Tayo’y Nagiging Matiisin at Mapanalanginin Dahil sa Pananampalataya
“Magsagawa ng pagtitiis; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.”—SANTIAGO 5:8.
1. Bakit dapat nating pag-isipan ang Santiago 5:7, 8?
NAGAGANAP na ngayon ang matagal nang hinihintay na “pagkanaririto” ni Jesu-Kristo. (Mateo 24:3-14) Higit kailanman, lahat ng nag-aangking sumasampalataya sa Diyos at kay Kristo ay may dahilang pag-isipan ang mga salitang ito ng alagad na si Santiago: “Magsagawa kayo ng pagtitiis, mga kapatid, hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon. Narito! Ang magsasaka ay patuloy na naghihintay sa mahalagang bunga ng lupa, na nagsasagawa ng pagtitiis dito hanggang sa tanggapin niya ang maagang ulan at ang huling ulan. Kayo rin naman ay magsagawa ng pagtitiis; patatagin ang inyong mga puso, sapagkat ang pagkanaririto ng Panginoon ay malapit na.”—Santiago 5:7, 8.
2. Ano ang ilan sa mga suliraning napaharap sa mga sinulatan ni Santiago?
2 Yaong mga sinulatan ni Santiago ng kaniyang kinasihang liham ay kinailangang magsagawa ng pagtitiis at lumutas ng iba’t ibang suliranin. Marami ang kumikilos nang salungat sa inaasahan sa mga nag-aangking sumasampalataya sa Diyos. Halimbawa, may kailangang gawin tungkol sa ilang hangarin na tumubo sa puso ng ilan. Kailangang ibalik ang kapayapaan sa gitna ng mga unang Kristiyanong iyon. Kailangan din nila ng payo tungkol sa pagiging matiisin at mapanalanginin. Habang tinatalakay natin ang sinabi sa kanila ni Santiago, tingnan natin kung paano natin maikakapit sa ating buhay ang kaniyang mga salita.
Mapanira ang mga Maling Pagnanasa
3. Ano ang mga sanhi ng alitan sa kongregasyon, at ano ang matututuhan natin dito?
3 Walang kapayapaan sa ilang nag-aangking Kristiyano, at ang mga maling pagnanasa ang ugat na dahilan ng kalagayang ito. (Santiago 4:1-3) Ang mga alitan ay nagbubunga ng pagkakabaha-bahagi, at ang ilan ay di-maibiging humahatol sa kanilang mga kapatid. Nangyayari ito dahil ang mga pagnanasa sa kaluguran ng laman ay naglalabanan sa kanilang mga sangkap ng katawan. Tayo mismo ay baka kailangang manalangin para sa tulong na mapaglabanan ang pagnanasa ng laman sa katanyagan, kapangyarihan, at mga pag-aari upang hindi tayo makagawa ng anumang sisira sa kapayapaan ng kongregasyon. (Roma 7:21-25; 1 Pedro 2:11) Sa ilang unang-siglong Kristiyano, ang kaimbutan ay tumubo hanggang sa umabot sa nakapopoot at nakamamatay na saloobin. Yamang hindi tutugunin ng Diyos ang kanilang mga maling pagnanasa, patuloy silang naglalabanan sa pagsisikap na makamit ang kanilang mga mithiin. Kung tayo ay may gayunding maling pagnanasa, baka humihingi tayo ngunit hindi makatatanggap, yamang hindi sinasagot ng ating banal na Diyos ang gayong mga panalangin.—Panaghoy 3:44; 3 Juan 9, 10.
4. Bakit tinawag ni Santiago ang ilan na “mga mangangalunya,” at paano dapat makaapekto sa atin ang kaniyang sinabi?
4 Umiral sa ilang unang Kristiyano ang pagkamakasanlibutan, inggit, at pagmamapuri. (Santiago 4:4-6) Tinawag ni Santiago ang ilan na “mga mangangalunya” sapagkat sila’y kaibigan ng sanlibutan at sa gayo’y nagkasala ng espirituwal na pangangalunya. (Ezekiel 16:15-19, 25-45) Tiyak, hindi natin nais na maging makasanlibutan sa saloobin, pananalita, at pagkilos, sapagkat dahil dito’y magiging mga kaaway tayo ng Diyos. Ipinakikita sa atin ng kaniyang Salita na ang ‘hilig sa pagkainggit’ ay bahagi ng masamang pagkiling, o “espiritu,” sa makasalanang mga tao. (Genesis 8:21; Bilang 16:1-3; Awit 106:16, 17; Eclesiastes 4:4) Kaya kung matanto natin na kailangan nating paglabanan ang inggit, pagmamapuri, o iba pang masamang hilig, hingin natin ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu. Ang puwersang ito, na inilalaan sa pamamagitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, ay mas malakas kaysa sa ‘hilig sa pagkainggit.’ At samantalang sinasalungat ni Jehova ang mapagmapuri, pagkakalooban niya tayo ng di-sana-nararapat na kabaitan kung paglalabanan natin ang mga makasalanang hilig.
5. Upang matamasa ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, anong mga kahilingan ang dapat nating maabot?
5 Paano natin makakamit ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos? (Santiago 4:7-10) Upang matamasa ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, dapat natin siyang sundin, tanggapin ang kaniyang mga paglalaan, at magpasakop sa anumang kalooban niya. (Roma 8:28) Dapat din nating “salansangin” ang Diyablo, o ‘manindigan laban’ sa kaniya. Siya ay ‘tatakas mula sa atin’ kung mananatili tayong matatag bilang mga tagatangkilik ng pansansinukob na soberanya ni Jehova. Taglay natin ang tulong ni Jesus, na pumipigil sa balakyot na mga ahensiya ng sanlibutan upang walang makagawa sa atin ng permanenteng pinsala. At huwag kalimutan ito kailanman: Sa pamamagitan ng panalangin, pagsunod, at pananampalataya, napapalapit tayo sa Diyos, at napatutunayang malapit siya sa atin.—2 Cronica 15:2.
6. Bakit tinawag ni Santiago na “mga makasalanan” ang ilang Kristiyano?
6 Bakit ikinapit ni Santiago ang salitang “mga makasalanan” sa ilan na nag-aangking sumasampalataya sa Diyos? Sapagkat sila’y nagkasala ng “mga digmaan” at nakamamatay na poot—mga saloobing hindi nararapat sa mga Kristiyano. (Tito 3:3) Ang kanilang “mga kamay,” na puno ng masasamang gawa, ay kailangang linisin. Kailangan din nilang dalisayin ang kanilang “mga puso,” ang pinagmumulan ng motibo. (Mateo 15:18, 19) Yaong “mga di-makapagpasiya” ay nagsasalawahan sa pagitan ng pakikipagkaibigan sa Diyos at pakikipagkaibigan sa sanlibutan. Yamang nabigyang-babala sa pamamagitan ng kanilang masamang halimbawa, nawa’y lagi tayong maging mapagbantay upang ang ating pananampalataya ay hindi masira ng gayong mga bagay.—Roma 7:18-20.
7. Bakit sinabihan ni Santiago ang ilan na “magdalamhati at tumangis”?
7 Sinabihan ni Santiago ang kaniyang mga mambabasa na sila’y ‘magbigay-daan sa kahapisan at magdalamhati at tumangis.’ Kung talagang magpapamalas sila ng makadiyos na kalungkutan, katunayan iyon ng pagsisisi. (2 Corinto 7:10, 11) Sa ngayon, ang ilan na nagsasabing sila’y may pananampalataya ay nakikipagkaibigan sa sanlibutan. Kung ang sinuman sa atin ay nagtataguyod ng gayong landasin, hindi ba dapat nating ipagdalamhati ang ating mahinang kalagayan sa espirituwal at kumilos kaagad upang ituwid ang mga bagay-bagay? Ang paggawa ng kailangang pagbabago at pagkakamit ng kapatawaran ng Diyos ay magbubunga ng pagsasaya dahil sa isang malinis na budhi at sa masayang pag-asa ng buhay na walang hanggan.—Awit 51:10-17; 1 Juan 2:15-17.
Huwag Humatol sa Isa’t Isa
8, 9. Bakit hindi tayo dapat magsalita nang laban o humatol sa isa’t isa?
8 Kasalanan ang magsalita laban sa isang kapananampalataya. (Santiago 4:11, 12) Subalit ang ilan ay mapamuna sa mga kapuwa Kristiyano, marahil bunga ng kanilang mapagmatuwid-sa-sariling saloobin o dahil sa ibig nilang itaas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghamak sa iba. (Awit 50:20; Kawikaan 3:29) Ang Griegong salita na isinaling ‘magsalita nang laban’ ay nangangahulugan ng pakikipag-alitan at nagpapahiwatig ng labis o maling pagpaparatang. Katumbas ito ng masamang paghatol sa isang kapatid. Paano ito naging ‘pagsasalita nang laban at paghatol sa batas ng Diyos’? Buweno, ang mga eskriba at mga Fariseo ay ‘may-kasanayang nagsasaisang-tabi ng kautusan ng Diyos’ at humahatol ayon sa kanilang sariling pamantayan. (Marcos 7:1-13) Gayundin naman, kung hinahatulan natin ang isang kapatid na hindi hinahatulan ni Jehova, hindi ba ating ‘hinahatulan ang kautusan ng Diyos’ at makasalanang ipinahihiwatig na ito ay hindi tama? At sa pamamagitan ng di-matuwid na pagpuna sa ating kapatid, hindi natin tinutupad ang batas ng pag-ibig.—Roma 13:8-10.
9 Tandaan natin ito: “May Isa na tagapagbigay-batas at hukom”—si Jehova. Ang kaniyang ‘batas ay sakdal,’ hindi kulang. (Awit 19:7; Isaias 33:22) Ang Diyos lamang ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan at alituntunin para sa kaligtasan. (Lucas 12:5) Kaya nagtanong si Santiago: “Sino ka na humahatol sa iyong kapuwa?” Wala tayong karapatang humatol at tumuligsa sa iba. (Mateo 7:1-5; Roma 14:4, 10) Ang pagsasaisip ng soberanya at kawalang-pagtatangi ng Diyos at ng ating sariling pagkamakasalanan ay dapat tumulong sa atin na huminto sa paghatol sa iba nang may pagmamatuwid sa sarili.
Iwasan ang Palalong Kumpiyansa-sa-Sarili
10. Bakit dapat nating isaalang-alang si Jehova sa ating buhay sa araw-araw?
10 Dapat na lagi nating isinasaalang-alang si Jehova at ang kaniyang batas. (Santiago 4:13-17) Palibhasa’y ipinagwawalang-bahala ang Diyos, ganito ang sinasabi ng may kumpiyansa-sa-sarili: ‘Ngayon o bukas ay magtutungo tayo sa isang lunsod, gugugol ng isang taon doon, makikipagkalakalan, at magtutubo.’ Kung ‘nag-iimbak tayo ng kayamanan para sa ating sarili ngunit hindi mayaman sa Diyos,’ ang ating buhay ay maaaring magwakas bukas at mawalan tayo ng pagkakataong maglingkod kay Jehova. (Lucas 12:16-21) Gaya ng sabi ni Santiago, tayo ay gaya ng isang singaw sa umaga “na lumilitaw nang kaunting panahon at pagkatapos ay nawawala.” (1 Cronica 29:15) Tanging sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jehova makaaasa tayo ng namamalaging kagalakan at walang-hanggang buhay.
11. Ano ang kahulugan ng pagsasabi, “Kung loloobin ni Jehova”?
11 Sa halip na may-kapalaluang ipagwalang-bahala ang Diyos, dapat tayong magkaroon ng ganitong paninindigan: “Kung loloobin ni Jehova, kami ay mabubuhay at gagawin din ito o yaon.” Ang pagsasabi ng, “Kung loloobin ni Jehova” ay nagpapakita na sinisikap nating kumilos nang kasuwato ng kaniyang kalooban. Maaaring kailanganing magnegosyo upang matustusan ang inyong pamilya, maglakbay sa gawaing pang-Kaharian, at iba pa. Ngunit huwag tayong magyabang. “Ang gayong pagmamapuri ay balakyot” sapagkat isinasaisang-tabi nito ang pananalig sa Diyos.—Awit 37:5; Kawikaan 21:4; Jeremias 9:23, 24.
12. Ano ang ibig sabihin ng mga salita sa Santiago 4:17?
12 Maliwanag na upang tapusin ang kaniyang sinasabi tungkol sa pagtitiwala-sa-sarili at paghahambog, ganito ang sabi ni Santiago: “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.” Dapat na mapakumbabang kilalanin ng bawat Kristiyano na siya ay umaasa sa Diyos. Kung hindi ganito ang ginagawa niya, “ito ay kasalanan sa kaniya.” Sabihin pa, ang simulain ding ito ay kumakapit sa anumang kabiguan na gawin ang hinihiling sa atin ng pananampalataya sa Diyos.—Lucas 12:47, 48.
Babala Tungkol sa Mayayaman
13. Ano ang sinabi ni Santiago tungkol sa mga gumagamit ng kanilang kayamanan sa maling paraan?
13 Dahil sa ang ilan sa mga unang Kristiyano ay naging materyalistiko o humahanga sa mayayaman, matindi ang mga sinabi ni Santiago hinggil sa ilang taong mayayaman. (Santiago 5:1-6) Ang makasanlibutang mga tao na gumagamit ng kanilang kayamanan sa maling paraan ay ‘tatangis, anupat papalahaw sa kahapisan na darating sa kanila’ kapag sila’y ginantihan ng Diyos ayon sa kanilang mga gawa. Noon, ang kayamanan ng maraming tao ay pangunahin nang nakasalalay sa mga bagay tulad ng kasuutan, butil, at alak. (Joel 2:19; Mateo 11:8) Ang ilan sa mga ito ay maaaring mabulok o ‘kainin ng tanga,’ ngunit idiniriin ni Santiago ang kawalang-kabuluhan ng kayamanan, hindi ang pagkasira nito. Bagaman hindi kinakalawang ang ginto at pilak, kung itatago natin ang mga ito, mawawalan ito ng halaga gaya ng mga bagay na kinalawang na. Ang “kalawang” ay nagpapahiwatig na hindi ginamit nang wasto ang materyal na kayamanan. Samakatuwid, dapat tandaan nating lahat na “isang bagay na tulad ng apoy” ang “naimbak sa mga huling araw” niyaong nagtitiwala sa kanilang materyal na ari-arian kapag sumapit sa kanila ang galit ng Diyos. Yamang nabubuhay tayo sa “panahon ng kawakasan,” may pantanging kahulugan sa atin ang mga salitang ito.—Daniel 12:4; Roma 2:5.
14. Paano madalas kumilos ang mayayaman, ngunit ano ang dapat nating gawin tungkol dito?
14 Madalas na dayain ng mayayaman ang kanilang mga mang-aani, na ang ipinagkait na kabayaran ay “sumisigaw” para sa kagantihan. (Ihambing ang Genesis 4:9, 10.) Ang mga taong mayaman sa sanlibutan ay “namuhay nang maluho.” Palibhasa’y nagpakalabis sa pagbibigay-lugod sa laman, sila’y nagkaroon ng manhid at walang pakiramdam na puso at ganito pa rin ang ginagawa sa itinakdang “araw” ng pagpatay sa kanila. Kanilang ‘pinapatawan ng hatol at pinapaslang ang isa na matuwid.’ Nagtanong si Santiago: “Hindi ba niya kayo sinasalansang?” Subalit ang isa pang salin ay, “ang isa na matuwid; hindi niya kayo sinasalansang.” Sa paano man, hindi tayo dapat magtangi sa mayayaman. Dapat nating unahin sa buhay ang espirituwal na mga kapakanan.—Mateo 6:25-33.
Tinutulungan Tayo ng Pananampalataya na Maging Matiisin
15, 16. Bakit napakahalaga na maging matiisin?
15 Yamang nakapagkomento na tungkol sa mapang-aping mayayaman sa sanlibutan, sumunod ay pinasigla ni Santiago na maging matiisin ang naaping mga Kristiyano. (Santiago 5:7, 8) Kung binabata ng mga mananampalataya nang may pagtitiis ang kanilang mga suliranin, gagantimpalaan ang kanilang katapatan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, kapag dumating ang paghatol sa mga umaapi sa kanila. (Mateo 24:37-41) Ang mga unang Kristiyanong iyon ay kailangang maging tulad ng magsasaka na matiyagang naghihintay sa maagang ulan ng taglagas, kung kailan makapagtatanim siya, at sa huling ulan ng tagsibol na siyang nagpapabunga. (Joel 2:23) Kailangan din naman nating magtiis at patatagin ang ating puso, lalo na yamang dumating na ‘ang pagkanaririto ng Panginoong” Jesu-Kristo!
16 Bakit dapat tayong maging matiisin? (Santiago 5:9-12) Ang pagtitiis ay tumutulong sa atin na hindi dumaing o magbuntong-hininga kapag ginagalit tayo ng mga kapananampalataya. Kung tayo’y ‘nagbubuntong-hininga laban sa isa’t isa’ taglay ang hangaring makapinsala, hahatulan tayo ng Hukom na si Jesu-Kristo. (Juan 5:22) Ngayong nagsimula na ang kaniyang “pagkanaririto” at siya ay “nakatayo sa harap ng mga pintuan,” itaguyod natin ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagiging matiisin sa ating mga kapatid, na nakaharap sa maraming pagsubok sa pananampalataya. Napatitibay ang ating pananampalataya kapag inaalaala natin na ginantimpalaan ng Diyos si Job dahil siya’y matiising nagbata ng kaniyang mga pagsubok. (Job 42:10-17) Kung tayo’y sasampalataya at magtitiis, makikita natin na “si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”—Mikas 7:18, 19.
17. Bakit sinabi ni Santiago, “Tumigil kayo sa pagsumpa”?
17 Kung hindi tayo matiisin, baka magamit natin sa maling paraan ang dila kapag dumaranas ng kaigtingan. Halimbawa, baka tayo’y padalus-dalos na sumumpa. “Tumigil kayo sa pagsumpa,” sabi ni Santiago, anupat nagbabala laban sa walang-kabuluhang pagsumpa. Waring pagpapaimbabaw rin ang palaging pagpapatibay ng mga pangungusap sa pamamagitan ng pagsumpa. Samakatuwid, tayo’y dapat magsalita lamang ng katotohanan, anupat ang ating oo ay mangahulugang oo, at ang ating hindi, hindi. (Mateo 5:33-37) Mangyari pa, hindi sinasabi ni Santiago na mali ang sumumpang magsasabi ng katotohanan sa hukuman.
Ang Pananampalataya at ang Ating mga Panalangin
18. Sa ilalim ng anong mga kalagayan dapat tayong ‘magpatuloy sa pananalangin’ at ‘umawit ng mga salmo’?
18 Ang panalangin ay dapat gumanap ng mahalagang bahagi sa ating buhay upang masupil natin ang ating pananalita, maging matiisin, at mapanatili ang matibay na pananampalataya sa Diyos. (Santiago 5:13-20) Dapat tayong ‘magpatuloy sa panalangin’ lalo na kapag nasa ilalim ng pagsubok. Kung tayo’y masaya, tayo’y ‘umawit ng mga salmo,’ gaya ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga apostol nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan. (Marcos 14:26, talababa sa Ingles) Kung minsan, baka mag-umapaw tayo sa gayong pasasalamat sa Diyos anupat umaawit tayo ng papuri maging sa ating puso. (1 Corinto 14:15; Efeso 5:19) At anong laking kagalakan na purihin si Jehova sa pamamagitan ng awit sa mga pulong Kristiyano!
19. Ano ang dapat nating gawin kung magkasakit tayo sa espirituwal, at bakit dapat gumawa ng gayong hakbang?
19 Maaaring wala tayong ganang umawit kapag tayo’y may karamdaman sa espirituwal, marahil dahil sa maling paggawi o sa hindi pagkain nang regular sa mesa ni Jehova. Kung ganito ang kalagayan natin, mapagpakumbabang ipatawag natin ang matatanda upang sila’y ‘makapanalangin para sa atin.’ (Kawikaan 15:29) Kanila rin namang ‘lalangisan tayo ng langis sa pangalan ni Jehova.’ Gaya ng nakapagpapaginhawang langis sa isang sugat, makatutulong ang kanilang nakaaaliw na mga salita at maka-Kasulatang payo upang maibsan ang panlulumo, pag-aalinlangan at takot. ‘Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa atin’ kung ito ay sinusuhayan ng ating sariling pananampalataya. Kung matuklasan ng matatanda na ang ating espirituwal na karamdaman ay sanhi ng isang malubhang kasalanan, may-kabaitang ipaliliwanag nila ang ating pagkakamali at sisikaping tulungan tayo. (Awit 141:5) At kung nagsisisi tayo, makapagtitiwala tayo na ang Diyos ay makikinig sa kanilang panalangin at patatawarin tayo.
20. Bakit dapat nating ipagtapat ang ating mga kasalanan at ipanalangin ang isa’t isa?
20 ‘Ang hayagang pagtatapat ng ating mga kasalanan sa isa’t isa’ ay dapat na pumigil sa higit pang pagkakasala. Dapat nitong pasiglahin ang pagdamay sa isa’t isa, isang katangian na magpapakilos sa atin na “ipanalangin ang isa’t isa.” Makapagtitiwala tayo na ito ay kapaki-pakinabang sapagkat ang panalangin ng isang “taong matuwid”—isa na sumasampalataya at matuwid sa pangmalas ng Diyos—ay may malaking epekto kay Jehova. (1 Pedro 3:12) Si propeta Elias ay may mga kahinaan tulad ng sa atin, ngunit naging mabisa ang kaniyang mga panalangin. Nanalangin siya, at hindi umulan sa loob ng tatlo at kalahating taon. Nang manalangin siyang muli, talaga namang bumuhos ang ulan.—1 Hari 17:1; 18:1, 42-45; Lucas 4:25.
21. Ano ang maaaring gawin natin kung ang isang kapuwa Kristiyano ay “mailigaw mula sa katotohanan”?
21 Paano kung ang isang miyembro ng kongregasyon ay “mailigaw mula sa katotohanan,” anupat humiwalay sa tamang turo at paggawi? Baka mapanumbalik natin siya mula sa kaniyang pagkakamali sa pamamagitan ng payo mula sa Bibliya, panalangin, at iba pang tulong. Kung magtagumpay tayo, ito ay nagpapanatili sa kaniya sa ilalim ng pantubos ni Kristo at nagliligtas sa kaniya sa espirituwal na kamatayan at hatol ng pagkapuksa. Sa pagtulong sa nagkasala, natatakpan natin ang karamihan ng kaniyang mga kasalanan. Kapag ang isang sinaway na makasalanan ay tumalikod sa kaniyang maling landasin, nagsisi, at humingi ng kapatawaran, magagalak tayo na nagpagal tayo para sa pagdaig ng kaniyang mga kasalanan.—Awit 32:1, 2; Judas 22, 23.
Isang Bagay Para sa Ating Lahat
22, 23. Paano tayo dapat maapektuhan ng mga salita ni Santiago?
22 Maliwanag, taglay ng liham ni Santiago ang isang bagay na kapaki-pakinabang sa ating lahat. Ipinakikita nito kung paano haharapin ang mga pagsubok, pinapayuhan tayo laban sa paboritismo, at hinihimok tayo na makibahagi sa matuwid na mga gawa. Hinihimok tayo ni Santiago na supilin ang dila, paglabanan ang makasanlibutang impluwensiya, at itaguyod ang kapayapaan. Ang kaniyang mga salita ay dapat ding magpakilos sa atin na maging matiisin at mapanalanginin.
23 Totoo, ang liham ni Santiago ay orihinal na ipinadala sa naunang mga pinahirang Kristiyano. Gayunman, dapat na hayaan nating lahat na ang payo nito ay tumulong sa atin na mangunyapit sa ating pananampalataya. Ang mga salita ni Santiago ay makapagpapatibay ng pananampalataya na magpapakilos sa atin na maging determinado at aktibo sa paglilingkod sa Diyos. At ang liham na ito na kinasihan ng Diyos ay naglilinang sa atin ng isang namamalaging pananampalataya na nagpapakilos sa atin na maging matiisin at mapanalangining mga Saksi ni Jehova ngayon, sa panahon ng ‘pagkanaririto ng Panginoong’ Jesu-Kristo.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Bakit kinailangang baguhin ng ilang naunang Kristiyano
ang kanilang saloobin at paggawi?
◻ Ano ang babala ni Santiago sa mayayaman?
◻ Bakit dapat tayong maging matiisin?
◻ Bakit dapat tayong manalangin nang regular?
[Picture Credit Line sa pahina 19]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 23]
Kinailangan ng ilang naunang Kristiyano na maging mas matiisin sa mga kapananampalataya
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga Kristiyano ay kailangang maging matiisin, maibigin at mapanalanginin