‘Maligaya ang mga Nakapagtitiis’
1. Buhat noong 1914, anong kalagayan sa lupa ang katuparan ng Mateo 24:3-8, at anong mga pag-aangkin ng Liga ng mga Bansa at ng Nagkakaisang mga Bansa ang nabigo?
SA KANIYANG aklat na The Present Age, tinutukoy ni Robert Nisbet “ang Pitumpu’t limang Taóng Digmaan na nagpapatuloy, bihirang napapahinto, buhat noong 1914.” Oo, “mga digmaan at mga balita ng mga digmaan,” kasali na ang mga digmaang pandaigdig—iyan ang inihula ni Jesu-Kristo para sa panahong ito ng kawakasan. (Mateo 24:3-8) Ang Liga ng mga bansa ay itinatag noong 1920 “upang hadlangan magpakailanman ang digmaan.” Anong laking kabiguan ang tinamo nito! Ang Nagkakaisang mga Bansa ay inorganisa naman noong 1945 “upang iligtas ang mga sumusunod na salinlahi buhat sa hagupit ng digmaan.” Subalit ang aklat ni Max Harrelson na Fires All Around the Horizon ay naglalahad: “Halos walang isang araw magbuhat nang matapos ang Digmaang Pandaigdig II na walang labanan saanmang lugar.”
2. Ano ba ang itinatanong ng iba kung tungkol sa mga kalagayan sa daigdig, subalit anong mga katanungan ang dapat na itinatanong natin?
2 Ang terorismo at karahasan, katiwalian at karalitaan, mga droga o bawal na gamot at mga salot—lahat ng ito ay nagpapalubha pa sa nakalulungkot na larawan. Ang ilan ay nagtatanong: ‘Papaano nga ba makapagpapatuloy ang sangkatauhan na tiisin ang ganiyang nakababahalang mga kalagayan?’ Subalit, ang lalong mahalaga na dapat nating itanong: ‘Papaano natitiis ng Diyos ang paglapastangan sa kaniyang makalupang mga paglalang? Gaano pang katagal papayagan niya ang mga taong balakyot na ipahamak ang lupa at magbunton ng upasala sa kaniyang mahalagang pangalan?’
3. (a) Anong tanong ang ibinangon ng propetang si Isaias, at bakit? (b) Ano ang sagot ni Jehova, at ano ang ipinakikita nito para sa ating kaarawan?
3 Ang propetang si Isaias ay nagbangon ng isang nahahawig na tanong. Siya’y inatasan na ipahayag sa kaniyang mga kababayan ang isang mensahe buhat kay Jehova. Subalit siya’y binigyan ng paunang babala na sila’y hindi makikinig sa kaniya o sa Diyos na nagsugo sa kaniya. Kaya’t si Isaias ay nagtanong: “Hanggang kailan, Oh Jehova?” Oo, hanggang kailan mangangaral si Isaias sa matitigas ang ulong mga taong ito, at hanggang kailan magtitiis si Jehova ng kanilang nakaiinsultong pagtangging makinig sa kaniyang mensahe? Si Jehova ay tumugon: “Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mga wala nang tao, at ang lupain ay maging lubos na giba.” (Isaias 6:8-11) Katulad din sa ngayon, ang Diyos ay nagtitiis ng gayong mga pag-upasala hanggang sa kaniyang itinakdang panahon na isagawa ang inihatol sa isang sanlibutan na kung saan ang pangunahing nagkakasala ay ang di-tapat na Sangkakristiyanuhan.
4. Ano ang naging resulta ng pagtitiis ni Job, at anong katiyakan ang ibinibigay nito sa atin sa ngayon?
4 Matagal nang pinagtitiisan ni Jehova ang mga pagtuya ni Satanas. Mga 3,600 taon ang lumipas, ang tapat na si Job ay nagtiis din, pinabulaanan ang hamon ni Satanas na siya’y hindi makapananatiling tapat sa ilalim ng pagsubok. Anong laking kagalakan ang idinulot nito sa puso ni Jehova! (Job 2:6-10; 27:5; Kawikaan 27:11) Gaya ng sinabi ng bandang huli ng kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago: “Narito! tinatawag nating maliligaya yaong mga nakapagtiis. Inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job at nakita ang pinapangyari ni Jehova na maging wakas, anupa’t si Jehova ay lubhang magiliw magmahal at maawain.” Katulad din niyan, yaong mga nagtitiis na kasama ni Jehova sa ngayon ay tiyak na magtatamo ng maligayang resulta.—Santiago 5:11.
5. Papaano ipinakita ni Jesus na pagtitiis ang kailangan ng bayan ng Diyos sa ngayon, at habang ginagawa ang anong gawain kailangan silang magtiis?
5 Malinaw na ipinakita ni Jesus na pagtitiis ang kailangan ng bayan ng Diyos sa ating kaarawan. Nang ihula ang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi niya: “Ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.” Magtiis habang gumagawa ng ano? Ang mismong susunod na mga salita ni Jesus ang sumasagot: “At ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa.” (Mateo 24:3, 13, 14) Pagkatapos lamang niyan ‘saka darating ang wakas.’—Tingnan din ang Marcos 13:10, 13; Lucas 21:17-19.
Kung Bakit Nagtitiis si Jehova
6. Bakit si Jehova ay isang litaw na halimbawa ng pagtitiis, at ano ang isang dahilan at siya’y nakapagtitiis nang gayon?
6 Ipinaliwanag ni apostol Pablo na “bagaman kalooban ng Diyos na itanghal ang kaniyang galit at ipakilala ang kaniyang kapangyarihan, naging totoong mapagbata siya sa mga sisidlan ng galit na ginawang karapat-dapat sa pagkapuksa.” (Roma 9:22) Bakit nga ba natitiis ni Jehova ang patuloy na pag-iral ng balakyot, ang mga sisidlang ito ng galit? Ang isang dahilan ay ito: upang ipakilala na ang pamamahala ng tao, na hiwalay sa Maylikha ng tao, ay tiyak na mabibigo. (Jeremias 10:23) Di-magtatagal, ang pagkasoberano ng Diyos ay ipagbabangong-puri samantalang kaniyang patutunayan na siya lamang ang makapagdudulot ng kapayapaan, pagkakaisa, at kaligayahan sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng pamamahala ni Jesus sa Kaharian.—Awit 37:9-11; 45:1, 6, 7.
7. Sa ano pang ibang dahilan nagtitiis si Jehova, at ano ang napapakinabang dito ng milyun-milyon magbuhat ng mga taon ng 1930?
7 Isa pa, si Jehova ay nagtitiis “upang maipakilala niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlan ng awa.” (Roma 9:23) Ang mga sisidlang ito ng awa ay ang tapat na mga pinahiran na “binili buhat sa sangkatauhan” upang magharing kasama ni Kristo Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. Ang pagtatatak sa 144,000 ay nagpatuloy mula noong panahon ng mga apostol. Ito ngayon ay malapit nang matapos. (Apocalipsis 7:3; 14:1, 4) At narito! Magbuhat ng mga taon ng 1930 dahil sa patuloy na pagtitiis ni Jehova ay natitipon ang milyun-milyong mga iba pa, “isang malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa,” na nagagalak sa pag-asang makatawid sa pangkatapusang kapighatian upang magmana ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. (Apocalipsis 7:4, 9, 10, 13-17) Ikaw ba ay isa sa mga kabilang sa malaking pulutong na iyan? Kung gayon, hindi ka ba nagagalak na pinagtitiisan ni Jehova ang pagkanaririto ng mga sisidlan ng galit hanggang sa ngayon? Gayumpaman, ikaw ay kailangang patuloy na magtiis, gaya ni Jehova na nagtitiis.
Ginantimpalaan ang Pagtitiis
8. Bakit lahat tayo ay nangangailangan ng pagtitiis, at anong halimbawa ng pagtitiis ang dapat nating masidhing isaalang-alang?
8 Lahat tayo ay nangangailangan ng pagtitiis kung ibig natin na tumanggap ng mga pangako. Pagkatapos na bigkasin ang pinakasaligang katotohanang ito sa Hebreo 10:36, inilarawan sa detalye ni apostol Pablo ang pinakamataas na pamantayan ng pananampalataya at pagtitiis ng isang napakakapal na “ulap ng mga saksi” noong sinaunang panahon. Pagkatapos ay ipinapayo sa atin na “takbuhin nating may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin, habang masidhing minamasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus. Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya,” si Jesus ay nagtiis sa kaniyang buong-pusong paglilingkod, kailanma’y hindi iniaalis ang kaniyang pananaw sa gantimpala. Anong husay ng ganitong halimbawa na nagpapalakas sa atin na magtiis din!—Hebreo 12:1, 2.
9. Ano ang naging bunga ng makabagong-panahong mga halimbawa ng pagtitiis?
9 Napakarami rin ang makabagong-panahong mga halimbawa ng pagtitiis. Marahil ay may kilala ka, o nakilala ka, na mga kapatid na lalaki at mga babae na namumukod-tangi sa kanilang pagtitiis. Ang kanilang katapatan ay nagsilbing pampasigla sa atin! At sa taun-taon, sa pag-uulat ng mga Saksi ni Jehova sa Watch Tower Society ng kanilang pambuong-daigdig na nagawa, tumatanggap ng higit pang nakaaantig-damdaming mga ulat ng pagtitiis at pananatili sa katapatan. Ang tsart sa apat na pahinang nauuna ay nagbibigay ng sumaryo o kabuuan ng dakilang gawaing naisagawa noong 1989 samantalang ginagawa ng mga Saksing ito na ‘ilakip sa kanilang pananampalataya ang pagtitiis.’—2 Pedro 1:5, 6.
Ang Ating Pinakadakilang Taon
10. (a) Ilang mga lupain at kapuluan ang nakibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian noong 1989, at ilan ang nakibahagi sa gawaing ito? (b) Ilang mga payunir ang nag-ulat sa kasukdulang buwan, at ano ang kabuuang bilang ng mga oras na ginugol sa paglilingkod sa larangan?
10 Gaya ng ipinakikita ng nauunang tsart, 212 mga lupain at kapuluan ang nakibahagi sa pangangaral ng dumarating na Kaharian ni Jehova. Mahal na mambabasa ng Bantayan, ikaw ba ay nagkapribilehiyo na maging isa sa 3,787,188 na nakibahagi sa dakilang gawaing ito? Ikaw ba ay isa sa 808,184 na nag-ulat bilang mga payunir noong kasukdulang buwan para sa paglilingkurang iyan? Ano man ang iyong naiabuloy sa 1989 pangglobong kabuuang bilang na 835,426,538 mga oras na ginugol sa paglilingkod sa larangan, ikaw ay may dahilan na magalak.—Awit 104:33, 34; Filipos 4:4.
11. (a) Ilan ang nagsidalo sa Memoryal noong nakalipas na Marso 22 na isang bagay na dapat ikagalak, at bakit? (b) Ilan ang nabautismuhan, at anong mga bansa sa tsart ang nangunguna rito?
11 Magalak ka rin sa pambihirang kabuuang 9,479,064 mga nagsidalo, noong nakalipas na Marso 22, sa pambuong daigdig na pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus! Ito’y nagpapakitang may potensiyal na 5,691,876 karagdagang mga tagapagbalita ng Kaharian, kung sakaling ang interesadong tulad-tupang mga taong ito ay maibiging matutulungan upang makapasok sa kulungan ng mga tupa, upang magkaroon ng palagiang bahagi sa paglilingkod kay Jehova. Sila ba’y matutulungan natin dito? (Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 15) Marami na ang nagsisitugon, gaya ng ipinakikita ng kabuuang bilang 263,855 na mga bagong Saksi na nabautismuhan noong 1989 taon ng paglilingkuran.
12. Ano ang mga ilang bagay na hindi isinisiwalat ng tsart (a) tungkol sa mga palimbagan ng Watch Tower Society? (b) tungkol sa naipasakamay na mga magasin at mga suskripsiyon?
12 May mga ilang bagay na hindi isinisiwalat ng tsart. Ang pagkauhaw sa mga publikasyon—mga Bibliya, aklat, brosyur, magasin—ay di-maampat. Kaya naman, ang mga palimbagan ng Watchtower sa New York ay gumamit ng 25,999 na tonelada ng papel sa paglimbag ng 35,811,000 mga Bibliya, aklat, at brosyur, na 101-porsiyentong pagsulong kung ihahambing noong 1988. Ang mga iba pang malalaking palimbagan ng Watch Tower Society, lalung-lalo na sa Alemanya, Italya, at Hapon, ay nagsaayos ng karagdagang rilyebo ng mga manggagawa, sa pagsuporta sa “tapat at maingat na alipin” sa pamamahagi ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Sa Abril at Mayo, sa ilang mga lupain iniulat na naging katangi-tangi ang pagpapasakamay ng mga magasin at suskripsiyon, anupa’t ang lalo nang higit na idiniin ay ang pamamahagi ng mga labas ng Bantayan tungkol sa “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Walang alinlangan, sa darating na Abril, ang mga auxiliary payunir at iba pang mga Saksi ay magdaragsaan sa larangang pandaigdig na mapatutunayan natin na pinakamahusay na kampanya ng pagpapatotoo sa paglilingkurang taon ng 1990.—Ihambing ang Isaias 40:31; Roma 12:11, 12.
13. Anong mga bansa ang nakatala sa tsart ngunit hindi nakatala noong nakaraang taon? Ipaliwanag.
13 Muling tunghayan ang tsart. Hindi ba may nakikita kang ilang bansa na hindi nakatala ang pangalan noong nakaraang taon? Aba, oo! Sa Hungary at Poland, kung saan ang ating gawain ay pinayagang maging legal kamakailan. Tayo’y napasasalamat sa mga maykapangyarihan sa mga lupaing ito sa kanilang pagpapakita ngayon ng gayong konsiderasyon sa mga Saksi ni Jehova. Sa bagay na ito, ang mga panalangin ng pambuong-daigdig na pagkakapatiran ay sinagot na, “upang kayo’y mangabuhay na tahimik at payapa kalakip ng buong maka-Diyos na debosyon at kahusayan.”—1 Timoteo 2:1, 2.
14. Magbigay ng mga ilang tampok na bahagi ng “Maka-Diyos na Debosyon” na mga Pandistritong Kombensiyon sa Poland.
14 “Maka-Diyos na debosyon”! Aba, ang “Maka-Diyos na Debosyon” na mga Pandistritong Kombensiyon ay naaring ganapin kahit na sa Poland, sa tatlong lugar, noong Agosto! Kahanga-hanga ang ipinakitang pagtanggap ng ating 91,024 na mga kapatid na taga-Poland! (Hebreo 13:1, 2, 16) Iyon ay mistulang isang himala, na sampu-sampung libo ng mga kapatid natin—mga Czechs, Aleman, Ruso, at iba pa—ang nakakuha ng mga visa upang makapunta roon sakay ng bus, tren, at ang iba’y nangaglakad. Libu-libo pa ang nagbiyahe sakay ng eroplano galing sa Amerika, Kanlurang Europa, at hanggang sa sinlayo ng mga kapuluan sa Pasipiko at sa Hapon. Ang pagkalaki-laking mga istadiyum, na nilinis nang husto ng ating mga kapatid ay halos kulang pa upang doo’y magkasya ang 65,710 sa Chorzów, 40,442 sa Poznan, at 60,366 sa Warsaw—ang kabuuang dumalo ay 166,518! Sa bawat sentro, ang pambihirang tanawin ng bautismo ay pumukaw ng mga luha ng kagalakan. Sa Poznan ay may nabautismuhang isang 9-anyos at isang 90-anyos, at sa kabuuang bilang na 6,093 na mga nabautismuhan sa tatlong kombensiyon ay kasali ang maraming tinedyer, marami sa mga ito ang nanggaling sa mga lupain na kung saan ang sabi’y mamamatay na roon ang relihiyon kasama ng mga matatanda na. Hindi nagkagayon kung tungkol sa tunay na relihiyon na nakasalig sa Salita ng Diyos! (Ihambing ang Awit 148:12, 13; Gawa 2:41; 4:4.) Kahanga-hangang ginantimpalaan ang pagtitiis ng ating mga kapatid sa Silangang Europa!
Patuloy na Katapatan sa Ilalim ng Pagsubok
15. Papaanong ang mga Saksi sa Lebanon ay nagpakita ng pagtitiis at katatagan, at ano ang maiinam na resulta?
15 Katulad ni apostol Pablo, ang mga Saksi ni Jehova ay kinakailangang magpakita ng pagtitiis sa ilalim ng marami at sarisaring mga kalagayan. (2 Corinto 11:24-27) Sa Lebanon, kasalukuyang nagaganap ang giyera sibil. Papaano ba tumutugon ang ating mga kapatid? Sila’y may katatagan at determinasyon. Nang taóng 1989 napakatindi ang pagkakanyunan at pagbobombahan doon, subalit kahit na sa mga lugar na doo’y pinakamatindi ang mga ito, ang mga kapatid ay determinado na huwag magmabagal. Isang kongregasyon sa Beirut ang nag-uulat: “Regular na mga grupo para sa paglabas sa larangan ang isinaayos sa lahat ng gabi ng sanlinggo. Bagaman mahirap ang mga kalagayan ng seguridad, ang mga kapatid ay hindi nasiraan ng loob. Higit pang teritoryo ang nagawa namin kaysa kailanman. Noong Abril ay nagkaroon kami ng pinakamataas na bilang ng mga payunir. Nakapagpasimula ng mga bagong pag-aaral sa Bibliya, at higit pang mga magasin at mga aklat ang naipasakamay.”
16. Papaanong ang ating mga kapatid sa Colombia ay nagpakita ng pagtitiis sa pamamagitan ng pagdadala ng mabuting balita sa mga bayan na kung saan walang mga Saksi?
16 Ang Colombia ay napatampok sa balita dahilan sa paglaganap doon ng droga o mga bawal na gamot at karahasan. Subalit ang pagtitiis ng mga tapat na Kristiyano roon ay napapatampok din sa balita. Kamakailan, pansamantalang mga espesyal payunir ang idinestino sa 31 bayan na may sampung libo o higit pang naninirahan at kung saan walang mga Saksi. Sa isang bayan, nang mapag-alamán ng mga taong bagong nagkakainteres na mga ilang buwan lamang doroon ang mga payunir, ang mga payunir ay kanilang pinamanhikan na dumoon na. Sa isa naman, 18 mga taong interesado ang nagsilagda sa isang liham ng pagpapahalaga sa espirituwal na tulong na ibinigay sa panahon ng tatlong-buwang paglagi roon ng mga payunir at sila’y humingi ng karagdagang tulong. “Ito’y isang seryosong gawain,” ang sabi nila. Kalabisang sabihin, sa dalawang kasong iyan gumawa ng mga kaayusan upang magpatuloy na linangin ang interes. Ang pagpapaunlad sa ganiyang malayong teritoryo ay nangangailangan ng pagtitiis, subalit ang pagpapagal ng mga payunir na gumagawa ng gayon ay saganang pinagpapala.
17, 18. (a) Sa ilalim ng anong mga kalagayan nagtiis ang mga Saksi ni Jehova sa Italya? (b) Papaanong napabuti pa nga ang mga Saksi sa kabila ng pagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa kanila?
17 Sa Italya, ang mga Saksi ni Jehova ay nakaharap sa matinding pananalansang ng klero, subalit sa tulong ng lakas ni Jehova sila ay nakapagtitiis. Sa iba’t ibang parokya, ang klero ay namahagi ng mga sticker upang idikit sa mga tahanan ng kanilang mga miyembro na nagsasabi sa mga Saksi ni Jehova na huwag titimbre sa kanilang mga pinto. Maraming pari ang nangalap ng mga batang lalaki upang magdikit ng mga sticker na ito sa lahat ng pinto sa isang partikular na lugar—maging sa mga tahanan ng mga pami-pamilyang Saksi! Datapuwat, ang mga Saksi ay hindi madaling takutin, at kadalasan ginagamit nila ang mga sticker upang makapagpasimula ng isang pakikipag-usap. Gayundin, ang mga pahayagan at pambansang telebisyon ay nagbigay ng malaganap na pamamahayag tungkol sa bagay na iyon, kanilang kinondena ang pagkapanatikong ipinakita ng mga relihiyoso at idiniin na ang gayong mga taktika ay tunay na isang tanda ng kahinaan sa bahagi ng simbahan. Isang propesor sa unibersidad ang nagdamdam na lubha sa kontrobersiyal na anti-Saksing mga sticker na anupa’t siya’y sumuskribe sa Ang Bantayan at Gumising!
18 Ang Iglesiya Katolika sa Italya ay gumamit pa ng mga apostata upang magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa bayan ni Jehova, subalit ito’y hindi rin naman gumana dahilan sa ang 172,382 na mga mamamahayag ay kilalang-kilala at respetado. Isang lalaki ang nagsabi sa dumadalaw na mga Saksi na siya’y nakabasa ng masasamang bagay tungkol sa atin sa literatura na isinulat ng mga dating Saksi. Sa gayon, siya’y naging isang labis na mananalansang nang ang kaniyang kapatid ay maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunman, di-nalaunan, kaniyang napansin ang mabuting epekto sa kaniyang kapatid ng pagbabago ng kaniyang relihiyon. Kaniyang pinag-isipan: ‘Papaanong mangyayaring ang isang bagay na napakasama ay magbunga ng gayong kabutihan?’ Kaya naman, siya’y humiling sa dumadalaw na mga Saksi ng isang pag-aaral sa Bibliya.—Ihambing ang Colosas 3:8-10.
Kung Papaano Hinaharap ang Kawalang-Interes
19, 20. (a) Anong kalagayan ang nangailangan ng pagtitiis sa bahagi ng mga Saksi sa Pinlandya, at ano ang talagang makabuluhan tungkol sa isang surbey na ginawa ng simbahan? (b) Anong karanasan ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagtitiis sa pangangaral ng mabuting balita?
19 Sa mga lupain na kung saan malimit dumadalaw ang mga Saksi, kadalasa’y malaganap ang kawalang-interes sa mabuting balita. Tunay na ganito ang nangyayari sa Pinlandya. Ang simbahan sa lupaing iyan ay nagsagawa ng isang surbey at natagpuan na 70 porsiyento ng populasyon ang ayaw na ang mga Saksi ay dumalaw sa kanilang mga tahanan. Subalit, 30 porsiyento ang hindi mahigpit na tumututol, at sa mga ito, 4 na porsiyento ang nagsabing aktuwal na gusto nila ang mga Saksi ni Jehova. Ito ay isang makabuluhang bilang. Apat na porsiyento ng populasyon ng Pinlandya ay kumakatawan sa 200,000 katao. Ihambing iyan sa kasalukuyang dami ng mga mamamahayag na 17,303!
20 Sa isang mamamahayag na naglilingkod sa larangan ay itinawag-pansin ang surbey na ito at siya’y tinanong: “Alam mo ba na 70 porsiyento sa amin ang may paniwala na kayo’y mga taong di-kanais-nais? Bakit kayo patuloy na nagpupunta sa aming mga tahanan?” Ang mamamahayag ay tumugon: “Opo, ngunit ang pag-aaral ding iyon ang nagpakita na 4 na porsiyento sa inyo ang may gusto sa amin. Ang mga taong iyan ang sinisikap naming hanapin. Kahit na kung sila’y 1 porsiyento lamang, kami’y magbabahay-bahay pa rin upang sila’y aming matagpuan.” Ang maybahay ay nag-isip-isip sumandali at ang sabi: “Ang inyo bang balitang dinadala’y ganiyang kahalaga sa kanila?” Ang mamamahayag ay tumugon sa pamamagitan ng pagtatanong: “Ibig po ba ninyong marinig ito?” Hindi nagtagal at ang maybahay na ito ay nagpakita ng interes sa mabuting balita.
Ang Inilalaan ng Kinabukasan
21. (a) Anong uri ng pakikipagbaka ang kailangang gawin natin sa sistemang ito, at bakit? (b) Ano ang baka kailangang pagtiisan natin, at ano ang tinitiyak sa atin ng hula ni Habacuc?
21 Kumusta naman tayong lahat ngayon? Tayo ba ay disidido na magtiis kasama ni Jehova at ni Kristo Jesus hanggang sa wakas? Baka hindi na gaanong magtagal, ngunit tayo’y kailangang magtiis! Sa sistema ni Satanas, tayo’y kailangang puspusang makipagbaka ukol sa pananampalataya, habang ang imoralidad, kabulukan, at pagkakapootan ng sanlibutan ay nakapalibot sa atin sa lahat ng panig. (Judas 3, 20, 21) Baka kailangang tayo’y magtiis ng ganoo’t ganitong uri ng pag-uusig. Kahit na ngayon, libu-libo sa ating mga kapatid ang nagdurusa sa mga bilangguan, at ang iba ay dumaranas ng malupit na panggugulpi. Ang mga ito ay napasasalamat dahil sa ating mga panalangin. (2 Tesalonica 3:1, 2) Kaylapit-lapit na, mawawala na ang kasalukuyang sistemang ito! Gaya ng sinabi ni Habacuc: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa pagkatapos, at hindi magbubulaan. Bagaman nagluluwat, ay patuloy na hintayin mo; sapagkat walang pagsalang darating. Hindi magtatagal.”—Habacuc 2:3.
22. Anong gantimpala ang maaasahan nating may pagtitiwala kung tayo’y magtitiyagang gaya ng mga propeta at magtitiis na gaya ni Job?
22 Ang alagad na si Santiago ay may pagmamahal na nagsasabi sa atin: “Kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at ng pagtitiis, mga kapatid, ang mga propeta, na nagsipagsalita sa pangalan ni Jehova.” Tayo sa ngayon na nangagsasalita sa pangalan ni Jehova ay maaaring manatiling tapat sa panahon ng mahigpit na mga pagsubok, tulad nina Isaias, Jeremias, Daniel, at mga iba pa. Gaya ni Job, tayo’y makapagtitiis. Anong kahanga-hangang gantimpala ang ibinigay sa kaniya dahil sa kaniyang pagtitiis! Ang awa at kagandahang-loob ni Jehova ang magdadala sa atin ng nakakatulad na mga gantimpala—kung tayo’y magtitiis hanggang sa wakas. At harinawang ang mga salita ni Santiago ay matupad sa bawat isa sa atin: “Narito! Tinatawag nating maliligaya yaong mga nakapagtitiis.”—Santiago 5:10, 11; Job 42:10-13.
Papaano Mo Sasagutin
◻ Anong pangangailangan ng pagtitiis ang idiniin ni Jesus?
◻ Sa anong mga dahilan nagtitiis si Jehova?
◻ Ano ang ilang mga tampok na bahagi ng dakilang gawaing naisagawa noong 1989?
◻ Papaano ginantimpalaan ang pagtitiis ng ating mga kapatid sa Poland?
◻ Papaanong ang mga Saksi sa Lebanon, Colombia, at Italya ay nagpakita ng katapatan sa ilalim ng pagsubok?
[Chart sa pahina 20-23]
1990 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)