Magpakita ng Pagtitiwala Kay Jehova—Sa Pamamagitan ng Pagkakapit ng mga Bagay na Natutuhan
“Tumiwala ka kay Jehova at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupa, at makitungo ka sa pagtatapat.”—AWIT 37:3
1, 2. (a) Ano ang dapat na maging hinahangad na resulta ng personal na pag-aaral? (b) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Santiago, at ang pagmamasid ba sa sarili na binanggit niya ay isang sanda-sandaliang pagsulyap lamang sa sarili?
ANG pag-aaral ng isa ng Salita ng Diyos ay hindi lamang para sa personal na kasiyahan. Ang pag-aaral ay dapat na maging isang paraan ng paglinang ng pagtitiwala kay Jehova. (Kawikaan 3:1-5) Ang mga salita ng salmista sa itaas ay nagpapakita na ang maka-Diyos na pagtitiwala, sa kabilang dako naman, ay naipapakita ng isang tao sa pamamagitan ng ‘paggawa ng mabuti.’
2 Si Santiago ay nagpayo: “Maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran. Sapagkat kung sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, katulad siya ng taong nananalamin ng kaniyang mukha. Sapagkat minamasdan niya ang kaniyang sarili, at saka aalis at pagdaka’y malilimutan niya kung anong uri siya ng tao.” (Santiago 1:22-24) Kaya ang pagmamasid na ito sa sarili ay hindi lamang isang sanda-sandaliang pagsulyap. Ang salitang Griego na katumbas ng “minamasdan” na ginamit dito ay pangunahing “tumutukoy sa aksiyon ng isip sa pag-unawa sa mga ilang katotohanan tungkol sa isang bagay.”—An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine; ihambing ang Gawa 7:31, Kingdom Interlinear.
3. Paanong ang isang tao na tumitingin sa salamin ay agad nakalilimot “kung anong uri siya ng tao”?
3 Gunigunihin, kung gayon, ang isang taong nagsusuri ng kaniyang sarili sa isang salamin, marahil kaniyang nakikita na ang hitsura niya sa salamin ay medyo pangit. Baka makita niya ang dobleng babà dahilan sa sobrang pagkain at sobrang pag-inom, nangangalumata dahilan sa kakulangan ng tulog, at nangungulubot na ang kaniyang noo dahil sa mga kabalisahan na laging umuukilkil sa kaniya. Ngayong harap-harapang nakita niya ang kaniyang sarili, siya ay nagpasiya na gumawa ng malaon na sanang nagawang mga pagbabago sa ugali at istilo ng pamumuhay. Kung magkagayo’y “saka aalis” siya. Ngayon na hindi na niya nakikita ang pangit na larawan niya, ‘pagdaka’y nalilimutan’ niya iyon, hindi gaano kung ano ang hitsura niya, kundi “kung anong uri siya ng tao.” Ang kaniyang pasiya na gumawa ng mga pagbabago ay pinalalampas niya.
4. Paanong ang ilustrasyon ni Santiago ay kumakapit sa ating pag-aaral ng Kasulatan?
4 Sa katulad na paraan, baka ikaw ay isang mahusay na estudyante ng Bibliya. Gayunman, paano ka ba tumutugon sa iyong nakikita sa salamin ng Salita ng Diyos? Pagka nakita mo sa salamin ang espirituwal na mga depekto at mga kapintasan, ikaw ba’y sandaling nababahala, o gumagawa ka ng matatag na pasiyang ituwid ang mga depekto? Isinusog ni Santiago: “Ngunit siyang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan ng kalayaan at tumutupad nito, ang taong ito, dahil sa hindi siya isang nakalilimot na tagapakinig, kundi tagatupad na gumagawa, ay magiging maligaya sa paggawa niyaon.” (Santiago 1:25) Ang salmista ay nanalangin ng ganito: “Ituro mo sa akin, Oh Jehova, ang daan ng iyong mga palatuntunan, upang aking masunod hanggang sa wakas.”—Awit 119:33.
Ang Inihahayag Tungkol sa Atin ng Ating mga Gawa
5. (a) Ano ba ang sinasabi tungkol sa atin ng ating mga gawa? (b) Anong kahihinatnan ang naghihintay sa “mga manggagawa ng kasamaan”?
5 Totoo naman, ang ating ginagawa o gawain ay nagpapatunay kung ano tayo sa loob. At sa malao’t madali “ang lihim na sarili” ay makikilala ng isang tao sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti o dili kaya’y masama. (Awit 51:6) Ang sabi ni Solomon: “Ang bata man ay nagpapakilala ng kaniyang sarili sa kaniyang mga gawa, kung ang kaniyang gawa ay malinis at matuwid.” (Kawikaan 20:11) Ito’y naging totoo kina Jacob at Esau nang mga bata pa. Habang lumalakad ang panahon, nahayag sa mga gawa ni Esau na wala siyang espirituwal na pagpapahalaga. (Genesis 25:27-34; Hebreo 12:16) Ito’y totoo rin naman tungkol sa libu-libong nag-aangking nagtitiwala kay Jehova subalit napatutunayan na yaong tinatawag ng Bibliya na “mga manggagawa ng kasamaan.” (Job 34:8) Ang salmista ay sumulat: “Pagka ang mga balakyot ay lumilitaw na parang damo at lahat ng mga namimihasa sa paggawa ng masama ay gumiginhawa, iyon ay upang sila’y malipol magpakailanman.”—Awit 92:7.
6. Bakit kailangan na maipakilala natin ngayon na tayo’y may pagtitiwala kay Jehova?
6 Dumarami ang mga taong balakyot, at hindi na matatagalan sila’y lilipulin; hindi sa habang panahon papayagan ng Diyos na umiral ang mga manggagawa ng masama. (Kawikaan 10:29) Kailangan samakatuwid na ipakita ang ating pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga bagay na natutuhan. “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa,” ang payo ni Pedro. (1 Pedro 2:12) Kung gayon, ano ang mga ilang pitak na kung saan maaari tayong makagawa ng pagsulong?
Ang Ating mga Pakikitungo sa Iba
7. Bakit tayo’y kailangang magpakaingat sa ating mga pakikitungo sa “mga nangasa labas”?
7 Ang isang pitak ay marahil ang ating pakikitungo sa iba. Ang Kawikaan 13:20 ay nagpapaalaala sa atin: “Siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.” Dahil sa hindi pagkakapit ng kinasihang payong ito, ang iba ay labis na naging matalik nang pakikisalamuha sa makasanlibutang mga kasamahan sa trabaho at sa paaralan. Isang may-asawang kapatid na lalaki ang sa ganoo’y napasangkot sa imoral na pakikitungo sa isang babae na kasama niya sa kaniyang trabaho. Siya ay nakisama rin sa mga kamanggagawang mga lalaki sa pagparoon sa mga lugar na inuman na nagbubunga ng kaniyang kalasingan. Oo, tayo’y kailangang “magsilakad na may karunungan sa nangasa labas.”—Colosas 4:5.
8. Paano mapasusulong pa ng iba ang kanilang pakikitungo sa mga kapuwa Kristiyano?
8 Subalit kumusta naman ang ating mga pakikitungo sa mga kapuwa Kristiyano? Ipagpalagay natin, halimbawa, na ikaw ay may utang na pera sa isang kapatid. Ipinagpapaliban mo ba na walang dahilan ang pagbayad sa kaniya, at nangangatuwiran ka na dahilan sa ang kapatid ay tila may kaya naman, ikaw ang higit na nangangailangan niyaon kaysa kaniya? “Ang balakyot ay nangungutang at hindi nagbabayad,” ang sabi ng Awit 37:21. O kung ikaw ay isang among may patrabaho, iyo bang ikinakapit ang simulain na “ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa” pagka ang pinag-uusapan ay pagbabayad sa mga empleyadong Saksi? (1 Timoteo 5:18) Nasabi rin ni Pablo ang ganito tungkol sa kaniyang sariling mga pakikitungo: “Ayon sa kabanalan at maka-Diyos na kataimtiman . . . gayon ang inugali namin sa sanlibutan, ngunit lalung-lalo na sa pakikitungo sa inyo.”—2 Corinto 1:12.
Mahinhing Damit at Pag-aayos
9. Anong kausuhan sa damit at pag-aayos ang napapansin ng mga ilang hinirang na matatanda?
9 Isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Alemanya ang bumanggit na ang ibang lokal na mga Kristiyano ay “ang salinlahi ng mga nakasapatos na pan-tennis” dahilan sa kanilang labis na di-pormal na kasuotan sa mga pulong. Isinusog ng tanggapang-sangay na ang mga ibang dumadalo sa mga pulong ay “nasa bingit na ng pagiging burara,” bagaman “ang lubhang karamihan ng ating mga kapatid ay mahinhin kung manamit.” Isa pang bansa ang may nahahawig na pag-uulat na “kawalan ng personal na kalinisan ang isang problema rito . . . Ang ibang mga kapatid na lalaki ay hindi malinis ang damit na suot. Ang kanilang buhok ay hindi sinusuklay at marumi pagka sila’y dumadalo sa mga pulong o naglilingkod sa larangan.” Anong pagkahalahalaga nga na ang mga lingkod ni Jehova ay maging maayos at malinis sa lahat ng bagay!—2 Corinto 7:1.
10. (a) Anong simulain ang dapat pumatnubay sa atin sa pagpili ng damit at pag-aayos sa sarili? (b) Kailan maaaring angkop ang payo, at paano tayo dapat tumugon?
10 Tayo’y kailangang “manamit nang may kahinhinan, pagkadesente at nang pagkaangkop,” lalo na kung tayo’y gumagawa ng espirituwal na mga aktibidades. (1 Timoteo 2:9, New International Version) Ang isyu ay hindi kung ang isang istilo ay labis na sumusunod sa kausuhan kundi kung iyon baga ay angkop para sa isang taong nag-aangkin na siya’y isang ministro ng Diyos. (Roma 12:2; 2 Corinto 6:3) Ang labis-labis na di-pormal o hapit na hapit na mga damit ay maaaring makabawas sa pagkaepektibo ng ating mensahe. Ang mga estilo na tahasan at kusang pinagtitinging babae ang mga lalaki o pinagtitinging lalaki ang mga babae ay tiyak na di-nararapat. (Ihambing ang Deuteronomio 22:5.) Kung sa bagay, ang lokal na mga kaugalian ay maaaring nagkakaiba-iba, ayon sa lagay ng panahon, mga kahilingan ng hanapbuhay, at iba pa, kung kaya ang kongregasyong Kristiyano ay hindi naman nagtatakda ng tiyakang mga alituntunin na sumasaklaw sa pambuong daigdig na kapatiran. Hindi rin naman dapat na ipilit ng mga matatanda na ang sundin ng kawan ay ang kanilang personal na mga kagustuhan. Gayunman, kung ang istilo ng pag-aayos ng isang mamamahayag ng Kaharian ay sa pangkalahatan gumagambala sa kongregasyon o nakasisira sa ministeryo, ang mabait na pagpapayo ay nararapat. Tatalima ba kayo sa gayong payo na may pagpapakumbaba, na nagpapakita ng pagtitiwala kay Jehova?—Hebreo 12:7.
Pagtitiwala sa Diyos na Maglalaan Para sa mga Humahanap sa Kaharian
11. Paano ngang ang ilan ay nasilo sa paghanap sa materyal na mga bagay, at bakit ito kamangmangan?
11 “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Anong lungkot nga na ang ilan ay hindi nakinig sa mga salitang iyan! Sila’y napadala sa alamat ng katatagan sa pananalapi, kaya parang hibang na ang hinanap nila’y kayamanan, edukasyon sa sanlibutan, at makasanlibutang mga karera, na “nagtitiwala sa kanilang kayamanan.” (Awit 49:6) Ganito ang babala ni Solomon: “Huwag kayong magpagal upang magkamit ng kayamanan. . . . Dito mo ba itinitig ang iyong mga mata, gayong ito’y walang kabuluhan? Sapagkat walang pagsalang ito’y magkakapakpak na tulad ng isang agila at lilipad patungo sa dakong kalangitan.”—Kawikaan 23:4, 5.
12. Paanong yaong mga naghahanap ng kayamanan ay ‘tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit’?
12 Si apostol Pablo ay nagbabala pa rin: “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:10) Sa isang pakikipagpanayam sa U.S. News & World Report, si Dr. Douglas LaBier ay nagsabi na maraming kabataang lalaki at babae na naghahanap ng kayamanan ang “nag-ulat ng pagkadama ng kawalang kasiyahan, kabalisahan, panlulumo, kawalang kabuluhan, di-katinuan ng isip, at ang napakaraming mga pananakit ng katawan—pananakit ng ulo, ng likod, ng tiyan, di-pagkakatulog, at mga problema sa pagkain.”
13. Bakit ang pinakamagaling ay ang makontento ka na sa “pagkain at pananamit”?
13 Yaong mga nagtitiwala na si Jehova ang maglalaan para sa kanila ay nakaiiwas sa maraming pasakit at kabalisahan. Totoo, ang pagiging kontento sa “pagkain at pananamit” ay maaaring mangahulugan ng pagsunod sa isang higit na katamtamang pamantayan ng pamumuhay. (1 Timoteo 6:8) Subalit “ang kayamanan ay hindi pakikinabangan sa araw ng poot.” (Kawikaan 11:4) Isa pa, pagka ating pinalawak ang ating paglilingkod kay Jehova, tayo’y napapahanay sa mga tatanggap “ng pagpapala ni Jehova” na “nagpapayaman, at hindi niya dinaragdagan ng kapanglawan.”—Kawikaan 10:22.
“Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon”
14, 15. (a) Anong uri ng mga suliranin ang paminsan-minsan gumagambala sa kapayapaan ng mga kongregasyon? (b) Paano maitataguyod ang kapayapaan pagka mayroong mga di-pagkakaunawaan?
14 Ang isa pang paraan upang maipakita natin ang ating pagtitiwala kay Jehova ay ang “hanapin ang kapayapaan at itaguyod iyon” sa ating mga kapananampalataya. (1 Pedro 3:10-12) Subalit, kung minsan ang maliliit na bagay ay pinapayagang pagmulan ng mapapait na pagtatalo ng mga kapatid: ang palamuti ng Kingdom Hall, ang mga kaayusan ng mga teritoryo ng kongregasyon, ang mga atas sa Pag-aaral sa Aklat, ang tungkol sa mga magasin at literatura. O, sa mga ilang kaso, imbis na lutasin ang personal o panghanapbuhay na mga di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pagsunod sa alituntuning nasa Mateo 18:15-17, ang mga kapatid ay hindi na nakikipag-usap sa isa’t isa o kanilang ginagambala ang kongregasyon dahil sa kanilang di pagkakaunawaan.
15 Sinasabi ni Santiago: “Ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga gumagawa ng kapayapaan.” (Santiago 3:18) Kung gayon, sa kapakanan ng kapayapaan, tayo’y maging handa na magbigay-daan sa mga kagustuhan o mga opinyon ng iba, anupa’t hindi inaalintana ang ating personal na mga karapatan. (Ihambing ang Genesis 13:5-12.) Halimbawa, kung dalawang kongregasyon ang gumagamit ng isang Kingdom Hall, ang isang kongregasyon ay hindi dapat mag-angkin na siya ang “may-ari” ng bulwagan at may awtoridad na magdikta doon sa isang kongregasyon ng oras ng pulong o ng iba pang bagay. Ang dapat umiral ay ang paggalang at pakikipagtulungan sa isa’t isa.
16. Ano ang kahalagahan ng pagkilala sa kaayusang teokratiko sa tahanan at sa kongregasyon?
16 Maraming mga di-pagkakaunawaan ang maiiwasan kung ating kikilalanin lamang ang kaayusang teokratiko at tayo’y mananatili sa ating angkop na dako. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:22-27) Pagka iginagalang ng mga asawang babae ang kagustuhan ng kani-kanilang asawa, ng mga anak ang utos ng kani-kanilang mga magulang, ng ministeryal na mga lingkod ang tagubilin na nanggagaling sa matatanda, ang kanilang pagkilos ay “magpapalaki sa [kongregasyon] sa ikatitibay ng kaniyang sarili sa pag-ibig.” (Efeso 4:16) Ipagpalagay natin, na kung minsan ang mga asawang lalaki, mga magulang, at mga matatanda ay nagkukulang. (Roma 3:23) Subalit ang paghihimagsik ba, pagrireklamo, o paglaban sa mga tagubilin na may mabuting motibo ay magdudulot ng kalutasan sa problema? Lalong higit na mabuti ang tayo’y manatili sa ating dako na iniatas ng Diyos at ating itaguyod ang kapayapaan!
Ang Puspusang Pakikibahagi sa Larangan
17. (a) Anong mga dahilan ang ibinibigay ng iba sa pagkakaroon nila ng pinakamaliit na bahagi lamang sa pangangaral? (b) Paano pinatibay-loob ni Jesus ang mga Kristiyano upang tumugon sa mga kagipitan sa ngayon?
17 Subalit, para sa marami, ang pinakamalaking hamon ay ang pagtupad ng utos sa Kristiyano na mangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang iba ay mayroong pinakamaliit na bahagi sa paglilingkod sa larangan, marahil ang ikinakatuwiran nila ay na dahil sa mga kagipitan sa paghahanapbuhay at sa pag-aasikaso ng isang pamilya ay mahirap para sa kanila na gumawa ng higit pa. Ipagpalagay natin, na ang mga kagipitan sa “mga huling araw” ay mahirap daigin. (2 Timoteo 3:1) Gayunman, si Jesus ay nagbabala laban sa ‘pagkalugmok sa mga pagsusumakit ukol sa buhay.’ Habang lalong sumasama ang mga kalagayan, ang mga Kristiyano ay dapat ‘tumayo ng matuwid at itaas ang kanilang mga ulo.’ (Lucas 21:28, 34) Isa sa pinakamagaling na paraan upang “makatayong matatag” laban sa mga pag-atake ni Satanas ay ang ating “mga paa ay suotan ng panyapak ng mabuting balita”—ang regular na pakikibahagi sa pangangaral!—Efeso 6:14, 15.
18. Ano ang maaaring dahilan kung bakit ang ilan ay hindi puspusang nakikibahagi sa pangangaral?
18 Noong kaarawan ni Pablo, maraming mga Kristiyano (sa paano man sa mga ilang kongregasyon) ang “sariling mga kapakanan nila ang hinahangad, hindi yaong kay Kristo Jesus.” (Filipos 2:21) Ito kaya’y totoo tungkol sa mga ilan sa kasama natin sa ngayon? Marahil ang kanilang pagkakilala tungkol sa paghanap sa Kaharian ay hindi kagaya niyaong taong nakasumpong ng isang “mamahaling perlas” na dahil doon ay handa siyang gumawa ng anumang pagsasakripisyo. (Mateo 13:45, 46) Sila’y napadadala sa sariling kapakanan, kaya naman ang pinakamadaling paraan ang sinusunod nila at ang pinakamaliit lamang na paglilingkod ang ginagawa nila. Datapuwat, tandaan na ang pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa tao ang motibo na gumaganyak sa mga tunay na Kristiyano upang mangaral, kahit na kung ang pagpapasimula ng pakikipag-usap sa mga hindi kilala ay hindi natural na hilig natin.—Mateo 22:37-39.
19. Bakit si Jehova ay hindi nalulugod sa malahiningang paglilingkod, at paano natin malalaman kung siya’y nasisiyahan o hindi sa ating paglilingkod sa kaniya?
19 Kung tayo ay hindi napakikilos na mangaral, kung gayon ang ating pag-ibig kay Jehova at ang ating pagtitiwala sa kaniya ay bahagyang nakahihigit lamang sa pagsisilid nito sa ating isip. “Kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang may sakdal na puso,” ang payo ni David kay Solomon, “sapagkat sinasaliksik ni Jehova ang lahat ng puso, at nalalaman niya ang bawat hilig ng kaisipan.” (1 Cronica 28:9) Si Jehova ay hindi napaglalangan ng malahiningang paglilingkod. Kahit na ang regular na pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan ay hindi kasiya-siya sa kaniya kung ang pinakamaliit na paglilingkod ang ibibigay natin sa kaniya kaysa kung tayo’y ‘puspusang naglilingkod.’ (Lucas 13:24) Bawat Kristiyano ay kailangan kung gayon na taimtim na suriin ang kaniyang bahagi sa paglilingkod sa larangan at tanungin ang kaniyang sarili: ‘Talaga bang ginagawa ko ang lahat ng maaari kong gawin?’ Baka kailangang suriin ang ating kalagayan at unahin ang dapat unahin.
Naganyak na ‘Gumawa ng Mabuti’ sa Pamamagitan ng mga Halimbawa ng Iba
20. Bakit angkop na suriin ang mabubuting halimbawa na ipinakikita ng ating mga kapuwa Kristiyano?
20 Ang ating paglilingkod sa Diyos ay hindi bunga ng “paghahambing ng sarili sa iba.” (Galacia 6:4) Gayunman, ang mabubuting halimbawa ng iba ay malimit na gumaganyak sa atin na gumawa ng higit pa. Si apostol Pablo mismo ay nagsabi: “Maging tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) Isaalang-alang, kung gayon, kung gaanong panahon ang nagugugol ng ating mga kapatid sa paglilingkod sa larangan bawat buwan. Sa Estados Unidos, ang katamtamang oras para sa mga mamamahayag ay tumaas mula sa 8.3 oras noong 1979 hanggang 9.7 oras noong 1987! Ang ating mga kapatid ay patuloy na lumalaki ang oras na ginugugol sa larangan. Ikaw ba’y ganiyan din?
21. Ano ang nagpakilos sa marami upang pumasok sa pagpapayunir? Magbigay ng halimbawa.
21 Palibhasa’y napakilos ng masigasig na mga halimbawa ng iba, parami nang parami ang pumapasok sa regular na pagpapayunir. Sa California (E.U.A.) isang kabataang sister na Angela ang pangalan ang tumanggap ng isang nakatutuksong alok na trabaho, kasali na roon ang scholarship sa kolehiyo na ibig niya. Sa halip, ang pinili ni Angela ay ang buong-panahong ministeryo. Ang kaniyang dahilan? “Sa pakikisama sa maraming payunir, nakikita ko ang talagang matinding kagalakan at kasiyahan hindi lamang sa kanilang sarili kundi pati sa kanilang relasyon kay Jehova. Ibig kong magkaroon ng matinding kagalakan at kasiyahang ito.”
22. Ano ang kapakinabangan ng pagsasagawa ng mga bagay na natutuhan?
22 Ibig mo ba ng “matinding kagalakan at kasiyahan”? Kung gayon ay “magtiwala kay Jehova at gumawa ka ng mabuti”! Hayaang ang iyong kaalaman ang magpakilos sa iyo na gawin ang buong makakaya mo sa paglilingkod kay Jehova. Ang pagsasagawa ng mga bagay na natutuhan ang magpapakilala sa lahat ng iyong espirituwal na pagsulong at pakikinabangan ng iba sa isang paraan na nagliligtas-buhay. (1 Timoteo 4:15, 16) Kung gayon, harinawang lahat ay tumugon sa mga salita ni Pablo sa Filipos 4:9: “Ang mga bagay na natutuhan ninyo at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.”
Mga Punto sa Repaso
◻ Ano ang dapat na maging pagtugon natin sa pananalamin sa Salita ng Diyos?
◻ Paano higit na mapasusulong ang ating paraan ng pakikitungo sa mga iba?
◻ Bakit kamangmangan na ang hanapin ay materyal na mga bagay?
◻ Paano natin mahahanap ang kapayapaan sa kongregasyon?
◻ Ano ang dapat maging motibo natin upang puspusang makibahagi sa paglilingkod sa larangan?
[Larawan sa pahina 16]
Hindi sapat ang makita mo ang espirituwal na mga kahinaan at kapintasan. Tayo’y kailangang kumilos upang ituwid ang mga iyan!
[Mga larawan sa pahina 18]
Yaong mga humahanap ng kayamanan ay malimit na nagdadala sa kanilang sarili ng “maraming pasakit”