HALIK
Noong panahon ng Bibliya, nagsilbing palatandaan ng pagmamahal o paggalang ang paghalik o pagdampi ng mga labi ng isang tao sa mga labi ng iba (Kaw 24:26), sa pisngi ng ibang tao, o, sa natatanging kaso, pati sa kaniyang mga paa (Luc 7:37, 38, 44, 45). Pangkaraniwan ang paghalik hindi lamang sa pagitan ng mga lalaki at mga babae na magkakamag-anak (Gen 29:11; 31:28) kundi maging sa gitna ng mga lalaking magkakamag-anak. (Gen 27:26, 27; 45:15; Exo 18:7; 2Sa 14:33) Isa rin naman itong tanda ng pagmamahal sa gitna ng matalik na magkakaibigan.—1Sa 20:41, 42; 2Sa 19:39.
Ang halik ay maaaring kaakibat ng isang pagpapala. (Gen 31:55) Halimbawa, hinalikan at niyakap ng matanda nang si Israel, o Jacob, ang mga anak ni Jose, sina Efraim at Manases, bago niya pinagpala ang kanilang ama at sila. (Gen 48:8-20) Nang matapos ng patriyarka ang pag-uutos sa kaniyang 12 anak, siya’y pumanaw, at “sumubsob si Jose sa mukha ng kaniyang ama at tumangis sa kaniya at hinalikan siya.” (Gen 49:33–50:1) Hinalikan din ni Samuel si Saul nang pahiran niya siya bilang unang hari ng Israel.—1Sa 10:1.
Ang isang magiliw na pagbati ay nilalakipan ng paghalik, marahil ay may kasamang pagtangis at pagyakap. (Gen 33:4) Sa ilustrasyon ni Jesu-Kristo, ang ama ng alibughang nagbalik ay sumubsob sa leeg ng kaniyang anak at “magiliw siyang hinalikan.” (Luc 15:20) May kasama ring paghalik ang isang maibiging pamamaalam. (Gen 31:55; Ru 1:9, 14) Noong malapit nang lisanin ni Pablo ang Mileto, lubhang naantig ang matatandang lalaki ng kongregasyon ng Efeso anupat sila’y tumangis at ‘sumubsob sa leeg ni Pablo at magiliw siyang hinalikan.’—Gaw 20:17, 37.
Pahapyaw na binabanggit ng Bibliya ang mga halik na kaugnay ng pag-iibigan ng mga di-magkasekso. (Sol 1:2; 8:1) Sa pagpapayo nito na magbantay laban sa mga pakana ng babaing balakyot, ang aklat ng Mga Kawikaan ay nagbababala tungkol sa mapang-akit na halik ng isang patutot.—Kaw 7:13.
May mga halik na maaaring paimbabaw. Palibhasa’y may-katusuhang naghahangad ng kapangyarihan, hinalikan ni Absalom ang mga taong lumalapit upang yumukod sa kaniya. (2Sa 15:5, 6) Ang halik ng taksil na si Joab ay nangahulugan ng kamatayan sa walang kahina-hinalang si Amasa. (2Sa 20:9, 10) Gayundin, sa pamamagitan ng isang mapandayang halik ay ipinagkanulo ni Hudas Iscariote si Jesu-Kristo.—Mat 26:48, 49; Mar 14:44, 45.
Huwad na Pagsamba. Ang paghalik bilang isang gawa ng pagsamba sa huwad na mga diyos ay ipinagbawal ni Jehova, na bumanggit ng 7,000 lalaking hindi nagluhod ng tuhod kay Baal at hindi humalik sa kaniya. (1Ha 19:18) Sinaway ang Efraim dahil sa paggawa ng mga idolo at sa pagsasabing: “Halikan ng mga taong tagapaghain ang hamak na mga guya.” (Os 13:1-3) May kaugalian naman ang mga Griego at mga Romano na maghagis ng halik sa kanilang mga idolo sa pamamagitan ng kanilang kamay, kapag ang mga ito ay malayo sa kanila, at sa ganitong paraan din nila binabati ang sumisikat na araw. Maaaring tinutukoy ng Job 31:27 ang isang katulad na idolatrosong kaugalian.
Ang “Banal na Halik.” Sa gitna ng unang mga Kristiyano, may tinatawag noon na “banal na halik” (Ro 16:16; 1Co 16:20; 2Co 13:12; 1Te 5:26) o “halik ng pag-ibig” (1Pe 5:14), anupat posibleng ipinagkakaloob sa mga kasekso. Ang sinaunang Kristiyanong paraan na ito ng pagbati ay maaaring katumbas ng sinaunang kaugaliang Hebreo na pagbati sa pamamagitan ng halik. Bagaman ang Kasulatan ay hindi naglalaan ng mga detalye, maliwanag na masasalamin sa “banal na halik” o “halik ng pag-ibig” ang nakapagpapatibay na pag-ibig at pagkakaisang umiiral sa kongregasyong Kristiyano.—Ju 13:34, 35.
Makasagisag na Paggamit. Ang paghalik, bilang pagpapamalas ng paggalang at debosyon, ay binabanggit sa kinasihang payo na ‘maglingkod kay Jehova nang may takot’ at ‘hagkan ang anak, upang hindi Siya magalit at hindi kayo malipol mula sa daan.’ (Aw 2:11, 12) Ang mga taong malugod na tumutugon at nagpapasakop sa isa na inatasan ng Diyos bilang Hari at sa kaniyang Kaharian ay tatanggap ng saganang mga pagpapala kapag dumating ang panahon na maaari nang sabihin: “Ang katuwiran at ang kapayapaan—sila ay naghalikan,” dahil magiging malinaw sa lahat na ang kaugnayan ng dalawang ito ay gaya ng malapít na pagsasamahan ng magiliw na magkakaibigan.—Aw 85:10.