-
“Lumapit Kayo sa Diyos”Ang Bantayan—2002 | Disyembre 15
-
-
“Lumapit Kayo sa Diyos”
“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”—SANTIAGO 4:8.
1, 2. (a) Ano ang karaniwang inaangkin ng mga tao? (b) Ano ang ipinayo ni Santiago, at bakit kinailangan ito?
“GOD with us.” (Ang Diyos ay sumasaatin.) Nakapalamuti ang mga salitang iyan sa pambansang mga emblema at maging sa mga uniporme ng mga sundalo. Mababasa ang “in God we trust” (sa Diyos kami nagtitiwala) sa napakaraming barya at perang papel sa makabagong pananalapi. Karaniwan na sa mga tao ang mag-angkin na mayroon silang malapít na kaugnayan sa Diyos. Subalit hindi ka ba sasang-ayon na ang talagang pagkakaroon ng gayong kaugnayan ay humihiling ng higit pa kaysa sa basta pagsasalita lamang hinggil dito o pagdidispley ng mga sawikain?
2 Ipinakikita ng Bibliya na posibleng magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Subalit kailangan ang pagsisikap. Kinailangang patibayin maging ng ilang pinahirang Kristiyano noong unang siglo ang kanilang kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ang Kristiyanong tagapangasiwa na si Santiago ay kinailangang magbabala sa ilan hinggil sa kanilang makalamang mga hilig at kawalan ng espirituwal na kalinisan. Kalakip niyaon, ibinigay niya ang mapuwersang payo na ito: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:1-12) Ano ang ibig sabihin ni Santiago sa pananalitang “lumapit”?
3, 4. (a) Ano ang maaaring naalaala ng ilan sa mga mambabasa ni Santiago noong unang siglo dahil sa pananalitang “lumapit kayo sa Diyos”? (b) Bakit tayo makatitiyak na posible ang paglapit sa Diyos?
3 Gumamit si Santiago ng pananalita na malamang na pamilyar sa karamihan ng kaniyang mambabasa. May espesipikong mga tagubilin ang Kautusang Mosaiko sa mga saserdote kung paano sila ‘lalapit’ kay Jehova alang-alang sa kaniyang bayan. (Exodo 19:22) Kaya maaaring naalaala ng mga mambabasa ni Santiago na ang paglapit kay Jehova ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Si Jehova ang pinakadakilang dignitaryo sa sansinukob.
4 Sa kabilang panig naman, gaya ng sinabi ng isang iskolar sa Bibliya, “ang payong ito [sa Santiago 4:8] ay nagsisiwalat ng matinding damdamin ng pagiging positibo.” Alam ni Santiago na laging maibiging inaanyayahan ni Jehova na lumapit sa Kaniya ang di-sakdal na mga tao. (2 Cronica 15:2) Naging lubusan ang paraan ng paglapit kay Jehova dahil sa hain ni Jesus. (Efeso 3:11, 12) Sa ngayon, nabuksan ang pagkakataong makalapit ang milyun-milyon sa Diyos! Subalit paano natin maaaring samantalahin ang kamangha-manghang pagkakataong ito? Isasaalang-alang natin sa maikli ang tatlong paraan kung paano tayo makalalapit sa Diyos na Jehova.
Patuloy na ‘Kumuha ng Kaalaman’ Tungkol sa Diyos
5, 6. Paano inilalarawan ng halimbawa ng kabataang si Samuel kung ano ang nasasangkot sa “pagkuha ng kaalaman” tungkol kay Jehova?
5 Ayon sa Juan 17:3, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Maraming salin ng talatang ito ang naiiba nang kaunti sa Bagong Sanlibutang Salin. Sa halip na sabihing “pagkuha ng kaalaman” tungkol sa Diyos, isinasalin lamang nila ang pandiwa na “upang makilala” ang Diyos o “pagkilala” sa Diyos. Gayunman, may ilang iskolar na nagsasabi na ang diwa ng salitang ginamit sa orihinal na Griego ay nagsasangkot ng higit pa—isang patuloy na proseso, isa na maaari pa ngang humantong sa matalik na pakikipagkilala.
6 Ang matalik na pagkakilala sa Diyos ay hindi isang bagong ideya noong panahon ni Jesus. Halimbawa, sa Hebreong Kasulatan, mababasa natin na nang bata pa si Samuel, “hindi pa niya kilala si Jehova.” (1 Samuel 3:7) Nangangahulugan ba ito na kakaunti lamang ang nalalaman ni Samuel tungkol sa kaniyang Diyos? Hindi. Tiyak na marami ang itinuro sa kaniya ng mga magulang niya at ng mga saserdote. Gayunman, ang Hebreong salita na ginamit sa talatang iyan, ayon sa isang iskolar, ay maaaring “gamitin para sa pinakamatalik na kakilala.” Hindi pa matalik noon ang pagkakilala ni Samuel kay Jehova, di-gaya ng nangyari sa kalaunan nang maglingkod siya bilang tagapagsalita ni Jehova. Habang lumalaki si Samuel, talagang nakilala niya si Jehova, anupat nagkaroon siya ng malapít at personal na kaugnayan sa Kaniya.—1 Samuel 3:19, 20.
7, 8. (a) Bakit hindi dapat manghina ang ating loob na pag-aralan ang mas malalalim na turo ng Bibliya? (b) Ano ang ilan sa malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos na makabubuting pag-aralan natin?
7 Kumukuha ka ba ng kaalaman tungkol kay Jehova upang maging matalik ang pagkakakilala mo sa kaniya? Upang magawa ito, kailangan kang ‘magkaroon ng pananabik’ sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng Diyos. (1 Pedro 2:2) Huwag kang masiyahan na lamang sa saligang mga turo ng Bibliya. Magsikap na matutuhan ang ilang mas malalalim na turo ng Bibliya. (Hebreo 5:12-14) Nanghihina ba ang iyong loob na pag-aralan ang gayong mga turo, anupat ipinalalagay na masyadong mahirap unawain ang mga ito? Kung gayon, tandaan na si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” (Isaias 30:20) Alam niya kung paano itatawid ang malalalim na katotohanan sa di-sakdal na isip ng tao. At maaari niyang pagpalain ang iyong taimtim na pagsisikap na maunawaan ang itinuturo niya sa iyo.—Awit 25:4.
8 Bakit hindi suriin ang iyong sarili may kaugnayan sa ilang “malalalim na bagay ng Diyos”? (1 Corinto 2:10) Ang mga ito ay hindi nakababagot na mga paksa na gaya ng maaaring pagdebatihan ng mga teologo at mga klerigo. Ang mga ito ay kapaki-pakinabang na mga doktrina na doo’y maaari tayong matuto ng lubhang kawili-wiling mga bagay tungkol sa iniisip at niloloob ng ating maibiging Ama. Halimbawa, ang pantubos, ang “sagradong lihim,” at ang iba’t ibang tipan na ginamit ni Jehova upang pagpalain ang kaniyang bayan at tuparin ang kaniyang mga layunin—ang mga paksang ito at ang maraming gaya nito ay kalugud-lugod at kapaki-pakinabang na mga paksa para sa personal na pagsasaliksik at pag-aaral.—1 Corinto 2:7.
9, 10. (a) Bakit mapanganib ang pagmamapuri, at ano ang tutulong sa atin upang maiwasan ito? (b) May kaugnayan sa kaalaman tungkol kay Jehova, bakit tayo dapat magsikap na maging mapagpakumbaba?
9 Habang sumusulong ang iyong kaalaman sa mas malalalim na espirituwal na katotohanan, mag-ingat sa panganib na maaaring makaakibat ng kaalaman—ang pagmamapuri. (1 Corinto 8:1) Mapanganib ang pagmamapuri, sapagkat inilalayo nito ang mga tao sa Diyos. (Kawikaan 16:5; Santiago 4:6) Tandaan, walang dahilan ang sinumang tao na ipagyabang ang kaniyang kaalaman. Upang ilarawan ito, isaalang-alang ang mga salitang ito mula sa pambungad ng isang aklat na nagsusuri sa kamakailang mga pagsulong ng sangkatauhan sa siyensiya: “Habang dumarami ang ating nalalaman, lalo nating natatanto kung gaano kaunti ang ating alam. . . . Ang lahat ng natutuhan natin ay walang halaga kung ihahambing sa matututuhan pa natin.” Ang gayong kapakumbabaan ay kalugud-lugod. Ngayon, may kaugnayan sa pinakamalaking kalipunan ng kaalaman—ang kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova—mayroon tayong higit na dahilan upang manatiling mapagpakumbaba. Bakit?
10 Pansinin ang ilang pananalita sa Bibliya hinggil kay Jehova. “Napakalalim ng iyong mga kaisipan.” (Awit 92:5) “Ang . . . unawa [ni Jehova] ay higit pa sa maisasalaysay.” (Awit 147:5) “Hindi maaarok ang . . . unawa [ni Jehova].” (Isaias 40:28) “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” (Roma 11:33) Maliwanag, hindi natin malalaman kailanman ang lahat ng maaaring malaman tungkol kay Jehova. (Eclesiastes 3:11) Tinuruan niya tayo ng maraming kamangha-manghang bagay, gayunma’y lagi tayong may walang-hanggang kalipunan ng kaalaman na kailangan pang matutuhan. Hindi ba kapuwa kapana-panabik at nakapanliliit na asahan ang gayong bagay? Kung gayon, habang natututo tayo, lagi nawa nating gamitin ang ating kaalaman bilang saligan sa paglapit kay Jehova at sa pagtulong sa iba na gawin din iyon—hindi upang itaas ang ating sarili sa iba.—Mateo 23:12; Lucas 9:48.
Ipamalas ang Iyong Pag-ibig kay Jehova
11, 12. (a) Paano dapat makaapekto sa atin ang kaalamang nakukuha natin hinggil kay Jehova? (b) Ano ang nagpapakita na tunay ang pag-ibig ng isang tao sa Diyos?
11 Angkop naman, ipinakita ni apostol Pablo ang kaugnayan ng kaalaman at pag-ibig. Sumulat siya: “Ito ang patuloy kong ipinapanalangin, na ang inyong pag-ibig ay managana nawa nang higit at higit pa na may tumpak na kaalaman at lubos na kaunawaan.” (Filipos 1:9) Sa halip na maging dahilan upang magmapuri tayo, ang bawat mahalagang katotohanan na natututuhan natin tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin ay dapat magpasidhi ng ating pag-ibig sa ating makalangit na Ama.
12 Siyempre pa, marami sa mga nag-aangking umiibig sa Diyos ay hindi naman talaga umiibig sa kaniya. Maaaring taimtim sila sa masidhing damdamin na namamayani sa kanilang puso. Ang gayong damdamin ay mabuti, kapuri-puri pa nga, kapag ito ay kasuwato ng tumpak na kaalaman. Subalit ang mga ito sa ganang sarili ay hindi nangangahulugan ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bakit hindi? Pansinin kung paano binibigyang-katuturan ng Salita ng Diyos ang gayong pag-ibig: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) Kung gayon, ang pag-ibig kay Jehova ay tunay lamang kapag ipinamamalas ito sa pamamagitan ng masunuring pagkilos.
13. Paano tayo tutulungan ng makadiyos na takot na maipamalas ang ating pag-ibig kay Jehova?
13 Ang makadiyos na takot ay tutulong sa atin na sundin si Jehova. Ang matinding pagpipitagan at malaking paggalang na ito kay Jehova ay nagmumula sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa kaniya, pagkatuto tungkol sa kaniyang walang-hanggang kabanalan, kaluwalhatian, kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Ang gayong takot ay mahalaga sa paglapit sa kaniya. Sa katunayan, pansinin ang sinasabi ng Awit 25:14: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.” Kaya kung mayroon tayong mabuting pagkatakot na hindi mapalugdan ang ating minamahal na makalangit na Ama, makalalapit tayo sa kaniya. Tutulungan tayo ng makadiyos na takot na sundin ang matalinong payo na nakaulat sa Kawikaan 3:6: “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ano ang ibig sabihin niyan?
14, 15. (a) Ano ang ilan sa mga pagpapasiya na napapaharap sa atin sa araw-araw na pamumuhay? (b) Paano tayo makagagawa ng mga pasiya sa paraang nagpapamalas ng ating makadiyos na takot?
14 Kailangan kang magpasiya sa bawat araw, kapuwa malalaki at maliliit. Halimbawa, anong uri ng usapan ang mamamagitan sa inyo ng iyong mga katrabaho, kaeskuwela, at mga kapitbahay? (Lucas 6:45) Masikap mo bang gagawin ang mga atas na ibinigay sa iyo, o hahanap ka ng mga paraan upang matapos ito sa kaunting pagsisikap? (Colosas 3:23) Magiging malapít ka ba sa mga nagpapamalas ng kaunti o kawalan ng pag-ibig kay Jehova, o sisikapin mong patibayin ang iyong kaugnayan sa mga taong palaisip sa espirituwal? (Kawikaan 13:20) Ano ang gagawin mo, kahit na sa maliliit na paraan, upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos? (Mateo 6:33) Kung ang maka-Kasulatang mga simulain na gaya ng mga nabanggit dito ang papatnubay sa iyong araw-araw na pagpapasiya, kung gayon ay talagang isinasaalang-alang mo si Jehova “sa lahat ng iyong mga lakad.”
15 Sa diwa, sa bawat pagpapasiya natin, dapat tayong patnubayan ng kaisipang ito: ‘Ano ang gusto ni Jehova na gawin ko? Anong landasin ang pinakakalugud-lugod sa kaniya?’ (Kawikaan 27:11) Ang ganitong pagpapakita ng makadiyos na takot ay isang mahusay na paraan ng pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova. Uudyukan din tayo ng makadiyos na takot na manatiling malinis—sa espirituwal, moral, at pisikal. Tandaan, sa mismong talata na doo’y hinimok ni Santiago ang mga Kristiyano na “lumapit . . . sa Diyos,” ipinayo rin niya: “Linisin ninyo ang inyong mga kamay, ninyong mga makasalanan, at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, ninyong mga di-makapagpasiya.”—Santiago 4:8.
16. Kapag nagbibigay tayo kay Jehova, ano ang hindi natin kailanman magagawa, ngunit ano ang lagi nating maaaring magawa?
16 Siyempre pa, ang pagpapamalas ng pag-ibig kay Jehova ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa pag-iwas lamang sa masama. Inuudyukan din tayo ng pag-ibig na gawin ang tama. Halimbawa, paano tayo tumutugon sa saganang pagkabukas-palad ni Jehova? Sumulat si Santiago: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.” (Santiago 1:17) Totoo, kapag ibinibigay natin kay Jehova ang ating mga pag-aari, hindi natin siya pinayayaman. Pag-aari na niya ang lahat ng bagay at kayamanan na umiiral. (Awit 50:12) At kapag ibinibigay natin kay Jehova ang ating panahon at lakas, hindi natin pinupunan ang pangangailangan na hindi niya kayang sapatan. Kahit na tumanggi tayong mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, mapasisigaw niya ang mga bato! Kung gayon, bakit kailangan pa nating ibigay kay Jehova ang ating mga kayamanan, panahon, at lakas? Pangunahin na, dahil sa ganoong paraan ay ipinamamalas natin ang ating pag-ibig sa kaniya nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas.—Marcos 12:29, 30.
17. Ano ang makapag-uudyok sa atin upang makapagbigay nang masaya kay Jehova?
17 Kapag nagbibigay tayo kay Jehova, dapat na nagagalak tayong gawin ito, “sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Ang simulaing nakaulat sa Deuteronomio 16:17 ay makatutulong sa atin upang makapagbigay nang masaya: “Ang kaloob sa kamay ng bawat isa ay dapat na katumbas ng pagpapala ni Jehova na iyong Diyos na ibinigay niya sa iyo.” Kapag pinag-iisipan natin kung gaano kabukas-palad si Jehova sa atin, nakadarama tayo ng pagnanais na masayang magbigay sa kaniya nang sagana. Ang gayong pagbibigay ay nagpapagalak sa kaniyang puso, kung paanong ang munting regalo mula sa minamahal na anak ay nakalulugod sa isang magulang. Ang pagpapamalas ng ating pag-ibig sa ganitong paraan ay tutulong sa atin na mapalapit kay Jehova.
Linangin ang Matalik na Kaugnayan sa Pamamagitan ng Panalangin
18. Bakit kapaki-pakinabang na isaalang-alang kung paano mapasusulong ang kalidad ng ating mga panalangin?
18 Ang mga sandali ng ating sarilinang pananalangin ay nagbibigay sa atin ng mahalagang pagkakataon—mga pagkakataon para sa matalik at kompidensiyal na pakikipag-usap sa ating makalangit na Ama. (Filipos 4:6) Yamang ang panalangin ay isang mahalagang paraan ng paglapit sa Diyos, kapaki-pakinabang na magbigay ng panahon upang isaalang-alang ang kalidad ng ating mga panalangin. Hindi upang ang mga ito ay maging huwaran sa kahusayan at pagkakahabi ng salita, kundi upang ang mga ito ay maging taimtim na mga kapahayagan na nagmumula sa puso. Paano natin mapasusulong ang kalidad ng ating mga panalangin?
19, 20. Bakit dapat muna tayong magbulay-bulay bago manalangin, at ano ang ilang angkop na paksa para sa gayong pagbubulay-bulay?
19 Maaari nating subuking magbulay-bulay bago manalangin. Kung patiuna tayong magbubulay-bulay, magagawa nating maging espesipiko at makabuluhan ang ating mga panalangin, sa gayon ay naiiwasan ang nakaugaliang pag-uulit-ulit sa mga pananalitang waring pamilyar na at madaling maalaala. (Kawikaan 15:28, 29) Marahil ay makatutulong ang pagmumuni-muni sa ilang paksa na binanggit ni Jesus sa kaniyang huwarang panalangin at pagkatapos ay pag-iisip kung paano nauugnay ang mga ito sa ating sariling kalagayan. (Mateo 6:9-13) Halimbawa, maaari nating tanungin ang ating sarili kung anong maliit na bahagi ang inaasahan nating magampanan sa paggawa ng kalooban ni Jehova dito sa lupa. Maaari ba nating ipahayag kay Jehova ang ating hangaring maging kapaki-pakinabang sa kaniya hangga’t maaari at hilingin ang kaniyang tulong sa pagsasakatuparan sa anumang atas na ibinigay niya sa atin? Nabibigatan ba tayo sa mga álalahanín hinggil sa ating materyal na mga pangangailangan? Sa anong mga kasalanan tayo kailangang patawarin, at kanino tayo kailangang maging higit na mapagpatawad? Anong mga tukso ang pumipighati sa atin, at natatanto ba natin kung gaano kaapurahan ang pangangailangan natin sa proteksiyong ibinibigay ni Jehova hinggil sa bagay na iyon?
20 Karagdagan pa, maaari nating isaalang-alang ang mga taong kilala natin na partikular nang nangangailangan ng tulong ni Jehova. (2 Corinto 1:11) Subalit hindi dapat kalimutan ang pagpapasalamat. Kung mag-uukol tayo ng panahon upang pag-isipan ito, tiyak na makaiisip tayo ng mga dahilan upang pasalamatan si Jehova at purihin siya sa bawat araw dahil sa kaniyang saganang kabutihan. (Deuteronomio 8:10; Lucas 10:21) Ang paggawa nito ay may karagdagang pakinabang—makatutulong ito sa atin upang magkaroon ng mas positibo at mapagpahalagang saloobin sa buhay.
21. Ang pag-aaral sa anong mga halimbawa sa Kasulatan ang makatutulong sa atin kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin?
21 Mapasusulong din ng pag-aaral ang ating mga panalangin. May mahuhusay na panalangin ng tapat na mga lalaki at babae na nakaulat sa Salita ng Diyos. Halimbawa, kung ang isang mapanghamong problema ay napapaharap sa atin, anupat nagdudulot sa atin ng kabalisahan at pangamba pa nga hinggil sa ating kapakanan o niyaong sa ating mga minamahal, maaari nating basahin ang panalangin ni Jacob may kaugnayan sa kaniyang nalalapit na pakikipagtagpo noon sa kaniyang mapaghiganting kapatid na si Esau. (Genesis 32:9-12) O maaari nating pag-aralan ang panalanging binigkas ni Haring Asa nang magbanta sa bayan ng Diyos ang isang puwersa ng humigit-kumulang sa isang milyong Etiope. (2 Cronica 14:11, 12) Kung binabagabag tayo ng isang problema na nagbabantang magdulot ng upasala sa mabuting pangalan ni Jehova, kung gayon ay karapat-dapat isaalang-alang ang panalangin ni Elias sa harap ng mga mananamba ni Baal sa Bundok Carmel, gayundin ang panalangin ni Nehemias hinggil sa kalunus-lunos na kalagayan ng Jerusalem. (1 Hari 18:36, 37; Nehemias 1:4-11) Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa gayong mga panalangin ay makapagpapalakas sa ating pananampalataya at makapagbibigay sa atin ng mga ideya kung paano pinakamabuting lapitan si Jehova may kaugnayan sa mga álalahanín na nakapagpapabigat sa atin.
22. Ano ang taunang teksto para sa 2003, at ano ang maaari nating itanong sa ating sarili sa pana-panahon sa buong taon?
22 Maliwanag, wala nang mas dakilang karangalan, wala nang mas mabuting tunguhin, kaysa sa pagsunod sa payo ni Santiago na “lumapit kayo sa Diyos.” (Santiago 4:8) Gawin nawa natin ito sa pamamagitan ng pagpapasulong sa ating kaalaman tungkol sa Diyos, pagsisikap na ipamalas ang ating pag-ibig sa kaniya nang higit at higit pa, at paglilinang ng matalik na kaugnayan sa kaniya sa ating mga panalangin. Sa buong taon ng 2003, habang isinasaisip natin ang Santiago 4:8 bilang taunang teksto, patuloy nawa nating suriin ang ating sarili kung tayo talaga ay lumalapit kay Jehova. Subalit kumusta naman ang huling bahagi ng pangungusap na iyan? Sa anong diwa “lalapit . . . sa inyo” si Jehova, na nagdudulot ng anong mga pagpapala? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang bagay na ito.
-
-
“Lalapit Siya sa Inyo”Ang Bantayan—2002 | Disyembre 15
-
-
“Lalapit Siya sa Inyo”
‘Hindi malayo ang Diyos sa bawat isa sa atin.’—GAWA 17:27.
1, 2. (a) Kapag tumitingin tayo sa mabituing kalangitan, ano ang maaari nating itanong may kaugnayan sa Maylalang? (b) Paano tinitiyak sa atin ng Bibliya na napakahalaga ng mga tao sa paningin ni Jehova?
NAPATINGIN ka na ba sa mabituing kalangitan sa isang maaliwalas na gabi at nalipos ng pagkamangha? Ang napakaraming bilang ng mga bituin at ang lawak ng kalawakan ay pumupukaw ng pagkasindak. Sa napakalaking sansinukob na ito, ang lupa ay isang tuldok lamang. Nangangahulugan ba ito na ang Maylalang, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ay napakatayog upang magmalasakit sa mga tao o napakalayo at di-malirip para makilala nila?—Awit 83:18.
2 Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga tao ay napakahalaga sa paningin ni Jehova. Sa katunayan, pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na hanapin siya, na sinasabi: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27; 1 Cronica 28:9) Sa katunayan, kung gagawa tayo ng mga hakbang upang mapalapit sa Diyos, tutugon siya sa ating mga pagsisikap. Sa anong paraan? Ang mga salita ng ating taunang teksto para sa 2003 ay may ganitong nakaaantig-pusong sagot: “Lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Talakayin natin ang ilan sa kamangha-manghang mga pagpapala na saganang ibinibigay ni Jehova sa mga malapít sa kaniya.
Isang Personal na Kaloob Mula kay Jehova
3. Anong kaloob ang ibinibigay ni Jehova sa mga lumalapit sa kaniya?
3 Una, ang mga lingkod ni Jehova ay may mahalagang kaloob na inilaan niya para sa kaniyang bayan. Ang kaloob na ito ay hindi maibibigay ng lahat ng kapangyarihan, kayamanan, at edukasyon na iniaalok ng sistemang ito ng mga bagay. Ito ay isang personal na kaloob, isa na ibinibigay lamang ni Jehova sa mga malapít sa kaniya. Ano ito? Sumasagot ang Salita ng Diyos: “Kung . . . ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 2:3-6) Isip-isipin na lamang na masusumpungan ng di-sakdal na mga tao ang “mismong kaalaman sa Diyos”! Ang kaloob na iyan—ang kaalaman na masusumpungan sa Salita ng Diyos—ay inihahambing sa “nakatagong kayamanan.” Bakit?
4, 5. Bakit maihahambing ang “mismong kaalaman sa Diyos” sa “nakatagong kayamanan”? Ilarawan.
4 Isa na rito, napakahalaga ng kaalaman sa Diyos. Ang isa sa pinakamahalagang pagpapala nito ay ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Subalit pinabubuti ng kaalamang iyan ang ating buhay maging sa ngayon. Halimbawa, bilang resulta ng ating maingat na pag-aaral sa Salita ng Diyos, nalaman natin ang mga sagot sa mahahalagang tanong na gaya ng: Ano ang pangalan ng Diyos? (Awit 83:18) Ano ang tunay na kalagayan ng mga patay? (Eclesiastes 9:5, 10) Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan? (Isaias 45:18) Natutuhan din natin na ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay ay ang pagkakapit sa matalinong payo ng Bibliya. (Isaias 30:20, 21; 48:17, 18) Dahil dito, mayroon tayong mahusay na patnubay na tumutulong sa atin upang mapaglabanan ang mga kabalisahan sa buhay at maitaguyod ang landasin na nagdudulot ng tunay na kaligayahan at kasiyahan. Higit sa lahat, ipinababatid sa atin ng ating pag-aaral sa Salita ng Diyos ang kahanga-hangang mga katangian ni Jehova at inilalapít tayo sa kaniya. May mas mahalaga pa ba kaysa sa matalik na kaugnayan kay Jehova na nakasalig sa “mismong kaalaman sa Diyos”?
5 Mayroon pang isang dahilan kung bakit maihahambing ang kaalaman sa Diyos sa “nakatagong kayamanan.” Tulad ng maraming kayamanan, ito ay maituturing na pambihira sa daigdig na ito. Sa anim na bilyong naninirahan sa lupa, mga anim na milyong mananamba ni Jehova, o mga 1 sa bawat 1,000 ang nakasumpong ng “mismong kaalaman sa Diyos.” Upang ilarawan kung paanong isang pambihirang pribilehiyo na malaman ang katotohanan sa Salita ng Diyos, isaalang-alang ang isa lamang tanong hinggil sa Bibliya: Ano ang nangyayari sa mga tao pagkamatay nila? Alam natin mula sa Kasulatan na ang kaluluwa ay namamatay at na ang mga patay ay walang malay. (Ezekiel 18:4) Gayunman, ang maling paniniwala na may isang bagay sa loob ng tao na nananatiling buháy pagkamatay niya ay tinatanggap ng karamihan sa mga relihiyon sa daigdig. Ito ay isang saligang paniwala ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pinaniniwalaan din ito sa Budismo, Hinduismo, Islam, Jainismo, Judaismo, Shinto, Sikhismo, at Taoismo. Isipin na lamang—bilyun-bilyong tao ang nadadaya ng maling doktrinang ito!
6, 7. (a) Sino lamang ang makasusumpong sa “mismong kaalaman sa Diyos”? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita na pinagpapala tayo ni Jehova ng kaunawaang mailap sa maraming “marurunong at matatalino”?
6 Bakit hindi masumpungan ng maraming tao ang “mismong kaalaman sa Diyos”? Dahil hindi lubusang mauunawaan ng isa ang kahulugan ng Salita ng Diyos kung wala ang Kaniyang tulong. Tandaan, ang kaalamang ito ay isang kaloob. Ibinibigay lamang ito ni Jehova sa mga handang magsaliksik sa kaniyang Salita nang may katapatan at kapakumbabaan. Ang gayong mga tao ay maaaring hindi “marunong ayon sa laman.” (1 Corinto 1:26) Ang marami sa kanila ay maituturing pa nga na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan. (Gawa 4:13) Subalit hindi iyon mahalaga. Ipinagkakaloob sa atin ni Jehova ang “mismong kaalaman sa Diyos” dahil sa mga katangian na nasusumpungan niya sa ating puso.
7 Isaalang-alang ang isang halimbawa. Maraming iskolar sa Sangkakristiyanuhan ang gumawa ng pagkarami-raming komentaryo hinggil sa Bibliya. Ang gayong mga reperensiyang akda ay maaaring nagpapaliwanag hinggil sa pangyayari sa kasaysayan, sa kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griego, at marami pang iba. Sa kabila ng lahat ng kanilang kaalaman, talaga bang nasumpungan ng mga iskolar na iyon ang “mismong kaalaman sa Diyos”? Buweno, maliwanag ba nilang nauunawaan ang tema ng Bibliya—ang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian? Alam ba nila na ang Diyos na Jehova ay hindi bahagi ng isang Trinidad? Ngunit di-tulad nila, taglay natin ang tumpak na unawa sa gayong mga bagay. Bakit? Pinagpapala tayo ni Jehova ng kaunawaan sa espirituwal na mga katotohanang mailap sa maraming “marurunong at matatalino.” (Mateo 11:25) Tunay ngang pinagpapala ni Jehova ang mga malapít sa kaniya!
“Binabantayan ni Jehova ang Lahat ng Umiibig sa Kaniya”
8, 9. (a) Paano inilarawan ni David ang isa pang pagpapala para sa mga malapít kay Jehova? (b) Bakit kailangan ng tunay na mga Kristiyano ang proteksiyong mula sa Diyos?
8 Yaong mga malapít kay Jehova ay nagtatamasa ng isa pang pagpapala—ang proteksiyong mula sa Diyos. Ang salmistang si David, na nakaranas ng maraming kagipitan, ay sumulat: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan. Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila. Binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya.” (Awit 145:18-20) Oo, si Jehova ay malapit sa mga umiibig sa kaniya at sa gayon ay maaaring maging mabilis sa pagtugon sa kanilang mga paghingi ng tulong.
9 Bakit kailangan natin ang proteksiyong mula sa Diyos? Bukod sa nadarama natin ang mga epekto ng pamumuhay sa ganitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” ang tunay na mga Kristiyano ay pantanging tudlaan ng pangunahing Kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo. (2 Timoteo 3:1) Ang tusong kaaway na iyan ay determinadong ‘silain’ tayo. (1 Pedro 5:8) Tayo ay inuusig, ginigipit, at tinutukso ni Satanas. Humahanap din siya ng mga saloobin ng isip at puso na maaari niyang samantalahin. Mayroon siyang tunguhin sa isipan: pahinain ang ating pananampalataya at sirain ang ating espirituwalidad. (Apocalipsis 12:12, 17) Yamang mayroon tayong gayong makapangyarihang kaaway na kailangang labanan, hindi ba nakapagpapatibay-loob na malaman na “binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya”?
10. (a) Paano binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Ano ang pinakamahalagang uri ng proteksiyon, at bakit?
10 Subalit paano binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan? Ang proteksiyon na kaniyang ipinangangako ay hindi gumagarantiya sa atin ng isang buhay na walang problema sa sistemang ito; ni nangangahulugan man ito na obligado siyang gumawa ng mga himala alang-alang sa atin. Gayunman, talagang naglalaan si Jehova ng pisikal na proteksiyon sa kaniyang bayan bilang isang grupo. Sa katunayan, hindi niya hahayaan ang Diyablo na pawiin ang tunay na mga mananamba sa lupa! (2 Pedro 2:9) Higit sa lahat, nagbibigay si Jehova ng proteksiyon sa atin sa espirituwal na paraan. Sinasangkapan niya tayo ng kailangan natin upang mabata ang mga pagsubok at maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Sa dakong huli, ang espirituwal na proteksiyon ang siyang pinakaimportanteng uri ng proteksiyon. Bakit? Hangga’t taglay natin ang ating kaugnayan kay Jehova, walang anumang bagay—kahit na kamatayan—ang permanenteng makapipinsala sa atin.—Mateo 10:28.
11. Anong mga paglalaan ang isinasaayos ni Jehova para sa espirituwal na proteksiyon ng kaniyang bayan?
11 Si Jehova ay nagsasaayos ng saganang paglalaan para sa espirituwal na proteksiyon ng mga malapít sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, binibigyan niya tayo ng karunungan upang matagumpay na maharap ang iba’t ibang pagsubok. (Santiago 1:2-5) Ang pagkakapit sa praktikal na payo na masusumpungan sa Kasulatan ay isa nang proteksiyon mismo. Bukod dito, nagbibigay pa si Jehova ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Ang espiritung iyan ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob, kaya tiyak na masasangkapan tayo nito upang maharap nang matagumpay ang anumang pagsubok o tukso na maaaring mapaharap sa atin. Sa pamamagitan ni Kristo, naglalaan si Jehova ng “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Ang mga lalaking ito na kuwalipikado sa espirituwal ay nagsisikap na ipamalas ang mismong taos-pusong pagkahabag ni Jehova kapag tumutulong sa mga kapuwa mananamba.—Santiago 5:14, 15.
12, 13. (a) Sa paanong paraan inilalaan ni Jehova ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon? (b) Ano ang nadarama mo hinggil sa mga paglalaan ni Jehova para sa ating espirituwal na kapakanan?
12 Si Jehova ay naglalaan ng isa pang bagay upang ingatan tayo: ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45) Sa pamamagitan ng inilimbag na mga publikasyon, lakip na ang mga babasahing Ang Bantayan at Gumising!, at sa pamamagitan ng mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon, inilalaan sa atin ni Jehova ang kailangan natin kapag kailangan natin ito. May naaalaala ka bang pagkakataon na narinig mo ang isang bagay sa isang Kristiyanong pagpupulong, asamblea, o kombensiyon na nakaantig sa iyong puso at nakapagpalakas o nakaaliw sa iyo? Nakabasa ka na ba ng artikulo sa isa sa mga nabanggit na babasahin at nakadama na iyon ay isinulat para sa iyo?
13 Ang isa sa pinakamabisang sandata ni Satanas ay ang panghihina ng loob, at hindi tayo ligtas sa mga epekto nito. Alam na alam niya na ang matagal na pagkasiphayo ay makapapawi ng ating lakas, anupat makapagpapahina pa nga sa atin. (Kawikaan 24:10) Dahil sinisikap ni Satanas na samantalahin ang mga negatibong damdamin, kailangan natin ng tulong. Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay naglalathala paminsan-minsan ng mga artikulo na tutulong sa atin upang mapaglabanan ang panghihina ng loob. Hinggil sa isa sa gayong artikulo, isang Kristiyanong kapatid na babae ang sumulat: “Halos araw-araw kong binabasa ang artikulo, at naluluha pa rin ako. Itinatago ko ito sa aking kama upang magamit ko kapag pinanghihinaan ako ng loob. Sa pamamagitan ng mga artikulong tulad nito, talagang nadarama ko na niyayakap ako ng mapagsanggalang na mga bisig ni Jehova.”a Hindi ba tayo nagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan sa atin ng napapanahong espirituwal na pagkain? Tandaan, ang kaniyang mga paglalaan para sa ating espirituwal na kapakanan ay katibayan na malapít siya sa atin at nasa ilalim tayo ng kaniyang mapagsanggalang na pangangalaga.
Paglapit sa “Dumirinig ng Panalangin”
14, 15. (a) Anong personal na pagpapala ang ipinagkakaloob ni Jehova sa mga malapít sa kaniya? (b) Bakit ang pagpapahintulot na malayang makalapit kay Jehova sa panalangin ay isang kahanga-hangang pribilehiyo?
14 Napansin mo ba na habang lumalaki ang kapangyarihan at awtoridad ng mga tao, kadalasan ay lalo silang nagiging mahirap lapitan ng mga nasasakupan nila? Subalit kumusta naman ang Diyos na Jehova? Siya ba’y lubhang napakalayo upang maging interesado sa mga ipinapahayag sa kaniya ng mga hamak na tao? Sa kabaligtaran! Ang kaloob na panalangin ay isa pang pagpapala na ibinibigay ni Jehova sa mga malapít sa kaniya. Ang pagpapahintulot na malayang makalapit sa “Dumirinig ng panalangin” ay isang tunay na kahanga-hangang pribilehiyo. (Awit 65:2) Bakit?
15 Upang ilarawan ito: Maraming pananagutan ang punong ehekutibo ng isang malaking korporasyon. Siya ang nagpapasiya kung aling mga bagay ang personal niyang pangangasiwaan at alin ang iaatas niya sa iba. Gayundin naman, ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob ay may karapatang pumili kung aling mga bagay ang personal niyang pag-uukulan ng pansin at alin naman ang iaatas niya sa iba. Isaalang-alang ang lahat ng iniatas ni Jehova sa kaniyang minamahal na Anak, si Jesus. Ang Anak ay pinagkalooban ng “awtoridad na gumawa ng paghatol.” (Juan 5:27) Ang mga anghel ay “ipinasakop sa kaniya.” (1 Pedro 3:22) Ang makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova ay ipinagamit kay Jesus upang tulungan siyang akayin ang kaniyang mga alagad sa lupa. (Juan 15:26; 16:7) Kaya masasabi ni Jesus: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Gayunman, may kaugnayan sa ating mga panalangin, pinili ni Jehova na personal siyang masangkot. Kaya naman itinuturo sa atin ng Bibliya na iukol lamang ang ating mga panalangin kay Jehova, na ginagawa iyon sa pangalan ni Jesus.—Awit 69:13; Juan 14:6, 13.
16. Bakit tayo makapagtitiwala na talagang nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin?
16 Talaga bang nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin? Kung siya ay walang interes o hindi nagbibigay-pansin, hindi niya tayo kailanman hihimuking ‘magmatiyaga sa pananalangin’ o ihagis ang ating mga pasanin at mga kabalisahan sa kaniya. (Roma 12:12; Awit 55:22; 1 Pedro 5:7) Ang tapat na mga lingkod noong panahon ng Bibliya ay may ganap na tiwala na nakikinig si Jehova sa panalangin. (1 Juan 5:14) Kaya naman ganito ang sinabi ng salmistang si David: “Dinirinig [ni Jehova] ang aking tinig.” (Awit 55:17) Taglay rin natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala na si Jehova ay malapit at handang makinig sa bawat kaisipan at álalahanín natin.
Ginagantimpalaan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
17, 18. (a) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa tapat na paglilingkod ng kaniyang matatalinong nilalang? (b) Ipaliwanag kung paano ipinakikita ng Kawikaan 19:17 na hindi nakalalampas sa pansn ni Jehova ang ating maawaing mga gawa.
17 Ang posisyon ni Jehova bilang Soberano ng Sansinukob ay hindi naaapektuhan ng maaaring gawin o ayaw gawin ng hamak na mga tao. Gayunman, si Jehova ay isang mapagpahalagang Diyos. Pinahahalagahan niya—sa katunayan, lubhang kinalulugdan—ang tapat na paglilingkod ng kaniyang matatalinong nilalang. (Awit 147:11) Kung gayon, ito ay isa pang pakinabang na tinatamasa ng mga malapít kay Jehova: Ginagantimpalaan niya ang kaniyang mga lingkod.—Hebreo 11:6.
18 Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa ng kaniyang mga mananamba. Halimbawa, mababasa natin: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Ang maawaing konsiderasyon ni Jehova sa mga maralita ay masasalamin sa Kautusang Mosaiko. (Levitico 14:21; 19:15) Ano ang nadarama ni Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang awa sa pakikitungo natin sa mga maralita? Kapag nagbibigay tayo sa mga maralita, nang hindi umaasa ng anumang kabayaran, minamalas ito ni Jehova bilang pautang sa Kaniya. Nangangako si Jehova na babayaran niya ng paglingap at mga pagpapala ang utang na iyon. (Kawikaan 10:22; Mateo 6:3, 4; Lucas 14:12-14) Oo, kapag nagpapakita tayo ng habag sa isang kapuwa mananamba na nangangailangan, nakaaantig ito sa puso ni Jehova. Kaylaking pasalamat natin na malaman na ang ating maawaing mga gawa ay hindi nakalalampas sa pansin ng ating makalangit na Ama!—Mateo 5:7.
19. (a) Bakit tayo makatitiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa natin sa pangangaral at paggawa ng alagad? (b) Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang mga gawang paglilingkod na iniukol sa pagsuporta sa kaniyang Kaharian?
19 Lalo nang pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa natin alang-alang sa kaniyang Kaharian. Kapag lumalapit tayo kay Jehova, likas lamang na nais nating gamitin ang ating panahon, lakas, at kayamanan upang makabahagi nang lubusan hangga’t maaari sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20) Kung minsan, maaaring madama natin na kaunti lamang ang ating nagagawa. Maaari pa ngang ipaisip sa atin ng ating di-sakdal na puso na baka hindi nalulugod si Jehova sa ating mga pagsisikap. (1 Juan 3:19, 20) Subalit pinahahalagahan ni Jehova ang bawat kaloob—gaano man ito kaliit—na nagmumula sa pusong inudyukan ng pag-ibig. (Marcos 12:41-44) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Oo, tinatandaan at ginagantimpalaan ni Jehova maging ang pinakamaliit na gawang paglilingkod na iniukol sa pagsuporta sa kaniyang Kaharian. Bukod sa mayayamang espirituwal na pagpapala sa ngayon, makaaasa tayo sa mga kagalakan sa buhay sa darating na bagong sanlibutan, kung saan saganang bubuksan ni Jehova ang kaniyang kamay at sasapatan ang matuwid na mga nasa ng lahat ng malapít sa kaniya!—Awit 145:16; 2 Pedro 3:13.
20. Sa buong taon ng 2003, paano natin maaaring isaisip ang mga salita sa ating taunang teksto, at ano ang magiging resulta nito?
20 Sa buong taon ng 2003, tanungin natin ang ating sarili kung patuloy ba tayong nagsisikap upang mapalapit sa ating makalangit na Ama. Kung oo, makatitiyak tayo na tutugon siya na gaya ng kaniyang ipinangako. Tutal, ang “Diyos . . . [ay] hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Kung lalapit ka sa kaniya, lalapit siya sa iyo. (Santiago 4:8) At ano ang magiging resulta nito? Saganang pagpapala ngayon at ang pag-asa na mapalapit nang lalong higit kay Jehova magpakailan-kailanman!
[Talababa]
a Isang tugon sa artikulong “Mas Dakila si Jehova Kaysa sa Ating mga Puso,” sa Mayo 1, 2000, isyu ng Ang Bantayan, pahina 28-31.
-