DAGAT
Ang kalipunan ng tubig sa planetang Lupa na naiiba sa katihan; o isang malaking katubigan ng maalat o sariwang tubig, kadalasa’y nangangahulugang isang katubigan na mas maliit kaysa sa karagatan at bahagya o lubusang nakukulong ng lupa. Natatakpan ng tubig ang mahigit sa 70 porsiyento ng ibabaw ng lupa.
Si Jehova ang Maylalang at Kumokontrol Nito. Paulit-ulit na kinikilala ng Bibliya na si Jehova ang Maylalang ng mga dagat, na inihiwalay sa tuyong lupa noong ikatlong araw ng paglalang. (Gen 1:9, 10, 13; Ne 9:6; Gaw 4:24; 14:15; Apo 14:7) Nagkokomento rin ito hinggil sa kakayahan niya na gamitin ang kaniyang kapangyarihan sa dagat upang kontrolin ito. (Job 26:12; Aw 65:7; 89:9; Jer 31:35) Noong nasa lupa ang kaniyang Anak, binigyan siya ng kaniyang Ama ng awtoridad na mag-utos sa dagat, na matagumpay naman niyang naisagawa. (Mat 8:23-27; Mar 4:36-41; Ju 6:17-20) Makikitang kontrolado ng Diyos ang mga dagat dahil napananatili ng mga baybayin at ng pagtaas at pagkati ng tubig ang dagat sa itinakdang mga hangganan nito, anupat parang hinarangan ito ng mga pinto. (Job 38:8-11; Aw 33:7; Kaw 8:29; Jer 5:22; tingnan ang BUHANGIN.) Dahil sa pagsupil niyang ito sa dagat, gayundin sa papel na ginagampanan nito sa siklo ng tubig sa lupa (Ec 1:7; Am 5:8), ang dagat ay isang halimbawa ng mga kamangha-manghang gawa ni Jehova. (Aw 104:24, 25) Sa matulaing pananalita, maging ang mga dagat ay kasamang pumupuri sa kanilang Maylalang.—Aw 96:11; 98:7.
Mga Dagat sa Lugar ng Israel. Sa mga dagat sa lugar ng Israel, ang pinakaprominente ay ang “Malaking Dagat [Dagat Mediteraneo],” tinatawag ding “kanluraning dagat” o basta ang “Dagat.” (Jos 1:4; Deu 11:24; Bil 34:5) Ang mga iba pa ay ang Dagat na Pula, o ang Dagat ng Ehipto (Exo 10:19; Isa 11:15); ang Dagat Asin (Dagat na Patay), ang Dagat ng Araba, o ang “silanganing dagat” (Deu 3:17; Eze 47:18); at ang Dagat ng Galilea, ang Dagat ng Kineret, o ang Dagat ng Tiberias. (Mat 4:18; Bil 34:11; Ju 6:1; tingnan ang DAGAT ASIN; DAGAT NA PULA; GALILEA, DAGAT NG; MALAKING DAGAT.) Sa mga pagtukoy ng Bibliya, kadalasang ang partikular na katubigang tinutukoy ng salitang “dagat” ay makikilala mula sa konteksto. (Exo 14:2 [ihambing ang 13:18]; Mar 2:13 [ihambing ang tal 1].) Kung minsan, ang terminong Hebreo nito ay ikinakapit sa mga ilog.—Jer 51:36 (tumutukoy sa Eufrates); Isa 19:5 (sa Nilo).
Ang Kalaliman. Ayon sa Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst (London, 1845, p. 2), ang salitang Griego na aʹbys·sos, nangangahulugang “napakalalim o pagkalalim-lalim” at kadalasang isinasaling “kalaliman,” ay ginagamit kung minsan may kaugnayan sa dagat o sa paghahambing sa dagat dahil sa waring di-maarok na lalim nito. (Ro 10:6, 7; ihambing ang Deu 30:12, 13.) Sa mga sagisag sa Apocalipsis, “ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman” (Apo 11:7) ay sinasabing umaahon mula sa “dagat” ayon sa Apocalipsis 13:1.—Tingnan ang KALALIMAN.
Pinanggalingan ng Buhay-Dagat. Isinasaysay sa ulat ng Genesis na ang unang buhay-hayop sa lupa ay ang buhay-dagat at ang mga lumilipad na nilalang. Ito ay kababasahan: “At sinabi ng Diyos: ‘Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga kaluluwang buháy at magliparan ang mga lumilipad na nilalang sa itaas ng lupa sa ibabaw ng kalawakan ng langit.’ At pinasimulang lalangin ng Diyos ang malalaking dambuhalang hayop-dagat at bawat kaluluwang buháy na gumagalaw, na ibinukal ng tubig ayon sa kani-kanilang uri, at bawat may-pakpak na lumilipad na nilalang ayon sa uri nito. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. Sa gayon ay pinagpala sila ng Diyos, na sinasabi: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang tubig sa mga lunas ng dagat, at magpakarami sa lupa ang mga lumilipad na nilalang.’ At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ang ikalimang araw.”—Gen 1:20-23.
Sa pagsasabing “Bukalan ang tubig,” hindi hinayaan ng Diyos na basta kusang lumitaw sa mga dagat ang buhay, anupat lalabas mula rito ang isang panimulang anyo ng buhay na panggagalingan ng lahat ng iba pang mga hayop. Sapagkat sinasabi rin ng ulat na “pinasimulang lalangin ng Diyos [ang mga nilalang sa dagat] . . . ayon sa kani-kanilang uri.” Gayundin, sa ulat ng ‘ikaanim na araw’ at ng paglalang sa mga hayop sa katihan, inilalahad na sinabi ng Diyos: “Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kanilang uri.” Hindi inutusan ng Diyos ang dagat na magbukal ng nabubuhay na mga bagay para sa katihan, o hinayaan man niyang magbagong-anyo ang mga ito mula sa dagat tungo sa ibang uri ng nilalang, kundi “pinasimulang gawin ng Diyos” ang bawat uri upang umangkop sa kani-kaniyang tirahan.—Gen 1:24, 25.
Makatalinghagang Paggamit. Bagaman ang Lupang Pangako ay sasaklaw “mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng mga Filisteo [ang Dagat Mediteraneo] at mula sa ilang hanggang sa Ilog [Eufrates],” maliwanag na buong globo ang tinutukoy nang ilarawan na ang pamumunuan ng dumarating na Mesiyanikong Hari ay “sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Exo 23:31; Zac 9:9, 10; ihambing ang Dan 2:34, 35, 44, 45.) Ipinahihiwatig ito nina Mateo at Juan nang ikapit nila ang hula ni Zacarias, kung saan sinisipi ni Zacarias ang Awit 72:8.—Mat 21:4-9; Ju 12:12-16.
Umaapaw na mga hukbo. Inilarawan ni Jeremias ang ingay ng mga sumasalakay sa Babilonya na “parang dagat na dumadaluyong.” (Jer 50:42) Kaya nang ihula niya na “ang dagat” ay aapaw sa Babilonya, maliwanag na tinutukoy niya ang mistulang pagbaha ng nanlulupig na mga hukbo sa ilalim ng mga Medo at mga Persiano.—Jer 51:42; ihambing ang Dan 9:26.
Mga karamihan na hiwalay sa Diyos. Inihalintulad ni Isaias ang balakyot na mga tao sa lupa, ang mga karamihan na hiwalay sa Diyos, sa “dagat na umaalimbukay, kapag hindi ito humuhupa, na ang tubig nito ay patuloy na nag-aalimbukay ng damong-dagat at lusak.” (Isa 57:20) Sa Apocalipsis 17:1, 15, ang “mga tubig” na “kinauupuan” ng Babilonyang Dakila ay sinasabing nangangahulugan ng “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” Humula pa si Isaias ukol sa Sion na “babae” ng Diyos: “Sapagkat sa iyo ay pupunta ang kayamanan ng dagat; ang mismong yaman ng mga bansa ay paroroon sa iyo.” (Isa 59:20; 60:1, 5) Waring nangangahulugan ito ng pagbaling ng maraming tao mula sa mga karamihan sa lupa tungo sa makasagisag na “babae” ng Diyos.
Inilarawan ni Daniel ang apat na “hayop” na umahon “mula sa dagat” at isiniwalat niya na ang mga ito ay sumasagisag sa pulitikal na mga hari o mga kaharian. (Dan 7:2, 3, 17, 23) Sa katulad na paraan, tinukoy ni Juan ang isang “mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat,” samakatuwid nga, mula sa napakalaking bahaging iyon ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos; at dahil bumanggit siya, sa makasagisag na pananalita, ng mga diadema at ng isang trono, muling naiugnay sa hayop na ito na nagmula sa “dagat” ang ideya ng isang pulitikal na organisasyon. (Apo 13:1, 2) Nakita rin niya sa pangitain ang panahon kung kailan magkakaroon ng “isang bagong langit at isang bagong lupa” at kapag “ang dagat,” samakatuwid nga, ang maliligalig na karamihan ng mga tao na hiwalay sa Diyos, ay wala na.—Apo 21:1.
Mga taong walang pananampalataya. Ang taong walang pananampalataya, na may mga pag-aalinlangan kapag nananalangin siya sa Diyos, ay inihahalintulad ng alagad na si Santiago sa “alon sa dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad kung saan-saan.” Hindi niya kinikilala o pinahahalagahan ang maiinam na katangian ng Diyos gaya ng pagkabukas-palad at maibiging-kabaitan. Sinabi ni Santiago, “Huwag ipalagay ng taong iyon na siya ay tatanggap ng anuman mula kay Jehova; siya ay isang taong di-makapagpasiya, di-matatag sa lahat ng kaniyang mga daan.”—San 1:5-8.
Imoral na mga tao. Binabalaan ng kapatid ni Santiago na si Judas ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano tungkol sa malaking panganib mula sa balakyot na mga taong pumupuslit sa loob ng kongregasyon sa layuning magpasok ng karungisan sa moral. Tinatawag niya silang “nagngangalit na mga alon sa dagat na nagpapaalimbukay ng kanilang sariling mga sanhi ng kahihiyan.” (Jud 4-13) Maaaring nasa isip ni Judas ang isang mas naunang pananalita ni Isaias (57:20) at maaaring makasagisag niyang inilalarawan ang masidhi at walang-taros na pagwawalang-bahala ng gayong mga tao sa mga kautusan ng Diyos at ang pagdaluhong nila sa moral na mga harang na itinatag ng Diyos dahil sa kanilang imbi at mahalay na landasin. Gaya ng sinasabi sa Commentary ni Cook sa Judas 13: “Inihahantad nila sa paningin ng madla ang lusak at karumihan ng kanilang mga pagpapakalabis . . . Kaya pinaaalimbukay ng mga taong ito ang kanilang sariling mga gawang kahiya-hiya, at inihahantad nila ang mga ito upang makita ng lahat ng tao, at sa gayon ay nasisisi ang Simbahan dahil sa masasamang gawa ng mga nag-aangking ito.” Isa pang komentarista ang nagsabi: “Ang kanilang ibinabahagi ay hungkag at walang kabuluhan gaya ng bula ng mga alon sa karagatan, at ang resulta, sa katunayan, ay ang paghahayag ng kanilang sariling kahihiyan.”—Barnes’ Notes on the New Testament, 1974; ihambing ang paglalarawan ni Pedro sa gayong mga tao sa 2Pe 2:10-22.