Manghawakan Tayong Mahigpit sa Ating Mahalagang Pananampalataya!
“Sa mga nagtamo ng pananampalataya, na itinuturing na may pribilehiyong kapantay ng sa amin.”—2 PEDRO 1:1.
1. Ano ang sinabi ni Jesus bilang babala sa kaniyang mga apostol, gayunma’y ano ang ipinaghambog ni Pedro?
NOONG gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya na iiwan siya ng lahat ng kaniyang apostol. Ang isa sa kanila, si Pedro, ay naghambog: “Bagaman ang lahat ng iba pa ay matisod may kaugnayan sa iyo, hindi ako kailanman matitisod!” (Mateo 26:33) Ngunit alam ni Jesus na hindi gayon. Kaya naman sinabi niya kay Pedro nang pagkakataon ding iyon: “Nagsumamo na ako para sa iyo na ang iyong pananampalataya ay huwag manghina; at ikaw, kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”—Lucas 22:32.
2. Sa kabila ng sobrang tiwala ni Pedro, anong mga pagkilos niya ang naghayag na mahina ang kaniyang pananampalataya?
2 Si Pedro, na naging labis ang tiwala may kinalaman sa kaniyang pananampalataya, ay nagtatwa kay Jesus nang mismong gabing iyon. Tatlong ulit pa nga niyang ikinaila na kilala niya si Kristo! (Mateo 26:69-75) Nang siya’y “nakabalik” na, ang sinabi ng kaniyang Panginoon na, “palakasin mo ang iyong mga kapatid,” ay tiyak na parang lagi niyang malinaw na naririnig. Ang nalalabing bahagi ng buhay ni Pedro ay lubhang naapektuhan ng paalaalang ito, gaya ng pinatutunayan sa kaniyang dalawang liham, na naingatan sa Bibliya.
Kung Bakit Isinulat ni Pedro ang Kaniyang mga Liham
3. Bakit isinulat ni Pedro ang kaniyang unang liham?
3 Mga 30 taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni Pedro ang kaniyang unang liham, anupat ipinatungkol iyon sa kaniyang mga kapatid sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, mga lugar na ngayon ay bumubuo sa hilaga at kanlurang bahagi ng Turkey. (1 Pedro 1:1) Ang mga Judio, na ang ilan sa kanila ay maaaring naging mga Kristiyano noong Pentecostes 33 C.E., ay tiyak na kasali sa mga sinulatan ni Pedro. (Gawa 2:1, 7-9) Marami ay mga Gentil na dumaranas ng matinding pagsubok sa kamay ng mga mananalansang. (1 Pedro 1:6, 7; 2:12, 19, 20; 3:13-17; 4:12-14) Kaya sinulatan ni Pedro ang mga kapatid na ito upang patibayin sila. Ang kaniyang layunin ay ang matulungan silang matanggap “ang wakas ng [kanilang] pananampalataya, ang kaligtasan ng [kanilang] mga kaluluwa.” Kaya, sa kaniyang pangwakas na paalaala, nagpayo siya: “Manindigan kayo laban sa [Diyablo], matatag sa pananampalataya.”—1 Pedro 1:9; 5:8-10.
4. Bakit isinulat ni Pedro ang kaniyang ikalawang liham?
4 Nang maglaon, sumulat si Pedro ng ikalawang liham sa mga Kristiyanong ito. (2 Pedro 3:1) Bakit? Dahil umiral ang isang mas malaking panganib. Sisikapin ng imoral na mga indibiduwal na itaguyod ang kanilang maruming paggawi sa gitna ng mga mananampalataya at ililigaw ang ilan! (2 Pedro 2:1-3) Isa pa, nagbabala si Pedro tungkol sa mga manunuya. Isinulat niya sa kaniyang unang liham na “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,” at ngayon ay maliwanag na tinutuya ng ilan ang gayong ideya. (1 Pedro 4:7; 2 Pedro 3:3, 4) Suriin natin ang ikalawang liham ni Pedro at tingnan kung paano ito nakapagpatibay sa mga kapatid upang manatiling matatag sa pananampalataya. Sa unang artikulong ito, tatalakayin natin ang 2 Pedro kabanata 1.
Ang Layunin ng Kabanata 1
5. Paano inihanda ni Pedro ang kaniyang mga mambabasa para sa pagtalakay ng mga suliranin?
5 Hindi agad tinalakay ni Pedro ang malulubhang suliranin. Sa halip, naghanda siya ng daan para sa pagtalakay sa mga suliraning ito sa pamamagitan ng pagpapatindi sa pagpapahalaga ng kaniyang mga mambabasa sa natanggap nila nang sila’y maging mga Kristiyano. Ipinaalaala niya sa kanila ang kamangha-manghang mga pangako ng Diyos at ng pagiging maaasahan ng mga hula sa Bibliya. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasabi tungkol sa pagbabagong-anyo, ang pangitaing personal na nakita niya tungkol kay Kristo taglay ang kapangyarihan ng Kaharian.—Mateo 17:1-8; 2 Pedro 1:3, 4, 11, 16-21.
6, 7. (a) Anong aral ang matututuhan natin sa pambungad ng liham ni Pedro? (b) Kung magpapayo tayo, anong uri ng pag-amin ang maaaring makatulong na gawin kung minsan?
6 Matututo kaya tayo ng aral mula sa pambungad ni Pedro? Hindi ba mas kanais-nais ang payo kung rerepasuhin muna natin sa mga tagapakinig ang mga katangian ng dakilang pag-asa sa Kaharian na pinahahalagahan nating lahat? At kumusta naman ang paggamit ng isang personal na karanasan? Malamang, pagkamatay ni Jesus, madalas na banggitin ni Pedro ang tungkol sa nakita niyang pangitain kay Kristo taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian.—Mateo 17:9.
7 Tandaan din na malamang na noong isulat ni Pedro ang kaniyang ikalawang liham, naipamahagi na nang malawakan ang Ebanghelyo ni Mateo at ang liham ni Pablo sa mga taga-Galacia. Kaya ang mga kahinaan ni Pedro bilang tao gayundin ang kaniyang ulat ng pananampalataya ay maaaring alam na alam na ng kaniyang mga kontemporaryo. (Mateo 16:21-23; Galacia 2:11-14) Subalit hindi ito nag-alis ng kaniyang kalayaan sa pagsasalita. Sa katunayan, maaaring ginawa nitong mas kaakit-akit ang kaniyang liham para roon sa mga palaisip sa kanilang sariling mga kahinaan. Kaya naman, kapag tinutulungan yaong mga may suliranin, hindi ba mas mabisa na amining tayo man ay nagkakamali rin?—Roma 3:23; Galacia 6:1.
Isang Nakapagpapalakas na Pagbati
8. Sa anong diwa malamang na ginamit ni Pedro ang salitang “pananampalataya”?
8 Isaalang-alang ngayon ang pagbati ni Pedro. Agad niyang binanggit ang tungkol sa pananampalataya, anupat tinukoy ang kaniyang mga mambabasa bilang “mga nagtamo ng pananampalataya, na itinuturing na may pribilehiyong kapantay ng sa amin.” (2 Pedro 1:1) Dito ang salitang “pananampalataya” ay malamang na nangangahulugan ng “matatag na panghihikayat” at tumutukoy sa kalipunan ng Kristiyanong mga paniniwala o turo, na sa Kasulatan ay tinatawag kung minsan na “katotohanan.” (Galacia 5:7; 2 Pedro 2:2; 2 Juan 1) Ang salitang “pananampalataya” ay malimit gamitin sa ganitong diwa sa halip na sa pangkaraniwang diwa ng pagtitiwala o kumpiyansa sa isang tao o bagay.—Gawa 6:7; 2 Corinto 13:5; Galacia 6:10; Efeso 4:5; Judas 3.
9. Bakit tiyak na naging lalong kalugud-lugod sa mga Judio ang pagbati ni Pedro?
9 Ang pagbati ni Pedro ay tiyak na naging lalong kalugud-lugod sa mga mambabasang Gentil. Hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Gentil, anupat hinahamak pa sila, at ang pagtatangi laban sa mga Gentil ay nanatili sa mga Judio na naging mga Kristiyano. (Lucas 10:29-37; Juan 4:9; Gawa 10:28) Gayunman, sinabi ni Pedro, isinilang na Judio at isang apostol ni Jesu-Kristo, na ang kaniyang mga mambabasa—mga Judio at mga Gentil—ay may iisang pananampalataya at nagtatamasa ng pribilehiyong kapantay ng sa kaniya.
10. Anong mga aral ang matututuhan natin sa pagbati ni Pedro?
10 Isipin ang maiinam na aral na itinuturo sa atin ngayon ng pagbati ni Pedro. Ang Diyos ay hindi nagtatangi; hindi niya pinapaburan ang isang lahi o bansa kaysa sa iba. (Gawa 10:34, 35; 11:1, 17; 15:3-9) Gaya ng itinuro ni Jesus mismo, lahat ng Kristiyano ay magkakapatid, at walang sinuman sa atin ang dapat makadamang siya’y nakahihigit. Isa pa, idiniin ng pagbati ni Pedro na tayo ay tunay na isang pandaigdig na kapatiran, na “may pribilehiyong kapantay” ng pananampalatayang taglay ni Pedro at ng kaniyang mga kapuwa apostol.—Mateo 23:8; 1 Pedro 5:9.
Ang Kaalaman at ang mga Pangako ng Diyos
11. Kasunod ng kaniyang pagbati, anong mahahalagang bagay ang idiniin ni Pedro?
11 Kasunod ng kaniyang pagbati, sumulat si Pedro: “Lumago nawa sa inyo ang di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan.” Paano lalago sa atin ang di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan? “Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon,” sagot ni Pedro. Pagkatapos ay sinabi niya: “Malayang ibinigay sa atin ng kaniyang maka-Diyos na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa buhay at maka-Diyos na debosyon.” Ngunit paano natin tinatanggap ang mahahalagang bagay na ito? “Sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa isa na tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaluwalhatian at kagalingan.” Kaya dalawang ulit na idiniin ni Pedro na mahalaga ang tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Anak.—2 Pedro 1:2, 3; Juan 17:3.
12. (a) Bakit idiniin ni Pedro ang kahalagahan ng tumpak na kaalaman? (b) Upang tamasahin ang mga pangako ng Diyos, ano ang dapat munang ginawa natin?
12 Ang “mga bulaang guro” na tungkol sa kanila’y nagbabala si Pedro sa kabanata 2 ay gumagamit ng “mga salitang palsipikado” upang linlangin ang mga Kristiyano. Sa ganitong paraan ay sinisikap nilang akitin silang bumalik sa imoralidad na mula rito’y nakaahon na sila. Kapaha-pahamak ang resulta sa sinuman na naligtas sa pamamagitan ng “tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo” at nang dakong huli ay napadaig sa gayong panlilinlang. (2 Pedro 2:1-3, 20) Maliwanag na dahil sa inaasahang tatalakayin sa bandang huli ang suliraning ito, idiniin ni Pedro sa simula pa lamang ng kaniyang liham ang papel ng tumpak na kaalaman sa pagpapanatili ng isang malinis na katayuan sa Diyos. Sinabi ni Pedro na “malayang ibinigay [ng Diyos] sa atin ang mahalaga at napakadakilang mga pangako, upang sa pamamagitan ng mga ito ay maging mga kabahagi kayo sa tulad-Diyos na kalikasan.” Subalit upang tamasahin ang mga pangakong ito, na isang mahalagang bahagi ng ating pananampalataya, sinabi ni Pedro, tayo’y dapat munang “nakatakas na mula sa kasiraan na nasa sanlibutan sa pamamagitan ng kalibugan.”—2 Pedro 1:4.
13. Sa ano determinadong manghawakang mahigpit kapuwa ang pinahirang mga Kristiyano at ang “ibang mga tupa”?
13 Paano ninyo minamalas ang mga pangako ng Diyos? Katulad din ba ng pangmalas ng mga pinahirang Kristiyano? Noong 1991, binuod ni Frederick Franz, ang presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, na nagtaguyod ng buong-panahong ministeryo sa loob ng mahigit na 75 taon, ang damdamin niyaong mga may pag-asang maghari kasama ni Kristo: “Nanghahawakan tayong mahigpit hanggang sa oras na ito, at manghahawakan tayong mahigpit hanggang sa aktuwal na patunayan ng Diyos na siya ay tapat sa kaniyang ‘mahalaga at napakadakilang mga pangako.’ ” Si Brother Franz ay nanatiling may pagtitiwala sa pangako ng Diyos na isang makalangit na pagkabuhay-muli, at nanghawakan siyang mahigpit hanggang sa mamatay siya sa edad na 99. (1 Corinto 15:42-44; Filipos 3:13, 14; 2 Timoteo 2:10-12) Sa katulad na paraan, milyun-milyon ang nanghahawakang mahigpit sa pananampalataya, anupat nagtutuon ng pansin sa pangako ng Diyos na isang makalupang paraiso na doo’y mabubuhay ang mga tao magpakailanman sa kaligayahan. Isa ka ba sa mga ito?—Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
Pagtugon sa mga Pangako ng Diyos
14. Bakit itinala ni Pedro ang kagalingan bilang siyang unang katangian na dapat ilaan sa pananampalataya?
14 Tumatanaw ba tayo ng utang na loob sa Diyos dahil sa kaniyang ipinangako? Kung gayon, nangatuwiran si Pedro, dapat nating ipakita iyon. “Oo, sa mismong dahilang ito” (dahil sa binigyan tayo ng Diyos ng napakahalagang mga pangako), dapat tayong magsikap nang husto sa pagkilos. Hindi tayo maaaring maging kontento na lamang sa pagiging nasa pananampalataya o sa basta pagkaalam ng katotohanan sa Bibliya. Hindi ito sapat! Marahil noong kaarawan ni Pedro ay lagi na lamang nagsasalita tungkol sa pananampalataya subalit nasangkot naman sa mahalay na paggawi ang ilan na kabilang sa mga kongregasyon. Ang kanilang asal ay dapat na may kagalingan, kaya nagpayo si Pedro: “Ilaan sa inyong pananampalataya ang kagalingan.”—2 Pedro 1:5; Santiago 2:14-17.
15. (a) Bakit itinala ang kaalaman kasunod ng kagalingan bilang isang katangian na dapat ilaan sa pananampalataya? (b) Anong iba pang katangian ang magsasangkap sa atin na manghawakang mahigpit sa pananampalataya?
15 Pagkatapos banggitin ang kagalingan, itinala ni Pedro ang anim pang katangian na dapat ilaan, o idagdag, sa ating pananampalataya. Bawat isa sa mga ito ay kailangan kung ibig nating ‘makatayong matatag sa pananampalataya.’ (1 Corinto 16:13) Dahil ang mga apostata ay ‘pumipilipit sa Kasulatan’ at nagpapalaganap ng “mga turong mapanlinlang,” sumunod na isinulat ni Pedro na mahalaga ang kaalaman, anupat sinabi niya: “Sa inyong kagalingan [ay ilaan] ang kaalaman.” Pagkatapos ay nagpatuloy siya: “Sa inyong kaalaman [ay idagdag] ang pagpipigil-sa-sarili, sa inyong pagpipigil-sa-sarili ang pagbabata, sa inyong pagbabata ang maka-Diyos na debosyon, sa inyong maka-Diyos na debosyon ang pagmamahal na pangkapatid, sa inyong pagmamahal na pangkapatid ang pag-ibig.”—2 Pedro 1:5-7; 2:12, 13; 3:16.
16. Ano ang mangyayari kung ang mga katangiang itinala ni Pedro ay ilalaan sa pananampalataya, ngunit ano ang mangyayari kung hindi ilalaan ang mga ito?
16 Ano ang mangyayari kung ang pitong bagay na ito ay ilalaan sa ating pananampalataya? “Kung umiiral ang mga bagay na ito sa inyo at nag-uumapaw,” ang tugon ni Pedro, “pipigilan kayo ng mga ito sa pagiging alinman sa di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2 Pedro 1:8) Sa kabilang banda, sabi ni Pedro: “Kung wala ang mga bagay na ito sa kaninuman, siya ay bulag, na ipinipikit ang kaniyang mga mata sa liwanag, at naging malilimutin sa paglilinis sa kaniya mula sa kaniyang mga kasalanan noong matagal nang panahon.” (2 Pedro 1:9) Pansinin na nagbago si Pedro mula sa paggamit ng “inyo” at “atin” tungo sa “kaninuman,” “siya,” at “kaniya.” Bagaman nakalulungkot, ang ilan ay bulag, malilimutin at di-malinis, buong-kabaitan namang hindi ipinahihiwatig ni Pedro na ang bumabasa ay isa sa mga ito.—2 Pedro 2:2.
Pinalalakas ang Kaniyang mga Kapatid
17. Ano ang maaaring nag-udyok sa malumanay na panawagan ni Pedro na isagawa “ang mga bagay na ito”?
17 Marahil natatanto na ang mga baguhan lalo na ay maaaring madaling malinlang, malumanay na pinatibay sila ni Pedro: “Mga kapatid, gawin ninyo nang lalo pang higit ang inyong sukdulang makakaya upang gawing tiyak para sa inyong mga sarili ang pagtawag at pagpili sa inyo; sapagkat kung patuloy na ginagawa ninyo ang mga bagay na ito ay hindi kayo sa anumang paraan mabibigo kailanman.” (2 Pedro 1:10; 2:18) Ang pinahirang mga Kristiyano na naglalaan sa kanilang pananampalataya ng pitong bagay na ito ay magtatamasa ng dakilang gantimpala, gaya ng sabi ni Pedro: “Saganang ilalaan sa inyo ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Pedro 1:11) Ang “ibang mga tupa” ay tatanggap ng walang-hanggang mana sa makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos.—Juan 10:16; Mateo 25:33, 34.
18. Bakit si Pedro ay nakahilig na ‘laging magpaalaala’ sa kaniyang mga kapatid?
18 Buong-kataimtimang ninanais ni Pedro ang gayong dakilang gantimpala para sa kaniyang mga kapatid. “Sa dahilang ito,” sumulat siya, “ay magiging handa ako na laging ipaalaala sa inyo ang tungkol sa mga bagay na ito, bagaman kayo ay nakaaalam sa mga ito at matibay na nakatatag sa katotohanan.” (2 Pedro 1:12) Ginamit ni Pedro ang Griegong salitang ste·riʹzo, na dito ay isinaling “matibay na nakatatag” ngunit isinaling “palakasin” sa naunang paalaala ni Jesus kay Pedro: “Palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32) Ang paggamit sa salitang iyan ay maaaring nagpapahiwatig na natatandaan ni Pedro ang matinding paalaalang natanggap niya mula sa kaniyang Panginoon. Sinabi ngayon ni Pedro: “Itinuturing kong tama, hangga’t ako ay nasa tabernakulong ito [ang katawang tao], na gisingin kayo sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa inyo, yamang nalalaman ko na ang pag-aalis ng aking tabernakulo ay malapit na.”—2 Pedro 1:13, 14.
19. Anong mga tulong ang kailangan natin ngayon?
19 Bagaman may kabaitang sinabi ni Pedro na ang kaniyang mga mambabasa ay “matibay na nakatatag sa katotohanan,” natanto niya na ang kanilang pananampalataya ay maaaring dumanas ng pagkawasak. (1 Timoteo 1:19) Yamang batid niya na malapit na siyang mamatay, pinalakas niya ang kaniyang mga kapatid sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga bagay na magugunita nila sa dakong huli upang mapanatiling malakas sa espirituwal ang kanilang sarili. (2 Pedro 1:15; 3:12, 13) Sa katulad na paraan, kailangan natin sa ngayon ng palagiang paalaala upang manatiling matibay sa pananampalataya. Sinuman tayo o gaano man tayo katagal sa katotohanan, hindi natin maaaring pabayaan ang regular na pagbabasa ng Bibliya, personal na pag-aaral, at pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. Ang ilan ay gumagawa ng mga dahilan sa di-pagdalo, anupat sinasabing sila ay lubhang pagod o na ang mga pulong ay paulit-ulit lamang o na ang paghaharap ay hindi gaanong mahusay, ngunit alam ni Pedro kung gaano kabilis na ang sinuman sa atin ay maaaring mawalan ng pananampalataya kung magiging labis ang ating pagtitiwala.—Marcos 14:66-72; 1 Corinto 10:12; Hebreo 10:25.
Matibay na Saligan ng Ating Pananampalataya
20, 21. Paanong ang pagbabagong-anyo ay nagpalakas sa pananampalataya ni Pedro at ng mga mambabasa ng kaniyang mga liham, kasali na tayo sa ngayon?
20 Ang atin bang pananampalataya ay salig lamang sa mga alamat na buong-katusuhang kinatha? “Hindi,” ang mariing tugon ni Pedro, “hindi sa pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha na ipinabatid namin sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kundi sa pagiging mga saksing nakakita sa kaniyang karingalan.” Sina Pedro, Santiago at Juan ay kasama ni Jesus nang makita nila ang isang pangitain tungkol sa kaniya taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Nagpaliwanag si Pedro: “Tumanggap siya ng karangalan at kaluwalhatian mula sa Diyos na Ama, nang ang mga salitang gaya ng mga ito ay ibinigay sa kaniya ng maringal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang aking iniibig, na akin mismong sinang-ayunan.’ Oo, ang mga salitang ito ay narinig naming ibinigay mula sa langit habang kami ay kasama niya sa banal na bundok.”—2 Pedro 1:16-18.
21 Nang makita nina Pedro, Santiago at Juan ang pangitaing iyon, ang Kaharian ay tiyak na naging totoo sa kanila! “Dahil dito,” sabi ni Pedro, “ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito.” Oo, ang mga bumabasa ng liham ni Pedro, kasali na tayo sa ngayon, ay may matibay na dahilan upang magbigay-pansin sa mga hula tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa anong paraan natin kailangang magbigay ng pansin? Sumagot si Pedro: “Gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso.”—2 Pedro 1:19; Daniel 7:13, 14; Isaias 9:6, 7.
22. (a) Sa ano kailangang manatiling alisto ang ating puso? (b) Paano tayo nagbibigay-pansin sa makahulang salita?
22 Didilim ang ating puso kung walang liwanag ng makahulang salita. Ngunit sa pagbibigay-pansin dito, ang puso ng mga Kristiyano ay napanatiling alisto sa pagbubukang-liwayway ng araw kapag ang “bituing pang-umaga,” si Jesu-Kristo, ay bumangon taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian. (Apocalipsis 22:16) Paano natin binibigyang-pansin ngayon ang makahulang salita? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, paghahanda at pakikibahagi sa mga pulong, at ‘pagmumuni-muni sa mga bagay na ito, at sa pagbubuhos ng pansin sa mga ito.’ (1 Timoteo 4:15) Upang ang makahulang salita ay maging gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang “dakong madilim” (ang ating puso), kailangang hayaan natin itong makaapekto nang malalim sa atin—sa ating mga hangarin, damdamin, motibo at mga tunguhin. Tayo’y kailangang maging mga estudyante ng Bibliya, sapagkat tinapos ni Pedro ang kabanata 1: “Walang hula ng Kasulatan ang lumitaw mula sa anumang sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:20, 21.
23. Sa ano inihanda ng unang kabanata ng 2 Pedro ang mga mambabasa?
23 Sa pambungad na kabanata ng kaniyang ikalawang liham, naglaan si Pedro ng mabisang pangganyak upang manghawakan tayong mahigpit sa ating mahalagang pananampalataya. Handa na tayo ngayon para sa pagtalakay sa kasunod na maseselan na bagay. Ang susunod na artikulo ay tatalakay sa kabanata 2 ng 2 Pedro, kung saan hinarap ng apostol ang hamon ng imoral na mga impluwensiya na nakapasok sa loob ng mga kongregasyon.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit idiniin ni Pedro ang kahalagahan ng tumpak na kaalaman?
◻ Ano ang maaaring dahilan kung kaya itinala ang kagalingan bilang unang katangian na dapat idagdag sa pananampalataya?
◻ Bakit nakahilig si Pedro na laging magpaalaala sa kaniyang mga kapatid?
◻ Anong matibay na saligan ang inilaan ni Pedro para sa ating pananampalataya?
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga kahinaan ni Pedro ay hindi naging sanhi upang talikuran niya ang kaniyang pananampalataya