Biláng ni Jehova “ang Mismong mga Buhok ng Inyong Ulo”
“Walang isa man[g maya] ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat.”—MATEO 10:29, 30.
1, 2. (a) Bakit inakala ni Job na pinabayaan na siya ng Diyos? (b) Ang pananalita ba ni Job ay nangangahulugang masama ang loob niya kay Jehova? Ipaliwanag.
“DUMADAING ako sa iyo, O Dios, ngunit ayaw mong tumugon, tumindig ako, ngunit din man lang pinagmasdan. Walang awa mo akong hinarap; sinalakay mo ako sa pamamagitan ng lakas ng iyong kamay.” Ang lalaking nagbitiw ng mga salitang ito ay labis na naghihirap, at hindi nga ito kataka-taka! Nawala ang kaniyang kabuhayan, namatay ang kaniyang mga anak dahil sa isang kakaibang sakuna, at ngayon ay sinasalot siya ng isang karamdaman na unti-unting umuubos ng kaniyang lakas. Ang pangalan ng lalaking ito ay Job, at ang kaniyang kalunus-lunos na karanasan ay nakaulat sa Bibliya para sa ating kapakinabangan.—Job 30:20, 21, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
2 Sa tono ng pananalita ni Job, parang masama ang loob niya sa Diyos, subalit hindi naman. Inihahayag lamang ni Job ang pighating nadarama niya sa kaniyang puso. (Job 6:2, 3) Hindi niya alam na si Satanas ang dahilan ng mga pagsubok sa kaniya, kaya inakala niyang pinabayaan na siya ng Diyos. Sa isang pagkakataon, sinabi pa nga ni Job kay Jehova: “Bakit mo ikinukubli ang iyo mismong mukha at itinuturing akong kaaway mo?”a—Job 13:24.
3. Kapag dumaranas ng mga paghihirap, ano ang maaari nating maisip?
3 Sa ngayon, marami sa bayan ni Jehova ang patuloy na dumaranas ng paghihirap dahil sa mga digmaan, pulitikal o panlipunang mga kaguluhan, likas na mga sakuna, pagtanda, sakit, matinding karalitaan, at pagbabawal ng pamahalaan. Malamang na dumaranas ka rin ng mga pagsubok sa paanuman. Kung minsan, baka iniisip mong ikinukubli ni Jehova ang kaniyang mukha sa iyo. Alam na alam mo ang mga salita sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak.” Gayunman, kapag nagdurusa ka nang walang inaasahang ginhawa, baka magtanong ka: ‘Talaga kayang mahal ako ng Diyos? Napapansin kaya niya ang hirap na dinaranas ko? May malasakit kaya siya sa akin bilang indibiduwal?’
4. Anong kalagayan ang patuloy na binata ni Pablo, at sa anu-anong paraan maaaring makaapekto sa atin ang gayong kalagayan?
4 Tingnan natin ang nangyari kay apostol Pablo. “Ibinigay sa akin ang isang tinik sa laman, isang anghel ni Satanas, upang palaging sumampal sa akin,” isinulat niya, na idinaragdag: “Tatlong ulit akong namanhik sa Panginoon na maalis ito sa akin.” Narinig ni Jehova ang kaniyang mga pagsusumamo. Gayunman, ipinahiwatig niya kay Pablo na hindi siya makikialam sa pamamagitan ng paggawa ng makahimalang solusyon. Sa halip, kailangang umasa si Pablo sa kapangyarihan ng Diyos upang tulungan siyang makayanan ang kaniyang “tinik sa laman.”b (2 Corinto 12:7-9) Gaya ni Pablo, baka dumaranas ka rin ng isang namamalaging pagsubok. Marahil ay itatanong mo: ‘Dahil ba sa parang walang ginagawa si Jehova sa dinaranas kong pagsubok ay nangangahulugan nang hindi niya alam ang kalagayan ko o na hindi siya nagmamalasakit sa akin?’ Ang sagot ay isang matunog na hindi! Ang malaking malasakit ni Jehova sa bawat isa sa kaniyang tapat na mga lingkod ay pinatingkad ng sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol di-nagtagal matapos niya silang piliin. Tingnan natin kung paano tayo mapatitibay-loob sa ngayon ng kaniyang mga salita.
“Huwag Kayong Matakot”—Bakit?
5, 6. (a) Paano tinulungan ni Jesus ang mga apostol na huwag matakot sa mangyayari sa hinaharap? (b) Paano ipinakita ni Pablo ang pagtitiwalang nagmamalasakit sa kaniya si Jehova?
5 Tumanggap ng pambihirang kapangyarihan mula kay Jesus ang mga apostol, kalakip na ang “awtoridad sa maruruming espiritu, upang palayasin ang mga ito at upang pagalingin ang bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” Subalit hindi ito nangangahulugang ligtas na sila sa mga pagsubok at paghihirap. Sa kabaligtaran, detalyadong inilarawan ni Jesus ang ilang bagay na daranasin nila. Gayunman, hinimok niya sila: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.”—Mateo 10:1, 16-22, 28.
6 Upang tulungan ang kaniyang mga apostol na maunawaan kung bakit hindi sila kailangang matakot, nagbigay pa si Jesus ng dalawang ilustrasyon. Sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. Ngunit ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat. Kaya nga huwag kayong matakot: nagkakahalaga kayo nang higit kaysa sa maraming maya.” (Mateo 10:29-31) Pansinin na pinag-ugnay ni Jesus ang kawalan ng takot sa harap ng kapighatian at ang pagkakaroon ng tiwalang nagmamalasakit si Jehova sa atin bilang indibiduwal. Maliwanag na taglay ni apostol Pablo ang pagtitiwalang iyan. Sumulat siya: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin? Siya na hindi nagkait maging ng kaniyang sariling Anak kundi ibinigay niya siya para sa ating lahat, bakit hindi rin niya may-kabaitang ibibigay sa atin ang lahat ng iba pang bagay kasama siya.” (Roma 8:31, 32) Anumang hamon ang mapaharap sa iyo, makapagtitiwala ka rin na nagmamalasakit si Jehova sa iyo bilang indibiduwal hangga’t nananatili kang matapat sa kaniya. Higit pa itong lilinaw kung susuriin natin ang tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga apostol.
Ang Halaga ng Maya
7, 8. (a) Ano ang turing sa mga maya noong panahon ni Jesus? (b) Ano ang maliwanag na dahilan ng palalakip ng Mateo 10:29 ng pang-uri sa salitang Griego para sa “mga maya”?
7 Ang mga ilustrasyon ni Jesus ay mabisang naglalarawan sa pagmamalasakit ni Jehova sa bawat isa sa Kaniyang mga lingkod. Isaalang-alang muna natin ang tungkol sa mga maya. Noong panahon ni Jesus, ang mga maya ay kinakain, subalit dahil naninira sila ng pananim, karaniwan nang itinuturing silang peste. Napakarami at napakamura ng mga maya anupat puwede kang bumili ng dalawa nito sa halagang katumbas ng wala pang tatlong piso sa ngayon. Kung dodoblihin ang halagang ito, hindi lamang apat ang mabibili mo kundi lima—may isang dagdag na ibon, na para bang wala na nga itong halaga!—Lucas 12:6.
8 Isaalang-alang din kung gaano kaliit ang karaniwang ibong ito. Kung ihahambing sa marami pang ibang ibon, kahit ang nasa hustong gulang na maya ay napakaliit pa rin. Magkagayunman, ang salitang Griego na isinaling “mga maya” sa Mateo 10:29 ay partikular na tumutukoy sa maliliit na maya. Maliwanag na nais ni Jesus na gunigunihin ng kaniyang mga apostol ang isang ibon na talagang halos wala nang kahala-halaga. Gaya ng sabi ng isang akda, “Napakaliit na nga ng ibong binanggit ni Jesus, lalo pa itong pinaliit ng ginamit niyang pang-uri!”
9. Anong mabisang punto ang napalitaw ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya?
9 Ang analohiya (analogy) ni Jesus tungkol sa mga maya ay nagpalitaw ng isang mabisang punto: Ang waring walang kabuluhan sa mga tao ay mahalaga sa Diyos na Jehova. Lalo pang idiniin ni Jesus ang katotohanang ito sa pagsasabing ang isang maliit na maya ay hindi “mahuhulog sa lupa” nang hindi napapansin ni Jehova.c Maliwanag ang aral. Kung ang napakaliit at halos wala nang kahala-halagang ibon ay pinag-uukulan ng pansin ng Diyos na Jehova, lalo na niyang pagmamalasakitan ang kalagayan ng isang tao na nagpasiyang maglingkod sa kaniya!
10. Ano ang kahulugan ng pangungusap na: “Ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat”?
10 Bukod pa sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa mga maya, sinabi rin ni Jesus: “Ang mismong mga buhok ng inyong ulo ay biláng na lahat.” (Mateo 10:30) Ang maikli ngunit makahulugang pangungusap na ito ay nagpatingkad sa punto ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya. Isip-isipin ito: Ang karaniwang ulo ng isang tao ay may humigit-kumulang 100,000 hibla ng buhok. Halos sa kabuuan, waring pare-pareho lamang ang hibla ng buhok, at parang hindi na natin ito kailangan pang partikular na pag-ukulan ng pansin. Gayunman, bawat hibla ng buhok ay pinag-uukulan ng pansin at binibilang ng Diyos na Jehova. Kung gayon, mayroon pa kayang anumang detalye sa ating buhay na hindi alam ni Jehova? Tiyak na nauunawaan ni Jehova ang kakanyahan ng bawat isa sa kaniyang mga lingkod. Oo, “tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”—1 Samuel 16:7.
11. Paano ipinahayag ni David ang kaniyang pagtitiwalang nagmamalasakit si Jehova sa kaniya bilang indibiduwal?
11 Si David, na nakaranas din ng matinding hirap, ay nagtitiwalang pinag-ukulan siya ng pansin ni Jehova. “O Jehova, siniyasat mo ako, at kilala mo ako,” isinulat niya. “Nalalaman mo rin ang aking pag-upo at ang aking pagtayo. Isinaalang-alang mo ang aking kaisipan mula sa malayo.” (Awit 139:1, 2) Makatitiyak ka rin na kilala ka ni Jehova bilang indibiduwal. (Jeremias 17:10) Huwag kang magpadalus-dalos sa iyong palagay na wala kang kahala-halaga para pagtuunan ng mga mata ni Jehova na nakakakita sa lahat ng bagay!
“Ilagay Mo ang Aking mga Luha sa Iyong Sisidlang Balat”
12. Paano natin nalalaman na alam na alam ni Jehova ang mga paghihirap na dinaranas ng kaniyang bayan?
12 Hindi lamang kilala ni Jehova ang bawat isa sa kaniyang mga lingkod kundi alam na alam din niya ang mga paghihirap na dinaranas ng bawat isa. Halimbawa, nang sinisiil ang mga Israelita bilang mga alipin, sinabi ni Jehova kay Moises: “Walang pagsalang nakita ko ang kapighatian ng aking bayan na nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing dahilan doon sa mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila; sapagkat nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis.” (Exodo 3:7) Talaga ngang nakaaaliw malaman na kapag nagbabata tayo ng pagsubok, nakikita pala ni Jehova ang nangyayari at naririnig niya ang ating mga daing! Hinding-hindi niya ipinagwawalang-bahala ang ating pagtitiis.
13. Ano ang nagpapakita na talagang nadarama ni Jehova ang nadarama ng kaniyang mga lingkod?
13 Ang malasakit ni Jehova sa mga may kaugnayan sa kaniya ay makikita rin sa kaniyang damdamin para sa mga Israelita. Kahit na ang pagdurusa nila ay kadalasang dahil na rin sa katigasan ng kanilang ulo, sumulat si Isaias tungkol kay Jehova: “Sa lahat ng kanilang kapighatian ay napipighati siya.” (Isaias 63:9) Bilang tapat na lingkod ni Jehova, makatitiyak ka kung gayon na kapag nasasaktan ka, nasasaktan din si Jehova. Hindi ba’t nauudyukan ka nitong harapin nang walang takot ang paghihirap at patuloy na gawin ang iyong buong makakaya upang paglingkuran siya?—1 Pedro 5:6, 7.
14. Ano ang mga kalagayan nang kathain ang Awit 56?
14 Ang pananalig ni Haring David na si Jehova ay may malasakit sa kaniya at nadarama rin ang nadarama niya ay makikita sa Awit 56, na kinatha ni David habang tumatakas sa mapamaslang na si Haring Saul. Tumakas si David patungong Gat subalit nangamba siyang madakip nang makilala siya ng mga Filisteo. Sumulat siya: “Sinasakmal ako ng mga kagalit ko buong araw, sapagkat maraming nakikipagdigma laban sa akin nang may kapalaluan.” Dahil nanganganib siya, bumaling si David kay Jehova. “Buong araw nilang pinipinsala ang aking mga pansariling gawain,” ang sabi niya. “Ang lahat ng kaisipan nila ay laban sa akin sa ikasasama.”—Awit 56:2, 5.
15. (a) Ano ang ibig sabihin ni David nang hilingin niya kay Jehova na ilagay ang kaniyang mga luha sa isang sisidlang balat o sa isang aklat? (b) Kapag nagbabata tayo ng isang pagsubok sa ating pananampalataya, sa ano tayo makatitiyak?
15 Pagkaraan, gaya ng nakaulat sa Awit 56:8, binanggit ni David ang nakapagtatakang pananalitang ito: “Ang aking pagiging takas ay iniulat mo. Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong sisidlang balat. Hindi ba nasa iyong aklat ang mga iyon?” Isa ngang nakaaantig-damdaming paglalarawan ng maibiging pagmamalasakit ni Jehova! Kapag tayo’y nasa kagipitan, maaaring mapaluha tayo sa pagtawag kay Jehova. Kahit ang sakdal na lalaking si Jesus ay lumuha rin. (Hebreo 5:7) Kumbinsido si David na pinagmamasdan siya ni Jehova at inaalaala ang kaniyang paghihirap, na parang tinitipon ang kaniyang mga luha sa isang sisidlang balat o isinusulat ang mga ito sa isang aklat.d Marahil ay iniisip mong mapupuno ng iyong mga luha ang sisidlang balat na iyon o ang maraming pahina ng aklat na iyon. Kung gayon, kaaliwan ito para sa iyo. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18.
Maging Matalik na Kasama ng Diyos
16, 17. (a) Paano natin nalalaman na hindi ipinagwawalang-bahala ni Jehova ang mga problemang kinakaharap ng kaniyang bayan? (b) Ano ang ginawa ni Jehova upang matamasa ng mga tao ang matalik na kaugnayan sa kaniya?
16 Dahil sa katotohanang biláng ni Jehova ‘ang mismong mga buhok ng ating ulo,’ nagkakaroon tayo ng ideya na talagang mapagbantay at mapagmalasakit ang Diyos na pribilehiyo nating sambahin. Bagaman hinihintay pa natin ang ipinangakong bagong sanlibutan na doo’y wala nang kirot at pagdurusa, ngayon pa lamang ay gumagawa na si Jehova ng isang kamangha-manghang bagay para sa kaniyang bayan. Sumulat si David: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya, gayundin ang kaniyang tipan, upang ipaalam iyon sa kanila.”—Awit 25:14.
17 “Matalik na kaugnayan kay Jehova.” Aba, mukhang imposible ang mismong ideyang iyan para sa di-sakdal na mga tao! Gayunman, inaanyayahan ni Jehova ang mga natatakot sa kaniya na maging panauhin sa kaniyang tolda. (Awit 15:1-5) At ano kaya ang ginagawa ni Jehova para sa kaniyang mga panauhin? Ipinaaalam niya sa kanila ang kaniyang tipan, ayon kay David. Nagtatapat si Jehova sa kanila, anupat isinisiwalat ang kaniyang “lihim na bagay” sa mga propeta, upang malaman nila kung ano ang kaniyang mga layunin at kung ano ang dapat nilang gawin upang makapamuhay kasuwato ng mga ito.—Amos 3:7.
18. Paano natin nalalaman na gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa kaniya?
18 Oo, nakatutuwang malaman na tayong di-sakdal na mga tao ay maaaring maging matalik na mga kasama ng Kataas-taasan, ang Diyos na Jehova. Sa katunayan, hinihimok niya tayong gawin mismo ang bagay na iyan. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sabi ng Bibliya. (Santiago 4:8) Gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Sa katunayan, nakagawa na siya ng hakbang upang maging posible ang gayong ugnayan. Ang haing pantubos ni Jesus ang nagbukas ng daan sa atin upang maging kaibigan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang sabi ng Bibliya: “Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
19. Paano pinatitibay ng pagbabata ang ating kaugnayan kay Jehova?
19 Nagiging matibay ang malapít na ugnayang iyan kapag nagbabata tayo sa ilalim ng mahihirap na kalagayan. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Hayaang ganapin ng pagbabata ang gawa nito, upang kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng bagay, na hindi nagkukulang ng anuman.” (Santiago 1:4) Anong “gawa” ang naisasakatuparan kapag nagbabata ng kahirapan? Alalahanin ang “tinik sa laman” ni Pablo. Ano ang nagawa ng pagbabata sa pangyayaring ito? Ganito ang sabi ni Pablo tungkol sa mga pagsubok sa kaniya: “Kaya buong lugod pa nga akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko. Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, sa mga insulto, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, para kay Kristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Corinto 12:9, 10) Naranasan ni Pablo na magbibigay si Jehova ng lakas na kinakailangan—“ang lakas na higit sa karaniwan” kung kinakailangan—upang makapagbata siya. Dahil dito, lalo naman siyang nápapalapít kay Kristo at sa Diyos na Jehova.—2 Corinto 4:7; Filipos 4:11-13.
20. Paano tayo makatitiyak na susuportahan at aaliwin tayo ni Jehova sa harap ng kagipitan?
20 Maaaring pinahihintulutan ni Jehova na magpatuloy ang mga pagsubok sa iyo. Kung gayon, laging tandaan ang pangako niya sa mga natatakot sa kaniya: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Maaari mo ring maranasan ang gayong suporta at kaaliwan. Biláng ni Jehova ‘ang mismong mga buhok ng iyong ulo.’ Nakikita niya ang iyong pagbabata. Nadarama niya ang kirot na iyong nadarama. Tunay siyang nagmamalasakit sa iyo. At hindi niya kailanman ‘kalilimutan ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’—Hebreo 6:10.
[Mga talababa]
a Kahawig nito ang pananalitang binitiwan ng matuwid na si David at ng tapat na mga anak ni Kora.—Awit 10:1; 44:24.
b Hindi binanggit sa Bibliya kung ano talaga ang “tinik sa laman” ni Pablo. Maaaring iyon ay isang karamdaman sa pisikal, gaya ng malabong paningin. O maaaring ang pananalitang “tinik sa laman” ay tumutukoy sa mga bulaang apostol at sa iba pa na tumututol sa ministeryo at pagiging apostol ni Pablo.—2 Corinto 11:6, 13-15; Galacia 4:15; 6:11.
c Ipinahihiwatig ng ilang iskolar na ang pagkahulog ng maya sa lupa ay maaaring tumukoy hindi lamang sa pagkamatay nito. Sinasabi nila na ang pariralang ito sa orihinal na wika ay posibleng tumukoy sa pagbaba ng ibon sa lupa upang kumain. Kung gayon, ipinahihiwatig nito na pinag-uukulan ng pansin at pinagmamalasakitan ng Diyos ang ibon sa araw-araw na mga ginagawa nito, hindi lamang kapag namatay ito.—Mateo 6:26.
d Noong unang panahon, ang mga sisidlang balat ay yari sa kinulting balat ng tupa, kambing, at baka. Ang mga sisidlang ito ay pinaglalagyan ng gatas, mantikilya, keso, o tubig. Ang mga balat na kinulting mabuti ay puwedeng paglagyan ng langis o alak.
Natatandaan Mo Ba?
• Anu-ano ang mga dahilan na magpapadama sa isang tao na siya’y pinabayaan ng Diyos?
• Anong aral ang matututuhan natin sa mga ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya at sa pagbilang sa mga buhok ng ating ulo?
• Ano ang ibig sabihin ng inilagay ni Jehova ang luha ng isang tao sa “sisidlang balat” o sa Kaniyang “aklat”?
• Paano tayo makapagtatamasa ng “matalik na kaugnayan kay Jehova”?
[Larawan sa pahina 22]
Bakit hindi inalis ni Jehova ang “tinik sa laman” ni Pablo?
[Larawan sa pahina 23]
Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga maya?
[Credit Line]
© J. Heidecker/VIREO
[Larawan sa pahina 25]
Sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Bibliya, matitiyak natin na nagmamalasakit ang Diyos sa atin bilang indibiduwal