Dukha Ngunit Mayaman—Paano Mangyayari Iyon?
Mga siglo na ang nakalipas nang manalangin ang isang pantas na tao na huwag sana siyang maging dukha. Bakit gayon ang hiniling niya? Sapagkat nangangamba siya na baka ang karukhaan ay pumukaw ng mga saloobin at pagkilos na magsasapanganib ng kaniyang kaugnayan sa Diyos. Maliwanag ito sa kaniyang mga salita: “Pakanin mo ako ng pagkaing kailangan ko . . . upang ako’y hindi maging dukha at aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.”—KAWIKAAN 30:8, 9
NANGANGAHULUGAN ba ito na imposibleng maglingkod nang buong katapatan sa Diyos ang isang taong dukha? Tiyak na hindi! Sa buong kasaysayan ay napakaraming lingkod ng Diyos na Jehova ang nakapag-ingat ng integridad sa kaniya sa kabila ng pagdurusang dulot ng karukhaan. Iniibig naman ni Jehova yaong mga nagtitiwala sa kaniya at naglalaan siya para sa kanila.
Mga Taong Tapat Noon
Si apostol Pablo mismo ay nakaranas ng mga panahon ng pangangailangan. (2 Corinto 6:3, 4) Inilarawan din niya ang isang ‘malaking ulap’ ng tapat na mga saksi bago ang panahong Kristiyano, na ang ilan sa kanila ay “nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing, samantalang sila ay nasa kakapusan . . . Sila ay nagpagala-gala sa mga disyerto at mga bundok at mga yungib at mga lungga sa lupa.”—Hebreo 11:37, 38; 12:1.
Ang isa sa mga tapat na ito ay si propeta Elias. Sa loob ng tatlo-at-kalahating-taon na tagtuyot, regular na pinaglaanan siya ni Jehova ng pagkain. Una, ginamit ng Diyos ang mga uwak upang dalhan ng tinapay at karne ang propeta. (1 Hari 17:2-6) Nang maglaon, makahimalang pinanatili ni Jehova ang suplay ng harina at langis na siyang pinagkunan ng isang biyuda para may mailaan kay Elias. (1 Hari 17:8-16) Simple lamang ang pagkain, ngunit natustusan nito ang propeta, ang babae, at ang kaniyang anak na lalaki upang makaraos sa buhay.
Inalalayan din naman ni Jehova ang tapat na propetang si Jeremias sa panahon ng matinding krisis sa kabuhayan. Nakaligtas si Jeremias sa pagkubkob ng mga taga-Babilonya sa Jerusalem, nang ang mga tao ay kinailangang ‘magsikain ng tinapay ayon sa takal at may pagkatakot.’ (Ezekiel 4:16) Nang dakong huli, naging gayon na lamang katindi ang taggutom sa lunsod anupat kinain ng ilang babae ang laman ng kanilang sariling anak. (Panaghoy 2:20) Bagaman nakakulong si Jeremias dahil sa kaniyang walang-takot na pangangaral, tiniyak ni Jehova na “isang bilog na tinapay” ang ibinibigay sa kaniya araw-araw “hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod.”—Jeremias 37:21.
Kaya tulad ni Elias, kakaunti lamang ang pagkain ni Jeremias. Hindi sinasabi sa atin ng Kasulatan kung ano ang kinain o gaano kadalas kumain si Jeremias pagkatapos maubos ang tinapay sa Jerusalem. Gayunman, alam natin na inalalayan siya ni Jehova at nakaligtas siya sa kakila-kilabot na panahong iyon ng taggutom.
Sa ngayon, umiiral ang karukhaan sa lahat ng panig ng daigdig. Ayon sa United Nations, pinakamatindi ang karukhaan sa Aprika. Ganito ang sabi ng isang balitang inilabas ng UN noong 1996: “Di-kukulangin sa kalahati ng bilang ng lahat ng Aprikano ay dukha.” Sa kabila ng lumulubhang kalagayan sa ekonomiya, dumaraming Aprikano ang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya sa kanilang buhay at buong-katapatang naglilingkod sa Diyos, anupat nagtitiwala na kaniyang aalalayan sila. Tingnan ang ilang halimbawa mula sa isang bahagi ng ating maligalig na daigdig.
Iniingatan ang Pagkamatapat
Si Michael,a na nakatira sa Nigeria, ay isang magsasaka na may anim na anak na sinusuportahan. “Mahirap maging matapat kapag wala kang pera upang tustusan ang iyong pamilya,” sabi niya. “Ngunit kapag natutukso akong mandaya, ipinaaalaala ko sa sarili ko ang Efeso 4:28, na nagsasabi: ‘Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay ng mabuting gawa.’ Kaya kapag natutukso ako, tinatanong ko sa aking sarili, ‘Pinaghirapan ko ba ang perang ito?’ ”
“Halimbawa,” sabi pa ni Michael, “habang naglalakad ako isang araw, nakita kong nahulog ang isang bag mula sa likod ng isang motorsiklo. Hindi ko napahinto ang nagmomotorsiklo, kaya dinampot ko ang bag at natuklasang puno iyon ng salapi! Sa pamamagitan ng paggamit sa pagkakakilanlan na nasa bag, natagpuan ko ang may-ari at isinauli ang bag sa kaniya.”
Pinaglalabanan ang Panlulumo
Ganito ang sabi ng isang lalaki sa Hilagang Aprika: “Ang karukhaan ay [tulad sa] pagkahulog sa isang malalim na hukay, anupat nakikita ang liwanag at ang mga taong malayang nagdaraan, ngunit hindi makasigaw upang humingi ng tulong o ng isang hagdan upang makaahon.” Hindi nakapagtataka na ang karukhaan ay malimit na magpadama ng panlulumo at pagkasiphayo! Maaaring makita maging ng mga lingkod ng Diyos ang kayamanan ng iba at magsimulang mag-isip na hindi sulit ang mabuhay na may integridad. (Ihambing ang Awit 73:2-13.) Paano mapaglalabanan ang gayong damdamin?
Si Peter, na isang taga-Kanlurang Aprika, ay nagretiro na pagkatapos ng 19 na taong paglilingkod sa pamahalaan. Nabubuhay na lamang siya ngayon sa pamamagitan ng isang maliit na pensiyon. “Kapag nasisiraan ako ng loob,” sabi ni Peter, “ipinaaalaala ko sa aking sarili ang nabasa ko sa Bibliya at sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Malapit nang lumipas ang matandang sistemang ito, at naghihintay tayo ng isang mas mabuting sistema.
“Gayundin, iniisip ko ang 1 Pedro 5:9, na nagsasabi: ‘Manindigan kayo laban [kay Satanas], matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa paraan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.’ Kaya hindi lamang ako ang naghihirap. Tumutulong sa akin ang mga paalaalang ito upang iwaksi ang mga kaisipan na nakasisira ng loob at nakapanlulumo.”
“Isa pa,” dagdag ni Peter, “gumawa ng maraming himala si Jesus nang siya’y nasa lupa, gayunma’y hindi niya pinayaman sa materyal ang sinuman. Bakit ko aasahan na payayamanin niya ako?”
Ang Kapangyarihan ng Panalangin
Ang paglapit sa Diyos na Jehova sa panalangin ay isa pang paraan upang paglabanan ang negatibong kaisipan. Nang maging isang Saksi ni Jehova si Mary noong 1960, itinakwil siya ng kaniyang pamilya. Walang-asawa at ngayo’y mahigit nang 50 anyos, siya ay mahina na at kakaunti lamang ang materyal na pag-aari. Gayunpaman, masigasig siya sa ministeryong Kristiyano.
Sabi ni Mary: “Kapag nasisiraan ako ng loob, nananalangin ako kay Jehova. Alam ko na walang makatutulong sa akin nang higit kaysa sa kaniya. Natutuhan ko na kapag nagtitiwala ka kay Jehova, tutulungan ka niya. Lagi kong isinasaisip ang mga salitang ito ni Haring David, na masusumpungan sa Awit 37:25: ‘Ako’y naging isang kabataan, ako rin naman ay tumanda, at gayunma’y hindi ako nakakita ng sinumang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniya mang supling ay nagpalimos ng tinapay.’
“Napatitibay rin ang aking loob sa karanasan ng nakatatandang mga kapatid sa espirituwal na inilahad sa Ang Bantayan. Tinulungan sila ng Diyos na Jehova, kaya alam kong patuloy niya rin akong tutulungan. Pinagpapala niya ang maliit kong hanapbuhay na pagbebenta ng fufu [pagkaing gawa sa balinghoy], at nagagawa kong masapatan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Kung minsan kapag wala akong kapera-pera at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, nagpapadala si Jehova ng isang tao na magbibigay sa akin ng kaloob at magsasabi, ‘Sister, pakisuyong tanggapin mo ito.’ Hindi ako kailanman binigo ni Jehova.”
Ang Kahalagahan ng Pag-aaral ng Bibliya
Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at kabilang dito ang mga dukha sa kanila. Ang animnapung-taong-gulang na si John ay naglilingkod bilang isang payunir (buong-panahong mangangaral ng Kaharian) at isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon. Nakatira siya sa isang mabuway na gusaling may dalawang palapag kasama ng 13 pamilya. Ang kaniyang silid ay isang bahagi ng pasilyo sa unang palapag, na ang dingding ay yari sa plywood. Sa loob ay may dalawang lumang upuan at isang mesang puno ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Natutulog siya sa banig na yari sa dayami.
Dating kumikita si John ng isang dolyar sa isang araw sa pagbebenta ng tinapay, ngunit nang ipagbawal ang pag-aangkat ng trigo, nawalan siya ng ikabubuhay. Sabi niya: “Hirap na hirap ako kung minsan, pero patuloy akong nagpapayunir. Si Jehova ang umaalalay sa akin. Ginagawa ko ang anumang trabahong matatagpuan ko at hindi ako umaasa sa sinumang tao upang tustusan o pakanin ako, bagaman lubhang nakatutulong ang mga kapatid sa kongregasyon. Tinutulungan nila akong maghanap ng trabaho at kung minsan ay binibigyan nila ako ng pera.
“Naglalaan ako ng panahon upang basahin ang Bibliya at ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Nag-aaral ako sa madaling araw kung kailan tahimik ang bahay at nagbabasa naman sa gabi kapag may kuryente kami. Alam ko na kailangan kong panatilihin ang aking personal na pag-aaral.”
Sinasanay ang mga Anak Para sa Buhay
Si Daniel ay isang biyudo na may anim na anak. Noong 1985 ay nawalan siya ng hanapbuhay na naging trabaho niya sa loob ng 25 taon, ngunit nakahanap siya ng trabaho bilang isang tindero. “Hirap sa kabuhayan ang pamilya ko,” sabi niya. “Ngayon ay isang beses lamang kami kung kumain sa isang araw. Minsan, tatlong araw kaming hindi kumain. Umiinom lamang kami ng tubig para makaraos.”
Si Daniel ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. “Hindi ako kailanman lumiban sa mga pulong Kristiyano, at nananatili akong abala sa mga teokratikong atas,” sabi niya. “Kailanma’t may trabahong dapat gawin sa Kingdom Hall, tinitiyak kong naroroon ako. At kapag mahirap ang mga kalagayan, ipinaaalaala ko sa sarili ko ang mga salita ni Pedro kay Jesus, na nakaulat sa Juan 6:68: ‘Panginoon, kanino kami paroroon?’ Kung hihinto ako sa paglilingkod kay Jehova, saan ako pupunta? Ang mga salita ni Pablo na masusumpungan natin sa Roma 8:35-39 ay nagbibigay rin sa akin ng determinasyon sapagkat ipinakikita nito na walang anuman ang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos at ni Kristo. Ito ang saloobin na itinitimo ko sa aking mga anak. Palagi kong sinasabi sa kanila na hindi natin dapat iwan si Jehova kailanman.” Ang sigasig ni Daniel, na nilakipan ng regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, ay nagkaroon ng positibong impluwensiya sa kaniyang mga anak.
Ugaling Mapagbigay
Baka isipin ng isa na yaong namumuhay sa labis na karukhaan ay malayong mapasakalagayan na makapag-abuloy ng salapi upang itaguyod ang kapakanan ng Kaharian. Ngunit hindi ganiyan ang nangyayari. (Ihambing ang Lucas 21:1-4.) Ang ilang Saksi sa Ghana na pagsasaka ang pangunahing pinagkukunan ng ikabubuhay ay nagbubukod ng isang bahagi ng kanilang lupa upang magamit sa pagtataguyod ng kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Kapag ipinagbili ang ani mula sa bahaging iyon ng kanilang lupain, ang salapi ay ginagamit tangi lamang sa layuning iyon, na doo’y kasali ang pag-aabuloy sa lokal na Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova.
Si Joan, na nakatira sa Sentral Aprika, ay isang payunir. Upang maalagaan ang paralisadong asawa at apat pa na umaasa sa kaniya, nagtitinda siya ng tinapay. Nang ang kongregasyong dinadaluhan niya ay mangailangan ng mga bangko para sa Kingdom Hall, nagpasiya ang pamilya ni Joan na iabuloy ang lahat ng pera nila. Wala nang natira sa kanila. Subalit kinabukasan, di-inaasahang may nagbayad ng isang matagal nang pagkakautang, anupat ibinigay sa kanila ang salaping hindi na nila inaasahang matatanggap pa!
Si Joan ay masaya at hindi nababalisa nang labis tungkol sa salapi. “Ipinaliliwanag ko ang aking situwasyon kay Jehova sa panalangin, at pagkatapos ay lumalabas ako sa ministeryo sa larangan. Alam namin na maliit ang pag-asa para sa mas mabuting panahon sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, natatanto namin na maglalaan si Jehova para sa aming pangangailangan.”
Nagpapamalas ng Kasipagan
Nakikilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:35) Yaong may salapi ay tumutulong sa kanilang mga kapuwa Kristiyano na nangangailangan. Malimit na ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaloob at kung minsan ay ng tulong na makahanap ng trabaho.
Si Mark, na nakatira sa Congo, ay may ketong. Napinsala na nito ang kaniyang mga daliri sa paa at kamay. Kaya upang makalakad, gumagamit siya ng saklay. Nang magpasiya si Mark na maglingkod kay Jehova, nagsimula siyang gumawa ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Sa halip na magpalimos ng pagkain gaya ng dati niyang ginagawa, nagsimula siyang magtanim ng kaniyang makakain. Gumawa rin siya ng mga ladrilyong yari sa adobe, na ipinagbili niya.
Sa kabila ng kaniyang kapansanan sa pisikal, patuloy na nagtrabaho nang buong sipag si Mark. Nang maglaon ay nakabili siya ng isang piraso ng lupa at nagtayo ng maliit na bahay roon. Ngayon, si Mark ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon at lubhang iginagalang sa kanilang bayan. Tinutulungan niya ngayon ang ibang nangangailangan.
Sabihin pa, sa maraming lugar ay halos imposibleng makasumpong ng trabaho. Ganito ang isinulat ng isang Kristiyanong matanda na naglilingkod sa isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Sentral Aprika: “Maraming kapatid dito ang walang trabaho. Sinisikap ng ilan na lumikha ng sarili nilang trabaho, pero mahirap ito. Marami ang nangatuwiran na yamang sila’y magdurusa anuman ang gawin nila, isasakripisyo nila ang materyal na bagay bilang mga ministrong payunir. Sa paggawa nito, nasusumpungan ng marami na sila’y lalong pinagpapala nang sagana kaysa kung may trabaho sila na may maliit o halos walang suweldo.”
Inaalalayan ni Jehova ang Kaniyang Bayan
Sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa kaniyang sarili: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, subalit ang Anak ng tao ay walang dakong mapaghigan ng kaniyang ulo.” (Lucas 9:58) Sa katulad na paraan, sumulat si apostol Pablo: “Hanggang sa mismong oras na ito ay patuloy kaming nagugutom at nauuhaw rin at bahagyang nararamtan at napagsususuntok at walang tahanan.”—1 Corinto 4:11.
Minabuti kapuwa nina Jesus at Pablo na mamuhay nang simple upang mas lubusan nilang maitaguyod ang kanilang ministeryo. Maraming Kristiyano sa kasalukuyang panahon ang dukha sapagkat wala na silang mapagpipilian. Gayunpaman, ikinakapit nila sa buhay ang mga simulain ng Bibliya at masigasig na sinisikap na paglingkuran ang Diyos. Batid nila na sila ay totoong minamahal ni Jehova habang nararanasan nila ang katotohanan ng pangako ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang [materyal na mga bagay] ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25-33) Isa pa, ang mga dukhang lingkod na ito ng Diyos ay may patotoo na “ang pagpapala ni Jehova—iyon ang siyang nagpapayaman.”—Kawikaan 10:22.
[Talababa]
a Pinalitan ang mga pangalan sa artikulong ito.
[Kahon sa pahina 6]
Sino ang ‘Mga Tagatupad ng Salita’?
AYON sa isang surbey ng Gallup noong 1994, 96 na porsiyento ng mga Amerikano ang “naniniwala sa Diyos o sa isang pansansinukob na espiritu.” “Marami [rin] ang mga simbahan sa bawat pamantayang sukat ng populasyon sa Estados Unidos kaysa sa alinmang ibang bansa sa Lupa,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Sa kabila ng gayong mga anyo ng kabanalan, sinabi ng beteranong tagasurbey na si George Gallup, Jr.: “Ang payak na katotohanan ay, hindi alam ng karamihan sa mga Amerikano kung ano ang kanilang pinaniniwalaan o kung bakit.”
Ipinakikita rin ng estadistika na may malaking pagkakaiba sa relihiyosong pananalig ng maraming tao at sa kanilang mga ikinikilos. Halimbawa, “napansin ng mga sosyologo na ang ilan sa mga lugar na may pinakamaraming krimen ay nagkataon ding mga lugar na doo’y napakasidhi ang relihiyosong paniniwala at kaugalian,” ang sabi ng manunulat na si Jeffery Sheler.
Hindi ito dapat ipagtaka. Bakit? Sapagkat mula pa noong unang siglo, nagbabala na si apostol Pablo sa mga kapuwa Kristiyano na mag-ingat sa mga ‘hayagang nagpapahayag na kilala nila ang Diyos, subalit nagtatatwa naman sa kaniya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.’ (Tito 1:16) Isa pa, sinabi ni Pablo sa kabataang lalaking si Timoteo na makikilala ang “mga huling araw” sa pamamagitan ng mga tao “na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”—2 Timoteo 3:1, 5.
Subalit ginagawa ng mga tunay na Kristiyano ang kanilang buong-kaya upang sundin ang utos ni Jesu-Kristo na “humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19) Sa ganitong paraan ay ‘nagiging tagatupad sila ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.’—Santiago 1:22.
[Larawan sa pahina 7]
Pinahahalagahan ng mga tao sa buong daigdig ang pag-aaral ng Bibliya