Pangangalaga sa mga Pag-aari ng Panginoon
1 Noong panahon ng Bibliya, ang isang katiwala ay humahawak ng isang posisyon na may malaking pananagutan. Binigyan ni Abraham ng atas ang kaniyang katiwala na maghanap ng magiging asawa ng kaniyang anak na si Isaac. (Gen. 24:1-4) Sa diwa, ang katiwala ay may pananagutang tiyakin na magpapatuloy ang angkan ni Abraham. Kay laking pananagutan! Hindi kataka-taka na sabihin ni apostol Pablo: “Ang hinahanap sa mga katiwala ay na masumpungang tapat ang isang tao”!—1 Cor. 4:2.
Pagiging Katiwalang Kristiyano
2 Ang ilang aspekto ng ministeryong Kristiyano ay inilalarawan sa Bibliya bilang mga pananagutan ng katiwala. Halimbawa, si apostol Pablo ay nagsalita sa mga taga-Efeso tungkol “sa pagiging katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ibinigay sa akin ukol sa inyo.” (Efe. 3:2; Col. 1:25) Minalas niya ang kaniyang atas na dalhin ang mabuting balita sa mga bansa bilang isang bagay na ipinagkatiwala na dapat niyang gawin nang buong-katapatan. (Gawa 9:15; 22:21) Sumulat si apostol Pedro sa kaniyang mga pinahirang kapatid: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang pagbubulung-bulong. Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang maiinam na katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Ped. 4:9, 10; Heb. 13:16) Anuman ang taglay na materyal niyaong mga unang-siglong Kristiyano ay bunga ng di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova. Samakatuwid, sila’y mga katiwala ng mga bagay na iyon at kailangang gamitin ang mga ito sa maka-Kristiyanong paraan.
3 Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay may gayunding pangmalas sa mga bagay-bagay. Inialay nila ang kanilang sarili sa Diyos na Jehova at minamalas ang lahat ng taglay nila—ang kanilang buhay, ang kanilang pisikal na lakas, ang kanilang materyal na ari-arian—bilang mga bunga ng “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” Bilang maiinam na katiwala, nadarama nilang mananagot sila sa Diyos na Jehova sa paraan ng kanilang paggamit sa mga bagay na ito. Bukod dito, binigyan sila ng kaalaman tungkol sa mabuting balita. Ito rin naman ay isang ipinagkatiwalang bagay na nais nilang gamitin sa pinakamainam na paraan hangga’t maaari: upang dakilain ang pangalan ni Jehova at upang tulungan ang iba na magkaroon ng kaalaman sa katotohanan.—Mat. 28:19, 20; 1 Tim. 2:3, 4; 2 Tim. 1:13, 14.
4 Paano ginagampanan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga pananagutan bilang mga katiwala? Ang taunang ulat ay nagpapakita na nito lamang nakaraang taon, sa buong daigdig ay gumugol sila ng mahigit na isang bilyong oras sa pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian” at nagdaos ng mahigit na 4,500,000 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. (Mat. 24:14) Ang kanilang katapatan bilang mga katiwala ni Jehova ay ipinakita rin ng kanilang bukas-palad na pag-aabuloy para sa pambuong-daigdig na gawain at sa pagsuporta sa mga lokal na Kingdom Hall, sa pamamagitan ng kanilang pagkamapagpatuloy sa mga naglalakbay na tagapangasiwa at sa iba pa, at sa kanilang namumukod-tanging kabaitan sa mga lubhang nangangailangan—tulad ng mga biktima ng armadong labanan. Bilang isang grupo, pinangangalagaang mabuti ng mga tunay na Kristiyano ang mga pag-aari ng Panginoon.
“Ang Tapat na Katiwala, ang Isa na Maingat”
5 Ang pagiging katiwala ay hindi lamang kumakapit sa isang indibiduwal kundi maging sa isang organisasyon. Tinawag ni Jesus ang pinahirang Kristiyanong kongregasyon sa lupa bilang “ang tapat na katiwala, ang isa na maingat.” (Luc. 12:42) Ang pananagutan ng “tapat na katiwala[ng]” ito ay ang maglaan ng “pagkain” at manguna sa internasyonal na pangangaral ng mabuting balita. (Apoc. 12:17) Kaugnay nito, ang uring tapat na katiwala, na kinakatawanan ng Lupong Tagapamahala, ay may bigay-Diyos na pananagutan na pangasiwaan nang wasto ang materyal at espirituwal na “mga talento” nito. (Mat. 25:15) Kasuwato ng halimbawa ng ‘tapat na katiwala,’ ang mga korporasyon ng bawat sangay ay gumagawa ng lahat ng pagsisikap upang gamitin ang lahat ng pinansiyal na kontribusyon sa tamang paraan, upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian. Lahat ng gayong donasyon ay ipinagkakatiwala, at “ang tapat na katiwala, ang isa na maingat” ang siyang may pananagutang tumiyak na nagagamit ang mga ito sa itinakdang layunin at na ang mga ito ay pinangangasiwaan nang may katalinuhan, may katipiran, at sa mabisang paraan.
6 Ang isang halimbawa ng matalinong paggamit ng iniabuloy na pondo ay makikita sa paglago ng gawaing paglilimbag ng mga Saksi ni Jehova nitong ika-20 siglo. Ang pamamahagi ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya—mga magasin, aklat, brosyur, buklet, tract, at mga Kingdom News—ay gumanap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng “mabuting balita” sa “mga huling araw” na ito. (Mar. 13:10; 2 Tim. 3:1) At ang magasing Bantayan ay naging pangunahing instrumento sa paglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” sa “sambahayan ng Diyos” at sa kanilang mga kasamahan, ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa.”—Mat. 24:45; Efe. 2:19; Apoc. 7:9; Juan 10:16.
7 Sa simula, lahat ng literatura ng mga Saksi ni Jehova ay ginagawa ng mga komersiyal na palimbagan. Subalit noong mga taon ng 1920, napagpasiyahan na magiging mas epektibo at mas matipid kung ang mga lingkod ni Jehova mismo ang maglilimbag. Bagaman nagsimula sa maliit na antas noong 1920, ang gawaing paglilimbag ay unti-unting lumago sa Brooklyn, New York, hanggang sa ito’y maging napakalaki. Pagsapit ng 1967 ang gayong mga pasilidad ay sumaklaw sa apat na bloke ng lunsod. Ang paglilimbag ay isinagawa rin sa ibang lupain, subalit karamihan sa mga ito ay pansamantalang inihinto dahil sa Digmaang Pandaigdig II.
8 Gaano man ang inilaki ng mga palimbagan sa Estados Unidos, hindi ito nakasapat upang tustusan ang buong daigdig. Kaya naman, sa sumunod na mga taon pagkatapos ng digmaan, ang mga palimbagan ay itinayo o nasa kasagsagan ng pagtatayo sa maraming ibang bansa, kasali na ang Canada, Denmark, Inglatera, Gresya, Timog Aprika, Switzerland, at Kanlurang Alemanya. Sa pagsisimula ng dekada ng 1970, naidagdag sa talaan ang Australia, Brazil, Finland, Ghana, Hapon, Nigeria, at ang Pilipinas. Ang ilan sa mga bansang ito ay gumagawa rin ng mga pinabalatang aklat. Gayunman, sa unang mga taon ng 1970, ang mga misyonero ng Gilead ay sinanay upang maging bihasa sa paglilimbag at ipinadala sa ilan sa mga lupaing ito upang tumulong sa mga lokal na kapatid sa gawaing paglilimbag.
9 Noong mga taon ng 1980, ang bilang ng mga bansa na doo’y nililimbag ang mga magasin ay umabot sa pinakamataas na bilang na 51.a Kay inam na paggamit ng mga pag-aari ng Panginoon ang lahat ng ito! Isa ngang matibay na ebidensiya ng paglago ng gawaing pang-Kaharian! At napakapuwersang patotoo nito sa bukas-palad na pagsuporta ng milyun-milyong indibiduwal na mga Saksi ni Jehova na ‘nagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng kanilang ari-arian’! (Kaw. 3:9) Samakatuwid, pinatunayan nilang sila’y maiinam na katiwala ng mga ipinagkaloob ni Jehova sa iba’t ibang paraan.
Isang Pagbabago ng Pansin
10 Noong mga taon ng 1970 at sa pasimula ng dekada ng 1980, malalaking pagsulong ang nagawa sa teknolohiya ng paglilimbag, anupat ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang mas bagong mga pamamaraan ng paglilimbag. Dati, ginamit nila ang tradisyonal na letterpress na istilo ng paglilimbag. Ito ay unti-unting nagbago mula nang gamitin nila ang mas modernong offset printing. Bunga nito, magagandang publikasyon ang nagagawa na may makukulay na ilustrasyon, sa halip na dalawang kulay na mga larawan (itim at isa pang kulay) na ginagamit sa mga lumang letterpress. Bukod dito, binago ng teknolohiya sa computer ang buong prepress operation (paghahanda para sa paglilimbag). Ang mga Saksi ni Jehova ay bumuo ng isang Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS), isang sistema sa computer na tumutulong ngayon sa paglilimbag sa mahigit na 370 iba’t ibang wika. Walang komersiyal na programa ang makakapantay sa MEPS sa kakayahan nitong magamit sa iba’t ibang wika.
11 Dahil sa teknolohiyang ito sa computer na tinaguriang MEPS at sa paggamit ng iba pang pamamaraan tulad ng electronic mail, isa pang malaking pagsulong ang naisagawa sa paglalaan ng pagkain sa tamang panahon. Dati, noong ginagamit ang mas lumang teknolohiya, ang mga magasing hindi Ingles ay naglalaman ng mga impormasyon na huli ng ilang buwan o isang taon pa nga kung ihahambing sa Ingles. Ngayon, Ang Bantayan ay sabay-sabay na lumalabas sa 115 iba’t ibang wika, at ang Gumising! ay sa 62 wika. Nangangahulugan ito na sa buong daigdig ay pare-parehong pinag-aaralan ang iisang materyal na mahigit na 95 porsiyento ng mga dumadalo sa lingguhang Pag-aaral sa Bantayan ng mga Saksi ni Jehova. Isa ngang pagpapala ito! Tiyak na isang mainam na paggamit sa mga pag-aari ng Panginoon ang paggastos para sa lahat ng bagong teknolohiyang iyan!
Iba’t Ibang Pangangailangan ng Organisasyon
12 Binago ng mga bagong sistemang ito ang mga pangangailangan ng organisasyon hinggil sa pambuong-daigdig na paglilimbag ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga web offset press ay mas mabilis kaysa sa mga lumang letterpress, ngunit mas mahal din ang mga ito. Ang mga sistema sa computer na tumutulong sa magkakaugnay na gawain, gaya ng pagsulat, pagsasalin, pagguhit, at pagsasalarawan, ay mas mahal din bagaman makapupong higit ang nagagawa nito kaysa sa mga lumang sistema. Nang maglaon ay naging maliwanag na hindi na nakatitipid ang pag-iimprenta ng mga magasin sa 51 iba’t ibang bansa. Kaya naman, noong mga taon ng 1990, muling sinuri ng “tapat na katiwala” ang situwasyon. Ano ang napagpasiyahan?
13 Ipinakita ng mga pag-aaral na ang “mga pag-aari” na iniaabuloy ng mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga kaibigan ay mas mabisang magagamit kung ang paglilimbag ay pagsasama-samahin. Kaya ang bilang ng naglilimbag na mga sangay ay unti-unting binawasan. Binalikat na ng Alemanya ang paglilimbag ng mga magasin at literatura para sa maraming lupain sa Silangan at Kanlurang Europa, kasali na ang marami na dating gumagawa ng sariling paglilimbag. Sinusuplayan ng Italya ng mga magasin at literatura ang mga bahagi ng Aprika at timog-silangang Europa, kasali na ang Gresya at Albania. Sa Aprika, ang paglilimbag ng magasin ay ginagawa na lamang sa Nigeria at Timog Aprika. Gayunding pagsasama-sama ang nagaganap sa palibot ng daigdig.
Mga Bagay na Dapat Timbangin
14 Pagsapit ng Hulyo 1998, ang paglilimbag ng mga magasin ay inaasahang ititigil na sa ilang bansa sa Europa, kasali rito ang Austria, Denmark, Pransiya, Gresya, ang Netherlands, at Switzerland. Ang pananagutang maglimbag sa Europa ay babalikatin ng Britanya, Finland, Alemanya, Italya, Espanya, at Sweden. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang di-kinakailangang gastos at ang mga kontribusyon ay magagamit sa mas mabuting paraan para sa pambuong daigdig na gawain. Paano pinagpasiyahan kung aling mga bansa ang magpapatuloy bilang mga dakong palimbagan at kung alin ang hihintong maglimbag? Sa pagsunod sa atas nito na may-katalinuhang pangasiwaan ang mga pag-aari ng Panginoon, “ang tapat na katiwala” ay buong-ingat na nagsuri sa pagiging praktikal ng pag-iimprenta sa bawat lugar.
15 Ang pagiging praktikal ang siyang pangunahing dahilan kung bakit itinigil ang paglilimbag sa ilang bansa at pinagsama-sama ang iba pa. Mas kombinyente at mas kapaki-pakinabang ang paggamit sa mamahaling mga kasangkapan kung isang bansa ang maglilimbag ng literatura para sa maraming iba pang lupain. Isinasagawa ngayon ang paglilimbag kung saan mas mura ang gastusin, may makukuhang materyales, at mahusay ang mga pasilidad sa pagpapadala. Samakatuwid, ang mga pag-aari ng Panginoon ay ginagamit nang wasto. Sabihin pa, ang paghinto ng paglilimbag sa isang bansa ay hindi nangangahulugan na hihinto ang gawaing pangangaral doon. Magkakaroon pa rin ng saganang suplay ng makukuhang lathalain, at ang daan-daang libong Saksi ni Jehova sa mga lupaing iyon ay magpapatuloy sa masigasig na pakikipag-usap sa kanilang kapuwa hinggil sa “mabuting balita ng kapayapaan.” (Efe. 2:17) Bukod dito, ang muling pag-oorganisang ito ay nagdulot ng iba pang pakinabang.
16 Upang banggitin ang isang pakinabang, karamihan sa mga modernong makinang panlimbag sa Denmark, Gresya, ang Netherlands, at Switzerland ay ipinadala sa Nigeria at sa Pilipinas. Tinanggap ng mga bihasang opereytor mula sa mga bansa sa Europa ang paanyayang sumama sa paghahatid ng mga makinang panlimbag at sanayin sa paggamit ang mga lokal na opereytor. Kaya naman, ang mga bansang iyon ay nagkakaroon ngayon ng mga magasin na may matataas na kalidad gaya ng sa ibang lupain.
17 Isaalang-alang ang isa pang pakinabang: Ang halaga ng paglilimbag ng magasin ay binabalikat ngayon ng iilang lupain na kung saan nagpapatuloy ang paglilimbag. Bunga nito, sa mga lupain na inihinto ang paglilimbag, magagamit ngayon ang mga pananalapi sa ibang layunin, tulad ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall at pagtulong sa pangangalaga sa mga pangangailangan ng ating mga kapatid sa mas mahihirap na lupain. Samakatuwid, ang maingat na paggamit sa mga pag-aari ng Panginoon ay nangangahulugan na ang mga salita ni Pablo sa mga taga-Corinto ay maaaring ikapit nang lalong mabisa sa internasyonal na lawak: “Hindi ko layon na maging madali iyon para sa iba, ngunit mahirap sa inyo; kundi sa pamamagitan ng pagpapantay-pantay ay mapunan ng inyong labis sa ngayon ang kanilang kakulangan . . . nang sa gayon ay magkaroon ng pagpapantay-pantay.”—2 Cor. 8:13, 14.
18 Bilang resulta ng pagsasama-samang ito, lalong nagkalapit nang higit kailanman ang ugnayan ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Hindi suliranin para sa mga Saksi sa Denmark na mailimbag ang kanilang mga magasin sa Alemanya, bagaman dati ay naglilimbag sila para sa kanilang sarili. Nagpapasalamat sila sa paglilingkod ng kanilang mga kapatid na Aleman. Ikinalulungkot ba ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ang bagay na nagagamit ang kanilang mga abuloy upang maglaan ng literatura sa Bibliya para sa Denmark—o para sa Russia, Ukraine, at iba pang lupain? Hinding-hindi! Sila’y nagagalak na malaman na ang mga abuloy ng kanilang mga kapatid sa mga lupaing iyon ay maaari na ngayong gamitin para sa ibang kinakailangang bagay.
Pangangasiwa sa mga Pag-aari
19 Sa bawat Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, may isang kahong abuluyan na minarkahang “Kontribusyon Para sa Pambuong-Daigdig na Gawain ng Samahan—Mateo 24:14.” Ang hindi kinalap na mga kontribusyon mula sa mga kahong iyon ay maaaring gamitin saanman may pangangailangan. Pinagpapasiyahan ng “tapat na katiwala” at ng mga korporasyon ng bawat sangay kung paano gagamitin ang mga kontribusyon. Kaya naman, kapag pinahihintulutan ng batas, ang salaping inihulog sa isang kahong abuluyan sa isang bansa ay maaaring sumuporta sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa na libu-libong kilometro ang layo. Ginamit ang mga kontribusyon upang maglaan ng dagliang tulong para sa mga kapananampalatayang naghihirap bunga ng mga unos, buhawi, lindol, at mga gera sibil. At ang gayong mga abuloy ay ginagamit upang suportahan ang mga misyonero sa mahigit na 200 lupain.
20 Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, bilang pangkalahatang tuntunin, ang pinansiyal na mga bagay ay binabanggit nang minsan lamang sa isang buwan—at sa loob lamang ng ilang minuto. Walang inililibot na mga pangolektang plato sa mga Kingdom Hall o sa mga asamblea. Hindi nangingilak sa mga indibiduwal para sa mga pondo. Walang inuupahang tagapangilak ng pondo. Karaniwan, Ang Bantayan ay may iisang artikulo lamang sa loob ng isang taon na nagpapaliwanag kung paanong yaong mga nagnanais ay makapag-aabuloy sa Watch Tower Bible and Tract Society upang masuportahan ang pambuong-daigdig na gawain. Hindi regular na binabanggit ang pananalapi ng Samahan sa Gumising! Paano, kung gayon, naisasakatuparan ang napakalaki at pambuong-daigdig na gawaing pangangaral ng mabuting balita, pagtatayo ng kinakailangang mga Kingdom Hall, pangangalaga sa mga nasa buong-panahong paglilingkuran, at pagbibigay ng tulong sa mga Kristiyanong nangangailangan? Pinagpala ni Jehova sa kamangha-manghang paraan ang kaniyang bayan ng espiritu ng pagkabukas-palad. (2 Cor. 8:2) Nais naming samantalahin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang lahat ng nakibahagi sa ‘pagluwalhati kay Jehova sa pamamagitan ng kanilang pag-aari.’ Makatitiyak sila na ipagpapatuloy ng “tapat na katiwala” ang pangangalaga sa mga pag-aari ng Panginoon. At idinadalangin namin na patuloy sanang pagpalain ni Jehova ang lahat ng ginawang kaayusan para sa pagpapalawak ng gawain sa buong daigdig.
[Talababa]
a Sa pito sa mga lupaing ito, ang paglilimbag ay ginagawa ng mga komersiyal na kompanya.