Ang Batas ng Kristo
“Ako ay . . . nasa ilalim ng batas kay Kristo.”—1 CORINTO 9:21.
1, 2. (a) Paano sana naiwasan ang maraming pagkakamali ng sangkatauhan? (b) Ano ang hindi natutuhan ng Sangkakristiyanuhan mula sa kasaysayan ng Judaismo?
“ANG mga tao at mga pamahalaan ay hindi na natuto mula sa kasaysayan, o kumilos ayon sa mga simulain na nahinuha mula rito.” Gayon ang sabi ng ika-19-na-siglong pilosopong Aleman. Sa katunayan, ang takbo ng kasaysayan ng tao ay inilarawan bilang isang “martsa ng kamangmangan,” isang serye ng nakagigimbal na mga pagkakamali at krisis, na marami sa mga ito ang naiwasan sana kung ninais lamang ng tao na matuto mula sa nakaraang mga pagkakamali.
2 Ang gayunding pagtangging matuto buhat sa nakaraang pagkakamali ay itinatampok sa pagtalakay na ito sa batas ng Diyos. Pinalitan ng Diyos na Jehova ang Batas Mosaiko ng isang mas mabuti—ang batas ng Kristo. Gayunpaman, ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangking nagtuturo at namumuhay ayon sa batas na ito, ay hindi natuto mula sa labis na kamangmangan ng mga Fariseo. Kaya pinipilipit at inaabuso ng Sangkakristiyanuhan ang batas ng Kristo gaya ng ginawa ng Judaismo sa Batas ni Moises. Paano nangyari ito? Una, talakayin natin ang mismong batas na ito—kung ano ito, sino ang saklaw nito at paano, at kung ano ang kaibahan nito sa Batas Mosaiko. Pagkatapos ay susuriin natin kung paano ito inaabuso ng Sangkakristiyanuhan. Sa ganito’y matuto sana tayo mula sa kasaysayan at makinabang mula rito!
Ang Bagong Tipan
3. Ano ang ipinangako ni Jehova hinggil sa bagong tipan?
3 Sino bukod sa Diyos na Jehova ang makapagpapahusay ng isang sakdal na Batas? Ang tipang Batas Mosaiko ay sakdal. (Awit 19:7) Sa kabila nito, ipinangako ni Jehova: “Narito! May mga araw na darating, . . . at ako ay magpapatibay sa bahay ni Israel at sa bahay ni Juda ng isang bagong tipan; hindi ng isa na gaya ng tipan na pinagtibay ko sa kanilang mga ninuno.” Ang Sampung Utos—ang pinakasaligan ng Batas Mosaiko—ay isinulat sa mga tapyas ng bato. Ngunit tungkol sa bagong tipan, ganito ang sabi ni Jehova: “Ilalagay ko ang aking batas sa kalooban nila, at isusulat ko iyon sa kanilang puso.”—Jeremias 31:31-34.
4. (a) Aling Israel ang kasangkot sa bagong tipan? (b) Sino pa bukod sa espirituwal na mga Israelita ang nasa ilalim ng batas ng Kristo?
4 Sino ang ilalakip sa bagong tipang ito? Tiyak na hindi ang literal na “bahay ni Israel,” na tumanggi sa Tagapamagitan ng tipang ito. (Hebreo 9:15) Hindi, ang bagong “Israel” na ito ay ang “Israel ng Diyos,” isang bansa ng espirituwal na mga Israelita. (Galacia 6:16; Roma 2:28, 29) Ang munting grupong ito ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu ay makakasama sa dakong huli ng “isang malaking pulutong” buhat sa lahat ng bansa na magnanais ding sumamba kay Jehova. (Apocalipsis 7:9, 10; Zacarias 8:23) Bagaman hindi kasali sa bagong tipan, ang mga ito rin naman ay sakop ng batas. (Ihambing ang Levitico 24:22; Bilang 15:15.) Bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” lahat ay magiging “nasa ilalim ng batas kay Kristo,” gaya ng isinulat ni apostol Pablo. (Juan 10:16; 1 Corinto 9:21) Tinawag ni Pablo ang bagong tipang ito na isang “lalong mabuting tipan.” Bakit? Una, salig ito sa mga pangakong natupad sa halip na sa anino ng mga bagay na darating.—Hebreo 8:6; 9:11-14.
5. Ano ang layunin ng bagong tipan, at bakit ito magtatagumpay?
5 Ano ang layunin ng tipang ito? Iyon ay ang magluwal ng isang bansa ng mga hari at mga saserdote na magpapala sa buong sangkatauhan. (Exodo 19:6; 1 Pedro 2:9; Apocalipsis 5:10) Hindi kailanman iniluwal ng tipang Batas Mosaiko ang bansang ito sa ganap na diwa nito, sapagkat ang Israel sa kabuuan ay nagrebelde at nawalan ng kanilang pagkakataon. (Ihambing ang Roma 11:17-21.) Gayunman, ang bagong tipan ay tiyak na magtatagumpay, sapagkat iyon ay nauugnay sa naiibang uri ng batas. Naiiba sa anu-anong paraan?
Ang Batas na Nauukol sa Kalayaan
6, 7. Paano nagbibigay ng higit na kalayaan ang batas ng Kristo kaysa sa Batas Mosaiko?
6 Paulit-ulit na iniuugnay sa kalayaan ang batas ng Kristo. (Juan 8:31, 32) Tinukoy iyon bilang ang “batas ng isang malayang bayan” at ang “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan.” (Santiago 1:25; 2:12) Mangyari pa, lahat ng kalayaan ng mga tao ay may pasubali. Gayunpaman, ang batas na ito ay nag-aalok ng higit na kalayaan kaysa sa hinalinhan nito, ang Batas Mosaiko. Paano nagkagayon?
7 Halimbawa, walang sinuman ang isinilang na nasa ilalim ng batas ng Kristo. Ang mga salik gaya ng lahi at lugar ng kapanganakan ay walang kinalaman. Malayang pinipili ng mga tunay na Kristiyano sa kanilang puso na tanggapin ang pamatok ng pagsunod sa batas na ito. Sa paggawa nito, nasusumpungan nilang ito’y isang pamatok na may kabaitan, isang magaang na pasan. (Mateo 11:28-30) Sa katunayan, ang Batas Mosaiko ay dinisenyo rin upang ituro sa tao na siya ay makasalanan at lubhang nangangailangan ng haing pantubos upang hanguin siya. (Galacia 3:19) Itinuturo ng batas ng Kristo na ang Mesiyas ay dumating na, nagbayad ng halagang pantubos sa pamamagitan ng kaniyang buhay, at nagbukas ng daan upang mapalaya tayo sa kakila-kilabot na paniniil ng kasalanan at kamatayan! (Roma 5:20, 21) Upang makinabang, kailangan nating ‘magsagawa ng pananampalataya’ sa haing iyan.—Juan 3:16.
8. Ano ang kalakip sa batas ng Kristo, ngunit bakit ang pamumuhay ayon dito ay hindi nangangahulugan ng pagsasaulo ng daan-daang legal na kautusan?
8 Sa ‘pagsasagawa ng pananampalataya’ ay kasangkot ang pamumuhay ayon sa batas ng Kristo. Kasali rito ang pagsunod sa lahat ng mga utos ni Kristo. Nangangahulugan ba ito ng pagsasaulo ng daan-daang batas at kautusan? Hindi. Samantalang si Moises, ang tagapamagitan ng lumang tipan, ay sumulat ng Batas Mosaiko, si Jesus, ang Tagapamagitan ng bagong tipan, ay hindi kailanman sumulat ng isang batas. Sa halip, namuhay siya ayon sa batas na ito. Sa pamamagitan ng kaniyang sakdal na landasin ng buhay, nag-iwan siya ng parisan para sundan ng lahat. (1 Pedro 2:21) Marahil iyan ang dahilan kung kaya ang pagsamba ng mga unang Kristiyano ay tinukoy na “Ang Daan.” (Gawa 9:2; 19:9, 23; 22:4; 24:22) Sa kanila, ang batas ng Kristo ay inilarawan sa buhay ng Kristo. Ang pagtulad kay Jesus ay siyang pagsunod sa batas na ito. Ang kanilang marubdob na pag-ibig sa kaniya ay nangangahulugan na ang batas na ito ay talaga ngang nakasulat sa kanilang puso, gaya ng inihula. (Jeremias 31:33; 1 Pedro 4:8) At ang isa na sumusunod udyok ng pag-ibig ay hindi kailanman nabibigatan—isa pang dahilan kung bakit ang batas ng Kristo ay matatawag na ang “batas ng isang malayang bayan.”
9. Ano ang pinakadiwa ng batas ng Kristo, at sa anong paraan na sa batas na ito ay nasasangkot ang isang bagong utos?
9 Kung mahalaga ang pag-ibig sa Batas Mosaiko, iyon ang pinakadiwa ng Kristiyanong batas. Sa gayo’y kalakip sa batas ng Kristo ang isang bagong utos—ang mga Kristiyano ay dapat na magtaglay ng mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa. Dapat silang umibig kagaya ng pag-ibig ni Jesus; kusa niyang inialay ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. (Juan 13:34, 35; 15:13) Kaya angkop na sabihing ang batas ng Kristo ay isang lalong matayog na kapahayagan ng teokrasya kaysa sa ginampanan ng Batas ni Moises. Gaya ng naunang binanggit ng babasahing ito: “Ang teokrasya ay pamamahala ng Diyos; ang Diyos ay pag-ibig; samakatuwid ang teokrasya ay pamamahala sa pamamagitan ng pag-ibig.”
Si Jesus at ang mga Fariseo
10. Paano naiiba ang pagtuturo ni Jesus sa pagtuturo ng mga Fariseo?
10 Hindi nakapagtataka, kung gayon, na sinalungat ni Jesus ang mga Judiong pinuno ng relihiyon noong kaniyang kaarawan. Ang “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan” ay malayung-malayo sa isip ng mga eskriba at mga Fariseo. Sinikap nilang supilin ang mga tao sa pamamagitan ng gawang-taong mga regulasyon. Naging mapaniil, mapanghatol, negatibo ang kanilang pagtuturo. Malaking kaibahan naman, ang pagtuturo ni Jesus ay lubhang nakapagpapatibay at positibo! Siya ay praktikal at humarap sa tunay na mga pangangailangan at álalahanín ng mga tao. Nagturo siya sa simpleng paraan at may taimtim na damdamin, na gumagamit ng mga ilustrasyon buhat sa pang-araw-araw na pamumuhay at taglay ang awtoridad ng Salita ng Diyos. Kaya naman, “namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Oo, naabot ng pagtuturo ni Jesus ang kanilang puso!
11. Paano ipinakita ni Jesus na ang Batas Mosaiko ay dapat sanang ikinapit nang may pagkamakatuwiran at awa?
11 Sa halip na dagdagan ng higit pang mga regulasyon ang Batas Mosaiko, ipinakita ni Jesus kung paano sana ikinakapit ng mga Judio ang Batas na iyan—nang may pagkamakatuwiran at awa. Halimbawa, gunitain ang isang pagkakataon nang siya’y lapitan ng isang babaing inaagasan ng dugo. Ayon sa Batas Mosaiko, sinumang hipuin niya ay magiging marumi, kaya hindi siya dapat na makihalubilo sa karamihan ng tao! (Levitico 15:25-27) Subalit gayon na lamang ang kaniyang pagnanais na gumaling anupat sumingit siya sa pulutong at hinipo ang panlabas na kasuutan ni Jesus. Karaka-rakang huminto ang pagdurugo. Pinagalitan ba niya siya sa paglabag sa Batas? Hindi; sa halip, naunawaan niya ang kaniyang kalunus-lunos na kalagayan at ipinamalas niya ang pinakadakilang simulain ng Batas—ang pag-ibig. Buong pagdamay na sinabi niya sa kaniya: “Anak na babae, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Humayo ka sa kapayapaan, at mapasa-mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.”—Marcos 5:25-34.
Maluwag ba ang Batas ng Kristo?
12. (a) Bakit hindi natin dapat isipin na si Kristo ay maluwag? (b) Ano ang nagpapakita na ang paglikha ng maraming batas ay humahantong sa paglikha ng maraming lusot?
12 Kung gayon, dapat ba nating isipin na dahil sa ang batas ng Kristo ay “nauukol sa kalayaan,” iyon ay maluwag, samantalang ang mga Fariseo, lakip ang lahat ng kanilang bibigang tradisyon, sa paano man ay nakapigil sa mga tao sa isang istriktong paggawi? Hindi. Madalas na ipinakikita ng mga sistema ng batas sa ngayon na habang mas marami ang batas, mas maraming lusot na natatagpuan ang mga tao sa mga ito.a Noong kaarawan ni Jesus ang pagkarami-raming alituntunin ng mga Fariseo ay nag-udyok sa paghahanap ng mga lusot, sa walang-siglang pagtupad sa mga gawang salat sa pag-ibig, at sa paglinang ng mapagmatuwid-sa-sariling anyo upang ikubli ang kabulukan sa loob.—Mateo 23:23, 24.
13. Bakit nagbubunga ang batas ng Kristo ng lalong mataas na pamantayan sa paggawi kaysa sa anumang nasusulat na kodigo ng mga batas?
13 Sa kabaligtaran, ang batas ng Kristo ay hindi nagtuturo ng gayong saloobin. Sa katunayan, ang pagsunod sa isang batas na salig sa pag-ibig kay Jehova at sinusunod sa pamamagitan ng pagtulad sa mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig ni Kristo para sa iba ay nagbubunga ng lalong mataas na pamantayan ng paggawi kaysa sa pagsunod sa isang pormal na kodigo ng batas. Ang pag-ibig ay hindi humahanap ng lusot; hinahadlangan tayo nito sa paggawa ng nakapipinsalang mga bagay na maaaring hindi malinaw na ipinagbabawal ng isang kodigo ng batas. (Tingnan ang Mateo 5:27, 28.) Kaya naman, pakikilusin tayo ng batas ng Kristo na gumawa ng mga bagay para sa iba—maging bukas-palad, mapagpatuloy, at maibigin—sa mga paraang hindi tayo mauudyukang gawin ng pormal na batas.—Gawa 20:35; 2 Corinto 9:7; Hebreo 13:16.
14. Ano ang naging epekto sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano ng pamumuhay ayon sa batas ng Kristo?
14 Hangga’t ang mga miyembro nito ay namumuhay ayon sa batas ng Kristo, ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay nagtatamasa ng magiliw at maibiging kapaligiran, talagang malaya sa mahigpit, mapanghatol, at mapagpaimbabaw na saloobin na kitang-kita sa mga sinagoga nang panahong iyon. Tiyak na nadarama ng mga miyembro ng mga bagong kongregasyong ito na sila ay namumuhay ayon sa “batas ng isang malayang bayan”!
15. Ano ang ilan sa naunang pagsisikap ni Satanas na pasamain ang kongregasyong Kristiyano?
15 Gayunman, desidido si Satanas na sirain ang kongregasyong Kristiyano mula sa loob, kung paanong pinasamâ niya ang bansang Israel. Nagbabala si apostol Pablo tungkol sa mga taong tulad-lobo na “magsasalita ng pilipit na mga bagay” at maniniil sa kawan ng Diyos. (Gawa 20:29, 30) Kinailangan niyang makipagpunyagi sa mga Judio, na nagsikap na ang relatibong kalayaan ng batas ng Kristo ay palitan ng pagkaalipin sa Batas Mosaiko, na natupad na kay Kristo. (Mateo 5:17; Gawa 15:1; Roma 10:4) Pagkamatay ng huling apostol, wala nang pumipigil sa gayong apostasya. Kaya naging palasak ang katiwalian.—2 Tesalonica 2:6, 7.
Pinasásamâ ng Sangkakristiyanuhan ang Batas ng Kristo
16, 17. (a) Anu-ano ang anyo ng katiwalian sa Sangkakristiyanuhan? (b) Paanong ang mga batas ng Simbahang Katoliko ay nagtaguyod ng pilipit na pangmalas sa sekso?
16 Gaya sa Judaismo, maraming anyo ng katiwalian sa Sangkakristiyanuhan. Siya rin naman ay nasilo sa mga maling doktrina at mahalay na asal. At madalas na mapatunayang nakasisira sa nalalabing bakas ng dalisay na pagsamba ang kaniyang mga pagsisikap na ipagsanggalang ang kaniyang kawan laban sa mga impluwensiya buhat sa labas. Laganap ang mahigpit at di-maka-Kasulatang mga batas.
17 Nangunguna ang Simbahang Katoliko sa paglikha ng malalaking kalipunan ng mga batas ng simbahan. Lalo nang pilipit ang mga batas na ito sa mga bagay hinggil sa sekso. Ayon sa aklat na Sexuality and Catholicism, tinanggap ng simbahan ang Griegong pilosopiya ng Stoisismo, na naghihinala sa lahat ng anyo ng kasiyahan. Itinuro ng simbahan na lahat ng seksuwal na kasiyahan, kasali na yaong sa normal na relasyong pangmag-asawa, ay makasalanan. (Ihambing ang Kawikaan 5:18, 19.) Inangkin na ang sekso ay ukol lamang sa pagluluwal ng supling, wala nang iba. Kaya hinahatulan ng batas ng simbahan ang anumang anyo ng pagpipigil sa pag-aanak bilang isang napakalaking kasalanan, kung minsa’y nangangailangan ng maraming taon ng pagpapakasakit. Isa pa, ang mga pari ay hindi pinapayagang mag-asawa, isang utos na siyang sanhi ng pagdami ng bawal na sekso, kasali na ang pang-aabuso sa mga bata.—1 Timoteo 4:1-3.
18. Ano ang ibinunga ng pagpaparami ng mga batas ng simbahan?
18 Habang dumarami ang mga batas ng simbahan, ang mga ito ay tinipon sa mga aklat. Pinalabo at pinalitan ng mga ito ang Bibliya. (Ihambing ang Mateo 15:3, 9.) Tulad sa Judaismo, di-nagtiwala ang Katolisismo sa sekular na mga kasulatan at itinuring na mapanganib ang karamihan sa mga ito. Di-nagtagal at ang pangmalas na ito ay lumampas pa sa makatuwirang babala ng Bibliya hinggil sa bagay na ito. (Eclesiastes 12:12; Colosas 2:8) Ganito ang ibinulalas ni Jerome, isang manunulat ng simbahan noong ikaapat na siglo C.E.: “O Panginoon, kung magtataglay akong muli ng makasanlibutang mga aklat o babasahin ang mga ito, aking ipinagkaila kayo.” Nang maglaon, isinagawa ng simbahan ang pagsusuri sa mga aklat—kahit na yaong tungkol sa mga paksang sekular. Kaya binatikos ang ika-17-siglong astronomo na si Galileo dahil sa pagsulat na ang lupa ay umiikot sa araw. Ang pagpupumilit ng simbahan na maging pangwakas na awtoridad sa lahat ng bagay—maging sa mga tanong tungkol sa astronomiya—ay naging sanhi ng paghina ng pananampalataya sa Bibliya nang dakong huli.
19. Paano itinaguyod ng mga monasteryo ang mahigpit na awtoritarianismo?
19 Ang paggawa ng simbahan ng mga batas ay yumabong sa mga monasteryo, kung saan inihiwalay ng mga monghe ang kanilang sarili buhat sa sanlibutang ito upang mamuhay nang may pagkakait sa sarili. Sinunod ng maraming Katolikong monasteryo “Ang Alituntunin ni St. Benedict.” Ang “abbot” (isang termino na galing sa Aramaikong salita para sa “ama”) ay namahala nang may ganap na awtoridad. (Ihambing ang Mateo 23:9.) Kung ang isang monghe ay nakatanggap ng regalo mula sa kaniyang mga magulang, magpapasiya ang abbot kung ang mongheng iyon o ang iba ang dapat na tumanggap niyaon. Bukod sa pagkondena sa kalaswaan, isang alituntunin ang nagbabawal sa lahat ng kuwento at biro, anupat nagsabi: “Walang alagad ang dapat magsalita ng gayong mga bagay.”
20. Ano ang nagpapakita na ang Protestantismo ay napatunayang dalubhasa rin sa pagtataguyod ng di-maka-Kasulatang awtoritarianismo?
20 Di-nagtagal at ang Protestantismo, na nagsikap baguhin ang di-maka-Kasulatang kalabisan ng Katolisismo, ay naging dalubhasa rin sa paggawa ng mapaniil na mga alituntunin na walang saligan sa batas ng Kristo. Halimbawa, ang pangunahing repormador na si John Calvin ay tinaguriang “lehislador ng binagong Simbahan.” Pinamahalaan niya ang Geneva sa pamamagitan ng napakaraming mahihigpit na alituntunin na ipinatutupad ng “Matatanda” na ang “katungkulan,” sabi ni Calvin, “ay ang mangasiwa sa buhay ng bawat isa.” (Ihambing ang 2 Corinto 1:24.) Kontrolado ng simbahan ang mga bahay-tuluyan at itinakda kung anong mga paksa ang maaaring pag-usapan. May mabibigat na parusa sa mga paglabag tulad ng pag-awit ng mahalay na mga kanta o pagsasayaw.b
Matuto Buhat sa mga Pagkakamali ng Sangkakristiyanuhan
21. Ano ang naging pangkalahatang epekto ng hilig ng Sangkakristiyanuhan na ‘humigit sa mga bagay na nasusulat’?
21 Ipinagsanggalang ba ng lahat ng alituntunin at batas na ito ang Sangkakristiyanuhan laban sa katiwalian? Kabaligtaran ang nangyari! Ang Sangkakristiyanuhan sa ngayon ay nagkawatak-watak tungo sa daan-daang sekta, mula sa lubhang istrikto hanggang sa napakaluwag. Lahat ng mga ito, sa paano man, ay ‘humigit sa mga bagay na nasusulat,’ anupat hinayaang ang pag-iisip ng tao ang siyang umugit sa kawan at humadlang sa batas ng Diyos.—1 Corinto 4:6.
22. Bakit ang pagtalikod ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng batas ng Kristo?
22 Gayunpaman, ang kasaysayan ng batas ng Kristo ay hindi naging isang trahedya. Hindi kailanman pahihintulutan ng Diyos na Jehova na burahin ng hamak na mga tao ang batas ng Diyos. Umiiral ang Kristiyanong batas ngayon sa gitna ng mga tunay na Kristiyano, at ang mga ito ay may malaking pribilehiyo ng pamumuhay ayon dito. Subalit pagkatapos na suriin ang ginawa ng Judaismo at Sangkakristiyanuhan sa batas ng Diyos, angkop lamang na itanong natin, ‘Paano tayo namumuhay ayon sa batas ng Kristo samantalang iniiwasan ang silo na mahaluan ang Salita ng Diyos ng pangangatuwiran at mga alituntunin ng tao na siyang sumisira sa pinakadiwa ng batas ng Diyos? Anong timbang na pangmalas ang dapat na ikintal sa atin ngayon ng batas ng Kristo? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Mga talababa]
a Ang mga Fariseo ang pangunahin nang responsable sa anyo ng Judaismo na umiiral sa ngayon, kaya hindi nakapagtataka na humahanap pa rin ang Judaismo ng lusot sa napakaraming restriksiyon na idinagdag nito sa Sabbath. Halimbawa, masusumpungan ng isang panauhin sa isang Judiong ortodoksong ospital na kapag Sabbath ang mga elebeytor ay awtomatikong humihinto sa bawat palapag upang maiwasan ng mga pasahero ang makasalanang “gawa” ng pagdiin sa buton ng elebeytor. Kapag sumusulat ng reseta, ang ilang ortodoksong doktor ay gumagamit ng tintang nabubura pagkalipas ng ilang araw. Bakit? Inuuri ng Mishnah ang pagsulat bilang “trabaho,” ngunit binibigyang-katuturan nito ang “pagsulat” na nag-iiwan ng namamalaging marka.
b Si Servetus, na nagpabulaan sa ilang teolohikal na pananaw ni Calvin, ay sinunog sa tulos bilang isang erehe.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang pinakadiwa ng batas ng Kristo?
◻ Paanong ang istilo ng pagtuturo ni Jesus ay naiiba sa istilo ng mga Fariseo?
◻ Paano ginamit ni Satanas ang mahigpit na hilig na gumawa ng mga alituntunin upang pasamain ang Sangkakristiyanuhan?
◻ Ano ang ilang positibong epekto ng pamumuhay ayon sa batas ng Kristo?
[Larawan sa pahina 16]
May pagkamakatuwiran at maawaing ikinapit ni Jesus ang Batas Mosaiko