Pinakikilos Tayo ng Pananampalataya!
“Nakikita mo na ang pananampalataya [ni Abraham] ay gumawang kasama ng kaniyang mga gawa at sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa ay napasakdal ang kaniyang pananampalataya.”—SANTIAGO 2:22.
1, 2. Paano tayo kikilos kung tayo’y may pananampalataya?
MARAMI ang nagsasabi na sumasampalataya sila sa Diyos. Gayunman, ang basta pag-aangking may pananampalataya ay walang buhay gaya ng isang bangkay. “Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili,” ang isinulat ng alagad na si Santiago. Sinabi rin niya na ang may-takot-sa-Diyos na si Abraham ay may pananampalatayang “gumawang kasama ng kaniyang mga gawa.” (Santiago 2:17, 22) Ano ang kahulugan sa atin ng mga salitang ito?
2 Kung tayo ay may tunay na pananampalataya, hindi tayo basta maniniwala lamang sa napapakinggan natin sa mga pulong Kristiyano. Patutunayan natin ang ating pananampalataya dahil tayo’y mga aktibong Saksi ni Jehova. Oo, uudyukan tayo ng pananampalataya na ikapit sa ating buhay ang Salita ng Diyos at pakikilusin tayo.
Hindi Kasuwato ng Pananampalataya ang Paboritismo
3, 4. Paano dapat makaapekto ang pananampalataya sa paraan ng pakikitungo natin sa iba?
3 Kung taimtim tayong nananampalataya sa Diyos at kay Kristo, hindi tayo magpapakita ng paboritismo. (Santiago 2:1-4) Ang ilan sa mga sinulatan ni Santiago ay hindi nagpapamalas ng pagkawalang-kinikilingan na hinihiling sa tunay na mga Kristiyano. (Roma 2:11) Kaya naman, nagtanong si Santiago: “Hindi kayo nanghahawakan sa pananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang ating kaluwalhatian, na may mga gawa ng paboritismo, gayon nga ba?” Kung ang isang mayamang mananampalataya na may mga singsing na ginto at marilag na pananamit ay dumating sa pulong gayundin ang isang di-nananampalatayang “taong dukha naman na may maruming pananamit,” silang dalawa ay dapat sanang tanggapin nang maayos, ngunit pinakikitaan ng pantanging pansin ang mayaman. Sila’y pinauupo sa “isang mainam na dako,” samantalang ang dukhang di-nananampalataya ay sinabihang tumayo o kaya’y maupo sa sahig sa paanan ng iba.
4 Inilaan ni Jehova ang haing pantubos ni Jesu-Kristo kapuwa sa mayayaman at mga dukha. (2 Corinto 5:14) Samakatuwid, kung itatangi natin ang mayayaman, lumalayo tayo sa pananampalataya ni Kristo, na ‘nagpakadukha upang yumaman tayo sa pamamagitan ng kaniyang karalitaan.’ (2 Corinto 8:9) Huwag nating hatulan kailanman ang mga tao sa gayong paraan—taglay ang maling motibo ng pagpaparangal sa mga tao. Ang Diyos ay hindi nagtatangi, ngunit kung magpakita tayo ng pagtatangi, tayo ay ‘mag-uukol ng balakyot na mga pasiya.’ (Job 34:19) Taglay ang hangaring paluguran ang Diyos, tiyak na hindi tayo padadaig sa tukso na magpakita ng paboritismo o ‘humanga sa mga personalidad alang-alang sa ating sariling kapakinabangan.’—Judas 4, 16.
5. Sino ang pinili ng Diyos upang maging “mayaman sa pananampalataya,” at paano kadalasang kumikilos ang mayayaman sa materyal na paraan?
5 Ipinakilala ni Santiago ang totoong mayaman at ipinayo na magpakita ng pag-ibig sa lahat nang walang pagtatangi. (Santiago 2:5-9) ‘Pinili ng Diyos ang mga dukha upang maging mayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian.’ Gayon nga sapagkat ang mga dukha ay kadalasang mas tumutugon sa mabuting balita. (1 Corinto 1:26-29) Bilang isang grupo, ang mayayaman sa materyal ay nang-aapi sa iba may kinalaman sa mga utang, sahod, at legalidad. Nagsasalita sila ng masama tungkol kay Kristo at pinag-uusig tayo dahil taglay natin ang kaniyang pangalan. Ngunit maging kapasiyahan nawa natin na sundin “ang makaharing batas,” na humihiling ng pag-ibig sa kapuwa—anupat parehong maibigin sa mayayaman at mga dukha. (Levitico 19:18; Mateo 22:37-40) Yamang kahilingan ito ng Diyos, ang nagpapakita ng paboritismo ay “gumagawa ng kasalanan.”
‘Ang Awa ay Nagmamataas sa Hatol’
6. Paano tayo magiging mga manlalabag-batas kung hindi tayo nakikitungo nang may kaawaan sa iba?
6 Kung tayo’y walang-awang nagpapakita ng paboritismo, tayo ay mga manlalabag-batas. (Santiago 2:10-13) Sa paggawa ng maling hakbang sa ganitong paraan, nagiging manlalabag tayo laban sa lahat ng batas ng Diyos. Ang mga Israelitang hindi nangalunya ngunit mga magnanakaw ay naging mga manlalabag ng Batas Mosaiko. Bilang mga Kristiyano, hinahatulan tayo sa pamamagitan ng “batas ng isang malayang bayan”—ang espirituwal na Israel sa bagong tipan, anupat nagtataglay ng batas sa kanilang puso.—Jeremias 31:31-33.
7. Bakit hindi makaaasa ng awa mula sa Diyos yaong patuloy na nagpapakita ng paboritismo?
7 Kung inaangkin nating sumasampalataya tayo ngunit patuloy na nagpapakita ng paboritismo, nanganganib tayo. Hahatulan nang walang awa yaong mga di-maibigin at walang awa. (Mateo 7:1, 2) Sabi ni Santiago: “Ang awa ay matagumpay na nagmamataas sa hatol.” Kung tinatanggap natin ang patnubay ng banal na espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa sa lahat ng ating pakikitungo, hindi tayo mapapahamak kapag hinatulan tayo. Sa halip, tayo’y magkakamit ng awa at sa gayo’y magtatagumpay laban sa mahigpit na katarungan o masamang hatol.
Nagbubunga ng Maiinam na Gawa ang Pananampalataya
8. Ano ang situwasyon ng isang taong nagsasabing siya’y may pananampalataya ngunit walang mga gawa?
8 Bukod sa tayo’y nagiging maibigin at maawain, nagbubunga ng iba pang maiinam na gawa ang pananampalataya. (Santiago 2:14-26) Sabihin pa, hindi tayo ililigtas ng pag-aangking may pananampalataya na wala namang gawa. Totoo, hindi natin matatamo ang matuwid na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng mga gawa ng Batas. (Roma 4:2-5) Ang binabanggit ni Santiago ay mga gawang udyok, hindi ng isang kodigo ng batas, kundi ng pananampalataya at pag-ibig. Kung pinakikilos tayo ng gayong mga katangian, hindi tayo magsasalita lamang nang may kabaitan sa isang nagdarahop na kapananampalataya. Magbibigay tayo ng materyal na tulong sa isang hubad o nagugutom na kapatid. Nagtanong si Santiago: ‘Kung sasabihin ninyo sa isang nagdarahop na kapatid: “Humayo kayo sa kapayapaan, magpainit kayo at magpakabusog” ngunit hindi ninyo inilalaan ang mga pangangailangan, ano ngang pakinabang nito?’ Wala. (Job 31:16-22) Walang-buhay ang gayong “pananampalataya”!
9. Ano ang nagpapakita na tayo’y may pananampalataya?
9 Maaring sa isang antas ay nakikisama tayo sa bayan ng Diyos, ngunit tanging ang buong-pusong mga gawa lamang ang makapagpapatunay na tayo’y may pananampalataya. Mainam kung tayo’y tumatanggi sa doktrina ng Trinidad at naniniwala na may isang tunay na Diyos. Gayunman, hindi pananampalataya ang basta paniniwala lamang. “Ang mga demonyo ay naniniwala,” at sila’y buong-takot na “nangangatog” dahil kapuksaan ang naghihintay sa kanila. Kung talagang may pananampalataya tayo, pakikilusin tayo nito na magbunga ng mga gawa tulad ng pangangaral ng mabuting balita at paglalaan ng pagkain at pananamit sa nagdarahop na mga kapananampalataya. Nagtanong si Santiago: “Nais mo bang malaman, O taong hungkag [hindi puno ng tumpak na kaalaman sa Diyos], na ang pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ay di-aktibo?” Oo, ang pananampalataya ay humihiling ng pagkilos.
10. Bakit si Abraham ay tinawag na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya”?
10 Ang makadiyos na patriyarkang si Abraham ay pinakilos ng kaniyang pananampalataya. Bilang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya,” siya ay “ipinahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa pagkatapos na maihandog niya si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng altar.” (Roma 4:11, 12; Genesis 22:1-14) Paano kung hindi nanampalataya si Abraham na bubuhaying-muli ng Diyos si Isaac at tutuparin ang Kaniyang ipinangakong isang binhi sa pamamagitan niya? Kung gayo’y hindi kailanman tatangkaing ihandog ni Abraham ang kaniyang anak. (Hebreo 11:19) Dahil sa masunuring gawa ni Abraham kung kaya “napasakdal ang kaniyang pananampalataya,” o ito’y naging ganap. Kaya naman, “ang kasulatan [Genesis 15:6] ay natupad na nagsasabi: ‘Si Abraham ay naglagak ng pananampalataya kay Jehova, at ito ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.’ ” Ang ginawa ni Abraham na paghahandog kay Isaac ay nagpatunay sa naunang kapahayagan ng Diyos na si Abraham ay matuwid. Sa pamamagitan ng mga gawa ng pananampalataya, ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa gayo’y tinawag na “kaibigan ni Jehova.”
11. Anong katunayan ng pananampalataya ang makikita natin sa kalagayan ni Rahab?
11 Pinatunayan ni Abraham na “ang isang tao ay ipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.” Totoo rin ito kay Rahab, isang patutot sa Jerico. Siya ay “ipinahayag na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, pagkatapos niyang mapagpatuloy na tanggapin ang mga [Israelitang] mensahero at palabasin sila sa ibang daan” upang maiwasan ang kanilang mga Canaanitang kaaway. Bago nakilala ang mga Israelitang espiya, kinilala niya si Jehova bilang ang tunay na Diyos, at ang kaniyang sumunod na mga salita at pagtalikod sa pagpapatutot ay nagpatotoo sa kaniyang pananampalataya. (Josue 2:9-11; Hebreo 11:31) Pagkatapos ng ikalawang halimbawang ito ng pananampalatayang ipinakita sa pamamagitan ng mga gawa, sinabi ni Santiago: “Tunay nga, kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.” Kapag ang isang tao ay patay, walang kumikilos na puwersa, o “espiritu,” sa kaniya, at wala siyang anumang nagagawa. Ang basta pag-aangking may pananampalataya ay walang buhay at walang saysay tulad ng isang patay na katawan. Kung tunay ang ating pananampalataya, pakikilusin tayo nito sa makadiyos na gawa.
Supilin ang Dilang Iyan!
12. Ano ang dapat gawin ng matatanda sa kongregasyon?
12 Ang pagsasalita at pagtuturo ay maaari ring magpatunay ng pananampalataya, ngunit kailangan ang pagpipigil. (Santiago 3:1-4) Bilang mga guro sa kongregasyon, ang matatanda ay may mabigat na responsibilidad at malaking pananagutan sa Diyos. Kaya naman, dapat nilang mapagpakumbabang suriin ang kanilang mga motibo at kuwalipikasyon. Bukod sa kaalaman at kakayahan, ang mga lalaking ito ay dapat may malalim na pag-ibig sa Diyos at sa mga kapananampalataya. (Roma 12:3, 16; 1 Corinto 13:3, 4) Dapat ibatay ng matatanda sa Kasulatan ang kanilang payo. Kung magkamali ang isang matanda sa kaniyang pagtuturo at nagbunga ito ng suliranin para sa iba, siya ay hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Samakatuwid ay dapat na maging mapagpakumbaba at palaaral ang matatanda, anupat buong-katapatang sumusunod sa Salita ng Diyos.
13. Bakit tayo natitisod sa salita?
13 Maging ang mahuhusay na guro—sa katunayan, tayong lahat—“ay natitisod nang maraming ulit” dahil sa di-kasakdalan. Ang pagkatisod sa salita ay isa sa pinakamadalas at malamang na nakapipinsalang kahinaan. Sabi ni Santiago: “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahan na rendahan din ang kaniyang buong katawan.” Di-tulad ni Jesu-Kristo, hindi natin ganap na nasusupil ang ating dila. Kung nagagawa natin, masusupil natin ang iba pang sangkap ng ating katawan. Kung sa bagay, ang renda at bokado ay nagpapangyari na pumunta ang mga kabayo kung saan natin sila ipaling, at sa pamamagitan ng isang maliit na timon, maging ang isang malaking bangka na itinutulak ng malalakas na hangin ay maaaring ikiling kung saan nais ng timonero.
14. Paano idiniin ni Santiago ang pangangailangan na magsikap upang masupil ang dila?
14 Tayong lahat ay dapat umamin na malaking pagsisikap ang kailangan upang masupil ang dila. (Santiago 3:5-12) Kung ihahambing sa isang kabayo, ang renda ay maliit; gayundin ang timon kung ihahambing sa isang barko. At kapag inihambing sa katawan ng tao, maliit ang dila “gayunma’y gumagawa ng malalaking pagyayabang.” Yamang nililiwanag ng Kasulatan na di-nakalulugod sa Diyos ang paghahambog, humingi tayo ng kaniyang tulong upang maiwasan ito. (Awit 12:3, 4; 1 Corinto 4:7) Pigilin din sana natin ang ating dila kapag napukaw sa galit, anupat tandaan na isang tilamsik lamang ng apoy ang kailangan upang pagliyabin ang isang gubat. Gaya ng ipinakita ni Santiago, “ang dila ay isang apoy” na may kakayahang puminsala nang husto. (Kawikaan 18:21) Aba, ang isang di-masupil na dila “ay ibinibilang na isang sanlibutan ng kalikuan”! Ang bawat masamang katangian ng di-makadiyos na sanlibutang ito ay may kaugnayan sa di-masupil na dila. Ito ang may pananagutan sa nakapipinsalang mga bagay gaya ng paninirang-puri at bulaang turo. (Levitico 19:16; 2 Pedro 2:1) Ano sa palagay ninyo? Hindi ba dapat pakilusin tayo ng ating pananampalataya na magsumikap nang husto sa pagsupil sa ating dila?
15. Anong pinsala ang maaaring gawin ng di-masupil na dila?
15 ‘Tayo’y binabatikan’ nang lubusan ng isang di-masupil na dila. Halimbawa, kung nahuli tayong nagsisinungaling nang paulit-ulit, baka makilala tayo bilang mga sinungaling. Subalit paanong ‘sinisilaban ng di-masupil na dila ang gulong ng likas na buhay’? Sa pamamagitan ng paggawa sa buhay na maging gaya ng isang masamang siklo. Ang isang buong kongregasyon ay maaaring guluhin ng isang di-masupil na dila. Binanggit ni Santiago ang “Gehenna,” ang Libis ng Hinom. Palibhasa’y dating ginagamit sa paghahain ng mga bata, ito ay naging tambakan para sa pagsunog ng basura ng Jerusalem. (Jeremias 7:31) Kaya ang Gehenna ay isang sagisag ng pagkalipol. Sa diwa, ikinakapit ng Gehenna ang mapangwasak na kapangyarihan nito sa di-masupil na dila. Kung hindi natin rerendahan ang ating dila, baka tayo mismo ay maging biktima ng liyab na ating sinimulan. (Mateo 5:22) Baka matiwalag pa nga tayo sa kongregasyon dahil sa panlalait sa isang tao.—1 Corinto 5:11-13.
16. Dahil sa pinsalang magagawa ng di-masupil na dila, ano ang dapat nating gawin?
16 Gaya ng maaaring alam ninyo mula sa pagbabasa ng Salita ng Diyos, itinalaga ni Jehova na ang mga hayop ay dapat supilin ng tao. (Genesis 1:28) At ang lahat ng uri ng nilalang ay napapaamo. Halimbawa, ginagamit sa pangangaso ang mga sinanay na dumagat. Maaaring kasali sa ‘gumagapang na mga bagay’ na binanggit ni Santiago ang mga serpiyenteng sinusupil ng mga nagpapaamo ng ahas. (Awit 58:4, 5) Nasusupil ng tao maging ang mga balyena, ngunit bilang makasalanang mga tao ay hindi natin lubusang masusupil ang dila. Gayunpaman, dapat nating iwasang magsalita ng mga bagay na mapandusta, nakasasakit, o nakasisirang-puri. Ang isang di-masupil na dila ay maaaring maging isang mapanganib na kasangkapang puno ng nakamamatay na lason. (Roma 3:13) Nakalulungkot, itinalikod ng dila ng mga bulaang guro ang ilang unang Kristiyano palayo sa Diyos. Kaya huwag nating hayaan kailanman ang ating sarili na madaig ng nakalalasong kapahayagan ng mga apostata, maging iyon man ay sinalita o isinulat.—1 Timoteo 1:18-20; 2 Pedro 2:1-3.
17, 18. Anong pagkakasalungatan ang ipinakita sa Santiago 3:9-12, at ano ang dapat nating gawin hinggil dito?
17 Ang pananampalataya sa Diyos at ang hangaring palugdan siya ay makapagsasanggalang sa atin mula sa apostasya at makahahadlang sa atin sa magkasalungat na paggamit ng dila. Sa pagtukoy sa pagiging salungat ng ilan, sinabi ni Santiago na ‘sa pamamagitan ng dila ay pinapagpapala natin ang ating Ama, si Jehova, at isinusumpa ang mga tao na umiral sa wangis ng Diyos.’ (Genesis 1:26) Si Jehova ang ating Ama sa bagay na siya “ang nagbibigay sa lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:24, 25) Siya rin naman ang Ama ng pinahirang mga Kristiyano sa espirituwal na diwa. Tayong lahat ay nasa “wangis ng Diyos” kung tungkol sa mental at moral na mga katangian, kasali na ang pag-ibig, katarungan, at karunungan na nagtatangi sa atin mula sa mga hayop. Kaya, paano, kung gayon, tayo dapat kumilos kung sumasampalataya tayo kay Jehova?
18 Kung susumpain natin ang mga tao, nangangahulugan iyan na tayo’y makikiusap, o mananawagan, ng masama sa kanila. Yamang hindi tayo mga propetang kinasihan ng Diyos na awtorisadong manawagan ng masama kaninuman, ang gayong pananalita ay katunayan ng poot na magpapawalang-saysay ng ating pagbigkas ng pagpapala sa Diyos. Hindi angkop na lumabas mula sa iisang bibig ang kapuwa “pagpapala at pagsumpa.” (Lucas 6:27, 28; Roma 12:14, 17-21; Judas 9) Tunay ngang kasalanan na umawit ng mga papuri sa Diyos sa mga pulong at pagkaraan ay magsalita ng masama tungkol sa mga kapananampalataya! Kapuwa ang matamis at mapait na tubig ay hindi maaaring bumalong sa iisang bukal. Kung paanong “ang puno ng igos ay hindi makapagluluwal ng mga olibo o ang punong-ubas ng mga igos,” ang tubig-alat ay hindi makapaglalabas ng matamis na tubig. May mali sa espirituwal na paraan kung tayo, na dapat magsalita ng mabuti, ay patuloy na bumibigkas ng nakasasakit na mga salita. Kung nahirati tayo sa paggawa nito, manalangin tayo kay Jehova para sa tulong na huminto sa pagsasalita nang gayon.—Awit 39:1.
Kumilos Nang May Karunungan Mula sa Itaas
19. Kung tayo’y pinapatnubayan ng makalangit na karunungan, paano natin maaaring maapektuhan ang iba?
19 Tayong lahat ay nangangailangan ng karunungan upang masabi at magawa ang mga bagay na karapat-dapat para sa mga may pananampalataya. (Santiago 3:13-18) Kung tayo’y may mapitagang takot sa Diyos, pagkakalooban niya tayo ng makalangit na karunungan, ang kakayahang gamitin nang wasto ang kaalaman. (Kawikaan 9:10; Hebreo 5:14) Tinuturuan tayo ng kaniyang Salita kung paano ipamamalas ang “kahinahunan na nauukol sa karunungan.” At dahil sa tayo’y mahinahon, itinataguyod natin ang kapayapaan ng kongregasyon. (1 Corinto 8:1, 2) Sinumang nagyayabang tungkol sa pagiging mga dakilang guro sa mga kapananampalataya ay ‘nagsisinungaling laban sa Kristiyanong katotohanan,’ na humahatol sa kanilang egotismo. (Galacia 5:26) Ang kanilang “karunungan” ay “makalupa”—katangian ng makasalanang mga tao na hiwalay sa Diyos. Iyon ay “makahayop,” palibhasa’y bunga ng mga hilig ng laman. Aba, ito pa nga ay “makademonyo,” sapagkat mapagmapuri ang balakyot na mga espiritu! (1 Timoteo 3:6) Kaya naman kumilos tayo nang may karunungan at pagpapakumbaba upang hindi tayo makagawa ng anumang bagay na lilikha ng isang kapaligiran kung saan lalaganap ang ‘buktot na mga bagay’ gaya ng paninirang-puri at paboritismo.
20. Paano ninyo ilalarawan ang makalangit na karunungan?
20 “Ang karunungan mula sa itaas ay una sa lahat malinis,” anupat ginagawa tayong wagas sa moral at espirituwal na paraan. (2 Corinto 7:11) Ito ay “mapayapa,” na pinakikilos tayong magtaguyod ng kapayapaan. (Hebreo 12:14) Dahil sa makalangit na karunungan ay nagiging “makatuwiran” tayo, hindi dogmatiko at mahirap pakitunguhan. (Filipos 4:5) Ang karunungan mula sa itaas ay “handang sumunod,” nagtataguyod ng pagsunod sa banal na turo at pakikipagtulungan sa organisasyon ni Jehova. (Roma 6:17) Ang karunungan mula sa itaas ay nag-uudyok din sa atin na maging maawain at madamayin. (Judas 22, 23) Yamang puno ng “mabubuting bunga,” pinupukaw nito sa atin ang pagmamalasakit sa iba at pagkilos kasuwato ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. (Efeso 5:9) At bilang mga tagapamayapa, tinatamasa natin ang “bunga ng katuwiran” na sumusulong sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan.
21. Ayon sa Santiago 2:1–3:18, dapat tayong pakilusin ng ating pananampalataya sa Diyos na gawin ang ano?
21 Maliwanag, kung gayon, na pinakikilos tayo ng pananampalataya. Ito ay nag-uudyok sa atin na maging walang-kinikilingan, maawain, at aktibo sa maiinam na gawa. Tinutulungan tayo ng pananampalataya na supilin ang dila at kumilos nang may makalangit na karunungan. Ngunit hindi lamang iyan ang matututuhan natin sa liham na ito. May ipinayo pa si Santiago na makatutulong sa atin na kumilos sa paraang karapat-dapat sa mga may pananampalataya kay Jehova.
Paano Mo Sasagutin
◻ Ano ang mali sa pagpapakita ng paboritismo?
◻ Paano magkaugnay ang pananampalataya at gawa?
◻ Bakit gayon na lamang kahalaga na supilin ang dila?
◻ Paano mo ilalarawan ang makalangit na karunungan?