Ang mga Babaing Kristiyano ay Karapat-dapat sa Karangalan at Paggalang
“Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila . . . alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae.”—1 PEDRO 3:7.
1, 2. (a) Anong pagkabahala ang ibinangon ng pakikipag-usap ni Jesus sa isang Samaritana na nasa may balon, at bakit? (Tingnan din ang talababa.) (b) Sa pangangaral sa Samaritana, ano ang ipinakita ni Jesus?
SA SINAUNANG balon malapit sa lunsod ng Sicar isang hapon sa bandang katapusan ng 30 C.E., isiniwalat ni Jesus ang inaakala niyang nararapat na pagtrato sa mga kababaihan. Ginugol niya ang umaga sa pag-ahon sa maburol na lalawigan ng Samaria at siya’y dumating sa balon nang hapung-hapo, nagugutom, at nauuhaw. Nang siya’y makaupo sa tabi ng balon, isang Samaritana ang lumapit upang sumalok ng tubig. “Bigyan mo ako ng maiinom,” ang sabi ni Jesus sa kaniya. Marahil ay takang-taka ang babae na napatitig sa kaniya. Siya’y nagtanong: “Paano ngang ikaw, sa kabila ng pagiging isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong ako ay isang babaing Samaritana?” Pagkaraan, nang makabalik ang kaniyang mga alagad buhat sa pagbili ng pagkain, sila’y nagulat, anupat nagtataka kung bakit si Jesus ay “nakikipag-usap sa isang babae.”—Juan 4:4-9, 27.
2 Ano ang nag-udyok sa pagtatanong na ito ng babae at sa pagkabahala ng mga alagad? Siya ay isang Samaritana, at ang mga Judio ay walang pakikipag-ugnayan sa mga Samaritano. (Juan 8:48) Subalit maliwanag na mayroon pang ibang dahilan sa pagkabahalang ito. Nang panahong iyon, ang rabinikong mga tradisyon ay humahadlang sa mga lalaki na makipag-usap nang hayagan sa mga kababaihan.a Gayunman, hayagang nangaral si Jesus sa taimtim na babaing ito, anupat isiniwalat pa man din sa kaniya na siya ang Mesiyas. (Juan 4:25, 26) Sa gayo’y ipinakita ni Jesus na siya ay hindi mapipigil ng di-maka-Kasulatang mga tradisyon, kasali na yaong humahamak sa mga kababaihan. (Marcos 7:9-13) Sa kabaligtaran, sa pamamagitan ng kaniyang ginawa at itinuro, ipinakita ni Jesus na ang mga kababaihan ay nararapat pakitunguhan nang may karangalan at paggalang.
Kung Papaano Pinakitunguhan ni Jesus ang mga Kababaihan
3, 4. (a) Papaano pinakitunguhan ni Jesus ang babaing humipo sa kaniyang kasuutan? (b) Papaano nagpakita si Jesus ng mabuting halimbawa para sa mga kalalakihang Kristiyano, lalo na sa mga tagapangasiwa?
3 Ang malumanay na pagdamay ni Jesus sa mga tao ay masasalamin sa paraan ng pakikitungo niya sa mga kababaihan. Minsan isang babae na inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon ang humanap kay Jesus mula sa isang pulutong. Dahil sa kaniyang kalagayan siya ay di-malinis sa seremonyal na paraan, kaya hindi siya dapat na naroroon. (Levitico 15:25-27) Subalit siya’y totoong nawawalan na ng pag-asa kung kaya pumuslit siya sa likuran ni Jesus. Nang hipuin niya ang kaniyang kasuutan, siya’y gumaling kapagdaka! Bagaman siya’y patungo na sa tahanan ni Jairo, na ang anak na babae ay may malubhang sakit, si Jesus ay huminto. Palibhasa’y naramdaman na may kapangyarihang lumabas mula sa kaniya, tumingin siya sa palibot upang hanapin ang humipo sa kaniya. Sa wakas, lumapit ang babae at nanginginig na sumubsob sa harap niya. Pagagalitan kaya siya ni Jesus dahil sa pagsama niya sa pulutong o dahil sa paghipo sa kaniyang kasuutan nang walang pahintulot? Sa kabaligtaran, siya’y naging magiliw at mabait sa kaniya. “Anak na babae,” sabi niya, “pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Ito lamang ang tanging pagkakataon na tuwirang tinukoy ni Jesus ang isang babae bilang “anak na babae.” Tunay ngang napanatag ang kaniyang kalooban sa salitang iyan!—Mateo 9:18-22; Marcos 5:21-34.
4 Tumingin si Jesus hindi lamang sa titik ng batas. Naunawaan niya ang diwa nito at ang pangangailangan ng awa at pagdamay. (Ihambing ang Mateo 23:23.) Napansin ni Jesus ang walang-lunas na kalagayan ng babaing sakitin at isinaalang-alang na siya ay pinakilos ng pananampalataya. Sa gayo’y nagpakita siya ng mabuting halimbawa para sa Kristiyanong mga kalalakihan, lalo na sa mga tagapangasiwa. Kung ang isang Kristiyanong kapatid na babae ay may personal na mga suliranin o nakaharap sa isang mahirap o malubhang sitwasyon, dapat sikapin ng matatanda na maunawaan ang dahilan ng kaniyang kagyat na sinabi at ikinilos at isaalang-alang ang mga kalagayan at motibo. Ang gayong malalim na unawa ay maaaring magpahiwatig na ang pagtitiis, pang-unawa, at pagdamay ay kailangan sa halip na payo at pagtutuwid.—Kawikaan 10:19; 16:23; 19:11.
5. (a) Sa anong paraan nalilimitahan ng rabinikong mga tradisyon ang mga kababaihan? (Tingnan ang talababa.) (b) Sinu-sino ang unang nakakita at nagpatotoo tungkol sa binuhay-muling si Jesus?
5 Palibhasa’y nalilimitahan ng rabinikong mga tradisyon, ang mga kababaihang nabubuhay noong narito sa lupa si Jesus ay hindi maaaring maging legal na mga testigo.b Isaalang-alang ang nangyari di-nagtagal pagkatapos na buhaying-muli si Jesus mula sa mga patay noong umaga ng Nisan 16, 33 C.E. Sino ang unang nakakita sa binuhay-muling si Jesus at nagpatotoo sa ibang alagad na ang kanilang Panginoon ay ibinangon na? Nangyari na iyon ay ang mga kababaihan na nanatili sa lugar na doo’y abot-tanaw lamang ang dako na pinagpakuan sa kaniya hanggang sa siya’y mamatay.—Mateo 27:55, 56, 61.
6, 7. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa mga babaing naparoon sa libingan? (b) Papaano tumugon sa pasimula ang mga lalaking alagad ni Jesus sa patotoo ng mga babae, at ano ang matututuhan natin mula rito?
6 Maagang-maaga ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at iba pang kababaihan ay naparoon sa libingan taglay ang mga espesya upang gamitin sa katawan ni Jesus. Nang matuklasang wala nang laman ang libingan, tumakbo si Maria upang ibalita kina Pedro at Juan. Nagpaiwan ang ibang mga babae. Di-nagtagal, isang anghel ang nagpakita sa kanila at nagsabi sa kanila na si Jesus ay ibinangon na. “Humayo kayong madali at sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad,” ang bilin ng anghel. Samantalang nagmamadali ang mga babaing ito upang ihatid ang balita, si Jesus mismo ay nagpakita sa kanila. “Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid,” ang sabi niya sa kanila. (Mateo 28:1-10; Marcos 16:1, 2; Juan 20:1, 2) Yamang di-nalalaman ang pagdalaw ng anghel at nadaraig ng pamimighati, si Maria Magdalena ay bumalik sa libingang walang laman. Doon ay nagpakita sa kaniya si Jesus, at nang sa wakas ay makilala niya siya, sinabi ni Jesus: “Pumaroon ka sa aking mga kapatid at sabihin sa kanila, ‘Ako ay aakyat sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ”—Juan 20:11-18; ihambing ang Mateo 28:9, 10.
7 Maaari namang magpakita muna si Jesus kina Pedro, Juan, o sa isa sa iba pang alagad na lalaki. Sa halip, minabuti niyang bigyang-pabor ang mga babaing ito nang sila’y gawing mga unang saksing nakakita sa kaniyang pagkabuhay-muli at atasan silang magpatotoo hinggil dito sa kaniyang mga alagad na kalalakihan. Papaano tumugon ang mga kalalakihan sa pasimula? Ganito ang sabi ng ulat: “Ang mga pananalitang ito ay waring walang kabuluhan sa kanila at ayaw nilang paniwalaan ang mga babae.” (Lucas 24:11) Mahirap kaya sa kanila na tanggapin ang patotoo dahil ito ay galing sa mga kababaihan? Kung gayon, dumating ang panahon na nakatanggap sila ng saganang katibayan na binuhay ngang muli si Jesus mula sa mga patay. (Lucas 24:13-46; 1 Corinto 15:3-8) Sa ngayon, kumikilos nang may-katalinuhan ang Kristiyanong mga lalaki kapag kanilang binibigyang-pansin ang mga pangmalas ng kanilang espirituwal na mga kapatid na babae.—Ihambing ang Genesis 21:12.
8. Sa paraan ng pakikitungo niya sa mga kababaihan, ano ang isiniwalat ni Jesus?
8 Tunay namang nakagagalak-pusong pansinin ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga kababaihan. Sa pagiging laging madamayin at lubusang timbang sa pakikitungo sa mga kababaihan, hindi niya dinakila ni minaliit man sila. (Juan 2:3-5) Tinanggihan niya ang rabinikong mga tradisyon na nag-alis sa kanila ng kanilang dignidad at nagpawalang-bisa sa Salita ng Diyos. (Ihambing ang Mateo 15:3-9.) Sa pamamagitan ng pagtrato sa mga kababaihan nang may karangalan at paggalang, tuwirang isiniwalat ni Jesus kung ano ang paraan ng pagtrato na nais ni Jehova para sa kanila. (Juan 5:19) Nagpakita rin si Jesus ng mahusay na halimbawa para tularan ng Kristiyanong mga kalalakihan.—1 Pedro 2:21.
Ang mga Turo ni Jesus Hinggil sa mga Kababaihan
9, 10. Papaano pinabulaanan ni Jesus ang rabinikong mga tradisyon hinggil sa mga kababaihan, at ano ang sinabi niya pagkatapos magbangon ng isang tanong ang mga Fariseo tungkol sa diborsiyo?
9 Pinabulaanan ni Jesus ang rabinikong mga tradisyon at itinaas ang dignidad ng mga kababaihan hindi lamang sa pamamagitan ng kaniyang pagkilos kundi sa pamamagitan din naman ng kaniyang mga turo. Kuning halimbawa ang itinuro niya tungkol sa diborsiyo at pangangalunya.
10 Tungkol sa diborsiyo, si Jesus ay tinanong ng ganito: “Kaayon ba ng batas na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawang babae sa bawat uri ng saligan?” Ayon sa salaysay ni Marcos, sinabi ni Jesus: “Sinumang dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae [maliban sa saligang pakikiapid] at nag-aasawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya laban sa kaniya, at kung sakali mang ang isang babae, pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ay mag-asawa ng iba, siya ay gumagawa ng pangangalunya.” (Marcos 10:10-12; Mateo 19:3, 9) Ang gayong payak na mga salita ay nagpakita ng paggalang sa dignidad ng mga kababaihan. Papaano nagkagayon?
11. Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na “maliban sa saligang pakikiapid” hinggil sa buklod ng pag-aasawa?
11 Una, sa mga salitang “maliban sa saligang pakikiapid” (na masusumpungan sa salaysay ng Ebanghelyo ni Mateo), ipinahiwatig ni Jesus na ang buklod ng pag-aasawa ay hindi dapat maliitin o basta na lamang putulin. Sa umiiral na rabinikong turo ay pinahihintulutan ang diborsiyo kahit na sa maliliit na dahilan tulad ng pagpapabaya ng asawang babae na mapanis ang isang pagkain o pakikipag-usap sa isang di-kilalang lalaki. Aba, pinapayagan pa man din ang diborsiyo kapag nakasumpong ang isang lalaki ng isang babae na sa palagay niya ay mas kaakit-akit! Ganito ang sabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Nang magsalita si Jesus gaya ng ginawa niya siya ay . . . sumusuporta sa mga kababaihan sa pamamagitan ng pagsisikap na isauli ang pag-aasawa sa kalagayang nararapat dito.” Oo, ang pag-aasawa ay nararapat na isang permanenteng pagsasama na doo’y makadarama ng katiwasayan ang isang babae.—Marcos 10:6-9.
12. Sa pananalitang “nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniya,” anong idea ang inihaharap ni Jesus?
12 Pangalawa, sa pananalitang “gumagawa ng pangangalunya laban sa kaniya,” iniharap ni Jesus ang isang pangmalas na hindi kinilala sa mga rabinikong hukuman—ang idea na ang isang asawang lalaki ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawa. Ganito ang paliwanag ng The Expositor’s Bible Commentary: “Sa rabinikong Judaismo ang isang babae sa pamamagitan ng di-pagtatapat ay maaaring magkasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawang lalaki; at ang isang lalaki, sa pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa asawa ng ibang lalaki, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa lalaki. Subalit ang isang lalaki ay hindi kailanman maaaring magkasala ng pangangalunya laban sa kaniyang asawang babae, anuman ang gawin niya. Sa paglalagay sa asawang lalaki ng moral na pananagutang kapareho ng sa kaniyang asawa, itinaas ni Jesus ang katayuan at dignidad ng mga kababaihan.”
13. May kinalaman sa diborsiyo, papaano ipinakita ni Jesus na sa ilalim ng kaayusang Kristiyano, magkakaroon ng isa lamang pamantayan kapuwa para sa mga kalalakihan at kababaihan?
13 Pangatlo, sa pariralang “pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki,” kinilala ni Jesus ang karapatan ng isang babae na diborsiyuhin ang isang di-tapat na asawa—isang kaugaliang malamang na kilala ngunit hindi karaniwan sa ilalim ng batas ng mga Judio noong kaarawang iyon.c Sinasabi na “ang isang babae ay maaaring diborsiyuhin nang mayroon o wala siyang pahintulot, subalit ang lalaki tangi lamang kung may pahintulot siya.” Subalit ayon kay Jesus, sa ilalim ng Kristiyanong kaayusan, ang magkatulad na pamantayan ay kumakapit kapuwa sa mga kalalakihan at sa mga kababaihan.
14. Sa pamamagitan ng kaniyang mga turo, ano ang masasalamin kay Jesus?
14 Ang mga turo ni Jesus ay maliwanag na nagsisiwalat ng kaniyang matinding malasakit sa kapakanan ng mga kababaihan. Samakatuwid, hindi mahirap unawain kung bakit ang ilang kababaihan ay nakadama ng gayong pag-ibig kay Jesus anupat inasikaso nila ang kaniyang mga pangangailangan mula sa kanilang sariling tinatangkilik. (Lucas 8:1-3) “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin,” sabi ni Jesus, “kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Sa pamamagitan ng kaniyang itinuro, masasalamin kay Jesus ang sariling malumanay na konsiderasyon ni Jehova para sa mga kababaihan.
“Pinag-uukulan Sila ng Karangalan”
15. Ano ang isinulat ni apostol Pedro tungkol sa kung papaano dapat pakitunguhan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa?
15 Tuwirang nasaksihan ni apostol Pedro ang paraan ng pakikitungo ni Jesus sa mga kababaihan. Mga 30 taon pagkaraan, binigyan ni Pedro ang mga asawang babae ng isang maibiging payo at saka sumulat: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama nila sa katulad na paraan alinsunod sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, ang isa na may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay, upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan.” (1 Pedro 3:7) Ano ang ibig sabihin ni Pedro sa mga salitang “pinag-uukulan sila ng karangalan”?
16. (a) Ano ang kahulugan ng Griegong pangngalan na isinaling “karangalan”? (b) Papaano pinarangalan ni Jehova si Jesus sa panahon ng pagbabagong-anyo, at ano ang matututuhan natin mula rito?
16 Ayon sa isang leksikograpo, ang Griegong pangngalan na isinaling “karangalan” (ti·meʹ) ay nangangahulugang “halaga, kabuluhan, karangalan, paggalang.” Ang mga anyo ng Griegong salitang ito ay isinaling “kaloob” at “mahalaga.” (Gawa 28:10; 1 Pedro 2:7) Nagkakaroon tayo ng malalim na unawa sa kung ano ang ibig sabihin ng parangalan ang isang tao kung susuriin natin ang paggamit ni Pedro ng isang anyo ng gayunding salita sa 2 Pedro 1:17. Doon ay sinabi niya hinggil sa pagbabagong-anyo ni Jesus: “Tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama, nang ang mga salitang gaya ng mga ito ay ibinigay sa kaniya ng maringal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking iniibig, na akin mismong sinang-ayunan.’ ” Sa pagbabagong-anyo ni Jesus, pinarangalan ni Jehova ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kaniyang pagsang-ayon kay Jesus, at ginawa iyon ng Diyos nang naririnig ng iba. (Mateo 17:1-5) Kung gayon, ang isang lalaking nagpaparangal sa kaniyang asawa ay hindi humihiya o nagwawalang-halaga sa kaniya. Sa halip, ipinakikita niya sa pamamagitan ng kaniyang pananalita at pagkilos—sa pribado man at sa publiko—na kaniyang pinahahalagahan siya.—Kawikaan 31:28-30.
17. (a) Bakit ang karangalan ay isang kaukulan sa Kristiyanong asawang babae? (b) Bakit hindi dapat madama ng isang lalaki na siya ay mas mahalaga sa paningin ng Diyos kaysa sa babae?
17 Ang karangalang ito, sabi ni Pedro, ay nararapat ‘iukol’ ng mga Kristiyanong asawang lalaki sa kani-kanilang asawa. Ito ay ibibigay, hindi bilang isang pabor, kundi bilang kaukulan na nararapat sa kanilang asawa. Bakit karapat-dapat ang mga asawang babae sa gayong karangalan? Sapagkat “kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na pabor ng buhay,” ang paliwanag ni Pedro. Noong unang siglo C.E., ang mga lalaki at babae na nakatanggap ng liham ni Pedro ay pawang tinawag upang maging mga kasamang tagapagmana ni Kristo. (Roma 8:16, 17; Galacia 3:28) Hindi pare-pareho ang pananagutan nila sa kongregasyon, subalit sa bandang huli ay makikibahagi sila sa pamamahala ni Kristo sa langit. (Apocalipsis 20:6) Gayundin sa ngayon, na karamihan sa bayan ng Diyos ay may makalupang pag-asa, isang malubhang pagkakamali para sa sinumang Kristiyanong lalaki na madamang siya ay mas mahalaga sa paningin ng Diyos kaysa sa mga kababaihan dahil lamang sa kaniyang mga pribilehiyo sa kongregasyon. (Ihambing ang Lucas 17:10.) Pantay-pantay ang espirituwal na katayuan ng mga lalaki at mga babae sa harap ng Diyos, sapagkat ang sakripisyong kamatayan ni Jesus ay nagbukas ng parehong pagkakataon kapuwa sa mga lalaki at mga babae—yaong mapalaya buhat sa sumpa ng kasalanan at kamatayan, anupat taglay ang pag-asang buhay na walang-hanggan.—Roma 6:23.
18. Anong mahigpit na dahilan ang ibinibigay ni Pedro upang parangalan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak?
18 Nagbibigay si Pedro ng isa pang mahigpit na dahilan kung bakit nararapat na parangalan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak, “upang ang [kaniyang] mga panalangin ay hindi mahadlangan.” Ang salitang “mahadlangan” ay galing sa Griegong pandiwa (en·koʹpto) na literal na nangangahulugang “humarang.” Ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, ito “ay ginagamit sa mga taong pumipigil sa pamamagitan ng pagsira sa lansangan, o biglaang paglalagay ng harang sa daan.” Kaya, maaaring masumpungan ng isang asawang lalaking hindi nag-uukol ng karangalan sa kaniyang asawa na may isang harang sa pagitan ng kaniyang mga panalangin at sa pakikinig ng Diyos. Maaaring madama ng lalaki na siya ay di-karapat-dapat na lumapit sa Diyos, o si Jehova ay malamang na hindi makinig. Maliwanag, lubhang nababahala si Jehova sa paraan ng pagtrato ng mga kalalakihan sa mga kababaihan.—Ihambing ang Panaghoy 3:44.
19. Papaanong ang mga kalalakihan at kababaihan sa kongregasyon ay sama-samang makapaglilingkod taglay ang paggalang sa isa’t isa?
19 Hindi lamang ang mga asawang lalaki ang may pananagutan na magpakita ng paggalang. Samantalang nararapat parangalan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak sa pamamagitan ng mapagmahal at may dignidad na pakikitungo sa kaniya, nararapat namang parangalan ng asawang babae ang kaniyang kabiyak sa pamamagitan ng pagpapasakop at pagpapakita ng matinding paggalang. (1 Pedro 3:1-6) Isa pa, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘magpakita ng dangal sa isa’t isa.’ (Roma 12:10) Ito ay isang panawagan para sa mga kalalakihan at kababaihan sa kongregasyon na sama-samang maglingkod taglay ang paggalang sa isa’t isa. Kapag umiiral ang gayong saloobin, ang mga babaing Kristiyano ay hindi magsasalita sa paraang humahamak sa awtoridad niyaong mga nangunguna. Sa halip, susuportahan nila ang matatanda at makikipagtulungan sa kanila. (1 Corinto 14:34, 35; Hebreo 13:17) Sa kanilang bahagi naman, pakikitunguhan ng mga Kristiyanong tagapangasiwa ang “mga nakatatandang babae gaya ng sa mga ina, ang mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan.” (1 Timoteo 5:1, 2) Sa matalinong paraan, may kabaitang isasaalang-alang ng matatanda ang tinig ng kanilang Kristiyanong mga kapatid na babae. Sa gayon, kapag isinasaalang-alang ng isang kapatid na babae ang teokratikong pagkaulo at magalang na nagtatanong o bumabanggit pa man din ng isang bagay na nangangailangan ng pansin, malugod na isasaalang-alang ng matatanda ang kaniyang tanong o suliranin.
20. Ayon sa ulat ng Kasulatan, papaano nararapat pakitunguhan ang mga kababaihan?
20 Mula nang pumasok ang kasalanan sa Eden, ang mga kababaihan sa maraming kultura ay itinalaga na sa isang kalagayan ng kahihiyan. Subalit hindi ganiyan ang uri ng pagtrato na orihinal na nilayon ni Jehova na maranasan nila. Anumang pangmalas dahil sa kultura ang umiiral para sa mga kababaihan, malinaw na ipinakikita ng ulat kapuwa ng Hebreo at Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang maka-Diyos na mga babae ay nararapat na pakitunguhan nang may karangalan at paggalang. Ito ang kanilang bigay-Diyos na karapatan.
[Mga talababa]
a Ganito ang paliwanag ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Ang mga kababaihan ay hindi kumakain na kasama ng mga lalaking panauhin, at ang mga lalaki ay hinahadlangan na makipag-usap sa mga babae. . . . Ang pakikipag-usap sa isang babae sa isang pampublikong lugar ay lalo nang kahiya-hiya.” Ganito ang payo ng Judiong Mishnah, isang koleksiyon ng mga rabinikong turo: “Huwag gaanong makipag-usap sa mga kababaihan. . . . Siya na madalas makipag-usap sa mga kababaihan ay nagdudulot ng kasamaan sa kaniyang sarili at kinaliligtaan ang pag-aaral ng Batas at sa wakas ay magmamana ng Gehenna.”—Aboth 1:5.
b Ganito ang sabi ng aklat na Palestine in the Time of Christ: “Sa ilang kaso, ang babae ay halos ipinapantay sa alipin. Halimbawa, hindi siya maaaring tumestigo sa hukuman, maliban na kung patutunayan ang pagkamatay ng kaniyang asawa.” Sa pagtukoy sa Levitico 5:1, ganito ang paliwanag ng The Mishnah: “[Ang batas tungkol sa] ‘isang panunumpa ng patotoo’ ay kumakapit sa mga kalalakihan ngunit hindi sa mga kababaihan.”—Shebuoth 4:1.
c Iniulat ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus na pinadalhan ng kapatid ni Haring Herodes na si Salome ang kaniyang asawa ng “isang dokumento na nagpapawalang-bisa sa kanilang kasal, na hindi naaayon sa batas ng mga Judio. Sapagkat (tanging) ang lalaki lamang ang pinahintulutan na gumawa nito.”—Jewish Antiquities, XV, 259 [vii, 10].
Ano ang Iyong Sagot?
◻ Anu-anong halimbawa ang nagpapakita na pinakitunguhan ni Jesus ang mga kababaihan nang may karangalan at paggalang?
◻ Papaanong ang mga turo ni Jesus ay nagpakita ng paggalang sa dignidad ng mga kababaihan?
◻ Bakit nararapat na pag-ukulan ng karangalan ng asawang lalaki ang kaniyang Kristiyanong kabiyak?
◻ Anong pananagutan na magpakita ng karangalan ang taglay ng lahat ng Kristiyano?
[Larawan sa pahina 17]
Sa kanilang kagalakan, ang maka-Diyos na mga babae ang unang nakakita sa binuhay-muling si Jesus, na nag-utos sa kanila na magpatotoo tungkol dito sa kaniyang mga kapatid na lalaki