Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro
HALOS 30 taon makalipas ang Pentecostes 33 C.E., ang alagad na si Santiago—kapatid sa ina ni Jesus—ay sumulat ng liham para sa “labindalawang tribo” ng espirituwal na Israel. (Sant. 1:1) Ang kaniyang tunguhin: payuhan sila na maging matatag sa pananampalataya at magbata kapag napapaharap sa mga pagsubok. Nagbigay rin siya ng payo para ituwid ang nakababahalang mga problema na bumangon sa mga kongregasyon.
Bago inilunsad ni Emperador Nero ng Roma ang pag-uusig laban sa mga Kristiyano noong 64 C.E., isinulat ni apostol Pedro ang kaniyang unang liham para sa mga Kristiyano upang patibayin sila na tumayong matatag sa pananampalataya. Sa kaniyang ikalawang liham, na isinulat karaka-raka pagkatapos ng una niyang liham, pinasigla ni Pedro ang kaniyang mga kapananampalataya na magbigay-pansin sa salita ng Diyos at binabalaan sila hinggil sa dumarating na araw ni Jehova. Kaya talagang makikinabang tayo sa pagbibigay-pansin sa mga mensahe ng mga liham ni Santiago at ni Pedro.—Heb. 4:12.
NAGBIBIGAY ANG DIYOS NG KARUNUNGAN SA MGA ‘HUMIHINGI NANG MAY PANANAMPALATAYA’
“Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay,” ang isinulat ni Santiago. Nagbibigay si Jehova ng kinakailangang karunungan sa mga ‘humihingi nang may pananampalataya’ para mabata nila ang mga pagsubok.—Sant. 1:5-8, 12.
Ang pananampalataya at karunungan ay kailangan din ng mga ‘magiging guro’ sa kongregasyon. Pagkatapos tukuyin ang dila bilang “isang maliit na sangkap” na may kakayahang ‘batikan ang buong katawan,’ nagbabala si Santiago tungkol sa makasanlibutang mga hilig na maaaring sumira sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos. Ibinigay rin niya ang mga hakbang na dapat gawin para gumaling ang sinumang may sakit sa espirituwal.—Sant. 3:1, 5, 6; 5:14, 15.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:13—Paanong ang “awa ay matagumpay na nagbubunyi laban sa hatol”? Kapag magsusulit na tayo sa Diyos, isasaalang-alang niya ang ipinakita nating awa sa iba at patatawarin tayo salig sa haing pantubos ng kaniyang Anak. (Roma 14:12) Hindi ba nararapat lamang na mangibabaw sa ating pakikitungo sa iba ang awa?
4:5—Anong kasulatan ang sinipi ni Santiago rito? Hindi sumipi si Santiago rito ng espesipikong talata. Gayunman, ang ideya sa mga kinasihang salitang ito ng Diyos ay posibleng nakasalig sa mga tekstong gaya ng Genesis 6:5; 8:21; Kawikaan 21:10; at Galacia 5:17.
5:20—Kaninong kaluluwa ang ililigtas mula sa kamatayan ng ‘nagpanumbalik sa isang makasalanan mula sa kamalian’? Ang isang Kristiyano na nagpanumbalik sa isang makasalanan ay nagliligtas sa kaluluwa ng nagsisising tao mula sa espirituwal na kamatayan at marahil mula sa walang-hanggang pagkapuksa. Ang taong tumutulong sa makasalanan sa ganitong paraan ay ‘nagtatakip din ng maraming kasalanan’ ng isang iyon.
Mga Aral Para sa Atin:
1:14, 15. Ang kasalanan ay bunga ng maling pagnanasa. Kung gayon, hindi natin dapat binibigyang-daan ang mga maling pagnanasa. Sa halip, kailangan nating “patuloy na isaalang-alang” ang nakapagpapatibay na mga bagay at punuin ng mga ito ang ating puso at isip.—Fil. 4:8.
2:8, 9. Ang ‘pagpapakita ng paboritismo’ ay salungat sa “makaharing kautusan” ng pag-ibig. Kaya naman, hindi nagpapakita ng paboritismo ang mga tunay na Kristiyano.
2:14-26. Tayo ay ‘iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya,’ ‘hindi dahil sa mga gawa’ ng Kautusang Mosaiko o ng mga gawa natin bilang mga Kristiyano. Hindi sapat ang basta pagsasabing tayo ay may pananampalataya. (Efe. 2:8, 9; Juan 3:16) Dapat itong magpakilos sa atin na gumawa ng mga bagay ayon sa kalooban ng Diyos.
3:13-17. Tiyak na nakahihigit “ang karunungan mula sa itaas” sa “makalupa, makahayop, makademonyo” na karunungan! Dapat nating ‘patuloy na saliksikin ang makadiyos na karunungan gaya ng nakatagong kayamanan.’—Kaw. 2:1-5.
3:18. Ang binhi ng mabuting balita ng Kaharian ay dapat na ‘ihasik sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan para roon sa mga nakikipagpayapaan.’ Mahalaga na tayo ay maging mga tagapamayapa at hindi mapagmataas, palaaway, o basag-ulero.
‘MANINDIGANG MATATAG SA PANANAMPALATAYA’
Ipinaalaala ni Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya ang kanilang “buháy na pag-asa,” ang kanilang mana sa langit. Sinabi sa kanila ni Pedro: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa.’” Pagkatapos magbigay ng espesipikong payo hinggil sa pagpapasakop, pinayuhan niya ang lahat na magkaroon ng “magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip.”—1 Ped. 1:3, 4; 2:9; 3:8.
Yamang “ang wakas ng [Judiong sistema] ng mga bagay ay malapit na,” pinayuhan ni Pedro ang mga kapatid na ‘maging matino sa pag-iisip at mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.’ Sinabi niya sa kanila: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. . . . Manindigan kayo laban [kay Satanas], matatag sa pananampalataya.”—1 Ped. 4:7; 5:8, 9.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3:20-22—Paano tayo inililigtas ng bautismo? Ang bautismo ay isang kahilingan sa mga gustong maligtas. Pero hindi bautismo ang mismong makapagliligtas sa atin. Sa katunayan, ang kaligtasan ay “sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.” Ang kandidato sa bautismo ay dapat manampalataya na posible lamang ang kaligtasan dahil namatay si Jesus bilang hain, binuhay-muli, at “nasa kanan ng Diyos,” na may awtoridad kapuwa sa buhay at patay. Ang bautismong nakasalig sa gayong pananampalataya ang siyang katumbas ng ‘walong kaluluwa na dinalang ligtas sa tubig.’
4:6—Sino ang mga “patay” na sa kanila ay ‘ipinahayag ang mabuting balita’? Sila yaong mga ‘patay sa kanilang mga pagkakamali at mga kasalanan,’ o yaong mga patay sa espirituwal, bago nila narinig ang mabuting balita. (Efe. 2:1) Pero pagkatapos manampalataya sa mabuting balita, sila ay nagsimulang “mabuhay” sa espirituwal.
Mga Aral Para sa Atin:
1:7. Para magkaroon ng nakahihigit na halaga ang ating pananampalataya, dapat na nasubok ito. Tunay na ‘iniingatang buháy ang kaluluwa’ ng gayong matibay na pananampalataya. (Heb. 10:39) Hindi tayo dapat umurong dahil sa mga pagsubok sa ating pananampalataya.
1:10-12. Nais ng mga anghel na magmasid at maunawaan ang malalalim na espirituwal na katotohanan na isinulat ng mga propeta ng Diyos noon may kinalaman sa kongregasyon ng pinahirang Kristiyano. Gayunman, naging malinaw lamang ang mga bagay na ito nang magsimulang makitungo si Jehova sa kongregasyon. (Efe. 3:10) Dapat nating gayahin ang halimbawa ng mga anghel at masikap na saliksikin ang “malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Cor. 2:10.
2:21. Bilang pagtulad sa ating Huwaran, si Jesu-Kristo, dapat na handa tayong magdusa hanggang kamatayan sa pagtataguyod ng soberanya ni Jehova.
5:6, 7. Kung ihahagis natin ang ating kabalisahan kay Jehova, tutulungan niya tayong patuloy na gawing pangunahin sa ating buhay ang tunay na pagsamba sa halip na sobrang mabalisa sa mangyayari sa susunod na araw.—Mat. 6:33, 34.
“ANG ARAW NI JEHOVA AY DARATING”
“Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu,” ang isinulat ni Pedro. Ang pagbibigay-pansin sa makahulang salita ay magsasanggalang sa atin mula sa “mga bulaang guro” at sa iba pang may masasamang impluwensiya.—2 Ped. 1:21; 2:1-3.
“Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya,” ang babala ni Pedro. Pero ang “araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw.” Tinapos ni Pedro ang kaniyang liham sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapaki-pakinabang na payo para sa mga ‘naghihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw’ na iyan.—2 Ped. 3:3, 10-12.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:19—Sino ang “bituing pang-araw,” kailan siya sumikat, at paano natin nalaman na nangyari nga ito? Ang “bituing pang-araw” ay si Jesu-Kristo nang maging hari siya ng Kaharian ng Diyos. (Apoc. 22:16) Noong 1914, sumikat si Jesus sa harap ng sangnilalang bilang Mesiyanikong Hari, anupat inihuhudyat ang pagsisimula ng isang bagong araw. Ang pagbabagong-anyo ay nagsisilbing patiunang pangitain hinggil sa kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Itinatampok nito ang katiyakan ng makahulang salita ng Diyos. (Mar. 9:1-3) Nagbibigay-liwanag sa ating puso ang pagtutuon ng pansin sa salitang iyan. Bilang resulta, nalaman natin na sumikat na ang Bituing Pang-araw.
2:4—Ano ang “Tartaro,” at kailan inihagis dito ang mapaghimagsik na mga anghel? Ang Tartaro ay tulad-bilangguang kalagayan kung saan tanging mga espiritung nilalang—hindi mga tao—ang itinatalaga. Ang mga nasa kalagayang ito ng mental na pusikit na kadiliman ay hindi nakakakita ng espirituwal na liwanag ng Diyos at hindi nakauunawa sa kaniyang mga layunin. Wala silang pag-asa sa hinaharap. Inihagis ng Diyos ang masuwaying mga anghel sa Tartaro noong panahon ni Noe, at mananatili sila sa hamak na kalagayang iyan hanggang sa sila ay malipol.
3:17—Ano ang ibig sabihin ni Pedro sa ‘patiunang kaalaman’? Ang tinutukoy ni Pedro ay ang patiunang kaalaman hinggil sa mga pangyayari sa hinaharap na ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos at sa iba pang manunulat ng Bibliya. Ang pagkakaroon ng ganitong kaalaman ay hindi nangangahulugan na alam ng mga sinaunang Kristiyano ang lahat ng detalye ng mangyayari sa hinaharap. Mayroon lamang silang ideya sa kung ano ang maaaring asahan sa hinaharap.
Mga Aral Para sa Atin:
1:2, 5-7. Ang ating pagsisikap na malinang ang mga katangiang gaya ng pananampalataya, pagbabata, at makadiyos na debosyon ay tutulong sa atin na lumago sa “tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus.” Makatutulong din ito sa atin upang hindi maging di-aktibo o di-mabunga hinggil sa kaalamang iyan.—2 Ped. 1:8.
1:12-15. Para manatili tayong ‘matibay na nakatatag sa katotohanan,’ kailangan na lagi tayong pinapaalalahanan. Nakatatanggap tayo ng mga paalaala mula sa mga pagpupulong ng kongregasyon, personal na pag-aaral, at pagbabasa ng Bibliya.
2:2. Dapat tayong maging maingat sa ating paggawi para hindi tayo makapagdulot ng upasala kay Jehova at sa kaniyang organisasyon.—Roma 2:24.
2:4-9. Gaya ng ginawa niya noon, makatitiyak tayong “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.”
2:10-13. Bagaman ang “mga maluwalhati,” samakatuwid nga, ang mga Kristiyanong elder, ay may mga pagkukulang at baka nagkakamali pa nga kung minsan, hindi tayo dapat magsalita nang may pang-aabuso sa kanila.—Heb. 13:7, 17.
3:2-4, 12. Ang pagbibigay-pansin sa “mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta at [sa] utos ng Panginoon at Tagapagligtas” ay tutulong sa atin na maituon ang ating isip sa pagiging malapit ng araw ni Jehova.
3:11-14. Yamang ‘hinihintay natin at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova,’ dapat tayong (1) ‘maging banal sa paggawi,’ na pinananatili ang pisikal, mental, moral, at espirituwal na kalinisan; (2) sagana sa mga gawa na nagpapaaninag ng “makadiyos na debosyon,” gaya ng may kinalaman sa gawaing pang-Kaharian at paggawa ng mga alagad; (3) mag-ingat na “walang batik” ang ating paggawi at pag-uugali, walang bahid ng sanlibutan; (4) maging “walang dungis,” na ginagawa ang lahat ng bagay na may dalisay na motibo; at (5) “nasa kapayapaan,” anupat may mapayapang kaugnayan sa Diyos, sa ating mga kapatid na Kristiyano, at sa ating kapuwa.