Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ipinahihiwatig ng Bibliya tungkol sa parusang kamatayan, ang pagbitay, para sa mga kriminal?
Mauunawaan naman, bawat isa sa atin ay maaaring may personal na damdamin hinggil dito, salig sa ating naging karanasan o situwasyon sa buhay. Gayunman, bilang mga Saksi ni Jehova, dapat nating sikaping makasuwato sa kaisipan ng Diyos tungkol sa parusang kamatayan, samantalang nananatiling neutral may kinalaman sa pulitikal na mga paninindigan ng marami hinggil sa isyung ito.
Sa tuwirang pananalita, sa kaniyang nasusulat na Salita, hindi ipinahiwatig ng Diyos na mali ang parusang kamatayan.
Maaga sa kasaysayan ng tao, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang kaisipan hinggil dito, gaya ng mababasa natin sa Genesis kabanata 9. Ito ay tungkol kay Noe at sa kaniyang pamilya, na naging mga ninuno ng buong pamilya ng tao. Paglabas nila sa daong, sinabi ng Diyos na maaari nilang kainin ang mga hayop—alalaong baga, ang mga hayop ay maaaring katayin, patuluin ang dugo, at kainin. Pagkatapos, sa Genesis 9:5, 6, sinabi ng Diyos: “Bukod sa riyan, ang dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko. Mula sa kamay ng bawat nilalang na buháy ay sisingilin ko iyon; at mula sa kamay ng tao, mula sa kamay ng bawat isa na kaniyang kapatid, ay sisingilin ko ang kaluluwa ng tao. Sinumang magbububo ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao ang kaniyang sariling dugo ay ibububo, sapagkat sa larawan ng Diyos ay ginawa niya ang tao.” Kaya si Jehova ay nagpahintulot sa parusang kamatayan para sa mga mamamaslang.
Samantalang nakikitungo ang Diyos sa Israel bilang kaniyang bayan, may iba’t iba pang malulubhang paglabag sa batas ng Diyos ang pinapatawan ng parusang kamatayan. Sa Bilang 15:30, mababasa natin ang ganitong malawak na pananalita: “Ang kaluluwa na makagawa ng anumang bagay na sinasadya, katutubo man siya sa lupain o naninirahang dayuhan, na nagsalita nang may-paglapastangan kay Jehova, ang kaluluwang iyon kung gayon ay dapat putulin mula sa gitna ng kaniyang bayan.”
Subalit kumusta naman pagkatapos na maitatag ang Kristiyanong kongregasyon? Buweno, alam natin na pinahintulutan ni Jehova na umiral ang mga pamahalaan ng tao, at tinawag niya ang mga ito bilang nakatataas na mga awtoridad. Sa katunayan, matapos payuhan ang mga Kristiyano na maging masunurin sa gayong mga awtoridad sa pamahalaan, sinasabi ng Bibliya na ang mga ito ay nagsisilbing ‘ministro ng Diyos sa iyo para sa iyong kabutihan. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, matakot ka: sapagkat hindi nito taglay ang tabak nang walang layunin; sapagkat ministro ito ng Diyos, isang tagapaghiganti upang magpahayag ng poot sa nagsasagawa ng masama.’—Roma 13:1-4.
Ibig bang sabihin nito na ang mga pamahalaan ay awtorisadong pumatay ng mga kriminal na nagkasala nang malubha? Buhat sa mga salita sa 1 Pedro 4:15, mahihinuha natin na oo. Sa talatang iyan ay pinayuhan ng apostol ang kaniyang mga kapatid: “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamaslang o magnanakaw o manggagawa ng kasamaan o bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” Napansin ba ninyo, “huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamaslang”? Hindi ipinahiwatig ni Pedro na ang mga pamahalaan ay walang karapatang magparusa sa isang mamamaslang dahil sa kaniyang ginawang krimen. Sa kabaligtaran, ipinahiwatig niya na ang mamamaslang ay maaaring wastong lapatan ng kaukulang parusa. Kasali ba rito ang parusang kamatayan?
Maaari. Maliwanag ito mula sa mga salita ni Pablo na masusumpungan sa Gawa kabanata 25. Si Pablo ay inakusahan ng mga Judio ng mga paglabag sa kanilang Batas. Nang ipadala ang kaniyang bilanggo, si Pablo, sa Romanong gobernador, ang kumandante ng militar ay nag-ulat, gaya ng nakatala sa Gawa 23:29: “Nasumpungan kong inaakusahan siya may kinalaman sa mga katanungan tungkol sa kanilang Batas, ngunit hindi napararatangan ng isa mang bagay na karapat-dapat sa kamatayan o mga gapos.” Pagkaraan ng dalawang taon ay humarap si Pablo kay Gobernador Festo. Mababasa natin sa Gawa 25:8: “Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol: ‘Hindi ako nakagawa ng anumang kasalanan laban sa Batas ng mga Judio ni laban sa templo ni laban kay Cesar.’ ” Subalit ngayon ay pansinin ang kaniyang sinabi hinggil sa parusa, maging sa parusang kamatayan. Mababasa natin sa Gawa 25:10, 11:
“Sinabi ni Pablo: ‘Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar, kung saan dapat akong hatulan. Wala akong ginawang anumang mali sa mga Judio, gaya ng napag-aalaman mo rin nang lubusan. Kung, sa isang dako, ako ay talagang isang manggagawa ng kamalian at nakagawa ng bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tumatangging mamatay; kung, sa kabilang dako, walang umiiral sa mga bagay na iyon na iniaakusa sa akin ng mga taong ito, walang taong makapagbibigay sa akin sa kanila bilang pabor. Umaapela ako kay Cesar!’ ”
Si Pablo, na nakatayo sa harap ng inatasang awtoridad, ay umamin na may karapatan si Cesar na parusahan ang mga manggagawa ng masama, kahit hanggang kamatayan. Hindi niya tinutulan ang parusa sa kaniyang kaso kung talagang may sala siya. Isa pa, hindi niya sinabi na maipapataw lamang ni Cesar ang parusang kamatayan sa mga mamamaslang.
Kung sa bagay, ang sistemang panghukuman ng Roma ay hindi sakdal; ni ang mga sistema ng korte ng tao ngayon. Ang ilang walang-salang tao noon at ngayon ay hinatulan at pinarusahan. Maging si Pilato ay nagsabi tungkol kay Jesus: “Wala akong nasumpungang anuman na karapat-dapat sa kamatayan sa kaniya; kaya nga lalapatan ko siya ng parusa at palalayain siya.” Oo, bagaman inamin ng awtoridad sa pamahalaan na walang sala si Jesus, ang walang-salang taong ito ay pinatay.—Lucas 23:22-25.
Ang gayong kawalang-katarungan ay hindi nag-udyok kay Pablo o Pedro na mangatuwirang talagang di-wasto ang parusang kamatayan. Sa halip, ang kaisipan ng Diyos sa bagay na ito ay na habang umiiral ang nakatataas na mga awtoridad ni Cesar, ‘taglay nila ang tabak upang magpahayag ng poot sa mga nagsasagawa ng masama.’ Kalakip doon ang paggamit ng tabak sa diwa na maggawad ng parusang kamatayan. Subalit pagdating sa kontrobersiyal na isyu hinggil sa kung dapat gamitin ng isang pamahalaan ng sanlibutang ito ang karapatan nitong maggawad ng parusang kamatayan sa mga mamamaslang, maingat na nananatiling neutral ang mga tunay na Kristiyano. Di-tulad ng klero ng Sangkakristiyanuhan, hindi sila nakikisali sa anumang debate tungkol sa paksang ito.