaan.
Huwag Labis na Magtiwala sa Sarili
Ang isang banta sa kakayahan nating mag-isip nang may katinuan ay ang hilig na labis na magtiwala sa sarili. Binabalaan ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano sa sinaunang Corinto: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Corinto 10:12) Bakit sinabi ito ni Pablo? Maliwanag na alam niya kung gaano kadaling mapilipit ang pag-iisip ng mga tao—anupat maging ang pag-iisip ng mga Kristiyano ay maaaring “mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.”—2 Corinto 11:3.
Nangyari ito sa buong salinlahi ng mga ninuno ni Pablo. Noong panahong iyon, sinabi ni Jehova sa kanila: “Ang mga kaisipan ninyo ay hindi ko mga kaisipan, ni ang aking mga lakad man ay inyong mga lakad.” (Isaias 55:8) Sila ay naging “marurunong sa kanilang sariling paningin,” taglay ang kapaha-pahamak na mga resulta. (Isaias 5:21) Tiyak na makatuwiran kung gayon na suriin natin kung paano maiingatang matino ang ating sariling pag-iisip at sa gayon ay maiwasan ang gayunding kalamidad.
Mag-ingat sa Makalamang Kaisipan
Ang ilan sa Corinto ay lubhang naapektuhan ng makalamang kaisipan. (1 Corinto 3:1-3) Higit nilang idiniriin ang mga pilosopiya ng tao kaysa sa Salita ng Diyos. Walang pagsalang ang mga palaisip na Griego noong panahong iyon ay napakatatalinong tao. Gayunman, sa mga mata ng Diyos, sila ay mga mangmang. Sinabi ni Pablo: “Nasusulat: ‘Paglalahuin ko ang karunungan ng mga taong marurunong, at ang katalinuhan ng mga taong matatalino ay itatakwil ko.’ Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan?” (1 Corinto 1:19, 20) Ang gayong matatalinong tao ay nauugitan ng “espiritu ng sanlibutan” at hindi ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 2:12) Ang kanilang mga pilosopiya at mga ideya ay hindi kasuwato ng kaisipan ni Jehova.
Ang talagang pinagmumulan ng gayong makalamang kaisipan ay si Satanas na Diyablo, na gumamit sa serpiyente upang dayain si Eva. (Genesis 3:1-6; 2 Corinto 11:3) Siya ba ay nananatiling isang panganib sa atin? Oo! Ayon sa Salita ng Diyos, “binulag [ni Satanas] ang mga pag-iisip” ng mga tao anupat kaniya na ngayong ‘naililigaw ang buong tinatahanang lupa.’ (2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9) Napakahalaga nga kung gayon na maging alisto sa kaniyang mga pakana!—2 Corinto 2:11.
Mag-ingat sa “Pandaraya ng mga Tao”
Si apostol Pablo ay nagbabala laban sa “pandaraya ng mga tao.” (Efeso 4:14) Napaharap siya sa “mapanlinlang na mga manggagawa” na nagkukunwang naghaharap ng katotohanan subalit ang totoo ay siyang pumipilipit dito. (2 Corinto 11:12-15) Upang maabot ang kanilang mga tunguhin, ang gayong mga tao ay maaaring gumamit ng ebidensiya na sumusuporta lamang sa kanilang kaisipan, madamdaming mga pananalita, bahagyang mga katotohanan na nakaliligaw, mapanlinlang na mga pasaring, at tahasang mga kasinungalingan pa nga.
Ang mga propagandista ay kadalasang gumagamit ng salitang katulad ng “sekta” upang siraan ang iba. Sa isang rekomendasyon sa Parliamentary Assembly of the Council of Europe, iminungkahi na ang mga awtoridad na nag-iimbestiga sa bagong mga grupong relihiyoso ay “dapat na umiwas sa paggamit ng terminong ito.” Bakit? Inaakala na ang salitang “kulto” ay may lubhang negatibong kahulugan. Sa katulad na paraan, si Pablo ay may-kamaliang pinagbintangan ng matatalinong Griego na isang “daldalero,” o sa literal ay “namumulot ng binhi.” Nangangahulugan ito na siya ay isang walang magawang daldalero lamang, isa na namumulot at umuulit sa maliliit na piraso ng kaalaman. Ang totoo, si Pablo ay ‘nagpapahayag ng mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.’—Gawa 17:18.
Naging mabisa ba ang mga pamamaraan ng mga propagandista? Oo. Naging pangunahing salik ang mga ito sa pagkakaroon ng mga pagkakapootang etniko at relihiyoso dahil pinipilipit ng mga ito ang pangmalas ng mga tao hinggil sa ibang mga bansa o relihiyon. Marami ang gumamit sa mga ito upang maliitin ang kinayayamutang mga minorya. Mabisang ginamit ni Adolf Hitler ang gayong pamamaraan nang kaniyang ilarawan ang mga Judio at ang iba pa bilang “mababang-uri,” “masama,” at isang “banta” sa Estado. Huwag pahintulutan kailanman ang ganitong uri ng pandaraya na lumason sa iyong kaisipan.—Gawa 28:19-22.
Huwag Linlangin ang Iyong Sarili
Madali ring linlangin ang ating sarili. Sa katunayan, maaaring napakahirap alisin o kahit pag-alinlanganan ang matatagal nang mga paniniwala. Bakit? Sapagkat napapamahal sa atin ang ating mga pangmalas. Kaya maaari nating linlangin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran—sa pamamagitan ng pag-iimbento ng mga dahilan upang bigyang-katuwiran ang talagang mali at nakaliligaw na mga paniniwala.
Nangyari ito sa ilang mga Kristiyano noong unang siglo. Alam nila ang Salita ng Diyos, pero hindi nila hinayaang umugit ito sa kanilang kaisipan. Humantong sila sa ‘panlilinlang sa kanilang sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran.’ (Santiago 1:22, 26) Ang isang palatandaan na maaaring naging biktima na tayo ng ganitong uri ng pandaraya sa sarili ay kung ikinagagalit natin kapag pinag-aalinlangan ang ating mga paniniwala. Sa halip na magalit, katalinuhan na panatilihin ang isang bukás na isipan at maingat na pakinggan kung ano ang sasabihin ng iba—kahit na sa palagay natin ay tama ang ating opinyon.—Kawikaan 18:17.
Hukayin ang “Mismong Kaalaman sa Diyos”
Ano ang magagawa natin upang mapanatiling matino ang ating pag-iisip? Maraming makukuhang tulong, subalit dapat na maging handa tayong gumawa ng pagsisikap para rito. Sinabi ng matalinong si Haring Solomon: “Anak ko, kung tatanggapin mo ang aking mga pananalita at pakaiingatan mo sa iyo ang aking mga utos, upang magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan; bukod diyan, kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.” (Kawikaan 2:1-5) Oo, kung personal tayong magsisikap na punuin ang ating isip at puso ng mga katotohanan sa Salita ng Diyos, magtatamo tayo ng tunay na karunungan, malalim na unawa at kaunawaan. Sa diwa, hinuhukay natin ang mga bagay na higit na mahalaga kaysa sa pilak o sa alinmang iba pang materyal na kayamanan.—Kawikaan 3:13-15.
Ang karunungan at kaalaman ay tiyak na mahahalagang salik sa matinong pag-iisip. “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa,” ang sabi ng Salita ng Diyos, “ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka mula sa masamang daan, mula sa taong nagsasalita ng tiwaling mga bagay, mula sa mga lumilihis sa mga landas ng katuwiran upang lumakad sa mga daan ng kadiliman.”—Kawikaan 2:10-13.
Lalo nang mahalaga na hayaang pumatnubay sa ating pag-iisip ang kaisipan ng Diyos sa mga panahon ng kaigtingan o panganib. Maaaring mahirapan tayong mag-isip nang may katinuan dahil sa matitinding damdamin tulad ng galit o takot. “Dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong,” ang sabi ni Solomon. (Eclesiastes 7:7) Posible pa nga na ‘magngalit laban kay Jehova mismo.’ (Kawikaan 19:3) Paano? Sa pamamagitan ng pagsisi sa Diyos dahil sa ating mga suliranin at paggamit sa mga ito upang bigyang-katuwiran ang paggawa ng mga bagay na hindi kasuwato ng kaniyang mga kautusan at mga simulain. Sa halip na isiping lagi nating alam kung ano ang pinakamabuti, mapagpakumbaba nawa tayong makinig sa matatalinong tagapayo na nagnanais makatulong sa atin sa pamamagitan ng paggamit nila sa Kasulatan. At kung kinakailangan, maging handa nawa tayo na talikdan kahit na yaong mga pinaninindigan nating pangmalas kapag maliwanag na napatunayang mali ang mga ito.—Kawikaan 1:1-5; 15:22.
‘Patuloy na Humingi sa Diyos’
Tayo ay nabubuhay sa nakalilito at mapanganib na mga panahon. Mahalaga ang regular na pananalangin para sa patnubay ni Jehova upang makagawa tayo ng mabuting pasiya at makakilos nang may katalinuhan. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” ang sulat ni Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Kung kulang tayo ng karunungan upang harapin ang nakalilitong mga suliranin o mga pagsubok, kailangang ‘patuloy tayong humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta.’—Santiago 1:5-8.
Palibhasa’y batid ni apostol Pedro na ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano ay nangangailangang gumamit ng karunungan, sinikap niyang ‘gisingin ang kanilang malinaw na kakayahan sa pag-iisip.’ Nais niyang “maalaala [nila] ang mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas,” si Jesu-Kristo. (2 Pedro 3:1, 2) Kapag ginawa natin ito at pinanatiling kasuwato ng Salita ni Jehova ang ating kaisipan, makapag-iisip tayo nang may katinuan at kikilos nang may katalinuhan.
[Mga larawan sa pahina 21]
Hinayaan ng unang mga Kristiyano na ang makadiyos na karunungan, hindi ang pilosopikal na pangangatuwiran, ang humubog sa kanilang kaisipan
[Credit Lines]
Mga pilosopo mula sa kaliwa pakanan: Epicurus: Photograph taken by courtesy of the British Museum; Cicero: Reproduced from The Lives of the Twelve Caesars; Plato: Roma, Musei Capitolini
[Mga larawan sa pahina 23]
Mahalaga ang panalangin at pag-aaral ng Salita ng Diyos