Mga Pastol na “Halimbawa sa Kawan”
“Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga . . . maluwag sa kalooban . . . , may pananabik . . . , maging mga halimbawa sa kawan.”—1 PEDRO 5:2, 3.
1, 2. (a) Anong pribilehiyo ang ipinagkatiwala ni Jesus kay apostol Pedro, at bakit hindi nagkamali si Jesus sa pagtitiwala sa kaniya? (b) Ano ang nadarama ni Jehova sa hinirang na mga pastol?
BAGO ang Pentecostes 33 C.E., si Pedro at anim na iba pang alagad ay kumakain ng almusal na inihanda ni Jesus sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita ni Pedro ang binuhay-muling si Jesus, at tiyak na tuwang-tuwang siyang malaman na buháy si Jesus. Ngunit malamang na nababalisa rin si Pedro dahil ilang araw bago nito, hayagan niyang ikinaila si Jesus. (Lucas 22:55-60; 24:34; Juan 18:25-27; 21:1-14) Pinagsabihan ba ni Jesus ang nagsisising si Pedro dahil sa kawalan nito ng pananampalataya? Hindi. Sa halip, ipinagkatiwala niya kay Pedro ang pribilehiyo ng pagpapakain at pagpapastol sa “maliliit na tupa” ni Jesus. (Juan 21:15-17) Gaya ng ipinakikita ng ulat ng Bibliya hinggil sa kasaysayan ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo, hindi nagkamali si Jesus sa pagtitiwala kay Pedro. Kasama ng iba pang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem, pinastulan ni Pedro ang kongregasyong Kristiyano sa mga panahon ng matinding pagsubok at mabilis na pagsulong.—Gawa 1:15-26; 2:14; 15:6-9.
2 Sa ngayon, humihirang si Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ng kuwalipikadong mga lalaki upang maglingkod bilang espirituwal na mga pastol na aakay sa Kaniyang mga tupa sa pinakamapanganib na panahon sa kasaysayan ng tao. (Efeso 4:11, 12; 2 Timoteo 3:1) Nagkamali ba si Jehova sa pagtitiwala sa gayong mga tao? Ang mapayapang kapatirang Kristiyano na umiiral sa buong daigdig ay patotoo na tama ang kaniyang ginawa. Totoo, nagkakamali rin ang mga pastol na ito gaya ni Pedro. (Galacia 2:11-14; Santiago 3:2) Sa kabila nito, ipinagkatiwala sa kanila ni Jehova ang pangangalaga sa mga tupa na “binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Lubhang iniibig ni Jehova ang mga lalaking ito, at itinuturing silang “karapat-dapat sa dobleng karangalan.”—1 Timoteo 5:17.
3. Paano napananatili ng espirituwal na mga pastol ang maluwag-sa-kalooban o kusang-loob at may-pananabik na espiritu?
3 Paano napananatili ng espirituwal na mga pastol ang maluwag-sa-kalooban o kusang-loob at may-pananabik na espiritu, sa gayo’y nagiging halimbawa sila sa kawan? Tulad ni Pedro at ng iba pang mga pastol noong unang siglo, umaasa sila sa banal na espiritu ng Diyos, na nagbibigay sa kanila ng lakas na kailangan upang maisabalikat ang kanilang pananagutan. (2 Corinto 4:7) Ang banal na espiritu ay nagluluwal din sa kanila ng mga bunga nito—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Isaalang-alang natin ang ilang espesipikong paraan kung paano magiging halimbawa ang mga pastol sa pagpapamalas ng mga bungang ito habang pinapastulan nila ang kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga.
Ibigin Kapuwa ang Kawan at ang Bawat Tupa
4, 5. (a) Paano ipinakikita ni Jehova at ni Jesus ang pag-ibig sa kawan? (b) Ano ang ilang ginagawa ng espirituwal na mga pastol upang maipakita ang kanilang pag-ibig sa kawan?
4 Pag-ibig ang pangunahing katangian na iniluluwal ng espiritu ng Diyos. Ipinakikita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig sa kawan sa kabuuan kapag pinaglalaanan niya ito ng saganang espirituwal na pagkain. (Isaias 65:13, 14; Mateo 24:45-47) Gayunman, hindi lamang niya basta pinakakain ang kawan. May malasakit siya sa bawat tupa. (1 Pedro 5:6, 7) Iniibig din ni Jesus ang kawan. Ibinigay niya ang kaniyang kaluluwa alang-alang dito, at kilala niya ang bawat tupa, “sa pangalan.”—Juan 10:3, 14-16.
5 Tinutularan ng espirituwal na mga pastol si Jehova at si Jesus. Ipinakikita nila ang pag-ibig sa kawan ng Diyos sa kabuuan sa pamamagitan ng ‘pagsisikap nilang magturo’ sa kongregasyon. Nakatutulong ang kanilang salig-Bibliyang mga pahayag upang mapakain at maipagsanggalang ang kawan, at ang kanilang pagpapagal sa bagay na ito ay nakikita ng lahat. (1 Timoteo 4:13, 16) Ang hindi masyadong nakikita ay ang panahong ginugugol nila sa pag-aasikaso sa mga rekord ng kongregasyon, pagtugon sa mga liham, paggawa ng mga iskedyul, at pag-aasikaso sa maraming iba pang detalye upang matiyak na ang mga pulong ng kongregasyon at iba pang mga gawain ay maganap “nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Corinto 14:40) Ang karamihan sa mga gawaing ito ay hindi napapansin ng madla at maaaring hindi gaanong napasasalamatan. Ginagawa nila ang mga ito udyok ng pag-ibig.—Galacia 5:13.
6, 7. (a) Ano ang isang paraan upang lalong makilala ng mga pastol ang mga tupa? (b) Bakit kapaki-pakinabang kung minsan na ipahayag ang ating damdamin sa isang matanda?
6 Sinisikap ng maibiging mga Kristiyanong pastol na magpakita ng personal na interes sa bawat tupa sa kongregasyon. (Filipos 2:4) Ang isang paraan upang lalong makilala ng mga pastol ang bawat tupa ay ang paggawang kasama nila sa pangmadlang pangangaral. Madalas na kasama ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa pangangaral at ginamit niya ang gayong mga pagkakataon upang patibayin sila. (Lucas 8:1) Ganito ang sabi ng isang makaranasang Kristiyanong pastol: “Nakita ko na ang isa sa pinakamabisang paraan upang makilala at mapatibay ang isang kapatid ay ang gumawang kasama niya sa ministeryo sa larangan.” Kung matagal-tagal mo nang hindi nakakasama sa ministeryo sa larangan ang isang matanda, bakit hindi makipag-usap kung puwede ka niyang samahan sa ministeryo sa lalong madaling panahon?
7 Pag-ibig ang nag-udyok kay Jesus na damayan ang kaniyang mga tagasunod sa kanilang kalungkutan at makipagsaya sa kanilang kagalakan. Halimbawa, nang masayang bumalik ang kaniyang 70 alagad mula sa pangangaral, “nag-umapaw . . . sa kagalakan” si Jesus. (Lucas 10:17-21) Gayunman, nang makita niya ang naging epekto ng kamatayan ni Lazaro kay Maria at sa mga kapamilya nito at mga kaibigan, “si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:33-35) Sa katulad na paraan, hindi ipinagwawalang-bahala ng mapagmalasakit na mga pastol sa ngayon ang damdamin ng mga tupa. Inuudyukan sila ng pag-ibig na “makipagsaya sa mga taong nagsasaya” at “makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Kung nakadarama ka ng ligaya o lumbay sa iyong buhay, huwag mag-atubiling ipahayag ang iyong damdamin sa mga Kristiyanong pastol. Mapasisigla mo sila kapag narinig nila ang iyong kagalakan. (Roma 1:11, 12) Kapag nalaman naman nila ang iyong mga pagsubok, maaari ka nilang palakasin at aliwin.—1 Tesalonica 1:6; 3:1-3.
8, 9. (a) Paano ipinakita ng isang matanda ang pag-ibig niya sa kaniyang kabiyak? (b) Gaano kahalaga para sa isang pastol na magpakita ng pag-ibig sa kaniyang pamilya?
8 Lalo nang makikita ang pag-ibig ng isang pastol sa kawan sa paraan ng pakikitungo niya sa kaniyang sariling pamilya. (1 Timoteo 3:1, 4) Kung may asawa siya, ang pag-ibig at paggalang na ipinakikita niya sa kaniyang kabiyak ay nagsisilbing halimbawa para sa ibang asawang lalaki. (Efeso 5:25; 1 Pedro 3:7) Pansinin ang komento ng isang babaing Kristiyano na nagngangalang Linda. Mahigit 20 taon naglingkod ang kaniyang asawa bilang tagapangasiwa bago ito namatay. Sinabi ni Linda: “Palaging abalang-abala ang aking asawa sa pag-aasikaso sa kongregasyon. Pero ipinadama niya sa akin na kami ay isang tambalan. Madalas niya akong pinasasalamatan sa aking suporta, at kapag libre siya, ginugugol niya ang panahong iyon kasama ako. Dahil dito, nadama kong minamahal ako at hindi ako naiinggit sa panahong ginugugol niya sa paglilingkod sa kongregasyon.”
9 Kung may mga anak ang isang Kristiyanong pastol, ang maibiging pagdidisiplina at regular na pagbibigay ng komendasyon sa kaniyang mga anak ay naglalaan ng halimbawa para sa ibang mga magulang. (Efeso 6:4) Sa katunayan, ang pag-ibig na ipinakikita niya sa kaniyang pamilya ay patotoo na karapat-dapat siya sa ipinagkatiwala sa kaniya nang hirangin siya bilang pastol sa pamamagitan ng banal na espiritu.—1 Timoteo 3:4, 5.
Itaguyod ang Kagalakan at Kapayapaan sa Pamamagitan ng Pag-uusap
10. (a) Ano ang maaaring makaapekto sa kagalakan at kapayapaan ng kongregasyon? (b) Anong usapin ang muntik nang sumira sa kapayapaan ng unang-siglong kongregasyon, at paano nalutas ang usaping iyon?
10 Ang banal na espiritu ay makapagluluwal ng kagalakan at kapayapaan sa puso ng isang Kristiyano, sa lupon ng matatanda, at sa kongregasyon sa kabuuan. Gayunman, maaaring makaapekto sa kagalakan at kapayapaan ang hindi pag-uusap nang masinsinan. Sinabi ni Solomon noong sinauna: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) Sa kabilang panig naman, naitataguyod ang kagalakan at kapayapaan kapag may magalang at masinsinang pag-uusap. Halimbawa, noong muntik nang masira ang kapayapaan ng unang-siglong kongregasyon dahil sa usapin sa pagtutuli, hiniling ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ang patnubay ng banal na espiritu. Ipinahayag din nila ang kanilang magkakaibang pangmalas sa usaping iyon. Pagkatapos ng masiglang talakayan, gumawa sila ng pasiya. Nang ipabatid nila ang kanilang nagkakaisang pasiya sa mga kongregasyon, “nagsaya [ang mga kapatid] dahil sa pampatibay-loob.” (Gawa 15:6-23, 25, 31; 16:4, 5) Naitaguyod ang kagalakan at kapayapaan.
11. Paano maitataguyod ng matatanda ang kagalakan at kapayapaan sa kongregasyon?
11 Gayundin sa ngayon, itinataguyod ng mga pastol ang kagalakan at kapayapaan sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagiging mahusay na kausap. Kapag nanganganib na mawala ang kapayapaan ng kongregasyon dahil sa mga problema, nagpupulong ang matatanda at malaya nilang ipinahahayag ang kanilang damdamin. May-paggalang nilang pinakikinggan ang mga komento ng kanilang mga kapuwa pastol. (Kawikaan 13:10; 18:13) Pagkatapos manalangin ukol sa banal sa espiritu, ibinabatay nila ang kanilang mga pasiya sa mga simulain sa Bibliya at sa mga tagubilin na inilathala ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47; 1 Corinto 4:6) Kapag nakapagpasiya na ang lupon ng matatanda salig sa Kasulatan, nagpapasakop ang bawat matanda sa pag-akay ng banal na espiritu sa pamamagitan ng pagsuporta sa pasiyang iyon kahit na hindi sinang-ayunan ng nakararami ang kaniyang personal na opinyon. Ang gayong kahinhinan ay nagtataguyod ng kagalakan at kapayapaan at nagsisilbing mainam na halimbawa sa mga tupa kung paano lumakad na kasama ng Diyos. (Mikas 6:8) May-kahinhinan ka bang nakikipagtulungan sa salig-Bibliyang mga pasiya na ginagawa ng mga pastol sa kongregasyon?
Magkaroon ng Mahabang Pagtitiis at Maging Mabait
12. Bakit kailangan ni Jesus ng mahabang pagtitiis at kabaitan sa pakikitungo niya sa mga apostol?
12 Si Jesus ay may mahabang pagtitiis at mabait sa pakikitungo niya sa mga apostol, sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagkukulang. Halimbawa, paulit-ulit na sinikap ni Jesus na ikintal sa kanila na kailangan nilang maging mapagpakumbaba. (Mateo 18:1-4; 20:25-27) Gayunman, noong huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa, pagkatapos na pagkatapos niya silang bigyan ng aral hinggil sa kapakumbabaan sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa, “bumangon . . . ang isang mainitang pagtatalo sa gitna nila tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” (Lucas 22:24; Juan 13:1-5) Pinagalitan ba ni Jesus ang mga apostol? Hindi, may kabaitan siyang nangatuwiran sa kanila, na sinasabi: “Sino ang mas dakila, ang nakahilig sa mesa o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakahilig sa mesa? Ngunit ako ay nasa gitna ninyo na gaya niyaong naglilingkod.” (Lucas 22:27) Ang mahabang pagtitiis at kabaitan ni Jesus—lakip na ang kaniyang mabuting halimbawa—ay nakaantig sa puso ng mga apostol nang maglaon.
13, 14. Kailan lalung-lalo nang dapat maging mabait ang mga pastol?
13 Sa katulad na paraan, baka kailangang paulit-ulit na payuhan ng espirituwal na pastol ang isang indibiduwal hinggil sa isang partikular na kahinaan. Baka mainis ang pastol sa indibiduwal na iyon. Gayunman, kung aalalahanin niya ang kaniyang sariling mga kahinaan habang ‘pinaaalalahanan niya ang magugulo,’ makapagpapakita siya ng mahabang pagtitiis at kabaitan sa kaniyang kapatid. Sa gayong paraan ay tinutularan niya si Jesus at si Jehova, na nagpapakita ng mga katangiang ito sa lahat ng Kristiyano—pati na sa mga pastol.—1 Tesalonica 5:14; Santiago 2:13.
14 Kung minsan, baka kailangang bigyan ng matinding payo ng mga pastol ang isa na nakagawa ng malubhang pagkakasala. Kung hindi nagsisisi ang isang iyon, dapat siyang alisin ng mga pastol mula sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13) Sa kabila nito, ipinakikita ng kanilang paraan ng pakikitungo sa taong iyon na ang kinamumuhian nila ay ang nagawang kasalanan, hindi ang nagkasala. (Judas 23) Kung mabait makitungo ang mga pastol, maaaring maging mas madali para sa nalihis na tupa na bumalik sa kawan sa kalaunan.—Lucas 15:11-24.
Ang Mabubuting Gawa ay Udyok ng Pananampalataya
15. Ano ang isang paraan na nagpapakitang tinutularan ng mga pastol ang kabutihan ni Jehova, at ano ang nag-uudyok sa kanila na gawin iyon?
15 “Si Jehova ay mabuti sa lahat,” maging sa mga hindi nagpapahalaga sa kaniyang ginagawa para sa kanila. (Awit 145:9; Mateo 5:45) Lalo nang makikita ang kabutihan ni Jehova sa pagsusugo niya sa kaniyang bayan na mangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 24:14) Ipinakikita ng mga pastol ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan ng pangunguna sa pangangaral. Ano ang nag-uudyok sa kanila na magpagal nang husto? Ang matibay na pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako.—Roma 10:10, 13, 14.
16. Paano ‘makagagawa ng mabuti’ sa mga tupa ang mga pastol?
16 Bukod sa ‘paggawa ng mabuti sa lahat’ sa pamamagitan ng pangangaral, pananagutan ng mga pastol na gumawa ng mabuti “lalo na roon sa mga may kaugnayan sa [kanila] sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Ang isang paraan na ginagawa nila ito ay sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga pagdalaw sa kawan upang magpastol. “Nasisiyahan ako sa pagpapastol,” ang sabi ng isang matanda. “Nagbibigay ito sa akin ng pagkakataon upang papurihan ang mga kapatid sa kanilang mga pagsisikap at tulungan silang makita na pinahahalagahan ang kanilang pagpapagal.” Kung minsan, maaaring magmungkahi ang mga pastol ng mga paraan kung paano mapasusulong ng isa ang kaniyang paglilingkod kay Jehova. Sa paggawa nito, matalinong tularan ng mga pastol si apostol Pablo. Isaalang-alang ang kaniyang paraan ng pamamanhik sa mga kapatid sa Tesalonica: “May pagtitiwala kami sa Panginoon may kinalaman sa inyo, na ginagawa ninyo at patuloy na gagawin ang mga bagay na aming iniuutos.” (2 Tesalonica 3:4) Ang gayong kapahayagan ng pagtitiwala ay nagpapasigla sa mabuting hangarin ng mga tupa at nagiging mas madali para sa kanila na ‘maging masunurin sa mga nangunguna.’ (Hebreo 13:17) Kapag dinalaw ka ng matatanda sa kanilang pagpapastol upang patibayin ka, bakit hindi ipahayag ang iyong pasasalamat dito?
Ang Kahinahunan ay Nangangailangan ng Pagpipigil sa Sarili
17. Anong aral ang natutuhan ni Pedro kay Jesus?
17 Si Jesus ay mahinahong-loob, kahit na pinupukaw siya sa galit. (Mateo 11:29) Nang ipagkanulo siya at arestuhin, nagpakita si Jesus ng kahinahunan at matinding pagpipigil sa sarili. Palibhasa’y mapusok si Pedro, humugot siya ng tabak at gumanti. Pero pinaalalahanan siya ni Jesus: “Iniisip mo ba na hindi ako makahihiling sa aking Ama na paglaanan ako sa sandaling ito ng mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel?” (Mateo 26:51-53; Juan 18:10) Isinapuso ni Pedro ang natutuhan niyang aral dito at pinaalalahanan niya ang mga Kristiyano nang maglaon: “Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak. . . . Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta.”—1 Pedro 2:21-23.
18, 19. (a) Kailan lalung-lalo nang kailangang magpakita ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili ang mga pastol? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
18 Sa katulad na paraan, ang mahuhusay na pastol ay mahinahong-loob kahit na sila ay tinatrato nang di-makatuwiran. Halimbawa, baka hindi maging maganda ang tugon ng ilang sinisikap nilang tulungan sa kongregasyon. Kung mahina o maysakit sa espirituwal ang isa na nangangailangan ng tulong, baka ‘magsalita siya nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak’ bilang tugon sa payo. (Kawikaan 12:18) Gayunman, tulad ni Jesus, hindi sumasagot nang magaspang o gumaganti ang mga pastol. Sa halip, nagpipigil sila sa sarili at nagpapakita pa rin ng pakikipagkapuwa-tao, na maaaring maging isang pagpapala sa nangangailangan ng tulong. (1 Pedro 3:8, 9) Tinutularan mo ba ang halimbawa ng matatanda at nagpapakita ng kahinahunan at pagpipigil sa sarili kapag pinapayuhan ka?
19 Walang alinlangan, pinahahalagahan ni Jehova at ni Jesus ang pagpapagal ng libu-libong pastol na kusang-loob na nangangalaga sa kawan sa buong daigdig. Lubha ring iniibig ni Jehova at ng kaniyang Anak ang libu-libong ministeryal na lingkod na sumusuporta sa matatanda sa ‘paglilingkod sa mga banal.’ (Hebreo 6:10) Ngunit bakit maaaring nag-aatubili ang ilang bautisadong kapatid na lalaki na umabot sa “mainam na gawa” na ito? (1 Timoteo 3:1) At paano sinasanay ni Jehova ang mga hinihirang niya bilang mga pastol? Tatalakayin natin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang ilang ginagawa ng mga pastol upang maipakita ang kanilang pag-ibig sa kawan?
• Paano maitataguyod ng lahat sa kongregasyon ang kagalakan at kapayapaan?
• Bakit kailangan ng matatanda ng mahabang pagtitiis at kabaitan kapag nagpapayo?
• Paano nagpapakita ng kabutihan at pananampalataya ang matatanda?
[Larawan sa pahina 18]
Pag-ibig ang nag-uudyok sa matatanda na maglingkod sa kongregasyon
[Mga larawan sa pahina 18]
Gumugugol din sila ng panahon kasama ang kanilang pamilya sa paglilibang . . .
. . . at sa ministeryo
[Larawan sa pahina 20]
Nagtataguyod ng kagalakan at kapayapaan sa kongregasyon ang mahusay na pag-uusap ng matatanda