Ang Inyo Bang Anak na Kabataan ay ‘Lumalaki Patungo sa Kaligtasan’?
LAHAT ng mga magulang na Kristiyano ay naghahangad na makitang ang kanilang mga anak ay nagsisilaki na maygulang, na mga adultong Kristiyano. Sa kasamaang palad, hindi ito ang laging nangyayari. Hindi kusang nangyayari na ang anak ng isang magulang na Kristiyano ay lálakí na isang Kristiyano. Bakit nga ganiyan?
Makikita natin ang isang dahilan buhat sa mga salita ni Pedro: “Gaya ng mga sanggol na bagong panganak, magnasa kayo ng gatas na walang daya na ukol sa salita, upang sa pamamagitan nito’y magsilaki kayo patungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2, 3) Ang payong ito na “magnasa” ay nagpapahiwatig na ang ating mga anak ay hindi magkakaroon ng natural na pagnanasa sa espirituwal na mga bagay. Baka kailangan na ating patubuin, o paunlarin, sa kanila ang gayong pagnanasa. Subalit, gaya ng ipinakikita rin ng teksto, kasangkot dito ang kaligtasan. Kung paanong ang mga bata ay kailangang matutong magkagusto sa nagpapalusog na pagkain kung ibig natin na sila’y lumaki na malusog na mga adulto, ganoon din na kailangang matuto silang masarapan sa espirituwal na pagkain kung ibig natin na sila’y ‘magsilaki patungo sa kaligtasan.’
Mga magulang—mayroon ba kayong mga anak na hindi pa mga tin-edyer? Ang inyo bang programa ng pagpapalaki at pagdisiplina ng anak ay gumaganang mainam para sa inyo hanggang sa puntong ito? Kung gayon, mabuti iyan. Datapuwat, baka magbago ang mga bagay-bagay sa mga taon ng pagkatin-edyer. Sa katunayan, samantalang ang mga suliranin ng mga taon ng paglipat sa pagkaadulto ay kung minsan pinasusobrahan ang pagkasabi, ang may karanasang mga magulang ay nagbababala na dapat mong asahan na mayroong darating na mga panahon ng pagkaligalig sa yugto ng panahong iyan. Ikaw ba ay makapaghahanda para sa mga iyan ngayon, habang ang iyong anak ay nasa kabataan pa? Oo, mayroong tiyak na mga hakbang na dapat kang gawin. Halimbawa, kailangang tulungan natin sila na magpaunlad ng . . .
Isang Matalik na Kaugnayan kay Jehova
Ang batang si Samuel, na ang pagkasilang ay isang kasagutan sa panalangin ni Ana, na kaniyang ina, ay ‘lumaki sa harapan ni Jehova.’ (1 Samuel 2:20, 21) Anong kahanga-hangang pagpapalaki ng anak! Alalahanin din na noong minsan dinala kay Jesus ng mga magulang ang kanilang mga batang anak. Sa pasimula, sila’y pinagalitan ng mga alagad, ngunit “nang makita ito ni Jesus siya ay nagalit at sinabihan sila: ‘Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilin, sapagkat nasa ganiyang mga bata ang kaharian ng Diyos.’” Sinang-ayunan ni Jesus ang mga magulang sa kanilang pagdadala sa kaniya ng kanilang mga anak. Kaniyang kinalong ang mga bata at binasbasan sila.—Marcos 10:13-16.
Ang mga magulang ba ngayon ay makatutulong sa kanilang mga anak upang ‘magsilaki sa harap ni Jehova’ at dalhin sila kay Jesu-Kristo, sa gayo’y tinutulungan sila na magpaunlad ng kaugnayan kay Jehova at kay Jesus? Magagawa nila ito, ngunit kailangan ang panahon. Si Jesus ay handang gumugol ng panahon kasama ng mga anak ng mga iba, kaya naman tiyak na makagugugol tayo ng panahon kasama ng ating sariling mga anak. Kung maaari, magsimula tayo sa pagkasanggol pa lamang, gaya ng ginawa ng ina ni Timoteo. (2 Timoteo 3:15) Magsalita tayo tungkol kay Jehova at kay Jesus bilang mga tunay na persona, at turuan ang ating maliliit na anak na pahalagahan ang kanilang kamangha-manghang mga paglalang. Pagka isinama natin sila sa parke, sa zoo, o sa mga lalawigan, ating matutulungan sila na makita ang kamay ni Jehova sa kamangha-manghang mga bagay na kanilang nakikita. Sa pamamagitan ng ating pakikipag-usap, mapauunlad natin sa kanila ang pagnanasang gawin ang matuwid sapagkat ito’y nakalulugod sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. (Ihambing ang Deuteronomio 6:7.) Huwag ninyong ipagpaliban ito. Ang panahon na maliliit ang ating mga anak ay lubhang napakaikli. Sila’y lumalaking mabilis, kaya’t ang panahong ginugugol na kasama nila ay mahalaga.—Mateo 19:13-15.
Mangyari pa, ang pangunahing paraan na magagamit natin sa pagtuturo sa ating mga anak ang katotohanan at matutulungan sila na maging malapit kay Jehova ay sa pamamagitan ng isang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Gayunman, ito ay magiging pinakamatagumpay kung ating . . .
Ginagawa Ito na Kasiya-siya
Isang ina na ibig na masiyahan ang kaniyang anak sa pampalusog na pagkain ay hindi pilit na ipinupuwersa sa kaniyang lalamunan ang napakaraming pagkain. Bagkus, kaniyang ihahanda iyon upang maging masarap kung kinakain at hihimukin ang anak na kainin iyon nang unti-unti lamang, anupa’t unti-unting ipinadarama sa kaniya na iyo’y masarap. Halos ganiyan ang kailangan para rin sa pagkaing espirituwal. Sa nagsisimula ka man ng isang programa ng pag-aaral sa unang-unang pagkakataon o ibig mong gumawa ng isang bagay tungkol sa iyong programa dahilan sa ang iyong anak ay nababagot, pareho rin ang kahilingan. Sikaping gawing kawili-wili ang programa.
Kung mga bata ang iyong pinakikitunguhan hindi naman kailangang laging ang gamitin mo’y isang pormalang paraan ng tanong-at-sagot, at hindi rin kailangan na ang bawat pag-aaral ay isang oras ang haba. Ibagay sa iyong anak ang pag-aaral. Kuwentuhan siya ng mga istorya tungkol sa mga karakter mula sa Bibliya. Hayaang siya’y gumuhit ng mga larawan ng mga tagpo sa Bibliya. Hayaan mong ang mga bata ay umakto ng mga pangyayari at mga drama sa Bibliya. Bigyan mo sila ng gawang-bahay na ihahanda. Gawin mo iyon na masigla at sarisari. Ibig mong ang iyong anak ay “magnasa” ng salita, kaya’t gawin iyon na pinakamasarap ayon sa magagawa mo para sa kaniya.—1 Pedro 2:2, 3.
Ang mga resulta ay sulit sapagkat ang mga iyan ay namamalagi ng mahabang panahon. Kung ang iyong anak ay nasisiyahan sa espirituwal na mga bagay pagka siya’y nasa kabataan, siya’y matutulungan na magpaunlad ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova na mananatili sa buong buhay niya. “Ilagay mo ang isang bata sa tamang daan, at kahit na sa katandaan ay hindi niya iiwanan iyon.” (Kawikaan 22:6, The New English Bible) Subalit may isang bagay pa na tutulong sa iyong anak na magkaroon ng pag-ibig sa espirituwal na mga bagay. Ano iyon?
Isang Maligayang, Timbang na Pamilya
Oo, kung paanong ang isang halaman ay madaling lumaki pagka ang lupa ay mataba at mahusay naman ang kapaligiran, ganoon din na ang isang bata ay uunlad sa espirituwal sa isang kapaligiran ng maligayang pamilya. Datapuwat, para ang gayong kapaligiran ay umiral, ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang gumugol ng panahon nang sama-sama. Mga magulang, tinitiyak ba ninyo na ang mga miyembro ng inyong pamilya ay gumugugol ng panahon na magkakasama at nakikipag-usap sa isa’t isa? Kayo ba’y may isang patakarang pampamilya tungkol sa panonood ng TV? sa paglilibang? sa gusto ninyong musika? sa pampamilyang pag-aaral? sa iba pang espirituwal na mga gawain? Ano ba ang kapaligiran sa pamilya tulad kung mga oras ng pagkain sa gabi? Sa maraming tahanan ang hapunan ang pinakamagaling na panahon para magsama-sama ang pamilya. Ito’y nagbibigay ng pagkakataon na pag-usapan ang mga pangyayari sa loob ng maghapon, magkaroon ng kaunting katatawanan at relaks na pag-uusap-usap. Ito’y makabubuti para sa lahat.
Tandaan din na samantalang ang mga anak ay nangangailangan ng espirituwal na mga gawain at kailangang tuparin nila ang mga responsabilidad sa tahanan, kailangan din nila ang panahon upang maglaro. Si Charles R. Foster sa kaniyang aklat na Psychology for Life Today, ay nagsabi: “Sa pagkilala ng kahalagahan ng paglilibang sa buhay ng kanilang mga anak, ang mga magulang ay dapat gumawa ng paglalaan upang ang mga anak ay masiyahan sa mga karanasang ito. . . . Habang lumalaki at nagkakaedad ang mga anak dapat na nilang makita ang kaugnayan ng mga gawaing ito at ang mga gastos ng pamilya pati na rin ang mga responsabilidad sa tahanan. Kung kanilang nakikilala ang mga ugnayang ito, at hindi naman nila ginagamit ang paglilibang upang maiwasan ang mga tungkulin at responsabilidad nila sa tahanan, ang resulta ay isang maligayang kalagayan sa tahanan.”
Ang mga magulang na tumutulong sa kanilang anak na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa paglilibang, sa trabaho, at sa espirituwal na mga bagay ay may malaking nagagawa sa kaniyang pagkakaroon ng kasiyahan sa espirituwal na mga bagay at sa kaniyang malapit na kaugnayan kay Jehova. (Ihambing ang 2 Timoteo 3:4b; Tito 3:3.) Ang gayong pagsulong ay magdudulot sa kanila ng malaking kagalakan. At mayroon pang isang bagay na mapasisimulan nilang gawin upang ang kanilang anak ay lalong higit na magpahalaga sa espirituwal na mga bagay sa kamusmusan pa lamang:
Tulungan Siya na Magkaroon ng Nararapat na mga Tunguhin
Ang pantas na si Haring Solomon ay nagbigay ng mabuting payo tungkol sa pagpapalaki ng anak nang kaniyang sabihin: “Sanayin mo ang isang bata ayon sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6) “Ayon sa daan na dapat niyang lakaran” ay maaaring mangahulugan ng ayon sa kaniyang kakayahan, o, baka ang lalong malapit, ayon sa paraan ng buhay, ang daan, ang tunguhin sa buhay, na nais mong piliin niya para sa kaniyang sarili. Sa gayon, isa sa pinakamahalagang paraan na magagamit ng isang magulang upang matulungan ang kaniyang anak na magkaroon ng higit na kaligayahan at espirituwalidad ay ang tulungan siya na magkaroon ng makabuluhang mga tunguhin. Ang mga tunguhing ito ay dapat na karapat-dapat sa kaniya at makatotohanan. Kailangan din na ang mga ito’y marating sa loob ng isang makatuwirang haba ng panahon. Pagkatapos, pagka narating na ang mga ilang tunguhin, ito’y magpapatibay-loob sa inyong anak na magtakda pa uli ng mga ibang tunguhin na mas mataas.
Isang karaniwang pagkakamali na hintayin na ang inyong anak ang magtakda ng kaniyang sariling mga tunguhin sa buhay. Ang karanasan ng isang bata ay totoong limitado. Kung ang mga magulang ay hindi tutulong sa kaniya na magtatag ng mga tunguhin, mayroong ibang tutulong—baka yaong mga kamag-aral niya o yaong mga guro na tagapayo niya sa paaralan. Ang mga Kristiyanong magulang ay makatutulong sa kanilang anak na magtatag ng mga tunguhin na kasuwato ng kaniyang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Ang mga bata ay maaaring magtakda ng kanilang tunguhin na may kinalaman sa kanilang pagiging kuwalipikado na maging estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Sa paglilingkod sa larangan, ang maiinam na tunguhin na maaaring isa-isang itakda ay ang pag-aalok ng handbill sa bahay-bahay, ang pag-aalok ng magasin, at sa wakas, ang pagbibigay ng isang simpleng sermon. Kailangang itakda ang mga tunguhin para sa pag-aaral. Ang mga bata ay maaaring unti-unting matuto ng pagkakasunud-sunod ng mga aklat ng Bibliya at makapagsaulo ng ilang mahahalagang mga teksto. Ang tunguhin na kung ano ang kukuning karera ay kailangang pag-usapan nang maaga. Bagama’t ang mga tagapayo nila sa paaralan ay maaaring nag-aalok ng isang uri ng karera, ang maaaring idiin ng Kristiyanong mga magulang na tunguhin ay iyong pupukaw sa interes ng batang lumalaki upang maglingkod kay Jehova, tulad baga ng pagpapayunir, Bethel, at pagmimisyonero.
Ibig din ng mga magulang na ang kanilang anak ay makadama ng paghawak ng responsabilidad. Kanilang matutulungan siya na sanayin ang kaniyang budhi salig sa mga simulain ng Bibliya. Habang siya’y lumalaki, dapat nilang ipaalam sa kaniya na sila’y nagtitiwala sa kaniya na ang gagawin niya’y yaong mabuti. Sa mga ilang pinagsisikapan niyang gawain maaari nilang bigyan siya ng limitadong kalayaan, at kung sakaling magkamali ang anak, matutulungan nila siya na matuto roon ng leksiyon, sa halip na buntunan siya ng katakut-takot na pamimintas. Ang pagkakilala sa kanila bilang maaasahan ay ipagmamalaki ng mga anak at may bahagi sa kanilang ‘paglaki tungo sa kaligtasan.’
Habang lumalaki ang bata, ang mga magulang naman ay nagmamasid para makita ang mga pagbabagong magaganap at kanilang ibinabagay ang kanilang ginagawang pagsasanay at pagdisiplina sa kanilang anak. Sila’y nakikitungo sa kaniya nang buong kataimtiman at prangkahan. Kanilang ipinaaalam kung ano ang kanilang damdamin tungkol sa kaniyang ikinikilos at mga pagbabago. Sa pagiging taimtim at prangka, kanilang inaasahan na siya naman ay malayang makikipagtalastasan din sa kanila—siya’y hindi magiging isang estranghero sa bahay ding iyon.
Ang batang si David ay nakitaan ng pagnanasa sa espirituwal na mga bagay. Ang mga awit na kaniyang isinulat ay nagsisiwalat ng matinding pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova. (Awit 23:1-6) Ang ganitong pagtitiwala kay Jehova ay nakatulong sa kaniya nang malaki nang humarap siya sa isang mabangis na oso, sa isang leon, at sa wakas sa Filisteong higanteng si Goliat na pinangingilabutan ng buong hukbong Israelita. Gunigunihin lamang kung paano ipinagmalaki ni Jesse, na ama ni David, ang kaniyang anak dahilan sa pananampalataya ni David! Si David ay nagkaroon ng matalik na kaugnayan kay Jehova na nanatili sa kaniya sa buong buhay niya. (1 Samuel 17:32-37, 45-50; Awit 19:9, 10, 14; 15:1, 2; 24:3, 4) Ang ating mga anak ay maaaring makapagtatag ng nakakatulad na malapit na kaugnayan at sila’y atin ding maipagmamalaki—kung sila’y ating tutulungan. Subalit hindi natin magagawa ito kung tayo’y nag-iisa.
Panalangin sa Paghingi ng Tulong
Nang mapag-alaman ni Manoa na siya’y magiging isang ama, siya’y humingi ng patnubay kung paano niya palalakihin ang kaniyang anak at kung paano niya sasanayin ito. Sinagot naman ni Jehova ang kaniyang panalangin. (Hukom 13:8, 12, 24) Ang mga magulang sa ngayon ay di-dapat magpabaya ng pagdalangin kay Jehova tungkol sa kanilang mga anak, na kanilang isamo sa kaniya na bigyan sila ng karunungan samantalang kanilang inaakay ang mga anak na ito sa daan ng buhay. Si Samuel, isang propeta ni Jehova, ay naniniwala na isang “pagkakasala kay Jehova” kung sakaling siya’y hindi nanalangin alang-alang sa bayan ni Jehova. (1 Samuel 12:23; ihambing ang Kawikaan 1:24, 25.) Tayo’y dapat ding makadama ng ganoong pananagutan sa ating mga anak. Ibig nating sila’y magkaroon ng pagpapahalaga sa espirituwal. Kailangan dito ang palagiang pananalangin para sa paghingi ng tulong.
Huwag Susuko
Madali ba ang alinman dito? Hindi nga. Ito ay kasiya-siya ngunit hindi madaling gawin. Pagka ang ating anak ay sumapit na sa pagkatin-edyer, tiyak na magkakaroon siya ng mga problema at mga krisis. Pagka ang mga ito’y nahalata na, huwag agad malilito. Isa-isahin na hanapin ang lunas at huwag aasang parang himala na matatagpuan ang lunas. Maging matatag ngunit huwag namang lalabis sa iyong pagkilos; iwasan ang matatalas na pananalita at sa halip ay matiyagang hanapin ang kalutasan sa problema. Kung tayo’y mananatiling mahinahon sa ganitong paraan, karaniwan nang lumalampas ang krisis, at minsan pang tayo’y nagiging malapit na naman uli sa ating anak.
Ang pinakamagaling ang ibig ng may-takot sa Diyos na mga magulang para sa kanilang mga anak. Ibig nating sila’y ‘magpahalaga sa sagradong mga bagay,’ magkaroon ng pagnanasa sa Salita ng Diyos, upang sa pamamagitan nito sila ay “lumaki tungo sa kaligtasan.” Kung minsan, totoo naman, sa kabila ng puspusang pagpapagal, nakikita ng mga magulang na lumalaki ang kanilang mga anak at pagkatapos ay tinatanggihan ang katotohanan. Gayumpaman, ang inyong masigasig na pagtulong sa inyong anak ay magbabawas ng posibilidad na mangyari ito. Sa tulong ni Jehova tayo’y magpapagal nang husto upang sanayin ang ating mga anak na lumakad sa daan na para sa kanila. Harinawang ang ating gantimpala ay ang makita silang magtiis ng paglakad sa daan ng katotohanan sa buong buhay nila.—Hebreo 12:16; 1 Pedro 2:2; Kawikaan 22:6.
[Blurb sa pahina 28]
Si Jesus ay kusang gumugol ng panahon sa pagtulong sa mga anak ng iba. Tiyak na tayo’y makagugugol din ng panahon sa pagtulong sa ating sariling mga anak
[Blurb sa pahina 29]
Kung ibig mong ang iyong anak ay ‘magkaroon ng pagnanasa sa salita,’ gawin iyon na pinakamasarap para sa kaniya