Matalinong Gamitin ang Inyong Kalayaang Kristiyano
“Gaya ng kayo’y mga taong layâ, gayunman ay ginagamit ang inyong kalayaan . . . na gaya ng mga alipin ng Diyos.”—1 PEDRO 2:16.
1. Anong kalayaan ang iniwala ni Adan, at sa anong kalayaan ibabalik ni Jehova ang sangkatauhan?
NANG ang ating unang mga magulang ay magkasala sa halamanan ng Eden, kanilang naiwala para sa kanilang mga anak ang isang maningning na pamana—kalayaan buhat sa kasalanan at kabulukan. Kaya naman, lahat tayo ay isinilang na mga alipin ng kabulukan at kamatayan. Nakatutuwa naman, layunin ni Jehova na ibalik ang tapat na mga tao sa kahanga-hangang kalayaan. Sa ngayon, ang tapat-pusong mga tao ay buong-pananabik na naghihintay ng “pagkahayag ng mga anak ng Diyos,” na anupat sila’y palalayain mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:19-21.
‘Pinahiran Upang Mangaral’
2, 3. (a) Sino ang “mga anak ng Diyos”? (b) Anong kahanga-hangang katayuan ang tinatamasa nila, na nagdadala ng anong pananagutan?
2 Sino ang “mga anak ng Diyos” na ito? Sila ay pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Jesus na maghaharing kasama niya sa makalangit na Kaharian. Ang una sa mga ito ay lumitaw noong unang siglo C.E. Kanilang tinanggap ang nagpapalayang katotohanan na itinuro ni Jesus, at mula Pentecostes 33 C.E., sila’y nakibahagi sa maluwalhating mga pribilehiyo na tinukoy ni Jesus nang siya’y sumulat sa kanila: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari.’ ”—1 Pedro 2:9a; Juan 8:32.
3 Ang pagiging tanging pag-aari ng Diyos—anong kahanga-hangang pagpapala! At ang modernong-panahong nalabi ng pinahirang mga anak na ito ng Diyos ay nagtatamasa ng gayunding pinagpalang katayuan sa harap ng Diyos. Subalit ang gayong mataas na pribilehiyo ay may kasamang mga pananagutan. Isa sa mga ito ay itinawag-pansin ni Pedro nang kaniyang sabihin pa: “ ‘Ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.”—1 Pedro 2:9b.
4. Papaano tinutupad ng pinahirang mga Kristiyano ang pananagutan na dala ng kanilang kalayaang Kristiyano?
4 Ginanap na ba ng pinahirang mga Kristiyano ang pananagutang ito na ihayag sa madla ang mga kaningningan ng Diyos? Oo. Sa pagsasalita ng hula tungkol sa pinahiran buhat noong 1919, sinabi ni Isaias: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran ako ni Jehova upang ipangaral ang mabuting balita sa maaamo. Kaniyang isinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang maghayag ng kalayaan sa mga bihag at magbukas ng mga mata ng kahit mga bilanggo; upang maghayag ng taon ng kabutihang-loob ni Jehova at ng araw ng paghihiganti ng ating Diyos.” (Isaias 61:1, 2) Sa ngayon, ang pinahirang nalabi, sa pagsunod sa halimbawa ni Jesus, na siyang pangunahing kinakapitan ng talatang ito, ay masigasig na naghahayag sa iba ng mabuting balita ng kalayaan.—Mateo 4:23-25; Lucas 4:14-21.
5, 6. (a) Ano ang ibinunga ng masiglang pangangaral ng pinahirang mga Kristiyano? (b) Anong mga pribilehiyo at pananagutan ang tinatamasa ng mga nasa malaking pulutong?
5 Bilang bunga ng kanilang masiglang pangangaral, isang malaking pulutong ng mga ibang tupa ang lumitaw sa tanawin ng sanlibutan sa mga huling araw na ito. Sila’y nagsilabas sa lahat ng bansa upang makisama sa pinahiran sa paglilingkod kay Jehova, at ang katotohanan ay nagpalaya rin sa mga ito. (Zacarias 8:23; Juan 10:16) Tulad ni Abraham sila’y inaaring matuwid salig sa pananampalataya at pumasok sa isang matalik na kaugnayan sa Diyos na Jehova. At katulad ni Rahab dahil sa sila’y inaring matuwid ay nakahanay sila para sa kaligtasan—sa kanilang kaso, ang pagkaligtas sa Armagedon. (Santiago 2:23-25; Apocalipsis 16:14, 16) Subalit ang ganiyang kataas na mga pribilehiyo ay may taglay na pananagutan din na sabihin sa iba ang tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya naman nakita sila ni Juan na pumupuri kay Jehova nang hayagan, “nagsisigawan sa malakas na tinig, na nagsasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’ ”—Apocalipsis 7:9, 10, 14.
6 Noong nakalipas na taon ang malaking pulutong, ngayo’y may bilang na mahigit na apat na milyon, kasama ang maliit na grupo ng natitira pang pinahirang mga Kristiyano, ay gumugol ng halos isang bilyong oras sa paghahayag ng mga kaningningan ni Jehova. Ito ang pinakamagaling na mapaggagamitan ng kanilang espirituwal na kalayaan.
“Igalang Ninyo ang Hari”
7, 8. Anong pananagutan sa makasanlibutang autoridad ang kasama ng kalayaang Kristiyano, at sa bagay na ito, anong maling saloobin ang kailangang iwasan natin?
7 Ang ating kalayaang Kristiyano ay may kasamang iba pang mga pananagutan. Tinukoy ni Pedro ang ilan nang kaniyang isulat: “Igalang ninyo ang lahat ng uring mga tao, ibigin ninyo ang buong kapatiran, matakot kayo sa Diyos, igalang ninyo ang hari.” (1 Pedro 2:17) Ano ba ang ipinahihiwatig ng pananalitang “igalang ninyo ang hari”?
8 “Ang hari” ay kumakatawan sa makasanlibutang mga pinunò. Sa ngayon, ang espiritu ng kawalang-galang sa autoridad ang umunlad sa daigdig, at ang mga Kristiyano ay madaling maaapektuhan nito. Ang isang Kristiyano ay baka pa nga mamangha kung bakit dapat niyang igalang “ang hari,” yamang “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa liwanag ng mga salitang ito, baka isipin natin na tayo’y libreng sumuway sa mga batas na hindi kombinyente para sa atin at umiwas ng pagbabayad ng mga buwis kung hindi tayo mahuhuli sa gawang ito. Subalit ito’y magiging labag sa ipinahayag na utos ni Jesus na “ibigay . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” Sa katunayan, ito ay ‘paggamit ng kaniyang kalayaan bilang isang pantakip sa kasamaan.’—Mateo 22:21; 1 Pedro 2:16.
9. Ano ang dalawang mabuting dahilan sa pagiging masunurin sa makasanlibutang autoridad?
9 Ang mga Kristiyano ay obligado na gumalang sa autoridad at pasakop dito—kahit na kung ito’y sa isang paraang may hangganan. (Gawa 5:29) Bakit? Sa 1 Pedro 2:14, 15, bumanggit si Pedro ng tatlong dahilan nang kaniyang sabihin na ang mga namamahala ay “isinugo ng [Diyos] upang magparusa sa mga nagsisigawa ng masama ngunit upang pumuri sa mga nagsisigawa ng mabuti.” Ang pagkatakot sa parusa ay sapat na dahilan sa pagsunod sa autoridad. Anong laking kahihiyan kung isa sa mga Saksi ni Jehova ay pagmultahin o ibilanggo dahil sa pananakit sa iba, pagnanakaw, o iba pang mga krimen! Gunigunihin lamang kung papaano ikatutuwa ng iba na ipamansag ang gayong bagay! Sa kabilang dako, pagka tayo’y nakilala na mga taong masunurin sa mga autoridad, tayo’y tumatanggap ng papuri buhat sa makatuwirang mga tagapamahala. Baka pa nga tayo bigyan ng higit pang kalayaan sa ating gawaing pangangaral ng mabuting balita. Gayundin, ‘sa paggawa ng mabuti ay pinatatahimik natin ang kamangmangan ng mga taong walang katuwiran.’ (1 Pedro 2:15b) Ito ang ikalawang dahilan ng pagsunod sa autoridad.—Roma 13:3.
10. Ano ang pinakamatinding dahilan sa pagsunod sa makasanlibutang autoridad?
10 Subalit may isang lalong matinding dahilan. Ang mga autoridad ay umiiral dahil sa sila’y pinapayagan ni Jehova. Gaya ng sinasabi ni Pedro, ang makapulitikang mga pinunò ay “isinugo ni” Jehova, at iyon “ang kalooban ng Diyos” na ang mga Kristiyano ay manatiling napasasakop sa kanila. (1 Pedro 2:15a) Gayundin, si apostol Pablo ay nagsasabi: “Ang umiiral na mga autoridad ay inilagay ng Diyos sa kani-kanilang kinauukulang dako.” Sa gayon, ang ating budhing sinanay sa Bibliya ay nag-uudyok sa atin na sumunod sa mga autoridad. Kung tatanggi tayong pasakop sa kanila, tayo ay “sa kaayusan ng Diyos sumasalansang.” (Roma 13:1, 2, 5) Sino sa atin ang kusang maghahangad na sumalansang sa kaayusan ng Diyos? Iyan ay isang maling paggamit ng kalayaang Kristiyano!
‘Ibigin ang mga Kapatid’
11, 12. (a) Anong pananagutan sa mga kapananampalataya ang kasama ng ating kalayaang Kristiyano? (b) Sino lalo na ang karapat-dapat na ibigin natin, at bakit?
11 Sinabi rin ni Pedro na “dapat ibigin [ng Kristiyano] ang buong kapatiran.” (1 Pedro 2:17) Ito ang isa pa sa pananagutan na kasama ng kalayaang Kristiyano. Karamihan sa atin ay kaugnay sa isang kongregasyon. Oo, tayong lahat ay bahagi ng pandaigdig na kapatiran, o organisasyon, ng mga magkakapatid. Ang pagpapakita ng pag-ibig sa mga ito ay isang matalinong paggamit ng ating kalayaan.—Juan 15:12, 13.
12 Isang grupo ng mga Kristiyano na lalo nang karapat-dapat sa ating pag-ibig ang itinampok ni apostol Pablo. Sinabi niya: “Maging masunurin sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo, sapagkat patuloy na binabantayan nila ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may paghihinagpis, sapagkat ito’y makapipinsala sa inyo.” (Hebreo 13:17) Ang mga nangunguna sa kongregasyon ay yaong matatanda. Totoo, ang mga lalaking ito ay hindi naman sakdal. Gayunman, sila ay hinihirang sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. Sila’y nangunguna sa pamamagitan ng halimbawa at taglay ang pagkamakonsiderasyon, at sila’y inatasan na magbantay sa ating mga kaluluwa. Anong bigat ng iniatas sa kanila! (Hebreo 13:7) Nakatutuwa naman, karamihan ng mga kongregasyon ay may isang mainam, nakikipagtulungang espiritu, at isang kagalakan para sa matatanda na gumawang kasama nila. Lalong mahirap pagka ang mga tao ay ayaw makipagtulungan. Ginagawa pa rin ng matanda ang kaniyang gawain, ngunit gaya ng sinabi ni Pablo, ginagawa niya iyon nang may “paghihinagpis.” Tiyak naman, hindi natin nais na maghinagpis ang matatanda! Nais natin na sila’y makasumpong ng kagalakan sa kanilang gawain upang tayo ay mapatibay nila.
13. Ano ang ilang mga paraan na magagamit natin upang makipagtulungan sa matatanda?
13 Ano ang ilang mga paraan na magagamit natin upang makipagtulungan sa matatanda? Ang isa ay ang pagtulong sa pagmamantini at paglilinis ng Kingdom Hall. Ang isa pa ay ang pakikipagtulungan sa gawaing pagdalaw sa maysakit at pagtulong sa may kapansanan. Bukod dito, tayo’y makapagsisikap na manatiling malakas sa espirituwal, upang huwag maging isang pasanin. Ang isang mahalagang bahagi ng pakikipagtulungan ay nasa pagpapanatili ng moral at espirituwal na kalinisan ng kongregasyon, kapuwa sa pamamagitan ng ating sariling asal at pagbibigay-alam ng mga kaso ng malubhang pagkakasala na ating napapansin.
14. Papaano tayo dapat makipagtulungan sa ginawa ng matatanda na pagdisiplina?
14 Kung minsan, upang mapanatiling malinis ang kongregasyon, kinakailangan ng matatanda na magtiwalag ng isang nagkasala na di-nagsisisi. (1 Corinto 5:1-5) Ito’y nagsisilbing proteksiyon sa kongregasyon. Maaari rin itong makatulong sa nagkasala. Kalimitan, sa pamamagitan ng gayong disiplina ay natutulungan ang isang nagkasala na makilala ang kaniyang ginawa. Datapuwat, ano, kung ang taong itiniwalag ay isang matalik na kaibigan o isang kamag-anak? Ipagpalagay natin na ang taong iyon ay ating ama o ina o ating anak na lalaki o babae. Gayunman ay atin bang iginagalang ang aksiyon na ginawa ng matatanda? Totoo, baka iyon ay mahirap gawin. Subalit anong laking pag-aabuso ng ating kalayaan kung ating pag-aalinlanganan ang desisiyon ng matatanda at magpapatuloy na makisama sa espirituwal sa taong napatunayang nagpapasok ng masamang impluwensiya sa kongregasyon! (2 Juan 10, 11) Ang bayan ni Jehova bilang isang kabuuan ay dapat papurihan dahilan sa paraan ng kanilang pakikipagtulungan tungkol sa ganiyang mga bagay. Bilang resulta, ang organisasyon ni Jehova ay nananatiling walang bahid-dungis sa maruming sanlibutang ito.—Santiago 1:27.
15. Kung ang isang tao ay nagkasala nang malubha, ano ang dapat niyang gawin agad?
15 Ano kung tayo ay nakagawa ng isang malubhang pagkakasala? Inilarawan ni Haring David ang mga may pabor ni Jehova nang kaniyang sabihin: “Sino ang aahon sa bundok ni Jehova, at sino ang tatayo sa kaniyang dakong banal? Siyang may malilinis na mga kamay at may dalisay na puso, siyang hindi nagwalang-kabuluhan sa Aking kaluluwa, ni nanumpa man nang may kabulaanan.” (Awit 24:3, 4) Kung sa anumang kadahilanan tayo ay hindi na yaong “may malilinis na mga kamay at may dalisay na puso,” tayo ay kinakailangang kumilos agad nang apurahan. Ang ating buhay na walang-hanggan ay nasa panganib.
16, 17. Bakit ang isang nagkasala nang malubhang kasalanan ay hindi dapat subuking lutasin ang suliranin sa ganang sarili lamang niya?
16 Ang ilan ay natukso na ikubli ang malulubhang pagkakasala, marahil nangangatuwiran na: ‘Ako’y nagtapat na kay Jehova at nagsisi. Kaya bakit pa kailangang isangkot ang matatanda?’ Ang nagkasala ay baka nahihiya o nag-aalala kung ano kaya ang gagawin ng matatanda. Subalit, tandaan niya na bagaman si Jehova lamang ang makapaglilinis sa atin sa kasalanan, ang matatanda ang pangunahing pinapananagot Niya tungkol sa kalinisan ng kongregasyon. (Awit 51:2) Sila’y naroon para sa pagpapagaling, para “muling maiwasto ang mga banal.” (Efeso 4:12) Ang hindi pagparoon sa kanila pagka tayo’y nangangailangan ng espirituwal na tulong ay katulad ng hindi pagparoon sa isang doktor kung tayo’y may sakit.
17 Para sa iba na sumusubok na sila na lamang mag-isa ang mag-ayos ng mga bagay-bagay, kanilang napatutunayan na makalipas ang mga buwan o mga taon, ang kanilang budhi ay matinding bumabagabag pa rin sa kanila. Lalong masama, ang iba na ikinukubli ang isang malubhang pagkakasala ay nahuhulog sa kasalanan nang pangalawa o pangatlo pang beses. Pagka ang suliranin ay sa wakas itinawag-pansin sa matatanda, iyon ay kaso ng paulit-ulit na pagkakasala. Lalong mabuti pa na sundin ang payo ni Santiago! Siya’y sumulat: “Ang sino man ba sa inyo’y may sakit? Ipatawag niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, pahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:14) Lumapit sa matatanda habang may panahon pa para sa pagpapagaling. Kung tayo’y maghihintay nang napakatagal, baka tayo’y tumigas na sa pamimihasa sa kasalanan.—Eclesiastes 3:3; Isaias 32:1, 2.
Hitsura at Paglilibang
18, 19. Bakit ang isang pari ay nagsalita nang maganda tungkol sa mga Saksi ni Jehova?
18 May limang taon na ngayon, sa isang magasin ng parokya, isang paring Katoliko sa Italya ang nangusap nang may magandang impresyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.a Sinabi niya: “Para sa akin, gusto ko ang mga Saksi ni Jehova; prangkahan na inaamin ko iyan. . . . Ang mga Saksing nakikilala ko ay walang kapintasan sa pag-uugali, banayad magsalita . . . [at] napakahusay manghikayat. Kailan natin mauunawaan na ang katotohanan ay nangangailangan ng isang katanggap-tanggap na presentasyon? Na yaong nagbabalita ng katotohanan ay hindi mahina ang loob, pangit ang amoy, lukot ang pananamit, pabayâ sa katawan?”
19 Sang-ayon sa mga salitang ito, ang pari ay nagkaroon ng magandang impresyon, kabilang sa kaniyang hinangaan, ang paraan ng pagdaramit at pagdadala ng sarili ng mga Saksi. Maliwanag, yaong kaniyang mga nakilala ay nakinig sa payo na ibinigay ng “tapat at maingat na alipin” sa lumipas na mga taon. (Mateo 24:45) Sinabi ng Bibliya na ang damit para sa mga babae ay dapat na ‘maayos at mahinhin.’ (1 Timoteo 2:9) Sa panahong ito ng pag-urong ng moral, ang payong iyan ay kinakailangan para rin sa mga lalaki. Hindi ba makatuwiran na ang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos ay dapat humarap nang disente sa mga tagalabas?
20. Bakit ang isang Kristiyano ay dapat maging palaisip sa kaniyang pananamit sa lahat ng panahon?
20 Ang iba ay sasang-ayon marahil na sa mga pulong at sa paglilingkod sa larangan, sila’y dapat pakaingat kung papaano sila nananamit, subalit baka isipin nila na ang mga simulain ng Bibliya ay hindi naman kumakapit sa ibang mga panahon. Ngunit, tayo ba ay humihinto kailanman sa pagiging mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos? Totoo, nagkakaiba-iba ang mga kalagayan. Kung tayo’y tumutulong sa pagtatayo ng isang Kingdom Hall, tayo’y mananamit na naiiba kaysa kung tayo’y dumadalo sa isang pulong sa Kingdom Hall ding iyan. Pagka tayo’y nagpapahingalay lamang, malamang na tayo’y mananamit sa isang istilong lalong relaks. Subalit kailanma’t tayo’y nakikita ng iba, ang ating pananamit ay dapat na laging maayos at mahinhin.
21, 22. Papaano tayo binigyan ng proteksiyon laban sa nakapipinsalang paglilibang, at papaano dapat nating malasin ang payo tungkol sa gayong mga bagay?
21 Ang isa pang larangan na nakatatawag ng malaking pansin ay ang paglilibang. Ang mga tao—lalo na ang kabataan—ay nangangailangan ng paglilibang. Hindi isang kasalanan o pag-aaksaya ng panahon na mag-iskedyul ng libangan para sa pamilya. Maging si Jesus man ay nag-anyaya sa kaniyang mga alagad na “mamahinga nang kaunti.” (Marcos 6:31) Ngunit pakaingat na ang paglilibang ay hindi nagbubukas ng pinto tungo sa espirituwal na karumihan. Tayo’y namumuhay sa isang daigdig na sa paglilibang ay itinatampok ang seksuwal na imoralidad, malaking karahasan, kakilabutan, at espiritismo. (2 Timoteo 3:3; Apocalipsis 22:15) Ang tapat at maingat na alipin ay alisto sa ganiyang mga panganib at tayo’y palaging pinaaalalahanan laban sa mga iyan. Inaakala mo bang ang mga paalaalang ito ay isang panghihimasok sa iyong kalayaan? O ikaw ba ay nagpapasalamat na ang organisasyon ni Jehova ay may sapat na pagmamalasakit para sa iyo upang palaging itawag-pansin ang gayong mga panganib?—Awit 19:7; 119:95.
22 Huwag kalilimutan na bagaman ang ating kalayaan ay nanggagaling kay Jehova, tayo ay may pananagutan tungkol sa kung papaano natin ginagamit ito. Kung ating ipinagwawalang-bahala ang mabuting payo at tayo’y gumagawa ng maling mga pasiya, hindi natin maisisisi iyon sa iba. Si apostol Pablo ay nagsasabi: “Ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kaniyang sarili.”—Roma 14:12; Hebreo 4:13.
Panabikan ang Kalayaan ng mga Anak ng Diyos
23. (a) Anong mga pagpapala kung tungkol sa kalayaan ang tinatamasa natin ngayon? (b) Anong mga pagpapala ang buong-pananabik na hinihintay natin?
23 Tunay na tayo ay isang pinagpalang bayan. Tayo’y nakalaya na buhat sa huwad na relihiyon at pamahiin. Salamat sa haing pantubos, tayo’y makalalapit kay Jehova na taglay ang malinis na budhi, malaya sa espirituwal na paraan buhat sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. At sa madaling panahon ay darating “ang pagkahayag ng mga anak ng Diyos.” Sa Armagedon, ang mga kapatid ni Jesus sa kanilang makalangit na kaluwalhatian ay mahahayag sa mga tao bilang mga tagapuksa ng mga kaaway ni Jehova. (Roma 8:19; 2 Tesalonica 1:6-8; Apocalipsis 2:26, 27) Pagkatapos, ang mga anak na ito ng Diyos ay mahahayag bilang mga alulod ukol sa mga pagpapalang umaagos buhat sa trono ng Diyos tungo sa sangkatauhan. (Apocalipsis 22:1-5) Sa wakas, ang pagkahayag na ito ng mga anak ng Diyos ay magbubunga ng pagpapala sa tapat na sangkatauhan na taglay ang maningning na kalayaan ng mga anak ng Diyos. Inaasam-asam mo ba ang panahong iyan? Kung gayon ay matalinong gamitin ang iyong kalayaang Kristiyano. Magpaalipin sa Diyos ngayon, at iyong tatamasahin ang kahanga-hangang kalayaang iyan magpakailanman!
[Talababa]
a Nang malaunan ay binawi ng pari ang kaniyang papuri, lumilitaw na siya’y ginipit.
Kahon sa Repaso
◻ Papaano niluwalhati si Jehova ng pinahiran at ng mga ibang tupa?
◻ Bakit dapat igalang ng mga Kristiyano ang makasanlibutang autoridad?
◻ Sa anu-anong paraan maaaring makipagtulungan sa matatanda ang isang Kristiyano?
◻ Kung tungkol sa pananamit, bakit ang mga Saksi ni Jehova ay tanyag bilang naiiba sa marami sa mga nasa sanlibutan?
◻ Ano ang dapat nating iwasan kung tungkol sa paglilibang?
[Larawan sa pahina 17]
Ang matatanda ang lalo nang karapat-dapat sa ating pag-ibig at pakikipagtulungan
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang damit ng isang Kristiyano ay dapat na maayos, mahinhin, at angkop sa okasyon