ARALING ARTIKULO 11
Maging Handa Para sa Bautismo
“Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?”—GAWA 8:36.
AWIT 50 Ang Aking Panalangin ng Pag-aalay
NILALAMANa
1-2. Kung hindi ka pa handang magpabautismo, bakit hindi ka dapat masiraan ng loob? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
KUNG gusto mo nang magpabautismo, napakagandang tunguhin niyan. Handa ka na ba? Kung sa tingin mo, handa ka na at sang-ayon ang mga elder, huwag mag-alinlangan na magpabautismo sa susunod na asamblea o kombensiyon. Isang masaya at makabuluhang buhay ng paglilingkod kay Jehova ang naghihintay sa iyo.
2 Pero baka may magsabi sa iyo na may kailangan ka pang pasulungin bago magpabautismo. O baka iyan ang tingin mo sa sarili mo. Kung oo, huwag masiraan ng loob. Puwede ka pang sumulong para maging kuwalipikado, bata ka man o may-edad na.
“ANO ANG NAKAHAHADLANG SA AKIN?”
3. Ano ang itinanong ng Etiope kay Felipe, at anong tanong ang kailangang masagot? (Gawa 8:36, 38)
3 Basahin ang Gawa 8:36, 38. Isang opisyal sa palasyo sa Etiopia ang nagtanong kay Felipe na ebanghelisador: “Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” Gustong-gusto nang magpabautismo ng Etiope, pero handa na ba talaga siya?
4. Paano ipinakita ng Etiope na gustong-gusto niyang patuloy na matuto?
4 “Pumunta [ang Etiope] sa Jerusalem para sumamba.” (Gawa 8:27) Malamang na isa siyang proselita; nakumberte siya sa Judaismo. Siguradong natuto na siya tungkol kay Jehova mula sa Hebreong Kasulatan. Pero gustong-gusto pa niyang matuto. Ano ang ginagawa ng Etiope nang makita siya ni Felipe sa daan? Binabasa niya nang mabuti ang balumbon na isinulat ni propeta Isaias. (Gawa 8:28) Malalalim na mga bagay iyon. Hindi kontento ang Etiope sa mga pangunahing katotohanan; gusto pa niyang matuto nang higit.
5. Paano isinabuhay ng Etiope ang natutuhan niya?
5 Ang mataas na opisyal na ito ay naglilingkod kay Reyna Candace ng Etiopia at “siya ang namamahala sa lahat ng kayamanan nito.” (Gawa 8:27) Kaya siguradong marami siyang responsibilidad at laging busy. Pero may panahon pa rin siya na sambahin si Jehova. Hindi siya nakontento na alam lang niya ang katotohanan; isinabuhay rin niya ito. Kaya naglakbay siya mula Etiopia hanggang Jerusalem para sumamba sa templo ni Jehova. Siguradong matagal at magastos ang paglalakbay na iyon, pero gusto niyang sambahin si Jehova anuman ang kailangan niyang gawin.
6-7. Paano lumalim ang pag-ibig ng Etiope kay Jehova?
6 Natuto ang Etiope mula kay Felipe ng mga bagong katotohanan, halimbawa, kung sino ang Mesiyas. (Gawa 8:34, 35) Siguradong masaya siya na malaman ang ginawa ni Jesus para sa kaniya. Ano ang ginawa ng Etiope dahil sa natutuhan niya? Puwede naman sanang wala siyang gawin, at manatiling iginagalang na Judiong proselita. Pero lumalim ang pag-ibig niya kay Jehova at sa Kaniyang Anak. Napakilos siyang gawin ang isang mahalagang desisyon—ang magpabautismo bilang tagasunod ni Jesu-Kristo. Nakita ni Felipe na handa na ang Etiope, kaya binautismuhan niya ito.
7 Kung tutularan mo ang ginawa ng Etiope, magiging handa ka ring magpabautismo. Masasabi mo rin ang nasabi niya, “Ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” Talakayin natin kung paano mo matutularan ang ginawa ng Etiope: Patuloy siyang nag-aral, isinabuhay niya ang natutuhan niya, at pinalalim ang pag-ibig niya sa Diyos.
PATULOY NA MAG-ARAL
8. Ano ang sinasabi ng Juan 17:3 na dapat mong gawin?
8 Basahin ang Juan 17:3. Natulungan ka ba ng sinabing ito ni Jesus na mag-Bible study? Ganiyan ang naging epekto ng tekstong iyan sa marami sa atin. Pero sinasabi rin ba niyan na patuloy tayong mag-aral? Oo. Kasi gusto nating patuloy na “makilala . . . ang tanging tunay na Diyos.” (Ecles. 3:11) Kahit mabuhay tayo nang walang hanggan, hindi tayo mauubusan ng matututuhan tungkol sa kaniya. Habang mas nakikilala natin si Jehova, mas napapalapit tayo sa kaniya.—Awit 73:28.
9. Ano ang dapat nating gawin pagkatapos malaman ang mga pangunahing turo ng Bibliya?
9 Nang magsimula tayong mag-aral tungkol kay Jehova, una nating natutuhan ang mga pangunahing turo. Sa liham ni apostol Pablo sa mga Hebreo, tinukoy niya ang mga ito na “panimulang mga bagay.” Hindi naman niya sinasabing hindi mahalaga ang “unang mga doktrina”; ikinumpara nga niya ito sa gatas na nagpapalusog sa isang sanggol. (Heb. 5:12; 6:1) Pero pinasigla niya ang lahat ng Kristiyano na patuloy na pag-aralan, hindi lang ang mga pangunahing turo, kundi pati ang malalalim na katotohanan sa Salita ng Diyos. Nag-e-enjoy ka bang pag-aralan ang malalalim na turo ng Bibliya? Gusto mo bang patuloy na sumulong at matuto pa tungkol kay Jehova at sa layunin niya?
10. Bakit nahihirapang mag-aral ang ilan?
10 Para sa marami, mahirap mag-aral. Ganoon ka rin ba? Sa school, tinuruan kang magbasa at mag-aral. Nag-enjoy ka ba at maraming natutuhan? O nakita mo na hindi ka talaga palaaral at palabasa? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Matutulungan ka ni Jehova. Perpekto siya, at siya ang pinakamahusay na Guro.
11. Paano ipinakita ni Jehova na siya ang “Dakilang Tagapagturo”?
11 Sinabi ni Jehova na siya ang “iyong Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20, 21) Matiisin siya, mabait, at maunawaing Guro. Nakapokus siya sa magagandang katangian ng mga estudyante niya. (Awit 130:3) At hindi niya tayo hinihilingan ng higit sa makakaya natin. Tandaan, siya ang nagdisenyo ng utak natin, na isang kahanga-hangang regalo. (Awit 139:14) Natural sa atin ang kagustuhang matuto. Gusto ng Maylalang natin na patuloy tayong mag-aral para matuto tayo magpakailanman—at mag-enjoy dito. Kaya ngayon pa lang, mahalagang ‘magkaroon na tayo ng pananabik’ sa mga katotohanan sa Bibliya. (1 Ped. 2:2) Magtakda ng mga goal na kaya mong abutin, at sundin ang schedule mo sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. (Jos. 1:8) Sa tulong ni Jehova, mas mag-e-enjoy ka sa pagbabasa at pag-aaral tungkol sa kaniya.
12. Bakit dapat nating pag-aralan ang buhay at ministeryo ni Jesus?
12 Regular na maglaan ng panahon para pag-isipan ang buhay at ministeryo ni Jesus. Dapat nating sundang mabuti ang mga yapak ni Jesus para mapaglingkuran natin si Jehova, lalo na sa mahirap na panahong ito. (1 Ped. 2:21) Sinabi ni Jesus na makakaranas ng mga pagsubok ang mga tagasunod niya. (Luc. 14:27, 28) Pero buo ang tiwala niya na makakapanatili silang tapat, gaya niya. (Juan 16:33) Pag-aralan ang mga detalye sa buhay ni Jesus, at magtakda ng mga goal kung paano mo siya matutularan araw-araw.
13. Ano ang dapat mong patuloy na hilingin kay Jehova, at bakit?
13 Kapag nag-aaral ka, hindi sapat ang basta kumuha lang ng kaalaman. Nag-aaral ka para mas makilala mo si Jehova at lumalalim ang pag-ibig at pananampalataya mo sa kaniya. (1 Cor. 8:1-3) Kaya patuloy na hilingin kay Jehova na palakasin ang pananampalataya mo. (Luc. 17:5) Tiyak na sasagutin niya ang panalangin mo. Kung nakabatay ang pananampalataya mo sa tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos, siguradong susulong ka.—Sant. 2:26.
ISABUHAY ANG NATUTUTUHAN MO
14. Paano idiniin ni apostol Pedro na mahalagang isabuhay ang natutuhan natin? (Tingnan din ang larawan.)
14 Idiniin ni apostol Pedro kung bakit mahalagang isabuhay ng mga tagasunod ni Kristo ang natutuhan nila. Ginamit niyang halimbawa si Noe. Sinabi ni Jehova kay Noe na pupuksain Niya ang masasamang tao noon sa pamamagitan ng baha. Hindi maliligtas si Noe at ang pamilya niya dahil lang sa nalaman nilang magkakaroon ng baha. Ang panahong tinutukoy ni Pedro ay bago ang Baha, “habang itinatayo ang arka.” (1 Ped. 3:20) Kumilos si Noe at ang pamilya niya nang malaman nila ang kalooban ng Diyos. Nagtayo sila ng napakalaking arka. (Heb. 11:7) Ikinumpara ni Pedro ang ginawa ni Noe sa bautismo. Sinabi niya: “Ang bautismo, na katumbas nito, ay nagliligtas din ngayon sa inyo.” (1 Ped. 3:21) Kaya maikukumpara ang ginagawa mong paghahanda para sa bautismo sa ginawang pagtatayo ng arka ni Noe at ng pamilya niya sa loob ng maraming taon. Anong mga paghahanda ang kailangan mong gawin bago magpabautismo?
15. Paano natin maipapakita ang tunay na pagsisisi?
15 Dapat muna nating pagsisihan ang mga kasalanan natin. (Gawa 2:37, 38) Kapag tunay ang pagsisisi natin, gagawa tayo ng mga pagbabago. Itinigil mo na ba ang mga gawaing kinapopootan ni Jehova, gaya ng imoralidad, paninigarilyo, at pagmumura o iba pang mapang-abusong pananalita? (1 Cor. 6:9, 10; 2 Cor. 7:1; Efe. 4:29) Kung hindi pa, huwag kang susuko. Sabihin ito sa nagba-Bible study sa iyo o humingi ng tulong sa mga elder. Kung kabataan ka at nasa poder pa ng mga magulang mo, humingi ng tulong sa kanila para maitigil mo ang masasamang gawain na humahadlang sa iyo na magpabautismo.
16. Ano ang kasama sa isang magandang espirituwal na rutin?
16 Dapat din tayong magkaroon ng magandang espirituwal na rutin. Kasama diyan ang pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi rito. (Heb. 10:24, 25) At kapag kuwalipikado ka nang sumama sa pangangaral, isama ito sa rutin mo. Kung madalas kang makikibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito, mas mae-enjoy mo ito. (2 Tim. 4:5) Kung kabataan ka at nasa poder pa ng mga magulang mo, tanungin ang sarili: ‘Kailangan pa ba akong paalalahanan ng mga magulang ko na dumalo sa mga pulong at makibahagi sa pangangaral? O nagkukusa na ako?’ Kung kusa mo itong ginagawa, ipinapakita mo ang pananampalataya, pag-ibig, at pasasalamat mo sa Diyos na Jehova. Ang ganitong “mga gawa ng makadiyos na debosyon” ay regalo mo kay Jehova. (2 Ped. 3:11; Heb. 13:15) Kapag ginawa mo ito nang bukal sa loob at hindi napipilitan, mapapasaya mo siya. (Ihambing ang 2 Corinto 9:7.) At masaya tayong ibigay kay Jehova ang buong makakaya natin.
PALALIMIN ANG PAG-IBIG MO KAY JEHOVA
17-18. Ano ang makakatulong sa iyo para maging kuwalipikado sa bautismo, at bakit? (Kawikaan 3:3-6)
17 Siguradong makakaranas ka ng mga pagsubok habang nagsisikap kang maging kuwalipikado sa bautismo. Baka pagtawanan ka dahil sa paniniwala mo; baka salansangin at pag-usigin ka pa nga. (2 Tim. 3:12) Baka paminsan-minsan, nagagawa mo pa rin ang mga pinaglalabanan mong kahinaan. O baka naiinip ka na at nasisiraan ng loob dahil parang ang hirap maabot ng tunguhin mo. Ano ang makakatulong sa iyo? Pag-ibig kay Jehova.
18 Napakahalaga ng pag-ibig mo kay Jehova. (Basahin ang Kawikaan 3:3-6.) Kung mahal na mahal mo siya, makakayanan mo ang mga problema. Madalas banggitin ng Bibliya na may tapat na pag-ibig si Jehova sa mga lingkod niya. Kaya hinding-hindi niya sila iiwan anuman ang mangyari. (Awit 100:5) Dahil ginawa ka ayon sa larawan ng Diyos, maipapakita mo rin ang ganoong uri ng pag-ibig. (Gen. 1:26) Paano?
19. Ano pa ang puwede mong gawin para ipakitang ipinagpapasalamat mo ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo? (Galacia 2:20)
19 Maging mapagpasalamat. (1 Tes. 5:18) Sa bawat araw, tanungin ang sarili, ‘Paano ko nakita ang pagmamahal sa akin ni Jehova ngayon?’ Pagkatapos, manalangin at pasalamatan siya sa espesipikong mga bagay na ginawa niya para sa iyo. Isipin kung paano ipinakita sa iyo ni Jehova ang pag-ibig niya bilang indibidwal, gaya ng napatunayan ni apostol Pablo. (Basahin ang Galacia 2:20.) Tanungin ang sarili, ‘Paano ko naman masusuklian ang pag-ibig ni Jehova?’ Makakatulong sa iyo ang pag-ibig kay Jehova para mapaglabanan ang mga tukso at makayanan ang mga problema. Ito rin ang tutulong sa iyo na sundin ang espirituwal na rutin mo para maipakita mo araw-araw na mahal mo si Jehova.
20. Ano ang dapat mong tandaan tungkol sa pag-aalay ng buhay kay Jehova, at gaano ito kahalaga?
20 Ang pag-ibig mo kay Jehova ang magpapakilos sa iyo na ialay ang sarili mo sa kaniya sa panalangin. Tandaan na kapag inialay mo na ang buhay mo sa kaniya, may pagkakataon kang maging pag-aari niya magpakailanman. Kapag nag-alay ka na kay Jehova, nangangako ka nang paglilingkuran mo siya anuman ang maging sitwasyon. Isang beses mo lang itong gagawin. Seryosong bagay ito. Pero pag-isipan ito: Marami kang gagawing desisyon sa buhay, pero ang pag-aalay ang pinakamahalaga at pinakamagandang desisyon na gagawin mo. (Awit 50:14) Sisikapin ni Satanas na manlamig ang pag-ibig mo kay Jehova para maiwala mo ang katapatan mo sa kaniya. Huwag mong hayaang magtagumpay siya! (Job 27:5) Ang pag-ibig mo kay Jehova ang tutulong sa iyo para tuparin ang pangako mong paglingkuran siya magpakailanman at maging mas malapít pa sa iyong Ama sa langit.
21. Bakit natin masasabi na ang bautismo ay simula pa lang ng buhay mo bilang lingkod ni Jehova?
21 Kapag nakapag-alay ka na kay Jehova, sabihin sa mga elder sa kongregasyon ninyo na gusto mo nang magpabautismo. Tandaan na simula pa lang ito ng buhay mo bilang lingkod ni Jehova at magpapatuloy ito magpakailanman. Kaya ngayon pa lang, palalimin mo na ang pag-ibig mo sa iyong Ama. Magtakda ng mga goal para mapalalim ang pag-ibig mo sa araw-araw. Tutulong ito sa iyo na magpabautismo. Napakasayang araw ng bautismo! Pero simula pa lang iyan. Patuloy sanang lumalim ang pag-ibig mo kay Jehova at sa kaniyang Anak magpakailanman!
AWIT 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”
a Para sumulong tayo at maging kuwalipikado sa bautismo, dapat na tama ang motibo at ginagawa natin. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang isang opisyal sa palasyo sa Etiopia para makita kung ano ang dapat gawin ng mga Bible study para maging kuwalipikado sa bautismo.
b LARAWAN: Nagpapasalamat ang isang sister kay Jehova dahil sa mga ibinigay Niya, at sinasabi niya iyon sa panalangin.