ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Tukso
Paghihiwalay ng mga mag-asawa, pagkakasakit, at pagkabagabag ng budhi—ilan lang ito sa mga resulta kapag nagpadala ang isa sa tukso. Paano natin ito maiiwasan?
Ano ang tukso?
Natutukso ka kapag naaakit ka sa isang bagay—lalo na sa isang bagay na mali. Bilang paglalarawan: Habang namimili ka, may nakita kang magandang produkto. Bigla mong naisip na kayang-kaya mong nakawin iyon nang hindi ka mahuhuli. Pero pinigilan ka ng iyong konsensiya! Kaya inalis mo na iyon sa isip mo at naglakad na lang palayo. Sa puntong iyon, napaglabanan mo ang tukso at nanalo ka.
ANG SABI NG BIBLIYA
Kapag natutukso ka, hindi naman nangangahulugang masama ka. Sinasabi ng Bibliya na lahat tayo ay natutukso. (1 Corinto 10:13) Ang mahalaga ay kung ano ang ginagawa natin kapag natutukso tayo. Hinahayaan ng ilan na maglaro sa isip nila ang tukso kaya nadadala sila nito. Inaalis naman ito agad ng iba kapag pumasok ito sa isip nila.
“Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”—Santiago 1:14.
Bakit isang katalinuhang kumilos agad kapag natutukso?
Ipinakikita sa Bibliya ang mga hakbang na umaakay sa pagkakasala. Sinasabi ng Santiago 1:15: “Ang [maling] pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” Sa ibang salita, kapag patuloy nating pinag-iisipan ang maling pagnanasa, hindi na natin mapipigilang gumawa ng mali, gaya ng panganganak ng isang buntis. Pero maiiwasan nating maging alipin ng maling mga pagnanasa, at malalabanan natin ito.
KUNG PAANO MAKATUTULONG ANG BIBLIYA
Kung paanong pumapasok sa isipan natin ang maling mga pagnanasa, maaalis din natin ang mga iyon. Paano? Magpokus sa ibang bagay—isang aktibidad, pakikipag-usap sa kaibigan, o pag-iisip ng makabuluhang bagay. (Filipos 4:8) Makatutulong din kung iisipin natin ang magiging epekto sa ating emosyon, katawan, o espirituwalidad kung magpapadala tayo sa tukso. (Deuteronomio 32:29) Malaking tulong din ang panalangin. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Manalangin [kayo] nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”—Mateo 26:41.
“Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
Paano mo mapatitibay ang determinasyon mong umiwas sa tukso?
ANG REALIDAD
Tandaan kung ano talaga ang tukso—isang pain na umaakay sa mangmang na tao tungo sa panganib. (Santiago 1:14) Totoo iyan lalo na sa mga tuksong nagsasangkot ng seksuwal na imoralidad, na may masasaklap na resulta.—Kawikaan 7:22, 23.
KUNG PAANO MAKATUTULONG ANG BIBLIYA
Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mateo 5:29) Siyempre, hindi literal ang sinabi ni Jesus! Sa halip, sinasabi niya na kung gusto nating mapasaya ang Diyos at magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan, dapat nating patayin ang mga bahagi ng ating katawan, wika nga, na nagtutulak sa atin na gumawa ng mali. (Colosas 3:5) Maaaring mangahulugan iyan na kailangan nating tumakas sa tukso. “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan,” ang panalangin ng isang tapat na lingkod ng Diyos.—Awit 119:37.
Siyempre pa, hindi madaling kontrolin ang sarili dahil “ang laman ay mahina.” (Mateo 26:41) Kaya talagang magkakamali tayo. Pero kung magsisisi tayo at iiwas sa paggawa ng mali, ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay magiging “maawain at magandang-loob” sa atin. (Awit 103:8) Talagang nakapagpapagaan iyan ng loob!
“Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?”—Awit 130:3.