Kristiyanong Pagkamapagpatuloy sa Isang Nababahaging Sanlibutan
“Tayo, kung gayon, ay nasa ilalim ng obligasyon na mapagpatuloy na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.”—3 JUAN 8.
1. Anong pinakakanais-nais na mga kaloob ang ibinibigay ng Maylalang sa sangkatauhan?
ANG sangkatauhan ay walang anumang maigi sa ilalim ng araw kaysa sa kumain at uminom at magsaya at na ito ang nararapat na kasama nila sa kanilang pagpapagal sa mga araw ng kanilang buhay, na ibinigay sa kanila ng tunay na Diyos sa ilalim ng araw.” (Eclesiastes 8:15) Sa mga salitang ito ay sinasabi sa atin ng sinaunang tagapagtipon na hindi lamang ibig ng Diyos na Jehova na maging masaya at maligaya ang mga taong kaniyang nilalang kundi naglaan din siya ng paraan upang sila’y maging gayon. Sa buong kasaysayan ng tao waring isang pangkaraniwang hangarin ng mga tao sa lahat ng dako ang magkatuwaan at magkasiyahan.
2. (a) Paano inabuso ng sangkatauhan ang nilayon ni Jehova para sa kanila? (b) Ano ang resulta?
2 Tayo ngayon ay nabubuhay sa isang mapagpalugod-sa-sariling lipunan na ang mga tao’y abala sa paghahangad ng kaluguran at kasiyahan. Maraming tao ang naging “mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos,” gaya ng inihula ng Bibliya. (2 Timoteo 3:1-4) Sabihin pa, ito ay isang napakalaking kabaligtaran ng layunin ng Diyos na Jehova. Kapag ang paghahangad ng kasiyahan ang naging pinakalayunin, o kapag ang pagpapalugod-sa-sarili ang siyang naging tanging tunguhin, walang tunay na kasiyahan, at ‘ang lahat ay nagiging walang-kabuluhan at paghahabol sa hangin.’ (Eclesiastes 1:14; 2:11) Bunga nito ang sanlibutan ay punung-puno ng mga taong malulungkot at bigo, na humahantong naman sa maraming suliranin sa lipunan. (Kawikaan 18:1) Ang mga tao ay nagiging mapaghinala sa isa’t isa at nababahagi dahil sa lahi, lipi, lipunan, at sa kabuhayan.
3. Paano natin masusumpungan ang tunay na kagalakan at kasiyahan?
3 Ano ngang laking kaibahan ng mga bagay-bagay kung tinularan ng mga tao ang paraan ni Jehova ng pakikitungo sa iba—mabait, bukas-palad, at mapagpatuloy! Niliwanag niya na ang lihim sa tunay na kaligayahan ay hindi nakasalalay sa ating pagsisikap na bigyang-kasiyahan ang ating mga naisin. Sa halip, ito ang susi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Upang makasumpong ng tunay na kagalakan at kasiyahan, dapat nating mapagtagumpayan ang mga balakid at pagkakabaha-bahagi na maaaring humadlang sa atin. At kailangan nating abutin yaong mga kasama nating naglilingkod kay Jehova. Mahalaga na sundin natin ang payo: “Tayo, kung gayon, ay nasa ilalim ng obligasyon na mapagpatuloy na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.” (3 Juan 8) Ang pagiging mapagpatuloy sa mga taong karapat-dapat, hanggang sa abot ng ating makakaya, ay kapaki-pakinabang sa dalawang paraan—nakikinabang kapuwa ang nagbibigay at ang tumatanggap. Sino, kung gayon, ang mga karapat-dapat sa ating ‘mapagpatuloy na pagtanggap’?
“Alagaan ang mga Ulila at mga Babaing Balo”
4. Anong pagbabago sa mga ugnayang pampamilya ang nakikita maging sa ilan na kabilang sa bayan ni Jehova?
4 Bihira sa ngayon ang matatatag na pamilya at maliligayang mag-asawa. Lubhang nabago ang tradisyunal na pamilya dahil sa dumaraming bilang ng mga diborsiyo at mga dalagang ina sa buong daigdig. Bunga nito, marami na naging mga Saksi ni Jehova noong mga nakaraang taon ay galing sa watak-watak na pamilya. Sila ay alinman sa diborsiyado o hiwalay sa kanilang asawa, o kabilang sa mga pamilyang may nagsosolong magulang. Karagdagan pa, gaya ng inihula ni Jesus, ang katotohanang itinuro niya ay nagbunga ng pagkakabaha-bahagi sa maraming pamilya.—Mateo 10:34-37; Lucas 12:51-53.
5. Ano ang sinabi ni Jesus na maaaring pagmulan ng pampatibay-loob para sa mga kabilang sa nababahaging pamilya?
5 Nakapagpapasigla sa ating puso na makitang naninindigan sa katotohanan ang mga baguhan, at malimit natin silang aliwin sa nakapagpapatibay-loob na pangako ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
6. Paano tayo magiging ‘mga kapatid na lalaki, kapatid na babae, ina, at mga anak’ sa “mga ulila at mga babaing balo” na kabilang sa atin?
6 Subalit sino ang ‘mga kapatid na lalaki at kapatid na babae at mga ina at mga anak’ na ito? Ang makita lamang ang isang malaking bilang ng mga tao sa Kingdom Hall, malimit ay sandaan o higit pa, na nagtatawagang magkakapatid ay hindi awtomatikong nagpapadama sa isa na ang mga ito ang kaniyang mga kapatid na lalaki, kapatid na babae, ina, at mga anak. Isaalang-alang ito: Ipinaalaala sa atin ng alagad na si Santiago na upang maging kaayaaya ang ating pagsamba kay Jehova, dapat nating ‘alagaan ang mga ulila at ang mga babaing balo sa kanilang kapighatian at ingatan ang ating sarili na walang batik mula sa sanlibutan.’ (Santiago 1:27) Nangangahulugan ito na hindi natin dapat hayaan ang makasanlibutang mga saloobin ng pagiging nakaririwasa at may mataas na kalagayan ang magpinid sa ating pintuan ng pagdamay sa gayong “mga ulila at babaing balo.” Sa halip, dapat tayong magkusa na ipaabot sa kanila ang ating pakikipagkapuwa at pagkamapagpatuloy.
7. (a) Ano ang tunay na layunin ng pagiging mapagpatuloy sa “mga ulila at mga babaing balo”? (b) Sino pa ang maaaring makibahagi sa pagpapakita ng Kristiyanong pagkamapagpatuloy?
7 Ang pagiging mapagpatuloy sa “mga ulila at mga babaing balo” ay hindi laging nangangahulugan ng pagbibigay sa kanila ng kailangan nilang materyal na mga bagay. Ang mga pamilyang may nagsosolong magulang o ang mga sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon ay hindi naman laging nagigipit sa pananalapi. Gayunman, ang mabuting pagsasamahan, ang kapaligiran ng isang pamilya, at ang pakikisalamuha sa mga taong may iba’t ibang edad, at ang pagsasalu-salo sa espirituwal na mabubuting bagay—ito ang mahahalagang pitak ng buhay. Sa gayon, kung tatandaan na, hindi ang karangyaan ng okasyon, kundi ang diwa ng pag-ibig at pagkakaisa ang siyang mahalaga, ano ngang inam, kung minsan, na maging “ang mga ulila at mga babaing balo” ay maaaring makibahagi sa pagiging mapagpatuloy sa mga kapuwa Kristiyano!—Ihambing ang 1 Hari 17:8-16.
Mayroon Bang mga Banyaga na Kabilang sa Atin?
8. Anong pagbabago ang nakikita sa maraming kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova?
8 Nabubuhay tayo sa panahon ng malawakang paglikas ng mga populasyon. “Mahigit sa 100 milyon katao sa buong daigdig ang naninirahan sa mga bansa na doo’y hindi sila mamamayan, at 23 milyon ang napilitang lumisan sa kanilang sariling bansa,” sabi ng World Press Review. Ang isang tuwirang resulta nito ay na sa maraming lugar, lalo na sa mas malalaking lunsod, ang mga kongregasyon ng bayan ni Jehova na dati’y binubuo lamang ng iisang lahi o nasyonalidad ay mayroon na ngayong mga tao na galing sa iba’t ibang panig ng daigdig. Marahil ay totoo ito sa kinaroroonan ninyo. Subalit paano natin dapat na malasin ang “mga dayuhan” at “mga banyaga” na ito, gaya ng tawag ng sanlibutan sa kanila, na ang wika, kaugalian, at istilo ng pamumuhay ay naiiba sa atin?
9. Anong malubhang patibong ang maaaring sumilo sa atin hinggil sa pangmalas natin sa “mga dayuhan” at “mga banyaga” na pumapasok sa Kristiyanong kongregasyon?
9 Sa simpleng pananalita, hindi natin dapat na hayaang ang hilig na matakot at mapoot sa mga banyaga ang magpadama sa atin na sa paano man ay mas karapat-dapat tayo sa pribilehiyo ng pagkaalam ng katotohanan kaysa doon sa mga nanggaling sa naiiba o sa tinaguriang paganong lupain; ni madama man natin na para bang ang mga baguhang ito ay nanghihimasok sa paggamit ng Kingdom Hall o ng iba pang ari-arian. Kinailangang paalalahanan ni apostol Pablo ang ilan sa unang-siglong mga Judiong Kristiyano, na may gayong pangmalas, na ang totoo ay wala namang sinuman na karapat-dapat; ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ang talagang nagpangyaring maging posible para sa sinuman na magtamo ng kaligtasan. (Roma 3:9-12, 23, 24) Dapat tayong magalak na ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay nakaaabot ngayon sa napakaraming tao na dati, sa paano man, ay napagkaitan ng pagkakataong marinig ang mabuting balita. (1 Timoteo 2:4) Paano natin maipakikita na tunay ang ating pagkamagiliw sa kanila?
10. Paano natin maipakikita na tayo ay taimtim na mapagpatuloy sa “mga banyaga” na kabilang sa atin?
10 Masusunod natin ang payo ni Pablo: “Tanggapin ninyo ang isa’t isa, kung paanong tinanggap din tayo ng Kristo, na ukol sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 15:7) Sa pagkabatid na ang mga tao buhat sa ibang lupain o pinagmulan ay malimit na napagkakaitan, dapat tayong maging mabait at mapagmalasakit sa kanila kapag may kakayahan tayong ipamalas iyon. Dapat natin silang tanggapin sa gitna natin, anupat pakitunguhan ang bawat isa sa kanila “tulad ng katutubo sa inyo,” at ‘ibigin siya kagaya ng iyong sarili.’ (Levitico 19:34) Hindi madaling gawin ito, ngunit magtatagumpay tayo kung tatandaan natin ang payo: “Huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong mga sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”—Roma 12:2.
Bahaginan ang mga Banal
11, 12. Anong pantanging konsiderasyon ang ibinigay sa ilang lingkod ni Jehova sa (a) sinaunang Israel (b) noong unang siglo?
11 Kabilang sa mga totoong karapat-dapat sa ating konsiderasyon at pagkamapagpatuloy ay ang may-gulang na mga Kristiyano na nagpapagal ukol sa ating espirituwal na kapakanan. Si Jehova ay gumawa ng pantanging paglalaan para sa mga saserdote at mga Levita sa sinaunang Israel. (Bilang 18:25-29) Noong unang siglo, pinasigla rin ang mga Kristiyano na asikasuhin yaong mga naglilingkod sa kanila sa pantanging mga tungkulin. Ang ulat sa 3 Juan 5-8 ay nagbibigay sa atin ng isang sulyap sa maibiging kaugnayan na umiiral sa mga unang Kristiyano.
12 Lubhang pinahalagahan ng matanda nang si apostol Juan ang kabaitan at pagiging mapagpatuloy ni Gayo sa ilang naglalakbay ng mga kapatid na isinugo upang dalawin ang kongregasyon. Ang mga kapatid na ito—kasali na si Demetrio, malamang na siyang tagapagdala ng sulat—ay pawang mga estranghero o dating di-kilala ni Gayo. Ngunit sila’y mapagpatuloy na tinanggap sapagkat “alang-alang sa pangalan [ng Diyos] kung kaya sila ay humayo.” Ganito ang pagkasabi ni Juan: “Tayo, kung gayon, ay nasa ilalim ng obligasyon na mapagpatuloy na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.”—3 Juan 1, 7, 8.
13. Sinu-sino na kabilang sa atin ngayon ang lalo nang karapat-dapat sa ‘mapagpatuloy na pagtanggap’?
13 Sa ngayon, sa loob ng organisasyon ni Jehova, marami ang nagpapagal alang-alang sa buong samahan ng magkakapatid. Kasali sa mga ito ang naglalakbay na mga tagapangasiwa, na gumugugol ng kanilang panahon at lakas linggu-linggo sa pagpapatibay sa mga kongregasyon; ang mga misyonero, na iniiwan ang kanilang mga pamilya at kaibigan upang mangaral sa ibang lupain; yaong mga naglilingkod sa mga tahanang Bethel o mga tanggapang pansangay, na nagboboluntaryo ng kanilang serbisyo upang suportahan ang pambuong-daigdig na pangangaral; at yaong naglilingkod bilang mga payunir, na gumugugol ng malaking bahagi ng kanilang panahon at lakas sa ministeryo sa larangan. Pangunahin, lahat ng ito ay nagpapagal, hindi dahil sa anumang personal na kaluwalhatian o pakinabang, kundi dahil sa pag-ibig sa Kristiyanong kapatiran at kay Jehova. Sila ay karapat-dapat nating tularan dahil sa kanilang buong-kaluluwang debosyon at tiyak na sila’y karapat-dapat sa ‘mapagpatuloy na pagtanggap.’
14. (a) Paano tayo nagiging mas mabubuting Kristiyano kapag mapagpatuloy tayo sa mga tapat? (b) Bakit sinabi ni Jesus na pinili ni Maria “ang mabuting bahagi”?
14 Kapag ‘mapagpatuloy na tinanggap natin ang gayong mga tao,’ sabi ni apostol Juan, tayo ay ‘nagiging kamanggagawa sa katotohanan.’ Sa isang diwa tayo ay nagiging mas mabubuting Kristiyano bunga nito. Ito ay dahil sa kasali sa mga gawang Kristiyano ang paggawa ng mabuti sa mga kapananampalataya. (Kawikaan 3:27, 28; 1 Juan 3:18) Mayroon ding mga gantimpala sa ibang paraan. Nang tanggapin nina Maria at Marta si Jesus sa kanilang tahanan, ibig ni Marta na maging isang mabuting punong-abala sa pamamagitan ng paghahanda ng “maraming bagay” para kay Jesus. Naging mapagpatuloy naman si Maria sa naiibang paraan. Siya ay ‘naupo sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakinig sa kaniyang salita,’ at siya’y pinuri ni Jesus dahil sa pagpili ng “mabuting bahagi.” (Lucas 10:38-42) Ang pakikipag-usap at pakikipagtalakayan sa mga may mahahabang taon ng karanasan ang siyang malimit na mga tampok na bahagi ng gabing ginugugol na kasama sila.—Roma 1:11, 12.
Sa mga Natatanging Okasyon
15. Anong natatanging mga okasyon ang maaaring mapatunayang maliligayang panahon para sa bayan ni Jehova?
15 Bagaman hindi sinusunod ng mga tunay na Kristiyano ang popular na mga kaugalian o ipinagdiriwang ang makasanlibutang mga kapistahan at kasayahan, may mga okasyon na sila’y nagsasama-sama upang magkasayahan. Halimbawa, dumalo si Jesus sa isang piging ng kasalan sa Cana at pinag-ibayo ang kagalakan ng okasyon sa pamamagitan ng pagsasagawa roon ng kaniyang unang himala. (Juan 2:1-11) Gayundin sa ngayon, masayang nagsasama-sama ang bayan ni Jehova sa nakakatulad na natatanging mga okasyon, at ang gayong mga pangyayari ay nakukulayan ng angkop na pagdiriwang at kasayahan. Subalit ano nga ba ang angkop?
16. Anong mga tuntunin mayroon tayo hinggil sa wastong paggawi maging sa natatanging mga okasyon?
16 Buhat sa ating pag-aaral ng Bibliya, natutuhan natin kung ano ang angkop na paggawi para sa mga Kristiyano, at sinusunod natin ito sa lahat ng panahon. (Roma 13:12-14; Galacia 5:19-21; Efeso 5:3-5) Ang mga sosyal na pagtitipon, may kinalaman man sa mga kasalan o anumang iba pang dahilan, ay hindi nagbibigay sa atin ng kalayaan na talikuran ang ating Kristiyanong mga pamantayan o gawin ang isang bagay na hindi natin karaniwang ginagawa; ni obligado man tayo na sundin ang lahat ng kaugalian ng lupain na tinitirahan natin. Marami sa mga ito ang salig sa mga gawain o pamahiin ng huwad na relihiyon, at ang iba ay nagsasangkot ng mga paggawing maliwanag na di-kaayaaya sa mga Kristiyano.—1 Pedro 4:3, 4.
17. (a) Anu-anong salik ang nagpapakita na ang piging ng kasalan sa Cana ay napakaorganisado at wastong napangasiwaan? (b) Ano ang nagpapakita na sinang-ayunan ni Jesus ang okasyong iyon?
17 Sa pagbasa ng Juan 2:1-11, hindi mahirap para sa atin na makita na ang okasyon ay marangya at maraming panauhin ang naroroon. Gayunpaman, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay mga panauhing “inanyayahan”; hindi sila dumating nang basta na lamang, bagaman sa paano man ang ilan sa kanila ay malamang na may kaugnayan sa punong-abala. Mapapansin din natin na naroon yaong mga “naglilingkod” gayundin ang isang “tagapangasiwa,” na nagbibigay ng mga tagubilin kung ano ang ihahain o gagawin. Lahat ng ito ay nagpapakita na ang okasyon ay napakaorganisado at wastong napangasiwaan. Nagtapos ang salaysay sa pagsasabi na sa pamamagitan ng kaniyang ginawa roon sa piging, “inihayag [ni Jesus] ang kaniyang kaluwalhatian.” Pipiliin kaya niya ang okasyong iyon upang gawin ang gayon kung ito ay naging isang napakaingay at magulong handaan? Tiyak na hindi.
18. Ano ang dapat na seryosong pag-isipan sa anumang sosyal na okasyon?
18 Kung gayon, kumusta naman ang anumang natatanging mga okasyon na tayo naman ang punong-abala? Ibig nating tandaan na ang layunin ng mapagpatuloy na pagtanggap sa iba ay upang tayong lahat ay “maging mga kamanggagawa sa katotohanan.” Kaya naman, hindi sapat na tawaging isang “Saksing” pagtitipon ang isang okasyon. Maaaring itanong, Iyon ba sa katunayan ay isang patotoo sa kung sino tayo at kung ano ang paniniwala natin? Hindi natin dapat na malasin ang gayong mga okasyon bilang mga pagkakataon upang makita kung hanggang saan tayo makikipagpaligsahan sa sanlibutan sa mga pamamaraan nito, sa pagkagumon sa ‘pagnanasa ng laman at sa pagnanasa ng mga mata at sa pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.’ (1 Juan 2:15, 16) Sa halip, ang mga okasyong ito ay dapat na wastong magpaaninaw ng ating papel bilang mga Saksi ni Jehova, at dapat nating tiyakin na ang ginagawa natin ay sa ikaluluwalhati at ikararangal ni Jehova.—Mateo 5:16; 1 Corinto 10:31-33.
‘Maging Mapagpatuloy Nang Walang Pagbubulung-bulong’
19. Bakit tayo kailangang “maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang pagbubulung-bulong”?
19 Habang patuloy na sumasama ang mga kalagayan sa sanlibutan at lalong nababahagi ang mga tao higit kailanman, kailangang gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang patibayin ang malapit na kaugnayan ng mga tunay na Kristiyano. (Colosas 3:14) Dahil dito, dapat tayong magkaroon ng “masidhing pag-ibig sa isa’t isa,” gaya ng payo sa atin ni Pedro. Pagkatapos, sa praktikal na pananalita, idinagdag niya: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang pagbubulung-bulong.” (1 Pedro 4:7-9) Handa ba tayong magkusa na maging mapagpatuloy sa ating mga kapatid, anupat magsumikap na maging mabait at matulungin? O bumubulung-bulong tayo kapag bumangon ang gayong pagkakataon? Kung gayon, pinawawalang-saysay natin ang kagalakan na maaari nating taglayin at naiwawala natin ang kaligayahan na gantimpala sa paggawa ng mabuti.—Kawikaan 3:27; Gawa 20:35.
20. Anong mga pagpapala ang naghihintay sa atin kung kaugalian natin na maging mapagpatuloy sa nababahaging sanlibutan sa ngayon?
20 Ang pakikipagtulungan sa ating mga kapuwa Kristiyano, pagiging mabait at mapagpatuloy sa isa’t isa, ay magdudulot ng walang-hanggang mga pagpapala. (Mateo 10:40-42) Sa gayong mga tao ay nangako si Jehova na kaniyang ‘ilulukob ang kaniyang tolda sa kanila. Hindi na sila magugutom pa ni mauuhaw pa man.’ Ang pagkanaroroon sa tolda ni Jehova ay nangangahulugan ng pagtatamasa ng kaniyang proteksiyon at pagkamapagpatuloy. (Apocalipsis 7:15, 16; Isaias 25:6) Oo, nariyan lamang sa unahan ang pag-asa na tamasahin magpakailanman ang pagkamapagpatuloy ni Jehova.—Awit 27:4; 61:3, 4.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang hindi natin dapat na kaligtaan kung nais nating makasumpong ng tunay na kagalakan at kasiyahan?
◻ Sino ang “mga ulila at mga babaing balo,” at paano natin sila dapat na “alagaan”?
◻ Paano natin dapat na malasin ang “mga dayuhan” at “mga banyaga” na kabilang sa atin?
◻ Sinu-sino ang karapat-dapat sa pantanging konsiderasyon sa ngayon?
◻ Paano dapat na maaninaw ang tunay na diwa ng pagkamapagpatuloy sa mga natatanging okasyon?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Sa masasayang okasyon ay maaari tayong maging mapagpatuloy sa mga banyaga, mga batang walang-ama, sa mga nasa buong-panahong paglilingkod, at sa ibang mga panauhin