Ano ang Isinisiwalat ng Salamin?
TUMINGIN ka sa isang salamin. Ano ang nakikita mo? Kung minsan, ang isang sulyap sa salamin ay nagsisiwalat ng isang kahiya-hiyang kapintasan sa iyong hitsura na nalulugod mong ituwid bago mapansin iyon ng iba.
Ang Bibliya ay katulad na katulad ng isang salamin. Matutulungan tayo nito na magkaroon ng tapat na pagkilala sa ating sarili, na pipigil sa atin sa pag-iisip nang labis-labis—o pagkaliit-liit—tungkol sa ating halaga sa paningin ng Diyos. (Mateo 10:29-31; Roma 12:3) Isa pa, maisisiwalat ng Bibliya ang mga kamalian sa ating pananalita, mga gawa, o saloobin na kailangan nating ituwid. Kapag ganito ang nangyari, ipagwawalang bahala mo ba ang isinisiwalat ng salamin?
Ganito ang sabi ng manunulat sa Bibliya na si Santiago: “Kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad-agad nalilimutan kung anong uri siya ng tao.”—Santiago 1:23, 24.
Sa kabaligtaran, inilalarawan naman ni Santiago ang isa pang tao, siya “na nagmamasid sa sakdal na batas na nauukol sa kalayaan at nagpapatuloy rito.” (Santiago 1:25) Ang salitang Griego na isinaling “nagmamasid” ay nangangahulugan na lumapit na maigi o yumuko upang tingnan. “Higit pa kaysa sa isang sulyap ang pinag-uusapan,” ang sabi ng Theological Dictionary of the New Testament. Ang salita ay nagpapahiwatig ng maingat na paghahanap para sa isang natatagong bagay. “May isang bagay na mahalaga na nais na makita ng nagmamasid, bagaman mahirap sa kaniya na makita ito at masakyan agad ang kahulugan nito,” ang isinulat ng komentarista sa Bibliya na si R. V. G. Tasker.
Iyo bang susuriin kung gayon ang iyong sarili sa salamin ng Salita ng Diyos at pagkatapos ay susundin ang kahilingan nito? Nagpapatuloy si Santiago: “Ang taong ito, sa dahilang siya ay naging, hindi isang tagapakinig na malilimutin, kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”—Santiago 1:25.