Matapat na Naglilingkod kay Kristo na Hari
“Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.”—DANIEL 7:14.
1, 2. Paano natin nalaman na hindi pa lubusang natatanggap ni Kristo ang kapangyarihan ng Kaharian noong 33 C.E.?
SINONG tagapamahala ang makapagbubuwis ng kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga sakop subalit mabubuhay-muli upang mamahala bilang hari? Sinong hari ang kayang mabuhay sa lupa, makuha ang tiwala at katapatan ng kaniyang mga sakop, at pagkatapos ay mamahala mula sa langit? Ang tanging persona na makagagawa nito—at ng higit pa rito—ay si Jesu-Kristo. (Lucas 1:32, 33) Noong Pentecostes 33 C.E., pagkatapos mamatay, buhaying muli, at umakyat sa langit si Kristo, “ginawa [siya ng Diyos na] ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon.” (Efeso 1:20-22; Gawa 2:32-36) Sa gayon, nagsimulang mamahala si Kristo pero sa limitadong antas lamang. Ang kaniyang unang mga sakop ay ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na bumubuo sa espirituwal na Israel, ang “Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Colosas 1:13.
2 Pagkalipas ng halos 30 taon mula noong Pentecostes 33 C.E., pinatunayan ni apostol Pablo na hindi pa lubusang natatanggap ni Kristo ang kapangyarihan ng Kaharian, pero siya ay nasa “kanan ng Diyos, na mula noon ay naghihintay hanggang sa mailagay ang kaniyang mga kaaway bilang tuntungan para sa kaniyang mga paa.” (Hebreo 10:12, 13) At nang malapit nang matapos ang unang siglo C.E., patiunang nakita ng may-edad nang si apostol Juan sa isang pangitain na iniluluklok ng Soberano ng Sansinukob na si Jehova, si Kristo Jesus bilang Hari ng katatatag na makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 11:15; 12:1-5) Mula sa ating punto de vista sa kasaysayan, maaari nating repasuhin ang di-mapag-aalinlanganang ebidensiya na nagpapatotoong si Kristo ay nagsimulang mamahala bilang Mesiyanikong Hari sa langit noong 1914.a
3. (a) Anong bagong aspekto ang nailakip sa mabuting balita ng Kaharian mula noong 1914? (b) Anu-ano ang maaari nating itanong sa ating sarili?
3 Oo, mula noong 1914, isang bagong kapana-panabik na aspekto ang nailakip sa mabuting balita ng Kaharian. Aktibo nang namamahala si Kristo bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, bagaman “sa gitna ng [kaniyang] mga kaaway.” (Awit 110:1, 2; Mateo 24:14; Apocalipsis 12:7-12) Bukod diyan, sa buong lupa, ang kaniyang matapat na mga sakop ay may-pananabik na tumutugon sa kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pinakamalawak na pangglobong programa ng pagtuturo sa Bibliya sa buong kasaysayan ng tao. (Daniel 7:13, 14; Mateo 28:18) Ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, “mga anak ng kaharian,” ay nagsisilbing “mga embahador na humahalili para kay Kristo.” Sila ay matapat na sinusuportahan ng lumalaking pulutong ng “ibang mga tupa” ni Kristo, na nagsisilbing mga sugo ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 13:38; 2 Corinto 5:20; Juan 10:16) Magkagayunman, kailangan nating suriin kung tayo ba bilang mga indibiduwal ay talagang nagpapasakop sa awtoridad ni Kristo. Tayo ba ay may di-nagmamaliw na katapatan sa kaniya? Paano natin maipakikita ang pagkamatapat sa isang Haring namamahala sa langit? Talakayin muna natin ang mga dahilan kung bakit tayo dapat maging matapat kay Kristo.
Isang Hari na Nag-uudyok ng Pagkamatapat
4. Ano ang naisakatuparan ni Jesus bilang Haring Itinalaga noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa?
4 Ang ating pagkamatapat kay Kristo ay nakasalig sa pagpapahalaga natin sa ginawa niya gayundin sa kaniyang namumukod-tanging mga katangian. (1 Pedro 1:8) Noong narito siya sa lupa, bilang Haring Itinalaga, ipinakita ni Jesus sa isang maliit na antas kung ano ang gagawin niya sa buong lupa kapag namahala na siya bilang Hari sa takdang panahon ng Diyos. Pinakain niya ang mga nagugutom. Pinagaling niya ang mga maysakit, bulag, may-kapansanan, bingi, at mga pipi. Binuhay pa nga niya ang ilang namatay na indibiduwal. (Mateo 15:30, 31; Lucas 7:11-16; Juan 6:5-13) Karagdagan pa, kapag pinag-aaralan natin ang buhay ni Jesus sa lupa, natututuhan natin ang kaniyang mga katangian bilang Tagapamahala ng lupa sa hinaharap—partikular na ang kaniyang mapagsakripisyong pag-ibig. (Marcos 1:40-45) May kaugnayan dito, iniulat na sinabi ni Napoléon Bonaparte: “Ako, si Alejandro, Cesar, at Carlomagno ay nakapagtatag ng mga imperyo, pero paano namin nagawa ang dakilang mga bagay na ito? Gumamit kami ng dahas. Tanging si Jesu-Kristo ang nagtatag ng kaniyang kaharian sa pamamagitan ng pag-ibig, at hanggang ngayon, milyun-milyon ang handang mamatay para sa kaniya.”
5. Bakit lubhang kaakit-akit ang personalidad ni Jesus?
5 Yamang mahinahong-loob si Jesus at mababa ang puso, ang mga nabibigatan dahil sa mga panggigipit at pasanin ay naginhawahan sa kaniyang nakapagpapatibay na mga turo at kabaitan. (Mateo 11:28-30) Palagay ang loob ng mga bata sa kaniya. Ang mga mapagpakumbaba at may unawa ay nanabik na maging mga alagad niya. (Mateo 4:18-22; Marcos 10:13-16) Dahil sa kaniyang pagiging mapagmalasakit at magalang, naging matapat sa kaniya ang mga babaing may takot sa Diyos, at marami sa mga ito ang naglaan ng kanilang panahon, lakas, at materyal na mga ari-arian upang asikasuhin ang kaniyang mga pangangailangan habang isinasagawa niya ang kaniyang ministeryo.—Lucas 8:1-3.
6. Anong magiliw na mga damdamin ang ipinakita ni Jesus nang mamatay si Lazaro?
6 Ipinakita ni Kristo ang ilan sa pinakamagiliw niyang damdamin nang mamatay ang kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro. Lubha siyang naantig sa pagdadalamhati nina Maria at Marta kaya hindi niya napigilang dumaing, at “lumuha” siya. “Nabagabag” siya dahil sa matinding pighati at kalungkutan, bagaman alam niyang di-magtatagal, bubuhayin niyang muli si Lazaro. Pagkatapos, yamang napakilos ng pag-ibig at pagkamahabagin, ginamit ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na awtoridad at binuhay-muli si Lazaro.—Juan 11:11-15, 33-35, 38-44.
7. Bakit karapat-dapat si Jesus sa ating pagkamatapat? (Tingnan din ang kahon sa pahina 31.)
7 Nakadarama tayo ng pagpipitagan kay Jesus dahil sa kaniyang masidhing pag-ibig para sa tama at sa kaniyang matinding galit sa pagpapaimbabaw at kasamaan. Dalawang beses siyang kumilos nang may katapangan upang palayasin sa templo ang sakim na mga negosyante. (Mateo 21:12, 13; Juan 2:14-17) Karagdagan pa, bilang tao sa lupa, nahantad siya sa lahat ng uri ng mahihirap na kalagayan, at naranasan niya mismo ang mga panggigipit at mga problemang kinakaharap natin. (Hebreo 5:7-9) Naging biktima rin si Jesus ng matinding galit ng iba at ng kawalang-katarungan. (Juan 5:15-18; 11:53, 54; 18:38–19:16) Sa dakong huli, lakas-loob niyang hinarap ang malupit na kamatayan upang maisakatuparan ang kalooban ng kaniyang Ama at maipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa kaniyang mga nasasakupan. (Juan 3:16) Hindi ka ba napakikilos ng gayong mga katangian ni Kristo na patuloy na maglingkod sa kaniya nang matapat? (Hebreo 13:8; Apocalipsis 5:6-10) Pero ano ba ang hinihiling sa isa upang maging sakop ni Kristo na Hari?
Mga Kuwalipikasyon Upang Maging Sakop ni Kristo na Hari
8. Ano ang hinihiling sa mga sakop ni Kristo?
8 Isipin ang paghahambing na ito: Upang maging mamamayan ng ibang bansa, karaniwan nang kailangang maabot ang ilang pangunahing kuwalipikasyon. Maaaring hinihiling sa mga nagnanais na maging mamamayan doon ang mainam na reputasyon at na kailangan nilang matugunan ang ilang pamantayan sa kalusugan. Sa katulad na paraan, kailangang panatilihin ng mga sakop ni Kristo ang mataas na pamantayan sa moral at mabuting espirituwal na kalusugan.—1 Corinto 6:9-11; Galacia 5:19-23.
9. Paano natin maipakikita na matapat tayo kay Kristo?
9 Angkop ding hilingin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga sakop na maging matapat sila sa kaniya at sa kaniyang Kaharian. Ipinakikita nila ang gayong pagkamatapat sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng itinuro niya noong siya ay nasa lupa bilang Haring Itinalaga. Halimbawa, mas inuuna nila ang mga kapakanan ng Kaharian at ang kalooban ng Diyos kaysa sa pagtataguyod ng materyal na mga bagay. (Mateo 6:31-34) Dibdiban din nilang sinisikap na ipakita ang tulad-Kristong personalidad, kahit sa pinakamahihirap na kalagayan. (1 Pedro 2:21-23) Karagdagan pa, sinusunod ng mga sakop ni Kristo ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng pagkukusang gumawa ng mabuti sa iba.—Mateo 7:12; Juan 13:3-17.
10. Paano maipakikita ang pagkamatapat kay Kristo sa (a) pamilya at sa (b) kongregasyon?
10 Naipakikita rin ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang pagkamatapat sa kaniya sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniyang mga katangian sa pakikitungo nila sa kanilang pamilya. Halimbawa, ipinakikita ng mga asawang lalaki ang pagkamatapat sa kanilang makalangit na Hari sa pamamagitan ng tulad-Kristong pakikitungo sa kanilang asawa at mga anak. (Efeso 5:25, 28-30; 6:4; 1 Pedro 3:7) Ipinakikita naman ng mga asawang babae ang pagkamatapat kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang malinis na paggawi at “tahimik at mahinahong espiritu.” (1 Pedro 3:1-4; Efeso 5:22-24) Matapat kay Kristo ang mga anak kapag sinusunod nila ang kaniyang halimbawa ng pagkamasunurin. Noong siya’y bata, nagpasakop si Jesus sa kaniyang mga magulang, kahit na hindi sila sakdal. (Lucas 2:51, 52; Efeso 6:1) Matapat na sinisikap ng mga sakop ni Kristo na tularan siya sa pamamagitan ng “pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid” at sa pagiging “mahabagin na may paggiliw.” Sinisikap nilang maging kagaya ni Kristo na “mapagpakumbaba sa pag-iisip, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait.”—1 Pedro 3:8, 9; 1 Corinto 11:1.
Mga Sakop na Masunurin sa Kaniyang mga Kautusan
11. Anu-anong kautusan ang sinusunod ng mga sakop ni Kristo?
11 Kung paanong ang mga nagnanais maging mga mamamayan ng isang bansa ay sumusunod sa mga batas ng kanilang bagong lupain, sinusunod ng mga sakop ni Kristo ang “kautusan ng Kristo” sa pamamagitan ng pamumuhay alinsunod sa lahat ng itinuro at iniutos ni Jesus. (Galacia 6:2) Namumuhay sila nang matapat, partikular na, sa “makaharing kautusan” ng pag-ibig. (Santiago 2:8) Ano ang nasasangkot sa mga kautusang ito?
12, 13. Paano tayo matapat na nagpapasakop sa “kautusan ng Kristo”?
12 Hindi sakdal ang mga sakop ni Kristo at nagkakasala rin sila. (Roma 3:23) Kaya kailangan nilang patuloy na linangin ang “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid” upang “ibigin . . . ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” (1 Pedro 1:22) “Kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba,” matapat na sinusunod ng mga Kristiyano ang kautusan ng Kristo sa pamamagitan ng ‘pagtitiis sa isa’t isa at lubusang pagpapatawad sa isa’t isa.’ Ang pagsunod sa kautusang ito ay tumutulong sa kanila na patuloy na palampasin ang mga di-kasakdalan at humanap ng mga dahilan upang ibigin ang isa’t isa. Hindi ka ba nagpapasalamat na kabilang ka sa mga taong dinaramtan ang kanilang sarili ng pag-ibig, ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa,” bilang matapat na pagpapasakop sa ating maibiging Hari?—Colosas 3:13, 14.
13 Karagdagan pa, ipinaliwanag ni Jesus na ang pag-ibig na ipinakita niya ay higit pa sa pag-ibig na karaniwang ipinakikita ng mga tao sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Kung ang mga umiibig lamang sa atin ang iibigin natin, hindi ito “pambihirang bagay.” Sa gayon, kulang at hindi ganap ang ating pag-ibig. Hinihimok tayo ni Jesus na tularan ang pag-ibig ng kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pag-ibig na salig sa simulain maging sa mga kaaway na matindi ang galit at umuusig sa atin. (Mateo 5:46-48) Dahil din sa pag-ibig na ito, napakikilos ang mga sakop ng Kaharian na magmatiyaga at maging matapat sa kanilang pangunahing gawain. Ano iyon?
Sinusubok ang Pagkamatapat ng mga Sakop
14. Bakit napakahalaga ng gawaing pangangaral?
14 Sa ngayon, isinasakatuparan ng mga sakop ng Kaharian ng Diyos ang mahalagang gawain ng “lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.” (Gawa 28:23) Napakahalaga ng paggawa nito yamang ipagbabangong-puri ng Mesiyanikong Kaharian ang pansansinukob na soberanya ni Jehova. (1 Corinto 15:24-28) Kapag nangangaral tayo ng mabuting balita, ang mga nakikinig ay nagkakaroon ng pagkakataon na maging mga sakop ng Kaharian ng Diyos. Karagdagan pa, ang reaksiyon ng mga tao sa mensahe ay nagsisilbing batayan ni Kristo na Hari sa paghatol sa sangkatauhan. (Mateo 24:14; 2 Tesalonica 1:6-10) Kaya ang pangunahing paraan upang maipakita natin ang pagkamatapat kay Kristo ay sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang utos na sabihin sa iba ang hinggil sa Kaharian.—Mateo 28:18-20.
15. Bakit sinusubok ang pagkamatapat ng mga Kristiyano?
15 Sabihin pa, ginagawa ni Satanas ang lahat ng paraan upang salansangin ang gawaing pangangaral, at hindi kinikilala ng mga taong tagapamahala ang bigay-Diyos na awtoridad ni Kristo. (Awit 2:1-3, 6-8) Kaya binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Kaya naman, nasasangkot ang mga tagasunod ni Kristo sa isang espirituwal na pakikipagdigma na sumusubok sa kanilang pagkamatapat.—2 Corinto 10:3-5; Efeso 6:10-12.
16. Paano nagbabayad sa ‘Diyos ng mga bagay na sa Diyos’ ang mga sakop ng Kaharian?
16 Gayunpaman, nananatiling matapat ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos sa kanilang di-nakikitang Hari at kasabay nito, iginagalang nila ang mga taong tagapamahala. (Tito 3:1, 2) Sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:13-17) Kaya sinusunod ng mga sakop ni Kristo ang mga batas ng pamahalaan na hindi salungat sa mga kautusan ng Diyos. (Roma 13:1-7) Subalit nang salungatin ng mataas na hukuman ng mga Judio ang mga kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga alagad ni Jesus na huminto sa pangangaral, matatag ngunit may-paggalang nilang sinabi na kailangan nilang “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 1:8; 5:27-32.
17. Bakit lakas-loob nating mahaharap ang mga pagsubok sa ating pagkamatapat?
17 Siyempre pa, kailangan ng mga sakop ni Kristo ng higit na lakas ng loob upang makapanatiling tapat sa kanilang Hari sa harap ng pag-uusig. Gayunpaman, sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit.” (Mateo 5:11, 12) Naranasan ng sinaunang mga tagasunod ni Kristo ang katotohanan ng mga salitang iyan. Kahit na sila’y pinagpapalo dahil sa patuloy na pangangaral hinggil sa Kaharian, nagsaya sila “sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan. At bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:41, 42) Dapat kang papurihan, yamang ipinakikita mo ang gayunding espiritu ng pagkamatapat kapag binabata mo ang mahihirap na kalagayan, sakit, pangungulila, o pagsalansang.—Roma 5:3-5; Hebreo 13:6.
18. Ano ang ipinahihiwatig ng mga sinabi ni Jesus kay Poncio Pilato?
18 Noong Haring Itinalaga pa lamang si Jesus, ipinaliwanag niya sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Kaya naman, ang mga sakop ng makalangit na Kaharian ay hindi nakikipagdigma ni pumapanig man sa anumang labanan ng tao. Bilang pagpapakita ng katapatan sa “Prinsipe ng Kapayapaan,” lubusan silang nananatiling neutral sa mga gawain ng sanlibutan na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi.—Isaias 2:2-4; 9:6, 7.
Walang-Hanggang mga Gantimpala Para sa Matapat na mga Sakop
19. Bakit makapagtitiwala ang mga sakop ni Kristo na may magandang kinabukasang naghihintay sa kanila?
19 Nagtitiwala ang matapat na mga sakop ni Kristo, ang “Hari ng mga hari,” na may magandang kinabukasang naghihintay sa kanila. Nananabik silang makita ang nalalapit na pagtatanghal niya ng kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan bilang hari. (Apocalipsis 19:11–20:3; Mateo 24:30) Ang nalabi ng matapat at pinahiran-ng-espiritung “mga anak ng kaharian” ay umaasa sa kanilang walang-kasinghalagang mana bilang mga hari sa langit kasama ni Kristo. (Mateo 13:38; Lucas 12:32) Buong-pananabik namang hinihintay ng matapat na “ibang mga tupa” ni Kristo ang pagsang-ayon ng kanilang Hari kapag sinabi niya: “Halikayo, kayo na mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang [Paraiso sa lupa na sakop ng] kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” (Juan 10:16; Mateo 25:34) Alinsunod dito, maging determinado nawa ang lahat ng sakop ng Kaharian na patuloy na matapat na maglingkod kay Kristo na Hari.
[Talababa]
a Tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, “Bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag noong 1914?” pahina 340-3, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Bakit karapat-dapat si Kristo sa ating pagkamatapat?
• Paano ipinakikita ng mga sakop ni Kristo ang kanilang pagkamatapat sa kaniya?
• Bakit nais nating maging matapat kay Kristo na Hari?
[Kahon sa pahina 31]
IBA PANG NAMUMUKOD-TANGING MGA KATANGIAN NI KRISTO
Kawalang-pagtatangi—Juan 4:7-30.
Pagkamahabagin—Mateo 9:35-38; 12:18-21; Marcos 6:30-34.
Mapagsakripisyong pag-ibig—Juan 13:1; 15:12-15.
Pagkamatapat—Mateo 4:1-11; 28:20; Marcos 11:15-18.
Empatiya—Marcos 7:32-35; Lucas 7:11-15; Hebreo 4:15, 16.
Pagkamakatuwiran—Mateo 15:21-28.
[Larawan sa pahina 29]
Kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa isa’t isa, matapat tayong nagpapasakop sa “kautusan ng Kristo”
[Mga larawan sa pahina 31]
Napakikilos ka ba ng mga katangian ni Kristo na maglingkod sa kaniya nang matapat?