KABANATA 17
Manatiling Malapít sa Organisasyon ni Jehova
ISINULAT ng alagad na si Santiago: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Oo, hindi tayo perpekto, pero hindi napakalayo o napakataas ni Jehova para marinig ang mga gusto nating sabihin. (Gawa 17:27) Paano tayo magiging malapít kay Jehova? Ang isang paraan ay ang taimtim na pananalangin. (Awit 39:12) Dapat din nating regular na pag-aralan ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa ganitong paraan, nakikilala natin ang Diyos na Jehova at nalalaman natin ang kaniyang mga layunin at ang kalooban niya para sa atin. (2 Tim. 3:16, 17) Kaya natututuhan natin siyang mahalin at natatakot tayong masaktan siya.—Awit 25:14.
2 Pero mapapalapít lang tayo kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesus. (Juan 17:3; Roma 5:10) Hindi kayang tumbasan ninuman ang kakayahan ni Jesus na ipaunawa sa atin ang kaisipan ni Jehova. Kilalang-kilala niya ang kaniyang Ama kaya masasabi niya: “Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.” (Luc. 10:22) Kaya kapag natututuhan natin sa mga Ebanghelyo ang kaisipan at damdamin ni Jesus, nalalaman na rin natin ang kaisipan at damdamin ni Jehova. Dahil dito, nagiging mas malapít tayo sa Diyos.
3 Napapalapít tayo kay Jehova kapag malapít tayo sa nakikitang bahagi ng kaniyang organisasyon, na nasa ilalim ng pagkaulo ng Anak ng Diyos. Tinutulungan tayo ng organisasyon na malaman kung paano gagawin ang kalooban ng Diyos. Gaya ng inihula sa Mateo 24:45-47, inatasan ng Panginoon, si Jesu-Kristo, ang “tapat at matalinong alipin” na magbigay ng “pagkain sa tamang panahon” para sa sambahayan ng mga mananampalataya. Sa ngayon, pinaglalaanan tayo ng tapat na alipin ng saganang espirituwal na pagkain. Sa pamamagitan ng instrumentong ito, pinapayuhan tayo ni Jehova na basahin ang kaniyang Salita araw-araw, regular na dumalo sa mga pulong, at lubusang ipangaral ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian.’ (Mat. 24:14; 28:19, 20; Jos. 1:8; Awit 1:1-3) Ayaw nating magkaroon ng maling pananaw tungkol sa tapat na alipin o ituring sila ayon sa pananaw ng tao. Dapat nating pagsikapan na manatiling malapít sa nakikitang bahagi ng organisasyon ni Jehova at sumunod sa mga tagubilin nito. Sa paggawa nito, mas mapapalapít tayo kay Jehova at magsisilbi itong lakas at proteksiyon sa atin kapag may mga pagsubok.
KUNG BAKIT DUMARAMI ANG MGA PAGSUBOK
4 Baka matagal ka na sa katotohanan. Kaya tiyak na alam mong may mga pagsubok sa iyong katapatan na kailangan mong tiisin. Pero kahit kamakailan mo lang nakilala si Jehova at bago ka pa lang nakikisama sa kaniyang bayan, alam mo rin na sinasalansang ni Satanas na Diyablo ang sinumang nagpapasakop sa soberanya ni Jehova. (2 Tim. 3:12) Kaya gaano man kahirap ang pagsubok na pinagdaraanan mo, huwag kang matakot o panghinaan ng loob. Nangangako si Jehova na tutulungan ka niya. At sa hinaharap, ililigtas ka niya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.—Heb. 13:5, 6; Apoc. 2:10.
5 Tayong lahat ay baka dumanas pa ng mga pagsubok sa natitirang mga araw ng sistemang ito ni Satanas. Mula nang itatag ang Kaharian ng Diyos noong 1914, si Satanas at ang mga demonyo ay inihagis sa lupa at hindi na pinahintulutan ni Jehova na makapasok sa langit. Ang kaawa-awang kalagayan sa lupa, pati na ang tumitinding pag-uusig sa nakaalay na mga lingkod ni Jehova, ay resulta ng galit ni Satanas at nagpapatunay na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng kaniyang napakasamang pamamahala sa sangkatauhan.—Apoc. 12:1-12.
6 Galit na galit si Satanas dahil inihagis siya sa lupa, at alam niyang maikli na lang ang panahon niya. Kasama ang kaniyang mga demonyo, ginagawa niya ang lahat para hadlangan ang gawaing pangangaral at sirain ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova. Kaya kailangan nating makipagdigma sa espirituwal na paraan dahil “nakikipaglaban tayo, hindi sa dugo at laman, kundi sa mga pamahalaan, mga awtoridad, mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito, at sa hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako.” Para makapanatili sa panig ni Jehova at magtagumpay, dapat na lagi nating suot ang ating kumpletong espirituwal na kasuotang pandigma at hindi tayo dapat tumigil sa pakikipaglaban. Dapat na “maging matatag [tayo] sa kabila ng tusong mga pakana” ng Diyablo. (Efe. 6:10-17) Para magawa iyan, kailangan nating maging matiisin.
MAGING MATIISIN
7 Ang pagtitiis ay “ang kakayahang matagalan ang paghihirap o kapighatian.” Sa espirituwal na diwa, ang pagtitiis ay ang determinasyong gawin ang tama sa kabila ng paghihirap, pagsalansang, pag-uusig, o iba pang mga bagay na makasisira sa katapatan natin sa Diyos. Dapat maging matiisin ang mga Kristiyano. Nangangailangan ito ng panahon. Habang sumusulong tayo sa espirituwal, sumusulong din ang kakayahan nating magtiis. Kung noong bago pa lang tayo sa katotohanan ay tinitiis na natin ang maliliit na pagsubok, mas makapagtitiis tayo sa paparating na mas mahihirap na pagsubok. (Luc. 16:10) Bago dumating ang mga iyon, maging determinado nang manatiling matatag sa pananampalataya. Idiniin ni apostol Pedro na mahalagang maging matiisin at magkaroon ng iba pang makadiyos na katangian: “Magsikap kayong mabuti na idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan, sa inyong kabutihan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang makadiyos na debosyon, sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.”—2 Ped. 1:5-7; 1 Tim. 6:11.
Nagiging mas matiisin tayo kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok at napagtatagumpayan ang mga ito
8 Idiniin ni Santiago sa kaniyang liham ang kahalagahan ng pagtitiis: “Mga kapatid ko, ituring ninyong malaking kagalakan kapag dumaranas kayo ng iba’t ibang pagsubok, dahil alam ninyo na kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis. Pero hayaang gawin ng pagtitiis ang layunin nito, para kayo ay maging ganap at malusog sa lahat ng aspekto at hindi nagkukulang ng anuman.” (Sant. 1:2-4) Ayon kay Santiago, dapat asahan ng mga Kristiyano ang mga pagsubok. Dapat silang magalak kapag napapaharap sa mga ito dahil tutulong ito para maging matiisin. Ganiyan ba ang pananaw mo sa mga pagsubok? Ipinakita rin ni Santiago na kapag nagtitiis tayo, mas napasusulong natin ang ating Kristiyanong personalidad at lubusan tayong magiging kaayaaya sa Diyos. Oo, nagiging mas matiisin tayo kapag napapaharap tayo sa mga pagsubok at napagtatagumpayan ang mga ito. At dahil sa pagtitiis, magkakaroon din tayo ng iba pang magagandang katangian na kailangan natin.
9 Ang ating pagtitiis ay nakalulugod kay Jehova kaya gagantimpalaan niya tayo ng buhay na walang hanggan. Sinabi pa ni Santiago: “Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga patuloy na umiibig sa Kaniya.” (Sant. 1:12) Oo, nagtitiis tayo dahil nakataya rito ang ating buhay. Kung hindi tayo magtitiis, hindi tayo makapananatili sa katotohanan. Kapag nagpadala tayo sa mga panggigipit, mahahatak tayo pabalik sa sanlibutan. Kung hindi tayo magtitiis, maiwawala natin ang espiritu ni Jehova at hindi tayo magkakaroon ng mga katangian na bunga nito.
10 Para patuloy na makapagtiis sa mahihirap na panahong ito, dapat na tama ang saloobin natin tungkol sa pagdurusa bilang mga Kristiyano. Alalahanin ang isinulat ni Santiago: “Ituring [ninyo itong] malaking kagalakan.” Maaaring hindi ito madaling gawin dahil sangkot dito ang pisikal o mental na pagdurusa. Pero tandaan na nakasalalay rito ang iyong buhay sa hinaharap. Makatutulong sa atin ang karanasan ng mga apostol para makita kung bakit tayo makapagsasaya kahit nagdurusa tayo. Mababasa ito sa aklat ng Mga Gawa: “Ipinatawag nila ang mga apostol, pinagpapalo ang mga ito, inutusang huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus, at saka pinaalis. Kaya ang mga apostol ay umalis sa harap ng Sanedrin nang masayang-masaya dahil sa karangalang magdusa alang-alang sa pangalan niya.” (Gawa 5:40, 41) Naunawaan ng mga apostol na ang pagdurusa nila ay patotoo na naging masunurin sila sa utos ni Jesus at na sinasang-ayunan sila ni Jehova. Pagkalipas ng maraming taon, nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng gayong pagdurusa alang-alang sa katuwiran.—1 Ped. 4:12-16.
11 Nagtiis din ng mga pagsubok sina Pablo at Silas. Habang naglilingkod bilang misyonero sa Filipos, inaresto sila at pinaratangan ng panggugulo sa lunsod at paghahayag ng mga kaugaliang labag sa batas. Kaya pinagbubugbog sila at ibinilanggo. Sinasabi ng Bibliya na habang nakabilanggo sila at sugatán, “noong kalaliman ng gabi, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng papuri sa Diyos, at nakikinig sa kanila ang mga bilanggo.” (Gawa 16:16-25) Para kina Pablo at Silas, ang kanilang pagdurusa alang-alang kay Kristo ay hindi lang katibayan ng kanilang katapatan sa harap ng Diyos at ng tao, kundi isang pagkakataon din para makapagpatotoo sa mga posibleng makinig sa mabuting balita. Sangkot ang buhay ng iba. Nang mismong gabing iyon, ang tagapagbilanggo at ang kaniyang sambahayan ay nakinig at naging mga alagad. (Gawa 16:26-34) Nagtiwala sina Pablo at Silas kay Jehova, sa kaniyang kapangyarihan, at sa kaniyang pagnanais na palakasin sila sa panahon ng kanilang pagdurusa. At hindi sila nabigo.
12 Sa ngayon, inilalaan din ni Jehova ang lahat ng kailangan natin para mapalakas tayo sa panahon ng pagsubok. Gusto niyang makapagtiis tayo. Ibinigay niya sa atin ang kaniyang Salita para magkaroon tayo ng tumpak na kaalaman sa kaniyang layunin. Pinalalakas nito ang ating pananampalataya. May pagkakataon tayong makipagsamahan sa ating mga kapananampalataya at magsagawa ng sagradong paglilingkod. May pribilehiyo rin tayong mapanatili ang malapít na kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Nakikinig siya sa ating mga kapahayagan ng papuri at mga pagsusumamo na mapanatili ang isang malinis na katayuan sa kaniyang harapan. (Fil. 4:13) At tandaan, napalalakas din tayo ng pagbubulay-bulay sa pag-asang inilagay sa harap natin.—Mat. 24:13; Heb. 6:18; Apoc. 21:1-4.
PAGTITIIS NG IBA’T IBANG PAGSUBOK
13 Ang mga pagsubok na nararanasan natin sa ngayon ay katulad na katulad ng mga napaharap sa unang mga alagad ni Jesu-Kristo. Dumaranas ang mga Saksi ni Jehova ng berbal at pisikal na pang-aabuso mula sa mga mananalansang na nailigaw ng maling mga impormasyon tungkol sa atin. Gaya noong panahon ng mga apostol, kadalasan nang ang pasimuno sa pagsalansang ay ang mga panatiko sa relihiyon na ang huwad na mga turo at gawain ay inilalantad ng Salita ng Diyos. (Gawa 17:5-9, 13) Kung minsan, nakatutulong sa bayan ni Jehova ang paghiling na kilalanin ang kanilang legal na mga karapatang ginagarantiyahan ng mga pamahalaan. (Gawa 22:25; 25:11) Pero may mga tagapamahala rin na nagbabawal sa ating gawain dahil gusto nilang pahintuin ang ating ministeryo. (Awit 2:1-3) Sa gayong mga kalagayan, may-katapangan nating tinutularan ang tapat na mga apostol na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.”—Gawa 5:29.
14 Habang tumitindi ang nasyonalismo sa buong lupa, tumitindi rin ang panggigipit sa mga mángangarál ng mabuting balita na ihinto ang kanilang bigay-Diyos na ministeryo. Kaya mas nakikita ng lahat ng lingkod ng Diyos ang kahalagahan ng babala sa Apocalipsis 14:9-12 tungkol sa pagsamba sa “mabangis na hayop at sa estatuwa nito.” Nagiging mas malinaw ang sinabi ni Juan: “Dito kailangan ng pagtitiis ng mga banal, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nanghahawakan sa pananampalataya kay Jesus.”
15 Dahil sa mga pagsubok na dulot ng mga digmaan, kilos-protesta, o tahasang pag-uusig at opisyal na mga pagbabawal, baka hindi ka na malayang makasamba kay Jehova. Baka hindi na makapagpulong ang inyong kongregasyon. Baka hindi na makontak ang tanggapang pansangay. Baka hindi na makadalaw ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Baka wala kayong matanggap na mga publikasyon. Kung mangyari ang alinman sa mga ito, ano ang dapat mong gawin?
16 Ang sagot: Gawin kung ano ang magagawa mo ayon sa iyong kalagayan. Ipagpatuloy ang iyong personal na pag-aaral. Kadalasan nang puwedeng magpulong sa pribadong mga bahay ang maliliit na grupo, at puwedeng gamitin ang dati nang napag-aralang mga publikasyon at ang Bibliya mismo. Huwag matakot o mag-alala. Karaniwan na, nakagagawa agad ng paraan ang Lupong Tagapamahala para makontak ang responsableng mga brother.
17 Kahit na mapahiwalay ka sa mga kapatid, tandaan na walang makapaghihiwalay sa iyo kay Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Huwag mawalan ng pag-asa. Maririnig pa rin ni Jehova ang iyong mga panalangin, at mapapatibay ka ng kaniyang espiritu. Humingi sa kaniya ng patnubay. Tandaan na isa kang lingkod ni Jehova at alagad ni Jesu-Kristo. Kaya samantalahin ang mga pagkakataon na makapagpatotoo. Pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mo, at posible pa ngang sumama sa iyo ang iba sa tunay na pagsamba.—Gawa 4:13-31; 5:27-42; Fil. 1:27-30; 4:6, 7; 2 Tim. 4:16-18.
18 Kung pagbantaan ang iyong buhay, gaya ng nangyari sa mga apostol at sa iba pa, magtiwala sa “Diyos na bumubuhay ng patay.” (2 Cor. 1:8-10) Ang pananampalataya mo sa pagkabuhay-muli ay makatutulong sa iyo na matiis kahit ang pinakamatinding pagsalansang. (Luc. 21:19) Nagpakita ng halimbawa si Kristo Jesus; alam niya na ang kaniyang katapatan sa ilalim ng pagsubok ay magpapatibay sa iba na magtiis. Kung tutularan mo siya, mapapatibay mo rin ang mga kapatid.—Juan 16:33; Heb. 12:2, 3; 1 Ped. 2:21.
19 Bukod sa pag-uusig at pagsalansang, baka may iba pang mahihirap na sitwasyon na kailangan mong tiisin. Halimbawa, pinanghihinaan ng loob ang ilan dahil hindi nakikinig ang mga tao sa kanilang teritoryo. Kailangan namang harapin ng iba ang kanilang pisikal o emosyonal na karamdaman o tiisin ang mga limitasyong dulot ng di-perpektong kalusugan. Kinailangan ding tiisin ni apostol Pablo ang isang uri ng pagsubok na nakaapekto at nagpahirap sa kaniyang paglilingkod. (2 Cor. 12:7) Si Epafrodito naman, isang Kristiyano mula sa Filipos noong unang siglo, ay ‘lungkot na lungkot dahil nalaman ng kaniyang mga kaibigan na nagkasakit siya.’ (Fil. 2:25-27) Ang pagiging di-perpekto natin at ng iba ay puwedeng pagmulan ng mga problemang mas mahirap tiisin. Baka magkaroon ng mga di-pagkakasundo sa kongregasyon o sa loob ng pamilya dahil sa pagkakaiba-iba ng personalidad. Pero matitiis at mapagtatagumpayan natin ang mga iyon kung susundin natin ang mga payo ng Salita ni Jehova.—Ezek. 2:3-5; 1 Cor. 9:27; 13:8; Col. 3:12-14; 1 Ped. 4:8.
DETERMINADONG MANATILING TAPAT
20 Dapat na patuloy tayong sumunod sa inatasan ni Jehova bilang Ulo ng kongregasyon, si Jesu-Kristo. (Col. 2:18, 19) Kailangan na lubusan tayong makipagtulungan sa “tapat at matalinong alipin” at sa mga inatasan bilang tagapangasiwa. (Heb. 13:7, 17) Kung patuloy tayong susunod sa teokratikong mga kaayusan at makikipagtulungan sa mga nangunguna, magiging organisado tayo sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Dapat na lagi tayong manalangin. Tandaan, hindi mahahadlangan ng mga pader ng bilangguan o bartolina ang komunikasyon natin sa ating maibiging Ama sa langit, kahit ang pakikiisa natin sa mga kapuwa mananamba.
21 Taglay ang determinasyon at pagtitiis, gawin natin ang ating buong makakaya na isakatuparan ang ating atas na mangaral. Maging matiyaga sa gawaing iniutos ng binuhay-muling si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Mat. 28:19, 20) Gaya ni Jesus, magtiis din tayo. Panatilihin sana nating malinaw sa ating isip ang pag-asa ng Kaharian at ang buhay na walang hanggan. (Heb. 12:2) Bilang bautisadong mga alagad ni Kristo, may pribilehiyo tayong makibahagi sa pagtupad ng hula ni Jesus tungkol sa “katapusan ng sistemang ito.” Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mat. 24:3, 14) Kung buong-puso tayong makikibahagi sa gawaing iyan sa panahong ito, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova!