Ang Ating May Pasubaling Pagpapasakop sa Nakatataas na mga Autoridad
“May higit na dahilan kung gayon na kayong mga tao’y pasakop.”—ROMA 13:5.
1. Anong mahihirap na karanasan ang dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa kamay ng nakatataas na mga autoridad Nazi, at ito ba’y dahilan sa ‘paggawa ng masama’?
NOONG Enero 7, 1940, si Franz Reiter at lima pang ibang kabataang taga-Austria ay binitay sa gilotina. Sila’y mga Bibelforscher, mga Saksi ni Jehova, at sila’y nangamatay sapagkat hindi nila makonsiyensiya ang pakikipagbaka para sa Reich ni Hitler. Si Reiter ay isa sa libu-libong Saksi na namatay alang-alang sa kanilang pananampalataya noong ikalawang digmaang pandaigdig. Marami pa ang nagtiis ng maraming taon sa mga concentration camp. Lahat bang ito ay nagdusa sa pamamagitan ng “tabak” ng nakatataas na autoridad Nazi dahilan sa ‘paggawa ng masama’? (Roma 13:4) Talagang hindi! Ang iba pang salita ni Pablo ay nagpapakita na ang mga Kristiyanong ito’y sumunod sa mga utos ng Diyos sa Roma kabanata 13, bagaman sila’y nagdusa sa mga kamay ng autoridad.
2. Ano ba ang mahigpit na dahilan ng pagpapasakop sa nakatataas na mga autoridad?
2 Sa Roma 13:5, ang apostol ay sumulat: “May mahigpit na dahilan kung gayon na kayong mga tao’y pasakop, hindi lamang dahil sa gayong poot kundi dahil din naman sa inyong budhi.” Bago pa nito, sinabi ni Pablo na ang paghahawak ng autoridad ng “tabak” ay isang mabuting dahilan upang pasakop dito. Gayunman, ngayon ay nagbibigay siya ng isang lalong matinding dahilan: budhi. Tayo’y nagsisikap na maglingkod sa Diyos “taglay ang isang malinis na budhi.” (2 Timoteo 1:3) Sinasabi sa atin ng Bibliya na tayo’y pasakop sa mga nakatataas na mga autoridad, at tayo’y sumusunod sapagkat ibig nating gawin ang matuwid sa paningin ng Diyos. (Hebreo 5:14) Tunay nga, ang ating budhing sinanay sa Bibliya ay humihila sa atin na sundin ang autoridad kahit na walang tao na nakakakita upang alamin kung tama ang ginagawa natin.—Ihambing ang Eclesiastes 10:20.
“Iyan ang Dahilan Kung Bakit Kayo Nagbabayad Din ng Buwis”
3, 4. Ano ang marangal na pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova, at bakit dapat magbayad ng buwis ang mga Kristiyano?
3 Sa Nigeria mga ilang taon na ngayon ang nakalipas, nagkaroon ng mga kaguluhan dahil sa pagbabayad ng buwis. Marami ang nasawi, at tinawagan ng mga autoridad ang hukbo. Ang mga sundalo ay pumasok sa isang Kingdom Hall na kung saan ginaganap noon ang isang pulong at kanilang hiniling na ipaalam sa kanila ang layunin ng pagtitipon. Nang malaman nila na iyon ay isang pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova para mag-aral ng Bibliya, ang nangangasiwang opisyal ay nagsabi sa mga sundalo na umalis na sila, na nagsasabi: “Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga manggugulo dahil sa buwis.”
4 Ang mga Saksing iyon sa Nigeria ay kilala sa marangal na pamumuhay kasuwato ng mga salita ni Pablo: “Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad din ng buwis; sapagkat sila’y pangmadlang mga lingkod ng Diyos na patuluyang naglilingkod sa mismong layuning ito.” (Roma 13:6) Nang ibigay ni Jesus ang alituntuning, ‘Ibigay kay Caesar ang mga bagay na kay Caesar,’ ang tinutukoy niya ay ang pagbabayad ng buwis. (Mateo 22:21) Ang sekular na mga autoridad ay naglalaan ng mga daan, ng proteksiyon ng pulisya, ng mga aklatan, mga sistema ng transportasyon, mga paaralan, serbisyo sa koreo, at marami pa. Malimit na ginagamit natin ang mga paglalaang ito. Tama lamang na tayo’y magbayad para sa mga ito sa pamamagitan ng ating mga buwis.
“Ibigay Ninyo sa Lahat ang sa Kanila’y Nararapat”
5. Ano ang ibig sabihin ng pananalitang ‘ibigay sa lahat ang sa kanila’y nararapat’?
5 Si Pablo ay nagpapatuloy: “Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila’y nararapat, buwis sa dapat buwisan; pataw sa dapat pagbayaran nito; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.” (Roma 13:7) Sa salitang “lahat” ay kasali ang bawat sekular na autoridad na pangmadlang lingkod ng Diyos. Walang ipinupuwera. Kahit na kung tayo’y namumuhay sa ilalim ng isang sistemang makapulitika na personal na inaayawan natin, tayo’y nagbabayad ng buwis. Kung ang mga relihiyon ay libre sa buwis sa lugar na kinatitirhan natin, ito’y maaaring samantalahin ng mga kongregasyon. At tulad ng ibang mga mamamayan, maaaring gamitin ng mga Kristiyano ang anumang legal na paglalaan upang mabawasan ang mga buwis na kanilang pinagbabayaran. Ngunit walang Kristiyano na dapat ilegal na umiwas sa pagbabayad ng buwis.—Ihambing ang Mateo 5:41; 17:24-27.
6, 7. Bakit tayo dapat magbayad ng buwis kahit na kung ang salapi ay ginagasta sa isang bagay na hindi natin sinasang-ayunan o kahit na kung pinag-uusig tayo ng autoridad?
6 Gayunman, ipagpalagay natin na ang isang buwis ay waring di-makatuwiran. O kung ang isang bahagi ng salaping ibinuwis ay ginagasta sa isang bagay na tayo’y hindi kasang-ayon, tulad baga ng libreng pagpapalaglag, mga bangko ng dugo, o mga programa na salungat sa ating pagkaneutral? Tayo pa rin ay magbabayad ng lahat ng ating buwis. Ang autoridad ang may pananagutan sa kung papaano ginagamit nito ang salaping buwis. Tayo’y hindi inuutusan na hatulan ang autoridad. Ang Diyos ang “Hukom ng lupa,” at sa kaniyang takdang panahon, siya’y makikipagtuos sa mga pamahalaan tungkol sa kung papaano nila ginamit ang kanilang autoridad. (Awit 94:2; Jeremias 25:31) Hanggang sa maganap na iyan, tayo’y magbabayad ng ating buwis.
7 Ano naman kung tayo’y pinag-uusig ng autoridad? Tayo’y nagbabayad pa rin ng buwis dahilan sa tinatanggap natin na mga serbisyo sa araw-araw. Tungkol sa mga Saksi na dumaranas ng pag-uusig sa isang bansa sa Aprika, sinabi ng San Francisco Examiner: “Sila’y maituturing ninyo na modelong mga mamamayan. Sila’y masigasig sa pagbabayad ng buwis, nangangalaga sa maysakit, binabaka ang kamangmangan.” Oo, ang pinag-uusig na mga Saksing iyon ay nagbabayad ng kanilang buwis.
“Takot” at ‘Paggalang’
8. Ano ang “takot” na ating ibinibigay sa autoridad?
8 Ang “takot” na tinutukoy sa Roma 13:7 ay hindi isang duwag na pagkatakot kundi, bagkus, ang paggalang sa sekular na autoridad, isang pagkatakot na labagin ang batas nito. Ang paggalang na ito ay ginagawa dahilan sa posisyon na kasangkot, hindi laging dahilan sa taong nasa posisyon. Sa Bibliya, pagka nagsasalita ng hula tungkol sa emperador Romanong si Tiberio, siya’y tinatawag na “isang hamak na tao.” (Daniel 11:21) Ngunit siya ang emperador, at bilang emperador, siya’y dapat katakutan at igalang ng isang Kristiyano.
9. Sa anong mga paraan iginagalang natin ang mga autoridad na tao?
9 Tungkol sa paggalang, ating sinusunod ang utos ni Jesus na huwag magbigay ng mga titulong salig sa posisyong relihiyoso. (Mateo 23:8-10) Ngunit kung tungkol sa sekular na mga autoridad, tayo’y nagagalak na tawagin sila sa anumang titulo na maaaring gamitin sa pagbibigay-galang sa kanila. Ginamit ni Pablo ang terminong “Kagalang-galang” nang nagsasalita sa mga gobernador Romano. (Gawa 26:25) Si Nabucodonosor ay tinawag ni Daniel na “panginoon ko.” (Daniel 4:19) Sa ngayon, maaaring gamitin ng mga Kristiyano ang pananalitang gaya ng “Inyong Kamahalan” o “Inyong Kamaharlikaan.” Sila’y maaaring tumayo pagka pumasok sa bulwagan ng hukuman ang isang hukom o magalang na yumuko sa harap ng isang pinunò kung iyan ang kaugalian.
May Pasubaling Pagpapasakop
10. Papaano ipinakita ni Jesus na may hangganan ang maaaring hingin sa isang Kristiyano ng autoridad na tao?
10 Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay dapat pasakop sa autoridad na tao, bakit si Franz Reiter at ang napakarami pang iba ay nagdusa na gaya ng dinanas nila? Sapagkat ang ating pagpapasakop ay may pasubali, at ang autoridad ay hindi laging kumikilala na may mga itinakdang hangganan ang Bibliya na hindi maaaring lampasan. Kung ang autoridad ay humihingi ng isang bagay na nakasasakit sa sinanay na budhi ng isang Kristiyano, ito ay lumalampas na sa hangganan na ibinigay rito ng Diyos. Ito’y ipinakita ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Ibigay kay . . . Caesar ang mga bagay na kay Caesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Pagka hinihingi ni Caesar ang mga bagay na sa Diyos, kailangang kilalanin natin na ang Diyos ang dapat unahin.
11. Malaganap na tinatanggap ang anong simulain na nagpapakitang may hangganan ang maaaring hingin ng isang autoridad na tao?
11 Ang ganito bang paninindigan ay subersibo o pagtataksil? Hindi. Sa katunayan, ito ay isang pagpapalawak sa isang simulain na kinikilala ng karamihan ng mga bansang sibilisado. Noong ika-15 siglo, isang nagngangalang Peter von Hagenbach ang nilitis dahilan sa pagpapasimula ng isang paghahari ng kakilabutan sa lugar ng Europa na kung saan siya’y may kapangyarihan. Ang kaniyang pagtatanggol, na sinusunod lamang niya ang utos ng kaniyang panginoon, ang Duke ng Burgundy, ay tinanggihan. Ang pag-aangkin na ang isang taong gumagawa ng mga kabuhungan ay hindi mapananagot kung siya’y sumusunod sa utos ng isang nakatataas na autoridad ay kung mga ilang beses nang ginawa sapol noon—na ang lalong kilala ay yaong pagpapahayag ng mga kriminal na Nazi sa digmaan nang sila’y litisin sa harap ng International Tribunal sa Nuremberg. Ang pag-aangkin ay karaniwan nang tinatanggihan. Ang International Tribunal ay nagsabi sa kaniyang hatol: “Ang mga indibiduwal ay may internasyonal na mga tungkulin na nangingibabaw sa pambansang mga obligasyon ng pagsunod na ipinapataw ng indibiduwal na estado.”
12. Ano ang ilang halimbawa sa Kasulatan ng mga lingkod ng Diyos na tumangging sumunod sa di-makatuwirang mga kahilingan ng autoridad?
12 Sa tuwina’y kinikilala ng mga lingkod ng Diyos na may hangganan ang pagpapasakop na pinapayagan sila ng kanilang budhi na gawin sa nakatataas na mga autoridad. Halos nang panahon na isilang si Moises sa Ehipto, iniutos ni Faraon sa dalawang Hebreong hilot na patayin ang lahat ng bagong silang na mga sanggol na Hebreo. Gayunman, ang mga sanggol ay iningatan ng mga hilot upang mabuhay. Sila ba’y nagkamali ng pagsuway kay Faraon? Hindi, kanilang sinusunod noon ang kanilang bigay-Diyos na budhi, at sila’y pinagpala ng Diyos dahil doon. (Exodo 1:15-20) Nang ang Israel ay itapon sa Babilonya, hiniling ni Nabucodonosor na ang kaniyang mga opisyales, kasali na ang mga Hebreo na sina Shadrach, Meshach, at Abednego, ay yumuko sa harap ng isang imahen na kanilang inilagay sa kapatagan ng Dura. Ang tatlong Hebreo ay tumanggi. Sila ba’y nagkamali? Hindi, yamang ang pagsunod sa utos ng hari ay mangangahulugan ng pagsuway sa kautusan ng Diyos.—Exodo 20:4, 5; Daniel 3:1-18.
“Tumalima sa Diyos Bilang Pinunò”
13. Anong halimbawa ang ipinakikita ng sinaunang mga Kristiyano kung tungkol sa may pasubaling pagsunod sa nakatataas na mga autoridad?
13 Sa katulad na paraan, nang ipag-utos ng mga autoridad na Judio kina Pedro at Juan na huminto ng pangangaral tungkol kay Jesus, sila’y tumugon: “Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig sa inyo kaysa Diyos, kayo na ang humatol.” (Gawa 4:19; 5:29) Sila’y hindi maaaring tumahimik. Ang magasing The Christian Century ay tumatawag ng pansin sa isa pang udyok-budhing paninindigan ng mga sinaunang Kristiyano nang sabihin nito: “Ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagsilbi sa mga hukbong sandatahan. Binanggit ni Roland Bainton na ‘mula sa dulo ng panahon ng Bagong Tipan hanggang sa dekada ng A.D. 170-180 walang anumang katibayan na may mga Kristiyano sa hukbo’ (Christian Attitudes Toward War and Peace [Abingdon, 1960], pp. 67-8). . . . Sinasabi ni Swift na ‘naging alituntunin na [ni Justin Martyr] na umiwas ang mga Kristiyano sa mararahas na gawain.’ ”
14, 15. Ano ang ilang simulain sa Bibliya na umuugit sa may pasubaling pagsunod ng sinaunang mga Kristiyano sa mga autoridad na tao?
14 Bakit ang sinaunang mga Kristiyano ay hindi naglingkod bilang mga sundalo? Tiyak na bawat isa ay maingat na nag-aral ng Salita at mga kautusan ng Diyos at gumawa ng kaniyang personal na desisyon batay sa kaniyang sinanay-sa-Bibliyang budhi. Sila’y walang pinapanigan, “hindi bahagi ng sanlibutan,” at ang kanilang pagkaneutral ang pumipigil sa kanila upang huwag pumanig sa kaninuman sa mga alitan ng sanlibutang ito. (Juan 17:16; 18:36) Isa pa, sila’y pag-aari ng Diyos. (2 Timoteo 2:19) Ang paghahandog ng kanilang buhay alang-alang sa Estado ay mangangahulugan ng pagbibigay kay Caesar ng pag-aari ng Diyos. Isa pa, sila’y bahagi ng isang pandaigdig na kapatiran na binubuklod ng pag-ibig. (Juan 13:34, 35; Colosas 3:14; 1 Pedro 4:8; 5:9) Sila’y hindi inuudyukan ng mabuting budhi na sumali sa digmaan na posibleng humantong sa pagpatay sa kapuwa Kristiyano.
15 Bukod dito, ang mga Kristiyano ay hindi maaaring makisali sa popular na mga gawaing relihiyoso, tulad baga ng pagsamba sa emperador. Kaya naman, sila’y itinuturing na “kakatuwa at mapanganib na mga tao, at natural na sila’y paghinalaan ng natitirang bahagi ng populasyon.” (Still the Bible Speaks, ni W. A. Smart) Bagaman isinulat ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat ‘matakot sa dapat katakutan,’ hindi nila nalimutan ang kanilang takot, o paggalang, kay Jehova. (Roma 13:7; Awit 86:11) Si Jesus mismo ang nagsabi: “Huwag kayong matakot sa nagsisipatay ng katawan datapuwat hindi makapatay ng kaluluwa; kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa ng kapuwa kaluluwa at katawan sa Gehenna.”—Mateo 10:28.
16. (a) Sa anong mga pitak kailangang timbanging maingat ng mga Kristiyano ang kanilang pagpapasakop sa nakatataas na mga autoridad? (b) Ano ba ang ipinakikita ng kahon sa pahina 27?
16 Bilang mga Kristiyano, tayo’y nakaharap sa nakakatulad na mga hamon sa ngayon. Tayo’y hindi maaaring makibahagi sa anumang modernong bersiyon ng idolatriya—maging iyon man ay ang may pagsambang trato sa isang imahen o simbulo o ang paniniwalang ang kaligtasan ay nagmumula sa isang tao o sa isang organisasyon. (1 Corinto 10:14; 1 Juan 5:21) At tulad ng mga unang Kristiyano, hindi natin maaaring ikumpromiso ang ating pagiging neutral bilang Kristiyano.—Ihambing ang 2 Corinto 10:4.
“May Kahinahunan at Taimtim na Paggalang”
17. Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa mga nagdurusa dahilan sa budhi?
17 Si apostol Pedro ay sumulat tungkol sa ating matapat na paninindigan at nagsabi: “Kung dahil sa budhing ukol sa Diyos ay magtiis ang sinuman ng mga kalumbayan at magbata ng dahil sa katuwiran, ito’y kalugud-lugod.” (1 Pedro 2:19) Oo, kalugud-lugod nga sa Diyos pagka ang isang Kristiyano’y nanindigang matatag sa kabila ng pag-uusig, at may karagdagang pakinabang na ang pananampalataya ng Kristiyano ay napatitibay at nadadalisay. (Santiago 1:2-4; 1 Pedro 1:6, 7; 5:8-10) Si Pedro ay sumulat din: “Kung magbata kayo dahil sa katuwiran, kayo’y maligaya. Gayunman, ang kanilang kinatatakutan ay huwag ninyong katakutan, ni huwag kayong magulumihanan. Kundi pakabanalin ninyo ang Kristo na Panginoon sa inyong puso, na lagi kayong handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit ginagawa iyon ng may kahinahunan at taimtim na paggalang.” (1 Pedro 3:14, 15) Nakatutulong na payo nga!
18, 19. Papaanong ang taimtim na paggalang at pagkamakatuwiran ay makatutulong kung ang autoridad ay naglalagay ng hangganan sa ating kalayaan ng pagsamba?
18 Pagka bumangon ang pag-uusig dahilan sa maling pagkaunawa ng autoridad sa katayuan ng mga Kristiyano o dahilan sa ang mga Saksi ni Jehova ay maling inilalarawan ng mga lider ng relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa autoridad, ang paghaharap sa autoridad ng buong katotohanan ay maaaring makatulong upang malunasan ang suliranin. Taglay ang kahinahunan at taimtim na paggalang, ang isang Kristiyano ay hindi gumaganti sa pisikal na paraan laban sa mga mang-uusig. Gayunman, kaniyang ginagamit ang lahat ng kaparaanang legal na maaaring gamitin upang ipagtanggol ang kaniyang pananampalataya. Pagkatapos ay ipinauubaya na niya iyon sa kamay ni Jehova.—Filipos 1:7; Colosas 4:5, 6.
19 Ang taimtim na paggalang ay umaakay rin sa isang Kristiyano na magpatuloy na sumunod sa autoridad hanggang sa magagawa niya, nang hindi nilalabag ang kaniyang budhi. Halimbawa, kung ang mga pulong ng kongregasyon ay ipinagbabawal, ang mga Kristiyano ay hahanap ng ibang di-gaanong nahahalatang paraan upang patuloy na kumain sa hapag ni Jehova. Ang Kataas-taasang Autoridad, si Jehovang Diyos, ay nagsasabi sa atin sa pamamagitan ni Pablo: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba.” (Hebreo 10:24, 25) Ngunit ang ganiyang mga pagtitipon ay maaaring ganapin nang maingat. Kahit na kung mga ilan lamang ang naroroon, tayo’y makapagtitiwala na pinagpapala ng Diyos ang gayong mga kaayusan.—Ihambing ang Mateo 18:20.
20. Kung ang pangmadlang pangangaral ng mabuting balita ay ipinagbabawal, papaano maaaring harapin ng mga Kristiyano ang kalagayang iyon?
20 Gayundin naman, ipinagbabawal ng mga ilang autoridad ang pangmadlang pangangaral ng mabuting balita. Natatandaan ng mga Kristiyanong namumuhay sa ilalim nila na, sa pamamagitan ni Jesus mismo, ang Kataas-taasang Autoridad ay nagsabi: “Sa lahat ng bansa ang mabuting balita ay kailangang maipangaral muna.” (Marcos 13:10) Sa gayon, kanilang sinusunod ang Kataas-taasang Autoridad anuman ang mangyari sa kanila. Kailanma’t maaari, ang mga apostol ay nangaral sa madla at sa bahay-bahay, ngunit mayroon pang mga ibang paraan upang marating ang mga tao, tulad halimbawa ng impormal na pagpapatotoo. (Juan 4:7-15; Gawa 5:42; 20:20) Kadalasan ang mga autoridad ay hindi naman makikialam sa gawaing pangangaral kung ang Bibliya lamang ang ginagamit—na nagdiriin sa pangangailangan na lahat ng Saksi ay maging bihasang-bihasa sa pangangatuwiran buhat sa Kasulatan. (Ihambing ang Gawa 17:2, 17.) Sa pagkakaroon ng lakas ng loob, gayunma’y pagiging magalang, ang mga Kristiyano ay maaaring malimit na makasumpong ng paraan upang sumunod sa utos ni Jehova nang hindi pinupukaw ang galit ng nakatataas na mga autoridad.—Tito 3:1, 2.
21. Kung si Cesar ay hindi naglulubay sa kaniyang pag-uusig, anong hakbang ang kailangang ipasiya ng mga Kristiyano?
21 Gayunman, kung minsan ang autoridad ay hindi naglulubay sa pag-uusig sa mga Kristiyano. Kung magkagayon, taglay ang malinis na budhi, tayo’y maaari lamang patuloy na magtiis sa paggawa ng matuwid. Napaharap sa pagpili ang kabataang si Franz Reiter: ikompromiso ang kaniyang pananampalataya o mamatay. Yamang hindi siya maaaring huminto ng pagsamba sa Diyos, buong tibay-ng-loob na tinanggap niya ang kaniyang kamatayan. Noong gabi bago siya mamatay, si Franz ay sumulat sa kaniyang ina: “Ako’y bibitayin bukas ng umaga. Taglay ko ang lakas buhat sa Diyos, kagaya rin ng laging nararanasan ng lahat ng tunay na mga Kristiyano noong nakalipas . . . Kung ikaw ay maninindigang matatag hanggang sa kamatayan, tayo’y magkikita uli sa pagkabuhay-muli.”
22. Ano ang ating pag-asa, at papaano tayo dapat magpatuloy mamuhay pansamantala?
22 Balang araw, lahat ng tao ay sasailalim ng isa lamang batas, yaong sa Diyos na Jehova. Samantala, taglay ang mabuting budhi tayo’y kailangang sumunod sa kaayusan ng Diyos at magpatuloy sa ating may pasubaling pagpapasakop sa nakatataas na mga autoridad habang kasabay na sinusunod natin sa lahat ng bagay ang ating Soberanong Panginoong si Jehova.—Filipos 4:5-7.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang mahigpit na dahilan sa pagpapasakop sa nakatataas na mga autoridad?
◻ Bakit hindi tayo dapat mag-atubili ng pagbabayad ng buwis na ipinapataw ni Cesar?
◻ Anong uri ng paggalang ang dapat nating ibigay sa autoridad?
◻ Bakit ang ating pagpapasakop kay Cesar ay may pasubali?
◻ Kung tayo’y pinag-uusig dahilan sa hinihingi ni Cesar ang nauukol sa Diyos, papaano tayo dapat tumugon?
[Kahon sa pahina 27]
Paggalang, hindi pagsamba
Isang umaga samantalang nagkaklase, si Terra, isang kabataang Saksi ni Jehova sa Canada, ay nakapansin na isang kamag-aral ang kasama ng kaniyang guro na lumabas sa silid-aralan nang may ilang minuto. Hindi nagtagal pagkatapos, tahimik na hiniling ng guro na samahan siya ni Terra sa tanggapan ng prinsipal.
Pagdating nila roon, napansin ni Terra ang isang bandera ng Canada na nakalatag sa desk ng prinsipal. Sinabi ng guro kay Terra na luraan ang bandera! Kaniyang sinabi na yamang hindi umaawit si Terra ng pambansang awit o sumasaludo sa bandera, walang dahilan kung bakit hindi niya gagawin ang ganiyang bagay. Si Terra ay tumanggi, at ipinaliwanag na bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasamba sa bandera, kanila namang iginagalang iyon.
Pagbalik nila sa silid-aralan, ipinahayag ng guro na katatapos lamang niyang magsagawa ng isang pagsubok. Uná-unáng isinama niya sa tanggapan ng prinsipal ang dalawang estudyante at sinabihan sila na luraan ang bandera. Ang una ay nakibahagi sa mga seremonyang pambayan, ngunit siya’y lumura sa bandera nang sabihin sa kaniya na gawin iyon. Ibang-iba naman, si Terra ay hindi umawit ng pambansang awit o sumaludo sa bandera; subalit, siya’y tumangging lapastanganin ang bandera sa ganitong paraan. Ipinahayag ng guro na si Terra ang siyang nagpakita ng nararapat na paggalang.—1990 Yearbook of Jehovah’s Witnesses.
[Picture Credit Lines sa pahina 23]
French Embassy Press & Information Division
USSR Mission to the UN