“Patuloy Kayong Magtamo ng Lakas sa Panginoon”
“Patuloy kayong magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.”—EFESO 6:10.
1. (a) Anong pambihirang labanan ang naganap mga 3,000 taon na ang nakalilipas? (b) Bakit nagtagumpay si David?
MGA 3,000 taon na ang nakalilipas, dalawang magkalaban ang nagharap sa gitna ng dalawang magkatunggaling hukbo sa larangan ng digmaan. Ang nakababata ay isang batang pastol na nagngangalang David. Nakatayo sa harap niya si Goliat, isang lalaking may pambihirang lakas at taas. Tumitimbang nang 57 kilo ang kaniyang kutamaya, at may dala siyang napakalaki at napakabigat na sibat at isang malaking tabak. Si David naman ay walang suot na anumang kagayakang pandigma, at isang panghilagpos lamang ang tanging sandata niya. Nainsulto ang higanteng Filisteo na si Goliat dahil bata lamang ang Israelitang lalaban sa kaniya. (1 Samuel 17:42-44) Para sa mga nanonood sa magkabilang panig, malamang na nakikini-kinita na nila kung ano ang mangyayari. Ngunit hindi laging nagwawagi sa pakikipagbaka ang makapangyarihan. (Eclesiastes 9:11) Nagtagumpay si David dahil nakipaglaban siya sa pamamagitan ng lakas ni Jehova. “Kay Jehova ang pagbabaka,” ang sabi niya. Sinasabi ng ulat ng Bibliya na “si David, sa pamamagitan ng isang panghilagpos at isang bato, ay naging mas malakas kaysa sa Filisteo.”—1 Samuel 17:47, 50.
2. Sa anong uri ng labanan nakikipagbaka ang mga Kristiyano?
2 Hindi literal na nakikipagdigma ang mga Kristiyano. Bagaman nakikipagpayapaan sila sa lahat ng tao, nakikipagbaka naman sila sa espirituwal na paraan sa napakalalakas na kalaban. (Roma 12:18) Sa huling kabanata ng kaniyang liham sa mga taga-Efeso, inilarawan ni Pablo ang isang labanan na kinasasangkutan ng bawat Kristiyano. Sumulat siya: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”—Efeso 6:12.
3. Ayon sa Efeso 6:10, ano ang kailangan natin upang matiyak ang ating tagumpay?
3 Ang “balakyot na mga puwersang espiritu” na iyon ay si Satanas at ang mga demonyo, na naghahangad na sirain ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Yamang lubha silang mas malakas kaysa sa atin, para tayong nasa kalagayan ni David, at hindi tayo magtatagumpay kung hindi tayo aasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos. Sa katunayan, hinihimok tayo ni Pablo na ‘patuloy na magtamo ng lakas sa Panginoon at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.’ (Efeso 6:10) Matapos ibigay ang payong iyan, inilarawan ng apostol ang espirituwal na mga paglalaan at ang mga katangiang Kristiyano na tumutulong sa atin upang magtagumpay.—Efeso 6:11-17.
4. Anong dalawang pangunahing punto ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
4 Suriin natin ngayon ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga kakayahan at mga taktika ng ating kaaway. Pagkatapos ay isasaalang-alang naman natin ang estratehiyang pandepensa na kailangan nating gamitin upang ipagsanggalang ang ating sarili. Kung susundin natin ang mga tagubilin ni Jehova, makatitiyak tayo na hindi mananaig sa atin ang mga kaaway natin.
Pakikipagbuno Laban sa Balakyot na mga Puwersang Espiritu
5. Paano tumutulong ang paggamit ng terminong “pakikipagbuno” sa Efeso 6:12 upang maunawaan natin ang estratehiya ni Satanas?
5 Ipinaliliwanag ni Pablo na tayo ay “may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Siyempre pa, ang pangunahing balakyot na espiritu ay si Satanas na Diyablo, “ang tagapamahala ng mga demonyo.” (Mateo 12:24-26) Inilalarawan ng Bibliya ang ating pakikipaglaban bilang “pakikipagbuno,” o manu-manong pakikipagtunggali. Sa mga paligsahan sa pakikipagbuno sa sinaunang Gresya, sinisikap ng bawat kalahok na mawalan ng panimbang ang kaniyang kalaban upang maibuwal ito sa lupa. Sa katulad na paraan, nais ng Diyablo na mawala ang ating espirituwal na pagkatimbang. Paano niya tayo mauudyukang gawin ito?
6. Ipakita mula sa Kasulatan kung paano maaaring gamitin ng Diyablo ang iba’t ibang taktika upang sirain ang ating pananampalataya.
6 Maaaring kumilos ang Diyablo na gaya ng isang serpiyente, isang leong umuungal, o isang anghel ng liwanag pa nga. (2 Corinto 11:3, 14; 1 Pedro 5:8) Puwede niyang gamitin ang mga tao upang usigin tayo at pahinain ang ating loob. (Apocalipsis 2:10) Yamang nasa kapangyarihan ni Satanas ang buong sanlibutan, maaari niyang gamitin ang mga pagnanasa at mga pang-akit nito upang siluin tayo. (2 Timoteo 2:26; 1 Juan 2:16; 5:19) Puwede rin niyang gamitin ang makasanlibutan o apostatang pag-iisip upang iligaw tayo, gaya ng paglinlang niya kay Eva.—1 Timoteo 2:14.
7. Ano ang mga limitasyon ng mga demonyo, at ano ang mga bentaha natin?
7 Bagaman waring napakalakas ng mga sandata at kapangyarihan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, may mga limitasyon sila. Hindi tayo mapipilit ng balakyot na mga espiritung ito na gumawa ng masasamang bagay na magpapalungkot sa ating makalangit na Ama. May kalayaan tayong magpasiya, at kontrolado natin ang ating isip at kilos. Bukod diyan, hindi tayo nag-iisa sa pakikipaglaban. Gaya noong panahon ni Eliseo, totoo rin sa ating panahon ang mga salitang ito: “Mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” (2 Hari 6:16) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung magpapasakop tayo sa Diyos at sasalansangin natin ang Diyablo, tatakas siya mula sa atin.—Santiago 4:7.
Alam Natin ang mga Pakana ni Satanas
8, 9. Anu-anong pagsubok ang pinasapit ni Satanas kay Job upang sirain ang kaniyang katapatan, at anu-anong espirituwal na panganib ang napapaharap sa atin sa ngayon?
8 Hindi tayo walang-alam sa mga pakana ni Satanas dahil isinisiwalat ng Kasulatan ang pangunahing mga taktika niya. (2 Corinto 2:11) Laban sa matuwid na taong si Job, ginamit ng Diyablo ang matitinding problema sa kabuhayan, kamatayan ng mga mahal sa buhay, pagsalansang ng pamilya, pisikal na pagdurusa, at walang-batayang pamimintas ng di-tunay na mga kaibigan. Nanlumo si Job at nakadama na pinabayaan siya ng Diyos. (Job 10:1, 2) Bagaman maaaring hindi si Satanas ang tuwirang sanhi ng mga problemang ito sa ngayon, naaapektuhan pa rin ng gayong mga kahirapan ang maraming Kristiyano, at maaari itong gamitin ng Diyablo para sa kaniyang kapakinabangan.
9 Mabilis ang pagdami ng espirituwal na mga panganib sa panahong ito ng kawakasan. Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan nahahalinhan ng materyalistikong mga gawain ang espirituwal na mga tunguhin. Palaging inilalarawan ng media ang bawal na pakikipagtalik bilang pinagmumulan ng kaligayahan sa halip na dalamhati. At ang karamihan sa mga tao ay naging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Maaaring isapanganib ng ganitong kaisipan ang ating espirituwal na pagkatimbang kung hindi tayo ‘puspusang makikipaglaban ukol sa pananampalataya.’—Judas 3.
10-12. (a) Sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa manghahasik, ano ang isang babala na ibinigay ni Jesus? (b) Ilarawan kung paano masasakal ang espirituwal na mga gawain.
10 Ang isa sa pinakamatagumpay na taktika ni Satanas ay ang gawin tayong abala sa sanlibutang ito at sa materyalistikong mga gawain nito. Sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa manghahasik, nagbabala si Jesus na sa ilang kalagayan “ang kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan ay sumasakal sa salita [ng Kaharian].” (Mateo 13:18, 22) Ang Griegong salita rito na isinaling “sumasakal” ay nangangahulugan ng “lubusang sakalin.”
11 Matatagpuan ang halamang balete sa tropikal na kagubatan. Unti-unti itong lumalaki habang pinalilibutan ang pinakakatawan ng punungkahoy na kinakapitan nito. Unti-unti ring pumupulupot ang patibay nang patibay na mga ugat ng gumagapang na halamang ito sa kinakapitan nitong punungkahoy. Sa kalaunan, ang napakaraming ugat ng balete ang kukuha sa karamihan ng mga nutriyente sa lupang kinatatamnan ng punungkahoy, samantalang ipinagkakait ng lilim nito ang sikat ng araw sa punungkahoy na kinakapitan nito. Sa dakong huli, mamamatay ang punungkahoy na kinakapitan nito.
12 Sa katulad na paraan, ang mga kabalisahan ng sistemang ito at ang pagsisikap na magkamit ng kayamanan at maalwang istilo ng pamumuhay ay unti-unting kukuha ng ating panahon at lakas. Palibhasa’y naibaling na ang ating pansin sa mga bagay ng sanlibutan, madali na nating makakaligtaan ang personal na pag-aaral ng Bibliya at makakaugalian na ang di-pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, sa gayon ay hindi na magtatamasa ng espirituwal na pagkain. Hahalinhan na ngayon ng materyalistikong mga tunguhin ang espirituwal na mga gawain, at sa dakong huli ay madali na tayong maging biktima ni Satanas.
Kailangan Tayong Tumayong Matatag
13, 14. Anong paninindigan ang kailangan nating gawin kapag sinalansang tayo ni Satanas?
13 Hinimok ni Pablo ang mga kapananampalataya na ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ (Efeso 6:11) Siyempre pa, hindi natin malulupig ang Diyablo at ang kaniyang mga demonyo. Iniatas ng Diyos ang gawaing iyan kay Jesu-Kristo. (Apocalipsis 20:1, 2) Gayunman, hangga’t hindi nalilipol si Satanas, kailangan tayong ‘tumayong matatag’ upang hindi tayo madaig ng kaniyang mga pagsalakay.
14 Idiniin din ni apostol Pedro ang pangangailangang tumayong matatag laban kay Satanas. “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” ang sulat ni Pedro. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila. Ngunit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya, yamang nalalaman ninyo na ang gayunding mga bagay sa pamamagitan ng mga pagdurusa ay nagaganap sa buong samahan ng inyong mga kapatid sa sanlibutan.” (1 Pedro 5:8, 9) Ang totoo, mahalaga ang suporta ng ating espirituwal na mga kapatid sa pagtayo nating matatag kapag sumalakay ang Diyablo gaya ng isang leong umuungal.
15, 16. Magbigay ng maka-Kasulatang halimbawa para ipakita kung paano makatutulong ang suporta ng mga kapananampalataya upang makatayo tayong matatag.
15 Kapag umungal ang isang leon sa kaparangan sa Aprika, maaaring kumaripas ng takbo ang kalapit na mga antilope hanggang sa malayo na ang mga ito sa panganib. Subalit ang mga elepante ay naglalaan ng halimbawa ng pagsuporta sa isa’t isa. Ganito ang paliwanag ng aklat na Elephants—Gentle Giants of Africa and Asia: “Ang isang paraan ng depensa na malimit gamitin ng karaniwang kawan ng mga elepante ay ang pagtayo nang nakapalibot, anupat ang mga adulto ay nakaharap sa labas laban sa banta samantalang ang batang mga hayop naman ay ligtas na napalilibutan.” Yamang napapaharap sa gayong pagtatanghal ng lakas at suporta, bihirang salakayin ng mga leon maging ang batang mga elepante.
16 Kapag may banta si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, kailangan din tayong manatiling magkakasama, anupat nakikipagbalikatan sa ating mga kapatid na matatag sa pananampalataya. Inamin ni Pablo na naging “tulong na nagpapalakas” sa kaniya ang ilang kapuwa Kristiyano noong nakabilanggo siya sa Roma. (Colosas 4:10, 11) Minsan lamang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang Griegong salita na isinaling “tulong na nagpapalakas.” Ayon sa Expository Dictionary of New Testament Words ni Vine, “ang anyong pandiwa ng salita ay nagpapahiwatig ng mga gamot na ginagamit para maibsan ang hapdi.” Gaya ng nakagiginhawang panghaplas, maiibsan ng suporta ng may-gulang na mga mananamba ni Jehova ang dalamhating sanhi ng emosyonal at pisikal na pagdurusa.
17. Ano ang makatutulong sa atin upang maging tapat sa Diyos?
17 Ang pampatibay-loob mula sa ating mga kapuwa Kristiyano ay makapagpapatatag sa ating kapasiyahang maglingkod nang tapat sa Diyos. Lalo nang sabik magbigay ng espirituwal na tulong ang Kristiyanong matatanda. (Santiago 5:13-15) Upang maging tapat, kabilang sa mga pantulong ang regular na pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon. Ang matalik na kaugnayan natin mismo sa Diyos ay tumutulong sa atin na manatiling tapat sa kaniya. Tunay nga, tayo man ay kumakain, umiinom, o gumagawa ng anupaman, dapat nating naising gawin ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos. (1 Corinto 10:31) Sabihin pa, mahalaga ang may-pananalanging pananalig kay Jehova upang makapagpatuloy sa landasing kalugud-lugod sa kaniya.—Awit 37:5.
18. Bakit hindi tayo dapat sumuko kahit nasasaid na ang ating lakas dahil sa nakapipighating mga kalagayan?
18 Kung minsan, sumasalakay si Satanas kapag hindi malakas ang ating espirituwalidad. Sinusunggaban ng leon ang isang huminang hayop. Maaaring masaid ang ating espirituwal na lakas dahil sa mga problema sa pamilya, kahirapan sa buhay, o sakit. Ngunit huwag nawa tayong sumuko sa paggawa ng kung ano ang kalugud-lugod sa Diyos, sapagkat sinabi ni Pablo: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Corinto 12:10; Galacia 6:9; 2 Tesalonica 3:13) Ano ang ibig niyang sabihin? Ang ibig niyang sabihin ay mapupunan ng kapangyarihan ng Diyos ang kakulangang dulot ng ating mga kahinaan bilang tao kung babaling tayo kay Jehova para humingi ng lakas. Ipinakikita ng tagumpay ni David laban kay Goliat na kayang palakasin ng Diyos ang kaniyang bayan at talagang pinalalakas niya sila. Mapatutunayan ng makabagong-panahong mga Saksi ni Jehova na sa mga panahon ng matinding krisis, nadama nila ang nagpapalakas na kamay ng Diyos.—Daniel 10:19.
19. Magbigay ng halimbawa upang ipakita kung paano mapalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod.
19 Hinggil sa suportang ibinigay ng Diyos sa kanila, ganito ang isinulat ng isang mag-asawa: “Sa loob ng maraming taon, pinaglingkuran naming mag-asawa si Jehova at tinamasa namin ang maraming pagpapala at nakilala ang maraming mabubuting tao. Sinanay at pinalakas din kami ni Jehova upang matagumpay na mabata ang mga kahirapan. Gaya ni Job, hindi namin laging nauunawaan kung bakit gayon ang nangyayari sa mga bagay-bagay, ngunit alam namin na laging handang tumulong sa amin si Jehova.”
20. Anong maka-Kasulatang patotoo ang nagpapakita na laging inaalalayan ni Jehova ang kaniyang bayan?
20 Ang kamay ni Jehova ay hindi napakaikli para hindi maalalayan at mapalakas ang kaniyang tapat na bayan. (Isaias 59:1) Umawit ang salmistang si David: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” (Awit 145:14) Tunay nga, ang ating makalangit na Ama ay ‘araw-araw na nagdadala ng pasan para sa atin’ at nagbibigay ng talagang kailangan natin.—Awit 68:19.
Kailangan Natin “ang Kumpletong Kagayakang Pandigma Mula sa Diyos”
21. Paano idiniin ni Pablo na kailangan ang kagayakang pandigma?
21 Tinalakay natin ang ilang pamamaraan ni Satanas at ating nakita ang pangangailangang tumayong matatag sa kabila ng kaniyang mga pagsalakay. Kailangan naman nating talakayin ngayon ang isa pang mahalagang paglalaan para matagumpay na maipagtanggol ang ating pananampalataya. Sa kaniyang liham sa mga taga-Efeso, dalawang beses na binanggit ni Pablo ang isang mahalagang salik upang makatayong matatag laban sa mga pakana ni Satanas at magtagumpay sa ating pakikipagbuno laban sa balakyot na mga puwersang espiritu. Sumulat si Pablo: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo . . . Kunin ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos, upang kayo ay makatagal sa balakyot na araw at, pagkatapos ninyong magawa nang lubusan ang lahat ng mga bagay, ay makatayong matatag.”—Efeso 6:11, 13.
22, 23. (a) Ano ang kabilang sa ating espirituwal na kagayakang pandigma? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
22 Oo, kailangan nating isuot “ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” Nang isulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Efeso, binabantayan siya ng mga kawal na Romano, na nagsusuot kung minsan ng kumpletong kagayakang pandigma. Gayunman, kinasihan ng Diyos ang apostol upang talakayin ang espirituwal na kagayakang pandigma na lubhang kailangan ng bawat lingkod ni Jehova.
23 Kabilang sa bigay-Diyos na kagayakang pandigmang ito ang mga katangian na kailangang taglayin ng isang Kristiyano at ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova. Sa susunod na artikulo, susuriin natin ang bawat bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma. Tutulong ito sa atin na matiyak kung hanggang saan tayo nasasangkapan para sa ating espirituwal na pakikipagdigma. Kasabay nito, makikita natin kung paano tumutulong sa atin ang magandang halimbawa ni Jesu-Kristo upang magtagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas na Diyablo.
Paano Mo Sasagutin?
• Sa anong labanan nakikipagbaka ang lahat ng Kristiyano?
• Ilarawan ang ilan sa mga taktika ni Satanas.
• Paano makapagpapalakas sa atin ang suporta ng mga kapananampalataya?
• Kaninong lakas tayo dapat umasa, at bakit?
[Mga larawan sa pahina 11]
Ang mga Kristiyano ay ‘may pakikipagbuno laban sa balakyot na mga puwersang espiritu’
[Larawan sa pahina 12]
Maaaring masakal ng mga kabalisahan ng sistemang ito ang salita ng Kaharian
[Larawan sa pahina 13]
Maaaring maging “tulong na nagpapalakas” ang mga kapuwa Kristiyano
[Larawan sa pahina 14]
Nananalangin ka ba para palakasin ng Diyos?