PANGINOON
Ang mga salitang Griego at Hebreo na isinaling “panginoon” (o ang kaugnay na mga terminong gaya ng “ginoo” at “may-ari”) ay ginagamit upang tumukoy sa Diyos na Jehova (Eze 3:11), kay Jesu-Kristo (Mat 7:21), sa isa sa matatanda na nakita ni Juan sa pangitain (Apo 7:13, 14), sa mga anghel (Gen 19:1, 2; Dan 12:8), sa mga tao (1Sa 25:24; Gaw 16:16, 19, 30), at sa huwad na mga diyos (1Co 8:5). Kadalasan, ang katawagang “panginoon” ay tumutukoy sa isa na may pagmamay-ari o awtoridad at kapangyarihan sa mga tao o mga bagay. (Gen 24:9; 42:30; 45:8, 9; 1Ha 16:24; Luc 19:33; Gaw 25:26; Efe 6:5) Ang titulong ito ay ikinapit ni Sara sa kaniyang asawa (Gen 18:12), gayundin ng mga anak sa kanilang mga ama (Gen 31:35; Mat 21:28, 29), at ng isang nakababatang kapatid sa kaniyang nakatatandang kapatid (Gen 32:5, 6). Lumilitaw ito bilang titulo ng paggalang para sa mga taong prominente, mga pampublikong opisyal, mga propeta, at mga hari. (Gen 23:6; 42:10; Bil 11:28; 2Sa 1:10; 2Ha 8:10-12; Mat 27:63) Kapag ginagamit para sa mga estranghero, ang “panginoon,” o “ginoo,” ay nagsisilbing titulo ng pagbibigay-galang.—Ju 12:21; 20:15; Gaw 16:30.
Ang Diyos na Jehova. Ang Diyos na Jehova ay “Panginoon ng langit at lupa,” yamang siya ang Soberano ng Sansinukob dahil siya ang Maylalang nito. (Mat 11:25; Apo 4:11) Tinutukoy siya ng makalangit na mga nilalang bilang “Panginoon,” gaya ng iniulat sa Apocalipsis 11:15, na nagsasabi: “Nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit, na nagsasabi: ‘Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon [si Jehova] at ng kaniyang Kristo.’” Ang Diyos ay tinawag na “Soberanong Panginoon” ng kaniyang tapat na mga lingkod sa lupa, at ang titulong ito ay lumilitaw nang mahigit 300 beses sa kinasihang Kasulatan. (Gen 15:2; Apo 6:10) Angkop din siyang inilarawan bilang ang “tunay na Panginoon.” (Isa 1:24) Sa kaniyang pangangasiwa, ang mga tao ay tinitipon, o inaani, ukol sa buhay. Kaya ang mga pagsusumamo para sa mas marami pang manggagawang tutulong sa pag-aani ay dapat ipatungkol sa kaniya bilang ang “Panginoon ng pag-aani.”—Mat 9:37, 38; tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1566-1568.
Si Jesu-Kristo. Noong narito siya sa lupa, tinukoy ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili bilang “Panginoon ng sabbath.” (Mat 12:8) Kaayon nito, ginamit niya ang Sabbath sa paggawa ng gawaing iniutos ng kaniyang makalangit na Ama. Kasama sa gawaing iyon ang pagpapagaling ng mga maysakit. (Ihambing ang Mat 8:16, 17.) Alam ni Jesus na ang Kautusang Mosaiko, lakip ang kahilingan nito hinggil sa Sabbath, ay “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Heb 10:1) May kaugnayan sa “mabubuting bagay na darating,” may isang sabbath na doo’y siya ang magiging Panginoon.—Tingnan ang SABBATH, ARAW NG (“Panginoon ng Sabbath”).
Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, may iba pang mga tao, bukod sa kaniyang mga alagad, na tumawag sa kaniya ng “Panginoon,” o “Ginoo.” (Mat 8:2; Ju 4:11) Sa gayong mga kaso, ang katawagang ito ay pangunahin nang isang titulo ng paggalang. Gayunman, ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga apostol na higit pa kaysa rito ang nasasangkot sa pagtawag nila sa kaniya ng “Panginoon.” Sinabi niya: “Tinatawag ninyo akong, ‘Guro,’ at, ‘Panginoon,’ at tama ang inyong sinasabi, sapagkat gayon ako.” (Ju 13:13) Bilang mga alagad niya, ang mga apostol na ito ay kaniyang mga mag-aarál. Dahil dito, siya ang kanilang Panginoon.
Nagkaroon ng higit na kahulugan ang titulo ni Jesus bilang Panginoon pagkatapos ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan, binili niya ang kaniyang mga tagasunod, sa gayo’y siya ang naging May-ari nila. (Ju 15:13, 14; 1Co 7:23; 2Pe 2:1; Jud 4; Apo 5:9, 10) Siya rin ang kanilang Hari at Kasintahang Lalaki anupat dapat silang magpasakop sa kaniya bilang kanilang Panginoon. (Gaw 17:7; Efe 5:22-27; ihambing ang Ju 3:28, 29; 2Co 11:2; Apo 21:9-14.) Nang gantimpalaan ni Jehova ang kaniyang Anak dahil sa pagiging tapat hanggang sa kahiya-hiyang kamatayan sa tulos, “dinakila [niya] siya . . . sa isang nakatataas na posisyon at may-kabaitang ibinigay sa kaniya ang pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan, upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Fil 2:9-11) Ang pagkilala kay Jesu-Kristo bilang Panginoon ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pagtawag sa kaniya ng “Panginoon.” Kailangang kilalanin ng isang indibiduwal ang posisyon ni Jesus at maging masunurin. (Ihambing ang Ju 14:21.) Gaya ng sinabi ni Jesus mismo: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”—Mat 7:21.
Pinagkalooban din ng Diyos na Jehova ng imortalidad ang kaniyang tapat na Anak. Dahil dito, bagaman maraming tao ang namamahala bilang hari o panginoon, tanging si Jesu-Kristo, na “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” ang nagtataglay ng imortalidad.—1Ti 6:14-16; Apo 19:16.
Yamang taglay ni Jesus ang mga susi ng kamatayan at Hades (Apo 1:17, 18), siya’y nasa posisyon na palayain ang sangkatauhan mula sa karaniwang libingan (Ju 5:28, 29) at mula sa kamatayang minana kay Adan. (Ro 5:12, 18) Samakatuwid, siya rin ang ‘Panginoon sa mga patay,’ kabilang na rito si Haring David, na isa sa kaniyang makalupang mga ninuno.—Gaw 2:34-36; Ro 14:9.
Titulo ng Paggalang. Bagaman ang mga Kristiyano ay mayroon lamang “iisang Panginoon,” si Jesu-Kristo (Efe 4:5), maaari pa rin nilang ikapit sa iba ang “panginoon” (o, “ginoo”) bilang titulo ng paggalang o ng awtoridad. Binanggit pa nga ng apostol na si Pedro na si Sara ay mabuting halimbawa para sa mga Kristiyanong asawang babae dahil masunurin siya kay Abraham, anupat “tinatawag [niya] itong ‘panginoon.’” (1Pe 3:1-6) Hindi ito pormalidad lamang sa bahagi ni Sara. Ito’y isang taimtim na pagpapakita ng kaniyang pagpapasakop, sapagkat gayon ang tawag niya kay Abraham “sa loob niya.” (Gen 18:12) Sa kabilang dako, yamang ang lahat ng mga Kristiyano ay magkakapatid, hindi tama na tawaging “Lider” o “Panginoon” ang isa sa kanila, anupat itinuturing na espirituwal na lider ang isang iyon.—Mat 23:8-10; tingnan ang ALYANSA, MGA PANGINOON NG; JEHOVA; JESU-KRISTO.
Ang Griegong “Kyrios.” Ang salitang Griegong ito ay isang pang-uri, na tumutukoy sa pagtataglay ng kapangyarihan (kyʹros) o awtoridad, at ginagamit din ito bilang pangngalan. Lumilitaw ito sa lahat ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan maliban sa Tito at sa mga liham ni Juan. Ang terminong ito ay katumbas ng Hebreong ʼA·dhohnʹ. Bilang nilalang na Anak at Lingkod ng Diyos, angkop lamang na tawagin ni Jesu-Kristo ang kaniyang Ama at Diyos (Ju 20:17) gamit ang terminong “Panginoon” (ʼAdho·naiʹ o Kyʹri·os), ang Isa na nagtataglay ng nakahihigit na kapangyarihan at awtoridad, ang kaniyang Ulo. (Mat 11:25; 1Co 11:3) Bilang ang isa naman na itinaas sa kanan ng kaniyang Ama, si Jesus ay “Panginoon ng mga panginoon” para sa lahat maliban sa kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Apo 17:14; 19:15, 16; ihambing ang 1Co 15:27, 28.
Inihalili sa banal na pangalan. Noong ikalawa o ikatlong siglo ng Karaniwang Panahon, inihalili ng mga eskriba sa banal na pangalang Jehova ang mga salitang Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos) sa mga kopya ng Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan. Ang kaugaliang ito ay sinunod ng ibang mga salin, gaya ng Latin na Vulgate, Douay Version (ibinatay sa Vulgate), King James Version, at ng maraming makabagong salin (NE, AT, RS, NIV, TEV, NAB). Ang banal na pangalan ay pinalitan ng mga terminong “Diyos” at “Panginoon,” na sa Ingles ay karaniwan nang puro malalaking titik upang ipakitang inihalili ito sa Tetragrammaton, o banal na pangalan.
Hinggil sa hindi nila pagsunod sa kaugaliang ito, ang komite sa pagsasalin ng American Standard Version ng 1901 ay nagsabi: “Pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang, ang mga Amerikanong Rebisador ay nagkaisa sa kombiksiyon na ang isang pamahiing Judio, na nagturing sa Banal na Pangalan bilang napakasagrado upang bigkasin, ay hindi na dapat manaig sa Ingles o sa alinpamang bersiyon ng Matandang Tipan, kung paanong hindi ito nananaig, mabuti na lamang, sa maraming bersiyon na ginawa ng makabagong mga misyonero. . . . Ang personal na pangalang ito [na Jehova], lakip ang napakaraming sagradong kahulugan nito, ay naisauli na ngayon sa dako nito sa sagradong teksto na nararapat lamang nitong kalagyan.”—Paunang salita ng AS, p. iv.
Mula noon, marami nang salin (An, JB [Ingles at Pranses], NC, BC [parehong Kastila], at iba pa) ang nagsalin ng Tetragrammaton sa lahat ng paglitaw nito bilang “Yahweh” o gumamit ng isang kahawig na anyo.
Sa ilalim ng pamagat na JEHOVA (Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan), may inihaharap ding mga katibayan na nagpapakitang ang banal na pangalang Jehova ay ginamit sa orihinal na mga akda ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, mula sa Mateo hanggang sa Apocalipsis. Batay rito, isinauli ng Bagong Sanlibutang Salin, na siyang ginagamit sa buong akdang ito, ang banal na pangalan sa salin nito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, anupat ginawa iyon nang may kabuuang 237 beses. Gayundin ang ginawa ng ibang mga salin, partikular na kapag isinasalin sa Hebreo ang Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Bilang pagtalakay sa “Pagsasauli sa Banal na Pangalan,” ang New World Bible Translation Committee ay nagsabi: “Upang malaman kung saan hinalinhan ang banal na pangalan ng mga salitang Griego na Κύριος at Θεός, hinanap namin kung saang bahagi ng Hebreong Kasulatan sumipi ng mga talata, mga pangungusap at mga termino ang kinasihang mga Kristiyanong manunulat at pagkatapos ay sinangguni namin ang tekstong Hebreo upang tiyakin kung lumilitaw roon ang banal na pangalan. Sa ganitong paraan ay natiyak namin ang pagkakakilanlang ibibigay sa Kyʹri·os at sa The·osʹ at ang personang iuugnay sa mga iyon.” Idinagdag pa ng Komite: “Upang maiwasang lumampas sa mga hangganan ng isang tagapagsalin anupat mauwi sa larangan ng pagbibigay-kahulugan, kami ay lubhang nagpakaingat sa pagsasalin ng banal na pangalan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, na laging maingat na isinasaalang-alang ang Hebreong Kasulatan bilang saligan. Hinanap namin ang katugma mula sa mga bersiyong Hebreo upang matiyak ang aming salin.” May nasumpungang gayong mga katugma mula sa mga bersiyong Hebreo para sa lahat ng 237 dako kung saan inilagay ng New World Bible Translation Committee ang banal na pangalan sa teksto ng salin nito.—Apendise ng Rbi8, p. 1564-1566.
Ang Hebreong “Adhohn” at “Adhonai.” Ang salitang Hebreo na ʼa·dhohnʹ ay lumilitaw nang 334 na beses sa Hebreong Kasulatan. Ito ay may diwa ng pagmamay-ari o pagkaulo at ginagamit may kaugnayan sa Diyos at sa mga tao. Kung minsan, ang anyong pangmaramihan na ʼadho·nimʹ ay tumutukoy sa simpleng pangmaramihang bilang at sa gayon ay isinasaling “mga panginoon.” (Aw 136:3; Isa 26:13) Sa ibang mga talata, ang anyong pangmaramihan ay tumutukoy sa kadakilaan, o karingalan, maaaring yaong sa Diyos o sa tao (Aw 8:1; Gen 39:2), at sa gayong mga kaso, ang anumang katumbas na mga panghalip o naglalarawang mga pang-uri ay nasa pang-isahang bilang. (Aw 45:11; 147:5) Sa ilang talata, dalawang anyong pangmaramihan ang ginagamit nang magkatabi upang ipakita ang kaibahan ni Jehova sa maraming iba pang panginoon sa pamamagitan ng anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng kadakilaan.—Deu 10:17; Aw 136:3; ihambing ang 1Co 8:5, 6.
Sa Kasulatan, ang mga titulong ʼA·dhohnʹ at ʼAdho·nimʹ ay 25 beses na ikinapit kay Jehova. Sa siyam na talata sa tekstong Masoretiko, ang ʼA·dhohnʹ ay may pamanggit na pantukoy na ha sa unahan nito, sa gayo’y ipinakikita na si Jehova ang tinutukoy ng titulo. (Exo 23:17; 34:23; Isa 1:24; 3:1; 10:16, 33; 19:4; Mik 4:13; Mal 3:1) Sa lahat ng anim na talata kung saan ang ʼA·dhohnʹ na walang pamanggit na pantukoy ay tumutukoy kay Jehova, inilalarawan siya roon bilang Panginoon (May-ari) ng lupa anupat maliwanag kung sino ang tinutukoy. (Jos 3:11, 13; Aw 97:5; 114:7; Zac 4:14; 6:5) Sa sampung talata naman kung saan ang ʼAdho·nimʹ ay ginagamit kay Jehova, ang kalapit na konteksto ang tumitiyak na siya nga ang tinutukoy ng titulo.—Deu 10:17; Ne 8:10; 10:29; Aw 8:1, 9; 135:5; 136:3; 147:5; Isa 51:22; Os 12:14.
Ang hulaping ai na idinurugtong sa salitang Hebreo na ʼa·dhohnʹ ay isang naiibang anyo ng anyong pangmaramihan na nagpapahiwatig ng kadakilaan. Sa Hebreo, kapag lumilitaw ang ʼAdho·naiʹ nang walang iba pang hulapi, pantangi itong ginagamit para kay Jehova at ipinahihiwatig nito na siya ang Soberanong Panginoon. Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia (1986, Tomo 3, p. 157), “itinatampok ng anyong ito ang kapangyarihan at soberanya ni Yahweh bilang ‘Panginoon.’” Kapag ginagamit ito ng mga tao bilang katawagan sa kaniya, ipinahihiwatig nito na may-pagpapasakop nilang kinikilala ang dakilang katotohanang iyan.—Gen 15:2, 8; Deu 3:24; Jos 7:7.
Maliwanag na pagsapit ng maagang bahagi ng Karaniwang Panahon, ang banal na pangalang YHWH ay itinuturing na ng mga Judiong rabbi bilang napakasagrado para bigkasin. Sa gayon, hinahalinhan nila ito ng ʼAdho·naiʹ (o kaya’y ʼElo·himʹ) kapag binabasa nang malakas ang Kasulatan. Mas masahol pa rito ang ginawa ng mga Soperim, o mga eskriba, anupat hinalinhan nila ng ʼAdho·naiʹ ang banal na pangalan sa nakasulat na teksto nang 134 na beses (133 sa Biblia Hebraica Stuttgartensia). Mula noong mga ikalima hanggang ikasiyam na siglo C.E., buong-ingat na kinopya ng mga Masorete ang teksto. Itinala nila sa Masora (ang kanilang mga nota sa teksto) kung saan gumawa ng gayong mga pagbabago ang mga Soperim. Kaya alam sa ngayon ang 134 na mga pagbabagong ito. (Para sa talaan nito, tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562.) Kung isasaalang-alang ito, may natitira pang 306 na talata kung saan orihinal na lumilitaw sa teksto ang ʼAdho·naiʹ.
Ang karamihan ng paggamit ng titulong ʼAdho·naiʹ ay sa mga akda ng mga propeta, at si Ezekiel ang pinakamadalas na gumamit nito. Halos sa bawat pagkakataon, itinatambal niya ito sa banal na pangalan upang maging ʼAdho·naiʹ Yehwihʹ, “Soberanong Panginoong Jehova.” Ang isa pang titulong kombinasyon, na lumilitaw nang 16 na beses, ay ang ʼAdho·naiʹ Yehwihʹ tseva·ʼohthʹ, “Soberanong Panginoon, Jehova ng mga hukbo,” at ang lahat ng paglitaw nito, maliban sa dalawa (Aw 69:6; Am 9:5), ay nasa Isaias at Jeremias. Ang titulong ito ay ginamit upang ipakilala si Jehova bilang ang isa na may kapangyarihan at determinasyon na ipaghiganti ang kaniyang sinisiil na bayan at parusahan sila kapag hindi sila tapat.