Ang mga Gantimpala sa Pagpaparangal sa Matatanda Nang Magulang
ANG mga tunay na sumasamba sa Diyos ay gumagalang, nagpaparangal, at nag-aalaga sa kanilang matatanda nang magulang sapagkat kanilang minamahal sila. Iyon ay bahagi ng kanilang pagsamba. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Matuto muna ang mga [anak o mga apo] na magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at magpatuloy sa pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa kanilang mga magulang at mga lolo’t lola, sapagkat ito ay kaayaaya sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:4) Tayo man ay bata o matanda, angkop lamang na maghandog tayo ng “kaukulang kabayaran” sa ating mga magulang at mga lolo’t lola. Sa ganitong paraan ay naipakikita natin ang pagpapahalaga sa kanilang pag-ibig, sa kanilang pagpapagal, at sa kanilang pag-aalaga sa atin sa loob ng napakaraming taon. Aba, utang natin sa ating mga magulang ang atin mismong buhay!
Pansinin na ang pagbabayad ng kaukulang kabayaran sa mga magulang at mga lolo’t lola ay “kaayaaya sa paningin ng Diyos.” Iniuugnay iyon sa ating “maka-Diyos na debosyon.” Kaya naman, sa pamamagitan ng pagtupad sa payong ito, tayo ay ginagantimpalaan, yamang nalalaman na ginagawa natin ang nakalulugod sa Diyos. Nagdudulot ito sa atin ng kagalakan.
May kagalakan sa pagbibigay sa iba, lalo na kapag binibigyan natin yaong mga bukas-palad na nagbigay sa atin. (Gawa 20:35) Ano ngang laking gantimpala, kung gayon, ang pagkilos kasuwato ng simulain sa Bibliya: “Bigyan mo ng dahilan upang malugod ang iyong ama at ang iyong ina, magsaya nawa siya na nagluwal sa iyo”!—Kawikaan 23:25, The New English Bible.
Paano tayo makapag-uukol ng kaukulang kabayaran sa ating mga magulang at mga lolo’t lola? Sa tatlong paraan: sa materyal, emosyonal, at espirituwal na paraan. Bawat isa ay may dulot na gantimpala.
Pagbibigay sa Materyal na Paraan
Batid niyaong mga naglilingkod sa Diyos na mahalagang maglaan ng materyal para sa malalapit na miyembro ng pamilya. Nagpaalaala si apostol Pablo: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.”—1 Timoteo 5:8.
Sina Tunji at Joy ay nakatira sa Kanlurang Aprika. Bagaman gipit sa pananalapi, inanyayahan nila ang matatanda nang magulang ni Joy na doon na tumira sa kanila. Ang ama ay may sakit at namatay nang dakong huli. Nagunita ni Tunji: “Nang mamatay si Papa, niyakap ni Mama ang aking asawa at sinabi: ‘Ginawa mo ang lahat ng posibleng magagawa ng isang tao. Sa anumang paraan ay hindi mo dapat sisihin ang iyong sarili sa pagkamatay ni Papa.’ Bagaman nangungulila kami kay Papa, alam naming binili namin ang pinakamabisang gamot para sa kaniya at laging sinikap na ipadamang siya’y minamahal at kinakailangan; ginawa namin ang aming buong makakaya upang magampanan ang aming bigay-Diyos na pananagutan. Taglay namin ang gayong kasiyahan.”
Sabihin pa, hindi lahat ay nasa kalagayan na tumulong sa iba sa materyal na paraan. Ganito ang sabi ng isang lalaki na nakatira sa Nigeria: “Kung hindi kayang buhayin ng isang tao ang kaniyang sarili, paano kaya niya mabubuhay ang ibang tao?” Sa maraming lupain ay baka maging mas malala pa ang kalagayan sa mga darating na panahon. Ayon sa pagtaya ng United Nations, di-magtatagal at kalahati ng populasyon sa gawing timog ng Sahara sa Aprika ay mamumuhay sa malubhang karukhaan.
Kung ikaw ay naghihirap sa kabuhayan, maaari kang maaliw sa tunay na kasaysayan ng isang nagdarahop na babaing balo. Nang si Jesus ay nasa lupa, napansin niya ang isang babaing balo na nag-abuloy ng maliit na halaga sa kabang-yaman ng templo. Nagbigay lamang siya ng “dalawang maliit na barya na may napakaliit na halaga.” Gayunpaman, palibhasa’y batid ang kaniyang kalagayan, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo nang may katotohanan, Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.”—Lucas 21:1-4.
Sa katulad na paraan, kung ginagawa natin ang ating buong makakaya sa pag-aalaga sa ating mga magulang at mga lolo’t lola sa materyal na paraan, bagaman iyon ay maliit lamang, nakikita at pinahahalagahan iyon ni Jehova. Hindi niya inaasahang gagawin natin ang higit pa sa makakaya natin. Malamang na gayundin ang madarama ng ating mga magulang o mga lolo’t lola.
Pagbibigay sa Emosyonal na Paraan
Ang paglalaan para sa ating mga magulang at mga lolo’t lola ay nangangahulugan ng higit pa kaysa basta pag-aasikaso lamang sa kanilang materyal na mga pangangailangan. Lahat tayo ay may emosyonal na mga pangangailangan. Lahat, pati na ang mga nakatatanda, ay nagnanais na makadamang sila’y iniibig, kinakailangan at ninanais, at pinahahalagahan bilang isang miyembro ng pamilya.
Si Mary, na nakatira sa Kenya, ay tatlong taon nang nag-aalaga sa kaniyang matanda nang biyenang babae. Sabi ni Mary: “Bukod pa sa paglalaan sa kaniyang materyal na mga pangangailangan, lagi namin siyang kinakausap. Wala nang gaanong nagagawa si Inay sa bahay, pero kami’y nag-uusap at naging matalik na magkaibigan. Kung minsa’y pinag-uusapan namin ang tungkol sa Diyos, kung minsan ang tungkol sa mga tao sa dati naming tirahan. Bagaman siya ay mahigit nang 90 taong gulang, mahusay pa ang kaniyang memorya. Kaniyang natatandaan at nasasabi ang tungkol sa buhay nang siya’y munting bata pa, noong mga panahon bago ang 1914.”
Nagpatuloy si Mary: “Hindi madaling mag-alaga ng isang matanda, ngunit ang pagiging kasama niya ay nagdulot sa amin ng mayamang gantimpala. Mayroon kaming kapayapaan at pagkakaisa sa pamilya. Ang pagbibigay ko sa kaniya ay nagpasigla sa diwa ng pagbibigay sa ibang miyembro ng pamilya. Lalo akong iginagalang ng aking asawa. At kapag may narinig si Inay na nagsabi ng anumang di-kanais-nais na bagay tungkol sa akin, agad siyang nagsasalita upang ipagtanggol ako. Walang sinuman ang nakapagsasalita ng masakit sa akin kapag nariyan siya!”
Pagbibigay sa Espirituwal na Paraan
Kung paanong ang materyal at emosyonal na pagbibigay ay nagdudulot ng gantimpala sa isa na nagbibigay, gayundin sa espirituwal na mga bagay. Sumulat si apostol Pablo sa Kristiyanong kongregasyon sa Roma: “Nananabik akong makita kayo, upang maibahagi ko ang ilang espirituwal na kaloob sa inyo nang sa gayon ay mapatatag kayo; o, kaya, upang magkaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob sa gitna ninyo, ng bawat isa sa pamamagitan ng pananampalataya ng iba, kapuwa ang sa inyo at sa akin.”—Roma 1:11, 12.
Sa katulad na paraan, kung tungkol sa espirituwal na pagbibigay sa matatandang naglilingkod sa Diyos, kadalasa’y napatitibay-loob ang isa’t isa. Ganito ang inilahad ni Osondu, na nakatira sa Nigeria: “Ang lalo nang nakapupukaw ng aking pansin tungkol sa aking mga lolo’t lola ay ang pagkakataong ibinibigay nila sa akin na masulyapan ang nakaraan. Ang aking lolo, habang nagniningning ang kaniyang mga mata, ay nagkukuwento tungkol sa teritoryong ginawa niya bilang isang buong-panahong ministro noong mga dekada ng 1950 at 1960. Inihahambing niya ang kasalukuyang kaayusan ng kongregasyon sa kaayusan noong siya’y maging isang Saksi. Ang mga karanasang ito ay nakatutulong sa aking paglilingkuran bilang isang payunir.”
Ang iba sa kongregasyong Kristiyano ay makatutulong din sa pagbibigay sa mga matatanda na. Ipinaliwanag ni Tunji, na nabanggit sa pasimula, kung ano ang nangyari sa kanilang kongregasyon: “Isang payunir na kabataang kapatid na lalaki na naatasang magbigay ng isang pahayag pangmadla ang nagdala ng balangkas kay Papa upang magkasama nilang maihanda ito. Ang tagapangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan ay dumating at nagsabi kay Papa: ‘Makaranasan kayo. Ano po bang masasabi ninyo upang matulungan akong sumulong?’ Nakapagbigay si Papa ng mahusay na payo sa matandang iyon. Maraming ulit na binanggit ng mga kapatid ang pangalan ni Papa sa mga panalangin sa kongregasyon. Lahat ng ito ay nagpadama sa kaniyang siya’y minamahal.”
Napapalapit ang mga Tao sa Diyos Dahil sa Mainam na Paggawi
Kung minsan, habang nagpapakita tayo ng paggalang at pag-ibig sa ating mga magulang at mga lolo’t lola, nailalapit natin ang mga tao sa Diyos. Sumulat si apostol Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, ay luwalhatiin nila ang Diyos . . . bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksing nakakita.”—1 Pedro 2:12.
Si Andrew, isang Kristiyanong matanda sa Kanlurang Aprika, ay naglalakbay ng 95 kilometro dalawang beses sa isang linggo upang alagaan ang kaniyang may sakit na ama, na hindi nananampalataya. Ganito ang inilahad niya: “Nang ako’y maging isang Saksi ni Jehova, gayon na lamang ang pagsalungat ng aking ama. Ngunit nang makita niya kung paano ko siya inalagaan habang siya’y may sakit, patuloy na hinimok niya ang aking nakababatang mga kapatid, ‘Kailangan ninyong sumama sa relihiyon ng inyong kuya!’ Ito ang nakapukaw sa kanila, at ngayon ang siyam na anak ng aking ama ay pawang mga Saksi ni Jehova.”
Ang paggalang at pag-aalaga sa ating matatanda nang magulang ay maaaring maging isang hamon, lalo na sa panahong mahirap ang buhay. Ngunit habang nagsusumikap ang mga Kristiyano na gawin ito, umaani sila ng maraming gantimpala. Higit sa lahat, nararanasan nila ang kagalakan sa pagbibigay, lakip na ang kasiyahan sa pagkaalam na pinalulugdan nila ang Diyos na Jehova, na siya mismong “Ama ng lahat ng mga persona.”—Efeso 4:6.
[Kahon sa pahina 6]
Makadiyos na Payo Para sa mga Inaalagaan at sa mga Nag-aalaga
Maging Nakapagpapatibay-loob: “Paluguran ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa kung ano ang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.”—Roma 15:2.
Maging Matatag: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Galacia 6:9.
Maging Mapagpakumbaba: “Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.”—Filipos 2:3.
Maging Manggagawa ng Mabuti: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:24.
Maging Makatuwiran: “Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran.”—Filipos 4:5.
Maging Madamayin: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa.”—Efeso 4:32.
[Larawan sa pahina 7]
Maaaring makinabang ang nakababatang mga elder mula sa karanasan ng mga nakatatanda