Sumusunod Ka ba sa Yapak ng Manunubos?
ISA sa pinakamainam na komplimentong maibibigay mo sa isang tao ay ang tularan siya. Kadalasan ang tinutularan ng mga anak ay ang kanilang mga magulang. Ang mga tin-edyer naman ay maaaring tumutulad sa popular na mga artista, ang mga adulto ay sa prominenteng mga lider sa larangan ng komersiyo at pulitika. Subalit ilan ang nagsisikap na tumulad sa pinakadakilang lider sa kasaysayan ng tao—si Jesu-Kristo?
Isang kamakailang surbey ang isinagawa ng organisasyong Gallup at nagsiwalat ng ganito: “Walo sa 10 Amerikano ang nagsabi na sila’y nagsisikap sa paano man na tularan si Jesus.” May “labindalawang porsiyento naman ang nagsabi na gumagawa sila ng pinakamalaking pagsisikap na maaari.”
Ano nga ba ang dahilan at si Jesus ay higit na karapat-dapat na tularan kaysa ibang maimpluwensiyang mga tao? Unang-una, ayon sa sabi ng The World Book Encyclopedia, si Jesu-Kristo “marahil ang nakaimpluwensiya sa sangkatauhan kaysa kaninuman na nabuhay.” Ngunit di-tulad ng mga ibang maimpluwensiya, si Kristo ay hindi nanguna ng mga hukbo upang gumawa ng sapilitang pagkumberte. Hindi siya umasa sa magastos na mga propaganda na gaya ng kilalang mga ebanghelista sa ngayon. Hindi rin siya sumuporta sa anumang partido pulitika. Ang kaniyang impluwensiya ay dahil sa mismong lakas ng kaniyang mensahe at ng kaniyang paraan ng pagpapahayag nito.—Mateo 7:28, 29; Juan 7:46.
Napakilos ni Jesus ang mga tao upang gumawa ng malaking mga pagbabago sa kanilang buhay, sa espirituwal at sa moral. Sino bang tao ang magkakaroon ng ganiyang mabuting impluwensiya sa napakarami? Isa pa, sinong lider na tao ang masasabi na “banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan”? (Hebreo 7:26) Ang halimbawa ni Jesus ay sakdal nga—di-gaya ng sinumang tao na nabuhay dito sa lupa!
‘Paano, kung gayon, makatutulad sa kaniya ang isang mahina at di-sakdal na tao?’ ang kinakatuwiran ng iba. Ang historyador na si H. G. Wells sa kaniyang aklat na The Outline of History ay nagsabi na sa unang-una pa ang mga tao’y nag-atubili ng pagsunod kay Kristo. “Sapagkat ang seryosong pagtulad [kay Kristo],” ani ni Wells, “ay pagpasok sa isang kakatuwa at kataka-takang buhay, pag-alis sa mga kinaugalian, pagpipigil sa mga kinagawian at mga silakbo ng damdamin, ang pagsubok [pagtatangka] ng isang di kapani-paniwalang kaligayahan.” Nagwakas si Wells: “Kataka-taka ba na hanggang sa araw na ito ang Galileanong ito [si Kristo] ay totoong malaki para sa ating munting mga puso.”
Ngunit iyan kaya ay talagang totoo? Ipagpalagay natin, na imposibleng lubusang tularan si Kristo. Ngunit sinabi ni apostol Pedro na si Kristo ay ‘nag-iwan ng halimbawa upang sundin natin nang maingat ang kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Pansinin, hindi niya sinabing sundin nang “sakdal” kundi “maingat.” Kaya, anong uri ng halimbawa ang iniwan sa atin ni Jesus? Paano natin siya matutularan?