Aklat ng Bibliya Bilang 59—Santiago
Manunulat: Si Santiago
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: Bago ang 62 C.E.
1. Bakit may alinlangan sa pagkasulat ni Santiago sa aklat na pinangalanang Santiago?
“NASISIRAAN siya ng bait.” Ito ang akala ng mga kamag-anak ni Jesus tungkol sa kaniya. Noong kaniyang makalupang ministeryo, “kahit ang mga kapatid niya ay hindi sumasampalataya sa kaniya,” at si Santiago, pati sina Jose, Simon, at Judas, ay hindi kabilang sa unang mga alagad ni Jesus. (Mar. 3:21; Juan 7:5; Mat. 13:55) Kaya papaano sasabihing si Santiago na kapatid-sa-ina ni Jesus ang sumulat ng aklat sa Bibliya na may pangalang Santiago?
2. Papaano ipangangatuwiran na ang kapatid-sa-ina ni Jesus ang sumulat ng Santiago?
2 Ayon sa ulat, nagpakita kay Santiago ang binuhay-muling si Jesus at ito ang pumawi ng alinlangan na si Jesus nga ang Mesiyas. (1 Cor. 15:7) Ayon sa Gawa 1:12-14, bago pa ang Pentekostes, si Maria at ang mga kapatid ni Jesus ay kasama ng mga apostol sa isang silid sa Jerusalem. Hindi kaya isa sa mga apostol na nagngangalang Santiago ang sumulat ng liham? Hindi, pagkat nagpapakilala ang manunulat, hindi bilang apostol, kundi bilang ‘alipin ng Panginoong Jesu-Kristo.’ Isa pa, ang pambungad ni Judas, gaya kay Santiago, ay bumabanggit kay Judas (o Jude sa Ingles) bilang “alipin ni Jesu-Kristo, at kapatid ni Santiago.” (Sant. 1:1; Judas 1) Mula rito’y wastong maipapasiya na sina Santiago at Judas, mga kapatid-sa-ina ni Jesus, ang sumulat ng mga aklat sa Bibliya na may pangalan nila.
3. Ano ang mga kuwalipikasyon ni Santiago bilang manunulat?
3 Si Santiago ay kuwalipikadong magpayo sa kongregasyong Kristiyano. Siya’y iginagalang na tagapangasiwa sa Jerusalem. Binabanggit ni Pablo si “Santiago na kapatid ng Panginoon” bilang isa sa “mga haligi” sa kongregasyon kasama nina Cefas at Juan. (Gal. 1:19, 2:9) Ang katanyagan niya ay ipinahihiwatig ng karaka-rakang pagpapasabi ni Pedro kay “Santiago at sa mga kapatid” matapos itong makalaya sa bilangguan. At hindi ba si Santiago ang tagapagsalita ng “mga apostol at matatanda” nang sina Pablo at Bernabe ay magtungo sa Jerusalem upang desisyunan ang suliranin ng pagtutuli? Kapansin-pansin na ang desisyon at ang liham ni Santiago ay kapuwa nagpapasimula sa, “Binabati namin kayo!”—isa pang patotoo na iisa ang sumulat.—Gawa 12:17; 15:13, 22, 23; Sant. 1:1.
4. Ano ang nagpapahiwatig na ang liham ni Santiago ay isinulat hindi matagal bago ang 62 C.E.?
4 Ayon kay Josephus, ang Mataas na Saserdoteng si Ananus (Ananias), isang Saduceo, ang nagpapatay kay Santiago sa pamamagitan ng pagbato. Ito’y noong patay na ang Romanong gobernador na si Festo, mga 62 C.E., at bago siya hinalinhan ni Albinus.a Ngunit kailan isinulat ni Santiago ang liham? Mula sa Jerusalem ito ay ipinatungkol niya sa “labindalawang tribo na nasa pangangalat,” o sa literal ay, sa “(mga) napangalat.” (Sant. 1:1, talababa) Kailangan ang panahon upang mapalaganap ang Kristiyanismo matapos ibuhos ang banal na espiritu noong 33 C.E., at kailangan din ang panahon bago lumitaw ang nakagigitlang mga kalagayan na binabanggit sa liham. Bukod dito, ipinahihiwatig ng liham na ang mga Kristiyano ay organisado na sa mga kongregasyon na may mga maygulang na “matatanda” na makapananalangin at magpapalakas sa mahihina. Isa pa, kailangan din ang panahon bago makapasok ang pagwawalang-bahala at pormalismo. (2:1-4; 4:1-3; 5:14; 1:26, 27) Kaya malamang na may atrasadong petsa ang liham ni Santiago, marahil bago ang 62 C.E., kung ang ulat ni Josephus tungkol sa mga pangyayaring nakapaligid sa pagkamatay ni Festo at kung ang mga pag-uulat na namatay si Festo noong mga 62 C.E, ay kapuwa tumpak.
5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Santiago?
5 Ang Santiago ay tunay pagkat kalakip ito sa mga manuskritong Vatican No. 1209, Sinaitic, at Alexandrine. Kabilang ito sa di-kukulangin sa sampung sinaunang katalogo bago pa ang Konsilyo ng Cartago noong 397 C.E.b Malawakan itong sinipi ng sinaunang mga manunulat eklesiastikal. Maaaninaw ang pagkakasuwato ng liham ni Santiago sa iba pang kinasihang Kasulatan.
6. (a) Ano ang mga dahilan ng pagsulat ni Santiago? (b) Sa halip na sumalungat, papaano sinususugan ni Santiago ang mga pangangatuwiran ni Pablo sa pananampalataya?
6 Bakit sumulat si Santiago? Makikita sa maingat na pagsusuri na may panloob na suliraning gumugulo sa mga kapatid. Hindi lamang bumabà ang mga pamantayang Kristiyano kundi niwalang-halaga pa ito, kaya may mga naging espirituwal na mangangalunya at kaibigan ng sanlibutan. Sabik lumikha ng salungatan, inangkin ng iba na ang mga sulat ni Pablo tungkol sa kaligtasan salig sa pananampalataya at hindi sa gawa ay napawalang-saysay ng liham ni Santiago na nagpapasigla sa pananampalatayang may gawa. Ngunit ayon sa konteksto, ang tinutukoy ni Santiago ay pananampalatayang may lakip na gawa, hindi mga salita lamang, samantalang ang sinasabi ni Pablo ay mga gawa ng Kautusan. Ang totoo, sinususugan ni Santiago ang katuwiran ni Pablo, ngunit pinalalawak pa ito sa pagpapaliwanag kung papaano ipapahayag ang pananampalataya. Praktikal ang payo ni Santiago sa araw-araw na suliranin ng isang Kristiyano.
7. Papaano tinularan ni Santiago ang paraan ng pagtuturo ni Jesus, at ano ang epekto nito?
7 Ang mga payo ni Santiago sa pananampalataya, pagtitiis, at pagtitiyaga ay sinusuhayan ng makukulay na talinghaga mula sa araw-araw na buhay, gaya ng mga hayop, sasakyang-dagat, magsasaka, at pananim. Ang pagtulad sa mabisang paraan ng pagtuturo ni Jesus ay nagbibigay-puwersa sa payo ni Santiago. Idiniriin ng liham ang matalas na unawa ni Santiago sa mga motibong nagpapakilos sa tao.
NILALAMAN NG SANTIAGO
8. Ano ang ibubunga ng matiising pagtitiyaga, ngunit ano ang ibubunga ng masamang nasà?
8 Matiising pagtitiyaga bilang “tagatupad ng salita” (1:1-27). Nagbubukas si Santiago sa mga salitang pampatibay-loob: “Ariing kagalakan, mga kapatid, kung kayo’y mapaharap sa sari-saring pagsubok.” Sila ay pinasasakdal ng matiising pagtitiyaga. Kung ang isa’y kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos nang may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan na gaya ng alon ng dagat na hinahampas ng hangin. Ang nagpapakababa ay itataas, ngunit ang mayaman ay lilipas na gaya ng lantang bulaklak. Maligaya ang nagtitiis ng pagsubok, sapagkat “tatanggap siya ng putong ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga umiibig sa kaniya.” Ang tao ay hindi tinutukso ng Diyos sa masasamang bagay upang ibagsak siya. Sariling pita na nahihinog at nagluluwal ng kasalanan ang nagbubunga ng kamatayan.—1:2, 12, 22.
9. Ano ang nasasangkot sa pagiging “tagatupad ng salita,” at anong anyo ng pagsamba ang sinasang-ayunan ng Diyos?
9 Saan galing ang mabubuting kaloob? Mula sa di-nagbabagong ‘Ama ng makalangit na mga ilaw.’ “Dahil sa kalooban niya,” ani Santiago, “ay ipinanganak tayo sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, bilang pangunahing mga bunga sa kaniyang mga nilalang.” Kaya ang mga Kristiyano ay dapat maging mabilis sa pakikinig, makupad sa salita, makupad sa galit, at iwaksi ang lahat ng karumihan at kahalayan at tanggapin ang paghahasik ng salita ng kaligtasan. “Maging tagatupad ng salita, hindi tagapakinig lamang.” Sapagkat ang sumisilip sa tulad-salaming kautusan ng kalayaan at nananatili rito “ay magiging maligaya sa paggawa nito.” Walang kabuluhan ang pormal na pagsamba kung hindi pinipigil ang dila, pagkat ang “anyo ng pagsamba na malinis at walang-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga balo sa kanilang kapighatian, at manatiling walang batik ng sanlibutan.”—1:17, 18, 22, 25, 27.
10. (a) Anong pagtatangi ang dapat iwasan? (b) Ano ang kaugnayan ng gawa sa pananampalataya?
10 Pananampalatayang pinasakdal ng wastong gawa (2:1-26). Ang mga kapatid ay nagtatangi at pinapaboran ang mayaman. Ngunit hindi ba “pinili ng Diyos ang mga dukha upang sila’y maging mayaman sa pananampalataya at maging mga tagapagmana ng kaharian”? Hindi ba’t ang mayayaman ay mapaniil? Dapat ikapit ang kautusang hari, “Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili,” at iwasan ang paboritismo. Maging mahabagin, pagkat ayon sa Kautusan, ang nagkakasala sa isang bagay ay nagkakasala sa lahat. Walang-saysay ang pananampalatayang walang gawa, gaya ng pagsasabi sa dukhang kapatid na “magpainit ka at magpakabusog” ngunit walang ibinibigay na tulong. Maipakikita ba ang pananampalatayang hiwalay sa gawa? Hindi ba pinasakdal ng gawa ang pananampalataya ni Abraham nang ihandog si Isaac? Gayundin, si Rahab na patutot ay “inaring matuwid dahil sa mga gawa.” Kaya ang pananampalatayang walang gawa ay patay.—2:5, 8, 16, 19, 25.
11. (a) Nagbabala si Santiago tungkol sa dila sa pamamagitan ng anong mga ilustrasyon? (b) Papaano ipakikita ang katalinuhan at unawa?
11 Pagsupil sa dila upang magturo ng karunungan (3:1-18). Mag-ingat sa pagiging-guro, upang huwag mahatulan. Lahat ay madalas matisod. Kung papaano sinusupil ng preno ang kabayo at ng maliit na timon ang malaking barko, ang isang maliit na sangkap, ang dila, ay makapangyarihan. Ito’y apoy na nagpapasiklab sa buong gubat! Mas madaling paamuin ang mababangis na hayop. Sa pamamagitan ng dila’y pinupuri ng tao si Jehova, ngunit isinusumpa naman ang kapuwa. Mali ito. Ang isa bang bukal ay naglalabas kapuwa ng mapait at matamis na tubig? Makapamumunga ba ng olibo ang punong igos? ng igos ang punong ubas? ng matamis na tubig ang maalat? Nagtanong si Santiago: “Sino ang matalino at nakakaunawa?” Ipamalas niya ang mga gawang may kaamuan at iwasan ang alitan, maka-hayop na pagmamapuri laban sa katotohanan. Sapagkat “ang karunungang mula sa itaas unang-una’y malinis, saka mapayapa, handang sumunod, puspos ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi paimbabaw.”—3:13, 17.
12. (a) Anong mga maling kalagayan ang umiral sa kongregasyon, at saan ito nagmula? (b) Anong saloobin ang dapat iwasan at anong katangian ang dapat linangin upang makamit ang pagsang-ayon ni Jehova?
12 Iwaksi ang pagpapalayaw sa laman, pakikipagkaibigan sa sanlibutan (4:1-17). “Saan nagbubuhat ang mga pag-aaway?” Sinasagot ni Santiago ang kaniyang tanong: “Sa inyong hayok na pagpapalayaw sa laman”! Ang iba ay may masamang motibo. Ang nakikipagkaibigan sa sanlibutan ay “mangangalunya,” at nagiging kaaway ng Diyos. Kaya nagpapayo siya: “Salansangin ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at siya’y lalapit sa inyo.” Itataas ni Jehova ang nagpapakumbaba. Kaya hindi dapat humatol sa isa’t-isa. At yamang walang nakatitiyak sa kaniyang buhay sa bawat araw, dapat sabihin: “Kung loloobin ni Jehova, mabubuhay tayo at gagawin ito o yaon.” Masama ang magpalalo, at kasalanan ang pagkaalam ng mabuti at hindi paggawa nito.—4:1, 4, 7, 8, 15.
13. (a) Bakit may kaabahan ang mayayaman? (b) Papaano inilalarawan ni Santiago ang halaga ng pagtitiis at pagtitiyaga, at ano ang mga resulta nito?
13 Maligaya ang mga nagtitiis sa katuwiran! (5:1-20). ‘Tumangis at humagulhol, kayong mayayaman!’ sabi ni Santiago. ‘Ang kalawang ng inyong yaman ay saksi laban sa inyo. Narinig ni Jehova ang daing ng mga mang-aani na inyong inagawan. Namuhay kayo nang maluho at sa pagpapalayaw sa laman, at inyong hinatulan at pinatay ang matuwid.’ Ngunit sa pagkatanto na malapit na ang pagkanaririto ng Panginoon, dapat magtiyaga, gaya ng magsasakang naghihintay ng ani, at isaalang-alang ang halimbawa ng mga propeta, “na nagsalita sa pangalan ni Jehova.” Maligaya ang nakapagtiis! Alalahanin ang pagtitiis ni Job at ang gantimpalang ipinagkaloob ni Jehova, “na si Jehova ay magiliw at mahabagin.”—5:1-6, 10, 11.
14. Anong pangwakas na payo ang ibinibigay tungkol sa pagtatapat ng kasalanan at sa panalangin?
14 Tigilan na ang panunumpa. Sa halip, ang “Oo ay maging Oo” at ang “Hindi, Hindi.” Ipagtapat ang kasalanan ng isa’t-isa at manalangin ukol sa isa’t-isa. Gaya ng ipinakita ni Elias, “ang panalangin ng matuwid . . . ay malaki ang nagagawa.” Kung may lilihis sa katotohanan, ang magpapanumbalik sa kaniya ay “magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kamatayan at magtatakip ng maraming kasalanan.”—5:12, 16, 20.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
15. Papaano ikinakapit ni Santiago ang Kasulatang Hebreo? Ilarawan.
15 Bagaman makalawa lamang binabanggit ni Santiago ang pangalang Jesus (1:1; 2:1), malimit niyang ikapit ang mga turo ng Panginoon, gaya ng makikita sa paghahambing ng kaniyang liham at ng Sermon sa Bundok. Kasabay nito, ang pangalan ni Jehova ay 13 beses lumilitaw (New World Translation), at ang mga pangako niya ay idiniriin bilang gantimpala sa sumasampalatayang mga Kristiyano. (4:10; 5:11) Sa pagbuo ng kaniyang praktikal na payo paulit-ulit na sinisipi ni Santiago ang mga ilustrasyon at angkop na talata sa Kasulatang Hebreo. Ipinakikilala niya ang pinagmulan nito sa pagsasabing: “ayon sa kasulatan,” “natupad ang kasulatan,” at “sinasabi ng kasulatan”; at ikinakapit ito sa pamumuhay Kristiyano. (2:8, 23; 4:5) Sa malinaw na pagpapayo at sa pagpapatibay ng pananampalataya sa pagkakasuwato ng buong Salita ng Diyos, angkop na tumukoy si Santiago sa mga gawa ng pananampalataya nina Abraham at Rahab, sa tapat na pagtitiis ni Job, at sa pananalig ni Elias sa panalangin.—Sant. 2:21-25; 5:11, 17, 18; Gen. 22:9-12; Jos. 2:1-21; Job 1:20-22; 42:10; 1 Hari 17:1; 18:41-45.
16. Anong mga payo at babala ang ibinibigay ni Santiago, at saan nagmumula ang gayong praktikal na karunungan?
16 Napakahalaga ang payo ni Santiago sa pagtupad ng salita at hindi lamang sa pakikinig, sa pananampalatayang may mga gawa ng katuwiran, sa kagalakan sa pagtitiis ng pagsubok, sa paghingi ng karunungan sa Diyos, sa paglapit sa kaniya sa panalangin, at sa pagsunod sa kautusang hari, “Ibigin ang kapuwa na gaya ng sarili.” (Sant. 1:22; 2:24; 1:2, 5; 4:8; 5:13-18; 2:8) Mahigpit siyang nagbabala laban sa pagtuturo ng kamalian, sa maling paggamit ng dila, sa pagtatangi sa loob ng kongregasyon, sa hayok na pagpapalayaw sa laman, at sa pagtitiwala sa kayamanang nabubulok. (3:1, 8; 2:4; 4:3; 5:1, 5) Nililiwanag ni Santiago na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay espirituwal na pangangalunya at pakikipag-away sa Diyos, at ibinigay ang katuturan ng pagsamba na malinis sa paningin ng Diyos: “tulungan ang mga ulila at mga balo sa kanilang kapighatian, at manatiling walang batik ng sanlibutan.” (4:4; 1:27) Lahat ng payong ito, na praktikal at madaling unawain, ay dapat asahan sa ‘haliging’ ito ng sinaunang kongregasyon. (Gal. 2:9) Ang maibiging mensaheng ito ay patnubay rin sa mga Kristiyano sa ating maliligalig na panahon, pagkat ito’y “karunungan mula sa itaas” na nagluluwal ng “bunga ng katuwiran.”—3:17, 18.
17. Anong matibay na dahilan ang inihaharap upang magtiis sa mga gawa ng pananampalataya?
17 Sabik si Santiago na tulungan silang abutin ang tunguhing buhay sa Kaharian ng Diyos. Kaya humihimok siya: “Mangagtiis kayo; pagtibayin ang inyong puso, pagkat malapit na ang pagkanaririto ng Panginoon.” Maligaya ang nagtitiis ng pagsubok pagkat ang pagsang-ayon ng Diyos ay isang “putong ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga umiibig sa kaniya.” (5:8; 1:12) Kaya ang pangako ng Diyos na putong ng buhay—walang-kamatayang buhay sa langit o walang-hanggang buhay sa lupa—ay matibay na dahilan upang magtiis sa mga gawa ng pananampalataya. Tiyak na ang kamangha-manghang liham na ito ay magpapasigla sa lahat na abutin ang tunguhin ng walang-hanggang buhay sa langit o sa bagong sanlibutan ni Jehova na pamumunuan ng Binhi ng Kaharian, ang ating Panginoong Jesu-Kristo.—2:5.
[Mga talababa]
a Jewish Antiquities, XX, 197-200 (ix, 1); Webster’s New Biographical Dictionary, 1983, pahina 350.
b Tingnan ang chart, pahina 303.