Ano ang Hinihiling ni Jehova sa Atin Ngayon?
“Isang tinig mula sa ulap [ang nagsabi]: ‘Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.’ ” —MATEO 17:5.
1. Kailan natupad ng Batas ang layunin nito?
BINIGYAN ni Jehova ang bansang Israel ng Batas, na may maraming katangian. Tungkol sa mga ito, sumulat si apostol Pablo: “Ang mga iyon ay legal na mga kahilingang may kinalaman sa laman at ipinataw hanggang sa itinakdang panahon upang ituwid ang mga bagay-bagay.” (Hebreo 9:10) Nang akayin ng Batas ang nalabi ng mga Israelita upang tanggapin si Jesus bilang Mesiyas, o Kristo, tinupad nito ang layunin nito. Kaya naman, ipinahayag ni Pablo: “Si Kristo ang wakas ng Batas.”—Roma 10:4; Galacia 3:19-25; 4:4, 5.
2. Sino ang mga nasa ilalim ng Batas, at kailan sila napalaya mula rito?
2 Nangangahulugan ba ito na ang Batas ay wala nang bisa sa atin sa ngayon? Ang totoo, ang karamihan ng sangkatauhan ay hindi kailanman sumailalim sa Batas, gaya ng paliwanag ng salmista: “Sinasabi [ni Jehova] ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa anumang ibang bansa; at kung tungkol sa kaniyang mga hudisyal na pasiya, hindi nila alam ang mga iyon.” (Awit 147:19, 20) Nang itatag ng Diyos ang bagong tipan salig sa hain ni Jesus, kahit ang bansang Israel ay hindi na obligadong sundin ang Batas. (Galacia 3:13; Efeso 2:15; Colosas 2:13, 14, 16) Kaya kung ang Batas ay wala nang bisa, ano ang hinihiling ni Jehova sa mga nagnanais na maglingkod sa kaniya ngayon?
Kung Ano ang Hinihiling ni Jehova
3, 4. (a) Ano ang pangunahing hinihiling ni Jehova sa atin ngayon? (b) Bakit dapat nating sundan nang maingat ang mga yapak ni Jesus?
3 Noong huling taon ng ministeryo ni Jesus, sinamahan siya ng kaniyang mga apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok, malamang na isang tagaytay ng Bundok Hermon. Doon ay nakita nila ang isang makahulang pangitain ni Jesus sa maringal na kaluwalhatian at narinig nila ang tinig ng Diyos mismo na nagpahayag: “Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 17:1-5) Pangunahin na, iyan ang hinihiling ni Jehova sa atin—ang makinig sa kaniyang Anak at sundin ang kaniyang halimbawa at mga turo. (Mateo 16:24) Kaya nga, sumulat si apostol Pedro: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iiwan ng huwaran sa inyo upang sundan ninyo nang maingat ang kaniyang mga yapak.”—1 Pedro 2:21.
4 Bakit dapat nating sundan nang maingat ang mga yapak ni Jesus? Dahil sa pagtulad sa kaniya, tinutularan natin ang Diyos na Jehova. Kilalang-kilala ni Jesus ang Ama, palibhasa’y gumugol ng bilyun-bilyong taon na kasama niya sa langit bago naparito sa lupa. (Kawikaan 8:22-31; Juan 8:23; 17:5; Colosas 1:15-17) Samantalang nasa lupa, buong-katapatang kumatawan si Jesus sa kaniyang Ama. Nagpaliwanag siya: “Kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito.” Sa katunayan, gayon na lamang ang pagtulad ni Jesus kay Jehova anupat nasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 8:28; 14:9.
5. Nasa ilalim ng anong batas ang mga Kristiyano, at kailan nagkabisa ang batas na iyon?
5 Ano ba ang kahulugan ng pakikinig kay Jesus at pagtulad sa kaniya? Nangangahulugan ba ito ng pagiging nasa ilalim ng isang batas? Sumulat si Pablo: “Ako mismo ay wala sa ilalim ng batas.” Tinutukoy niya rito ang “matandang tipan,” ang tipang Batas na ginawa sa Israel. Inamin nga ni Pablo na siya ay “nasa ilalim ng batas kay Kristo.” (1 Corinto 9:20, 21; 2 Corinto 3:14) Nang magwakas ang matandang tipang Batas, isang “bagong tipan” ang nagkabisa kalakip ang “batas ng Kristo” na obligadong sundin ng lahat ng lingkod ni Jehova sa ngayon.—Lucas 22:20; Galacia 6:2; Hebreo 8:7-13.
6. Paano mailalarawan “ang batas ng Kristo,” at paano natin ito sinusunod?
6 Hindi ipinasulat ni Jehova “ang batas ng Kristo” sa anyo ng isang kodigo, na isinasaayos sa iba’t ibang kategorya, gaya ng ginawa sa matandang tipang Batas. Ang bagong batas na ito para sa mga tagasunod ni Kristo ay hindi kinabibilangan ng mahabang talaan ng mga dapat gawin o hindi dapat gawin. Subalit sa kaniyang Salita, iningatan ni Jehova ang apat na nakapagtuturong salaysay tungkol sa buhay at mga turo ng kaniyang Anak. Bukod dito, kinasihan ng Diyos ang ilan sa mga unang tagasunod ni Jesus upang maglaan ng nasusulat na mga tagubilin hinggil sa personal na paggawi, mga gawain ng kongregasyon, paggawi sa loob ng pamilya, at iba pang mga bagay. (1 Corinto 6:18; 14:26-35; Efeso 5:21-33; Hebreo 10:24, 25) Kapag tayo ay namumuhay na kasuwato ng halimbawa at mga turo ni Jesu-Kristo at sumusunod sa payo ng mga kinasihang manunulat ng Bibliya noong unang siglo, sinusunod natin “ang batas ng Kristo.” Ito ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ngayon.
Ang Kahalagahan ng Pag-ibig
7. Paano idiniin ni Jesus ang diwa ng kaniyang batas noong huling Paskuwa na kasama niya ang kaniyang mga apostol?
7 Samantalang ang pag-ibig ay mahalaga sa ilalim ng Batas, ito naman ang pinakadiwa, o pinakabuod, ng batas ng Kristo. Idiniin ni Jesus ang katotohanang ito nang makipagtipon siya sa kaniyang mga apostol upang ipagdiwang ang Paskuwa ng 33 C.E. Ayon sa sumaryo ni apostol Juan tungkol sa naganap noong gabing iyon, kasali sa taos-pusong mga salita ni Jesus ang 28 pagtukoy sa pag-ibig. Idiniin nito sa kaniyang mga apostol ang diwa, o espiritu, ng kaniyang batas. Kapansin-pansin, sinimulan ni Juan ang paglalahad niya ng mga pangyayari sa makasaysayang gabing iyon sa pamamagitan ng pagsasabi: “Sa dahilang alam niya bago pa ang kapistahan ng paskuwa na dumating na ang kaniyang oras upang siya ay umalis sa sanlibutang ito patungo sa Ama, si Jesus, na pagkaibig sa mga sa kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.”—Juan 13:1.
8. (a) Ano ang ipinakikita ng palaging pagtatalo ng mga apostol? (b) Paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng isang aral sa pagpapakumbaba?
8 Inibig ni Jesus ang kaniyang mga apostol, bagaman nabigo siya sa kaniyang pagsisikap na tulungan silang daigin ang kanilang labis-labis na paghahangad sa kapangyarihan at posisyon. Mga ilang buwan bago sila pumaroon sa Jerusalem, ‘nagtalo sila sa kanilang mga sarili kung sino ang mas dakila.’ At nang malapit na silang dumating sa lunsod para sa Paskuwa, muli na namang bumangon ang pagtatalo tungkol sa posisyon. (Marcos 9:33-37; 10:35-45) Na ito ay isang namamalaging suliranin ay ipinakita ng nangyari pagpasok na pagpasok ng mga apostol sa isang silid sa itaas upang pagsaluhan ang kanilang magiging huling Paskuwa na magkakasama. Noon ay walang sinuman ang nagsamantala sa pagkakataong mag-ukol ng kinaugaliang paglilingkod sa mga panauhin sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa. Upang turuan sila ng isang aral sa pagpapakumbaba, si Jesus mismo ang naghugas ng kanilang mga paa.—Juan 13:2-15; 1 Timoteo 5:9, 10.
9. Paano hinarap ni Jesus ang situwasyon na naganap pagkatapos ng huling Paskuwa?
9 Sa kabila ng aral na iyon, matapos na ipagdiwang ang Paskuwa at pasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang nalalapit na kamatayan, pansinin kung ano na naman ang nangyari. Sabi ng ulat sa Ebanghelyo ni Lucas: “Bumangon din ang isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” Sa halip na magalit sa mga apostol at pagwikaan sila, may-kabaitang pinayuhan sila ni Jesus tungkol sa pangangailangang mapaiba sa mga tagapamahala sa sanlibutan na gutom sa kapangyarihan. (Lucas 22:24-27) Saka niya inilaan ang matatawag na batong-panulok ng batas ng Kristo, sa pagsasabi: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.”—Juan 13:34.
10. Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at ano ang nasasangkot dito?
10 Sa dakong huli nang gabi ring iyon, ipinaliwanag ni Jesus kung hanggang saan dapat ipakita ang tulad-Kristong pag-ibig. Sinabi niya: “Ito ang aking kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:12, 13) Ibig bang sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na handang mamatay alang-alang sa kaniyang mga kapananampalataya kung hinihingi ito ng pagkakataon? Iyan ang pagkaunawa ni Juan, isa na nakasaksi sa okasyong ito, sapagkat isinulat niya nang dakong huli: “Sa ganito ay nakilala natin ang pag-ibig, sapagkat isinuko ng isang iyon [si Jesu-Kristo] ang kaniyang kaluluwa para sa atin; at tayo ay nasa ilalim ng obligasyon na isuko ang ating mga kaluluwa para sa ating mga kapatid.”—1 Juan 3:16.
11. (a) Paano natin tinutupad ang batas ng Kristo? (b) Anong halimbawa ang inilaan ni Jesus?
11 Kaya hindi natin, kung gayon, tinutupad ang batas ng Kristo sa pamamagitan ng pagtuturo lamang sa iba tungkol sa kaniya. Dapat din tayong mamuhay at gumawi na kagaya ni Jesus. Totoo, gumamit si Jesus ng magaganda at piling mga salita sa kaniyang mga diskurso. Gayunman, nagturo rin siya sa pamamagitan ng halimbawa. Bagaman si Jesus ay naging isang makapangyarihang espiritung nilalang sa langit, sinamantala niya ang pagkakataon upang maglingkod sa kapakanan ng kaniyang Ama sa lupa at upang ipakita kung paano tayo dapat na mamuhay. Siya’y mapagpakumbaba, mabait, at makonsiderasyon, anupat tinutulungan yaong mga nabibigatan at sinisiil. (Mateo 11:28-30; 20:28; Filipos 2:5-8; 1 Juan 3:8) At hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ibigin ang isa’t isa, kung paanong inibig niya sila.
12. Bakit masasabi na hindi ipinagwawalang-bahala ng batas ng Kristo ang pangangailangang ibigin si Jehova?
12 Ano ang dako ng pag-ibig kay Jehova—ang pinakadakilang utos sa Batas—sa batas ng Kristo? (Mateo 22:37, 38; Galacia 6:2) Pangalawahing dako? Hinding-hindi! Ang pag-ibig kay Jehova at pag-ibig sa ating mga kapuwa Kristiyano ay hindi maaaring paghiwalayin. Talagang hindi makaiibig ang isa kay Jehova kung hindi rin niya iniibig ang kaniyang kapatid, sapagkat sinabi ni apostol Juan: “Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.”—1 Juan 4:20; ihambing ang 1 Juan 3:17, 18.
13. Ano ang naging epekto ng pagsunod ng mga alagad sa bagong utos ni Jesus?
13 Nang ibigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang bagong utos na ibigin nila ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila, inilalarawan niya ang magiging epekto nito. “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad,” aniya, “kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ayon kay Tertullian, na nabuhay mahigit na isang daang taon pagkamatay ni Jesus, ganiyan mismo ang naging epekto ng pag-ibig pangkapatid ng mga unang Kristiyano. Sinipi ni Tertullian ang sinasabi ng mga di-Kristiyano tungkol sa mga tagasunod ni Kristo: ‘Tingnan ninyo kung paanong inibig nila ang isa’t isa at kung paanong handa pa man din silang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’ Maitatanong natin sa ating sarili, ‘Nagpapakita ba ako ng gayong pag-ibig sa mga kapuwa Kristiyano anupat pinatutunayan nito na ako ay isa sa mga alagad ni Jesus?’
Kung Paano Natin Pinatutunayan ang Ating Pag-ibig
14, 15. Ano ang maaaring magpangyari na maging mahirap sundin ang batas ng Kristo, ngunit ano ang makatutulong sa atin na magawa iyon?
14 Mahalaga na ang mga lingkod ni Jehova ay magpamalas ng tulad-Kristong pag-ibig. Ngunit nahihirapan ka bang ibigin ang mga kapuwa Kristiyano na nagpapamalas ng mapag-imbot na mga katangian? Buweno, gaya ng nalaman na natin, kahit ang mga apostol ay nagtalo at nagsikap na itaguyod ang kanilang sariling mga kapakanan. (Mateo 20:20-24) Nagtaltalan din naman ang mga taga-Galacia. Matapos sabihin na ang pag-ibig sa kapuwa ay tumutupad sa Batas, nagbabala si Pablo sa kanila: “Gayunman, kung patuloy kayong nagkakagatan at naglalamunan sa isa’t isa, maging mapagbantay kayo na hindi kayo maglipulan sa isa’t isa.” Pagkatapos ipakita ang pagkakaiba ng mga gawa ng laman at ng bunga ng espiritu ng Diyos, idinagdag ni Pablo ang babala: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” Saka ipinayo ng apostol: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang batas ng Kristo.”—Galacia 5:14–6:2.
15 Napakabigat ba para sa atin ang kahilingan ni Jehova na sundin natin ang batas ng Kristo? Bagaman maaaring mahirap na maging mabait, wika nga, sa mga bumulyaw sa atin o nakasakit ng ating damdamin, tayo ay obligadong ‘maging tagatulad ng Diyos, gaya ng mga anak na iniibig, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.’ (Efeso 5:1, 2) Kailangang patuloy tayong tumingin sa halimbawa ng Diyos, na ‘nagrerekomenda ng kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.’ (Roma 5:8) Sa pamamagitan ng pagkukusang tumulong sa iba, kasali na yaong mga nagmaltrato sa atin, masisiyahan tayo sa pagkaalam na tinutularan natin ang Diyos at sumusunod tayo sa batas ng Kristo.
16. Paano natin pinatutunayan ang ating pag-ibig sa Diyos at kay Kristo?
16 Dapat nating tandaan na pinatutunayan natin ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng ginagawa natin, hindi lamang ng sinasabi natin. Minsan ay nasumpungan mismo kahit ni Jesus na mahirap tanggapin ang isang bahagi ng kalooban ng Diyos dahil sa lahat ng nasasangkot. “Ama, kung nais mo, alisin mo ang kopang ito sa akin,” ang panalangin ni Jesus. Ngunit agad niyang idinagdag: “Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Sa kabila ng lahat ng pinagdusahan ni Jesus, ginawa pa rin niya ang kalooban ng Diyos. (Hebreo 5:7, 8) Ang pagsunod ay isang patotoo ng ating pag-ibig at nagpapakita na kinikilala natin na ang paraan ng Diyos ang siyang pinakamabuti. “Ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos,” sabi ng Bibliya, “na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan.” (1 Juan 5:3) At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kung ako ay iniibig ninyo, tutuparin ninyo ang aking mga kautusan.”—Juan 14:15.
17. Anong pantanging utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, at paano natin nalalaman na kumakapit ito sa atin ngayon?
17 Bukod sa utos na ibigin ng kaniyang mga tagasunod ang isa’t isa, anong pantanging utos ang ibinigay ni Kristo sa kanila? Iniutos niya na isakatuparan nila ang gawaing pangangaral na doo’y kaniyang sinanay sila. Sinabi ni Pedro: “Inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Espesipikong iniutos ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20; Gawa 1:8) Isiniwalat ni Jesus na kakapit din ang gayong utos sa kaniyang mga tagasunod ngayon sa “panahon ng kawakasan,” sapagkat sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Daniel 12:4; Mateo 24:14) Sabihin pa, kalooban ng Diyos na mangaral tayo. Gayunman, baka isipin ng ilan na napakabigat para sa atin ang gawaing ito na hinihiling ng Diyos na gawin natin. Ngunit gayon nga ba?
Kung Bakit Waring Mahirap Ito
18. Ano ang dapat nating tandaan kapag nagdurusa tayo dahil sa paggawa ng hinihiling ni Jehova?
18 Gaya ng naunawaan na natin, sa buong kasaysayan ay hiniling ni Jehova na sumunod ang mga tao sa iba’t ibang kahilingan. At kung paanong iba-iba ang hiniling sa kanila na gawin, gayundin ang uri ng mga pagsubok na naranasan nila. Sumailalim ang sinisintang Anak ng Diyos sa pinakamahihirap na pagsubok, anupat sa dakong huli ay pinatay siya sa napakalupit na paraan dahil sa paggawa niya ng hinihiling ng Diyos. Ngunit kapag nagdurusa tayo dahil sa paggawa ng hinihiling ng Diyos sa atin, dapat nating tandaan na hindi siya ang may kagagawan sa ating mga pagsubok. (Juan 15:18-20; Santiago 1:13-15) Ang paghihimagsik ni Satanas ang siyang nagpasok ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan, at siya ang lumilikha ng mga kalagayan na kadalasang nagpapangyaring maging mahirap gawin ang hinihiling ni Jehova sa kaniyang mga lingkod.—Job 1:6-19; 2:1-8.
19. Bakit isang pribilehiyo na gawin ang hinihiling sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Anak?
19 Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, iniutos ni Jehova na sa panahong ito ng kawakasan ay ipahahayag ng Kaniyang mga lingkod sa buong daigdig na ang pamamahala ng Kaharian lamang ang siyang lunas sa lahat ng pagdurusa ng tao. Aalisin ng pamahalaang ito ng Diyos ang lahat ng suliranin sa lupa—digmaan, krimen, kahirapan, pagtanda, sakit at kamatayan. Pangyayarihin din ng Kaharian ang isang maluwalhating paraiso sa lupa, na doo’y bubuhaying-muli ang mga patay. (Mateo 6:9, 10; Lucas 23:43; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3, 4) Anong laking pribilehiyo na ihayag ang gayong mabuting balita! Maliwanag, kung gayon, na hindi mabigat ang hinihiling ni Jehova na gawin natin. Nakakaharap natin ang pagsalansang, ngunit si Satanas na Diyablo at ang kaniyang sanlibutan ang may kagagawan nito.
20. Paano natin makakayanan ang anumang hamon na inihaharap ng Diyablo?
20 Paano natin makakayanan ang anumang hamon na inihaharap ni Satanas? Sa pamamagitan ng pagsasaisip ng mga salitang ito: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Naglaan si Jesus kay Jehova ng sagot sa pagtuya ni Satanas sa pamamagitan ng paglisan sa katiwasayan ng buhay sa langit upang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama sa lupa. (Isaias 53:12; Hebreo 10:7) Bilang isang tao, tiniis ni Jesus ang lahat ng pagsubok na inilagay sa harap niya, maging ang kamatayan sa pahirapang tulos. Kung susundin natin siya bilang ating Huwaran, matitiis din naman natin ang mga pagdurusa at magagawa natin ang hinihiling sa atin ni Jehova.—Hebreo 12:1-3.
21. Ano ang nadarama mo tungkol sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ng kaniyang Anak?
21 Anong laking pag-ibig ang ipinakita sa atin ng Diyos at ng kaniyang Anak! Dahil sa hain ni Jesus, ang masunuring sangkatauhan ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kaya huwag nating pahintulutang lumabo ang ating pag-asa. Sa halip, personal nating isapuso ang pinapangyari ni Jesus, gaya ni Pablo, na nagsabi: ‘Ang Anak ng Diyos . . . ay umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.’ (Galacia 2:20) At ipakita sana natin ang taos-pusong pasasalamat sa ating maibiging Diyos, si Jehova, na hindi kailanman humihiling sa atin ng napakabigat.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang hinihiling ni Jehova sa atin ngayon?
◻ Noong kaniyang huling gabi na kapiling ang kaniyang mga apostol, paano idiniin ni Kristo ang kahalagahan ng pag-ibig?
◻ Paano natin mapatutunayan na iniibig natin ang Diyos?
◻ Bakit isang pribilehiyo na gawin ang hinihiling ni Jehova sa atin?
[Larawan sa pahina 23]
Anong aral ang itinuro ni Jesus sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng kaniyang mga apostol?
[Larawan sa pahina 25]
Sa kabila ng pagsalansang, isang kalugud-lugod na pribilehiyo ang ibahagi ang mabuting balita