Isang Maharlikang Pagkasaserdote Para sa Kapakinabangan ng Sangkatauhan
“Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’”—1 PED. 2:9.
1. Bakit tinatawag ding Memoryal ang “hapunan ng Panginoon,” at ano ang layunin ng pagdiriwang na ito?
NOONG gabi ng Nisan 14 taóng 33 C.E., ipinagdiwang ni Jesu-Kristo at ng kaniyang 12 apostol ang Paskuwa ng mga Judio sa kahuli-hulihang pagkakataon. Matapos paalisin ang traidor na si Hudas Iscariote, pinasinayaan ni Jesus ang isang naiibang pagdiriwang, na nang maglaon ay tinawag na “hapunan ng Panginoon.” (1 Cor. 11:20) Dalawang ulit na sinabi ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Ang okasyong ito ay tinatawag ding Memoryal, o pag-alaala kay Kristo, isang paggunita sa kaniyang kamatayan. (1 Cor. 11:24, 25) Bilang pagsunod sa utos na ito, taun-taon ay ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang Memoryal. Ngayong 2012, ang Nisan 14 sa kalendaryo ng Bibliya ay magsisimula sa Huwebes, Abril 5, paglubog ng araw.
2. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga emblemang ginamit niya?
2 Sa dalawang talata, inilahad ng alagad na si Lucas ang ginawa at sinabi ni Jesus sa pagkakataong iyon: “Kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat, pinagputul-putol ito, at ibinigay sa kanila, na sinasabi: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking katawan na siyang ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.’ Gayundin, ang kopa sa katulad na paraan pagkatapos nilang makapaghapunan, na sinasabi niya: ‘Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.’” (Luc. 22:19, 20) Paano inunawa ng mga apostol ang pananalitang ito?
3. Paano inunawa ng mga apostol ang kahulugan ng mga emblema?
3 Bilang mga Judio, pamilyar ang mga apostol sa mga haing hayop na inihahandog ng mga saserdote kay Jehova sa templo sa Jerusalem. Inihahandog ang mga iyon para matamo ang pagsang-ayon ni Jehova, at karamihan sa mga ito ay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. (Lev. 1:4; 22:17-29) Kaya nang sabihin ni Jesus na ang kaniyang katawan at dugo ay ‘ibibigay at ibubuhos alang-alang sa kanila,’ naunawaan ng mga apostol na ibibigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang hain. Nakahihigit ang halaga ng haing ito kaysa sa mga haing hayop.
4. Ano ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo”?
4 Ano naman ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus na “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo”? Alam ng mga apostol ang hula tungkol sa isang bagong tipan, na nakaulat sa Jeremias 31:31-33. (Basahin.) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na magkakaroon ng isang bagong tipan, na hahalili sa tipang Kautusang ginawa ni Jehova sa Israel sa pamamagitan ni Moises. Magkaugnay ba ang dalawang tipang ito?
5. Anong mga oportunidad ang ibinigay ng tipang Kautusan sa bansang Israel?
5 Oo, magkaugnay ang mga layunin ng mga ito. Nang itatag ni Jehova ang tipang Kautusan, sinabi niya sa bansang Israel: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Ex. 19:5, 6) Paano inunawa ng mga Israelita ang mga salitang ito?
IPINANGAKO ANG ISANG MAHARLIKANG PAGKASASERDOTE
6. Ginawa ni Jehova ang tipang Kautusan para sa katuparan ng anong pangako?
6 Nauunawaan ng mga Israelita ang terminong “tipan” dahil nakipagtipan na si Jehova sa kanilang mga ninunong sina Noe at Abraham. (Gen. 6:18; 9:8-17; 15:18; 17:1-9) Nang makipagtipan si Jehova kay Abraham, ipinangako Niya: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen. 22:18) Ginawa ni Jehova ang tipang Kautusan para sa katuparan ng pangakong ito. Salig sa tipang Kautusan, ang Israel ay maaaring maging “pantanging pag-aari [ni Jehova] mula sa lahat ng iba pang bayan.” Sa anong layunin? Para sila ay ‘maging isang kaharian ng mga saserdote kay Jehova.’
7. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “isang kaharian ng mga saserdote”?
7 Pamilyar ang mga Israelita sa mga hari at mga saserdote. Pero noong sinaunang panahon, iisang tao lang ang naging hari at kasabay nito ay naging saserdoteng may pagsang-ayon ni Jehova. Siya si Melquisedec. (Gen. 14:18) Iniharap ni Jehova sa bansa ang oportunidad na magluwal ng “isang kaharian ng mga saserdote.” Gaya ng ipinahihiwatig ng kinasihang mga akda nang maglaon, nangangahulugan ito na sa kanila magmumula ang maharlikang pagkasaserdote—mga hari na mga saserdote rin.—1 Ped. 2:9.
8. Ano ang gawain ng mga saserdoteng hinirang ng Diyos?
8 Siyempre, ang isang hari ay namamahala. Pero ano ang gawain ng isang saserdote? Ipinaliliwanag ng Hebreo 5:1: “Ang bawat mataas na saserdote na kinukuha mula sa mga tao ay inaatasan alang-alang sa mga tao sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, upang siya ay makapaghandog ng mga kaloob at mga hain para sa mga kasalanan.” Kaya ang isang saserdoteng hinirang ni Jehova ay kumakatawan sa makasalanang mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng itinakdang mga handog. Siya ang nagsusumamo sa Diyos alang-alang sa kanila. Ang saserdote ay nagsisilbi ring kinatawan ni Jehova sa mga tao. Siya ang nagtuturo sa kanila ng kautusan ng Diyos. (Lev. 10:8-11; Mal. 2:7) Sa ganitong mga paraan, ipinagkakasundo ng saserdoteng hinirang ng Diyos ang mga tao kay Jehova.
9. (a) Ano ang kondisyon para makapagluwal ang Israel ng “isang kaharian ng mga saserdote”? (b) Bakit nagtatag si Jehova ng pagkasaserdote sa loob ng bansang Israel? (c) Bakit hindi nakapagluwal ang Israel ng “isang kaharian ng mga saserdote” sa ilalim ng tipang Kautusan?
9 Ang tipang Kautusan ay nagbigay sa Israel ng oportunidad na magluwal ng maharlikang pagkasaserdote para sa kapakinabangan ng “lahat ng iba pang bayan.” Pero may kondisyon: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan.” Magagawa ba ng mga Israelita na ‘mahigpit na sundin ang tinig ni Jehova’? Oo, pero sa limitadong antas lamang. (Roma 3:19, 20) Kaya naman, nagtatag muna si Jehova ng pagkasaserdote sa loob ng bansang Israel. Hindi mga hari ang mga saserdoteng bubuo sa pagkasaserdoteng ito. Maghahandog sila ng mga haing hayop para sa kasalanan ng mga Israelita. (Lev. 4:1–6:7) Kasama sa mga kasalanang iyon ang kasalanan ng mga saserdote mismo. (Heb. 5:1-3; 8:3) Tinanggap ni Jehova ang mga haing iyon, pero hindi lubusang matatakpan ng mga iyon ang kasalanan ng naghahandog. Kahit ang taimtim na mga Israelita ay hindi lubusang maipagkakasundo sa Diyos ng mga saserdote ng tipang Kautusan. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi maaaring mag-alis ng mga kasalanan.” (Heb. 10:1-4) Dahil sa paglabag sa Kautusan, sumailalim sa sumpa ang mga Israelita. (Gal. 3:10) Kaya hindi sila makapaglilingkod bilang maharlikang mga saserdote alang-alang sa lahat ng iba pang bayan.
10. Ano ang layunin ng tipang Kautusan?
10 Ibig bang sabihin, walang saysay ang pangako ni Jehova na magluluwal sila ng “isang kaharian ng mga saserdote”? Hindi. Kung taimtim silang magsisikap na sumunod, makakamit nila ang gayong oportunidad—pero hindi sa ilalim ng Kautusan. Bakit? (Basahin ang Galacia 3:19-25.) Para maunawaan ito, kailangang malaman natin ang layunin ng tipang Kautusan. Ipinagsanggalang ng Kautusan ang masunuring mga Israelita mula sa huwad na pagsamba. Ipinaunawa nito sa kanila na sila’y makasalanan at nangangailangan ng haing nakahihigit sa inihahandog ng kanilang mataas na saserdote. Ang Kautusan ay naging tagapagturo na aakay sa kanila sa Kristo, o Mesiyas—mga titulong nangangahulugang “Pinahiran.” Pero kapag dumating ang Mesiyas, itatatag niya ang bagong tipang inihula ni Jeremias. Ang mga tatanggap sa Kristo ay aanyayahang maging kabilang sa bagong tipan at magiging “isang kaharian ng mga saserdote.” Tingnan natin kung paano.
NAGLUWAL NG MAHARLIKANG PAGKASASERDOTE ANG BAGONG TIPAN
11. Paano naging pundasyon ng isang maharlikang pagkasaserdote si Jesus?
11 Noong 29 C.E., dumating ang Mesiyas, si Jesus ng Nazaret. Mga edad 30 siya nang iharap niya ang kaniyang sarili para gawin ang pantanging kalooban ni Jehova sa kaniya, at sinagisagan ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Kinilala siya ni Jehova bilang “aking Anak, ang minamahal,” at pinahiran siya, hindi ng langis, kundi ng banal na espiritu. (Mat. 3:13-17; Gawa 10:38) Pinahiran siya ni Jehova para maging Mataas na Saserdote ng mga nananampalataya sa kaniya at maging Hari nila sa hinaharap. (Heb. 1:8, 9; 5:5, 6) Siya ang magiging pundasyon ng isang tunay na maharlikang pagkasaserdote.
12. Ano ang nagawa ng hain ni Jesus?
12 Bilang Mataas na Saserdote, anong hain ang maihahandog ni Jesus na lubusang makapagtatakip ng minanang kasalanan ng mga nananampalataya? Gaya ng ipinahiwatig niya nang pasinayaan niya ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, ang haing iyon ay ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao. (Basahin ang Hebreo 9:11, 12.) Mula nang bautismuhan siya noong 29 C.E., si Jesus, bilang Mataas na Saserdote, ay sumailalim sa mga pagsubok at pagsasanay hanggang sa kaniyang kamatayan. (Heb. 4:15; 5:7-10) Matapos siyang buhaying muli, umakyat siya sa langit at iniharap ang halaga ng kaniyang hain kay Jehova mismo. (Heb. 9:24) Mula noon, makapagsusumamo na si Jesus sa Diyos alang-alang sa mga nananampalataya sa kaniyang hain at matutulungan niya silang maglingkod kay Jehova magpakailanman. (Heb. 7:25) Binigyang-bisa rin ng kaniyang hain ang bagong tipan.—Heb. 8:6; 9:15.
13. Ano ang pag-asa ng mga inanyayahan sa bagong tipan?
13 Gaya ni Jesus, ang mga inanyayahan sa bagong tipan ay papahiran din ng banal na espiritu. (2 Cor. 1:21) Kabilang dito ang tapat na mga Judio at nang maglaon, ang mga Gentil. (Efe. 3:5, 6) Ano ang pag-asa ng mga kabilang sa bagong tipan? Lubusan silang patatawarin sa kanilang mga kasalanan. Nangako si Jehova: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jer. 31:34) Dahil pinatawad na sila, maaari silang maging “isang kaharian ng mga saserdote.” Sumulat si Pedro sa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Ped. 2:9) Sinipi rito ni Pedro ang mga sinabi ni Jehova sa Israel nang ibigay Niya sa kanila ang Kautusan, at ikinapit ni Pedro ang mga salitang ito sa mga Kristiyanong kabilang sa bagong tipan.—Ex. 19:5, 6.
PAGPAPALAIN NG MAHARLIKANG PAGKASASERDOTE ANG SANGKATAUHAN
14. Saan maglilingkod ang maharlikang pagkasaserdote?
14 Saan maglilingkod ang mga kabilang sa bagong tipan? Sa lupa. Bilang isang grupo, maglilingkod sila bilang mga saserdote na nagsisilbing kinatawan ni Jehova sa mga tao sa pamamagitan ng ‘pagpapahayag nang malawakan ng kaniyang mga kagalingan’ at paglalaan ng espirituwal na pagkain. (Mat. 24:45; 1 Ped. 2:4, 5) Pagkamatay nila at matapos silang buhaying muli, maglilingkod silang kasama ni Kristo sa langit bilang mga hari at saserdote. (Luc. 22:29; 1 Ped. 1:3-5; Apoc. 1:6) Pinatutunayan ito ng isang pangitain kung saan nakakita si apostol Juan ng maraming espiritung nilalang malapit sa trono ni Jehova sa langit. “Isang bagong awit” sa “Kordero” ang inaawit nila: “Sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apoc. 5:8-10) Sa isa pang pangitain, sinabi ni Juan tungkol sa mga tagapamahalang ito: “Sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apoc. 20:6) Ang mga haring ito, kasama ni Kristo, ang bubuo sa maharlikang pagkasaserdote na maglilingkod sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
15, 16. Anong mga pakinabang ang idudulot ng maharlikang pagkasaserdote sa sangkatauhan?
15 Anong mga pakinabang ang idudulot ng 144,000 sa mga tao sa lupa? Sa Apocalipsis kabanata 21, inilalarawan sila bilang isang lunsod sa langit, ang Bagong Jerusalem, na tinatawag na “asawa ng Kordero.” (Apoc. 21:9) Sinasabi sa talata 2 hanggang 4: “Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki. Nang magkagayon ay narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’” Kamangha-manghang mga pagpapala iyan! Aalisin ang kamatayan—ang pangunahing sanhi ng pagluha, pagdadalamhati, paghiyaw, at kirot. Ang sangkatauhan ay magiging sakdal at lubusang maipagkakasundo sa Diyos.
16 Hinggil sa mga pagpapalang idudulot ng maharlikang pagkasaserdoteng ito, sinasabi pa ng Apocalipsis 22:1, 2: “Ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan [ng Bagong Jerusalem]. At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” Sa tulong ng makasagisag na mga paglalaang ito, ang “mga bansa,” o mga pamilya ng sangkatauhan, ay lubusang mapagagaling mula sa di-kasakdalang minana kay Adan. Oo, ‘ang mga dating bagay ay lilipas na.’
TATAPUSIN NG MAHARLIKANG PAGKASASERDOTE ANG KANILANG GAWAIN
17. Ano ang maisasakatuparan ng maharlikang pagkasaserdote?
17 Sa katapusan ng 1,000-taóng paglilingkod ng maharlikang pagkasaserdote, naibalik na sa kasakdalan ang sangkatauhan. Bilang Mataas na Saserdote at Hari, ihaharap ni Kristo kay Jehova ang pinasakdal na pamilya ng tao. (Basahin ang 1 Corinto 15:22-26.) Sa panahong iyon, natapos na ng maharlikang pagkasaserdote ang atas nito.
18. Kapag natapos na ng mga kabilang sa maharlikang pagkasaserdote ang kanilang gawain, paano sila gagamitin ni Jehova?
18 Pagkatapos nito, paano gagamitin ni Jehova ang maharlikang pagkasaserdote? Ayon sa Apocalipsis 22:5, “mamamahala sila bilang mga hari magpakailan-kailanman.” Kanino? Hindi sinasabi ng Bibliya. Pero dahil sa kanilang imortalidad at karanasan sa pagtulong sa di-sakdal na sangkatauhan, patuloy silang maghahari at gagamitin ni Jehova sa pagtupad ng kaniyang mga layunin magpakailanman.
19. Ano ang ipaaalaala sa mga dadalo sa Memoryal?
19 Kapag nagtipon tayo para ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus sa Huwebes, Abril 5, 2012, maipaaalaala sa atin ang mga turong ito ng Bibliya. Ang mga nalabi ng pinahirang mga Kristiyano ay makikibahagi sa mga emblemang tinapay na walang lebadura at pulang alak, para ipakitang kabilang sila sa bagong tipan. Ang mga simbolong ito ng hain ni Kristo ay magpapaalaala sa kanila ng kanilang kahanga-hangang pribilehiyo at tungkulin sa walang-hanggang layunin ng Diyos. Dumalo nawa tayo taglay ang matinding pagpapahalaga sa maharlikang pagkasaserdoteng inilaan ng Diyos na Jehova para sa kapakinabangan ng sangkatauhan.
[Larawan sa pahina 29]
Ang maharlikang pagkasaserdote ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala sa sangkatauhan